11 Abril 09
Yey! Kagagaling ko lang sa Banahaw kahapon. Actually, hindi ako sa Banahaw nakaakyat kundi sa Kalbaryo. Magkaibang bundok pala iyon. At meron pang pangatlo, ang Mt. Cristobal. Naakyat ko na rin ‘yan noong kolehiyo ako. Nagtanim kami ng halaman para balang araw, tulad ng ngayon, magiging puno na ito.
Gabi bago ang climb sa kalbaryo ay naghanda na ako.
Heto ang inilagay kong mga gamit sa backpack na hiniram kay Iding, ang aking poging pamangkin.
Wallet na may kulang kulang P1500 at mga ID at USB
Coin purse na hugis-isda (thank you uli, Rayts)
Cellphone na malo-lowbat na
Toiletries tulad ng toothbrush at maliit na toothpaste, sabon, napkin (feeling ko magkakaroon ako anytime), lip gloss, compact powder at cotton buds.
Isang puting spaghetti blouse at isang puting t-shirt
Isang itim na shorts
Isang bra at dalawang panty
Isang pares ng medyas (hiniram din kay Iding)
Isang 500ml na plastic na bote ng tubig
Isang jacket. Pangwinter. Makapal talaga dahil me sariling klima raw ang bundok na iyon so kahit summer, maaaring lumamig nang sobra. Ginawin pa naman ako.
Isang ballpen.
Mga alas siyete y medya ng umaga ay sumakay na ako ng dyip pa-Alabang. Pamasahe: P18.00. Mula sa Zapote, mabilis lang ang biyahe. Walang kasa-sasakyan-sasakyan sa kalsada.
Pag-ibis ko ng dyip, naglakad ako papunta sa kalsadang opposite ng metropolis mall para mag-abang ng bus papuntang San Pablo. Iyon kasi ang itinuro sa akin ni Wasi at ng iba ko pang napagtanungan.
Nakakita ako ng bus papuntang Daet. Sabi ni Wasi, pwede na rin ako sumakay ng bus na pa-Bicol. Dadaan din daw iyon sa San Pablo.
Pagpasok ko ng bus medyo naasiwa ako. Me tandang sa may entrada ng bus. Tumitila-tilaok pa pag-akyat ko. Parang wine-welcome ako. Tapos sa bandang dulong upuan, me isang lalaking naninigarilyo. Mga isang pulgada lang ang pagkakabukas ng bintana ng mga bus. Kaya yung usok ng yosi niya, parang langaw, palipat-lipat sa mga upuan at sa mga pasahero. Gusto ko sanang sabihin, manong, puwede kayang lunukin mo na lang ang usok mo para hindi maabala ang mga kasakay mo rito?
Tapos sa pinakadulo, meron ding isang mama na nakataas ang paa. Nakapatong ang paa niya sa upuang nasa harap niya.
Paastigan Express yata ang pangalan ng bus na ito.
Nag-settle ako sa isang bakanteng upuan na pantatluhan. Sa puwestong malapit sa aisle. Ang nasa kanan ko ay isang aleng kulot ang buhok.
Umandar na ang bus pagkaraan ng sampung minuto.
Nang tanungin ako ng kundoktor kung saan ako bababa, sabi ko ay sa mismong palengke ng San Pablo. Sabi niya, hindi raw sila dumadaan doon. Don daw ba ang eksaktong destinasyon ko? Sabi ko, sa Banahaw po. Aakyat ako. Sabi niya, aba, e doon ka nga dapat bumaba. Ibababa ka namin sa haywey tapos magtraysikel ka na lang o kaya maglakad papuntang palengke. Opo, kako. Nagbayad na ako. Pamasahe: P68.00
Kinausap ako ng aleng kulot ang buhok. Doon ka pala papunta? Nakaakyat na rin ako diyan. Maganda.
Talaga po? Tanong ko naman.
Oo! Saka maraming tao. Kahit matagal kang maglalakad, hindi ka maiinip sa dami ng tao.
Sabi po ng kaibigan ko, kailangan ko pa raw ng guide.
Hindi na. Makikisabay ka na lang sa mga tao diyan. Maganda diyan. Hindi nga lang ako makakapunta ngayong taon kasi papunta ako sa Tiaong.
A…opo.
Noong nagpunta kami, alas singko ng umaga kami umakyat para hindi mainit.
Patay, tanghali na pagdating ko doon. Nakikinita ko na ang tagaktak ng pawis sa noo, tenga, leeg, kilikili ko at sunburn sa aking mga balikat.
Mag-isa ka lang? tanong ng ale.
Opo, kako.
Bakit ka naman mag-isa?
Ngumiti lang ako.
Sana nagsama ka. Pero hindi ka naman maiinip kahit mag-isa ka. Kasi nga maraming tao.
Pagkaraan ng ilang minuto ay pareho na kaming nanahimik. Patingin-tingin ako sa labas ng bintana. The usual highway naman ang nadadaanan. Hindi kamukha ng SCTEX na ansarap piktyuran kaya hindi mo talaga puwedeng tulugan.
And speaking of piktyur-piktyur, nakahiram ako ng camera, e hindi ko naman nadala. Kalimot-limot nga ba ang camera sa ganitong pagkakataon o ako lang talaga itong aanga-anga?
Nakatulog ako sa bus. Maginhawa naman ang biyahe. Ansarap ng hangin at katamtaman lang ang buga nito dahil isang pulgada lang ang pagkakabukas ng mga bintana ng bus. Hindi nakakasira ng buhok at nakakapagdulot din ng ibayong ginhawa.
May naramdaman akong humawak sa mukha ko. Parang hinipo ang pisngi ko.
Sino ‘tong tarantadong ‘to?
Gising na. Malapit ka na. San Pablo na ‘to.
Si Manong Konduktor pala.
Nang makita ko siya e naglalakad na siya sa aisle, pabalik sa harapan ng bus. Karinyoso manggising itong si manong konduktor. Gagawin din kaya niya iyon sa mga astig na nasa likod ko? Mukhang ansasarap na ng mga panaginip, e. O.
Tiniyak kong nasa San Pablo na ako. Tiningnan ko ang mga sign board ng mga establishment doon. Sa probinsiya kasi, pansin ko lang, nakasulat sa bandang ilalim ng signboard ang address ng establishment.
Blah blah blah Construction Supplies Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.
Blah blah blah Salon Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.
Ayan, andito na nga ako. Mga 20 minutes ang lumipas nang biglang maaalala ng konduktor na bababa nga pala ako.
Nako! Sa palengke ka nga pala. Kinawayan niya ako para lumapit. Pinahinto niya agad ang bus.
Bye, ate, salamat po, kako sa babaeng kakuwentuhan ko kanina.
Agad akong tumayo at naglakad papunta sa pinto ng bus para umibis.
Magtraysikel ka na lang, sabi ng manong. Ayun! Dun pa ang palengke, sabi niya.
At dahil kuripot ako at ayoko ng nakikipagnegosasyon sa mga traysikel drayber, naglakad na lang ako. Mukha namang malapit lang. nadaanan ko ang isang punerarya, hardware store, Banahaw spa at marami pang iba.
Mayamaya, nakakita ako ng intersection na may 711 at sa tapat niyon ay police booth na itinayo para sa semana santa. Lumapit ako.
Saan po yung sakayan ng papuntang Dolorosa?
Saan yon? Sabi ng pulis.
A…baka taga-Maynila rin si Sir senior police inspector eklabu.
Hindi ko rin ho alam, sir. Akyat po ako ng Banahaw. Yun po ang sabi sa akin, sakay daw po ako ng dyip pa-Dolorosa.
Tinanong niya ang kasama niyang pulis.
Baka sa Dolores, Miss! Sa palengke. Doon! Itinuro sa akin ang kalsada sa gilid ng 711. Maraming tao ang nanggagaling doon. Mukhang doon nga. ako pala itong nagkamali.
Thank you po.
Lumarga na ako. Hindi naman pala malayo. Nagtanong pa ako sa isang aleng kasabay kong naglalakad. Sabi niya, aakyat ka ng Banahaw? Dapat sa Parang ka bumaba at hindi sa Dolores.
Tatangu-tango lang ako. Mas may paniniwala ako siyempre kay Wasi. Ang sabi ni Wasi, Dolores daw. Sa Dolores ako bababa.
Pagdating ko sa palengke, naghanap ako ng makakainan. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal. Ikot ako nang ikot sa palengke, aba’y wala kahit karinderya man lang. Nagtanong na ako. Nasa loob daw mismo ng palengke. Kaya pumasok ako sa pagitan ng stalls na puro nakasara. Ang hirap talaga kapag Biyernes Santo. Sarado halos lahat ng puwedeng mabilhan o makainan. Kahit pala sa probinsiya, ganon din.
Paikot-ikot pa rin ako. Wala akong natagpuan kundi dalawang karinderyang mangilan-ngilan ang tao. Doon ako sa mas maraming tao. Ang dami raw ng tao ay sign kung gaano kasarap ang pagkain sa isang lugar. The more, the more delicious hehehe
Bumili ako ng porkchop na may sabaw na kakulay ng adobo at isang order ng kanin. Ngayong isinusulat ko ang blog entry na ito, saka ko lang naalala na bawal nga pala ang karne nang araw na iyon. Kaya pala ang mga katabi ko puro ginisang ampalaya ang kinakain. Akala ko e, nagtitipid lang sila.
Nagteyk out ako ng isang kanin at isang tortang talong. Humingi rin ako ng isa pang plastic, yung lalagyan ng ulam. Wala kasi akong dalang kutsara’t tinidor. Balak kong magkamay sa bundok. Gagamitin ko ang plastic, pantaklob sa kamay.
Bumili rin ako ng tatlong ponkan at isang mansanas sa labas ng palengke. Tapos hinanap ko ang dyip papuntang Dolores. Nakita ko ito kaagad kaya sumakay na ako agad.
Sa likod ng babae’t lalaki sa harapan ng dyip, me napansin akong isang matandang babae na may kalong na dalawang bata. Kasama rin niya ang katabi niyang teenager na lalaki. Pero hindi niya ibinigay dito ang isang bata para kalungin. Siya talaga ang nagkandong sa dalawa.
Isa-isa nang kinuha ng drayber ang pamasahe namin. Lumiligid siya sa dyip, sa labas. Noong ako na, hindi ko masabi kung saan ako bababa. Kaya sinabi ko na lang, aakyat po ako ng Banahaw.
Sabi ng drayber, sige mamya ka na magbayad. Huli ka namang bababa.
Pagkaraan ng halos isang oras na biyahe, as usual nakapikit ako the whole time, kami na lamang ang naiwan: ako at yung matandang babaeng may kalong na 2 bata, yung teenager at yung babae’t lalaki sa harap.
Sabi ng drayber, bayaran mo na lang ako ng P20 at ililipat kita ng dyip. Hindi ba sa Kinabuhayan ka?
Nagtaka ako. Wala naman akong binanggit na Kinabuhayan. Hiindi ko nga alam ang lugar na iyon.
Basta po sa may akyatan ng Banahaw?
Oo nga, lilipat ka ng dyip. Teka ihahatid kita sa sakayan.
Biglang nagsalita ang matandang babae.
Aakyat din kami. Sumabay ka na.
Saan po kayo papunta?
Sa tuktok ng bundok.
Istir siguro ang matandang ito. Sabi ni Wasi, apat na oras ang akyatan. Hindi kakayanin ng isang araw. Kaya pakabilin-bilinan niya, wag na akong umakyat. Doon lang daw ako sa paligid-ligid ng bundok. Um-oo naman boses ko. Pero hindi ang puso ko.
Ang iniisip kong gagawin ng matandang babae at ang mga kasama niya ay mag-a-outing. Baka magpipiknik lang. Umoo na rin ako sa kanya. Sabay na po ako, kako. Naisip ko, hihiwalay na lang ako pag nakakita ako ng pagkakataon.
Hinatid kami ni manong drayber sa isang lugar kung saan maraming tao. Pinadagdagan niya ang bayad namin ng P20 pa bawat isa. Bale P40 ang pamasahe ng bawat isa sa amin. Iyon na ang parang entrada papaakyat ng bundok. Dagdag na 20 minutos iyon mula sa Dolores.
Andami talagang tao. At andaming tindahan ng mga kendi, ulam at kanin, ice candy, load, trapal, anting-anting at kung ano-ano pa. Meron pa ngang CR for rent, P10.
Naglakad na kami papasok. Taga-Malabon pala sila Nanay. Hindi ko sila masyadong kinakausap dahil wala talaga akong balak makipag-usap ngayong araw na ito. Penitensiya ba.
Tapos huminto kami sa isang bilihan ng palamig at ube candy. Tinanong kami ng tindera. Saan ang punta ninyo?
Aakyat sa tuktok ng bundok.
Gusto ninyo ng guide? Puwede itong anak ko. Bumaling siya sa batang nag-aabot ng ipinlastik na ube candy.
Saan ba? Tanong ng anak niya.
May sinabing lugar ang tindera.
Hindi ko alam yon.
A, oo nga bata ka pa. heto na lang, sabi ng tindera, si Alex.
Itinuro niya ang isang lalaking nakatambay sa tindahan na iyon. Naka-gray itong tshirt at at pulang shorts. Nakasumbrerong pula rin. Kahit hindi nakangiti, mukha siyang nakangiti. Maaliwalas ang dating niya.
Saan ba?
Sa tuktok ng bundok. Sabi ni Nanay, ang matandang babaeng kasama ko.
A… sa kalbaryo.
Magkano hanggang doon? Tanong ni Nanay.
Kayo na ho ang bahala, sabi ng tindera.
Hindi naman puwedeng kami ang bahala.
Puwede ho, sabi ng tindera at iba pang tambay doon.
O sige, bayaran ka namin ng piso, okey sa iyo? tanong ni Nanay kay Alex.
Nagtawanan ang mga tambay at kaming mga dayo.
O siya, siya, tara na nga. Basta kami na ang bahala ha? yakag ni nanay.
Sige po, sabi ni Alex.
At naglakad na kami.
Madami pang tao sa bahaging iyon ng bundok. Karamihan sa kanila, basa ang damit. Basa rin ang buhok na hindi pa nasusuklay. Yung ibang tao, may bitbit na lalagyan ng pagkain. Yung iba, sako. May mga tuwalya sa leeg ang iba. May falls palang malapit doon. Akala ko nga ay dadaanan namin. Hindi pala. Sayang.
Marami ring tindahan. Bumili kami ng kandila. Sabi ni Alex, 5 station daw ang pupuntahan namin. Kaya 5 lang ang binili kong kandila. Si Nanay isang supot yata ang binili.
Hindi pa kami nakakalayo ay may dalawang estasyon na kaming nadaanan.
Mayroong parang bato ng 10 commandments sa kaliwa at sa kanan saka tulusan ng kandila. Nagsindi ako ng isa. Si Nanay din. Sa pinagpuwestuhan ko, me batang nagtutuklap ng mga natuyong luha ng kandila sa bato. Aba, ok sa trip itong batang ito, a kako. Magandang penitensiya iyan, a. Pero nagbago ang initial kong ideya nang mapansin ang isang plastic bag na puno ng luha ng kandila sa tabi ng bata. Aba, nagnenegosyo yata si ineng. Madami-daming luha nga naman iyan ng kandila.
Dahil wala sa isip ko na kailangan pala akong magdasal dito sa pag-akyat ng bundok, wala akong naihandang wish. Ang naisip ko lang ay si EJ. Tapos naisip ko na rin ang mga pamangkin ko. Kaya ang wish ko ay naging gnito: sana ay maging maganda ang future ni EJ at ni noah at ni iding. Saka ni Bianca. Nalimutan ko si dilat. Pero mas stable naman ang nanay nya e. kaya mas ok na siguro ang future niya. Di na kailangan ipagdasal ng tita.
Pagkadasal ay naglakad na kami.
Marami pa ring tao kaming nakakasalubong. Basa ang lupa at mga batong tinatapakan namin. Yung iba, nababalot pa ng lumot. Marami ring halaman tulad ng fern saka parang dahon ng gabi. Maingat kami pero mabilis. Lalo na si Nanay. Ang liksi-liksi niya, grabe.
Pang-isahan ang trail doon kaya kailangan naming huminto kapag may nakakasalubong kami. Pero sabi ni Alex, baka gabihin kami kung lagi kaming hihinto. Kaya ang ginawa namin, hindi kami humihinto kahit may makasalubong. Umuusad kami nang pakonti-konti.
Naghubad si Nanay ng kanyang sandalyas. Maputik kasi. Nakapaa siya. Akala ko ay hanggang doon lang sa maputik na bahagi ng bundok siya magpapaa. Sa buong trek pala!
Mayamaya lang ay tuyot na ang lupa at mainit na ang mga bato. Talahib na ang karamihan sa nakikita naming halaman sa paligid.
Mga isa’t kalahating oras kaming naglakad paakyat sa kalbaryo. Marami kaming nadaanan na interesante. Me iba’t ibang organisasyon na nagtatayo ng tolda doon at ang mga taong nagbabantay ay naka all white at nakalugay ang buhok. Meron ding umaakyat ng bundok na ganon ang attire. Sa isang flat na lugar, merong naglagay ng isang mesang mahaba tapos may picture ng last supper na nakabitin sa malaking bato sa likod nito. Tapos sa tapat ng mesa, mga lutuan.
Noong hindi ko pa nakikita ang picture ng last supper, akala ko ay mga residente ito ng lugar na iyon at iyon ang kanilang dinner table. Pero mukha ngang hindi. May nakita rin akong banner ng kanilang samahan. Nalimutan ko lang ang pangalan.
Sumulyap ako bago tuluyang lumarga. May mga nakaupo sa dulo ng mesa. Baka sila ay gumaganap na mga lalaking kasama ni hesus sa huling hapunan. Hindi pala. Kasi mukhang nag-iinuman ang mga manong sa dulo ng hapag-kainan.
Meron ding isang grupo ng kabataan na nagpapapirma sa mga dumadaan. Ang nakalagay sa kanilang sign board ay sign for monitoring. Sabi ng isang lalaki roon, wala po itong bayad.
Lumapit ako at lumagda. Sakali nga namang mawala ako, at least alam nitong mga taong ito na dumaan ako doon.
Marami rin kaming nadaanang tent ng mga local na turista. Sa tingin ko ay inconvenient ang pagkakapuwesto nila dahil kitang kita ito ng mga taong dumadaan. Saka wala yatang source ng tubig na malapit. Inconvenient din ito sa mga umaakyat tulad namin. Lumiliit ang espasyong dinadaanan namin.
Meron din kaming nadaanan na parang super liit na kuweba na nilagyan ng mga tabla kaya mukhang bukas na sabsaban. Maraming kandila doon. Isa raw iyon sa dapat naming pagtirikan ng kandila.
Nagtirik ako saka si Nanay. Si Nanay na astig din, nakasakay ko yata ito sa Paastigan Express, ay bumaba sa isang pababang bahagi ng maliit na cave na iyon. Doon siya nagtulos.
Tapos lumarga na kami uli.
Mayamaya pa ay may hinintuan kaming parang kuweba uli. Patatsulok ang entrada nito. Yuyuko ka talaga para makapasok. Pero as usual trapik dahil sa dami ng tao sa loob at sa dami ng taong gustong pumasok.
At dahil mahilig talaga ako sa mga ganoong adventure, pumasok na ako. Nauna na pala si Nanay sa akin. Sa bunganga ng kuweba, nagtirik kami ng kandila. Nang umusad papasok ang mga tao, nakaupo kaming naglalakad. Sa loob, maraming mga babaeng nakaputi na nagdarasal. Pabulong kaming nag-uusap ni Nanay. Bawal daw ang maingay.
Mababaw lang ang kuweba. Sa dulo nito, mayroong dalawang estatwang maliit. Pinalilibutan ito ng mga kandila. Ang init-init papasok ng kuweba pero sa bandang gitna nito ay biglang lumamig. Parang me built-in aircon ang kuweba.
Weird. Pero okey. Para ngang ayoko nang lumabas. Malapit na kasing magtanghaling tapat noon. Ang init-init sa labas.
Naglakad uli kami ni Nanay nang nakaupo papalabas ng kuweba.
Tapos, akyat uli kami sa bundok. Paglingon ko sa likod, parang mahabang bukid na pababa ang dinaanan namin. Puro talahib. Ang kapal-kapal ng talahiban doon. Siguro kung gabi, hindi mo makikita ang trail. Kasi nga, ngayon ngang may araw, malalaman mo lamang na may trail pala sa isang dako dahil sa may mga taong dumadaan doon.
Naisip ko, ganito pala ang maging isang langgam.
Kasi para kaming langgam kung titingnan mula sa malayo.
Noong time na ‘yon, napansin namin ni Nanay na mayroong isang lalaki ang sunod nang sunod sa amin. Mukhang kasama na ito ng aming grupo. Iyon pala si Ronel, pinsan ng aming guide na si Alex. Naka-sandwich sila sa amin. Si Alex, nasa unahan. Si Ronel, nasa dulo.
May mga parte ng climb na na-cha-challenge ang aking sandalyas. At maraming beses naman na nagpapasalamat ako sa pundya ng aking pantalon dahil hindi siya napupunit. Bukaka dito, bukaka doon. Hakbang, akyat, hila, tukod.
Iba’t iba rin ang korte ng mga batong inaapakan ko na minsan, inuupuan din na minsan, nakakaface to face din na minsan, niyayakap din. Kung lalaki ang mga bato sa bundok na iyon, andami kong nakalove team.
Me batong pabilog, patusok parang tatsulok, parihaba, parisukat.
Karamihan sa kanila ay itim ang kulay.
Paminsan-minsan, andon ang aming guide para alalayan kami umakyat sa mga uneven na bato pero most of the time nga, nasa unahan siya ng aming pila.
Meron ding time na noong malapit na kami sa kalbaryo, hindi na namin makita si Nanay. Iyon pala, nauuna na. As in unang una. Napapasabay na sa ibang grupo. Me magic ata itong si Nanay. Hanep. Nakapaa pa yan, ha?
Naaliw din ako sa mga nakakasalubong namin kaya hindi talaga nakakainip ang climb. Me bata. Ang pinakabatang nakita ko ay nasa tatlong taon ata. Na-miss ko tuloy si EJ. Sana talaga nakasama siya doon. Kakaibang experience para sa kanya.
Me nakasalubong din akong matanda, marami-rami akong nakitang matanda. Meron din akong nakitang mga babaeng matandang nakaputing bestida tapos mahaba ang buhok at merong nakaikot na rosaryo sa kanilang bewang. Malapit sa kalbaryo, meron namang babaeng nakamaroon na damit, at ang ginagawa niya ay nag-aalay siya ng mga kamay sa mga taong nahihirapan sa pag-akyat sa ilang mabatong portion. Nakakatuwa, kahit hindi siya ganoon kalakas, gusto pa rin niyang tumulong at maging kapaki-pakinabang sa kapwa.
Meron ding mga teenager akong nakita. makukulay ang mga suot nila. Nakalimutan siguro nilang biyernes santo nang araw na iyon, parang ako.
may mga ka-edad ko rin. Karamihan sa kanila mukhang mga mountaineer, malalaki ang bag, na ang tatak north face. Mga naka-mojo at me bandana sa ulo.
Meron din akong nakakasalubong na parang sa party pupunta. May nakita akong nakatights na black tapos nakashorts. Me sequins-sequins pa ang blouse at malaking malaking shades. Cute, oo, pero hindi pambundok.
Meron ding parang sa mall pupunta, naka-t-shirt tapos may nakabalot na parang sarong sa leeg, pamboys iyan. Nakita ko si John Pratts dati sa TV, ganun ang suot.
Me naka-blouse na girl na girl at nakasandals na parang pang-graduation. Napatitig talaga ako sa sandals na iyon at naiisip ko, kung bibig ang sandals ko, kanina pa ito, nakanganga sa uhaw at pagod, e, paano pa kaya yung sa kanya?
Ano nga pala ang suot ko? E, di mukha ring pamparty!
Naka-halter blouse ako. Kulay-lumot na binilad sa araw. Yung blouse, hindi ako. Naman!
Tapos pinatungan ko iyon ng striped na blouse na racerback ang likod. (Racerback nga.) tapos nakamaong ako. Na kulay green. Nakamedyas din ako na makulay. Tapos naka-feminine na mojo sandals na nabili ko sa Marikina sa halagang P120 ilan daang taon na ang nakakaraan.
May mga nagsasalita habang pababa at paakyat. Si Nanay, ang mga hirit niyan nang may makitang mga teenager na lalaki sa may unahan namin, naku sana ang mga adik, magbago na. Biglang nagtawanan ang mga teenager. O, bakit parang may natatamaan? sabi ni Nanay. Meron bang adik dito? Adik sa alak, ganyan.
Meron pa siyang sinabi, ay pagbalik natin dito, yari na ang escalator na pinagawa ko. Biglang sumagot ang isang babaeng pababa, ay hindi na ho kalbaryo iyan.
Me tatlong bakla na pababa ng bundok, sabi naku, ayoko na ngang magkasala. Ang hirap-hirap.
Tawanan kaming mga nakarinig.
Napakasaya ng atmosphere. Parang kahit hindi kayo magkakakilala, nakakapagbahagi ka ng mga naiisip mo that time. Yung mga comment-comment ay nakakapagpagaan sa isang napakabigat na gawain.
Nakakatuwa ding experience yung pag-ooffer ng sariling kamay para makatulong sa iba. Karamihan sa mga gumagawa nito ay yung mga taong pababa na ng kalbaryo. Inaalalayan nila ang mga paakyat pa lang. At humihinto sila para makadaan ang mga paakyat.
Sayang at ngayon ko lang nari-realize na importanteng gesture ang ganon. Hindi ko ‘ata ito nagawa sa mga kasama kong umakyat saka doon sa mga hindi ko kakilala.
Ang focus ko, masyadong natuon sa mga bato, paano ko ito aapakan, paano ako hahakbang sa kabila, paano ako makakaakyat sa taas. Noong pababa na kami, wala na ring pagkakataon na makapag-alok ng tulong kasi hindi na kasinglupit ng trail paakyat, ang trail pababa. At mas konti na ang taong paakyat sa trail na iyon. Iba kasi ang dinaanan namin. Hindi kami dumaan sa inakyatan namin.
Naku saying talaga. Ngayon parang naiinis ako sa hindi ko nagawa.
Naabot namin ang tuktok, saktong tanghaling tapat. Kaya ang init-init talaga. Bukod doon ay nagliliyab na ang ilang mga bahaging pinagtutulusan ng kandila. Doble ang init. Konti lang din ang halaman na pwedeng pagsilungan. Me nakasilong na doon sa kakaunting puwedeng pagsilungan. Naupo na lang kami sa mga bato-batong nagkalat at nagpahinga sandali.
Merong krus sa tuktok ng kalbaryo. Kalbaryo ang tawag sa bundok na iyon. Hindi iyon Banahaw. Sabi ni Alex, ang Banahaw, mga isang buong araw na lakaran. Kaya kung gusto mo pang bumaba, magdevote ka pa ng isa pang araw. (meaning kailangan, mag-overnight. Meaning, marami kang dala sa paakyat at pababa ng bundok) Ganon iyon kataas. Sa kasamaang palad, ayon sa opismate ng aking kaibigang si Rita, bawal daw itong akyatin. Me nadaanan din akong parang booth ng pulis na may banner. Sabi: closure Banahaw extended 3 more years.
Dalawa lang ang krus na nakita ko. Sabi ng iba, tatlo daw ang krus doon. Ngayon ko lang naalala. Nang makita ko kasing dalawa lang ang krus, hindi na ako nag-abalang hanapin ang isa pa.
Pero dapat, nandoon lang iyon. Kasinlaki lang din dapat iyon ng dalawang krus kaya dapat madali kong nakita kung nandoon nga lang iyon at dapat katabi ito ng iba pa kaya dapat talaga hindi ko ito na-miss out.
So malamang, dalawang krus lang talaga ang nandoon.
Nag-ikot-ikot ako sa kalbaryo. May mga nagtayo ng tent doon. Me isang tent na puro babaeng naka-maroon na t-shirt ang nagbabantay. Sa labas ng tent nila, me apat o limang something na hugis-bangka, kalahating dipa ang lapad nito. Gawa ito sa kandila. Puting puti.
Me isa pang tent na kapnsin-pansin. Nagdadasal kasi nang malakas ang mga tao sa tent na iyon. Kapansin-pansin dahil napakaganda ng pagkakabigkas nila sa mga Our Father at Hail Mary. Parang mga taga-call center yung nagdadasal. Magaling din sila magstress sa mga salita. May isang babaeng mukha nang nanay na naka-blouse na bulaklakin, isang lalaking kakaunti na lang ang buhok sa ulo, nakapolo shirt, may isang lalaking payat na mga nasa kuwarenta, naka-star wars na kamiseta, kulay-pula.
Tapos sa entrada ng tent, may isang babaeng morena, malalim ang eyebags, gulo-gulo ang buhok, pawis na pawis, naka-maroon siyang kamiseta. Nakapikit siya the whole time. At nagsasalita siya sa maliit na boses. Papalakpak-palakpak siya. Tapos mayamaya tumatawa siya. Tapos sabi niya, huwag ninyong kalimutang tumawag sa akin. Sa harap niya ay isang babaeng nasa trenta anyos. Sabi niya, huwag mong kalilimutang tumawag sa akin, ha? Malaki o maliit man ang problema mo, tatawag ka sa akin ha? Matutulungan kita. Sabay tawa at sabay palakpak ang babaeng morena.
Sa tabi ng babaeng morena ay isang lalaking nakaputi na may salamin sa mata. Mukha siyang tipikal na teacher sa values education ganyan. Me dala siyang puting tabong me tubig at inilalapit niya ito sa kamay ng babaeng morena.
Paminsan-minsan, isasawsaw ng babaeng morena ang kamay niya sa tabo at iwiwisik ang tubig sa babaeng nasa harap niya. Tapos tatapikin niya sa noo at sa dibdib ang babae. Tapos tatapikin niya sa noo ang lalaking me hawak ng tabo.
Pagka-minsan, iwiwisik ni babaeng morena ang tubig sa paligid niya, sa mga nagdarasal. Pagka-ganon ang nangyayari, yung mga nag-a-Our Father ay tumitigil at nagpapasalamat.
Sabi nila, salamat, nino.
Aha! Sinasapian pala ng Sto. Nino ang babaeng morena.
Hindi ako makapaniwala siyempre. Kayang kaya kong gawin ang pagpapaliit ng boses. Nakakapanood ako ng ganito sa TV pero iba pala talaga kapag aktuwal mo nang napapanood. Medyo natatawa ako. Feeling ko ang naïve ng mga taong naniniwala sa ganito.
Hinanap ko ang mga kasama ko para ipakita sa kanila ang nasa tent. Nakita ko si Alex. Sabi niya, huwag kang masyadong lalapit. Baka hindi na kita mabawi. Hmm…posible palang maimpluwensiyahan ako ng mga taong iyon. Me nagwarning din sa akin na huwag akong tumuloy kung nag-iisa ako dahil marami raw ang nanghi- hypnotize doon. Siguro isa ito sa mga iyon.
Sumama sa akin yung dalawa sa mga kasama ni Nanay. Pagbalik namin sa tent, iba na ang nasa entrada nito. Yung mamang naka-star wars na. nakabukas ang mga mata niya pero parang walang nakikita. At para siyang naninigas. Yung mga daliri niya ay nakapilantik at kumikilos nang maliit na parang inaatake ng sakit. Tapos dahan-dahan siyang bumabaling sa lalaking may tabo. Nakakatakot ang ekspresyon sa mukha niya. Parang ang seryo-seryoso. Pero natatawa pa rin ako. Kasi naman may umaagos na sipon sa isang butas ng ilong niya.
Habang pinapanood ko ang nangyayari sa mama, naririnig ko ang boses ng isang babae. Ikinukuwento niya sa katabi niya ang mga sinabi ng “Sto. Nino” sa kanya. Siya pala yung babaeng nakatayo kanina sa tapat ng babaeng morena.
Napaka-suspetsoso ko lang ba talaga or what? Kasi ang unang pumasok sa isip ko, planted iyon. Ang babaeng iyon ay kasama talaga ng mga nasa tent tapos kunwari magpapagamot siya o magpapakonsulta tapos magkukuwento sa mga tao sa paligid niya para maengganyo rin ang mga ito na lumapit sa sinasaniban. Parang yung sa mga home TV shopping. Actually, hindi naman talaga sila gumamit ng produktong ineendorse nila kundi bayaran lang sila. Ganon. Ganon ako kasuspetsoso.
Nag-ikot pa ako sa tuktok. Nagcheck din ako ng cellphone. Naka-off ito dahil malo-low batt na. Walang signal. Pinatay ko na lang ito uli.
Pero feeling ko, may nag-iisip sa akin nang eksaktong panahon na iyon. Me napulot akong something. Plastic siya. Dilaw. Mga tatlong pulgada ang haba. Bahagi ito ng something na plastic din. Ewan ko kung ano.
Ang sabi ng napulot ko: I miss you.
Yihi. How romantic. Doon nga yata talaga matatagpuan ang kakaibang mga anting-anting. Kaya naman nasa wallet ko na ang I miss you something na iyon.
Nagsindi na ako ng kandila at nagdasal sa tapat ng mga krus. Pagkatapos ay umupo na ako sa tabi nila Nanay. Noon kami nagtanungan ng pangalan. Ipinasulat niya sa akin sa isang papel ang phone nila sa bahay. Tinanong ko na rin ang pangalan ng iba pa niyang kasama. At isinulat ko rin doon. Ang mga edad at okupasyon nila, nalaman ko sa iba’t ibang pagkakataon na.
Nanay Lagring- 65 years old, parang hilot. Though hindi niya sinabing hilot siya. Pero sabi niya nagmamasahe siya at gumagamot ng biktima ng kulam. Nakakatulong daw siya sa ganon.
Tintin-10 years old
Simon-11 years old
Magkapatid sila at apo sila ni Nanay Lagring
Rosemarie-24 years old, sa index salon sa monumento nagtatrabaho, bunsong anak siya ni Nanay Lagring
Ricky-21 years old, boyfriend ni Rosemarie
Fidel-15 years old, kaibigan ni Ricky at Rosemarie
Si Alex, ang aming guide na mukhang college student, ay nagtatrabaho na raw kapag ordinaryong araw sa malayong lugar, ayon kay Ronel, ang isa pa naming guide. Magpinsan sila. Tahimik si Ronel the whole time pero noong uwian ay nakakuwentuhan ko siya dahil dalawa kaming naiwan na naghihintay sa pagbibihis ng mga kasama naming naligo sa ilog. 20 years old na siya pero 4th year high school pa lang siya. Nang sabihin niyang 4th year pa lang siya, hndi siya nailang o nahiya. Mukhang common ang ganong kaso sa lugar na iyon.
Ibang ruta ang tinahak namin pababa. Sabi ni Alex, mas patag daw ito at may ilog sa pinakadulo. Okey naman kay Nanay Lagring kaya iyon ang dinaanan namin. Naghubad ako ng medyas at sandals. Gusto kong malaman ang pakiramdam ng nakapaa.
At siyempre, hindi masarap. Nasa gitna ako ng pila ng grupo. Napakabagal ko na sa bawat hakbang kaya malaki ang agwat naming mga nasa dulo ng pila sa mga nasa unahan ng pila. Masakit talaga sa paa, gumagasgas sa talampakan ko ang magagaspang na mga bato. Pinapaso ng maiinit na batong bilad nang buong umaga at tanghali ang talampakan ko. Pero hindi ako sumuko. Kalbaryo kung kalbaryo.
Ang ginawa ko na lang ay ginamit ko ang kamay at braso ko. Ipinatutukod ko ito para hindi lahat ng bigat ko ay nasa mga paa ko. Niyayakap ko ang bato kung kailangan. Ipinangkakalang ko ang mga palad ko kung kailangan. Umuupo ako, lumuluhod.
Hindi ko akalaing ganon kasakit ang magpaa. Pero bakit parang ang dali kay Nanay at sa ba pang nakita kong nakapaa sa trail?
Kinakantiyawan na ako ng boys. Gusto ko raw ba talaga magpaa? Kaya raw ako nagpapaa kasi hindi ko pa naranasan magkakalyo. Sabi ko, andami ko kayang kalyo? A…alam na raw nila kung bakit ako nag papaa. Kasi raw hindi ko pa nararanasan magkakalyo na nagnanana.
Nagtawanan sila. Sila lang. Ako, napa-eeooow.
Pagkatapos ng mga trenta minutos, nagmedyas at sandalyas na rin ako. Bumilis-bilis ang aming trek pababa.
Mas maganda nga ang daan doon pero hindi ito kasingpatag ng inaakala namin. Marami pa ring bato sa 50% ng daraanan. Niloloko nga namin si Alex sa tuwing makakaengkuwentro kami ng mabatong daan. Patag pala, ha! Patag nga! 2 segundong patag! At magtatawanan kami.
Me pang quiz beeng tanong pa si Fidel. Ano raw ang scientific name ng bundok na iyon?
Mountainensis patagkinensis Alexenensis.
Hagalpakan na naman kami ng tawa.
Marami ring bahagi ang trail na iyon na na nalalatagan ng natumbang mga talahib. Matalahib din pala. Noong nakapaa ako, dito ako umaapak at hindi sa lupa para malamig-lamig sa paa. At yung talahib ay yung lumulungayngay talaga sa mismong daanan. Kailangan mo pang hawiin para makadaan ka.
Mas konti ang tao sa daanang iyon pero ang nakakatuwa, may nakita kaming naka-stand by na tindero ng ice cream. Ice cream! Ice cream, anya. Hahaha ice cream susmarya. Parang ang hirap mag ice cream habang nagha-hike. Unless magpapahinga ka. At wala yata sa itinerary ng grupo ang magpahinga sa gitna ng hike.
Isa pang nakita namin ay tindero ng mineral water. Me bente at trenta raw sabi ng tindero. Bibili sana si Rosemarie. Sabi ko, may tubig pa ako. Inalok ko ang dala kong bote at uminom ang dalawang bata.
May nakita rin kaming pamilyang nagte-tent. Nagtitinda naman sila ng palamig. Melon. Huwaw. Npakagandang idea. Kaya lang wala talaga kami sa mood bumili ng kung ano-ano. At least iyon ang naiisip ko. Lalo na ako. Ang focus ko ay marating ang dulo ng trail. Ang matapos ang hike.
Mga isa’t kalahating oras din ang pababa. Mayamaya lang ay madulas na ang mga daan. At dumami ang mga puno at halaman. Medyo dumilim din. Parang alas singko na lang ng hapon samantalang ala una o alas dos pa lang yata iyon.
Nanginginig ang tuhod ko noong pababa na kasi madulas. Parang nagpipigil ka sa pagdausdos pero kailangan mong humakbang. Scary talaga. Pakapit-kapit na lang kami sa mga sanga-sanga at hala-halaman. Kawawang sanga-sanga at hala-halaman.
Sabi ng mga kasama ko, naririnig na nila ang tubig. Tingin kami nang tingin sa gilid na parang bangin. Wala namang ilog. Ako nga hindi ko marinig ang tubig.
Lakad-lakad uli.
Mayamaya lang, bumulaga na sa amin ang ilog na tadtad ng higanteng tipak ng mga bato. Ilog Lagnas daw ito sabi ng polyetong nabasa ko bago ang biyahe ko pa-Banahaw. Sabi ni Alex, nakakagaling daw ang tubig sa ilog na iyon.
Naghanap kami ng mapupuwestuhan at makakainan ng tanghalian. Nagsettle kami sa gilid ng isang mababang falls. Maraming tao doon. Meron pang naliligo as in nagsasabon at naglilibag. Meron ding kalalakihang tumutuntong sa mataas na bato para magdive sa falls.
Nagbabad ako ng paa. Si Nanay din. Nang makita kong namumutiktik na sa moss at putik ang puwitan ko, nagdesisyon na akong ipanligo na lang ang aking attire. Ang baon kong shorts at shirt ang gagamitin ko na lamang na damit pauwing Maynila.
Inilabas na nila ang baon nilang sandamukal na kanin at mga de lata. Inilabas ko na rin ang kanin at ulam kong nakaplastic. Pati ang prutas. Ishineyr ko iyon sa kanila. Nagponkan kami bago magkanin. Pati ang ube candy na binili ko bago ang opisyal na climb ay inilabas ko na rin. Tumikim ako. Masarap. Pag me nadaanan uli kaming tindahan ng ube, bibili ako. Kaso bigla kong naalala, wala akong pasasalubungan.
Lahat kami kumain puwera sina Nanay, Alex at Ronel. Nahihiya yata ang boys. Kahit anong yaya namin, ayaw talaga. Umalis sila sandali para kumuha ng tubig na maiinom namin. Pagbalik nila, nanood lang sila ng mga lalaking tumatalon sa falls.
Si Nanay naman, ayon kay Rosemarie, hindi raw talaga kumakain kahit nang umakyat sila sa Makiling. Taun-taon nga pala ay umaakyat ng bundok si Nanay. Nakailang akyat na siya sa Banahaw. Last year, sa makiling naman. Hanep talaga. Kaya sabi ko kay Rosemarie, ang cool ng nanay mo.
Pagkakain, nagkayayaan nang maligo. Kanina, init na init ako at parang gusto ko talagang maligo. Pero nang masanay sa lamig ang paa ko, bigla na akong gininaw. Parang di ko kaya ang lamig ng tubig.
Nang makita ni Alex na naliligo na ang mga bata, niyakag niya kami sa mas maganda raw na parte ng ilog. Naglakad kami sa gilid ng ilog at minsan, patalon-talon kami sa malalaking batong nagkalat sa ilog. Mga kinse minutos pa kaming naglakad. Sabi ni Alex, kung gusto talaga naming maligo, doon na sa malapit sa may banlawan at bihisan.
Nang makakita kami ng isang spot na kakaunti ang tao, huminto na kami. Ang bahaging iyon ng ilog ay parang pool dahil hindi masyado mabato. At hanggang bewang ang tubig. Tamang tama para sa dalawang bata. Doon na ako naglublob. Pero isang lublob lang. Giniginaw talaga ako. Tapos umupo na lang ako sa isang bato at ibinabad ang aking mga paa sa tubig.
Sina Simon, Tintin, Rosemarie, Ricky at Fidel ay naglaro doon sa mukhang pool. Kami ni Nanay, magkalapit ang inuupuan naming mga bato. Patingin-tingin lang ako sa paligid. may mga lalaking nakaupo rin sa mga bato sa bandang unahan namin. Yung isa sa kanila, may dalang camera at tripod. Professional photographers? Sana kunin akong modelo.
Yung isa sa kanila, tinitingnan kong maigi. Kasi kamukha ng seatmate ko noong 1st year high school ako. Si emman, isang napakatahimik na lalaki ngunit napakahusay kumanta.
May lumapit na babaeng may kargang sanggol. Kabuntot niya ang isang girl na nasa tatlong taon siguro. Umupo sila sa tabi ni Nanay. Nagkakuwentuhan ang dalawa. Nakinig lang ako.
Taga-Batangas pa raw ang mag-iina. Kaya raw sila napunta sa Banahaw ay dahil kasali sila sa Diyos Ama something. Nalimutan ko na yung eksaktong pangalan pero sa tingin ko ay isang religious org or sect.
Mayamaya, wala na sa isip ko ang pag-uusap nila. Naalala ko kasi ang Biak na Bato. Kamukha ng ilog sa Biak na Bato ang ilog Lagnas. Mabato rin sa Biak na Bato. Yes, redundant hahaha pero ang bato na nabiyak ayon sa pangalang Biak na Bato ay actually hindi bato kundi bundok. Bundok na gawa sa bato, parang ganon. So kaya siya Biak na Bato ay mababang bundok na nabiyak sa gitna dahil dinaanan ng isang ilog.
Marami ring tao roon kapag holy Friday. Mas tahimik nga lang sa Biak na Bato. Mukha kasing mas mahirap itong puntahan. Walang dyip doon. Magta-traysikel ka lang mula sa palengke. at kung hindi ka magaling magresearch, magse-settle ka sa mga traysikel na nangongontrata ng P100-150 one way to Biak na Bato.
Pero sa mga tulad ko na ayaw na ayaw gumastos nang malaki sa pamasahe at ayaw maniwalang gumagastos nang ganon kalaki sa pamasahe ang mga tagaroon, magtatanong-tanong ka pa. Nang pumunta kami sa Biak na Bato ganon nga ang natuklasan ko. Me traysikel na bumibiyahe sa lugar na iyon. Hindi kailangang mangontrata. P100 din ang pamasahe pero may mga kahati ka. Apat na tao sa isang traysikel so papatak na P25 lang ang isa. Taong 2005 yata ito.
Sa tingin ko ay mas maganda ang ilog ng Biak na Bato kaysa sa Ilog Lagnas. Mas maiksi ang ilog ng Biak na Bato pero mas malinis ito. Mas malalaki rin ang bahagi na puwede talagang pagswimmingan. At mas malinaw ang tubig. Sa Ilog Lagnas, namumuti ang tubig. Parang marami nang sabon-sabon. Pero ako, game ako kahit ganon ang tubig. Naniniwala kasi akong makakatulong sa kalusugan ko ang paliligo doon. Ang problema lang, giniginaw taalaga ako. Hindi ko kaya ang lamig.
Bakit ka nga pala nagpunta rito? Biglang tanong sa akin ni Nanay.
Mukhang tinatanong na rin iyon ng babaeng may dalang dalawang bata.
Wala akong maisagot agad. Bakit nga ba ako nagpunta doon? Matagal ko nang naisip na pumunta roon. Bago pa dumating ang summer. Pero hindi ko matukoy ang eksaktong dahilan. Hindi ako nagpunta roon para magdasal. Hindi ako nagpunta para magreflect. Naisip kong isama doon si EJ para sa proyekto kong i-expose siya sa kalikasan. Iniisip kong makakakita at makakahawak si EJ ng mga halaman na doon lang tumutubo. Pero tumuloy pa rin ako kahit hindi ko kasama si EJ so imposibleng siya ang dahilan.
Makati lang yata talaga ang paa ko.
Hmmm….Pero sa totoo lang, gusto kong makita at makilala ang aking bansa. Akala ng iba, ang Maynila ang mundo. Maling mali. Naliliitan na nga ako riyan. Parang lahat ng sulok nito, napuntahan ko na. Wala na akong matutuklasan.
Gusto kong marating ang iba pang magagandang lugar sa Pilipinas na puwede at kaya kong marating. Mas natututo ako sa ganitong paraan. Mas marami akong naibabahagi sa iba kapag ginagawa ko ito. Maintindihan kaya ako ni Nanay at ng babae kung ito ang isasagot ko?
Kaya sabi ko na lang, namamasyal lang po.
Nagtawag na si Nanay. Magbanlaw na raw kami. Naglakad pa kami ng sampung minuto hanggang marating namin ang banlawan. Higit na marami ang tao roon. At andaming tent. Kabi-kabila. Lalong madumi ang paligid. yung mga balot ng chichirya, plastic bag na punit, putikang sako, mga istik ng barbekyu, mga straw na panali.
Ito raw ang Kinabuhayan. The famous Kinabuhayan. May isang hagdan na paakyat sa isang kuweba. Sabi ni Alex, doon daw kami magtirik ng kandila. Yun ang huli naming pagtitirikan ng kandila. Wala na raw kandila si Nanay. Ako naman, isa na lang. ibinigay ko na iyon sa kanya. Puwede naman siguro akong magdasal nang walang kandila.
Tumawid kami ng ilog at umakyat sa kuweba para magdasal. Pero hindi ako nakapagdasal sa dami ng nakita ko.
Sa gilid ng butas ng kuweba, may nakita akong babaeng nakaputi, nakabelong puti at nagrorosaryo. Nakapikit lang siya. Sa tabi niya ay isang imahen ng Birheng Maria. Sa kabila niya ay uka sa mga bato na pinaglalagyan ng napakaraming mga imahen ng mga santo at ni Jesus at ng Birheng Maria.
Parang kakaibang mundo ang kuweba na iyon. Flat na flat siya. Actually, hindi lang isang kuweba iyon. May katabi pa itong maliliit na kuweba na ginawang parang altar ng iba’t ibang santo. Nag-iinit ang bawat kuweba sa dami ng nakatulos na kandila.
Nuknukan ng init sa kuwebang pinasok namin. Buti na lang at basang basa ang buo kong katawan sa tubig ng ilog kya hindi ako gaanong nainitan. nAkatagal ako sa loob at nagkasapat na panahon para mapanood ang mga bagay na kakaiba.
May uka sa mga bahagi ng kuweba at may religious na estatwa ang bawat uka. Natitirikan din ito ng maraming kandila. Mga dalawampung tao kaming nasa loob noon. Sa pinakagitna nito ay may isang rebulto. Hindi ko na maalala kung kanino dahil mas natuon ang atensiyon ko sa lalaking nakadamit Nazareno. May putong siyang tinik ng korona. Nakataas ang mga kamay niya at naninigas din ang mga ito. Ang lumalabas sa bibig niya ay parang galling sa bible. Something like, kapayapaan ang dapat na nananahan sa inyong puso. Walang puwang ang kasakiman sa puso at sa mundong ito.
Ganyan. Very general. Tapos sa harap niya ay mayroong mga babaeng matanda na mahahaba ang buhok na nakaputing damit. Marami kaming nanonood sa kanila. Sabi ni Alex, ang poong Nazareno raw iyon.
Habang pinapanood ko ang Nazareno ay may nadidinig akong umiiyak na babae. Anlakas-lakas ng iyak niya.
Patawarin ninyo ako. Patawarin ninyo ang mga nagkasala huhuhu
Paulit-ulit niya itong isinisigaw. Pasigaw ang iyak niya. Tapos nang minsan ko siyang sulyapan, isang lalaki ang nakayakap sa kanya. Parang sa pelikula ang dating. Nagwawala ang bidang babae at pinipigilan siya ng bidang lalaki. At ang lighting nila ay yung liwanag ng mga kandila.
Dahil kuweba iyon, umaalingawngaw ang kanyang sigaw.
Nakakaintriga. Naisip ko na puntahan siya agad pagkatapos ng Nazareno.
Pero nafascinate ako sa Nazareno. Pagpunta ko kay crying lady, wala na ang crying lady. Parang mapayapa na siya. May mga kasama pala siya. Hindi lang yung lalaking pumipigil sa kanya. Na mukhang matitinong tao naman. Puro sila nakasapatos at disenteng damit.
Isang babae, na kasama nila, ang nag-eexplain sa aming mga nakapalibot sa kanila, tungkol sa butas na nasa gilid ng kuweba.
Nagbabala na sa amin ang Birheng Maria. Hindi lahat ng pumapasok diyan ay nakakalabas pa. kaya nasa sa inyo kung gusto ninyong pumasok. Pero kapag hindi malinis ang puso sabi ng Birheng Maria, hindi ka na makikita pang muli.
Sabi ng babaeng lungayngay na ang damit sa pawis.
Nasa likod ko na si Alex.
Gusto kong pumasok. Puwede ba?
Sabi ni Alex, huwag. Delikado.
Ano bang nasa loob?
Balon. May balon diyan.
Nakita kong pumasok ang dalawang teenager na lalaki. Kandila lang ang hawak nila. Nakaupo silang pumasok sa butas dahil iyon ang kasya sa butas.
Kung titingnan ay nakakatakot talaga. Kasi parang butas lang iyon na talagang hindi mo alam kung saan ka dadalhin. Baka pagpasok mo ay mawala ka nang talaga. Hindi mawala na parang maligaw kundi mawala talaga. Tipong buburahin ng butas na iyon ang katawan mo at di ka na matatagpuan. Parang ganon.
Ganon yung initial kong impression. Ni hindi ako natakot sa babala ng babae tungkol sa babala raw na galling sa Birheng Maria.
Hindi kasi ako naniniwala sa ganon. Feeling ko, kung meron mang nawala noong pumasok doon ay baka nahulog sa sinasabi ni Alex na balon at nalunod at hindi naiahon hanggang ngayon.
Pero naisip ko, kung talagang mapanganib pumasok sa butas na iyon ay agad na ipapasara ito. Masesensationalize pa ito at magiging illegal na ang pagpasok.
Pero hindi nga. heto at bukas na bukas ang butas. Bukas sa sinumang gustong pumasok.
Gusto ko talagang i-try. Sabi niya, delikado talaga saka wala tayong kandila. Sabi ko, me flashlight ang cellphone ko. Hindi raw puwede iyon. Kelangan daw kandila talaga.
Hindi na ako nakipag-argumento. Baka rin naiinip na si Nanay sa amin. Ayoko namang makaabala ng ibang tao.
Nanatiling maraming tao ang nakapalibot sa butas na yon.
Siguro katulad ko, gusto ring makapasok pero nangingimi lang.
Kasabay pala naming lumabas ng kuweba si Nanay Lagring. Dumaan ako sa ibang santo sa maliliit na kuweba para magdasal. Paglabas ko ay naroon pa rin ang aleng nakaputi, nagdarasal pa rin.
Nang makatawid na kami sa ilog, may napansin akong isang parang munting kuweba na malapit sa hagdan paakyat sa kuweba. Inaagusan ito ng tubig. Me lumalabas din na mga tao mula roon. Me isa pa ngang babaeng me hawak na flashlight ang lumabas doon.
Alex, ano ‘yon? kako.
Pag pumasok ka sa butas, diyan ang labas mo.
Tamo, sabi ko na, safe naman, e.
Pero puwede ka pa ring mawala sa loob. Minsan, hindi na nakakalabas ang mga tao riyan.
Hindi na ako nakipag-argumento.
Sabi ko kay Alex, hindi na ako magbabanlaw. Sabi niya, sigurado ka? Oo, kako. Itinuro niya sa akin ang bihisan. Sa isang elevated na lugar, may pinagpatung-patong na hollow blocks na natatabingan ng butas-butas na sako. Yun daw ang bihisan. Dinala ko ang mga gamit ko at isinama si Tintin na magbibihis din.
Si Tintin ang pinauna ko. Ang panghi-panghi kaya nagdecide akong huwag na lang magbihis. Maghahanap na lang ako ng CR for rent sa labasan.
Sinabi ko ang balak ko kay Alex. Sabi niya, halika na nga. Ipapakiusap na lang kita. Naglakad pa kami sa unahan ng ilog. Sina Nanay ay naiwan sa batuhan habang naghihintay kay Rosemarie at Ricky na bumili ng shorts pampalit sa nabasang shorts ng babae.
Nadaanan naming yung banlawan na sinasabi ni Alex.
Sigurado kang ayaw mong magbanlaw?
Isang lugar iyon sa ilog kung saan may mga tatlo o apat na tubo na dinadaluyan ng malinis na tubig.
Dito ka rin ba kumuha ng tubig na ininom natin kaninang tanghalian?
Hindi, a.
Doon pa.
Kako, sige na nga.
Kaya pumila ako at nagbanlaw nang mga 30 segundo sa ilalim ng isang tubo ng tubig. Anlamig-lamig pero masarap. Gusto ko pa sanang magtagal kaya lang ay maraming iba pang magbabanlaw.
Dinala ako ni Alex sa malaking CR. May bayad ang magbihis (P3.00), umihi at dumumi (eight or ten pesos yata basta mas mahal nang konti kesa sa magbihis).
Sabi ko, meron naman palang ganito, bakit ngayon mo lang sinabi?
Sagot ni Alex, e kasi may bayad.
Natawa ako. Ibig sabihin ay malaking halaga na para sa kanya ang tatlong piso.
Sabi ko, sige, ako na. Huwag ka nang makiusap. Magbabayad na lang ako.
May tatlong cubicle na may inidoro na walang flush, I mean walang sandalan. Upuang inidoro lang. Pero sagana sa tubig kaya malinis. Buhos-buhos system lang. Sa tapat nito ay stalls na pangbihisan. Semento ang sahig pati ang dinding. Kahoy na nangingitim ang mga pinto.
Hindi ako nagrereklamo pero sana ay makagawa ng paraan ang gobyerno natin para man lamang maalagaan ang ganito ka-basic na facility sa isang panturistang lugar.
Pagkabihis, bumalik na ako kina Nanay. Itinuro ko sa mga kababalik pa lang na sina Rosemarie at Ricky ang bihisan na may bayad. Sumama na rin si Nanay para magwiwi.
At si Fidel para magbihis na rin. Ang dalawang bata ay bihis na.
Kumuha ng tubig si Alex mula sa isang hiwalay na tubo na malapit sa hagdan ng kuweba. Miraculous daw ang tubig doon at puwedeng inumin. Pinapuno ko ang 500 ml na bote ko. Wala namang mawawala. Yun nga lang baka magtae ako sakaling hindi nnga malinis ang tubig. Huwag lang akong mamamatay ay ayos na.
Doon kami nagkakuwentuhan ni Ronel. Kaming dalawa ang nagbuhat ng gamit ng mga kasama namin.
Mayamaya ay sinundan ko na si Nanay sa CR. Ibibigay ko na ang share ko para sa mga guide namin.
P500 ang usapan naming ibibigay kay Alex. P250 sa kanya at P250 sa akin. Pero P200 na lang daw ang pera ni Nanay kaya sabi ko, sige po, P300 na lang ang share ko. Kaso, paano po si Ronel? Tanong ko kay Nanay.
Bahala na siguro si Alex sa kanya.
Kawawa naman sila naisip ko, buong araw naman nila kaming sinamahan at medyo maliit ang P500 para paghatian pa nilang dalawa. At isa pa, mabait at mahusay silang guides.
Nagdagdag pa ako ng P200 para kay Ronel. So all in all, P500 ang nagastos ko sa mga guide.
Ibinigay sa akin ni Alex ang bote ko ng tubig. Dasalan ko raw muna iyon bago inumin. At huwag na huwag ko raw pahahakbangan. Hindi ko na itinanong kung bakit. Kadalasan kasi, hindi rin maipapaliwanag ng mga tao ang mga dahilan. Para bagang basta sumunod ka na lang para makabuti ito sa ‘yo. Kaya itineyk nowt ito ng isip ko.
Si Nanay ang nag-abot kay Alex ng pera. Iniabot niya ito noong naglalakad na kami palabas ng Kinabuhayan. Uwian time na.
Sa lugar na iyon ay napaka-festive na naman ng mood. Marami ulit tindahan ng souvenirs, pasalubong, gulay particularly labanos. Meron ding tindahan ng anting-anting. Nakakita ako ng dalawang kakaibang produkto. Bayag ng kambing at ipin ng kidlat.
Para saan kaya ang mga yan?
Finally, after 15 minutes nakarating kami sa sakayan ng dyip pa-San Pablo. Kinuha ko ang cellnumbers nina Alex (0920-3410484) at Ronel (09195121630) at nagpaalaman na kami.
Ang naunang dyip sa dyip na sinakyan namin ay punong puno ng lalaki sa bubungan. Sakayang topload ba.
Gusto ko ring sumakay sa taas, sa isip-isip ko. Pero nakakahiya lalo na kung mag-isa lang ako. Bago dumating ang dyip namin, nakabili ako ng dalawang everlasting at limampisong banana chips sa katabing tindahan. Tapos sumakay na nga kami sa dyip na dumating. Sabi ng kundoktor, yung nangongolekta ng bayad, mas mura raw sa bubong. Imbes na kuwarenta, trenta na lang.
Sabi ko, ako po, puwede?
Oo sabi niya.
Gusto ko po! O, may discount ako ha?
Biro lang iyong diskawnt!
Tawanan ang mga pasahero. Si Nanay, pigil nang pigil sa akin. Baka raw mapaano ako. Doon na lang daw ako sa baba ng dyip para ligtas.
Pero gusto ko pa rin ho.
Kaya ako pa rin ang nasunod.
Mag-isa akong nakasakay sa bubong mula Kinabuhayan hanggang palengke ng San Pablo. Halos isang oras ang biyahe. Isang oras na roller coaster ride na naman! Ang sarap at kakaiba talaga ang perspective mula sa bubong. Mas marami akong nakita not to mention, mas malamig ang hangin.
Nakakita ako ng bakuran ng isang bahay. Nagkalat ang labanos sa bakuran. Parang itinapon na lang basta. Mukha ngang chalk na nagkalat sa lupa ang labanos. Tapos sa isang mesa, may tumpok-tumpok na labanos. May karton na nasusulatan ng ganito: P5.00/ kilo. Limampiso! Susmarya, sa q-mart, per piraso minsan ang bentahan. At laging lampas limampiso kada isang piraso. Isang piraso. At minsan sa grocery ng SM, a…hindi na siguro kailangang banggitin kung magkano sa SM.
Marami rin akong nakitang naghahalu-halo sa mga sari-sari store, mga lalaking naghihimas ng tandang sa tapat ng tarangkahan nila. Napapangiti ang mga tao sa kalsada na nakakakita sa akin.
Naabutan pa ng dyip namin ang naglalakad na magpinsan. Lalakarin lang pala nila mula doon hanggang sa kanilang bahay. Mahal daw kasi masyado ang pamasahe. Pero kapag ganitong may dyip pa, pinasasabit naman daw sila nang libre. Kaya mga 10 minuto ko ring kasama sa bubong si Ronel. Nasa likod namin si Alex.
Pagdating sa haywey, bumagal na ang takbo ng dyip. Trapik na. Diyan na ako nagsimulang mag-isip na ka-eng-engan itong ginagawa ko. Dahil talagang andami nang nakakakita sa akin. Bus load ganyan, jeep load, ganyan. Hay bigla na lang akong inaarangkadahan ng hiya. Hindi naman ako makababa mula sa bubong. Paano ka nga ba papara mula roon?
Hinintay ko na lang na huminto ito sa terminal.
Pagdating sa terminal, na malapit sa 711, nakakita kami ng sandamukal na taong naghihintay ng masasakyan. Bigla kaming may narinig na sumisigaw ng Cubao. Cubao!
Dyip na biyaheng Cubao! Lapit agad kami sa dyip. Sabi ng drayber, kung magkano raw ang ibinabayad namin sa bus, ganon na rin ang ibabayad namin sa kanya. Kako, manong paano po ako, sa Alabang lang po ako?
Diretsong Cubao lang ang kinukuha ko, e.
Sabi ni Nanay, sumabay na raw ako at bayaran ko na lang hanggang Cubao. Konti lang naman daw ang diperensiya. Isa pa, at least daw ay may kasama ako. Naku, nakarating nga ako roon nang mag-isa, ngayon pa kayang pauwi na ako?
Pero siyempre hindi ko sinabi iyon kay Nanay Lagring. Nag-aalala lang para sa akin yung tao. Hindi pa kasi niya alam na toughy-toughy girl ako. Kuno.
KAya um-oo na ako. Buti na lang at kuripot ang mga kasakay ko. Sabay-sabay silang tumawad.
P100 na lang, manong.
Pumaayag naman si manong drayber.
Namik-ap pa ng pasahero ang dyip. Nang mapuno ang dyip, madilim na ang kalsada at naabutan na kami ng isang prusisyon.
Ito palang si manong ay hindi yata tagaroon. Kasi nang i-attempt niyang umiwas sa trapik dulot ng prusisyon, naligaw kami. Bigla na lang dead end ang kalsada. Tapos isang oras na kaming tumatakbo, nasa Alaminos pa lang kami. Patay na. Naiinis na ang mga kapasahero ko.
Ako naman ay tahimik lang at nakapikit the whole time. Pagod na ako. Pero habang tumatakbo ang dyip, nase-sense ko na parang may mali. Nakakadagdag pa sa alalahanin ko yung mga tumatamang bato sa bintana at katawan ng dyip habang tumatakbo ito.
Nang makaluwag-luwag, arangkada nang arangkada si manong drayber. Overtake ito nang overtake. Hindi rin marunong pumreno nang mahinahon kaya napapausod kami malapit sa kanya tuwing hihinto siya.
Pagkatapos nang isa pang oras ng ganoong klase ng pagmamaneho, hindi na ako nakapagpigil.
“Manong, marami pa kaming pangarap! Dahan-dahan naman po kayo. Marami po tayong kasamang bata!” ubod-lakas kong sigaw.
Biglang sumigaw din ang lalaking malapit sa estribo.
“Mahal ngayon ang kabaong!”
Nag-okey sign sa akin si Ricky.
Huminahon nang konti ang pagmamaneho niya. Pumikit na uli ako at sinubukang matulog.
Pagdating sa Alabang, nagpaalam na ako sa buong pamilya.
“Ingat po kayo. Maraming salamat po at nag-enjoy po akong talaga.”
Sa isip-isip ko, sana makarating din sila sa cubao nang ligtas. At sana, sila rin, nag-enjoy na kasama ako sa buong maghapon.
Pagbaba ko ng dyip, biglang sumakit ang mga hita at binti ko. Lintek. Ito ang bunga ng walang warm-up-warm-up na pag-akyat sa bundok!
Tumawid ako at naglakad nang mahaba, mula metropolis hanggang sa mang pepe na kainan. Gusto ko sanang maghapunan kaya lang pagod na pagod na ako. Parang ayoko nang makipag-usap kahit kanino. E paano ako oorder kung hindi ako makikipag-usap?
Sumakay na ako ng dyip pa-Baclaran Coastal mula sa Alabang. Pamasahe: P20.00 hanggang sa Bahayang Pag-asa na ito. Sa likod ng Bamboo Organ. Tulog uli ako sa biyahe. Nagising akong nakabukaka at nasa boundary na ng Cavite at Las Pinas ang dyip.
Naglakad pa ako nang mga sampung minuto hanggang sa makarating sa bahay. Eksaktong 9:00 ng gabi.
Hinubad ko lang ang tsinelas ko’t ibinaba ang backpack. Ni wala nang toothbrush-toothbrush. Umupo na ako sa kama at nagsindi ng electric fan.
Parang nauuhaw ako, kako.
Dahil tinatamad na akong bumaba para kumuha ng tubig ay binuksan ko na lang ang backpack at inilabas ang tubig mula sa Kinabuhayan.
O, dasalan daw muna bago inumin, sabi ng mental note ko sa akin.
Bumuntonghininga ako tapos sabi ko, Lord, talagang maraming maraming salamat po sa araw na ito. As in.
Lumagok na ako nang lumagok sabay higa at tulog.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
1 comment:
Nag-enjoy ako ng husto sa pagbabasa nito sobra.
Post a Comment