Saturday, April 27, 2013

Ang Pag-iral ng LIRA:

Isang Pagsipat sa Organisasyon ng mga Makatang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon
ni Beverly W. Siy

Ang pananaliksik na ito ay isang panimulang rebyu sa LIRA, ang pinakamatandang organisasyon ng mga makata sa Pilipinas. Kasama sa nirepaso ng mananaliksik ay ang nakaraan ng LIRA, palihan, mga proyekto at ang mga aklat na inilabas nito bilang isang organisasyon.

Ito ang napili kong paksa dahil ngayong 2013, ipinagdiriwang ko ang ikasampung anibersaryo ng aking pagiging kasapi sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino.

Noong 2003, makaraang dumaan sa pampanulaang palihan ng LIRA, ako ay tinanggap ng organisasyon bilang probationary member. Ginawa akong ganap na kasapi pagkatapos ng isang taon (nagsalingkit ako sa ikalawa kong round ng palihan ng LIRA!). Nahalal din akong P.R. Officer at pagkaraan ng ilang taon, ako ay nahalal na pangulo ng organisasyon (2007-2009).

Sa kasalukuyan, ang LIRA ay pinamumunuan ni Phillip Yerro Kimpo, Jr., isang manunulat na nagtapos ng BS Computer Science sa UP Diliman. Walang anumang senyales na hihinto sa pag-iral ang LIRA. Taon-taon pa rin ang palihan nito sa panulaang Filipino at patuloy itong lumalago ngayong panahon ng globalisasyon.

Ang Panahon

Ang LIRA ay anak ng panahong ito.

Ayon kay Shalmali Guttal, isang Senior Associate ng Focus on the Global South , ang globalisasyon ay isang terminong ginagamit upang ilarawan ang sari-saring pagbabago na nagbigay-hugis sa daigdig ngayon. Saklaw nito ang pang-ekonomiya, pangkultura, panlipunan at pampolitikang buhay ng mga tao nitong huling 50 taon.

Tuluyan nang natunaw ang Cold War at nagkabitak-bitak din ang Unyong Sobyet, at ayon kay Guttal, napabilis tuloy ang pagtanggap ng mga bansa sa kapitalismo bilang tanging economic order na makakalikha ng yaman. Sa South Africa, nalusaw ang tila higanteng iceberg na apartheid o racial segregation. Sa Asya naman ay pinakamatunog ang cultural revolution na pinamunuan ni Mao Zedong na siyang dumurog sa tendensiya ng Tsina na yumakap sa kapitalismo. Ngunit nang pumanaw siya noong 1976, pinasok na ng pagbabago ang higanteng bansa. Matatag ang paniniwala ng mga kabataang Tsino na dapat nang magkaroon ng pagbabago sa kanilang sistemang pampulitika ng Tsina. Di nagtagal, ibinukas na ang buong bansa sa impluwensiya ng banyaga.

Sa larangan ng agham at teknolohiya, minu-minuto kung isilang sa iba’t ibang bansa ang mga naiimbentong gamit para sa bahay, para sa dambuhalang mga industriya, para sa paggalugad ng mga sulok ng planeta at ng kalawakan at iba pa. Ubod ng bilis ang paglinang sa mga sistema ng transportasyon at komunikasyon. Mas malayo at mas marami na ang nararating ng tao. Lalong mas marami ang natutuklasan. Tuloy-tuloy din ang development ng mga computer mula nang ito ay maimbento noong dekada sisenta at ginagamit na rin ito sa pagpapalitan ng mensahe’t impormasyon
kaya’t mabilis nang nakakaikot ang impormasyon sa buong mundo.

Dahil dito, nagkaroon ng bagong kalakaran sa buhay at kultura. Sang-ayon sa obserbasyon ni Delfin Tolentino na nasa kanyang sanaysay na Ang Literaturang Pandaigdig sa Panahon ng Globalismo, lumawak ang mundo dahil ang dating hindi napupuntahan ay napupuntahan na ngayon. Bawat lugar namang matuklasan ay isang buong kultura ang kakabit.

Habang nangyayari ito, paliit din nang paliit ang mundo. Paano nangyari iyon?

Ayon pa kay Tolentino, dahil sa lumolobong populasyon, mas dumadami ang umookupa sa espasyo ng mundo. At dahil paliit nang paliit ang bukas na espasyo ng mundo, paliit din nang paliit ang maaaring mailaan sa bawat indibidwal. Ang pagliit ng mundo ay hindi lang naman usapin ng espasyo sapagkat dahil sa advanced na mga sistemang pangtransportasyon at komunikasyon, nabubura ang distansiyang naglalayo sa mga tao. Mas mabilis na tayong nakakarating sa nais nating puntahan. Mas madali nang makipag-usap sa kapwa nating nasa kabilang panig ng planeta. Ani Tolentino, parang magkakapitbahay na lang ang lahat.

Malaki ang epekto nito sa kultura. Naging ubod ng dali at bilis ng pagbubungguang-balikat at pagkikiskisang-siko ng sari-saring mga kultura at ito mismo ay lumilikha ng bagong kultura. Isang bagong kultura ng “global village.” Ayon muli kay Tolentino, may bago ring kulturang nalilikha ang
pagbubungguang-balikat at pagkikiskisang-siko ng kultura noon at ng kultura ngayon.

Kasabay ng napakaraming pagbabagong naganap sa iba pang bahagi ng mundo, narito naman ang mga pangyayari sa Pilipinas. Ilang taon pa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging pangulo si Ferdinand E. Marcos nang mahigit dalawag dekada. Sa kalagitnaan ng kanyang pamumuno, pinatupad niya ang batas militar. Mapanganib ang sumalungat sa kanya pero hindi nagpapigil ang mga aktibista para ihantad ang mga kalokohan ng pamahalaan.

Hindi rin napigil ng batas militar ang mga manlilikha ng bayan lalong-lalo na ang mga manunulat na isulat ang mga nangyayari. Isinalpak sa kanila ang di mabilang na bawal ngunit nagawan nila ng paraan na magamit at mailabas pa rin ang kanilang sining para kalabanin ang diktaduryang nananaig. Mula sa First Quarter Storm hanggang sa buntot ng batas militar, kaliwa’t kanan ang akdang bumabatikos sa gobyerno at naglalarawan ng tunay na lagay ng Pilipinas. Dumagsa ang tulang “pula.”

Nang mapatay si Senador Benigno Aquino, Sr. noong bumalik siya mula sa US (kung saan siya naglagi para sa self-exile), lalong tumindi ang pagsalungat ng mga mamamayan kay Marcos. Hindi lang mga aktibista ang nanggigil na mapatalsik ang pangulo. Sumama na pati ang mga negosyante, karaniwang empleyado, estudyante, tagasimbahan, lahat na!

Lalong “pumula” ang mga akda ng manunulat nang panahong iyon. Isa sa mga grupo ng manunulat na aktibo noon ay ang GAT o Galian sa Arte at Tula, isang organisasyon ng mga manunulat na itinatag naman ni Rio Alma noong 1973. Ayon kay Rio, naging makiling ang GAT sa pagtulang makalipunan at nakikisangkot sa pinakamaiinit na paksang pampolitika na siya namang pangunahing hamon ng panahon.

Ngunit ayon kay Mike Bigornia sa introduksiyon niya sa Unang Bagting, ang unang antolohiya ng LIRA, himutok daw ni Rio Alma na lahat o karamihan sa mga nalalathalang tula ng mga bagong makata ay “may sakit” at wari bang isinisisi ito sa pangyayaring ang “mga dapat asaha’y nagbubuhos ng pawis at isip sa iba’t ibang di-malikhaing gawain.” Sa pag-iisip daw ng paraan nitong si Rio Alma upang higit pang lumusog ang pagtulang Filipino, itinaguyod niya ang Rio Alma Poetry Clinic. Plano niyang gawin itong salaan at nursery ng mga makatang gustong pumasok ng GAT.

Sina Romulo P. Baquiran, Jr., Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr., Ariel Dim. Borlongan, Rowena Gidal, Ronaldo Carcamo, Dennis Sto. Domingo, Danilo Gonzales, at Gerardo I. Banzon ang mga kabataang lumahok sa poetry clinic ni Rio Alma o Virgilio S. Almario, ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Ginanap sa tanggapan ng Adarna House, nag-umpisa ang kanilang palihan nang Abril at nagtapos naman nang Disyembre 1985. Pagpatak ng 15 Disyembre nang taon ding iyon, pormal na itinatag ng walong kabataang makata ang LIRA.

Noon, isinilang ang aming organisasyon.

Ang Palihan

Ang unang pangulo ay si Dennis Sto. Domingo at anya, ang pagkakatatag ng LIRA ay tanda ng pagkakaibigan ng mga kasapi, pagtanaw ng utang na loob kay Rio, pagtataguyod sa kanyang Clinic at ang pagpapalaganap ng mga aral at simulaing napulot nila rito.

Gaya ng nabanggit kanina, ang LIRA ay isa lamang sa mga paraan ni Rio Alma para makatulong sa pagpapalusog ng panulaang Filipino. Ngunit higit pa sa lahat ng ito ang ginagampanan at ginagawa ng LIRA ngayong panahon ng globalisasyon.

Ayon sa sanaysay ni Guttal, sa pagbubukas ng kani-kaniyang pinto ng karamihan sa mga bansa sa buong mundo, naging mabilis ang pag-ikot ng mga produkto, serbisyo at kapital. Maganda sana ito kasi nae-expose ang lahat ng tao sa sari-saring produkto at serbisyo na kumakatawan sa kultura ng bawat bansa. Ngunit ang tunay na nangyayari, gamit ang napakarami nilang produkto, binabaha lamang ng mga bansang malaki ang kapital at well-developed na ang mga sistema ng produksiyon ang mga bansang walang masyadong kapital at hindi pa makaagapay sa mga hi tech na sistema ng produksiyon ng iba. Ito ang mga bansang less developed. Tulad ng Pilipinas. Mas nagmumukhang kawawa ang mga bansang tulad natin dahil madalas, nagiging tambakan lang tayo ng mga produkto ng mga bansang may kapital.

Nagiging consumer lang tayo ng kanilang mga produkto.

Kunwari, sa isang shelf ng mga sabon ay may sampung sabon. Siyam doon ang produkto ng isang bansang may kapital at isa roon ang produkto natin. Halos magkakapareho ang kalidad at presyo ng mga sabon na ito. Alin sa tingin mo ang mas mabibili?

Isa sa mga epekto ng globalisasyon ay homogenization. Sa usapin ng mga produkto, homogenization ng panlasa ng consumer. Dahil maging ang mga consumer sa mga bansang less developed ay unti-unti nang nabe-brainwash na mas maganda talaga at angkop sa kanila ang mga produktong banyagang dumarating sa kanilang bansa. Sa tulong ng well-developed na mga sistema ng produksiyon, napakabilis mayari at mai-distribute ang mga produkto nila. Bago pa makapagnilay-nilay ang mga consumer sa malawakang epekto ng pagtangkilik sa produkto ng banyaga, may bago na namang produktong inihahain ang mga bansang may kapital.

Isa lamang ito sa mga prosesong kaakibat ng globalisasyon. Pinag-aralan ni Ulrike Schuerkens, isang mananaliksik at tagapanayam sa Ecole des Hautes Etudes en Sciences Sociales, Paris, France, ang koneksiyon ng iba’t ibang global processes sa sala-salabid na pagdaloy ng mga elementong pangkultura na tumatawid sa mga hanggahan. At ayon sa kanya, hindi naman tanggap lang nang tanggap ang ginagawa ng isang kultura pag may pumasok dito na isang bagong kultura. Ani Shuerkens, “Often, groups play an active and creative role in the transformation of their own culture while handling inflowing cultural elements.”

Palagay ko, sa bagay na ito ay tagumpay ang LIRA.

Dahil pagdating sa tula, ayon kay Rio Alma sa kanyang introduksiyon sa Parikala, ang ikalawang antolohiya ng LIRA, hindi makakasama ang timplang may malakas na porsiyento ng katutubong kulay. Ibig niyang sabihin dito, bukas dapat ang isip ng makata sa iba’t ibang kultura o impluwensiya kapag siya ay nagsusulat ng tula ngunit makabubuti pa rin na ina-assert ng makata ang sarili niyang “kulay” o kultura sa kanyang pag-akda at hindi basta-bastang amount ng “kulay” o kultura kundi “malakas na porsiyento” ng sariling kulay o kultura.

Sang-ayon kay Tolentino, isa sa mga ibinunga ng globalisasyon ay ang pagkakaroon ng dilemma ng tao dahil sa naghihilahang puwersa ng tradisyon at katutubo at ng banyagang kultura at makabagong
pamumuhay.

tradisyon <------kontemporanyong tao---------> banyagang kultura
at katutubo at makabagong pamumuhay

Sa LIRA, tinutulungan ang makata na iangkop at gamitin ang dalawang magkabilang panig na ito para lalong pagyamanin ang tula. Ayon sa website ng LIRA: Bukas na bukas ang usapin ng klinika/palihan sa maraming isyu at ismong dumarating sa panulaan ng kasalukuyan, at tinatalakay at tinataya ang mga ito bilang susog sa tradisyong Filipinong patuloy na itinuturo ng klinika bilang nararapat at pangangailangang pintungan ng patuloy na paglikha at inobasyon.

Aber? Silipin nga natin ang mga detalye ng Palihang Pampanulaan ng LIRA.

Simula 1985, taon-taon nang nagdaraos ng palihan ang LIRA. Nagsisimula ito tuwing Hunyo at magtatapos ng Disyembre. Bukod sa mga senior member ng LIRA, mga premyadong makata at manunulat sa Pilipinas tulad nina Fidel Rillo, Marne L. Kilates, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Gemino Abad, Ed Alegre, Benilda Santos, Isagani Cruz, Cirilo Bautista, Elynia Mabanglo, Alfred Yuson, Allan Popa, Rolando B. Tolentino, Conchitina Cruz, Marc Gaba, Paolo Manalo, Soledad Reyes, Joi Barrios, Ma. Crisanta Nelmida-Flores, Santiago Villafania, Danilo Francisco M. Reyes, Romulo Sandoval (SLN) Ophelia Dimalanta (SLN) Silvino V. Epistola (SLN), Rene O. Villanueva (SLN), Alfrredo Navarro Salanga (SLN), Michael L. Bigornia (SLN), at ang mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Rolando Tinio (SLN) at Bienvenido Lumbera ang nagbibigay ng panayam at/o umuupo bilang mga panelist sa palihan. Tuwing Sabado ang palihan at tuwing Linggo naman ang panayam, mula 8:00-5:00 ng hapon.

Ayon pa rin sa website, ang Taunang Palihang Pampanulaan ay dinisenyo bilang pagsasanay-panulat na nakasandig sa kasaysayang pampanulaan ng Filipinas. Binubuo ito ng mga kurso ukol sa tradisyonal na pagtulang Filipino. Ilan sa mga batayang aklat dito ay (iyon nga lang, pulos isinulat ni Rio):

Balagtasismo versus Modernismo (1984)
Taludtod at Talinghaga (1985)
Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas atbp. (1992),

at ang mga idinagdag kamakailan lamang:

Mutyang Dilim: Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (2001)
at Pag-unawa sa ating Pagtula (2006).

Sa unang araw ng palihan, ang “Reklamasyon ng Pambansang Gunita” ang panudling na panayam ni Rio Alma. Paglingon ito sa mga panahong hindi pa dumarating ang mananakop. Dito pa lang ay makikita na ang isa sa mga tema na napansin din ni Tolentino sa panitikang pandaigdig: ang muling pagtuklas sa identidad ng kanilang lipi.

Gaano nga ba karami ang alam natin dito? O ang alam lang ninyo ay ang ngayon? Itatanong ni Rio sa audience ng panayam. Magbibigay siya ng ilang halimbawa ng katutubong panitikan mulang sinaunang panahon tulad ng matandang tanagang ito:

Katitibay ka, tulos.
Sakaling datnang agos
Ako’y mumunting lumot
Sa iyo’y pupulupot.

Kakaunti ang nakakaalam na mayroon tayong katutubong sistema ng pagtula. Mas sikat pa ang haiku, sonnet at villanelle samantalang inaagiw sa alaala ang mga tanaga, dalit at diona . Gayundin sa paraan ng pagpapahayag. Ang dramatiko, melodramatiko at madaldal na uri ng tulang Filipino lamang ang kilala natin. At pag ang tula ay marunong magtimpi at marunong gumamit ng mga simbolo, ito raw ay dahil sa impluwensiya ng pagtulang banyaga halimbawa yaong sulat ng mga simbolistang Pranses. Hindi ito totoo. Sabi ni Rio hinggil sa tanagang ito: Balintuna kung di man kakatwa na ngayo’y humihiram pa tayo ng himig sa Ingles o Pranses para kalamayin ang ating loob at magpahayag nang may hunusdili. O sadyang gayon katindi ang dinanas nating pagkasungyaw kaya nalimot natin ang sarili, inaaring atin ang di atin at inaaring angkat ang likas at katutubong atin?

Isang patunay ang tanagang ito (na tungkol sa nilalang na maliit ngunit marami, tulad ng lumot, na nagbibigay ng babala sa nilalang na malakas, matatag ngunit iisa lamang, tulad ng tulos) na ang ating ninuno ay napakataas ng antas ng talino sa pagkatha ng tula, may sarili itong sophisticated na sistema at anyo, at mapagtimpi, hindi nanggigil, ang paraan ng pagpapahayag.

Ilan lamang ito sa mga dapat ikarangal ng bawat Filipino.

Mabalik tayo sa palihan. Sa unang bahagi ay masinsing aaralin ng lahat ng kalahok ang sistema ng tugma at sukat ng pagtulang Filipino at sa mga susunod na session ay ang iba pang katutubong sangkap sa katutubong pagtula.

Heto ang nakasaad sa unang bahagi ng silabus na matatagpuan sa website ng LIRA:

Mga Pundasyon ng Pagtula
Tugma at Sukat
Balangkas, Himig, at Tinig
Talinghaga at Tayutay
Kasaysayang ng Pambansang Panulaan

Ngunit hindi lamang ito ang binibigyang-halaga at itinuturo sa fellows (ang tawag sa mga kalahok ng palihan), tinatalakay din ang mga anyong pampanulaan mulang Silangan at Kanluran at Modernismo at Panulaan. Itinuturo din ang Pagtula at mga Kapatid na Sining (Ekphrasis, atbp.) na maaaring gumagamit ng artwork na graphic arts o iba pang bagong anyo ng sining-biswal. Updated din ang palihan dahil sa session na inilalaan para sa Papausbong na Panulaan sa Pilipinas halimbawa ay ang Panulaang Pambata at iba pa. Hinggil naman sa mga usapin na kaakibat ng pagsusulat ng tula, nariyan ang session para sa Politika sa Tula: Kasarian, Uri, Lahi.

Pinagdaraanan ng lahat ng mga lumalahok sa palihan ang nakatala sa silabus. May pagkakataong binabago ito, sang-ayon sa pangangailangan ng mga lumalahok. Ang bawat palihan ay tumatagal ng pitong buwan, mula Hunyo hanggang Disyembre. Lingguhan ang pagkikita mula sa unang tatlo hanggang apat na buwan, tuwing Sabado at Linggo, depende sa pag-unlad na pangkalahatan ng mga kalahok. Matapos noon, magtatalaga na lamang ng mga linggo ng pagkikita at palihan. Inaasahan ding makikibahagi sa iba’t ibang gawain ng LIRA ang mga fellow. May abot-kayang matrikulang hinihingi sa unang araw ng klinika (P1,000 ngayong 2013), na siyang gagamitin sa pagpapakopya ng mga materyal sa mga lektura sa buong termino, at maging para sa munting handog para sa mga nagbibigay-panayam. Lahat ng kasapi ng LIRA na nakikibahagi sa gawain ay pawang boluntaryo at walang tinatanggap na kahit anong kabayaran sa kanilang paglilingkod.

Nakikita ng LIRA ang panganib na kaakibat ng matinding pagbabago at bilis ng pasok ng mga kultura dulot ng globalisasyon. Sa pamamagitan ng palihan, tinutulungan ng LIRA ang kabataang makata na mahanap ang sarili sa gitna ng napakaraming kultura at identidad. Tumutulong din ang LIRA na mapanatili ng kabataang makata ang kanyang paniniwala sa sariling kakayahan at sariling paraan ng pamumuhay.

Ilan sa Mga Proyekto

Maging ang mga proyekto ng LIRA ay sumasagot sa inihahaing suliranin na nabanggit kanina. Naisip ng LIRA na magbigay ng libreng seminar-workshop hinggil sa katutubong tugma at sukat sa mga guro ng pampublikong high school. Dahil nga puro haiku, sonnet at villanelle lang ang alam ng kabataan ngayon. Kaya’t noong 2008, sa pamunuan ni Beverly Siy at sa suporta ng National Commission for Culture and the Arts, ay isinilang ang proyektong Sining ng Tugma at Sukat (STS). Guro ang target audience upang mas malayo ang maabot ng alingawngaw ng mga aralin na matutuhan mula sa STS.

Sa kasalukuyan, higit sa 1,300 guro na mula sa 200 paaralan ng 22 bayan sa Luzon at Visayas ang napaglingkuran ng naturang proyekto.

Hindi lamang ang maturuan ang mga guro ng tugma at sukat ang layunin ng STS. Layunin din nito na mapagsulat ang mga guro ng sarili nilang tula sa Filipino. Ang bawat STS session ay binubuo ng panayam sa umaga at palihan sa hapon. Sa hapon, kinikinis ang mga tradisyonal na tulang isinulat ng mismong mga guro. Ito ay upang makatulong sa pagbibigay ng confidence sa mga guro na magsulat ng sariling tula nang sa gayon ay mailarawan nila ang bagay-bagay o ang daigdig batay sa kanilang world view.

Naniniwala ako na ang pagsasanib ng mga nalalaman at kasalukuyang karanasan ng mga guro (o kahit na sinong makata) at ng katutubong pagtula ay isang paraan ng pagpapakilala sa identidad ng Filipino ngayong panahon ng globalisasyon.

Usapin din ng Wika

Sa dalawampu’t walong taon ng pag-iral ng LIRA, Filipino ang wikang ginagamit ng kasapian sa pagtula. Ang mismong palihan para sa mga akda ay kino-conduct din sa wikang pambansa. Pagdating sa mga panayam, 95% nito ay sa wikang Filipino samantala ang natitirang 5% ay sa wikang Ingles o iba pang wika kung ang inimbitahang tagapanayam ay mas komportable sa wikang iyon.

Lahat ng tula sa apat na koleksiyon (mula Unang Bagting nang 1988 hanggang Lirang Pilak nang 2010) at sa apat na chapbook ng organisasyon (inilimbag ng LIRA at ng Vibal Foundation noong 2010) ay nasusulat sa Filipino. Filipino ang mga tulang binabasa ng kasapian sa mga poetry reading na inoorganisa ng LIRA. Simula nang maitatag ang LIRA, sumasali na ito o di kaya ay nag-oorganisa ng mga poetry reading sa iba’t ibang kampus at ang binabasa ng kasapian ng LIRA ay tula sa wikang Filipino.

Mula pa noong 2008 ay idinadaos na sa Conspiracy Bar and Garden Café, Visayas Avenue, Quezon City ang LIRAhan, isang monthly poetry reading na pinangangasiwaan ng LIRA. Tuwing ikatlong Martes ng bawat buwan, ang LIRAhan ay libre at bukas sa publiko. Kahit pa isang garden café o bar ang venue ng poetry reading, ibig kong sabihin ay labas na sa akademya ang gawaing ito, Filipino pa rin ang mga binabasang tula.

Ang lahat ng patimpalak sa tula na inorganisa ng LIRA ay sa wikang Filipino. Isang halimbawa nito ay ang Tulaan sa Facebook na inumpisahang itaguyod ng organisasyon noong 2010 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng LIRA. Para makasali, magsa-submit ng tula sa Filipino (nasa isang partikular na katutubong anyo ang tulang dapat ilahok) sa isang designated na Facebook page ang sinumang interesado. Sa isang social networking site na Ingles ang medium, isang patimpalak sa pagtulang Filipino ang nagaganap! Maituturing itong resistance sa pananaig ng wikang Ingles sa mismong mundo ng Facebook.

Ang pagpili sa wikang gagamitin sa pagtula ay isang statement na. Ang patuloy na pagsulat (at pagbabasa) sa napiling wika ngayong panahon ng globalisasyon ay isa ring statement.

Lalo na kung maging ang pangulo ng Pilipinas na si Gloria Macapagal Arroyo ay may pagkiling sa wikang Ingles at tumatagos ito sa karaniwang Filipino sa pamamagitan ng direktibang pag-aatas sa Departamento ng Edukasyon na gawing Ingles ang nag-iisang wikang panturo sa mga paaralan ng bansa.
Ayon sa Malakanyang, humihina raw ang Ingles ng mga Filipino kaya mas mababa ang tsansa ng mga ito na makahanap ng trabaho sa labas ng bansa. Sa globalisadong merkado ng trabaho, kailangan daw pag-ibayuhin ang pagpapahusay sa Ingles ng mga trabahador na iluluwas ng bansa.

Ayon sa obserbasyon ni Bienvenido Lumbera, isang kritiko at Pambansang Alagad ng Sining para sa panitikan, noong panahon ni Marcos, ang pagpapadala ng manggagawa sa ibang bansa ay isang pansamantalang solusyon sa kawalang kakayahan ng bansa na makapagbigay ng hanapbuhay sa kanyang mamamayan. Pero ngayon, sa ilalim ni Arroyo, mukhang permanente na ito dahil talagang gumagawa ng paraan ang pamahalaan para ihanda ang mamamayan nito na maging manggagawa sa labas ng bansa.

Sa madaling salita, nakikita ng pamahalaan ang mismong mga OFW bilang batis ng income. Kaya tine-train na sila nang maaga, sa paaralan pa lang, sa wika pa lang.

Sabi pa ni Lumbera, kailangan ng mga bansang may kapital at industriyalisado ang manggagawang tulad ng mga Pinoy dahil mas marunong tayong mag-Ingles kumpara sa manggagawang mula sa hikahos ding mga bansa, masinop tayo sa trabaho at maingat dahil ayaw matanggal sa trabaho. Ang mga bansang may kapital at industriyalisado ang siyang nakikinabang! Ang mga bansang ito ay ang pinagmumulan ng mga multinasyonal na alaga ng IMF-World Bank at Asian Development Bank, na ayon kay Guttal, siyang mga key player at utak sa likod ng globalisasyon, planado nila ang lahat ng ito. At kasabwat ang pamahalaang Arroyo.

Sa puntong ito, ang paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino tungo sa pagpapatatag nito ay isang offensive at defensive wall sa mga pamahalaang tulad ng kay Arroyo at bilang defensive wall din sa globalisasyon. Sabi nga ni Randy David, “A people’s language, the heart of its culture, is its last defensive wall against global homogenization.” Tumatatag ang “pader” sa piling ng LIRA ngayong panahon ng globalisasyon.

Teknolohiya at Tula

Sabi ni Guttal, sinasamantala at ginagamit ng mga multinational ang tuloy-tuloy na pagsulong ng agham at teknolohiya kaya sinusuportahan nila at pino-promote ang mga development na may kinalaman dito.
Isang halimbawang nakikita ko ay ang pag-invest ng multinationals sa mga tourist destination na sa mga “exotic” na lugar tulad ng mga isla sa Pinas at ang sagarang paggamit nila ng information technology, computer at internet para i-promote at i-market ang mga ito. Ngunit habang ginagawa ng multinationals ang pagpo-promote, hindi naman sila gumagawa ng paraan para protektahan ang tourist destinations. Dadagsa ang mga turista dito at magbabago ang lugar dahil sa kanila at pababayaan lang ito ng multinationals. Pag naabuso na nang husto at mukha nang busangot ang tourist destination sa sobrang pagdagsa ng turista, kukunin na ng multinational corporations ang kanilang investment (na kumita na nang sobra-sobra) at maghahanap uli ng bagong tourist destination at gayon muli ang gagawin nila.
Parang maduming basahan na itatapon na lang ng mga tagapagtaguyod ng globalisasyon ang dating tourist destination.

Ayon kay Guttal, “for every system of domination, there is a hacker.” May mga tao raw na kumikilos laban sa globalisasyon. Naghahanap sila ng alternatibong daan para sa ikabubuti ng lahat at ginagamit nila ang teknolohiya para magawa ito. Ang teknolohiya na ginagamit mismo ng mga tagapagtaguyod ng globalisasyon.

“Hacker” pala ang LIRA.

Sinasagad din ng LIRA ang paggamit sa information technology, computer at internet para i-promote at i-market ang pagtula, ang katutubong pagtula at ang sariling wika at kultura.

Muli ay nariyan ang Tulaan sa Facebook. Ani Louie Jon Sanchez sa panayam sa kanya para sa isang artikulo sa Varsitarian hinggil sa patimpalak, “bagay na bagay ang sa kaiklian ng plataporma ng FB ang ating katutubong anyo.” Kumbaga, sa pamamagitan ng FB, walang kapuhu-puhunan ang LIRA para i-set up ang platapormang ito, ay naipapakilala ng LIRA ang katutubong tulang diona na siyang kahingian sa patimpalak. (Ito ay may pitong pantig lamang kada taludtod at tatlong taludtod sa isang saknong. Isang saknong lamang na may isahang tugmaan ang kailangan para makasali ang kahit na sinong interesado.) Dagdag pa ni Sanchez na siyang kasalukuyang pangalawang pangulo ng LIRA, “muling naibabalik ang pagkakakilanlan ng katutubong anyo ng pagtulag Filipino, na kahit sumasagitsit ang teknolohiya, ay totoong nakakasabay.” Isa rin daw sa mga hangarin ng LIRA ay ang maibahagi ang tula sa mas nakakaraming tao sa pamamagitan ng social networking sites. Naging matagumpay daw ang proyektong ito sa paghimok sa mga Filipino na linangin ang pagiging makata.

Nabanggit din kanina ang mga chapbook ng LIRA. Ito ay isang serye na binubuo ng apat na maiikling koleksiyon: Lamang, Ilang, Rurok at Aninaw na inilimbag ng LIRA bilang printed copy at ebook sa suporta ng Vibal Foundation. Inilunsad ang Lamang noong Hunyo 15, 2010 sa Conspiracy Bar and Garden Café at noong Hunyo 28 sa Mag:net Café sa Katipunan, Quezon City. Muling inilunsad ang Lamang kasabay ang Ilang sa Manila International Book Fair, SMX Convention Center, SM Mall of Asia Complex, Pasay City noong Setyembre 2010 sa booth ng Vibal Publishing House. Ang printed na kopya ay ipinamimigay nang libre sa mga pampublikong aklatan at paaralan. Mayroon din itong ebook version.

Para sa akin ay napakahalaga ng move na ito ng LIRA dahil sa pamamagitan ng ebook version ay mas madaling makakarating sa ibang bansa ang koleksiyon nila ng mga tula partikular na ang seryeng ito ng chapbooks. Biglang naging buong globo ang merkado ng LIRA kung ikukumpara sa mga printed na kopya ng kanilang koleksiyon na medyo mahirap i-distribute dahil limitado ang bilang ng kopya. Hindi makapag-print nang marami ang publisher dahil hindi naman masyadong mabenta ang anumang aklat ng tula dito sa Pilipinas. Ayon sa National Book Development Board 2012 Readership Survey, ang mga aklat ng tula ang isa sa pinakakulelat sa listahan ng non-school book reads o NSB. Ito ang mga aklat na kusang binabasa ng karaniwang adult na Filipino, iyong kahit hindi nire-require sa paaralan ay binabasa pa rin nila. Malaki ang tsansa na hindi kumita nang malaki ang publisher ng mga aklat ng tula.
Ang pagpo-produce ng mga ebook version ng sariling koleksiyon ay isa sa mga paraan ng LIRA para lampasan ang challenge ng mahal na pag-iimprenta ng aklat.

Inihahanda ng LIRA ang ebook versions ng Unang Bagting at Parikala para sa ika-30 anibersaryo nito sa 2015.

Ang LIRA ay mayroon ding sariling website na laging updated at mayroon din itong aktibong FB account. Simula nang 2007 ay mayroon nang egroup sa Yahoo! ang LIRA para sa pakikipag-ugnayan ng mga kasapi ng pamunuan at para pakikipag-ugnayan ng buong kasapian. Simula noong 2005 ay mayroon ding egroup sa Yahoo! ang bawat batch ng fellows ng palihan para sa mas madaling pakikipag-ugnayan sa kanila.

Aktibong ginamit ng organisasyon mula nang 2006 ang mga blog at website para sa pagpapalaganap ng
impormasyon tungkol sa palihan at iba pang proyekto at gawain ng LIRA.

Ayon kay Guttal, ang mga “hacker” ay binubuo ng dumaraming kilusan na gumagalaw sa pandaigdigang antas. Matatagpuan sa mga kilusang ito ang sari-saring uri ng tao, ideya, kultura, wika, edad, propesyon at kasanayan. Kasama raw sa kilusang ito ang mga progresibong organisasyon ng karaniwang mamamayan, network, civil society organizations, nagsasariling miyembro ng akademya at ilan pang intelektuwal, mga alagad ng sining tulad ng manunulat (at makata!) at film maker, maliliit na negosyante, at maging ang ilang pamahalaan. Lahat sila ay gumagamit ng modernong information technology para kalabanin ang globalisasyon sa organisado, matalino at pangmatagalang paraan.

Palagay ko, lihim na kasapi ng ganitong kilusan ang LIRA. Bulinggit na bumabangga sa higante! At sa umpisa’y bulinggit at higante ang aakalaing mga susing salita sa nabanggit na pangungusap, pero bumabangga ang totoo.

Ilang Tema ng Tulang LIRA

Ilan sa mga tula ng LIRA na matatagpuan sa publikasyong inilathala nila bilang organisasyon ay sumasalamin sa sitwasyong dulot ng globalisasyon tulad ng malawakang diaspora ng ating kababayan na hindi mabigyan ng trabahong maayos at sapat ang kita. Sa unang dalawang saknong ng tula ni Jeffrey Espiritu Magtoto , makikitang itinuturing na “pagpapakamatay” ang bawat pag-alis ng isang OFW dahil pinatitigil niyang kusa ang pagtibok ng kanyang puso para matiis niya ang lumbay ng pagsisilbi sa banyagang lupain.

Ritwal ng OFW

Tuwing aalis ka, pinatitigil mo’y puso sa pagtibok.
Ika’y nagsasaksak ng tubo sa bawat mahalagang ugat
at ang alaala’y pinatutulo mo—hilig mapanood
o lutong bawal na, sikdo ng katawan o luha ng kabyak –

Sa boteng matibay ay itinatago sa ligtas na sulok,
parang pasaporte; saka sa arterya’y masidhing pormalin
ng iyong pangarap ang dadaloy upang puso’y di mabulok,
makapagtrabahong walang pagkatinag o alalahanin.

Hindi hayagang sinabi na anong uri ng gobyerno ang nag-ii-sponsor ng “suicide” ng bawat OFW na umaalis ng bansa. Hindi sinabi kung ano ang epekto ng “massive na suicide” na ito. Ngunit lahat iyon ay madarama sa paglalarawan lamang ng ginagawa ng OFW pagsapit niya sa Departure Area ng ating paliparan.

Narito naman ang isang tula hinggil sa “lokal na diaspora” na nangyayari namang talaga kaya mayroong 11.8 milyong Filipino ang nagsisiksikan sa Kalakhang Maynila. Nagsisipuntahan sa siyudad ang mga taganayon, paunti nang paunti ang gustong magsaka. Sa unang dalawang saknong ng tula ni Gerardo Banzon , maririnig ang isip ng isang taong iniwan sa nayon, sa bukid, pasan-pasan ang lahat ng responsabilidad ng kuya niyang nagpasiyudad. Isa rin itong sulyap sa hinaharap ng kanilang lugar.

Liham kay Kuya

Nagising ang umaga, tulad nang lumisan kang
Makipagsapalaran sa lungsod na pinita.
Agad akong nagpastol kahit lubhang madilim,
Marahil kagaya rin ng biyahe mong matulin.

Nagkape na lang ako nang ako’y bumalik;
Pinasan ang araro at lumusong sa bukid.
Tahimik ang paligid nang ako’y lumabas,
Di ko na naririnig ang iyong pangangarap.

Tumutula rin ang makatang LIRA hinggil sa sitwasyon ng kababaihan. Sa unang saknong ng tula ni Luna Sicat-Cleto, isang manunulat ang persona. Matagal na panahon bago dumami nang tuluyan ang mga babaeng manunulat. At ngayong kontemporanyong panahon, may ilang dahilan pa rin na pumipigil para makasulat nang makasulat ang isang babae lalo’t siya ay isang ina. Ibinulaga niya sa mambabasa na ang pagiging isang ina ay nakakaapekto sa literary production ng isang babae.

Ang Pasyon, Ayon sa Ina

Paano sumusulat ng tula ang isang ina?
Panakaw, ‘yan ang sagot.
Matapos pasusuhin, at patulugin ang anak
Lusot sa pinto, parang baliw na bula
Punta sa makinilya,
Sulat kaagad, bago mawala
Ang mga linyang kaninang-kaninapa namumuo
Ibig bumulwak, suso mang may layang lumipad.

Malay ang persona sa proseso ng kanyang pagkatha at bagama’t di niya ikinumpara sa proseso ng pagsulat ng kalalakihan, alam niyang mauunawaan na ito ng mambabasa. Na hindi pa rin pareho o pantay ang lalaki at babae kahit moderno na ang panahon. Walang dapat sisihin dahil likas naman ang pagkakalagay ng matris sa katawan ng babae. Hinding-hindi niya matatakbuhan ang katotohanang ito. Pero marahil, nais sa ating ipaunawa ng persona na nangangailangan ng higit na respeto ang babaeng makata dahil mas malaki ang kanyang isinasakripisyo sa bawat likhang tula.

Sa tula naman ni Phillip Kimpo, Jr. , mababasa ang pagkahumaling ng tao sa siyensiya at makabagong karunungan hanggang dumating sa puntong nalilimutan nlaong dapat ay makabuluhan din ang dalawang ito sa kanilang paligid. Ang obserbasyon ni Tolentino sa literaturang pandaigdig ay “masyadong nahuhumaling ang mga tao sa espiritu ng modernong pamumuhay at sa bilis daw ng mga pangyayari, napakalaki ng posibilidad na maisip ng marami na naglaho na ang mga lumang problema gayong naroroon pa rin ang mga ito, lamang ay nakukublihan ng mga sapin-saping pagbabago na nagbibigay ng ilusyon na normal ang takbo ng buhay.” Ang temang ito ang natagpuan ko sa Tala.

Tala

Nahiwagaan siya.

Itinanong niya tuloy sa kaniyang guro
kung bakit sa matataas na lugar
itinatayo ang mga obserbatoryo.

“Light pollution” daw.

“Nilulunod
ng labis na mga ilaw ng lungsod
ang liwanag ng mga tala.”

Lalo siyang nahiwagaan.

Pagkatapos ng klase sa umaga
at isang buong hapon ng halikwat-basura,
inakyat niya ang pinakamatayog na bundok
ng mga plastic, lata, karton, burak
at iba pang kalabisan ng lungsod.

Umupo siya sa tuktok
at doon ay pinagmasdan
ang mga tala.

Isinalaysay ang problema sa punto de bista ng bata. Hindi niya maintindihan kung bakit nagpapakatayog na tayo para mapag-aralan ang mga bituin habang ang batang tulad niya na ang simple-simple ng pangangailangan, hindi natutugunan ng lipunan. Kinutya ng persona ng tula ang kalabisan ng tao, ang kalabisan ng lungsod na wala namang naiaambag sa pagsulong at pagpapaganda ng buhay. Dumaragdag lang ito sa problema, nagiging bundok na pilit inaakyat ng mahihirap para makapagmuni at nang lubos na maunawaan ang kanilang palad.

Patuloy ang pagkatha ng kasapian ng LIRA ng mga tulang sumasalamin sa sentimyento ng bayan sa globalisasyon. At ginagawa nila ito sa paraang malikhain: iba’t ibang uri ng himig, punto de bista, persona, anyo ng tula at iba pa. Ginagawa nilang malikhain ang paghahain ng kritikal na asta upang mabilis at pailalim na maimpluwensiyahan ang mambabasa na magtanong hinggil sa nangyayari sa kanyang paligid, sa sariling bayan, sa sarili. Aakalain ng mambabasa, inaaliw lamang siya ng makata ng LIRA, ang di niya alam, tinuturuan na siyang tumayo sa sariling paa, tinuturuan na siyang magsuri sa likas at di-likas na mga pangyayari at hinihimok na siyang gumawa ng hakbang para makapaghanda sa kinabukasan.

Ang Papel ng LIRA

Magpapatuloy ang tahimik na pag-iral ng LIRA.

Sapagkat kayang-kaya nitong magbigay-sigla sa pagtula ng kabataang Filipino kahit pa sabihing sinauna, tradisyonal at katutubo ang ubod at puso nito. Dalawampu’t walong taon nang napatunayan ng LIRA na itatambal lamang ang mga ito sa iba’t ibang elemento ng kulturang pambansa at globalisasyon ay makakalikha na ng isang puwersang:

1. Walang sawang magtatanggol sa sariling wika at patuloy na maniniwala sa kakayahan nitong
humabi ng pinakamaririkit na taludtod,

2. Dudukal sa sariling kultura at karanasan para itampok sa mga tula,

3. At gigising at mag-aaruga ng nananahang makata sa puso ng bawat Filipino.

Palagay ko, sa dami ng nagawa, sa layo ng narating at sa taas ng naabot, isa lamang ang panalangin ng LIRA. Ito ay ang makapagdulot ng inspirasyon na maglingkod sa bayan ang lahat ng kanilang makasalamuha lalo na iyong mga tunay na makata.

SANGGUNIAN

Mga aklat

Almario, Virgilio S. ed. (2003) Ikatlong Bagting Koleksiyon ng mga bagong tula ng LIRA. Quezon City: LIRA at Maynila: UST Publishing House.

___________________ed. (2010) LIRAng Pilak 25 Taon ng Makatang LIRA. Quezon City: Vibal Foundation at Aklat LIRA.

___________________ed. (1990) Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata Parikala. Quezon City: LIRA at Manila: Kalikasan Press.

Baquiran, Romulo P. Jr. ed. et al (1988) Unang Bagting Mga Bagong Tinig sa Tula. Quezon City: Aklat Anahaw at LIRA.

David, Randolf (2002) Self, Nationhood and Citizenship An Invitation to Philippine Sociology. Pasig City: Anvil Publishing.

Guttal, Shalmali (2007) ‘Globalisation’, Development in Practice, Volume 17, Numbers 4-5. United Kingdom: Sage Publications.

Helvacioglu, Banu (2000) ‘Globalization in the Neighbourhood: From the Nation-State to Bilkent Center’, International Sociology. Spain: International Sociological Association through Sage Publications.

Lumbera, Bienvenido (2005) ‘Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura Ito ng Globalisasyon?’ in Constantino, Pamela C. (ed) Filipino at Pagpaplanong Pangwika Ikalawang Sourcebook ng SangFil.Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman, Quezon City: Sanggunian sa Filipino at Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.

_________________ (2005) ‘Literature Under the Republic (1946-1985)’, Philippine Literature A History and Anthology English Edition. Pasig City: Anvil Publishing.

Schuerkens, Ulrike (2003) ‘The Sociological and Anthropological Study of Globalization and Localization’, Current Sociology, May/July 2003, Vol. 51 (3/4). Spain: International Sociological Association through Sage Publications.

Tolentino, Delfin Jr. (1999) ‘Ang Literaturang Pandaigdig sa Panahon ng Globalismo’, in Chua, Apolonio ed. et al. Linangan. Quezon City: DFPP, UP Press.

Samar, Edgar Calabia ed et al (2010) Lamang, Ilang, Rurok at Aninaw Poetry Chapbooks. Quezon City: Vibal Foundation.



Mga website, blog at link

168.63.184.113/lirang-pilak-lira-vibal-foundation-to-launch-new-poetry-anthology/

archives.pia.gov.ph/?m=1&t=1&id=55761&y=2011&mo=09

census.gov.ph/statistics/quickstat

historyofcomputer.org/

lirapoetryclinic.wordpress.com/kasaysayan/

nbdb.gov.ph/images/Downloads/The_NBDB_Readership_Survey_2012.pdf

varsitarian.net/filipino/20111115/panitikan_sa_panahon_ng_social_networking

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...