2002 ko naisulat ang mga tula na ito. Ito ang entries ko sa unang workshop na aking nadaluhan: UP National Writers Workshop 2003. May isa pang tula ito sa dulo, tula ng isang taong grasa. Dinelete ko na ang pangit na pangit ako, hahaha.
Tula ng Apat na Bata
Introduksiyon
Doon po sa amin, bayan ng Maralita,
Apat na bata ang naging makata.
Pagka’t doon po sa amin, bayan ng Maralita,
Ang sumbong ay naidadaan na lamang sa tula.
Tula ni Ningning
Ang sabi po ni Kuya,
maglalaro lang kami.
“Taguan,
hanapan
ng susi.”
Pagtalikod niya’y
inupuan ko ang susi
para hindi ito makita.
Kinalabit ko siya,
“geym na!”
Una po niyang hinawak-hawakan
ang aking batok.
Sinalat-salat
ang aking dibdib.
Tinapik-tapik
ang aking tiyan.
Saka kinapkapan
ang aking katawan.
“Nasaan ang susi?” anya,
habang hinihila
ang aking palda.
Ang pawisan niyang kamay
sa una’y marahan,
bigla pong gumaspang.
Sinubukan kong
tumadyak
tumayo
tumakbo
pero
pero
tulad po ng dati,
walang imik, walang silbi
ang aking mga binti.
Nakasara ang bulaklak
Ibubuka ang bulaklak
Pinuwersa ng hari
Bum-tiyaya-bum-tiyaya-bum-yeye
Kabum!
Tula kay Inday
Hay, Inday,
kay hirap ng iyong buhay.
Kapalit ng
kalahating tasa ng sabaw,
isang pugot na tuyo
at sangmangkok ng tutong,
ilang maghapon kang maglilinis
ng bahay ni Aling Ines.
Kapalit ng
kupas na kamiseta,
lawlaw na salawal
at tsinelas na di magkapares,
ilang magdamag kang mag-aalaga
ng anak ni Aling Ingga.
Hindi lapis kundi walis ang hawak.
Hindi papel kundi mantel ang iniimis.
Hindi libro kundi kaldero ang inaasikaso.
Inday, Inday
Sa balitaw.
Dulang nakahapay,
Sandok nakasuksok,
Siyansi nakabaluktot,
Palayok nakataob
Sinigang na matabang
Katumbas ay isang batok.
Hay, Inday,
kay hirap ng iyong buhay.
Para kang isang aliping namamahay.
Inumid pa ng langit ang iyong dila.
Lahat ng iyong pagdurusa, tuloy ay naging luha.
Tula ni Balong
Mama, mama, namamangka,
Pasakayin yaring bata
Pagdating sa Maynila
Sa sindikato, ipagbenta.
Sabik na sabik akong makarating sa Maynila noon.
Masaya raw dito
At hindi tulad sa nayon,
na magigising ka sa tiririt ng ibon,
maaaliw ka sa lagaslas ng tubig,
makakatulog ka sa huni ng kuliglig.
Dito sa Maynila,
magigising ka sa bus na bubusi-busina,
maaaliw ka sa motorsiklong umaarangkada,
makakatulog ka saliw ng radyong de-baterya.
Ngunit lahat pala ng ito’y panaginip.
Kung sa nayon:
tilaok ng tandang,
unga ng baka.
Sa Maynila naman:
silbato ng pulis,
batuta ng guwardiya.
Pisong limos,
pisong mamon
para sa maghapon.
Sa tulad kong walang nakikita,
mas madilim sa Maynila
kaysa sa nayon.
Tula ni Pipo
Helmet ko ang butas na arinola.
Kinakalawang na tubo ang aking espada.
Isa akong mandirigmang prinsipe
(na may tahimik na buhay).
Bilad ang katawan
sa maghapong pakikipaglaban.
Ang palasyo ko’y gumigiyang na kariton.
Matibay na matibay ito
pumarito man o pumaroon.
Galising aso ang kapalit ng tapat na kabayo.
(Kailanma’y di ito kumahol).
Isa akong mandirigmang prinsipe.
Bulto ng langaw ang aking kawal.
Sa basurahan ako matatagpuan
pagkat dito iniwan ng hari at reyna
ang kayamanan ng aming angkan.
Marangya lagi ang aking hapag-kainan
(Walang ingay akong dumudulog.)
isang matigas na pandesal sa agahan,
tinik ng tilapya sa tanghalian
at bulalo menos ang sabaw sa hapunan.
Isa akong mandirigmang prinsipe.
Maliksi ako,
lalo na sa paghahanap ng bunton ng basura.
Matapang ako,
lalo na sa iba pang maton na mandirigma.
Matalino ako,
lalo na sa pagbebenta ng kapaki-kapakinabang pa.
Biyabo ka nang biyabo
Umakyat ka sa mabolo
At tanawin mo si Pipo
May hila-hilang kariton.
Ako nga pala si Pipong bingi,
Pinakatahimik ang aking buhay
Sa lahat ng mandirigmang prinsipe.
Ang mga bahaging naka-italics ay sinipi ni B. W. Siy mula sa aklat na Arimunding-munding Isang Century Book Mga Awit at Tulang Bayan sa Daantaong Tagalog ng mga Di-kilala (Anonimo) na tinipon ni Alberto S. Florentino. Ang ilan sa mga bahagi ng sinipi ay binago ni Siy.
2002
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
Hello po ms Beverly "Bebang" Siy. magandang araw po. maaari po bang makahingi ng pabor kung pwede mo po ma publish ung complete po ng malaikhain mong gawa na "it's mens world", para po sana sa school output namin. malugod ko pong ikakasaya ang iyong tugon. Salamat po ng marami in advance. Godbless po.
Hi April, mababasa sa Wattpad ang buong sanaysay ko na It's A Mens World, ito ang unang akda sa libro na pareho ang pamagat.
https://www.wattpad.com/story/35920300-it%27s-a-mens-world
Post a Comment