Thursday, April 18, 2013

Umpisahan natin sa mga bata!

ni Beverly W. Siy

May isang article si Bino Realuyo tungkol sa readership ng mga Fil-am sa mga Fil-am writer na tulad niya. Hindi raw sila binabasa ng mga Fil-am at wagas niyang ikinalulungkot ito.

Kahit hindi ko alam ang napakaraming factors kung bakit hindi binabasa ng mga Fil-am ang akda ng kapwa nila Fil-am ay magsa-
suggest pa rin ako.

Mag-umpisa sa mga bata.

I suggest, sumulat ng mga akdang pambata ang mga Fil-am at itodo ang marketing nito sa mga Fil-am community.

I believe mayroong sariling issues at mas distinct na kultura ang mga Fil-am at dapat lang na idokumento ang mga ito sa pamamagitan ng pagsulat ng mga akda. Lalo na ng mga akdang pambata. Palagay ko ay hindi sapat na pabasahin ng mga akdang gawa ng pure Pinoy ang mga batang Fil-am. Totoong makikilala nila ang kanilang roots at ang Pinoy culture pero may danger na hindi makaka-relate nang 100% ang mga bata dahil ang mga akdang gawa ng pure Pinoy ay kadalasang nakaangkla sa realidad ng mga batang pure Pinoy. At nasa Pilipinas! So ang best na magagawa ng mga ganitong akda ay ipakilala ang issues at kultura natin dito. Pagpasok naman sa eskuwela ng mga batang Fil-am, ang ipapabasa sa kanila ay pambatang akda na gawa ng mga Amerikano. Maaari silang matuwa sa mga ito, maaliw at matuto pero may danger na hindi makaka-relate nang 100% ang mga batang Fil-am dahil ang mga akdang gawa ng pure Amerikano ay kadalasang nakaangkla sa realidad ng mga batang pure Amerikano.

Ako, bilang isang manunulat, lalo na ng mga akdang pambata, ini-imagine kong maigi ang aking audience. Paano ko ba sila mapapatawa? Paano ko sila maaaliw? At kapag dalawa ang target market ko, may posibilidad na hindi ko ma-cater ang dalawang ito nang sabay.

Halimbawa na lang, kung magsusulat ako ng isang akdang pambata at ang nasa isip ko ay ang Fil-am market at ang 100% Pinoy market, ang produkto ay puwedeng swak na swak sa Fil-am market pero hindi swak na swak sa 100% Pinoy market. Puwede ring swak na swak sa 100% Pinoy market, pero hindi sa Fil-am market.

Noong isang taon, nakadalo ako sa isang assessment session ng pambansang patimpalak ng mga akdang pambata. Ginawa ang session pagkatapos ng awarding. Kinausap ng mga judge ang publishers ng mga akdang pambata at ipinaliwanag ang batayan ng pagkakapili at di nila pagkakapili sa ilang akdang pambata. Ipinahayag ng judges ang panghihinayang nila sa isang aklat na tungkol sa alpabeto. Ang ganda ng papel, ang ganda ng printing, ang ganda ng images, mukha ring mamahalin ang aklat. Pero ang mga salitang ginamit sa aklat na iyon ay hindi masyadong swak sa panlasa ng Pinoy na bata. Sabi ng publisher, international ang audience na nasa isip nila. Ayun. Kaya pala. Nauna ang labas bago ang loob. Bata muna sa labas bago ang bata sa loob. Hinayang na hinayang tuloy ang judges.

Ako rin, nanghihinayang ako sa ganon. Kung sa umpisa pa lang ay malinaw na sa publishers at creators ng akdang pambata ang kanilang audience, sana ay naging mas angkop ang nilalaman ng aklat. Mas sellable ito sa target audience.

Ngunit hindi rin naman natin maikakaila na may mga akdang unibersal ang hatak. Patok na patok si Harry Potter sa buong mundo. Ang mga fairy tale ng Grimms Brothers ay nasalin na at nagpalipat-lipat-bibig sa iba’t ibang bansa. Ang anime at manga ng Japan ay pinagkakaguluhan ng lahat.

Maganda talaga ang mga akdang pambata na nakakatawid sa iba’t ibang kultura ngunit isa o dalawang pangangailangan lamang ang napupunan ng mga ganitong akda.

Ang mga batang Fil-am, at ang tulad nila, ay may iba pang pangangailangang hindi mapupunan ng mga akdang unibersal ang hatak. Dito papasok ang mga akda ng kapwa nila Fil-am.

Mga kapatid sa ibang bansa, magsulat kayo, kumatha nang kumatha nang kumatha para sa inyong kabataan. Puwede ninyong paksain ang migration, ang displacement, ang mga katangian ng Filipino community sa inyong lugar, ang paghahanap sa identidad, ang maging Filipino sa inyong environment, ang sarili ninyong bersiyon ng adobo, ang pakikipag-email at chat sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas, sa inyong mga akda. Ay, ang dami! Ang daming puwedeng isulat.

Hindi kailangang umasa na lamang sa mga akdang manggagaling sa bansang Pilipinas. Kayo mismo ang lumikha ng para sa inyo, ng para sa sarili ninyong pangangailangan. Sa ganitong paraan, mas maa-appreciate ng kabataan ang panitikan, pati na ang kultura at sining ng inyong uri, ngayon at sa hinaharap.


Amen.


(Siyanga pala, ang suggestion ko ay hindi lang para sa mga Fil-am writer kundi para sa lahat ng Filipino immigrant. Yay!)


Ang article ni Bino Realuyo ay mababasa rito:

http://www.huffingtonpost.com/bino-a-realuyo/filipino-american-books_b_3008833.html?ncid=txtlnkushpmg00000036


Ang copyright ng larawan ay kay Ronald Verzo.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...