Sunday, April 14, 2013

Pak U Journal: Third World kung Third World

Isang Panunuring Pampanitikan ni Beverly W. Siy

Ang Pak U at Ako

Una kong nakita ang Pak U Journal sa Facebook. May nag-tag sa akin kaya napunta sa Facebook wall ko ang isang retrato ng mga kabataang lalaki. Wala akong kilala ni isa sa kanila kaya di ko ito masyadong pinansin, pero gayumpaman, hindi ko malimutan ang pamagat ng hawak nilang journal: Pak U.

Sabi ko, naku, ano ba ‘to? Walang ka-subtlety-subtlety. Tiyak akong angas ng kabataan na naman ang laman ng ganitong babasahin. Pero masaya pa rin ako kahit medyo naiilang ako sa pamagat, at least, walang kupas ang alindog ng musa ng pagsusulat. Nakakahalina pa rin siya at, this time, sariwang laman ang kanyang mga biktima.

Muli kong nakita ang Pak U Journal sa Better Living Through Xeroxography (BLTX) noong 7 Disyembre 2012 na ginanap sa Ilyong’s Restaurant, Kalantiaw St., Cubao, Quezon City. Ang BLTX ay taunang event na inoorganisa ni Adam David, isang manunulat at indie publisher. Ang BLTX ay kinatatampukan ng mga babasahin mula sa independent publishers mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Karamihan sa indie publishers na ito ay mga estudyante sa kolehiyo. Sumali roon ang Ungaz Press, ang publisher ng Pak U Journal. Doon din ako bumili ng sarili kong kopya (sa halagang P85.00) pero hindi ko naman ito agad na binasa.



Muli kong nakaengkuwentro ang Pak U Journal sa Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) Book Club. Isa ako sa mga moderator ng PRPB, isang online community ng mga mambabasa na ang pokus ay ang pagbabasa ng mga aklat na gawa sa Pilipinas. Natuklasan kong isa sa mga kasapi namin ay kasapi rin ng Ungaz Press/Ungaz Boys. Ito ay si Ronaldo Vivo, Jr., ang tumatayong lider ng Ungaz Press/Ungaz Boys. Inimbitahan niya ang PRPB sa paglulunsad ng Pak U Journal bago mag-Pasko ng Disyembre 2013. Dahil dito, nagpasya ang mga moderator ng PRPB na bigyang-puwang ang mga babasahin mula sa indie publishers para sa periodical na sabayang pagbabasa ng buong grupo. Itong Pak U Journal ang napagkasunduang itampok sa sabayang pagbabasa. Pagkatapos ay napagkasunduan din ng mga taga-PRPB na dumalo sa paglulunsad ng Pak U Journal na ginanap noong 22 Disyembre 2013 sa The Hydra Bar, Timog Avenue., Quezon City.

Sa kasamaang-palad ay hindi ko tinapos ang pagbabasa dito. Sa introduksiyon at unang ilang mga kuwento, hindi ko na nagustuhan ang kanilang wika, extreme ang pagka-kanto. Hindi ko gusto ang kanilang paksa, naglulunoy na naman sa pagka-third world. Ayon kay Lyman Tower Sargent sa aklat niyang Contemporary Political Ideologies, ang third world ay iyong bansang naghahanap ng ikatlong ruta tungo sa kasaganaan dahil iniisnab ang landas na inaalay ng kapitalismo at komunismo. Tinitingnan daw ng isang third world na bansa ang sarili bilang mga exploited producers ng hilaw na materyales na siyang ginagamit ng ibang bansa para linangin ang kanilang industriya at yaman. Kadalasan din daw, ang mga third world na bansa ay ex-colonies, at dahil dito ay medyo nagsususpetsa pa sa lahat ng ikinikilos ng mga naging mananakop nito. Sa maikling salita, third world meaning developing country kung ikukumpara sa mga developed country. Third world, as in mahirap tulad ng ating bayan. Diyan nagsu-swimming ang Pak U Journal, sa mga imahen at usapin ng kadahupan, karahasan at iba pang kaugnay ng Third World. Kaya naman, sa isip-isip ko, hay, isa na naman sa napakarami! Palasak! Gasgas!

Higit nga pala sa lahat, hindi ko gusto ang anyo ng Pak U Journal, manipis, andaming typo error ng bawat akda at ang liit-liit ng font na ginamit. Literal na mahirap basahin.

Nagbago ang lahat ng aking pananaw sa Pak U nang muli ko itong basahin noong ikalawang semestre, AY 2012-2013. Isa ito sa mga pinabasa ng propesor naming si Vladimeir Gonzales para sa kursong Malikhaing Pagsulat (MP) 215. Pinili ko ito bilang babasahin ng aming grupo dahil nga kakilala ko na ang mga may akda. Naisip ko, sakaling nais magkakopya ng mga kagrupo ko, madali na lang ang bumili mula sa Ungaz Press, na napaka-active sa Facebook. (Ang dalawa pang pinapabasa sa amin ay: Pektus, isang koleksiyon ng maiikling katha mula sa dati at kasalukuyang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Circuit: The Blurb Project, isang antolohiya na pakana ng batang makata at critic na si Angelo Suarez.)

Sa pagbabasa, isa lang ang pinapabantayan sa amin ng guro: ang pagka-eksperimental ng bawat babasahin. At ang batayan ng pagiging eksperimental ay iyong mga natalakay sa klase: bago o di kaya ay hindi pa nagagawa sa komunidad na kinabibilangan, pagsasama-sama o paghahalo ng isa o higit pang bilang ng anyo ng panitikan sa iisang akda, manipulasyon ng umiiral na teksto, may paglalaro sa linearity ng naratibo at iba pa. Ito ang ilan sa mga minanmanan ko habang binabasang muli ang Pak U. Sa kadulu-duluhan, muntik na akong mapa-Pak U dahil hindi lang pala ang pagiging eksperimental nito ang aking matutuklasan.

Ang Pak U


Ang Pak U Journal ay inilimbag ng Ungaz Press noong 2012. Ito ay binubuo ng 17 kuwento, ilang guhit/illustrations, isang introduksiyon, isang table of contents na tinatawag na Shitlist ng mga may akda, pasasalamat at dalawang blurb mula kina Jack Alvarez at Mark Angeles, mga kabataang manunulat. Ang buong journal ay nahahati sa apat na bahagi: Pseudo, Absurdo, Kapritso, at Ulo.

Ang awtor ng mga kuwento ay sina:

Ronaldo Vivo, Jr.
Siya ang tumatayong lider ng grupo. Sa kanya nagmula ang ideyang maglabas ng Pak U Journal. Siya rin ang tumatayong editor ng Journal at tagadisenyo ng front at back cover ng journal. Aktibo siya sa Manila Metal Scene bilang isang musikero.

Danell Arquero
Siya rin ang nag-provide ng mga artwork/illustration sa journal.

Erwin Dayrit

Ronnel Vivo
Kapatid ni Ronald Vivo, Jr. at isa ring musikero sa Manila Metal Scene.

at Christian de Jesus.
Aktibista siya at kasapi ng isang unyon. Siya rin ang sumulat ng Babala na nagsilbing introduksiyon ng journal.

Ungaz Boys ang tawag nila sa kanilang mga sarili. Sila ay kabataang lumaki sa Pateros. Magkakabarangay sila at naging magkakaklase sa elementarya at/o high school. Nagkolehiyo sila sa PUP at Unibersidad ng Makati (UMak). (Pansinin na hindi sila produkto ng mga paaralang may matatag at tanyag na programa sa malikhaing pagsulat.)

Wika ng Pak U

Pangkalye ang wikang ginamit ng mga awtor sa lahat ng kanilang akda. Pasok na pasok bilang deskripsiyon sa kanilang wika ang mga salitang garapal, brutal at pang-tabloid. Bagama’t conversational ang wika ay tadtad naman ito ng mura. Tadtad din ito ng typographical errors at labis-labis na paggamit sa mga bantas. Parang walang nangyaring editing o proofreading man lang sa buong journal.

(Nakakapagtaka nga lang na lahat ng pangalan ng awtor ay walang typo error at maayos lahat ng pag-all caps at pag-small caps sa mga titik. Ano kaya ang kahulugan nito? Ang pangalan nila ay pulido, ngunit kapag para sa mambabasa, bara-bara?) Para ding walang nangyaring censorship. Buyangyang ang mga pagtatalik, buyangyang din ang pangalan ng mga bahagi ng katawan. Isinusulat din nila ang mga nakakadiri. Walang preno. Maging ang relihiyon ay nababanggit ngunit hindi naman binibigyang-respeto sa mga kuwento.

Sa kuwentong Molotov na isang dark comedy tungkol sa lupa ng mga elite na kinukuha ng gobyerno para gawing squatter’s complex, narito ang tatlong halimbawa:

1. Tang-ina mo talaga!- Sabay ang pagdura ng malagkit at hinug na hinog na plema sa pagmumukha ng nagmamarunong na tauhan.

2. (*)Putang-ina! Hindi tayo napaghandaan ng mga elitistang ‘to! –sabi ng napakamot sa ulo na sheriff.

3. Puki-ng-ina-mo! Bumaba ka dyan kung ayaw mong maputukan sa mukha! BABA!!!

Bagay na bagay ang mga diyalogo ng mga tauhan sa sitwasyon sa kuwentong ito. Ipinakita sa nang-uuyam na himig at absurdong sitwasyon ang nangyayaring negosasyon ng pulis/demolition team sa elitista na sa totoong buhay ay ang mga iskuwater. Nailabas ng may akdang si Ronnel Vivo ang opinyon niya tungkol sa usapin ng lupa sa urban area, paano ito nireresolba at anong nangyayari kapag idinadaan sa karahasan ang pagkuha sa lupang pinanirahan na ng ilang pamilya. Makikita kung gaano kalalim ang pag-unawa ni Vivo sa usapin ng iskuwater, lupa at ang stand ng gobyerno at elite dito.

Napakahusay din ng paglalarawan sa mga nangyayari sa isang demolisyon gamit ang hindi melodramatikong paraan.

Mula naman sa Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial ang halimbawang ito:

1. “Sorry, the ja-caller answered it correctly. You have to rip off your remaining skin.”
Waaaaaaaaaaaaaaah! Argggghhhhh. GGggGgGgGgRrrR! Huuhuugjashjahsausaushalkfdgsadsadas!

Ang akdang ito ay science fiction na suspense-thriller tungkol sa isang organismong kahugis ng isang bote ng Coca-cola ang katawan. Mukha itong seksing babae. Nang ipakilala siya sa publiko ay pinagkaguluhan siya. Marami ang nagbigay ng kanilang scientific hypotheses patungkol dito. Ang ending ay kinain ng organismo ang lahat ng tao sa research facility kung saan siya nakakulong.

Binubuo ng sampung units ng naratibo na may iba’t ibang punto de bista at himig, ang kuwentong ito ni Ronnel Vivo ay higit na maituturing bilang isang komentaryo kaysa bilang kuwento. Komentaryo ito ng may akda sa kagandahan at obsesyon ng mga tao ngayon sa physical perfection, obsesyon sa ilang icon ng pop culture tulad ng Coke (madalas ay kailangan pang gumawa ng kontrobersiya para lamang makapag-promote ng produkto) at sa papel ng media tulad ng TV commercial at TV show. Lahat ay gagawin ng media para lang makuha ang atensiyon ng manonood.

Dito ay napakadalas gumamit ni Vivo ng itals, bold, at eksaheradong paggamit sa mga titik at bantas. Binabago-bago rin niya ang font bilang indikasyon ng iba-ibang punto de bista.

Sa kuwento namang Live Show ay matatagpuan ito:

1. 8++++D,;-,;

Sa mabilis na pagtingin, aakalaing number eight, apat na plus sign, titik na D at ilang kuwit at tutuldok lang ito. Pero wala namang kinalaman ang mga ito sa kuwento. Kailangang pumaloob ang mambabasa sa mundo ng mga tauhan para malaman kung ano ito.

Ang Live Show ay kuwento ni Dante, isang batang basurero na may adik na ina. Isang araw, natiyempuhan niya ang ina kasama si Anton, ang nobyo ng kanyang ina, at si Mang Willy na isa namang pusher ng droga. Pumasok sila sa isang kuwarto sa kalamayan (looban/iskuwater) at nakipagtalik ang nanay ni Dante kay Mang Willy habang nagdo-droga si Anton. Ibig sabihin, ibinugaw ni Anton ang nobya niya para lang makaiskor ng droga. Napanood itong lahat ni Dante sa pagsilip sa butas sa dingding ng kuwarto. Mayamaya lang ay nilabasan si Dante.

Ito:
8++++D,;-,;
ay simbolo ng titi ni Dante nang siya ay labasan pagkatapos manood ng “live show.”

Sa puntong ito ay kinikiliti ng may akdang si Ronaldo Vivo, Jr. ang imahinasyon ng mambabasa. Ipinakita niya, literal, ang pagtagos ng titi at tamod ni Dante sa mga pahinang naglalaman ng world view ni Dante, isang batang basurero at ng mga adik tulad ng kanyang ina.

Mahusay din ang deskripsiyon ni Vivo sa paligid. Cinematic ito at kahit na marami na akong nabasang ganitong uri ng akda, para sa akin ay hindi naging cliché ang deskripsiyon ni Vivo sa pisikal na mundo ni Dante. Narito ang halimbawa:

1. Sabaw ng daanan ang tubig-kanal na kumawala sa kanal nito.

2. Walang pakialam ang dalawang buto’t balat na asong nagkakastahan sa gitna ng daan sa kabila ng pambabato ng mga buto’t balat ring mga batang hamog na sabog sa solbent. Walang mababakas na pagkasorpresa sa mukha ni dante. Dahil kabilang rin s’ya sa mga nakahambalang sa daan. Eskandaloso sa loob ng tahanan. Ma-trip na kabataan. Tae sa daanan.

Sa kuwento namang Pre-frontal Lobotomy, madalas ang gamit ng ellipsis para ihiwalay ang ilang bahagi ng kuwento sa isa’t isa. Gumamit din ang may akda ng mga makabagong anyong pasulat tulad ng itsura ng Facebook like, Facebook friends search at privacy ng isang Facebook account.

Mga Tauhan sa Pak U

Napakaganda naman ng line up ng mga tauhan sa Pak U. Malawak ang spectrum ng mga tauhan. May karaniwang tao (at hayop) tulad nina:

1. Romerson sa kuwentong Hin-dot Com

Si Romerson ay isang elementary student na nag-ipon ng P15 sa loob ng matagal na panahon para lamang makapag-internet siya.

Pagkagaling sa eskuwela ay diretso siya sa internet shop para mag-Facebook, mag-porn site (sana), mag-Youtube (sana), at para mag-copy paste ng ilalagay sa assignment. Kaya lang ay biglang nag-brownout dahil binabagyo na pala ang kanilang lugar. Pag-uwi, nakalubog na ang bahay nila sa baha. Natuwa ang nanay ni Romerson dahil walang kailangang bigyan ng baon bukas, suspendido siyempre ang klase.

2. Dante at Brawni sa kuwentong Catcher

Si Dante ay isang adik na isnatser sa Guadalupe at aso niya si Brawni. Mahal na mahal nila ang isa’t isa. Ipinakita rito ang dependence ng isang tao sa hayop at ang malahayop na existence ng isang tao tulad ni Dante. Isang araw, nang maabutan niyang patay sa kanilang bahay (na isang tagong bahagi ng bangketa) si Brawni, brutal niyang pinatay ang pinaghinalaan niyang sumalbahe sa alaga. Sa dulo, nasira ang ulo ni Dante dahil siya pala ay may rabies na.

3. Ang personang nagsasalita at si JC sa kuwentong Kalimutan Mo na si JC

Ang personang nagsasalita ay isang taong nagmamahal kay JC, isang karaniwang dalaga. Naging magnobyo sila pero naghiwalay din pagkaraan. Mahal pa rin ng personang nagsasalita itong si JC pero si JC ay nag-asawa na ng Amerikanong Negro para makarating sa ibang bansa.

Mayroon din namang di pangkaraniwang tauhan tulad ng sumusunod:

1. Mga tauhan sa kuwentong Pre-Frontal Lobotomy

Ito ay isang kuwento tungkol sa multiple personality disorder. Si Ricardo Tirona ay isang college student na hindi makaramdam ng “belonging” sa pinasukan niyang kolehiyo. Kaibigan, kaklase at kababata niya si Paula. Si Paula ay may ate, ang ate ay kaklase ni Josielyn Pelayo na may sakit na malala, namatay ito sa kalaunan ng kuwento. Si Josielyn ay may kapatid: si Jeff (na kabatch nina Ricardo at Paula) at si Jessielyn, (na isang magandang bata). Si Ricardo ay may nakitang babae sa pinuntahan niyang high school, nagandahan siya rito. Pagsapit sa dulo ng kuwento, may isa pang lumabas na tauhan, si Kim. Hindi malinaw kung sino ito at kung ano ang relasyon ng mga taong ito sa isa’t isa.

Bagama’t hindi malinaw ang takbo ng kuwento, ipinakita rito kung gaano ka-complex ang magkaroon ng isang maselang operasyon sa utak na nakakapagpabago ng nervous system. Nag-iiba ang personalidad ng isang tao dahil sa operasyon na ito. Naipasok ng awtor na si Ronnel Vivo ang kanyang opinyon tungkol sa mga kolehiyo na mas negosyo ang pagpapatakbo kaysa bilang isang educational institution, sa talino na kailangan para sa kolehiyo, sa ospital at sa opinyon ng mga doktor.

2. Sina Hesus Magno at Dante Montalban sa kuwentong Imbakero

Tungkol ito sa isang di totoong lugar at panahon na napaka-suryal (Sa Sta. Ana, Patasahay daw pero may allusion ito sa Pasay dahil sa terminong Kubeta Dome, katunog ng Cuneta Astrodome). Lider ng Sta. Ana, Patasahay si Hesus samantalang isa sa mga mamamayan si Dante. Inlab si Dante sa sarili niyang anak na 3 months old na nasa kanyang sinapupunan (oo, lalaki ang nagkakaroon ng sanggol sa sinapupunan sa lugar at panahon ng kuwentong ito), iyon si Evelyn Montalban. Pilit niyang itinatago si Evelyn para hindi makuha ng mga taga-Sta. Ana, Patasahay (sa pangunguna ni Hesus) kasi sa lugar na iyon, ang mga sanggol na babae ay ginagawang pagkain o kaya, ginagawang fuel.

3. Kristal Magdalena sa kuwentong Iglesia ng Red Horse ng mga Disipulo ng Emperador: Ang Gabi ng Pagsamba ni Kristal Magdalena

Si Kristal Magdalena ay isang baso at ang Emperador at Red Horse sa kuwento ay mga alak. Ikinuwento rito kung paanong nabuo ang unang journal. (Hindi sinabi kung anong journal.) Nabuo raw ito sa gitna ng inuman, diskusyones at pagrepaso sa nilalaman ng baybol (ang journal). Nag-umpisa ang kuwento sa pagbubukas ng alak na Emperador. Pinagpasa-pasahan nilang lahat si Kristal habang nag-iinuman ang mga disipulo ng Emperador. Nang maubos ang Emperador ay ang Red Horse naman ang binuksan at ininom. Bago matapos ang inuman at diskusyon, nabasag si Kristal at nagbangayan ang mga nag-iinuman.

4. Organismo sa kuwentong Ilang Eksena sa isang Coca-cola Commercial

Nabanggit na kanina ang detalye ng tauhan sa kuwentong ito.

Ang Paksa ng Pak U

Pagdating naman sa paksa, walang ipinagkaiba ang Pak U Journal sa iba pang koleksiyon na pumapaksa sa realidad ng Pilipinas partikular na ang pamumuhay sa siyudad at urban na lugar.

Pinaksa ang sukdulang kahirapan sa mga kuwentong Catcher, Live Show, at HIN-DOT-COM. Gayundin sa Batang Hamog (kuwento tungkol kay Noel na isang batang kalyeng nagnanakaw), Mga Santo sa Impiyerno (tungkol kay Ambet, isang construction worker na mahilig mag-inom, inis na inis siya sa asawa niyang si Mary Grace at sa nanay nito kasi palasimba sila pero napakapangit naman ng pag-uugali) at A Complex E[soterik]rotik Reality (tungkol sa mag-inang adik, nagtalik sila isang gabing pareho silang may tama ng droga).

Pinaksa rin ng Ungaz Boys ang malalang estado ng edukasyon sa Pilipinas sa kuwentong Room six-o-three kung saan namatay ang isa sa tatlong magkakaibigan dahil sa isang freak accident sa loob mismo ng classroom. May papel na ginampanan ang sira-sirang classroom sa pagkamatay ng estudyante. May ilang komentaryo din ang may akdang si Ronald Vivo, Jr. hinggil sa pagiging komersiyal ng mga kurso at produkto ng unibersidad pati na sa baluktot na proseso ng pagpili ng kurso sa kolehiyo.

Tunghayan ang ilang linya mula sa Room-six-o-three:

1. … dahil mataas daw ang demand sa abroad, malaki raw ang pera sa kursong ‘yon. Pero ‘yon na nga, iniwanan ang ayon sa kanya ay puro kaputanginahan na kursong di naman daw dapat ginagawang kurso.

2. Putangina, nilalangaw madalas ‘yang rotc na ‘yan. Wala halos gustong kumuha. Walang gustong mabilad sa araw, walang gustong magmukhang tanga sa ground habang naka Emilio Aguinaldo hair-cut, sinong may gustong mag-duck walk? S’yempre wala rin namang may gustong gagu-gaguhin ng mga pukinanginang bisakol power tripping officers na ‘yan, na ang bali-balita sa kampus ay mga bobong patapon at hibla na lang ang pag-asang manatili sa loob ng unibersidad dahil mga tirador ng singko. Mga putanginang cocksuckers. Pero ang ending, tinamad akong pumila sa hindot na lts, tangina ang haba e. Sinubukan ko ang cwts pero sarado na raw. Kaya pagtapos ng maghapon, naging ganap na miyembro ako ng minumura kong rotc.

Inilantad din ng may akdang si Christian de Jesus sa Obrang Maestra ang kalagayan ng isang state university at ang kalunos-lunos na karanasan ng mga nag-aaral dito. Love story ito pero nangingibabaw ang daldal at persona ng awtor sa bidang tauhan na si Minyong. Si Minyong, gaya ng napakaraming estudyanteng malikhain at masining ay napupuwersang kumuha ng mga kursong di nila talaga gamay, tulad halimbawa ng accountancy, dahil sa paniniwalang walang pera sa pagpapakadalubhasa sa sining.

Sinuri din ng Pak U Journal ang nananaig na kultura o ang tinatawag nating kulturang popular, sa mga kuwentong HIN-DOT-COM kung saan ipinakita ang pagkaadik ng kabataan (at halos ito na lamang ang laman ng kanilang aspirasyon) sa computer games, Facebook, porn sites at pag-Google para lamang mag-copy-paste ng asignatura, Ilang Eksena sa Isang Coca-Cola Commercial (kung saan may eksena sa isang talk show at iniinterbyu ang organismo, kung ano-ano lang ang itinatanong sa kanya tulad halimbawa ng “What do you prefer? 7 inch? 10 inch or 15 inch?”) at sa Imbakero (paulit-ulit ang eksena ng pakikinig at pagsamba ng mga taga-Patasahay sa kanilang lider na si Hesus Magno). Heto ang deskripsiyon sa isang worship session nila na palagay ko ay alusyon sa mga prayer rally na nagaganap sa malawak na espasyo tulad ng Quirino Grandstand sa Luneta:

1. Awtomatiko ang paghanga ng mga tao, awtomatiko rin nilang pinindot ang sigawan-machine. Hindi kasama ang mga babae sa mga pumindot. Matapos ang tatlong araw, itinuloy ng zone leader ang kanyang talumpati, ang huling bahagi. Sinimulan ng mga tao ang pagkakarga ng baterya sa kanilang mga sigawan-machine.

Sa kuwentong Buhay-Artista, Taping, at mga Gawaing di alam ng Audience, sentro ng kuwento ang showbiz. Ito ay tungkol kina Higor at Kephiyas, mga artistang papalaos na at nang fans day nila, hindi sila pinagkaguluhan. Pagkatapos ng isang taping na binubuo lang naman ng isang napakaikling dialogue ay naglaro ng computer game sina Higor at Kephiyas. Parang isang mahabang joke ang kuwento at patama ito sa absurdity ng showbiz at ng mga taong involved dito.

Iba pang elemento

Ang mga setting ay karaniwan, tulad ng isang internet shop sa binabahang lugar at isang state university, at di pangkaraniwan, tulad ng lugar na Sta. Ana, Patasahay at panahong tinukoy sa kuwentong Ilang Eksena sa Coca-Cola Commercial.

Ang estruktura ng mga kuwento ay may linear at di-linear, may eksperimental at may tradisyonal ngunit sa pangkalahatan ay may pagkatradisyonal pa rin ang Pak U. Kahit ang estruktura ng mismong journal ay tradisyonal.

Makikita sa unang bahagi o beginning ang mga blurb, introduksiyon/babala, Shitlist o talaan ng nilalaman, at pasasalamat. Sa gitna naman o middle ay ang mga akda at sa huling bahagi o end ay ang pagma-market ng ikalawang putok o ang kasunod na issue ng Pak U Journal.

Pagdating naman sa himig: ito ang maririnig sa Journal: himig na nang-uuyam, sentimental o emo sa mas popular na katawagan, kritikal/tumutuligsa sa nananaig na sistema, playful, seryoso, nangangaral/didaktiko at entertaining na bumagay naman sa mga tinalakay na paksa at nakadagdag sa pagiging literary ng buong koleksiyon.

Lahat ng elementong ito ay nakatulong upang makabuo ng collage ng isang third world ang Pak U Journal. At litaw na litaw ang authenticity ng collage na ito. Tatalakayin pa sa ibaba ang ugnayan ng nabuong collage sa produksiyon ng aklat.

Ang Pak U bilang Transgressive fiction

Bagong genre ang transgressive fiction. At ang teorya ko ay kabilang ang Pak U Journal sa genre na ito.

Ayon sa online Oxford Dictionary, ang kahulugan ng transgressive kung iuugnay sa maikling kuwento ay: mga maikling kuwento kung saan ang “orthodox cultural, moral, and artistic boundaries are challenged by the representation of unconventional behavior and the use of experimental forms.” Dito pa lang ay pasado na ang Pak U Journal bilang transgressive fiction.

Idagdag pa ang depinisyon ng Goodreads, ang pinakamalaking site para sa mga mambabasa (16 milyon ang miyembro mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo) at sa mga librong inirerekomenda nila.

Transgressive fiction is a genre of literature that focuses on characters who feel confined by the norms and expectations of society and who use unusual and/or illicit ways to break free of those confines. Because they are rebelling against the basic norms of society, protagonists of transgressional fiction may seem mentally ill, anti-social and/or nihilistic.

The genre deals extensively with taboo subject matters such as drugs, sex, violence, incest, pedophilia, and crime…
Unbound by usual restrictions of taste and literary convention, its proponents claim that transgressional fiction is capable of pungent social commentary …(Akin ang pagsasalungguhit.)

Ang depinisyong ito ay parang check list ng mga may akda ng Pak U!

Namumutiktik sa mga sitwasyong may kinalaman sa droga, sex, karahasan, incest at krimen ang Journal. Kadalasan ding hindi nare-realize ng mga tauhan ng kuwento ang kasamaang hatid ng mga nabanggit sa ginagalawan nilang mundo. Basta’t umiiral lang ang mga ito sa mga kuwento, hindi nag-aadvocate ng pagbabago, hindi humihingi ng pagbabago, minsan nga ay sanhi pa ng pagkakagulo tulad sa kaso ng mga Dante sa kuwentong Live Show, Catcher, Imbakero at A Complex E[soterik]rotik Reality. Si Noel ng kuwentong Batang Hamog ay nagnanakaw ng mamahaling gamit sa mga nakaparadang kotse sa Cubao. Nang mahuli ng mga pulis at dalhin sa presinto, doo’y tinakot-takot naman ito ng isang social worker. Sa dulo, binaril ng isang pulis ang batang si Noel. Tanging ang mambabasa lang ang nakakaalam na ama ni Noel ang pulis na bumaril sa kanya. Sa kuwentong Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial, walang awang kinain ng organismo ang lahat ng nasa research facility kung saan siya nakakulong.

Sinasagad din ng Pak U Journal ang cultural at moral boundaries ng mambabasa. Halimbawa na lang ay sa pagbanggit sa mga may kinalaman sa relihiyon. Sa ikalawang pahina pa lang ng aklat, kasunod ng title page, makikita ang pamagat ng blurb ni Mark Angeles: Sabi ni Jeezas, Pak U. Kung hindi matibay ang sikmura ng mambabasa, ay, talaga namang ibababa na nito ang Journal. Ang unang kuwento naman ay may paghahambing sa isang pagpupulong ng mga apostoles ni Hesus. Nabanggit ang mga salitang iglesia, disipulo, baybol, samantala ay Kristal Magdalena naman ang pangalan ng isa sa pangunahing tauhan, isang alusyon kay Mariang Magdalena ng Bibliya. Sa kuwentong Ilang Eksena sa Isang Coca-cola Commercial, mababasa ito:

Hindi malaman kung saan nagmula ang nilalang na ito.
Maraming nagsisulputang ispekulasyon at haka-haka.
Mayroong nagsasabing lumilitaw daw ito sa dulo ng ulo ng tumitigas na tanod ng Panginoon.

Sa kuwentong ito ay walang ibang nabanggit na Panginoon kaya ipinagpapalagay ko na ito ay tumutukoy sa Diyos, sa Diyos ng mga Kristiyano. Hinding-hindi ito isusulat ng bagitong manunulat na takot sa reaksiyon ng mambabasa, lalo’t Kristiyanong mambabasa, hindi ba?

Bagama’t nakakagulat talaga ang ilan sa mga nasa loob ng Journal, makikita naman na may gamit ang lahat ng nakakadiri at pangit na katangian ng mga tauhan at bagay na binanggit. Hindi ito basta pang-gulat factor lamang, lahat ay maingat na nakahabi sa bawat kuwento. Kumbaga sa baraha, walang pantapon.

Astig Freshness

Kung batayang elemento ang pag-uusapan, mukhang babagsak bilang isang eksperimental na akda ang Pak U Journal. Bagama’t may mga di linear na akda ay nangingibabaw pa rin sa kabuuan ang tradisyonal na linear na paraan ng pagkukuwento ng mga piyesa. Bagama’t may mga science fiction na akda, mas marami pa rin ang nakaugat sa realismo at, actually, parang mga apo ng Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes ang ilang mga eksena. Ang mga diyalogo ay puno ng mga pagmumura, anong bago doon? Pakinggan ang mga obrero sa nabanggit na akda ni EMReyes, ganon din silang magsalita. Conversational ang wika, wikang kanto, anong bago doon? Hindi ba’t nagawa na rin ito noon pa ni Jun Cruz Reyes?

Ang anyo at ilang paglalaro sa literal na anyo ng mga kuwento ang medyo bago-bago. Nariyan ang pagpapasok ng Facebook features sa prosa, ang paglalagay ng multiple choice na bigla ay pasasagutan sa mambabasa, ang mala-script na itsura ng sagutan ng ilang tauhan at ang palasak na paggamit at paglalaro sa mga bantas, font, size ng font, pag-all caps at pag-small caps, na mas madalas kong nakakaengkuwentro sa tula, partikular na sa concrete poetry, hindi sa prosa. At marami pang iba.

Palagay ko, ang unique selling point pa naman ng Journal ay ang pagiging astig, eksperimental, fresh at bago. So, pasang-awa nga lang ba ito? As in 50-50?

Hindi.

Dahil kung susuriing maigi ang mga akda, ang paraan ng pagkakabuo ng Journal at ang ginagawang pag-market sa Journal, makokompirma ang tagumpay ng Pak U.

Ang Proseso at Produksiyon

Ayon sa Ungaz Press na nakapanayam ko noong Pebrero 2013 sa pamamagitan ng kanilang Facebook account, graduating sila sa Pateros National High School nang maisip nilang maglabas ng journal. Kaya lamang, hindi ito nag-materialize dahil sa problema sa pera. “Hindi kakulangan sa badyet kundi ‘kawalan’ - wala kami ni pambili ng gulaman at Pillows sa Koop,” ani Ungaz Press.

Ilang ulit pa nilang tinangka na magsama-sama para bumuo ng journal kaya lang ay nahahatak sila ng iba’t ibang problema sa paaralan, sa trabaho, sa kawalan ng trabaho at iba pa. Noong Setyembre 2012, sa wakas ay natuloy ang laging nauudlot na pag-upo ng lahat para sa journal.

Heto ang kuwento ng Ungaz Press:

“Kinausap ni Ronaldo si Danell na gumuhit ng visuals para sa dyornal. Nag-set ng meeting ang grupo sa bahay ni Xtian. Syempre, di p'wedeng walang alak. Dumating lahat. Naro'n din si Erwin na no'ng gabi ring iyon nagpasyang magsusulat ng kuwento. Iyon na nga, habang inuman. Ang dami naming sinasariwang mga gunita, ‘yong mga katarantaduhan namin. ‘Yong mga naisulat namin noon na ngayon ay lubha naming pinandidirihan. Naglabas ng reading materials si Xtian. Nagkaroon ng mga diskusyon na nauwi sa gaguhan, asaran, debate, at pagpapabugso ng dibdib ng bawat isa. Naamoy namin no’ng gabi ring iyon na wala nang makakapigil sa amin.

Nasundan nang nasundan ang mga pulong/inuman/usukan. Nagset kami ng deadline. Kailangan, Nobyembre, mailabas na ang dyornal. Kaya buong Setyembre't Oktubre'y wala kaming ginawa kundi sumulat at magkonsultahan. Una'y 12 na kuwento lang dapat ang ilalabas. Pero dahil nga gutom ang mga Ungaz, umabot ng 17 na kuwento ang laman ng unang issue. Lumapit naman si Ronaldo kina Mark Angeles at Jack Alvarez para magpabasa at manghingi ng kaunting puna/blurb/rebyu. Nagpaunlak naman ang dalawa, salamat sa kanila. At iyon, inedit ni Ronaldo ang mga kuwento; mga typo at pagpili ng mga salita - hanggang sa kabuuang magiging hitsura ng dyornal - simula spacing, insertion, indention, etc.”

Sila ang nag-print, nagtabas ng papel, nagsalansan, nag-assemble at nag-stapler ng bawat kopya. 100% Do-it-yourself ang moda.

Pagsapit ng Nobyembre 2012, ipinost ng Ungaz Boys ang retrato ng Pak U Journal sa Ungaz Facebook page. Nagpa-pre-order sila at nagulat nang sa unang araw, higit sa 20 ang umorder. Pagka may umorder daw ay sinusubukan nilang makipagkita rito para lang maiabot ang kopya ng Pak U.

Sa madaling salita, sila-sila workshop, sila-sila writing/editing/layout/design/art/proofreading at maging sa publishing/marketing/distribution, sila-sila rin.

Third world na third world ang proseso at produksiyong pinagdaanan ng Pak U. Sa proseso at produksiyong ito, damang dama ko ang pinagmumulan ng lahat ng tauhan ng kanilang mga akda. Isa lang ang nag-edit at nag-proofread sa Journal, hindi pa propesyonal, kaya tadtad ng mga typo error at mali-maling grammar at pagbabaybay ang Journal. Halatang hindi dumaan sa standard process at “standards” ng kasalukuyang publishing industry na maaaring ituring na simbolo ng kaalwanan.

Itong pag-Do It Yourself ng mga Ungaz Boys sa kanilang journal ay maaari ding tingnan bilang pag-reject ng mga may akda sa konsepto ng publishing house kung saan kapitalista, therefore may hawak ng kapital, ang publisher, at manggagawa o intellectual worker ang manunulat. Sa ganitong set up, isa lamang instrumento ang manunulat at ang kanyang akda para kumita ang may hawak ng kapital.

Third world na third world din ang itsura ng Journal, ampangit ng printing ng cover, manipis ang papel at may lukot-lukot pa ang ilan, ini-stapler lang ang mga papel na tinupi sa gitna, ang nipis-nipis ng buong journal, ang liliit ng font, halatang siniksik, nagtipid sa space at sa papel. Kaya hindi kagulat-gulat kung ang laman nito ay tungkol sa kahirapan, panggigipit, basura, buhay-kalsada, buhay-looban at iba pa.

Na-incorporate at tumatagos ang mga paksa sa mismong anyo ng Journal!

Hindi ko ito naranasan kailanman sa mga babasahing tumatalakay sa kahirapan, halimbawa nito ay ang Responde ni Norman Wilwayco mula sa Black Pen Publishing na may mga kuwento rin sa kahirapan sa urban setting. Gayundin ang koleksiyon ng mga sanaysay ni Rene Villanueva na Personal na tungkol sa kahirapang pinagdaanan ng may akda at ng kanyang pamilya. Dahil lagi’t lagi, ang mga akdang ganito ay dumadaan sa publisher, kaya maayos na nae-edit at napo-proofread, may binabayarang artist para sa paggawa ng cover, pinapa-imprenta sa malalaking makina at pinupuhunanan talaga para maging ganap na libro. Kaya pagdating sa mambabasa, ayos na ayos ang itsura, at pag binuklat mo ay kakaunti ang duming makikita. Nababasa lamang sa pahina ang pagka-Third World. Hindi nae-experience gaya ng sa Pak U Journal.

Dagdag pa hinggil sa reading experience sa Journal, sa kaso ko, naantala ang pagbasa ko rito dahil nainis ako sa wika, sa liit ng font at pati na sa sandamakmak na typo error at mali-maling grammar at spelling.

Hindi ba’t ito ay isang uri din ng karahasan? Na siyang tampok sa Journal?

Pamagat pa lang, Pak U, nakakadama na ng karahasan ang mambabasa. Parang vine-verbal abuse na siya ng Journal. Sa dami ng typo error at maling grammar at spelling, dagdag pa ang drawing sa front cover (isang fetus na ang daliri ay nakapormang “fuck you”) at sa back cover (halos close up shot ng asong nagtatalik), di maipagkakailang may idinudulot na visual at emotional assault ang Journal sa sensibilidad ng mambabasa.

Ang front cover

Ang back cover



Pati ang tawag ng Ungaz Boys sa mga reader nila, ungas din! Na ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay nangangahulugang tunggak. Ang tunggak naman ay (ayon sa nasabing diksiyonaryo) mahina ang ulo o taong nahihirapan umunawa o matagal umunawa. Narito ang baryasyon ng salita: mangmang, tanga, bobo, at iba pa. Mula sa Facebook wall ng Ungaz Press, narito ang caption ng mga retratong nagtatampok sa mga mambabasa ng Pak U:

Ang mga naunang UNGAZ [Guada Groove]
Ang mga humabol na UNGAZ
Ang mga pinagpalang UNGAZ

Kung ang mambabasa ay sinusuyo nang husto ng karaniwang manunulat, iba ang ginagawa ng Ungaz Boys. Ipinapakita ng kanilang Journal na kahit sino ka pa, kahit sino ang mambabasa ay hindi makakatikim ng respeto mula sa kanila, mula sa tulad nilang mga ungas. At iyon ang ugat ng lahat ng uri ng violence, ang kawalan ng respeto sa kapwa. Ito rin ang dahilan ng lahat ng karahasan na naganap sa kanilang mga kuwento.

Ano ang nagawa ng Journal na hindi nagawa ng iba pang babasahin na tumalakay sa karahasan? Na-incorporate nito ang karahasang nagaganap lamang sa mga kuwento sa mga pahina at literal na itinatawid para makarating at maranasan mismo ng mambabasa.

Para ding nagbebenta ng ilegal na droga ang mga Ungaz Boys kapag ibinebenta nila ang Pak U.

Unang-una, mahirap itong hanapin, na maaaring ituring na isa na namang uri ng violence, mental violence to be exact, dahil sa Facebook account nila, ipino-post nila ang mga larawan ng mga taong nakakabili ng kopya. Ang maiisip tuloy ng tutunghay doon, napakadaling makahanap ng Journal.

Pero hindi pala.

Noon, walang makikitang Pak U sa kahit na anong bookstore. Para magkakopya, kailangan talagang makipag-ugnayan sa mismong mga supplier ng Pak U na walang iba kundi ang Ungaz Boys.

Ito ay isang indikasyon ng pagiging non-mainstream ng Journal. Ano pa nga ba ang aasahan sa ganitong uri ng publikasyon na walang masyadong resources para sa distribusyon? Mahahanap lang siya ng mga taong gustong magkakopya. Titiyagain siya ng mga taong gustong magkakopya.

Ibinahagi ng kaklase kong si Ellen Macaranas (na isa ring guro ng Filipino sa Batangas State University) kung paano siyang nakabili ng kopya mula sa Ungaz. Nag-message daw siya sa FB ng Ungaz Press, sumagot naman ito agad at pagkatapos ay nag-text na sila. Consistent na iskor daw ang terminong ginagamit ng kausap niya para tukuyin ang akto ng pagkakaroon/pagbili niya ng Journal.

Sa FB account nila, tinatawag na hide out ang lugar kung saan naka-base ang Ungaz Press. At nang matutuhang mag-consign sa mga bookshop, ginamit ng Ungaz Press ang salitang spot para tukuyin ang tindahan ng aklat kung saan makakabili ng Pak U. (Sa kasalukuyan ay ibinebenta ang Journal sa indie booksellers’ shops: Bookay-Ukay sa Maginhawa St., UP Village at Chapter IX Books and More sa Circle C Mall, 2nd Floor, Congressional Ave., Q.C. Makakabili rin kung kokontak sa FB account ng Ungaz Press.)

Ang mga terminong ito (iskor, hide out, spot) ay kabilang sa slang speak at kadalasang ginagamit sa kalye, at, unfortunately, sa lugar na maraming illegal na droga (na siya ring tampok sa mga kuwento ng Pak U Journal.) Para sa akin, muli, ay tagumpay na napadama ng Pak U ang mga pinapaksa at itinatampok nito sa Journal sa pamamagitan ng proseso ng pag-a-avail ng publiko sa kopya ng kanilang Journal.

Ang ikatlong ruta

So, eksperimental nga ba ang Pak U Journal?

Oo at hindi. Hindi dahil wala naman talagang bago sa mga nais nilang iparating at kung paano ito iparating. Pero oo rin dahil bagong-bago ang pormulang inihain nila: Book production + Treatment sa reader/market + Mga paksa ng sulatin = Bagong karanasan para sa mambabasa.

Dahil dito, napakahalaga ng Pak U at ng mga manunulat nito. Ipinakita nito sa malikhaing paraan ang isang mukha ng literary production sa ating bansa. Maaari pa ngang ituring na kinatawan ang Pak U Journal ng mga aklat na gawang Filipino sa harap ng mga aklat mula sa mas maaalwang bansa: oo, mukhang marungis, pipitsugin, iilang piraso at mahirap mahanap, ngunit hinding-hindi humihingi ng paumanhin sa lantad at napakarami nitong kapintasan. Kapag sinilip ang nilalaman, matutuklasang ito ay lubhang makabuluhan, walang takot at palaban, tapat sa sariling kultura at realidad, may magaslaw na haraya at higit sa lahat, sumasambulat sa katotohanan.

Hindi ba’t ito ay isang matapang na paghawan sa ikatlong ruta tungo sa kasaganaan?

Isinisiwalat ng Pak U Journal at ng Ungaz Boys sa pamamagitan ng libro, sa bago at malikhaing paraan, ang naratibo ng karaniwang Filipino at ang kalagayan ng bayang Pilipinas.


SANGGUNIAN

A. Mga Aklat/Artikulo

Appel, William and Sterrs, Denise, The Truth About Fiction Writing. (CT, USA: Hastings House, 1997).

Legasto, Priscelina Patajo, Literatures from the Margins: Reterritorializing Philippine Literary Studies in Philippine Postcolonial Studies Second Edition, ed. Legasto, Priscelina Patajo and Hidalgo, Cristina Pantoja. (Quezon City: UP Press, 2004).

Mabilangan, Anne Marie L., Approaches to Criticism of Emergent Literature in Philippine Postcolonial Studies Second Edition, ed. Legasto, Priscelina Patajo and Hidalgo, Cristina Pantoja. (Quezon City: UP Press, 2004).

Sargent, Lyman Tower, Contemporary Political Ideologies Fourth Edition. (Illinois, USA: The Dorsey Press, 1978).

B. Panayam

Online na panayam sa Ungaz Press, Pebrero at Abril 2013.

C. Website/internet links

www.facebook.com/ungazpress?fref=ts
www.goodreads.com/genres/transgressive-fiction
www.oxforddictionaries.com

3 comments:

Ronaldo Vivo Jr. said...

Bow! p'wede na kaming mamatay madam. hehe! Salamat sa oras! - RSVJr.

babe ang said...

Uy, RSVJr. congrats uli! maraming salamat sa paglalabas ninyo ng Pak U!

cookie monster said...

Wow! Ma'am, gusto ko rin pong mabasa 'to? Saan po kami maaaring makakuha ng kopya? =)

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...