Saturday, June 7, 2014

Proposed back cover texts

nasa final stages na ng pre-production ang raining mens. sa wakas!

at hiningian na ako ng back cover text. heto ang aking mga ipinanukala:


Proposed back cover text number 1:

Habol ako nang habol. Minsan, naisip ko, iba naman ang habulin ko. Pero nang mga panahon na ’yon, saka ka todong magpapakita ng giliw. Sa akin.

Tingnan mo, nagpapahabol ka rin.

Wala namang problema. Kahit habambuhay kitang habulin, okey lang sa akin.

Pero ipinapangako ko, alam mo, pag naabutan kita, hindi na kita pakakawalan. Yayakapin kita, hahalikan sa buong katawan, pagsasawain ko talaga ang mga labi ko. Tapos ikukulong kita sa aking matagal ding naghintay na mga palad. Nanamnamin ng mga daliri ko ang bawat balahibo mo. Hahaplusin kita nang hahaplusin. Pagkatapos, dahan-dahan kong pipilipitin ang leeg mo. Pipilipitin ko ito nang pipilipitin hanggang sa mapugtuan ka ng hininga.


Proposed back cover text number 2:

Nag-abot ang dalawa. Nagpambuno sila. Pagulong-gulong sa sahig. Natagpuan ko na lang na may hawak akong kutsilyo, iyong ginagamit sa kusina. Sabi ko, pag di kayo tumigil, sasaktan ko ang sarili ko. Hindi ko na hinintay ang tugon ng dalawa, hiniwa-hiwa ko ang likod ng palad ko. Nagkanda-stripe-stripe ang aking kamay. Pulampula ang bawat sugat. Tuloy-tuloy ako, ni hindi ako nag-aangat ng tingin. Biglang humaba ang kutsilyo, naging espada ng samurai.

Ako naman ang dahilan nito, paulit-ulit ko raw na ibinubulong sa sarili. Saka ko itinusok ang espada sa aking tiyan. Itinanim ko ito, tuloy-tuloy hanggang sa ang mismong handle na ng espada ang nakalapat sa aking sikmura, at para bagang dalubhasa sa harakiri, pinihit ko nang 45 degrees ang nakasagad nang espada. Bumagsak ako, padapa. Lalo itong bumaon, wari’y dugong nakatundos sa aking likuran.


Proposed back cover text number 3:

Noong unang panahon, naniniwala ako na kapag masayang-masaya ka, ang kasunod na eksena ay ikalulungkot mo nang bongga. Pag tawa ka nang tawa, asahan mong pagkaraan, iiyak ka.

Matagal na akong hindi naniniwala diyan. Nalimutan ko na nga na naniwala pala ako diyan once upon a time.

Kahapon, nangyari uli ito sa akin.

Ang saya-saya ko. Kasi nakatapos ako ng trabaho at akda. At bihira ’yon, a. Matagal kasi bago ako makasulat. Kailangan munang may pagkahigpit-higpit na deadline bago ako makatapos ng trabaho. At akda.

E, di natigmak ako sa tuwa? Nakatapos , e. Yahoo, yahoo.

Tapos kahapon din, nabalitaan ko, out of nowhere, na ang isang bagay na sobrang gusto ko noong-noong-noon pa, napakaraming taon ko nang pinangarap, ay hindi na pala puwedeng mapasaakin magpakailanman forever and ever magpasawalanghanggan amen.

End. Period. Kaboom-bookzhdash-chuk-chuk-tongks.

Naglaho ang luwalhati sa aking puso. Hanggang ngayon, nangingilo pa ako sa lungkot.

Hindi talaga puwedeng lagi kang masaya. Iyan ang isang palatandaan ng pagiging mortal.


Proposed back cover text number 4:

Binitbit ko siya palabas ng bahay at inilapag ko sa bangketang katapat ng tarangkahan namin. Tiyak akong may dadampot sa kanya rito. Iyon na ang magsi-CPR. Mouth to mouth pa siguro. Wala na akong pakialam.

Tanghaling umalis ako ng bahay, sinulyapan ko pa siya bago ako tumawid sa kabilang bangketa. Bye, ‘ka ko, salamat pero hanggang dito na lang tayo. Parang kumislap ang munting bakal sa kanyang strap.

Luha?

Biglang nagmadali ang suot kong sandals para makalayo sa lugar na iyon. Walang lingon-likod kaming umusad.

Pag-uwi ko noong gabi, wala na ang luma kong sandals. Sabi na nga ba, mabilis lang, sandali lang siya doon, makakatagpo agad siya ng bagong mga paa. Presentable naman kasi siya nang iwan ko. May konting tuklap-tuklap lang siya pero okey pa rin overall.

Pagpasok ng bahay, pagkahubad ng suot kong sandals, inatake ako ng emo-moments.

Nasaan na kaya siya ngayon? Masaya kaya ang bago niyang kasama? E, siya kaya, masaya? Nagkakasundo kaya sila? Baka nabibigatan siya sa talampakan nito. Baka nasusugatan niya ang bukong-bukong ng bago niyang paa. Magtagal kaya sila?

Sana nga. Mahirap naman iyong paulit-ulit kang iwan at ibilad sa bangketa.


Proposed back cover text number 5:

Minsan, pinandadakot ko ng tae ng kuting iyong tabloid na ’yon. Minsan naman, pinansasapin ko ito sa sahig bago umpisahan ang assignment sa MAPE, isang artwork na gawa sa basag-basag na balat ng itlog. Pero ang madalas ko talagang ginagawa sa Abante ay ang basahin ito.

Mula headline, columns, horoscope hanggang sports articles, binabasa ko. Pero ang pinakasinusundan ko ay ’yong Xerex, kasi nakakatawag-pansin ang wika nito. May sandata, wala namang gera. Antulis-tulis daw ng lapis pero hindi makasulat bagkus ay umiiyak. Ano ’yon? Automatic akong napapaisip kahit hindi ako pinipilit. Walang teacher sa tabi ko pero napapa-analyze ako. May dalawang bundok na hindi matayog, pag tinapik, aalog-alog. Paano nangyari iyon? Naaalog tuloy ang imahinasyon ko, napapalipad, napapasisid. Speaking of sisid, may hiyas daw na laging sinisisid. Perlas ba ito? Kung oo, bakit hindi na lang sabihing perlas imbes na hiyas? Hindi ba minimina ang karamihan sa mga hiyas? At bakit naman sisid ang salitang ginamit? May minero bang mahilig mag-swimming? Di ba siya mapapasma kung pagkatapos magmina, siya naman ay bubulusok sa tubig? Ba, takaw-sakit.

Kaya lagi kong inaabangan ang Xerex, ang weird ng mga tauhan dito. But wait, there’s more. Ang lawak pa ng vocabulary niya, kung makapaglista ng mga salita, mahihiya ang thesaurus. Hipo, kapa, salat, haplos, himas, lamas, dakma, lapirot, lamutak, at hindi pa nakokontento ang manunulat ng Xerex, dinodoble pa niya ang mga salita kung minsan.

Salat-salat
Kapa-kapa
Himas-himas
Lapi-lapirot
Lamu-lamutak

Parang may musika, di ba? May musika gamit lamang ang mga salita. Ahmeyzeng.


Proposed back cover text number 6:

Muli akong tumawag sa super school. Inilatag ko ang kalagayan ko: thirteen years nang solo parent, pa-extra-extra lang sa trabaho, walang sustento ang ama ng bata, kahit kailan, kahit magkano. Di pa po ba exempted ’yon?

Hindi po, sagot ng kausap ko sa telepono. Wala pong exemption. Kailangan po talaga, lahat ng estudyante rito ay may mga magulang, nanay-tatay, kasal.

Di ako makapaniwala.

Walang anak ng solo parent diyan sa inyo?

Ay, meron po.

A, meron. Iyon naman po pala! Bakit po ninyo tinanggap? Dapat tanggapin ninyo na rin po ako! I mean, ito pong anak ko.

Ma’am, namatay po ang tatay ng bata bago sila naikasal. Ayaw naman nang mag-asawa ng nanay. Kaya single pa ho siya hanggang ngayon.

Matulin akong umuwi para ibalita kay EJ ang lahat. Anak, ’ka ko, ito na, ito na. Ito na ang tinatawag na option.

Sumang-ayon naman siya. Puwede nga, Ma, sabi niya. Tapos hininaan niya ang sariling boses kahit dadalawa lang naman kaming talaga sa bahay. Parang may kung anong makulimlim na sasabihin.


Proposed back cover text number 7:

Habang kumakain kami, masuyong-masuyo ang bawat tingin sa akin ni Zal. Ako, nangingiti. Ano nga ba ’tong ginagawa ko? Naglalandi lang ba? Mahal ko na bang talaga si Zal? O masaya lang ako kapag kasama siya? Wala nga kaya siyang girlfriend? Mahal niya kaya ako? Baka sex lang talaga ang habol nito.

Teka, ano ba? Tama pa ba ito? Kung sex nga lang ang gusto niya, ayos lang ba sa akin ’yon? Gusto ko rin bang makipag-sex sa kanya? O baka naman gusto ko lang siya, period? Di kaya gusto ko lang makipaglandian? Ba, magkaiba ’yon. Landian saka aktuwal na sex. Laking pagkakaiba.

Di ko masagot ang sariling mga tanong. Sumasama sa bawat dighay ang natitira kong huwisyo.

Pagkakain, bumalik na kami sa kuwarto. At paglapat ng pinto, tinanong ko na siya ng, “Gusto mo bang

(talagang pinutol ko itong last proposed back cover text. as in last word ang bang. hehe)

sabi ni poy, masyado raw bayolente o dark ang mga napili ko. e kako, ganon talaga. hindi naman happy ang libro. kung mas light pa sa mga iyan ang pipiliin ko, baka madismaya ang reader sa pagbabasa niya ng aklat.

pero, teka, whatdyathink?

kung yan nga ang nasa likod ng libro, babasahin nyo ba ang content nito?

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...