Thursday, June 12, 2014

Maliliit na Kalayaan


Para sa kolum na Kapikulpi nina Beverly Siy at Ronald Verzo

Ngayong Araw ng Kasarinlan, magandang pagmuni-munihan kung tunay nga bang malaya ang ating bansa. Marami siguro ang magsasabing hindi pa tayo malaya. Kung susuriin ang kultura ng ating kabataan, ay, oo, matatanto nating alipin pa rin tayo ng dayuhan. Dahil sa matinding ebidensiya ng colonial mentality.

Pag tinanong mo ang kabataan ngayon, puro K-pop at Japanese anime ang paborito nila. Sa musika, si Taylor Swift ang nangunguna. Sa pelikula, mga walo sa sampung sinehan, produkto ng Hollywood. Sa porma, pag imported ang brand ng damit, mas cool. Hay. Sa pagkain na lang siguro talaga tayo makabayan. Wala nang tatalo pa sa dinuguan, adobo, kaldereta at mangga with bagoong sa hapag.

Bagama’t may mga ganitong uri ng preference ang mga Filipino (at kabataang Filipino, in particular), hindi rin natin maikakaila na sa kasalukuyan, malaya ang bawat Filipino na piliin ang kanyang gusto. Malaya ang bawat isa na magsalita ng kanyang isip at saloobin. Malaya na magpunta sa gusto niyang puntahan (basta’t kaya ng kanyang bulsa at kompleto ang mga hinihinging dokumento). Malaya sa paggamit ng wikang naiibigan niya. Malaya na mag-aral ng gusto niyang aralin (basta’t kaya ng kanyang bulsa, again, at kompleto ang mga hinihinging dokumento). Malayang lumikha ng kahit anong akda. Malayang pumili ng advocacy. Malayang pumili ng tao, bagay, hayop o konsepto na nais ipagtanggol. Malayang mag-isip tungkol sa kalayaan.

Siguro para sa iba, maliliit ang kalayaan na ito. Pero, hindi ba, ang anumang maliit kapag marami at pinagsama-sama ay nagiging malaki at dakila?

Ito ay ilan lamang sa mga dapat nating ipagdiwang. At sana, kapag inisip natin ang kabuuan ng maliliit nating kalayaan, ang mabubuong imahen ay mukha ng mga bayaning Filipino. Utang natin sa kanila ang lahat ng ito.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...