andami-dami kong gustong isulat. andami-dami kasing nangyari sa akin, sa kapamilya at sa kaibigan nitong mga nakaraang araw.
iisa-isahin ko na lang.
VJ
pumanaw na si vincent jan rubio. isa siya sa mga kakilala kong manunulat na mas bata sa akin. kilala ko na siya noong kolehiyo pa lang ako. matunog ang kanyang pangalan sa eskuwelahan dahil isa siya sa mga hinahangaang estudyante pagdating sa kanyang panulat. isa pa, kilala rin siyang aktibista.
pagka-graduate ng kolehiyo, nakadaupampalad ko si vj sa isang writing project. iyong sa philsprint. sabay kaming nakipagmeeting sa publisher, nakipag-usap sa editor at nakipag-negotiate para sa aming mga sulatin kasama ng iba pang batambata ring mga manunulat, na karamihan ay galing sa peyups.
sa lahat ng nakilala ko doon, si vj ang pinakamahinahon. ang sweet-sweet ng boses niya. maliit. cute. kapag hindi mo siya kakilala, iisipin mong pakyut ang boses niya. pero talagang ganon siya, pati sa kilos, maliliit ang kilos ng mga bahagi ng katawan niya.
Nang panahon na iyon, niyakag din ako ni VJ na magsulat para sa mga publikasyon na kanyang pinaglilingkuran, isang pahayagan at isang internet-based na kompanya. tuwang tuwa ako sa pag-imbita niya sa akin dahil hello, si vj iyon. sikat na batambatang manunulat. sabi niya, matagal na kitang hinahanap, bebang, kasi nabalitaan kong nagsusulat ka para sa radyo at kelangan namin iyan, yung pangmasa ang wika. okey, kako, sige. pero katulad ng marami kong ino-oo-han, hindi iyon natuloy.
may mga usapin na kailangan daw ang aking opinyon.
mahirap.
nahihirapan ako kapag ganon lalo na at hindi ako lubog sa usaping ibinigay para talakayin. kaya hindi ako nakapagpasa sa kanya ng artikulo.
kapag nagkikita kami sa gathering ng mga manunulat, lagi niya akong binabati at kinakamusta. napaka-friendly na tao. ako naman, nahihiya dahil nga um-oo ako sa kanya pero wala rin akong naiprodyus. kaya rin siguro distansiya ako nang distansiya kay vj na actually ay mukha namang mabait na tao.
pero itong si vj, komo hindi ko nga lubusang kilala ay hindi naman pala agad na sumusuko. nang minsang nangailangan uli siya ng sulatin para sa isang raket pagkaraan ng ilang taon, kinontak niya akong muli. erotika raw this time. kaya lang medyo rush. wala pa naman akong naisulat noong panahon na iyon kaya ang naibigay ko sa kanya ay parang buod ng maikling pelikulang nasa isip pa lang ng isa kong kaibigan. (siyempre nagpaalam naman ako kay russ, ang kaibigan.)
sa kasamaang palad, hindi rin natuloy ang proyektong ito. pero hindi ako nalungkot dahil sa tuwing mag-eemail ako kay vj ay sumasagot siya. hindi siya yong tipo ng tao na nang-iiwan sa ere. sisiguraduhin niya na kung may hiningi siya sa'yo na anuman ay sasabihin niya kung para saan iyon at saan napunta o mapupunta at kung ano na ang kinahihinatnan o nangyayari sa akda mo.
iyan ay isang patunay na may respeto ang taong ito sa kapwa manunulat. siguro bunga iyon ng pagiging manunulat din niya. alam niya, marahil, bilang manunulat, kung ano ang dinadaanan at sinasakripisyo ng isang manunulat para lamang makasulat ng akda kahit pa isang taludtod o talata lamang iyan.
nang itawag sa akin ni weni ang pagpanaw niya, hindi ako makapaniwala. sabi ko, anong dahilan? hindi rin daw alam ni weni. ang una kong naisip ay kalusugan. dahil ang impression ko kay vj ay pino ang kilos at malumanay magsalita, baka iyon pala ay dahil sa sakit. ang ikalawa ay politika. baka me nasaling na politiko o malaking tao o malaking kompanya ang panulat ni vj at pina-hitman siya agad.
nagset kami ni weni ng isang gabi para pumunta kay vj sa arlington pasig. kaso hindi kami nagkasabay dahil sa split ends na iskedyul. sa cubao, isang hapon bago ako nakatakdang pumunta sa burol, ay may nakasalubong akong dating kaklase na kaibigan pala niya. ikinuwento niya ang paraan kung paanong nakita ang bangkay ni vj.
isang gabi, nagpaalam lang daw si vj na magco-computer. lumabas ito ng kanilang bahay at sumakay ng kanyang kotse. makaraan ang ilang araw, natagpuan ang kotse niyang abandonado. at tatlong bloke mula rito ay ang kanyang bangkay na hubad. mukha raw pinahirapan muna si vj bago patayin.
mag-isa akong pumunta sa huling gabi ng burol. pagdating ko, nakita ko ang mga kaibigan mula sa up. si vlad, mykel, reagan at iba pang mga taga-ugat. member pala si vj ng ugat. naroon din ang mga kaibigan ni vj sa kule. nandoon din si sir jun cruz reyes. nandoon din ang bunsong kapatid ni vj na si tj. isa rin sa mga dahilan kung bakit ako nagpunta ay ang taong ito. si tj ay naging estudyante ko sa uste. mahusay si tj magsulat kumpara sa kanyang mga kaklase. at nang minsang pansinin ko ang apelyido niya, kako may kakilala akong writer na rubio din, taga up, baka kakilala mo, sinabi nga niyang kuya niya si vj.
sabi ni sir jun, akala ko may programa ngayon, naghanda pa naman ako ng sasabihin para sa kanya. ang programa raw ay bukas pa, ilang oras bago ihatid sa huling hatungan si vj. ngunit sabi ni sir jun, hindi siya makakadalo bukas.
naisip kong magandang ideya na maghold din ng programa ngayon para makapagsalita ngayong gabi ang mga taong hindi makakabalik bukas.
agad kong sinabi ito kay reagan. sinabi naman ito ni reagan sa pamilya ni vj at kay aisa ng kule. sabi ni aisa, akong mangangalap ng mga magsasalita mula sa kule, ikaw sa mga taga-up. game kako. sa kasamaang palad, wala akong nakitang mga taga-up doon na kakilala ko. lumabas nga pala sina vlad para kumain. so si sir jun lang ang laman ng listahan ko. lumapit na rin ako sa mga taga-kule. tinanong ko kung gusto nilang magsalita para kay vj. sabi ng marami, babalik naman daw sila kinabukasan kaya hindi raw sila magsasalita ngayong gabi.
pinanghihinaan na ako ng loob. sa loob-loob ko, sayang ang panahon. sayang ang pagkakataon. kaya nangulit pa rin ako ng mga tao. sa sobrang kulit ko, meron akong nasabi na alam kong hindi ko dapat sinabi. ganito:
lalaki: ako, hindi na makakabalik bukas pero ayoko pa ring magsalita ngayon.
ako: bakit naman? life is short!
lalaki: anong ibig mong sabihin?
tumatawa na, alam kong nawiwirdohan sa akin, ang mga kasama niya sa kule.
ako: dapat sinasabi na ngayon ang mga dapat sabihin.
lalaki: kasi baka ako na ang next na mamamatay?
ako: oo! (sa kawalan ng maisasagot na matino) hindi. joke lang. anyway, sige na. magsalita ka nga ngayon.
hindi pa rin pumayag ang lalaki kaya tumayo na lang ako sa umpok na iyon. pero naiinis na ako. sa mga tao, sa sarili ko, sa dila ko, sa bibig ko, sa sitwasyon ko.
tinext ko si vlad.
bblik pb kyo?kng oo, bk pwd k mgslita 4 vj 2nyt.
ayaw din ni vlad. basta wag daw siya.
naispatan ko ang pizza restaurant sa tapat ng arlington. tumawid ako at pumasok. andon ang mga taga-ugat. kinulit ko na naman sila. sige na. magsalita na kayo ngayong gabi. wala pa rin. walang gustong magsalita ngayong gabi. biglaan naman daw kasi ang programang ito. saka babalik din daw sila bukas. at puwede rin namang magbasa na lang ng akda ni vj para sa programa ngayong gabi. sa sobrang frustration ko, nakapagsalita ako ng mga bagay na hindi na dapat sabihin.
hindi na bale. wag ko na lang siguro ituloy ito. ewan ko ba kung bakit ko ginagawa to. naiiinis na rin ako sa sarili ko. namimilit na ako ng mga tao. bakit ko ba to ginagawa? sabi ko sa mga taga-ugat.
bigla kong naisip si vj. siyet. baka nga naiinis na rin sa akin si vj. sino ba naman akong intrimitida sa kanyang burol? bakit ako nakikialam sa daloy ng mga progra-programa? ni hindi ako malapit na kaibigan.
sinisi ko na lang ang lahat sa training ko sa mga pampanitikang okasyon: lagi kasing ang papel ko e tagapilit ng mga taong babasa para sa isang poetry reading. at dahil lagi ko iyong kinakarir, pati sa burol, ginagawa ko pa rin. punyemas, nape-pressure ako sa wala namang lehitimong dahilan. nakakahiya. nakakahiya sa mga kaibigan ni vj at mismong kay vj. imagine, inii-stress ko ang kaibigan niya sa ngalan ng kanyang labi.
bumalik ako sa arlington at sinabi ko kay aisa na wala na lamang programa. si sir jun na lamang ang pagsalitain. pagkatapos niya ay puwede nang lumabas uli ang lahat sa kuwartong pagdarausan sana ng programa at kung saan din naroon ang labi ni vj. may naisip si aisa, sasabihin na lang daw niya sa mikropono na maaaring magsalita ang mga nais magsalita ngayong gabi.
ganon nga ang ginawa namin.
pinapasok na niya ang lahat ng mga kaibigan nila ni vj sa kuwarto. pumunta na si sir jun sa nakaset up na mikropono at speaker. at nagsalita na nga siya.
mahaba-haba rin ang mensahe ni sir jun. pero ang natatandaan ko ay heto:
ang manunulat, kahit pumanaw na, ay hindi naman talagang nawawala. nananatili siya sa mundong ito sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat.
sa kotse, papauwi ng QC, sinabi ni si sir jun ang isa pa niyang mensahe sa haba ng kanyang speech.
kahit ano ang naririnig kong tsismis tungkol sa pagkamatay niya, hindi ko siya aaalalahanin sa ganoong paraan. aalalahanin ko siya sa magaganda niyang inakda at higit sa lahat sa ginawa niya sa kapwa. sa ganoong paraan ko siya aalalahanin. ganon.
pagkatapos ni sir jun ay nanghikayat uli ng magsasalita si aisa. pagkatapos ay iniwan na niya ang mikropono. ilang nakabibinging minuto rin ang lumipas bago may nagsalitang muli. isang ate ni vj sa kule.
nanginginig ang kanyang boses at hindi na niya napigil ang maiyak habang sinasabi niya kung gaano kalambing na tao ang yumao.
sa ganoong punto ay saka ko ganap na naunawaan kung bakit marami sa mga kaibigan ko at sa mga taga-kule ang ayaw magsalita nang gabing iyon. sa dami ng mga "moment" na pinagsaluhan nila kasama si vj, tiyak na bibigay silang lahat, boses, luha, emosyon.
sa umaga nila nais na magsalita para sa kaibigang pumanaw. siguro ay dahil mas light na ang mode. maaaring hatid ng liwanag ng araw. o ng mga kantang tutugtugin ng mga kaibigan at kasama. o ng mas mataas na enerhiya at dami ng tao.
basta huwag ngayon dahil kahit nga ang gabi ay hindi handa para sa mahal na ipinagluluksa.
pagkatapos magsalita ng ate ay nakabibinging katahimikan uli ang lumusob sa kuwarto. noon ako lumabas para makipagkuwentuhan kina vlad. nakilala ko si louie. nakita kong muli sina daryl at tanya. dumating sina irene at marla at schedar. pagkaraan ng mga kalahating oras, kinamusta ko kay aisa ang nangyari sa loob ng kuwarto. marami na raw ang nagsalita.
at noon ako nagpaalam kay vj. sa isip lamang siyempre.
Thursday, April 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
3 comments:
nagpunta din kami dun sa burol ni ging. byernes ata yun. walang tao maliban sa mga kapatid. at napag-usapan ka namin ni TJ nang kaunti.
hello, bebang, di na kita masyadong nakakausap. wala lang.
helo sarah oo nga kamusta ka na? sana lagi kang ok. dito lang ako, ha
Hi Ms Bebang, maraming salamat po for sharing this. Wala po ako nung burol ni VJ, kaya masaya po akong nakapagbahagi ako sa Akdaan 2022 ng aking parangal na tula para sa kanya.
Post a Comment