Saturday, April 20, 2013
ginipig
Sumisikip ang mga ugat ng puso ko dahil sa raket ko ngayon.
Nagta-translate ako ng isang questionnaire mula English to Filipino. Gagamitin ang questionnaire sa pag-aaral tungkol sa isang gamot, titingnan kung gaano ito kaepektibo, kung kasinggaling ba ito ng isa pang gamot, etc. etc. At kasama sa questionnaire ang paghingi ng pahintulot ng pasyente, at siyempre ang pagtatanong kung gusto ba niyang sumali sa pag-aaral na ito. Ipinapaliwanag din sa questionnaire kung ano ang hihingiin at inaasahan sa kanya at kung ano ang benefits na makukuha niya rito.
Nang ibigay sa akin ang proyekto, wala akong idea kung ano ito. (Pero dati na akong nagta-translate ng mga questionnaire na ginagamit sa ospital. Ito siguro ang dahilan kungbakit sa akin ibinigay ang proyekto.) Ngayong tinatrabaho ko na ito, saka lang pumasok sa isip ko ang mga bagay na isinaad ko kanina.
Ang proyekto ay galing sa ibang bansa. Bagama't Pinoy ang kaibigan kong nagbigay sa akin ng proyektong ito, nakita ko sa email thread ang pangalan ng pinagmulan na bansa ng proyekto.
Anyway, ang point ko: malamang, ang gamot ay gawa ng isang multinational company at gusto nilang itesting ito sa mga Pinoy.
Eto ang ilan sa realization ko:
1. Ipinapasalin ito sa Filipino dahil malamang na hindi nakakaintindi ng Ingles ang sasali o papatol sa pag-aaral na ito. O di kaya, ang mga lalapitan ng may pakana ng pag-aaral na ito ay iyong hindi nakakaintindi ng Ingles.
2. Kadalasan, sa Pilipinas, ang hindi nakakaintindi ng Ingles ay 'yong mahihirap.
3. At kadalasan, kaya sila nagkakasakit ay dahil marawal ang kalagayan nila, madumi ang pagkain (baka nga wala pang pagkain), walang mga vitamin na proteksiyon sana ng katawan, madumi ang tubig, o madumi ang lugar kung saan sila naninirahan.
4. Kadalasan din, wala silang pambili ng gamot o pampaospital kaya di sila agad na gumagaling sa sakit.
5. Kapag kailangan nilang manatili sa ospital, hindi sila naaasikaso nang mabuti dahil sa sobrang dami ng pasyente. Kanya-kanya ng diskarte ang mga pasyente sa public hospitals para lang maka-survive sila.
6. Sa proyektong ito, nagagamit ang talino ko sa pagsasalin.
7. Bahagi ako ng proyekto kung saan ginagawang ginipig (guinea pig) ang mahihirap.
8. Bahagi ako ng proyektong nagsasamantala sa mahihina.
9. Bahagi ako ng proyektong nagsasamantala sa sarili kong mga kababayan.
Ang manunulat, laging gutom. Kaya madalas ay tumatanggap ng raket-raket. Halimbawa, pagsasalin.
Mahirap mabuhay sa pagsusulat lamang. Pero ang manunulat, may konsensiya rin. Kadalasan, mas malaki ang konsensiya niya kaysa sa kanya mismo. Tipong hindi bale nang magutom, 'wag lang maging instrumento ng mga mapanamantala.
Sa lahat ng pasyenteng magiging ginipig ng proyektong ito, ipinauuna ko na ang aking paumanhin.
I am sorry.
Pangako, last na ito. Hindi na ako magsasalin ng mga dokumentong ikakapahamak ng ating uri.
Saka pasensiya na, tanga lang. Next time talaga, aalamin kong mabuti kung ano ang pinapasok ko. Hindi 'yong tulad nito, aba'y ikaka-heart attack ko pala habang tinatrabaho.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment