Sunday, April 6, 2014

Paunang Salita para sa aklat na RTW Project

Lahat ng uri ng manunulat ay mambabasa.

Karaniwan na ang makatagpo ng aklat ng manunulat tungkol sa kanilang mga sarili. Kabi-kabila ang koleksiyon ng mga sanaysay. Kaliwa’t kanan ang koleksiyon ng mga akdang creative non-fiction. Usong-uso ang biography at autobiography. Sampu sampera ang ganyang mga aklat.

Kaya naman, katangi-tangi ang aklat na RTW Project.

Dahil ang aklat na ito ay nilikha ng mga mambabasa.

At hindi lahat ng uri ng mambabasa ay manunulat.

Tanging ang mga mambabasang may angking tapang ang nakakatawid mula sa daigdig ng pagbabasa tungo sa daigdig ng paglikha, tanging ang mga mambabasa lamang na buo ang loob at may tangan na tatag sa pagiging matapat.

Sa anyo pa lamang ay kakikitaan na ng katapangan ang koleksiyon. Of all forms, bakit creative non-fiction ang pinili ng mga may akda? Ang pampanitikang anyo na ito ay parang pagharap sa salamin. Nang nakahubad. Televised. Sa lahat ng channel ng bansa, ultimo PTV 4 at IBC 13.

Sapagkat ang aklat na ito ay isang uri ng paglalantad. Paglalantad sa buhay ng mambabasang Filipino. Ito ang mga usaping kinasasangkutan nila, ito ang kanilang problema, ang kanilang solusyon, ang kanilang mga hinaing, ang mga pangarap, ito ang kanilang nakaraan, ang hinaharap, ito ang kanilang paraan ng pamumuhay, ito ang kanilang kinamumuhian, ang kanilang minamahal. Higit sa lahat, ito ang kanilang kaakuhan.

Tuhog ng mga akda ang lahat ng yugto ng buhay: mula kabataan hanggang katandaan.

Sa Truth-Lying ni King Arthur ay mababasa ang konsepto ng katotohanan. Sa pagbabalik-tanaw sa ilang eksena ng kanyang kabataan partikular na sa pagsasabi ng “kasinungalingan” sa magulang, nailarawan ni Arthur kung gaano kakomplikadong mag-isip ang isang bata. Na ang isang bata, kapag nakakagawa ng “kasalanan” ay malubha kung surutin ng budhi, at kadalasa’y dala-dala niya ang panunurot na ito maging sa kanyang paggulang.

Sa Karma ni Nanay, inilarawan ni Orly Agawin ang malungkot na araw-araw ng kanyang matanda nang nanay. Ibinahagi rin ang araw-araw niyang pagsagip dito upang hindi ito tuluyang malunod sa walang katiyakang paghihintay. Mula sa matalino at mapagmasid na mga mata ng batang bersiyon ni Agawin, naipakita ang pampamilyang sigalot na magpapaunawa sa mambabasa kung bakit ito ngayon ang danas ng isang babaeng nasa dapithapon na ng buhay.

Nangibabaw ang mga akdang nagtatampok sa natatanging karanasan ng kababaihan.

Nakakabilib ang akdang Boobs dahil walang pag-aalinlangan sa pagpapahayag ang awtor na si Joko Magalong. Sa pamamagitan ng estilo niyang ito, na-highlight ang mga prosesong nagaganap sa katawan ng isang babae: pisikal, sikolohikal at emosyonal. Napaka-empowering ng ganitong uri ng artikulasyon. Matatagpuan din sa akda ang matapang na pagharap sa gabundok na pagsubok at ang paggawa ng hakbang para malampasan ito.

Isang mapagpalayang gawain ang pagbibigay-diin sa mga bagay na hinahangad. Sa wacky at
detalyadong paraan, sinabi ni Anonymous ang mga katangian ng lalaking gusto niyang makarelasyon. Sa likod ng nakakatawang himig ng akdang Picky, isang babaeng may tiyak na pamantayan pagdating sa lalaki ang nagpapakilala. Ang mga pamantayan ay senyales ng determinasyong ipreserba ang sarili para sa nararapat na tao, na inaasahang darating sa kanyang buhay balang araw.

Sa A Journey of Love, kinilala naman ni Miss F ang halaga ng kanyang ugnayan sa mga naging mangingibig. Ipinagdiriwang din dito ang konsepto ng pagnanasa at ilang erotikong tagpo. Kay linaw ng paliwanag ni Miss F sa pangangailangan ng isang babae na maunawaan ang sarili at ang mga plano ng uniberso para sa kanya bago pumailanlang sa paghahanap ng panghabambuhay na pag-ibig.

May bahid ng rebelyon ang akdang Paglalakbay ni Anonymous. Una ay sa anyo, pagkat ito’y binubuo ng apat na maiikling akda, taliwas sa anyo ng iba pang akda sa koleksiyon. Ikalawa naman ay sa kakaibang relasyon ng pangunahing tauhan sa kanyang kapwa. Sa akdang ito, ang binigyang-diin ay ang detachment: ang distansiya ng babae sa mga lalaki sa kanyang komunidad, sa kinatagpo niyang mangingibig, sa mapanamantalang lalaki na pinalayas niya sa dyip, at panghuli ay sa ginagalawang mundo (mas gusto pa niya ang makipag-ugnayan sa aklat).

Iba’t ibang mukha ng tahanan ang ipinakita sa aklat na ito: mula sa payak ngunit makulay na kinalakhang komunidad hanggang sa isang kabahayang kinubkob ng karimlan.

Sa akdang Memoirs of a Village Geek, buhay na buhay ang komunidad ng kabataan ni Pepeng Patatas. Sa husay ng kanyang pagbibigay-detalye, naite-teleport ang mambabasa sa nasabing panahon at lugar. Sa partikular na bahaging ito ng aklat, nariyan ang pakiramdam na anumang minuto ay may lilitaw na mini pop-up books sa gitna ng pahina tampok ang mga kapamilya at kaibigan ng may akda.

Sa pagkatha ng Beyond Caring, pinaghihilom ni aka_shy ang mga sugat ng nakaraan sa piling ng kanyang marahas na kabiyak. Nagsimula ang akda sa napakadilim na eksena, sa loob ng kuwarto nilang mag-asawa. Halos walang maaninag na pag-asa ang mambabasa hanggang sa sangkapat ng naratibo. Ngunit sa awa ng huwisyo, natanto niyang ang tunay na kalaban ay ang sarili. Mabuti at sa liwanag nagsara ang paghihirap. Nagtapos ang paglalahad ni aka_shy sa loob pa rin ng kuwarto, sa loob ng sariling kuwarto, sa tahanan ng kanyang mga magulang.

Yaman din ng koleksiyon ang taglay nitong sari-saring himig: mula sa makulit at nagpapatawa hanggang sa kaswal ngunit ano ito at pagkabigat-bigat.

Maiinlab ang kahit sinong lalaki kay Gege Cruz Sugue kapag nabasa nila ang akda niyang What I Did for Love. Dito niya isiniwalat ang isang buwis-buhay na karanasan para lamang maipadama ang pagmamahal sa asawa. Kay dakila talaga. Ngunit kung tao ang Manila Bay, mataas ang posibilidad na ihabla nito ang may akda sa salang paninirang-puri. Tunay nga bang nakakawarak ng dangal at nakakadurog ng dignidad ang deskripsiyon ng may akda sa katubigan ng Maynila? Ang mambabasa ang huhusga.

Sa una’y hindi aakalain ng sinuman na ang akdang Ang Chismis ay ukol sa panggagahasa. Kaswal na kaswal si Ajie Alvarez sa kanyang paglalahad. Kahit ang pamagat ay parang nagbibiro pa nga. Ngunit dahil dito ay umaalingawngaw ang talino ng di pangkaraniwang himig. Napagsasanib ang tinis ng ma-chismis na umaga sa isang tipikal na opisina at ang ungol ng bawat segundo ng di malilimutang gabi sa isang tipikal na motel.

Ilang akda sa koleksiyong ito ang humihingi ng katarungan sa di tuwirang paraan.

Isang araw sa mall, hinuli ng security si HJBF. Walang takot niyang ikinuwento ang lahat ng ginawa sa kanya sa akdang Department Store. Sa linaw ng detalye at pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, aakalaing noong makalawa lamang naganap ang maghapong bangungot, samantalang ang totoo ay dekada na ang nagdaan. Kahanga-hanga rin ang estruktura ng akda: mala-fiction, bahala ang mambabasa sa komentaryo, rekomendasyon at aksiyon para sa tunay na may sala.

Ang Nineteen ni Patricia Santos ay tigib ng dalamhati para sa isang matalik na kaibigan. Nangako pa naman ito ng kasiyahan dahil sa pagbubukas ng akda, twin birthday celebration ang pinaghahandaan ng dalawang pangunahing tauhan. Sa kasawiampalad ay mapupunta sa wala ang lahat ng kanilang mga ginawa. Nakakabutas ng bungo ang bawat pagbanggit ng pangalan, petsa, lunan.

Dahil pagbabasa ang kinagisnang oryentasyon, labas-masok sa mga naratibo ang matinding pagsinta ng mga may akda sa mga aklat.

Tampok sa Bakit Ba Ako Mahilig Magbasa ni Lora Lynn de Leon ang personal niyang kasaysayan bilang isang mambabasa. Ibinahagi niya ang mga aklat na dumaan sa kanyang palad (at mata) mula nang siya ay bata pa hanggang sa kasalukuyan. Binanggit din ang pagsabay niya sa teknolohiya para mabasa naman ang mga aklat na nasa moderno nang format. Certified book lover talaga ang awtor. Mula simula hanggang wakas, sentro at bida pa rin ang aklat.

Sa Still She Haunts Me, Phantomwise, masining na itinahi ni Oz Mendoza sa kuwento ng sariling karanasan sa pag-ibig ang ilang linya mula sa paborito niyang mga aklat na likha ni Lewis Carroll. Ang mga ito ay paborito rin ni Lily, ang babaeng nililiyag ni Mendoza. Sabi ng may akda, “’Lily’ is the name of a very, very minor character in the Alice books.” Aklat pa rin ang pinaghanguan ng pangalan. Kay lakas ng tiwala ng may akda sa mga bagay na kayang gawin ng aklat. Masaklap man ang naging ending nila’y pinadalhan pa rin niya ng aklat si Lily, dahil ayon kay Mendoza, “…a book makes everything better, right?”

Hindi lamang book lovers ang mga may akda ng RTW Project. Ang aklat na ito ay patunay na sila ay mga mangingibig ng salita.

Nakilala nila ang ritmo at kahulugan ng salita sa pamamagitan ng ilang dekada ng pagbabasa. Nakilala rin nila at inibig nang lubos ang mga salita sapagkat personal nilang naranasan ang kapangyarihan nito na magbigay-inspirasyon, magpakilig, magpagalit, magpaibig, magpaiyak, magpahalakhak at mag-udyok na mangarap.

Ngayon ay sila na ang gumamit ng mga salita. Pinagdugtong-dugtong nila ang mga ito para lumikha ng bagong ritmo at kahulugan. Sa pagkakataong ito, sila ang may hawak ng kapangyarihan ng salita. Sa ilalim ng kanilang pamamahala, ang mga salita naman nila ang nagbibigay-inspirasyon, nagpapakilig, nagpapagalit, nagpapaibig, nagpapaiyak, nagpapahalakhak at nag-uudyok na mangarap.

Para saan, para kanino?

Para sa akin, para sa iyo.

Sa pag-asang isang araw, tayo naman ang tutubuan ng tapang para kilalanin, panghawakan at mahalin ang salita at ang kapangyarihan nito. Dahil hindi naman lahat ng uri ng mambabasa ay manunulat.

Naalala mo, tanging ang mga mambabasang may angking tapang ang nakakatawid mula sa daigdig ng pagbabasa tungo sa daigdig ng paglikha, tanging ang mga mambabasa lamang na buo ang loob at may tangan na tatag sa pagiging matapat?

Tama ka, mahal na mambabasa, ang aklat na hawak mo ay walang iba kundi isang paanyaya.

Beverly Siy
Kamias, Quezon City
Abril 2014

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...