Tuesday, February 11, 2020
Valerio Nofuente
Enero 28, 1947- Abril 10, 1981
Si Valerio Nofuento ay isang aktibista, guro at iskolar. Kilala siya sa palayaw na Lerry.
Siya ay naging miyembro ng UP Writers Club at nagtapos ng kursong AB Political Science noong 1968 sa UP Diliman. Naging Resident Assistant siya sa Filipiniana section ng University (Main) Library noong 1969-1971. Ang kanyang tesis para sa kursong MA Pilipino sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ay Ang Paghihimagsik ni Alejandro G. Abadilla sa Tradisyon ng Panulaang Tagalog. Bilang assistant professor, siya ay nagturo ng PI 100, Tradisyon ng Panulaan sa Pilipinas/Panitikang Pilipino, malikhaing pagsulat at iba pang kaugnay na subject sa nasabing departamento na nasa patnubay ng noo'y College of Arts and Sciences sa UP Diliman. Ang inclusive years nito ay 1972-1974. Kasabayan niyang naging guro doon sina Pamela Cruz-Constantino, Lilia Quindoza-Santiago at Rosario Torres-Yu. Naging estudyante ni Lerry sa UP ang ilan sa mahuhusay na manunulat at mandudula ngayon gaya nina Joaquin Sy, Reuel Aguila, Chris B. Millado, Amante del Mundo at Oliver Teves.
Ayon kay Dr. Teresita "Tet" Maceda ng UP Filipino Department sa interbyu ng guro din doon na si Schedar Jocson, naging miyembro si Lerry ng Cultural Research Association of the Philippines kasama siya (Mam Tet), Sir Bienvenido Lumbera, at iba pa. Siya rin ang naging editor ng publication nito na Cultural Research Bulletin. Si Lerry ay naglingkod bilang tagapayo ng Kapisanang Pampanitikang Pilipino o KPP noong 1974-76.
Siya ay isa ring makata. Nalathala ang kanyang mga tula sa Collegian Folio 1975-1976, at sa Kamao, Mga Tula ng Protesta, na inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Isa siya sa mga tinawag ng manunulat at kritikong si Bienvenido Lumbera upang bumuo ng unang isyu ng Diliman Review na lumabas noong Oktubre-Nobyembre 1978. Kasama niya rito ang mga manunulat na sina Ricardo Lee, Aida Santos, Flor Caagusan, Jesus Manuel Santiago, at Rene O. Villanueva. Si Lerry ay naging business manager ng Diliman Review. Noong 1981, makalipas ang 14 issues at kasagsagan ng batas militar, noong siya ay pa-resign na sa nasabing post at tine-train na ang manunulat na si Herminio Beltran, Jr., siya ay brutal na pinaslang.
Nang panahong iyon, si Lerry ay aktibong tumutulong sa unyon ng isang malaking pabrika ng sigarilyo sa Marikina. Si Lerry ay pinatay sa loob ng sariling sasakyang Beetle, nilaslas ang kanyang leeg. Ang pinaghihinalaan ay ang caretaker ng kapitbahay na nakiangkas lamang sa kanya. Iniwan ang Beetle at ang bangkay ni Lerry sa ilalim ng isang tulay. Hindi nalutas ang kaso na ito. Kapapanalo pa lamang noon ni Lerry sa patimpalak sa tula ng Surian ng Wikang Pambansa, karangalang-banggit para sa tulang Haplusan ang Lungsod ng Sinag ng Takipsilim. Nasa kotse pa ang kanyang tseke.
Isang awit ni Heber Bartolome ang pinamagatang Lerry at ito ay alay sa kanyang alaala. Isa sa mga nagbigay ng pagpupugay sa kanya ay ang Concerned Artists of the Philippines.
Naulila ang kanyang asawang si Evelyn at dalawang anak na lalaki.
Narito ang tentatibong listahan ng mga akda ni Valerio Nofuente:
Awit sa Agila-tula
Sa Makati at Dibisorya, Denims ang Hanap Nila- sanaysay
Ang buhay at Panahon ni Alejandro G. Abadilla-meron sa Filipiniana library ng UP Diliman
Ang Paghihimagsik ni Alejandro G. Abadilla sa Tradisyon ng Panulaang Tagalog- tesis niya sa masters, meron sa Filipino Department, UP Diliman at sa University Archives nito
Haplusan ang Lungsod ng Liwanag ng Takipsilim -tula, nalathala sa Kamao, Mga Tula ng Protesta, CCP
Kailangan ko pa bang sagutin -tula, nalathala sa Kamao, Mga Tula ng Protesta, CCP
Sa Gabi ng Paglisan -tula, nalathala sa Kamao, Mga Tula ng Protesta, CCP
Saglit na Gunita sa Isang Namayapang Makata - tula para sa kapwa aktibistang si Lorena Barros, nalathala sa Kamao, Mga Tula ng Protesta, CCP, nalathala din sa Collegian Folio l975-1976
Alisin 'Ka Mo ang Dyipni? -mukhang sanaysay, nalathala sa magasing Sagisag noong 1978 o 1979, mahahanap din ito sa internet, lalo na ang Ingles na version nito, sino kaya ang nagsalin?
Ang Epikong Labaw Donggon - buod ng epiko, mga guide question para sa pag-unawa sa teksto
“Portrayals of Life and Reality in Radio and Television Drama” in Philippine World-View. Virgilio G. Enriquez, ed. Trans. Christopher Gonzaga. Singapore: Institute of Southeast Asian Studies, 1986
Ang Tulang Pasalaysay sa Panahon ng Amerikano, 1898- 1928." Ito ay nalathala sa Nationalist Literature: A Centennial Forum. Ed. E. A. Ordonez. Quezon City, Philippines: U of Philippines P and Panulat, 1995
Ang larawan ay mula kay Evelyn Nofuente sa pamamagitan ni Dr. Reuel Aguila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
Salamat sa sanaysay na ito, Bebang.
Ang "Alisin 'Ka Mo..." ay nalathala sa magasing Sagisag, circa 1978 or '79. Nasa readings natin iyan sa Kom 1.
salamat, louise. iedit ko
Post a Comment