Thursday, April 2, 2009

andami-dami pa

yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute.

noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat sa subject na Filipino, mapa-aklat ko o aklat ng kaibigan ko, pinsan, kapitbahay at iba pa. katulad ng maraming bata, akala ko ay matagal nang yumao ang manunulat ng mga kuwentong binabasa ko. hindi ko akalaing makikita ko pa siya at makikilala. at lalong lalo na, siyempre, ang makapunta sa kanyang burol.

94 years old si aling bebang nang siya ay umalis. yes. ganon na siya katanda. at yes, bebang din ang kanyang palayaw.

nang magtext sa akin si sir vim para sa pagbibigay-tribyut ng umpil kay aling bebang, bahagya akong nagitla. kahit may salitang aling sa unahan ng pangalang bebang ay nakakagulat pa rin na mabasa ang sariling pangalan lalo na at kamatayan ang pinag-uusapan. pagkatapos na matantong hindi nga ako ang tinutukoy na pumanaw, nagdesisyon agad akong pupunta. sinabi ko ito kay weni. sasama raw siya.

hindi ko na nabasa si aling bebang pagkagraduate ko ng high school pero isa pa rin siya sa mga hinahangaan kong manunulat na kabaro ko. kasi naman, kakaunti lang ang katulad niya, ang nanatiling magsulat sa iba't ibang panahong dumaan.

una at huling beses kong nakita sa personal si aling bebang noong college ako. inimbitahan siya sa UP para magsalita sa mga kabataang manunulat. naroon ako sa likod at hindi inaalis ang mga mata sa kanya. baka kako hindi na maulit 'to. ang puso ko, sigaw nang sigaw, idol! idol! bagama't ang sabi ng isip ay matagal nang nalimot nito ang mga pamagat ng akda ng ina-idol.

malumanay na nagsalita si aling bebang sa amin. mabagal siyang lumilinga-linga sa lahat. para siyang si lola basyang, siniguro niya siguro na nakikinig kami sa kanya. pero something tells me, masaya siyang makita na marami ang gustong maging manunulat. bago matapos ang programa, nagpa-raffle siya. at ang kanyang ipinamigay ay isang manuskrito ng kanyang akda.

sarah ang pangalan ng estudyanteng mapalad na nakakuha.

nanghinayang ako.

sabi ni sir vim, sarah, ingatan mo iyan. rare 'yan, aba!

lalo akong nanghinayang.

nang marating namin ni weni ang kuwarto ni aling bebang sa sanctuarium, nagkandadoble-doble pa ang aking panghihinayang.

maraming tao sa kuwarto ni aling bebang. naabutan namin doon ang mga manunulat, taga-PNU, taga-UP at taga-UMPIL. hindi agad kami nakalapit ni weni sa kanyang labi dahil tumatakbo na ang programa.

nagsalita ang mga naging iskolar ni aling bebang sa PNU kung saan naging dekana siya noon. isang milyong pasasalamat ang alay nila. nagsalita rin ang mga "anak" ni aling bebang na si mam fanny garcia at sir jun cruz reyes. ikinuwento nila kung paanong gumagawa sila ng paraan para maipasa nila sa mga sarili nilang "anak" ang mga itinuro ni aling bebang. nagsalita rin si mam wilfreda ng UP bilang dating student assistant ni aling bebang. napakasinop daw ni aling bebang. nagrerecycle daw ito ng papel at nagliligtas maging ng pinakapunggok na lapis sa bunganga ng basurahan. at estrikta raw ito, ang tama ay tama. nagsalita rin si mam benilda santos. lagi raw handa si aling bebang sa mga bisita sa kanyang bahay sa cubao. handang tumanggap, mangamusta at magkuwento. kuwento raw nang kuwento si aling bebang.

nang gabing iyon, ilang ulit ding nabanggit ang pagiging payak ng buhay at bahay ni aling bebang. naisip ko, euphemism iyon para sa karalitaan. mahirap talaga ang maging manunulat sa bayang ito. pero naisip ko rin na sa dami ng mga nagawa ni aling bebang at sa haba ng paglilingkod niya bilang guro, imposible siyang magretiro nang mahirap. kung gayon, pinili ito ni aling bebang. pinili niyang mamuhay nang payak sa bahay na payak.

isang kadakilaan ito sa kasagsagan ng materyalismo.

nag-alay si sir teo antonio ng isang tula. at binanggit niyang isa si aling bebang sa first batch ng gawad pambansang alagad ni balagtas ng umpil. noon pa man e kinikilala na ang kanyang husay. actually, hindi lang husay kundi ang volume o dami ng kanyang nagawa.

tumugtog at umawit ang mga kasapi ng kadipan ng PNU. nang kantahin ng isang pares ang awiting paglisan, nakatutok ang mata ko sa slide show ng mga larawan ni aling bebang. naluluha ako. may mga larawan na kuha pa sa isang event ng buwan (o linggo) ng wika. ako, sa dalawang taon na paglilingkod bilang guro sa filipino at pag-aayos ng buwan ng wika sa paaralan namin, umay na umay na ako.

pero si aling bebang, buong buhay niya, inialay niya sa wika at panitikang Filipino.

muli, isang kadakilaan ito sa kasagsagan ng materyalismo.

ako kaya? kaya ko pa kaya?

tinanong ni sir rio kung gusto kong magsalita sa harap bago matapos ang programa. sagot ko, patanong din, anong sasabihin ko, sir? kapangalan lang naman po ako. tumawa si sir rio.

totoo naman. hindi naman pangtribyut etong pinagsasasabi ko sa blog na ito. at ito lang ang masasabi ko tungkol kay aling bebang.

bumaling ako kay weni. sabi ko, weni, pagka time na natin, dapat hindi malungkot ang atmosphere. hindi ganito. tumawa si weni, oo nga. yung mga estudyante ko, pagsasalitain tungkol sa akin? hyper na hyper kaya ang mga 'yon! sagot ko, sa akin din! at naghagikgikan pa kami.

pagkatapos ng tribyut saka kami lumapit ni weni sa labi. ampayat-payat ni aling bebang. parang hindi na tao kundi karton na lamang na binihisan ng filipiniana at mineyk-apan nang makapal. tinitigan ko ang picture niya sa ibabaw ng kabaong. ibang-iba talaga sa nakahiga.

eto ang idol ko. ang nasa picture.

lumipat kami ni weni sa mesang natatabunan ng mga aklat ni aling bebang. andami-dami pala niyang akda. volume nga talaga e samantalang paisa-isa ang binabasa naming akda niya noong bata ako. noong kolehiyo, ni hindi nirequire sa amin ang kanyang mga nobela o koleksiyon ng kuwento.

binuklat-buklat ko ang mga aklat. tiningnan ang mga petsa ng pagkakalimbag. tiningnan ang mga tagapaglimbag. heto na lamang si aling bebang ngayon. heto si aling bebang.

magbabasa ako ngayong summer. at number one sa listahan ko siyempre si aling bebang.

nagpaalam na kami ni weni sa mga naiwang kamag-anak na mostly pamangkin at apo sa mga pinsan at pamangkin (dahil si aling bebang ay walang anak), at kaguruan ng PNU.

sa labas, naroon ang guest book na nakalimutan kong sulatan bago pumasok. binuklat ko ito at saka isinulat ang mga sumusunod:

huwag po kayong mag-alala.
ipagpapatuloy namin ang inyong sinimulan.

ang inyong katukayo

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...