Sunday, April 26, 2009

doon po sa pinatubo







abril 18 >>> eto ang date na isinet namin nina mam cora at karen bilang pinatubo day. pinag-usapan namin ito sa loob ng bus pagkatapos ng graduation ng aming kolehiyo sa picc.

kasama dapat ang ilang co-faculty sa pinatubo. hindi ko na maalala kung bakit hindi nakarating sa kanila ang petsang napagkasunduan.

noong malapit na ang takdang araw, nagtataka ako kung bakit parang walang nagtetext sa akin tungkol dito.kaya nag-research ako sa internet. tutuloy ako, hindi man matuloy ang iba. at heto ang mga nalaman ko.

1. pati russia ay narating ng mga ashes mula sa pagputok ng bulkang pinatubo.
2. sa sta. juliana, capas, tarlac ang start off point. may spa doon, pinatubo spa. magrerenta ng 4x4 na sasakyan sa sta. juliana.
P2500 per sasakyan at maximum of 5 pax ang puwedeng sumakay.
3. kailangan may guide ka sa pag-akyat sa pinatubo. P200 per guide per 5 pax daw. may conservation fee na P50 per pax
4. puwedeng maghike hanggang sa crater. 2-3 oras na paglalakad ang dapat paghandaan.
5. dapat magdala ng sangkatutak na tubig, sunblock lotion, sunglass at bimpo dahil napakainit ng panahon.

nakakuha rin ako ng itinerary ng isang trip sa internet. nakakuha rin ako ng mga celno. ng travel agents. pero hindi ako nagtext sa mga ito. iniisip ko, katulad lang ito ng marami kong paglalakbay. kaya kong magpunta roon nang mag-isa at i-execute ang hike nang walang tulong mula sa anumang travel agent o agency.

kaya naman, ilang araw bago mag-april 18, tinext ko ng ganito:

magdala ng mga 2k. april 18 kitakits sa victory liner cubao 330am.

pinatubo, maghanda ka!


ang mga taong dapat kong kasama sa pagpunta sa pinatubo.


heto naman ang kanilang reply:


1. mar- kung makakapag half day ako, makakasama ako. pero kung hindi, 6am pa ang labas ko. ok na ba ang P1300?

2. weni-sori bebs kelangan kong magpatingin sa doktor para sa problema ko sa lalamunan

3. mam cora- sori hindi ako makakasama. me sipon ako. baka lalong lumala

4. rayts-naku bebang kagagaling ko lang diyan saka aakyat din kami sa mt. asog e.

5. haids-bebang hindi talaga ako makakasama at nasaid ang budget namin sa pag-uwi namin sa mindoro

6. karen- sige bebang tanungin ko rin sila pres

so sina mar at karen lang ang nagconfirm. nakalimutan ko na ang reply ko kay Mar.

gabi bago ang hike, nasa las pinas pa kami ni ej. kaya naisip ko na ring isama si iding para naman makapasyal siya. naggrocery kami sa sm sucat tapos saka lumuwas kaya naman 10pm na kami nakarating sa bahay sa qc. pinag-empake ko na agad ang mga bata at sinabi ko kay ate na gumising sana siya nang 2am para makapagluto siya ng pagkain na babaunin namin sa trip.

heto ang mga inempake ko:

1. isang balot ng mentos na iba't ibang flavor kada roll
2. pillows na party size
3. extra pair of rubber slippers
4. 1 panty, 1 bra,1 t-shirt, cap
5. breadsticks na malaki
6. 1.5 litro ng tubig
7. isang plastik na baso
8. toiletry bag na ang laman ay
8.1 toothbrush (na magiging tatlo dahil kina iding at ej na toothbrush)
8.2 toothpaste
8.3 sabon
8.4 shampoo
9. pulang shoulder bag na ang laman ay:
9.1 wallet kasama ang lahat ng ID at P5000
9.2 hiram na camera (shock at water proof ito)
9.3 cellphone na may P35 lahatext load
9.4 lampin para pamunas ng pawis
9.5 suklay
10. mansanas, ponkan, 2 sumo, 2 butter coconut

pinaligo ko na ang mga bata bago matulog. at pinasuot ko na rin sa kanila nang gabing iyon ang mga isusuot nila dapat kinabukasan. pero hindi pa natulog agad ang dalawa. inihalo na ni ej ang powdered iced tea sa mga bote nila ng tubig. para raw may flavor ang kanilang inumin.

bago ako makatulog, nagtext si karen. sasama raw ang dalawa niyang kaibigan. sina pres at bianca. nakasama ko na rin sila sa dive sa subic. ayos naman. masaya silang kasama.

pagsapit ng 2:30 am, nagising na ako. naabutan kong nagluluto si ate. pinirito niya ang ipinabaon ni mami sa amin na lumpiang shanghai. pinirito din niya ang japanese food na parang manipis na pork chop na breaded. binili namin ito sa sm sucat. nagsaing din siya.

nagbalat ako ng isang maliit na pipino at kalahating singkamas. pagkatapos kong hiwain ay agad kong inilagay ang mga ito sa ref. naligo na ako at pagkabihis, saka ko ginising ang mga bata. 3am na iyon.

inilagay na namin ang lahat ng pagkain at saka tatlong kutsara sa bag ko. tig-iisa kami ng bag ng mga bata. tig-iisang litro sila ng tubig ( na tinimplahan nga ng iced tea) sa mga bag nila. kanya-kanya ring bitbit ng pamalit na damit. tig-iisa ring mansanas, ponkan, sumo at butter coconut ang mga bata.

para pagka nagutom o nauhaw sila, hindi na nila ako kailangang tawagin.

saktong 330am, nasa labas na kami ng bahay, naglalakad papunta sa sakayan. wala pang text si mar. si karen din. sasama kaya ang babaeng iyon? baka umatras na! patay.

340am ay nasa victory liner na kami. 430am pa raw aalis ang bus papuntang alaminos na dadaan sa capas, tarlac. bumili ako ng ticket naming tatlo (P150x3=P450) saka ko tinext si karen. nasa 711 na pala sila at bumibili lang ng pagkain.isa't kalahating tumbling lang ang layo ng 711 sa istasyon ng bus.

mayamaya nga ay dumating na sila at bumili rin ng tiket. pinakilala ko na ang dalawang bata sa tatlong matanda. nahihiya-hiya pa noon si iding. asuuuu....wala man lang foreshadowing na siya ang magiging sakit ng ulo ni karen hahaha

sumakay na kami ng bus pagsapit ng 415am. tapos lumarga na nang 430am. tapos natulog kami sa bus. kelangan naming tipirin ang aming enerhiya. gigil na gigil man akong daldalin si karen ay di ko talaga ginawa.

after an hour, pagsapit sa bus stop sa dau, tinanong na namin sa driver kung alam niya kung saan kami dapat bumaba. patay. hindi raw niya alam at walang nakakaalam ni isa man sa mga kakilala niya roon.

sa internet kasi, walang nagsasabi kung paanong makarating sa sta. juliana sa pamamagitan ng commute. basta ang sabi ay nasa capas, tarlac ito, itong sta. juliana. ang hirap kasi talaga kapag nagco-commute ka lang. halos lahat ng kuwento sa internet, bida ang kotse. ibig sabihin, may sarili silang ride papunta roon at hindi nagtren, bus, dyip, trayk, pedicab, bangka, balsa, jetski, lobo o anuman papunta sa destinasyon.

may sinasabing lugar na kung tawagin ay junction ang bus driver at konduktor. doon na lang daw kami bumaba para sigurado.

dumaan pa ang isang oras at bumaba na kami sa isang gas station na may katabing mcdo. iyon daw ang junction. bigla kaming nilapitan ng isang traysikel.

Manong Drayber: saan ang punta ninyo?
kami: sa sta. juliana po. aakyat kami sa pinatubo
MD: ihatid ko na kayo doon. P300 na lang. malayo yon, e.
kami: ang mahal naman, manong. wala ho bang bus o dyip papunta doon?
MD: wala.

lumayo kami at nag-usap-usap.

ako: tsong, imposibleng ganon kamahal ang papunta doon.
karen: hindi mo ba talaga alam kung paano makapunta sa sta. juliana?
ako: hindi, e. akala ko yung pinatubo spa e nasa highway lang.
karen: itetext ko na lang si kuya art

nagtext nga siya. si kuya art ay isang co-faculty na dapat ay kasama namin sa lakwatsang iyon. pero hindi rin ito nakasama. di ko alam ang dahilan.

habang nagtetext si karen, ako naman, naghanap ng matatanungan. me nakita akong nagtitinda ng diyaryo. heto ang instructions niya:

1. pumunta kayo sa palengke.
2. sa palengke, may dyip papunta sa patling. sumakay kayo doon.
3. sa patling kayo bumaba. sumakay kayo ng tricycle hanggang sa sta. juliana.

paano pumunta sa palengke?

1. tumawid kayo.
2. sumakay kayo ng dyip. ayun!

yun nga ang ginawa namin.

pamasahe:
mula sa junction hanggang sa palengke -P7.00
palengke hanggang patling -P27.00

nagtagal kami sa dyip na papuntang patling. naghihintay kasi ito ng pasahero. yung naabutan naming dyip ay hindi na kami kasya. kaya naghintay kaming mapuno ito pagkatapos ay sumakay kami sa sumunod na dyip na wala talagang kalaman-laman. siyempre, nagpuno rin ito bago lumarga.

kaya nagkuwentuhan pa muna kami. sinabi rin ni karen na ang instruction ni kuya art ay:

1. pumunta sa munisipyo
2. kumuha ng guide sa munisipyo.
3. sumunod sa guide.

tinanong namin sa mga lalaking nag-aasikaso ng pila ng dyip kung nasaan ang munisipyo. 2 kilometro pa raw mula roon. pero tama na raw ang dyip na sinakyan namin. patungo na raw iyon sa patling na katatagpuan ng sasakyan papuntang sta. juliana.

kaya hindi na kami nagbakasakali sa munisipyo. Hinintay na lang naming umandar ang sinakyan naming dyip. nagtanong din kami kung magkano ang traysikel mula patling hanggang sta. juliana. sabi ng drayber namin, P50 raw bawat isa. kung gusto raw namin, ihatid na lang niya kami hanggang doon. magdagdag na lang kami ng P50 bawat isa.

at talaga namang hindi ako mabilis maniwala sa sabi-sabi.

ang ginawa ko, bumaba ako ng dyip. kami pa lang naman ang pasahero kaya matagal-tagal pa bago umandar ito. pumunta ako sa paradahan ng traysikel at nagtanong. doon ko nalamang P30 lang mula patling hanggang sta. juliana. kaya ito ang sinabi ko sa drayber ng aming dyip. pumayag naman siyang dagdag na P30 na lang bawat isa sa amin mula patling hanggang sta. juliana. kaya siya na nga lang ang maghahatid sa amin mula patling hanggang sta. juliana.

45 minutes din ang biyahe mula sa palengke ng capas hanggang patling. pasikot-sikot ang ruta ng dyip. merong mga pasahero na after 10 minutes ay bumaba na. naawa tuloy ako. matagal pa yung oras na ipinaghintay nila kaysa sa mismong biyahe nila hanggang sa kanilang destinasyon. ibig sabihin, itong dyip lang na ito ang dadaan sa lugar na iyon. (e, bakit hndi na lang nagtraysikel? baka masyadong mahal)

marami pa kaming nakita sa biyahe: mahahabang palayan na pinamumugaran ng baka, kalabaw at kambing, isang transmitter, maliliit na iglesia ni cristo at maraming maraming bahay.

pagkaraan ng 45 minutes, kami na lang ang natirang pasahero. pagkaraan ng 15 minuto, sumapit na kami sa aming destinasyon: ang pinatubo spa sa sta. juliana. huwaw. sa wakas.

kamukhang kamukha ng signboard nito ang nakita ko sa internet. eto na nga, kako sa sarili.
nadatnan namin doon ang mga 4x4 na nakaparada.

pagpasok namin sa gate, may bumati sa amin na isang mesa. punompuno ito ng tao. nagpi-picture taking sila. iyon na pala ang registration table. Hindi ako sigurado pero eto na yata yung DENR remote office. kasi ito yung nababasa ko sa internet. wala naman sinabi kung anong opisina ito. pero ang nakalagay sa manggas ng uniporme (dilaw na polo shirt na ang tatak ay lacoste, hindi naman isyu kung orig iyon o hindi) ng mga babaeng nakaupo sa mesa at nagsusulat sa mga papel-papel, lalawigan ng tarlac. so malamang ito ay mga tao sa munisipyo. tao ng mayor o ng governor o ng sinong politiko.

pagkaalis ng naunang grupo, nagtanong na kami.

ako: aakyat po kami sa pinatubo. puwede po bang mag-arkila ng 4x4?
babae: meron kaming grand trek ngayon. bale package tour lang ang puwede.
ako: po? package tour? magkano po?
babae: P1450 ang bawat isa. kasama dito ang 4x4, ang guide, ang tubig ninyo, entrance fee sa skyway na P500, conservation fee na P50 per head at packed lunch. may souvenir pa kayong bag.

umandar ang calculator ng utak ko. P1450 bawat isa. so times 3 ang babayaran ko= P4350. maglalakad kaming magtitita pabalik ng maynila?

napaatras ako. saka ko napansin ang nakalungayngay na tarpaulin sa likod ng mesa. welcome to 11th grand trek to mt. pinatubo. may event pala sila. hindi ko man lang nabalitaan sa internet.

kasya naman ang pera ko pero gusto ko talagang makatipid. nakakahinayang pa rin ang perang itatapon namin sa package kung puwede naman palang hindi magpackage. kaya once again, kinausap ko si mam.

ako: baka po puwedeng magrenta na lang kami ng 4x4, mam? tapos kukuha na lang po kami ng guide at magmamaneho sa amin. babayaran na rin po namin ang lahat ng fees na kailangang bayaran.
babae: hindi nga puwede, miss. package tour lang ang puwede ngayon.
ako: hindi naman ho namin alam, mam. galing pa ho kami sa maynila. nakakahinayang naman pong hindi kami makakaakyat ng pinatubo.
babae: e, anong gagawin natin? yun ngang nauna sa inyo, hindi rin nila alam ito pero nagbayad sila nang buo.

tinitingnan na ako nina karen. sina ej, wiling wili sa pakikipaglaro sa isang unggoy. may unggoy sa punong nasa loob ng munting hardin doon. tinitingnan na rin ako ng ibang staff nila. ayaw na ayaw ko ang ganon. nai-insecure ako. lalo akong nagmumukhang mahirap. feeling ko, naaawa sila sa amin. ang jologs pa naman ng suot ko at suot ng mga bata. nakapambahay. so feeling ko talaga, naaawa sila sa amin dahil wala kaming perang pambayad.

pero nagdesisyon akong mangulit pa rin. masyadong mahal ang P1450. tatawad ako.

ako: mam, baka po puwedeng 'yong usual rate na lang po ninyo. hindi po kasi talaga namin alam itong grand trek. ano po ba 'yan?
babae: opisyal na naming binubuksan 'yong daan papunta sa crater na puwedeng daanan ng sasakyan. pagbaba ninyo ng 4x4, 15 minutes na lang kayong maglalakad hanggang sa crater.

lumiwanag ang mukha ni karen. takot na takot kasi siyang ma-high blood sa trek kung tatlong oras nga naming lalakarin ang pinatubo.

ako: mam, may dala po kaming pagkain. baka puwedeng hindi na namin bayaran ang tanghalian ninyo?
babae: o sige, sige! bale, P250 ang lunch. tanggalin na natin.

nabuhayan ako ng loob. P1200 na lang bawat isa.

ako: ano pa po ba ang puwede nating tanggalin, mam? mabigat po kasi talaga para sa akin ang P1200.
babae: o, ayaw ninyo ng bag? 'yon yong souvenir namin.

itinuro niya sa gilid ng mesa ang nakatambak na mga bag na kulay-papayang papahinog pa lang.

ako: hindi na po.

e, kasi naman, hindi naman kami nagpunta roon para magka-bag. pabigat lang sa trek ang anumang dagdag na item.

babae: o, sige. 200 yon. P1000 per head na lang.


yey! nagbubunyi na ang mga lamanloob ko. anlaki ng matitipid namin. pero hindi ako nagpahalata. baka puwede pa akong makadiscount. sabi nina karen, ok na kami, bebang. ok na sa amin ang P1000 per head.sabi ko, e, ako? sabi ni karen, oo nga. yun nga lang, times 3 ka pa rin.

hindi muna ako nagsalita kay mam. patingin-tingin ako sa kina iding at ej na ngayon ay nasa tapat naman ng mga hawla ng ibon. nagkamot pa ako ng ulo. niloloko na ng ibang staff si iding.

"iwan ka na lang dito. hintayin mo na lang silang makababa."

nagseseryoso ang mukha ni iding. parang naiiyak na nagagalit.

ako: mam, di ba puwede talaga na huwag na kaming magpackage? di ba po makakatipid kami talaga kung walang package? magkano nga po uli?
babae: bale kung lima kayo heto ang magagastos ninyo:
P 2500 4x4 na sasakyan
P 500 guide
P 250 conservation fee (P50 x 5)
P 500 entrance fee sa skyway
_____
P3750

bale P3750 hahatiin sa lima ay P750 lang. di hamak na mas mura talaga. pero hindi nga puwede ngayon.

ako: mam, kasi po tatlo po ang babayaran ko. kasama ko kasi yung dalawang bata.
babae: e, dalawa lang naman ang babayaran mo, e.

hindi ko na napigil ang tuwa ko. P2000 para sa aming tatlo?

ako: yey! libre na raw si iding!

nagyehey din sina karen. nagyehey din ang ibang staff. nagyehey ang ibon. nagyehey din siyempre ang unggoy.

binayaran na namin ang chinap-chop naming package. naghanap sila ng guide at driver para sa amin. tapos, bago umalis, binigyan kami ng limang bote ng mineral water. bawat isang bote, kayang ubusin sa isang lagok. akala ko, mga isang jug ang ipapabaon sa amin kaya isinama pa iyon sa package. aysus.

lumarga na kami. si iding, kandong ni karen sa harap. at kaming apat at ang guide sa likod.

si kuya moning ang aming guide. mahigit singkuwenta anyos na, sa tantiya ko, si kuya moning. hermogenes ang tunay niyang pangalan. sunog sa araw ang kanyang balat. kulang-kulang ang kanyang ngipin. payat siya at matangkad. bukod sa pagiging guide, liaison officer daw siya ng brgy. captain ng sta. juliana. dito siya lumaki, nagkaisip at tumanda. saglit siyang tumira sa maynila pero bumalik din siya agad dito. nang pumutok daw ang pinatubo, nasa bukid pa siya at inaani ang mga itinanim na kamote. isang linggo bago pumutok ang bulkan, saka lamang nagpalikas ang pag-asa. kaya marami sa kanila, abalang abala pa sa bukid noon. inaani ang mga puwede nang anihin. yung iba pa nga raw, kahit hindi pa puwedeng anihin, inani na.

tapos noon, ipinagsiksikan daw sila sa isang evacuation center sa tarlac.

kapampangan daw ang wika nila sa tarlac. noong bata siya, inaakyat niya, kasama ang mga kaibigan, ang mga bundok. lahat ng nakikita sa paligid ng ilog (na mukhang disyerto nang daanan ng aming 4x4) ay mga bundok pati ang pinatubo. nang pumutok ang pinatubo saka lang nila nalamang bulkan pala iyon.

ay bulkan. may bulkan pala rito sa amin. para raw ganon.

marami rin daw kuweba sa sta. juliana. sakop ng kanilang barangay ang malawak-lawak na lupaing dinaanan ng aming 4x4. kung gusto ko raw i-explore ang mga kuweba at bundok, manatili raw ako doon nang isang linggo.

hmm...napakalaki talaga ng Pilipinas. at napakarami pang dapat tuklasin. bakit nga ba nagsisiksikan ang mga pinoy sa mall?

si kuya, (hindi ko nakuha ang pangalan niya, sorry, pero dapat alam ito ni karen. naririnig ko kasing tinatanong-tanong din niya ito during the trip) ay mahusay magmaneho. sa buong trip namin, hindi kami nabalagoong ever. noong papunta pa lang kami sa crater, may mga nadaanan kasi kaming sasakyang na-stuck sa maliit na ilog. hindi makaahon ang kanilang 4x4. nabaon sa buhangin ang gulong. ayun, tinanghali yata sila sa kanilang sulok na takda, sa ilalim ng araw.

noong pabalik naman kami, nabalahaw ang sasakyan na nauuna sa amin. nag-u-turn kami dahil ang sasakyan daw namin ang hihila sa sasakyang nabalahaw. malayo pa kami sa pinatubo spa sa sta. juliana. malayo pa sa anumang tulong. kaya feeling good samaritan kami. at naiangat naman ni kuya ang sasakyang nabalahaw nga.

para kaming nasa disyerto. manaka-nakang batis at mababaw na ilog ang umiistorbo sa kilo-kilometrong buhangin. O' Donnel river yata ang tawag sa paputol-putol na ilog na nakita namin. malaking ilog daw iyon noon sabi ni kuya moning. bago pumutok ang bulkan.

marami rin kaming nadaanang bundok. na baka maging bulkan din someday.

hindi kami nainitan sa biyahe. masuwerte kami dahil maulap nang araw na iyon. may bahaging maalikabok pero hindi naman ganoon kaalikabok. ni hindi ako nagtakip ng bibig at ilong during the 4x4 ride.

sabi ni kuya moning, nadaanan na raw namin ang boundary ng tarlac at ng zambales. a...wala man lang arko. ni walang karatula na nagsasabing thank you very much you are now leaving brgy. sta. juliana. or welcome to zambales, the home of the sweetest mangos in the whoooole world. ano ba? bakit wala? natatakot ba silang gastusin ang pera ng bayan para sa arko-arko? o sige kahit kartolina na lang. ayaw pa rin?

nadaanan din ng aming 4x4 ang pansamantalang kampo ng mga nagte-training na sundalong kano. yon daw ang vfa, sabi ni pres. first time kong makakita noon. andaming tent. andaming lalaking puro naka-fatigue na stripe-stripe. may mga dala pa silang mahahabang baril. may mga sasakyang panggera, yung parang owner type jeep na kulay green din. at pag-usog-usog pa namin nang konti, me nakita kaming tangke. iyong panggera.

baril, tangke, ano pa kaya ang nasa kampong iyon? at para saan ang mga iyan? tine-training sila para sa gera? e, para saan ba ang gera? di ba para sa pagkawasak? ng tao?ng buhay? ng mga gamit? ng mga estuktura? ng mundo?

e anak ng teteng ang gobyerno natin. bakit pinapayagan ang mga ganito sa sarili nating lupain? puwede kayang magtraining-training na lang sila sa ibang bansa? ano bang naidudulot niyan sa atin?

nabasa ko noon sa isang diyaryo ang sagot sa tanong na ito. isang mataas na opisyal na militar ang sumagot sa tanong.

magbebenefit daw ang pilipinas dahil maaambunan ng talino ng mga sundalong kano ang mga sundalong pilipino. o, aber, naambunan nga ba? at kung naambunan nga, para saan naman gagamitin ang talinong yan? sa gera na naman? sa walang katapusang wasakan ng bahay at buhay?

po-ni-ye-ta.

dapat pag-isipan na talaga ng mga tao lalo na ng mga hene-heneralan ng ating bansa kung ano nga ba ang napupurat natin sa mga training at gera. at kung sino ba ang nakikinabang sa mga iyan dahil malamang iyon ang pasimuno ng mga gera-gera at training-training para sa gera.

pero siyempre, ngayon ko na lang naiisip ang mga bagay na iyan. dahil nang dumadaan kami sa mga kampong napapalibutan ng makikintab at mapuputi pang barbed wire, nagtutuksuhan pa kami nina karen, pres at bianca.

uy, mga smith. mga black! brown! mga bird!

ang tinutukoy namin ay mga apelyidong kano.

ako: pagkakataon mo na ito, karen. baka nandito lang ang iyong tadhana. yihi!

kinikilig namang tumatawa si karen.

mayamaya lang ay sumapit na kami sa paanan ng skyway. isang nakaframe na tarp ang bumati sa amin. welcome to skyway, sabi nito. 11th grand trek to mt. pinatubo from kong reycat. tapos may mukha ng isang lalaki. iyon daw ang mayor nila sabi ni kuya moning.

kong reycat.

e bakit po chinese? tanong ko.

hindi. hindi 'yan chinese. tagadito yan. sa susunod na eleksiyon, tatakbo nga iyang congressman dahil tapos na ang tatlong term niya na mayor siya.

kakaiba ang pangalan. kong reycat. parang animalistic na chinese.

bumaba kami para magpiktyuran.

akala ko ay may toll gate doon na mangongolekta ng P500 namin (na manggagaling na sa drayber dahil nagbayad kami ng "package". kasama daw kasi talaga iyon sa babayaran namin.) pero wala. wala akong nakitang tollgate. inaasahan ko rin na sementado ang tinutukoy nilang skyway dahil sa pangalan nito. pero hindi. patag at hinawan lamang na kalsada ang bumungad sa amin.

gayumpaman ay enjoy naman ang ride. taas-baba ang hugis ng kalsada. skyway sigurong natagurian dahil may mga point sa biyahe na kasintaas na namin ang mga bundok na kanina lang ay tinitingala namin. higit ding malalaki ang ulap doon. parang anlapit-lapit na talaga namin sa langit.

may mga nakita rin kaming aeta sa skyway. kulot at maiikli ang kanilang buhok. nakapaa ang karamihan sa kanila. maitim sila. at maliliit na tao. may nakita kaming naglalakad na dalawang aeta. isang babae at isang lalaki. may dalang maliit na kaldero ang babae. sabi ni kuya moning, ang mag-asawang aeta raw ay laging magkasama. kapag lalabas ng bahay ang isa sa kanila, kasama ang isa.

bakit kaya? for physical protection? for bonding moments? for emotional support? magandang gawain ito. makakaiwas na mambabae si lalaki and vice versa hahahaha

sabi pa ni kuya moning, kapag nangunguha raw ng puso ng saging ang mga lalaki, kasama rin nila ang asawa nila.

saka namin napansin na maraming puno ng saging sa paligid.

ako: manguha tayo ng bunga, kuya.
kuya: wala nang bunga ang mga iyan. kasi ang kinukuha lang diyan e yung puso. at kapag kinuha na ang puso, hindi na nagbubunga ang puno.

mga walang puso na pala itong mga puno ng saging na nakapaligid sa amin. kaya naman napasigaw ako, "mga walang puso!"

napansin ko rin ang kakaibang talahib doon sa gilid-gilid ng skyway. parang may sanga-sanga ng talahib ang talahib. lasa (maragsa ang bigkas) daw ang tawag doon.

may mga puno rin na kamukha ng bunga ng aratilis ang bunga. alarong daw ang pangalan ng punong iyon. napakanegatibo, ano? ala na, wrong pa.

may nadaanan din ang aming sasakyan na mga kabataang aeta. teenager pa lang yata. mga lalaki. may dala silang baril na mahaba. nakatingin sila sa amin. halos lahat ng na-encounter kong aeta, nakatingin sa amin. parang hndi sila sanay na makakita ng tulad kong taga-patag.

naalarma ako sa baril na mahaba.

ako: kuya, ba't may ganyan?
kuya moning: nangangaso sila,e.
ako: may mga hayop po ba dito?
kuya: mga baboy-damo.

wish ko lang makakita kami ng isa.

dumaan kami sa isang mabatong ilog. andami naming nakitang aeta doon. iyon yata ang kanilang public bath. andami ring damit na nakalatag sa bato-bato. may palda, salawal ng bata, sando ng baby, shorts, pantalon, kumot, kamiseta. may nakita rin kaming naglalaba. may nakita naman kaming aeta na paalis na ng ilog. papunta sila sa direksiyon na pupuntahan namin. isang matandang babaeng aeta, siguro nasa 60 na,( kahit kasi walang ekspresyon ang kanyang mukha ay marami nang guhit ito,) at isang batang aeta ang napansin ko. yung matandang babae ay nakabulaklakin na bestida.nakapaa siya.

grabe, nakakaya niya ang magpaa sa edad niyang iyon? mabato ang lupa at baka mainit sa paa ang mga bato.

nadaanan din namin ang isang kumpol ng mga bahay kubo. sabi ni kuya moning, aeta village daw iyon. dati ay nasa 20 ang bahay doon. ngayon ay parang mga lima na lang. wala raw kuryente sa bahaging iyon ng zambales. lamparang de gaas lang ang gamit ng mga aeta sa bahay. paminsan-minsan, bumababa ang mga aeta sa bayan para ibenta ang mga puso ng saging at para bumili ng gaas. tapos aakyat din sila agad pabalik sa kanilang tirahan.

parang ang hirap ng buhay nila. hindi ko ma-imagine ang buhay na walang kuryente. hindi naman ako maka-meralco pero mula't sapul kasi ay may switch ng ilaw sa bahay namin. pag nadidiliman ka, isang klik mo lang, babaha na ng liwanag. pero dito, pag naubusan ng gaas ang lampara, e di andilim-dilim na? di ka naman makababa ng bayan sakaling maubusan ka ng gaas nang hatinggabi.

wala rin silang tv. ano ang form of entertainment nila?

pero baka mas nahihirapan sila kapag sila naman ang nakakaalam ng buhay natin. ha? may tv kayo? anong tv? paano buksan yon? may bayad ba yon? ano ang pinapanood ninyo? paano kayo naaaliw sa mga pinapanood ninyo? laptop? ano yon? libre ba ang paggamit noon? saan kayo nakakakuha ng laptop? paano ba gamitin yan? cellphone? ipod? psp?

naisip kong ang level of comfort ay dinedefine ng bawat tao. hindi yan pare-pareho. hindi universal. gayundin ang kaligayahan. siguro kung ganito, katulad ng sa aeta, kapayak ang paraan mo ng pamumuhay, mas madali kang maging komportable at maligaya.

ngayon, sino nga kaya sa amin ang mas masaya ang buhay?

ilang saglit pa ay humantong kami sa paradahan ng 4x4. andaming 4x4. nasa isandaan yata. kaya naiimagine na namin na magmumukha siguro kaming langgam sa pinakalabi ng crater. para ngang langgam sa rim ng isang baso.

bawat 4x4 ay nasusulatan ng pangalan ng mga nakasakay doon. at may pangalan ang kanilang grupo. cubcub group. tanay group. at iba pa.

e yung sa amin? narinig ko kanina, bago kami umalis, beverly group daw kami. nako. buti na lang hindi ipinaskil sa aming sasakyan. masyadong western. at para sa tenga ko, masyadong baduy.

nagsimula na kami sa aming trek. medyo mabagal ang aming pag-akyat. yung dapat na 15 minutes ay naging 30-40 minutes sa amin. pero hindi mahirap ang trek.maning mani. at wala nang mas hihirap sa mt. ampacao, para sa akin.

kaya lang kami natagalan ay dahil marami kaming nakasalubong na pababa na mula sa crater. saka si bianca, nakarubber shoes.actually dalawa sila ni pres. pero si pres, pagkatapos ng mga 10 mins na paglalakad ay inilubog na ang rubber shoes sa tubig. kaming lahat, nakasandals kaya puwedeng puwede kaming umapak sa tubig. si bianca nakabagumbagong fila. puti pa naman. kaya pinipili niya nang husto ang dadaanan niya. tuntong siya nang tuntong sa mga bato para hindi mabasa ang sapatos niya. may cascading na tubig kasi sa 70% ng trek. ang ganda-ganda nga kasi para siyang inayos ng isang batikang landscape architect ang daraanan. parang di ako makapaniwalang natural ang mga batis at mumunting ilog doon. parang manmade nga talaga.

may nadaanan din kaming isang batis na napapaibabawan ng makitid na tubo. malinis daw ang tubig mula sa tubo na iyon. sumahod agad ako gamit ang palad ko at uminom. talo pa ang viva mineral water sa linamnam.

nakasalubong namin si kong reycat. nahati sa dalawang grupo ang aming munting grupo. sina karen, iding, ej at pres. tapos ako, si bianca at si kuya moning. dahil ang laki ng agwat ng grupo ni karen sa grupo namin, kami lang ni bianca ang naipakilala ni kuya moning sa mayor. naghello-hello lang kami at siya naman,si kong reycat, sabi niya, mag-enjoy lang kayo.

nakilala din namin ni bianca ang brgy. captain ng sta. juliana. kasunod lang siya ni kong reycat.

kilalang-kilala itong si kuya moning ng mga tao. lalo na iyong mga taga-munisipyo. pati nga ang mangilan-ngilang mga aeta na natanaw namin sa skyway, kilala niya at kakilala rin naman siya.

finally, naabot namin ang crater pagkatapos ng mga sampung beses na pagsasabi ng mga nakasalubong namin ng, "malapit na. 5 minutes na lang."

sa pinakatuktok, bigla kong nakita ang matandang babaeng aeta na nakabulaklakin. laking taka ko talaga. saan siya dumaan? at bakit nauna pa siya sa amin? magic? may magic si lola? sigurado akong siya iyon dahil sa damit niya at kasama pa rin niya ang batang nakita ko rin kanina sa ilog. napiktyuran ko pa sila.

sa tuktok, marami na namang aeta doon. babae, bata, matanda, lalaki. tapos nakakita kami ng tambak-tambak na mga bato sa gilid ng maliit na daanan. sabi ni kuya moning, gumagawa raw ng riprap ang mga aeta. sila ang kinomisyon para gawin iyon.

nakakaawa naman sila. napakabigat na ng gawaing paghahanap ng pagkain sa bundok. pati ba naman ang trabaho o paghahanap ng pera ay mabigat pa rin? wala bang mas mainam na trabahong puwedeng ibigay sa kanila? ano ba ang kanilang mga skill at kaalaman na puwede nilang ipreserve? baka puwedeng bayaran sila ng gobyerno para lang ipreserve na lang nila ang mga ito? hindi yung hahatakin sila sa mundo ng pera at sahod at konsumerismo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trabahong napakamanwal naman.

naalala ko tuloy, ilang pasko na ang nakakaraan nang magpasko ako mag-isa somewhere, bago ako lumabas ng tinuluyan ko, nakabasa ako ng isang philippine daily inquirer. isa sa mga balita doon ay ang pagbaba sa bayan ng isang etnikong grupo mula sa kanilang ancestral land sa davao. bakit sila bumaba? para mamasko, manghingi ng pera. sasayaw sila ng kanilang katutubong sayaw suot ang katutubo nilang damit.

marami ang nagalit sa ginawa ng etnikong grupo na ito. nakakawalang pride daw ang ginawa nila. nakakahiya. ganon na ba sila kadesperadong kumita?

ako, naawa.

at rumehistro sa isip ko ang mga tanong na ito:

1. bakit nga ba nangangailangan ng pera ang mga etnikong grupo na ito?
2. dahop ba sila? kung oo, bakit?
3. may ginagawa ba ang mga taga-bayan para matulungan ang mga etnikong grupo tulad nila? e ang pamahalaan kaya? paano ba tingnan ng pamahalaan ang mga ganitong grupo? pangmuseo? pang-wow philippines show?
4. may kinalaman kaya sa nangyayari sa mga etnikong grupo ang masigasig na pagtangkilik ng mga pinoy sa musikang galing sa ibang kultura?
5. e, ako kaya? may ginagawa ba ako para naman hindi maisip ng mga etnikong grupo na manghingi ng pera sa ganoong paraan?
6. o in the first place, hindi ko alam na nag-eexist sila?

nakakalungkot talaga. kung ako ang gobyerno, magbubuhos ako ng pera para sa mga taong ito. sige, tumugtog lang kayo at sumayaw ng inyong musika at sayaw, hindi na ninyo kailangang mamroblema sa buhay. pakakainin ko kayo, bibigyan ko kayo ng may dignidad na tirahan, pag-aaralin ko ang pamilya ninyo. lahat-lahat.ni hindi ninyo kailangang bumaba sa bayan. dahil ire-require ko sa lahat ng paaralan na kilalanin kayo ng kanilang mga estudyante. at sila, silang mga taga-bayan, silang may mga sapin sa paa ang dadayo sa inyong lugar. maghirap sila para lang makadaupampalad kayo. maghirap sila para lang makilala nila ang pamumuhay noon, ang pinagmulan ng kanilang ninuno, ng kanilang lahi.

back to the aeta case...

siyempre, maganda pa rin na nagkakahanapbuhay sila. pero iyon nga, sana ibang trabaho na lang. sana wag na lang pagpapagawa ng riprap.

o di kaya magtawag na lang ng volunteers ang gobyerno para sa paggawa ng riprap na iyon. para bang yung ginagawa ng gawad kalinga. tapos ang pinakapremyo ay yung mismong pag-akyat ng mga volunteer sa mt. pinatubo. kumbaga, libre na ang lunch, 4x4 at iba pa. nakapagpromote ka na, nakapagpagawa ka pa ng riprap. at ang pinakamaganda roon, nakapagdagdag ka pa ng purpose sa buhay ng mga tao dahil nga volunteer work iyon.

hay. bakit nga ba hindi makaisip ng mga ganitong packaging ang mga tao sa gobyerno?

nang makita ko ang crater, parang nagcatwalk sa isip ko ang mga retratong nakita ko sa internet. wala talagang kapantay ang makita ito sa personal.

magical. enchanting. paradise. art.

yan ang masasabi ko sa pinatubo crater. napakaganda talaga. parang painting. parang hindi totoo. at kung totoo man, parang nakakapanibagong dito sa pilipinas ito matatagpuan.

aquamarine ang kulay ng tubig sa crater. luntian naman ang mga bato at bundok dito na nakayakap sa crater. mahalaman sa buhanginang malapit sa tubig.

nagpicture-picture kami doon bago bumaba sa isang napakatarik na hagdan. sa baba, sa bahaging katabi ng crater, nakahanap kami ng maliit na punong masisilungan. itinambak namin ang mga gamit namin doon. yung dalawang bata, nagsibihis agad para makaligo sa lawa.

inihanda na rin naming matatanda ang pagkain para sa lahat. noon namin naramdaman ang gutom. wala kaming almu-almusal. pamentos-mentos lang kami sa buong biyahe. buti na lang at walang nagreklamo sa mga bata.

nagsalo kaming lahat sa mga dala naming pagkain. hindi naman mahirap yakagin si kuya moning. ginawa naming plato ang mga takip ng plastic container ng pagkain. nanguluntoy man ang lumpiang shanghai ng nanay ko, the best pa rin daw ito sabi ni pres. kapag gutom talaga ang tao, lahat, masarap hahahaha

pagkakain, naghubad na ako ng pantalon. naka-shorts na kasi ako sa loob. sinubukan kong maligo kaya lang giniginaw na naman ako. kaya patampi-tampisaw lang ako sa tubig. naglibot-libot din kami sa paligid. hindi naman puwedeng magswimming sa gitna ng lawa dahil malalim daw iyon sabi ni kuya moning. hindi naman malinaw ang tubig kaya di mo talaga makikita ang ilalim at hindi masusukat ang lalim nito.

may nag-aabang na maliliit na mga bangka sa pampang para tumawid sa kabilang panig ng crater. pero kung gusto mo ng ganitong adventure, dapat daw ay nagbayad ka ng P250 (per head) sa sta. juliana. sayang at hindi namin agad nabalitaan. curious din akong makita ang kabilang bahagi ng crater. kasi mula sa pinagtatampisawan namin, hindi kita ang buong crater. may nakaharang kasing parang bundok.

sabi ni kuya moning, sa gitna raw ng lawa ay mainit ang tubig. ngi. nakakatakot. baka naman biglang mabutas ang sasakyan kapag ganon. at tunawin na lang ang katawan ko pag lubog ko. sabi rin niya, sa kabila raw ng crater ay pampanga na. pampanga! isa na namang lalawigan.

maraming tao nang dumating kami. may dalawang lalaking foreigner. may tatlong grupo ng, (mukhang,) yuppies at mayroong babae't lalaki, mukha silang magjowa. kami lang ang may kasamang bata.

pagkakain, lumipat kami sa isang buhanginan na natatabingan ng maraming halaman. nagtampisaw kami sa baybay nito. sabi ni ej, ibaon daw namin sa buhangin ang aming mga kamay. bakit kaya?

aba, e kaya pala, anlamig! kakaiba. malamig ang buhangin, parang ref. pero hindi naman kasinlamig ng buhangin ang lamig ng tubig. kakaiba talaga.

after 15 minutes, biglang umambon. tapos lumakas nang lumakas ang ambon. e di ulan na.

mabilis kaming bumalik sa puno para takluban ang mga gamit namin. nag-alisan na ang mga tao. kumbaga sa shooting, pack up. nagpack up sila.

kami, nagtiyaga sa location. kaya pagtila ng ulan, wala nang katao-tao. kami lang.

amin na amin ang crater. tanghaling tapat iyon.

ako: kuya, may umaakyat pa ba nang ganitong oras?
kuya: wala na. lahat ng tao, dapat pababa na o naghahanda na pababa pag ganitong oras.

kaya naman haping hapi kami. imagine, parang inarkila namin ang buong bulkan?

lalong nag-enjoy ang dalawang bata. si bianca, nakaupo lang sa isang bato. may dala siyang camera at tripod, palagay ko e, nagpicture na ito nang nagpicture. sina karen at pres, patampi-tampisaw lang. ako, naligo rin eventually. gusto ko sanang pumalaot, lumayo sa pampang kaya lang natatakot ako. baka bigla na lang may humila sa akin mula sa ilalim ng lawa.

nang magsawa ako sa tubig, umupo ako sa buhangin at nagmasid na lang.

maganda talaga ang lugar na iyon. naisip ko tuloy, hindi malayong may magtayo ng mansyon dito. at malamang foreigner ang unang gagawa non. lagi kasing ganon. foreigner ang nauuna. sa puerto galera, pinagbebebenta ng mga native ang lupa nilang malapit sa baybay. ang ginawa ng mga foreigner, ginawang dive shops at sila ngayon ang kumikita ng limpak-limpak na salapi. sa palawan, iyong driver ng inarkila naming van ay nagbenta ng tatlong ektarya sa isang foreigner. ang lupang iyon ay malapit daw sa future international airport ng palawan. patatayuan daw ito ng mansyon at resort ng foreigner.

bansa na nga natin, sila pa rin ang nauuna? ewan ko lang talaga kung bakit. pero napaisip din ako, hindi ba delikado dito sa pinatubo? e kung pumutok uli ito?

nagtataka rin ako sa kulay ng tubig. bakit siya aquamarine? samantalang makulimlim ang langit. dapat medyo gray ang tubig. kasi di ba, sinasalamin lang naman ng tubig ang langit? e, eto, talagang aquamarine. pag sumalok ka ng tubig gamit ang baso baka mapagkamalan mo pa nga itong guyabano juice, e. so ibig sabihin, yung kulay ng tubig ay hindi dahil sa kulay ng langit. may sarili itong kulay.

ano kaya ang nasa ilalim ng tubig? gaano kalalim ang tubig? puwede kayang inumin ang tubig dito?

sabi ni kuya moning, wala raw halaman na tumutubo sa ilalim. wala rin daw hayop. walang nahuhuling isda doon.

ako: may nakapagdive na po ba dito?
kuya: dati, may tumingin na riyan. pero hindi na naulit.

sayang naman. dapat chine-check ito ng mga tamang ahensiya o organisasyon. DOST ba? Pag-asa, DOT, UN? NBI? UNICEF? Ano, ganyan lang iyan? titingnan lang ng mga tao? bibisitahin lang, tapos tapos na? napansin ko nga, ni walang marker. ni walang mababasa doon tungkol sa mt. pinatubo. susmaryosep. kung wala kang guide o kaya ay may guide ka nga pero di ka matanong, wala kang malalaman doon tungkol sa mt. pinatubo kundi, isa itong bulkan.

kung ako ang gobyerno ganito ang gagawin ko:

1. ipapaimbestiga ko ang lawa. anong klaseng tubig mayroon ito? gaano ito kalaki. gaano ito kalalim. ano ang matatagpuan sa ilalim. kung may matatagpuan na anuman, magpapakuha ako ng maraming sample. kasi ilalagay ko ang iba sa >>> number 2.

2. magtatayo ako ng parang center doon. Pinatubo volcanic center (PINATUVOL). Or Center for Volcanic Development (CENTAVOLVE) or Center for the Pinatubo Ash (CENTABOSH) or Center for Asian Ash and Volcano (CASAVA).

ilalagay ko ang mga retrato ng before, during at after the pinatubo eruption. lalagyan ko ng mga caption sa wikang ingles at filipino. maglalagay rin ako ng mga bato na nakukuha mula sa bulkan. lalagyan ko ng label. maglalagay din ako ng sample ng lahar. o tumigas na lahar. saka mga bagay na nabubuo mula sa lahar. yung mga paper weight na gawa sa lahar o buhangin mula sa pinatubo. yung mga ibinenta nang sumabog ang pinatubo. yung iba for display. yung iba, for sale. o may isa pa akong layunin diyan, ipromote ang filipino sculptors. bawat sculpture na naroon ay may pangalan ng eskultor.

maglalagay din ako ng picture story sa dingding kung paano at bakit sumasabog ang bulkan. lahat iyan sa wikang ingles at filipino. gagawin ko itong makulay para madaling maintindihan kahit ng mga bata.

3. magpaparesearch din ako. baka may historical significance ang pinatubo bago ito pumutok. aba magandang ipromote ang makulay nating kasaysayan hindi ba? sabi nga ni kuya moning, inaakyat nila ang mga bundok doon noong bata pa sila. aba, posibleng hindi lamang sila ang nagsiakyat doon. baka pati mga katipunero o kaya mga hukbalahap o sundalong kano. ehek.

4. maglalagay na rin ako ng mga retrato ng mga tourist spot na malapit sa pinatubo. at dapat may impormasyon sa ibaba ng bawat retrato. maglalagay na rin ako ng impormasyon tungkol sa mga produkto at pagkain na maaaring mabili sa vicinity. sa totoo lang, wala kaming nabiling pasalubong. wala naman yatang native na pagkain doon. sa dau, ang ibinebenta ng mga tindero ay hotdog, cheeseburger at makapuno na gawa sa laguna. laguna. e dau, pampanga iyon.

5. magpapagawa ako ng website na magpopromote sa bulkan na ito. hindi lang bilang tourist destination kundi bilang educational/geological destination eklabu. pag nangyari iyan, mas magiging maingat ang mga taong pumupunta sa lugar na iyan dahil ultimo isang singhot ng buhangin, may kabuluhan.

at aba, meron pa bang malapit-lapit sa maynila na bulkan na kamakailan lamang ay sumabog? puwede rin itong pag-aralan kahit ng mga banyaga, hindi ba?

tapos lalagyan ko rin ng 24 hours na parang surveillance camera. naka-feed sa website ang anumang masasagap ng camera na iyon. para makita ng mga tao anytime ang present na hitsura ng crater.

andami-daming posibilidad ng lugar na ito. bakit hanggang pagpapaarkila ng 4x4 lang ang naiisip ng mga sumingil sa amin? hmmm....

naiisip ko nga rin iyong siningil sa aming conservation fee na sa ordinaryong araw ay P50 per head daw. saan nga ba napupunta ito? sa pangongolekta ng basura? masyado naman yatang mahal. saka may nakita akong lalaki, taga-munisipyo daw ayon kay kuya moning, nagtapon ng upos ng sigarilyo sa batis na dinadaanan paakyat ng crater. aba, hindi yata environmental friendly itong mamang ito. taga-munisipyo pa naman.

ayon kay kuya moning, sila-silang mga guide ang nagpupulot ng basura. ibinababa nila ang mga ito para itapon sa tamang lugar. nakakabuwisit nga talaga dahil maraming bote ng mineral water doon. iniiwan na lang ng iba.naku, baka magalit ang bulkan at sabugan sila, e.

pagsapit ng ala-una, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. dali-daling inilabas ni kuya ang isang plastic na ga-sako ang laki. sumilong kaming lahat doon. nasa ilalim namin ang mga gamit namin.

nakakaawa kami. parang bigla kaming nagsisi. ba't naman nagpaiwan pa kami? sana sumabay na kami sa mga tao noong mahina pa lang ang ulan.

kasi naman, walang masisilungan doon. kahit isang pirasong plywood, wala.

pero merong isang pirasong banyo. lahat kami nagtakbuhan doon. sumiksik kaming anim sa banyo. na kalahating dipa ang laki at lapad. si kuya, kawawa naman. kasi naiwan siya sa labas at nakasilong lang sa plastic. hindi na kasi kami kasya. nakikiagaw pa ng espasyo ang isang munti at puting inidoro.

mga 15 minuto kami sa loob ng banyo. nainip ang dalawang bata kaya kumain sila ng pillows. inalok namin ang iba pero ayaw nila. tawa nang tawa si karen. sabi niya, sino ba naman ang magkakaganang kumain dito e kubeta 'to. itinuro niya ang mga nakapatong sa kahoy na nagsisilbing frame ng mga yerong dingding, "hayan, meron pang mga napkin-napkin."

meron nga. iw.

pagkatapos ng mala-bagyong ulan, naisip naming pagsama-samahin na lang at i-plastic bag ang mga damit naming tuyo. magha-hike kami na basa ang aming damit. at sasakay kami sa 4x4 nang ganon. doon na lang kami sa sta. juliana magpapalit ng damit.

umakyat na uli kami sa matarik na hagdan. sa pinakatuktok, may isang parang waiting shed na aming pinagpahingahan. napagod kasi nang husto si karen. sabi nga ni kuya moning, dapat tibagin ang hagdan na iyon at ang gawin na lang, patagin ang isang bahagi ng nakaalsang lupa. para gradwal ang pag-akyat at pagbaba sa crater. mahirap daw kasi talagang akyatin at babain ang hagdang napakatarik. paano na raw iyong mga senior citizen, halimbawa?

Kahit nakapahinga kami, enjoy na enjoy pa rin, kasi kumakain kami ng breadsticks habang pinagmamasdan ang buong crater. kita ito mula roon.

magical. enchanting. paradise. art.

nakipagkuwentuhan naman si kuya moning sa ilang aeta na naroon. nang pababa na kami, nasabi niyang malayong kamag-anak pala niya ang nagsisilbing foreman ng mga aeta. naka-first year college daw ito sa engineering noon. iyon ang nagmamando sa mga aeta sa paggawa ng riprap.

naging mas madali ang pagbaba papunta sa paradahan ng 4x4. si iding, pinagliliguan ang lahat ng batis na madaanan. kung sino pa ang libre, siyang pinaka-nag-enjoy sa lahat. uminit na rin ang araw nang time na 'yon pero wala kaming reklamo kasi basa ang aming katawan. hindi ganon kasakit sa balat ang araw.

nakababa kami mga alas-dos na ng hapon. bigla na nga lang natapos yung hike. as in bigla. bumulaga yung paradahan ng 4x4. tapos na. wala na kaming tutuntungang mga bato, tatampisawang mga batis, kakapitang mga sanga. nakaramdam ako ng lungkot. ambilis ng pababa. ninanamnam ko pa ang ginhawang hatid ng nanay ko, ang kalikasan. tapos tapos na pala.

binigyan namin ng apol si kuya driver. nalimutan namin siyang iwanan ng pagkain para sa tanghalian. nagthank you si kuya pagkatapos ay pinagmadali niya kami. sabi niya, aabutan daw kami ng exercises ng mga sundalo. nagworry kami sa aming sasakyan. hanggang 430 pm lang daw ang huling biyahe ng dyip mula sa patling pabalik ng capas. 22-25 kilometers din ang layo noon, aba.

kaya sumakay na kami agad at lumarga. pero sa gitna ng aming paglalakbay, huminto kami sa isang malawak na disyerto. may nauna nang dalawang 4x4 doon. pinahinto raw sila. sa di kalayuan ay may tent na pinaliligiran ng ilang patpating sundalo. hindi pa raw tapos ang exercises ng sundalo at bawal dumaan ang mga sibilyan doon. ay, lintek. wala bang ibang lugar na puwede ninyong pagpraktisan at ito pa talagang dinadaanan ng mga turista ang napeperhuwisyo? disyerto ba ang kailangan ninyo? bakit di kayo magpraktis sa middle east? o sa nevada?

doon kami nabalagoong. mga isa't kalahating oras kaming naghintay. may mga helicopter pang dumadaan-daan. para mapawi ang aming pagkabagot, nakipagtsikahan kami sa mga katabing 4x4.

actually, sila ang unang nakipag-usap. si bianca ang kinausap. pero girl of few words talaga itong babaeng ito kaya wala silang masyadong napurat sa kanya. tinanong ako at si karen at si pres ng pangalan, trabaho at bahay. sila rin tinanong namin. ang unang 4x4 ay may laman na dalawang lalaki at isang may edad nang babae. si mam ay mukhang boss. batay sa kanyang asta at pagsasalita, para siyang babaeng sanay na may mayordoma sa bahay. ang ikalawang 4x4 ay may isang lalaki at dalawang natutulog na babae. nakatalukbong sila ng kumot at kung ano-anong tela.

Heto ang laman ng unang 4x4

si eric at ang mga kasama niya ay mga taga-cainta/antipolo area. actually, head office lang nila ang nandoon. ang isa pa nilang opis ay nasa ibang bansa. LA to be exact. kaya raw sila nagpunta sa pinatubo ay upang kunan ito ng video. ibinebenta raw nila sa ibang bansa ang lugar na iyon kasama ng palawan, batanes at iba pa. so isa silang parang travel agency. si mam ay taga-canada raw. mukhang siya ang may-ari ng agency na iyon.

kasama nila ang mga nasa ikalawang 4x4

nakakuwentuhan ko ang lalaking nasa ikalawang 4x4. siya raw ay taga -DFA. medyo madaldal itong mamang ito.

mama: expired na ba ang passport mo?
ako: hindi po. ok pa po.
mama: kasi kung expired na matutulungan kita. marami kasing hiring ngayon. lalo na sa middle east. me opening doon puwedeng puwede ka. me cashier, secretary, food handler. ano ba ang tinapos mo?
ako: sa writing po.
mama: a....pero puwede ka pa rin namang magcashier. malaki ang suweldo doon, e. mga nasa 1000 dollars. mahirap lang doon kasi medyo abusado ang mga employer. pero makakapag-adjust ka rin. meron din sa saudi. saan mo ba gusto?
ako: sir, wala pa po akong balak magtrabaho sa abroad.
mama: a, ganon ba? pero sayang malaki ang suweldo roon.

hmm.. kung sa ibang pagkakataon kami nagkakilala ng lalaking ito, malamang nilabanan ko ito sa debate. pero dahil pa-easy-easy lang kami nang araw na iyon, wala naman akong ginawa kundi magpaalam sa kanya nang maayos para bumalik sa sarili naming 4x4. pagbalik ko, andami na palang dumating na 4x4. nagkumpol-kumpol ang mga drayber at guide sa isang sulok at nagkuwentuhan.

kami naman, naglaro na lang ng charades. si ej ang nagpapahula.

pinahula niya ang xmen at mr. bean.

naglaro rin kami ng paramihan. paramihan ng cartoon characters na nag-uumpisa sa s.

superman, spiderman, scoobydoo, smurf, storm, snow white, sayklops sabi ni karen. sinderela sabi ko naman.

paramihan ng ulam.

adobong kangkong, sinigang na baboy, tahong, itlog na pula, porkchop, teriyaki, siomai, shawarma

local kami nung una tapos nung nagkakaubusan na naging continental at nung lalo nang nagkakaubusan naging pangroyal at indigent family na ang mga ulam na sinasagot namin sa isa't isa.

lumabas diyan ang cordon bleu, sabaw na may betsin, mantikang may toyo at iba pa. nang wala nang mahalukay ang aming isip, tamang tama namang sinabihan kaming puwede na raw tumuloy. 4pm na iyon nang hapon.

para tuloy kaming nasa karera nang sabihin sa aming "puwede na!" halos sampung 4x4 din ang natengga sa lugar na iyon. sampung 4x4 din ang sabay-sabay na umandar.

nakita namin uli ang mga tangke, sundalong may mga baril, ang mga helicopter, ang mga tent. at sa dulo ng mala-disyertong bukid merong isang lugar na kinatatayuan ng mga tiangge-tiangge. may nakita kaming mangilan-ngilang sundalong kano na nakatambay sa mga tiangge. ang iba, umiinom ng nakaboteng inumin (parang coke), yung iba, nakatungo, kumakain, yung iba nakikipagkuwentuhan sa kapwa sundalo, yung iba nakikipagkuwentuhan sa babae. sa babaeng mukhang taga-roon.

biglang nagtanong si ej. ma, ano 'yan?

a, yan ang mga lugar at dahilan kung bakit may mga david garcia.

tumingin sa akin si karen at ngumiti.

ha? ano?

ej, diyan sila bumibili ng iba nilang pagkain, sabi na lang ni karen.

at lumampas, sa wakas, ang aming 4x4 sa suryal na lugar na iyon.

nakarating naman kami nang ligtas sa sta. juliana, pinatubo spa. kaya lang, obligado na kaming umarkila ng traysikel hanggang capas dahil wala nang dyip mula patling hanggang capas.

tapos sabi ng staff ng opisinang nagbenta sa amin ng package tour, bawal daw maligo sa banyo nila. puwede lang, maghilamos at magbihis. aba, masaya ito. e wala rin namang banyong maliliguan sa crater. saan nila ine-expect na maligo ang mga tao? sa ulan?

pagkatapos naming magbihis sa kanilang banyo, sige na nga thank you na rin, puwede ko na raw makuha ang aming certificate. kaya pumasok ako sa loob ng opis para nga kunin iyon. naabutan ko si mam, yung nakausap ko tungkol sa package-package, na nagpapasuweldo ng mga tao.nagpasalamat ako sa kanya at ibinalita kong kung sino pa ang "libre" ay siya pang pinaka-nag-enjoy sa lahat. si iding ang tinutukoy ko.

nakakatuwang may certificate pa kami. pirmado ito ng isang babae, ang brgy. captain at ni kong reycat. na ang tunay palang pangalan ay reynaldo catacutan. yung kong ay hindi pala pangalan kundi parang promosyon ng pagtakbo niya bilang congressman sa 2010.

binigyan ko ng tip na P500 si kuya moning. buong araw naman kasi namin siyang kasama at alam ko mura lang ang nakukuha niyang suweldo mula sa opis na umaakting na ahente ng mga guide doon. sina karen, bianca at pres naman, nagbigay ng P300 sa aming driver. hinanapan kami ni kuya moning ng traysikel na puwedeng lumuwas hanggang capas. pero ang presyo? tumataginting na P300 kada traysikel. patay. yan ang mahirap kapag wala talagang sasakyan. napapagastos sa traysikel.

tumawad kami ng P250. mabuti at pumayag naman. dalawang traysikel ang aming kinuha. pagdating namin sa patling, lumipat kami ng ibang traysikel. sina karen, hindi na. itong drayber namin sa unang traysikel ay ayaw naman palang dumiretso sa capas. hanggang sa patling lang daw ito. kasama naman namin si kuya moning kaya kampante pa rin kami. pagkatapos noon ay nakatulog ako sa biyahe. naramdaman ko ang simoy ng hangin. hmmm....simoy-probinsiya.

hinatid kami ni kuya hanggang sa capas, sa may junction, sa tapat ng gasolinahan kung saan kami bumaba ng bus na mula sa maynila. naalala ko tuloy ang traysikel na nag-alok sa amin kaninang umaga. P300 hanggang sa sta. juliana ang unang turing niya. tama lang pala ang alok niya. napakalayo naman kasi talaga ng lugar.

nagpaalam na kami kina kuya moning at lumarga na ang kanilang traysikel na babalik na sa sta, juliana. sa tapat ng gasolinahan, naalala ni karen na bumili ng pasalubong. e, wala naman kaming nakitang tindahan ng pasalubong. kaya ang nangyari, pagdaan ng unang bus ng victory liner na pa-cubao, pumara na kami.

sa bus, pagkabayad, natulog agad sina pres at bianca. si iding din at ej. kami ni karen, mga 10 mins pang nagkuwentuhan. tapos nang maubos na ang huling hibla ng enerhiya sa dila, nagtalikuran na kami para matulog.

hindi pa nagsiuwian ang tatlong bruhang kasama namin. tumuloy kaming lahat sa bahay para maghapunan. piyestang piyesta dahil ang inihanda ni aileen ay tortang talong, tinolang manok at lumpiang shanghai na kulu-kuluntoy pa rin.

2 comments:

Anonymous said...

So sad why do we need to pay that much just to enjoy our own country, in HongKong just put on your hiking shoes and there you are at the summit...

babe ang said...

hay, totoo yan anonymous! pero wag kang mag-alala, napakarami namang lugar sa atin ang hindi ganito kagastos puntahan. example: biak na bato sa bulacan, wawa dam sa montalban, hydro falls sa baguio hehe check mo ang site na choosephilippines. marami kang madidiskubre doon. happy traveling!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...