Thursday, April 2, 2009
angono petro-glimpse
ngayong summer, gusto kong maglakwatsa nang maglakwatsa kasama si ej. imbes na ienrol siya sa mga summer class, naisip kong magtravel na lang kaming dalawa. kumbaga 1st hnd experience para sa kanya para sa mga bagay-bagay.
kasama sa itinerary ko ang mga museo, ang mga bundok, at makasaysayan at puno ng kulturang mga lugar.
natututo na siya, nagkakaquality time pa kami.
ang una naming napuntahan ay ang angono petroglyphs.
hindi ako marunong pumunta roon kaya tinext ko si glen, isang lira fellow na naalagaan ko ilang taon na ang nakaraan. tagaroon siya. sumagot naman siya at nagbigay ng mga instruction.
sumakay ka ng dyip na pa-angono, sa cubao, sa likod ng farmer's. tapos magpababa ka sa bayan. mula sa bayan, magtricycle ka papunta sa col. guido st. doon ay may shuttle ng fiesta casino. makisabay ka na lang sa pag-akyat sa bundok.
lumarga na kami ni ej pagdating ng tanghali.
pagdating namin sa bayan ng angono, sa mismong munisipyo at plasa kami bumaba, nagtanong ako sa tricycle terminal. sabi nila, ayun, dun sa banda doon, merong shuttle ng casino. puwede na kayong sumakay doon.
itinuro ang isang botika sa gilid ng plasa.
bago kami pumunta roon, nagpunta kami sa police station na malapit sa tricycle terminal. magtatanong na muna ako sa pulis para sigurado.
ako: sir, pupunta po kami sa angono petroglyphs.
pulis 1: ha? saan iyon?
ako: hm...yun pong mga bato-bato. para po yatang kuweba. tungkol po sa mga sinaunang tao.
pulis 1: dito ba iyon sa angono? sigurado ka?
ako: opo.
bumaling ang pulis sa isa pang pulis.
pulis 1: pare, alam mo kung saan yung angono pet..pet ano raw...
pulis 2: ano?
ako: angono petroglyphs po.
pulis 2: oo. yung sa may bundok. yung mga art-art dati. noong unang panahon.
ako: yun nga po.
pulis 1: ano yon?
inexplain ni pulis 2 kay pulis 1 pero hindi talaga maintindihan ni pulis 1 ang tinutukoy ni pulis 2.
binigyan na lang ako ng directions ni pulis 2.
pulis 2: me shuttle diyan yung thunderbird. sa botika diyan. puwede na kayong makisabay. anong gagawin ninyo doon?
ako: mamamasyal po.
pulis 2: okey, a.
sanay na ako sa ganitong klase ng mga reply. kapag nalalaman ng mga tao na may babae at batang namamasyal at dumadayo pa sa kanilang lugar, parang namamangha sila. parang nawiwirdohan. parang rare yung ganon.
ewan ko ba kung bakit. dahil kaya dalawa lang kami? parang anlakas ng loob namin. ganon? dahil kaya me dumadayo pa sa lugar nila na nagco-commute lang? o dahil kaya sa damit namin na parang pambahay lang (lagi kaming nakashirt, shorts at nakatsinelas ni ej) ?
hmm... i guess filipinos aren't ready for poor local tourists like us. hehehehe.
so tumawid kami ni ej sa plasa. nakita namin ang bantayog doon ni rizal na nasa gitna ng mini pond at mini garden. meron ding umpukan ng mga manong sa entrada ng plasa. the usual umpukan. at ipinagkaiba lang, hindi na babae ngayon ang nag-uumpukan sa plasa. lalaki na.
malapit sa botika ay isang playground. gusto ni ej maglaro doon. kaya lang ang init-init. baka kako duguin ang ilong niya. naranasan ko na ang magslide sa slide na bilad sa arawan. nadumhan na ang puwet ko e nabalisawsaw pa ako. kaya kako, next time na lang baby.
sa tapat ng botika ay may van ng thunderbird casino. meron ding isang signage na ang sabi, thunderbird guest shuttle.
nagtanong ako sa babae sa botika kung puwede kaming makisakay doon. kahit na hindi kami magka-casino. itanong ko daw sa drayber. kaya tumawid ako at kumatok sa van. sabi ng nagbukas ng van, (hindi yung drayber. tulog ang drayber.) pang-empleyado lang daw iyon. hintayin na lang daw namin yung shuttle para sa guests.
bumalik ako sa botika at umupo sa isang bangkito. sabi ng babae sa botika, mga 3:00 nariyan na iyong van. me napansin akong dalawang babae na magaganda ang suot at mga bag. naghihintay din daw iyon ng shuttle sabi ng nasa botika. 2:00 pm pa lang.
parang naasiwa ako sa ideya na makikisabay ako sa mga pa-casino. hmm...kahiya-hiya ang suot namin. magmumukha lang kaming pulubi. kaya sinunod ko na lang ang instructions ni glen. nagtraysikel kami ni ej hanggang col. guido. malapit daw iyon sa balaw-balaw. saka sa highway. naisip ko tuloy, wala kayang dyip na padiretso sa street na iyon?
ibinaba kami sa isang bakery. dumadaan daw doon ang shuttle paakyat ng angono. bumili kami ni ej ng inumin at sobrang init ng panahon. mga 2:30 dumating na yung shuttle na malayong malayo sa shuttle ng thunderbird casino, isang napakatangkad na trak na nilagyan ng bubong at ng mga upuan. eto yung sasakyan na ipinapadala ng gobyerno kapag may transport strikes. kamukha rin niya yung mga trak na sinasakyan ng mga sundalong naka-unipormeng panggera.
adventure!
pagsakay namin, me sumakay na dalawang guwardiya. yung isa, ang angas ng japorms. naka-beret siyang itim at naka-shades.
me sumakay na matandang babae, isang babaeng me kargang baby, isang babaeng may dalang isang nakarolyong something, linoleum yata, dalawang plastic bag at isang backpack at isang lalaking me payong at backpack.
noong umaandar na yung dyip, nagtanong si matandang ale. magkano ang bayad dito? sampu po, sabi ni guy with payong. naglabas ako ng bente at inaabot ko na sa drayber. mamya na raw.
nagtanong si guard na majaporms. saan ang punta ninyo? sa angono petroglyphs po. kayo lang dalawa? opo. tapos tumingin na ako sa bintana. putsa, usi.
after 15 minutes, narinig ko siyang nagtatanong uli. kunwari hindi ko naririnig kaya hindi ako lumilingon. nagtanong uli kaya kinalabit na ako ni ej. usi talaga mega.
anong gagawin ninyo doon, mam?
bakit po ninyo gustong malaman? (read: dukutin ko mata mong usisero ka, e.)
kailangan naming malaman. sa gate kasi kami.
bawal po bang pumunta roon?
hindi naman. mag-iiwan kayo ng id sa amin.
sige po. mag-iiwan na lang ako doon.
kainis. ang angas minsan ng mga lalaki. parang puwedeng puwede nilang kausapin sino man ang maibigan nilang kausapin. pakshet. kung bading ako, kinurot ko na utong neto.
pero mapayapa naman na ang trip namin. hindi na siya nagtanong.
ang problema, after 15 minutes, tumirik ang trak. hindi na kami pinagbayad ni manong drayber. okey. ang problema, siya lang ang shuttle ng ruta na iyon. at seryoso ang problema. tatlong sentenaryo raw bago magawa ang sasakyan. ibig sabihin, kelangan na naming maglakad.
ang tarik ng paakyat na kalsada. sementado, oo pero antarik talaga. sabi ko, kayang kaya namin ni ej ito. baka naman malapit na ang angono.
naawa ako sa mga kasakay ko.
1. si matandang ale, nalaman namin ay hindi pala papuntang angono kundi antipolo. me nagsabi raw sa kanya na may daan pa-antipolo sa angono. kahit diniscourge na siya ng mga kasakay namin, sumama pa rin siya sa amin sa pag-akyat.
2. si babaeng maraming dala at si babaeng may kargang sanggol. magkasama pala sila.
yung dalawang guard, tumulong kay manong drayber.
lakad kami nang lakad ni ej. marami pa kasing energy kaya ganadong ganado. di namin alam na kailangan pa palang magsave ng energy para sa mas mahabang lakaran mamya.
after 30 minutes ng paglalakad, narating namin ang gate. nag-iwan ako ng id. may isang nakamotorsiklo ang nag-alok sa amin ng serbisyo niya. magkano kako. bahala na raw ako. panggasolina lang daw. wala po kasi akong idea, kako. sabi niya, mga P60. puwede na sa isip-isip ko. ang inaasahan ko e mga P100+.saka nakakahiya. private iyon, e. hindi naman talaga namamasada. baka naawa lang sa mga tulad namin.
sakay agad kami ni ej. nagtanong si manong motor sa guard kung paano makakarating sa angono petroglyphs. hindi pa raw nakakarating si manong motor doon.
mga 20 minutes kaming nakasakay sa motor niya. takot na takot kami ni ej kasi taas-baba ang mga kalsada. at pag sinabing taas, antarik-tarik. para tuloy kaming nasa roller coaster. 20 minutos na ride. marami-rami rin ang sasakyan. mga mamahaling sasakyan. meron ding mga motor. kapag may nag-oovertake sa amin, napapatulis ang mga kuko kong nakakapit sa balikat ni manong.
pero mayamaya pa lang ay nakarelax na kami ni ej. ang ganda kasi ng view mula sa taas. andaming puno at halaman sa paligid. halos walang tao doon. meron ding overlooking. yung parang sa antipolo.
meron ding mga subdivision, village at iba pa. meron ding korean village! sabi ko pati koreano nakakarating dito! sabi ni manong, dahil daw iyon sa casino.
mayroong isang kalsada na kina-kanan-an ng mga sasakyan. yun daw ang papunta sa casino. dalawa daw ang casino sa gitna ng bundok na iyon. sa kalsada sa gitna ng isang garden at motorpool, pumasok ang motor. tapos isang tunnel ang sumalubong sa amin. me butas sa dulo, maliit na lang kaya nagduda kami na iyon nga ang daan. bumaba kaming tatlo ang naglakad papunta sa motorpool. nagtanong kami kung doon nga ang angono petroglyphs. oo doon nga daw.
noon ko napansin ang isang signage na green. to angono petroglyphs, world heritage chorva chorva. anliit-liit. naglakad kami pabalik sa tunnel. nagbabay na kami kay manong. binigyan ko siya ng P80. tip yung bente kasi feeling ko ang layo talaga ng minaneho niya.
naglakad kami ni ej sa tunnel. nakakatakot kasi andilim. wala ring kuwenta yung flashlight sa cellphone ko. pero malamig. kapag nabilad ka sa initan, oasis ang tunnel na iyon. wala pang dalawang minuto iyon. paglabas namin, daan na inukit sa talahiban. daan na lupa-lupa at bato-bato. doon na ako natakot nang husto.
ano kaya kung sinundan kami ng guard na japorms nga, maangas naman? baka ma-rape ako rito at patayin ang anak ko? at walang makakaalam kasi liblib yung lugar. parang walang nagpupunta doon. ihahagis na lang kami ni ej sa talahib? wahhh
natahimik ako. pinapakiramdaman ko ang talahiban. baka may biglang lumabas na NPA o Militar! o hilakbot!!!
putek talaga. sinisisi ko na ang makakati kong paa by that time. wala namang nagwarning sa akin na liblib pala itong punyetang angono petroglyphs na ito?
at bago ako tumawag ng 911, may bumungad sa amin na parang bahay na katamtaman ang laki. bagong pintura ito. white na white. may mga asong pagala-gala at may tumitilaok na tandang somewhere. sa kanan, may isang bahagi ng bundok na parang natapyas. me bakod doon at daraanan.
heto na yata.
batay sa mga retrato ni sir rio sa angono petroglyphs, eto na nga iyon.
sa labas ng white house, isang upuang plastic at isang kahoy na mesang may logbook na bukas ang nakita namin. pumasok kami ni ej sa white house.
me nakabitin na mga malalaking retrato sa pader. lumang retrato na parang excavation team. kamukha ng buhok ng tatay ko noong bata pa siya, ang buhok ng mga lalaki sa retrato. 70's? 80's? kelangan hulaan. walang anumang caption ang mga retrato.
hmm...walang caption. napakahirap yatang gumawa ng caption, e. sino ba ang puwedeng sulatan para mapag-utos na magawaan ng caption ang wala pa yatang sampung mga retrato sa opisina sa angono petroglyphs? si gma? angono mayor? ncca? sino?
may mga bagay na natagpuan sa site na iyon noong unang panahon at nakakulong ngayon sa mga kahong de salamin. naka-exhibit ito sa white house na iyon. me stone tool, parang paet ang dulo ng batong makinis. me fossils, ano nga bang tawag doon sa parang imprint sa bato ng halaman? parang fern ang hugis ng halaman. meron ding bahagi ng labi ng stegodon. jurassic era daw ito sabi ng caption. oh yes, may caption.
sa ilang caption na nabasa ko (na ipinapaliwanag ko kay ej sa Filipino kasi nasa Ingles ang mga ito), importante raw ang site na iyon dahil dito raw matatagpuan ang pinakamatandang artwork sa bansa. eto ay mga markings na inukit sa gilid ng mga bundok ng mga sinaunang Pilipino. may nagconfirm daw na noong unang panahon pa ito inukit, mga eksperto mula sa ibang bansa. (na naman. laging ikukumpirma ng mga taga-ibang bansa ang authenticity, ang husay, ang kung ano-ano ng mga Pilipino bago tuluyang maniwala ang madlang bayan.)
importante naman pala e bakit ni walang sign na papunta roon? ni walang arko na magwewelcome sa mga bisita? ni walang taong mag-aasikaso sa mga bumibisita? ni walang guard. e kung isilid ko sa bag ang isang retrato? e kung lagyan ko ng pentel na bigote ang mga lalaki sa retrato? iuwi ko kaya ang mga batong nahukay noong ice age? stone age? old age?
paglabas namin, may guard nang nakaupo sa plastic na upuan. pinapirma niya kami sa logbook.
ako: heto na po yung petroglyphs?
guard: oo iyan na iyon.
umakyat na kami ni ej. pag-akyat, naroon ang mga ukit ng sinaunang tao. stick people ang karamihan. meron ding hugis-butiki. tapos puro linya. binuksan ko ang laptop ko at nagpicture-picture kaming mag-ina.
yan na yon, sabi ni ej?
siyempre, hindi siguro siya makapaniwala na artwork na iyon. ipinaliwanag ko sa kanya na hindi naging madali iyon nang time na ginawa iyon. puro bato lang ang nasa paligid saka mga halaman at hayop. paano makakaukit ang mga tao? so unang una, kelangan nilang likhain muna ang mga tools na pang-ukit. at doon pa lang, hindi na madali ang gawain na iyon?
hmm...ngayon ko lang naisip, e bakit nga artwork? mukhang idadagdag kong paliwanag ito kay ej:
kapag kinokopya ng tao ang sarili niya para ilagay sa isang bagay na makikita ng iba, ibig sabihin, pinapahalagahan niya ang sarili niya, ang pag-iral niya. ang petroglyphs sa angono ay isang paraan ng pagbabahagi ng sarili, ng halaga ng sarili noong unang panahon. noong hindi pa nila alam ang ibig sabihin ng sining. at iyan ang isa sa essence ng sining.
kaya artwork ang mga guhit-guhit, bilog-bilog na iyon.
naisip ko rin na:
a. minsan, nauuna ang action kaysa sa wika. bago pa maimbento ang salitang sining, meron na nito. (pero posible rin na nauna ang salita ng sinaunang tao para sa sining tapos saka sila nagguguguhit. hmm...)
ako: ej, medyo mataas ang mga tao noong unang panahon, ano? tingnan mo, yung ibang drowing, nasa mataas.
ej: baka nga. o baka tumuntong sila sa bato.
ako: e kung gumulong sila pag gumulong ang bato?
ej: baka may hagdan na sila noon?
o baka naman nagpapasan-pasan sila para maabot yung mataas na part? anyway, at least napapaisip ko ang anak ko sa mga simpleng tanong. naglakad pa kami sa bandang dulo ng kahoy na daanan. marami pa pala doon. imposibleng isang araw lang ito ginawa ng mga tao noon. hindi sopistikado ang kanilang gamit. matigas ang batong pinag-uukitan nila. actually, sa bundok sila umuukit. years siguro bago natapos ang mga guhit-guhit na iyon.
mga 30 minutes kaming nakatanghod ni ej sa petroglyphs. it was really a glimpse of the filipinos' life during the out-of-this-world age. pero proud ako. proud akong pilipino ako. we were doing art way before others did. it's something to be proud of.
kaya naman nakakainis na parang wala lang ang petroglyphs na ito. nakipag-usap ako kay manong guard.
ako: wala man lang po bang entrance fee dito?
guard: sa amin, mam, voluntary donation lang. para po sa paglilinis ng CR, pagtatanim ng mga halaman diyan, saka pag-aalaga. wala naman po ang mga iyan (itinuro niya ang malalagong halaman na namumulaklak sa paligid) noon. kami-kami na lang ang nagtanim.
ako: ilan po kayo rito?
guard: shifting na mga guard saka isang taga-national historical.
ako: marami po bang nagpupunta rito?
guard: minsan, marami. bus-bus sila. mga montesori, up ganyan.
ako: bagong bago lang po ito ano? (itinuro ko ang white house)
guard: luma na iyan. dati may mga exhibit diyan ng mga painting. wala na. tinanggal na nila.
nalulungkot ako. kasi kung sa china siguro ito, this site would be one hell of a commercial and cultural street.government will take advantage of the natural- cultural site. i mean, hindi na nila kailangang itayo o gawin ang petroglyphs, nariyan na iyan. all they have to do is promote it at mag-isip ng mga bagay na makakapagraise ng funds para sa site at para mas lalong makita at makilala ito ng mga tao.
i don't know what's with our government. kung ano-ano ang pinagkakagastusan. like yung manila ocean park, ilang daan libong trilyon ang inubos doon a. samantalang merong napakagandang mga falls sa tanay na nakakadiri ang public cr.maintenance na nga lang ang gagawin, hindi pa magawa.
merong isang historical na bahay along m.h. del pilar st. sa malate. nakalimutan ko na kung kaninong bahay iyon. the last time na gusto kong isulat ang tungkol doon ay isa nang laundry shop ang ground floor. last week na nagpunta ako sa bahay ng uncle ko sa ermita at dumaan ang dyip doon, inabangan ko ang lumang bahay na ginawang laundry shop, wala na. pero may suspetsa ako na yung isang parang recruitment agency ang ground floor na nadaanan ko ay iyon na ang pinakahuling kapalaran ng historical site na iyon.
tapos ang mayor ng maynila, daan libong trilyon din ang inuubos sa mga poste ng ilaw-ilaw along the city. ano ba ang naitutulong niyan? maganda lang tingnan e. natututo ba ang mga tao diyan? nadadagdagan ba ang pag-unawa nila sa sarili nila? sa bayan nila? sa danas ng pilipinas?
samantalang ang mga bagay na makasaysayan, ime-maintain na lang hindi pa magawa.
hay. pilipinas nga naman, oo.
pumasok uli kami sa white house ni ej. dumukot ako ng P50. konti na lang ang pera ko sa wallet. sapat lang para makauwi kami sa bahay at makapaghapunan. pero gusto kong magbigay ng pera kay manong. kahit man lang pambili niya ng yelo para makainom siya ng malamig na tubig sa araw na iyon.
bago ko inabot yung pera, kinausap ko uli siya.
ako: taga-rito ho kayo?
manong: hindi. taga-san juan.
ako: araw-araw ho kayong nauwi? hindi ba talo sa pamasahe?
manong: minsan, lingguhan na ako nauwi. kayo?
ako: sa kamias po. paano nga ho pala kami makakasakay?
manong: me daan diyan, pa-antipolo. puwede kayong magtraysikel. pahatid kayo sa sakayan.mas madali ang biyahe kung sa antipolo ang daan kaysa sa angono.
sayang sa isip-isip ko. pero kailangang balikan ang id sa gate, e.
anyway, binigay ko na kay manong ang P50 at lumarga na kami ni ej. hindi ko akalaing ito ang isa sa pinakamahabang paglalakad na gagawin ko sa buhay ko.
naglakad kami nang naglakad ni ej. umaasa na makakapara kami ng shuttle. pero wala. walang shuttle na dumadaan. mga isa't kalahating oras. lakad. lakad. lakad. palipat-lipat kami ng bangketa ng napakalapad na kalsada. kung saan mas mapuno, doon kami.
pero masaya. namimitas kami ng bogambilya na ayon kay ej, bagombilya.nakapag-uwi kami ng bagombilya sa apat na kulay. peach, puti, pink at wild pink (fuschia yata ang tawag). me dinaanan kaming tunnel. sumigaw kami tulong! sabi ng tunnel, long...long...long... sumigaw kami pangit ka....ka...ka...ka... hello...low...low...low...
nakakita rin ako ng maraming motor. at napansin kong parang yun ang mode of transportation pala sa bundok na iyon. so ibig sabihin hindi pala nagpapaka-good samaritan si manong motor. kuuu...kung alam ko lang ay sakto na lang ang binayad ko hahaha
ilang beses ko ring sinubukang maki-hitch. kapag may darating nang sasakyan, sasabihin ko kay ej, o ano papara na ako? wag ma, wag. pls. wag.
nahihiya na ang anak ko. talagang binata na. o sige, hindi na ako papara.
pero pag daan ng sasakyan, bigla akong tatalon at iwawagayway ang mga braso at sisigaw ng tulong! tulong! tulong!
tawa nang tawa si ej.
finaly, nakita namin ang shuttle na nasakyan namin. kaaakyat lang daw niya. ngek kung hinintay pala namin siya ay ngayon lang kami nakaakyat. pupunta raw muna siya sa casino para ayusin ang iba pang bahagi ng sasakyan. sabi ni manong, hintayin na lang daw muna namin siya. itinuro niya ang bangketang nabibilad sa araw. ang idea niya yata ay umupo kami doon at magpatunaw.
sige po kako. lumarga na si manong at ang higanteng shuttle. naglakad na lang kami uli ni ej pababa. feeling ko malapit na yung gate. at mas madali na siguro kaming makakasakay doon. nakakita kami ng mga batong malalaki sa gilid. na nasa tapat ng container van na ginawang bahay. doon kami nagpahinga.
ako lang ang naglunch. ayaw ni ej kumain. gulay kasi ang ulam. arte talaga. kahit na mukha na siyang dehydrated na kamatis ayaw pa rin niyang kumain.
pagkatapos nun, naglakad na kami uli. nagkuwentuhan kami habang naglalakad. napag-usapan namin si chava, yung bida sa innocent voices. naaawa daw siya kasi 12 years old lang si chava. nasabi ko rin sa kanya na marami kaming pupuntahan ngayong summer. sabi niya, ano? ayoko na. ayoko nang sumama! naiinis siya sa adventure? ano kayang klaseng bata ito?
lakad pa kami nang lakad at nang ma-realize ko na nasa dulo ng walang hanggan ang gate, bigla ko na lang itinaas ang kamay ko at pinara ang paparating na sasakyan. ayun. huminto ang FX na pula. dalawang lalaking nasa harap ang sakay nito.
ako: puwede po bang makisabay hanggang sa gate lang po?
mama: o sige.
ako: naku salamat po. e mukhang gagabihin po kasi kami sa paglalakad. kanina pa ho kami.
sumakay na kami ni ej.
nagpakilala ako. pinakilala ko rin si ej.
galing pala sa casino ang mga good samaritan na ito. nagcasino raw sila.
ako: di po ba sa gabi lang maganda magcasino?
mama: linggo naman ngayon, day off namin kaya maaga kaming nagcasino.
nagtawanan ang dalawang mama. natawa rin ako. okey, a.
mama: saan ba kayo?
ako: sa kamias po.
mama: e bakit hindi pa kayo sumabay? kasi hanggang sa baba kami. sa baba ng angono.
sa pasig pa kasi ang uwi namin. ano bang gagawin mo sa gate?
ako: kukuha po ng id.
yun nga ang nangyari. pagkakuha ng id ay nakisabay na rin kami hanggang baba.walang patumangga ang pasasalamat namin ni ej pagdating sa parang highway sa angono. mga alas-singko na iyon ng hapon. bumili kami ng c2 sa isang tindahan bago sumakay ng pa-cubao.
natural, knock-out kami sa dyip.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment