Thursday, April 3, 2014

Paper Towns in Filipino?

Nagpatawag ang National Book Store ng mga puwedeng magsalin ng isa sa mga nobela ni John Green, (yez, ang writer ng The Fault in Our Stars).

Heto ang salin ko sa prologue ng Paper Towns.

Harinawang maaprubahan.



P R O L O G U E

Sa pagkakaintindi ko, lahat ng tao, makakaranas talaga ng milagro. Okey... siguro nga imposible ‘yong matamaan ako ng kidlat, o kaya mabigyan ako ng Nobel Prize, o kaya ‘yong ma-elect akong diktador sa isang maliit na bansa sa kahabaan ng Pacific Ocean, o ‘yong magkaroon ako ng kanser sa tenga, o kaya ‘yong bigla-bigla akong sumiklab at sumabog, boom! Pero isipin mo, kapag pinagsama-sama ang lahat ng pambihirang pangyayari sa mundo, siguradong may isa diyan ang sadyang mangyayari sa iyo, o sa akin o sa bawat isa sa atin.

Puwede namang inulan na lang ako ng palaka. Puwede namang nakatuntong na lang ako sa Planet Mars. Puwede namang nalunok na lang ako ng balyena. Puwede namang napangasawa ko na lang ang Queen of England o kaya napadpad na lang ako nang ilang buwan sa dagat nang walang dala na kahit ano. Kahit man lang maiinom na tubig. Puwede naman. Pero hindi, e. Ibang milagro ang nangyari sa akin. At ito ‘yon: sa lahat-lahat ba naman ng bahay sa lahat-lahat ng subdivision sa buong Florida, ang bahay namin ang naging katabing bahay ni Margo Roth Spiegelman.

‘Yong subdivision namin ay dating navy base. Jefferson Park ang pangalan. Noong hindi na kailangan ng navy, isinoli na lang ang lote na ito sa mga mamamayan ng Orlando, Florida. ‘Yong mga mamamayan ang nagdesisyon na gawin na lang itong malaking subdivision. Ganon naman kasi ang ginagawa ng Florida sa mga lote. At noong mayari na nga ang ilan sa mga unang bahay, lumipat agad doon ang mga magulang ko. Sa katabi naming bahay, ‘yong magulang naman ni Margo. Two years old kami noon ni Margo.

Bago naging Jefferson Park ay Pleasantville ang pangalan ng lugar namin. Bago ito napunta sa navy, ang may-ari ng lote ay isang lalaking nagngangalang Dr. Jef¬ferson Jefferson. Sikat. Meron pa nga siyang eskuwelahan sa Orlando na ipinangalan din sa kanya. At saka isang napakalaking foundation para sa mahihirap, nakapangalan pa rin sa kanya. Kakaiba, di ba? Pero ang talagang nakakaaliw at nakakabaliw tungkol kay Dr. Jefferson Jefferson ay… hindi naman talaga siya doktor. Tindero lang siya ng orange juice noon at ang totoong pangalan niya ay Jefferson Jefferson. Noong yumaman na siya at naging big time, nagpunta siya sa korte at pina-register ang pangalang “Jefferson” as his middle name, tapos pinabago niya ang first name niya. Ginawa niya itong “Dr.” Capital D. Small R. Period.

Nine years old na kami noon ni Margo. Magkaibigan ang magulang namin kaya malamang sa malamang, kaming dalawa ang laging magkalaro. Nagba-bike din kami, pati doon sa mga dead end na kalye hanggang sa mismong Jefferson Park, ‘yong pinakagitna ng subdivision namin.

Kapag narinig kong parating na si Margo, walang palya, inaatake na ako ng kaba. Bakit naman hindi? Si Margo ang pinakamagandang nilalang na nilikha ng Panginoong Maykapal sa buong kapatagan at sa buong kalawakan. Nang umagang iyon, ang suot niya ay puting shorts at pink na T-shirt, at sa gitna ng T-shirt ay matatagpuan ang isang green na dragon na bumubuga ng apoy na gawa sa orange glitters. Mahirap ipaliwanag kung bakit nakakainlab ang nabanggit na T-shirt noong mga panahon na ‘yon. Basta, ganon. Nakakainlab.

Tulad ng dati, dumating si Margo nang naka-bike. Nakatayo siya habang nakahawak nang mahigpit sa manibela, at sa bilis ng pagpedal niya, blurred na sa paningin ang kanyang sneakers na kulay violet. Napakainit noon, March kasi. Maaliwalas ang langit pero lasang kinakalawang na payong ang hangin, para bang may bagyong paparating.

Feeling ko noong mga panahon na ‘yon, isa akong scientist-inventor. Pagkatapos naming ikandado ang mga bike namin, naglakad na kami papunta sa playground. Ikinuwento ko kay Margo ang naiisip kong imbensiyon: ang Ringolator. Ang Ringolator ay isang higanteng kanyon na magsu-shoot sa isang mababang orbit ng malalaking bato na iba’t iba ang kulay. Sa pamamagitan ng imbento ko, sa wakas, magkakaroon na rin ng rings ang Earth. Iyong kamukha ng rings ng Saturn. (Hanggang ngayon, palagay ko, magwo-work pa rin talaga ang Ringolator. Cool nga, e. Ang medyo komplikado lang ay iyong paggawa ng kanyon na makakapag-shoot ng mga batong kasinlaki ng bahay sa isang mababang orbit.)

Maraming beses na akong nakapunta sa park na ito, kabisado ko na nga ang lokasyon ng bawat puno, bawat damo, at bawat bato. Kaya noong pagkapasok na pagkapasok pa lang namin sa park, may naramdaman ako agad na parang weird, parang may mali rito, di ko nga lang matukoy kung ano.

“Quentin,” halos pabulong akong tinawag ni Margo.

May itinuro siya. ‘Tsaka ko nalaman kung ano ‘yong weird.

Ilang hakbang sa tapat namin, isang oak tree ang nakatayo. Mataba ang puno, sala-salabid ang mga ugat at mukhang buhay na ito noong sinauna pang panahon. Hindi ‘yan ang weird. Ang playground sa kanan namin. Hindi rin ‘yan ang weird. May nakasalampak sa puno. Isang lalaking naka-suit na gray. Hindi gumagalaw. ‘Yan ang weird. Napapalibutan siya ng dugo; halos tuyot na ang fountain ng dugo na umagos mula sa nakabuka niyang bibig habang nagpapahinga ang mga langaw sa maputla niyang noo.

“Patay,” sabi sa akin ni Margo, na para bang wala akong kaaydi-idea sa natagpuan namin.

Dahan-dahan akong umatras, dalawang maliit na hakbang. Naalala ko, noong minutong iyon, inisip ko, kapag gumalaw ako nang mabilis, baka bumangon ang lalaki at bigla na lang manakal. Baka zombie pala ito! Alam ko, hindi totoo ang zombie, pero sa itsura kasi ng lalaki, puwedeng-puwede itong maging zombie.

Pag-atras ko, siya namang lapit ni Margo sa lalaki. Dahan-dahan, dalawang maliit na hakbang din. “Bukas pa ang mga mata niya,” sabi ni Margo.

“Uwinatayo,” sabi ko.

“Akala ko, kapag namatay ang isang tao, napapasara din ang mga mata niya.”

“Margopleasetarakailangannatingireportitongayonna.”

Humakbang uli siya. Malapit na talaga siya sa lalaki, inabot niya at hinipo pa ang paa nito. “Ano kaya ang nangyari sa kanya?” tanong ni Margo. “Baka dahil sa drugs o ano.”

Ayokong iwan doon si Margo na ang tanging kapiling ay ‘yong patay na lalaki na baka nga isa palang zombie. Pero ayoko rin namang magtagal doon para lang pagkuwentuhan kung paano kaya ito namatay. Kaya inipon ko ang lahat ng tapang sa buo kong katawan at humakbang ako palapit kay Margo, hinila ko ang kamay niya. “Margotaranataranauwinatayo.”

“Sige na nga,” sagot niya. Takbo kami papunta sa mga bike namin, parang natatae ako sa sobrang tuwa, pero ang totoo, sa sobrang kaba.

Pagsakay namin sa bike, pinauna ko siyang pumedal at umandar kasi napaiyak na akong talaga at ayoko namang makita niya akong umiiyak.

Napansin kong may dugo sa suwelas ng sneakers niya. Dugo ‘yon ng lalaki. Dugo ng patay na lalaki.

Sa wakas, nakarating kami sa sari-sarili naming bahay. Tawag agad ang nanay at tatay ko sa 911. Tapos may narinig na akong wangwang mula sa malayo. Tinanong ko ang nanay ko kung puwede kong panoorin iyong mga trak ng bumbero. Sabi ng nanay ko, ‘wag na raw. Kaya natulog na lang ako.

Therapists ang nanay at tatay ko. Meaning, maayos akong uri ng bata, tipong well adjusted ang utak, ganyan. Paggising ko, kinausap ako ng nanay ko tungkol sa cycle ng buhay, at kung bakit bahagi ng buhay ang kamatayan. Pero sabi niya, itong bahagi ng buhay na ito ay hindi ko pa naman kailangang alalahanin pa… sa ngayon… sa edad na siyam na taong gulang. Pagkatapos niyon, gumaan ang pakiramdam ko. Ang totoo, hindi naman talaga ako naapektuhan. Para iyon lang, e, sus. Wala sa akin ‘yon. Kayang-kaya kong humarap sa mas grabe pang mga bagay-bagay. Bring it on.

Okey, ito ang nangyari: may natagpuan akong patay na lalaki. Ang cute at nine-year old version ng sarili ko, at ang mas cute at nine-year old version ni Margo ay may natagpuang bangkay sa playground, agos ang dugo mula sa sarili nitong bibig, tapos iyong dugo na iyon ay napunta sa cute na sneakers ng kalaro ko habang nagbibisikleta kami pauwi. Sobrang kahindik-hindik talaga. E, ano naman ngayon? Hindi ko naman kilala iyong lalaki. Andami-daming namamatay araw-araw, oras-oras, minu-minuto, mga taong hindi ko rin kakilala. Kung magkaka-nervous breakdown ako sa tuwing may kahindik-hindik na pangyayari sa mundong ito, baka masahol pa ako sa sinto-sintong hipon.

Pagsapit ng nine o' clock nang gabing ‘yon, pumasok na ako sa kuwarto ko para matulog, kasi nine ang oras ng tulog ko. Sinamahan ako ng nanay ko hanggang sa kama, tapos sabi niya, mahal niya ako, sabi ko naman, “See you tomorrow.” Sumagot siya ng, “See you tomorrow,” tapos pinatay niya ang ilaw at isinara ang pinto pero hindi ‘yong lapat na lapat na uri ng pagkakasara.

Pagtagilid ko, nakita ko si Margo Roth Spiegelman, nakatayo sa labas ng bintana, halos nakalapat na ang mukha niya sa screen. Bumangon ako at binuksan ko ang bintana, may namamagitan sa amin na screen kaya pixelated ang mukha niya sa paningin ko.

“Nag-imbestiga ako,” seryoso niyang bungad sa akin. May hawak siyang maliit na notebook at isang lapis na may pambura sa dulo. May mga kagat-kagat ang pambura. Tiningnan niya ang kanyang notes. “Ayon kay Mrs. Feldman, taga-Jefferson Court, ang pangalan ng lalaki ay Robert Joyner. Sabi niya sa akin, nakatira daw ‘yong lalaki sa Jefferson Road, sa isa sa mga condo sa itaas ng grocery, kaya nagpunta ako doon. Naku, andaming pulis! Iyong isa kanila, tinanong ako. Nagsusulat daw ba ako para sa diyaryo ng eskuwelahan. Sagot ko, wala namang diyaryo ang eskuwelahan namin, tapos sabi niya, basta raw hindi ako journalist sasagutin daw niya ang lahat ng tanong ko. Kuwento niya, thirty-six years old daw si Robert Joyner. Abogado. Ayaw akong papasukin ng mga pulis sa apartment, pero may isang manang doon na ang pangalan ay Juanita Alvarez. Taga-katabing pinto ni Robert Joyner. Nakapasok ako sa apartment ni Juanita kasi tinanong ko siya kung puwede ba akong makautang ng isang tasa ng asukal, tapos sabi niya sa akin, nagpakamatay daw si Robert Joyner sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili. Tanong ko, bakit po, tapos sabi niya, nasa kalagitnaan daw ito ng isang divorce at sobrang nalulungkot daw ito dahil doon.”

Saglit siyang tumigil, pinagmasdan ko siya. Kulay abo ang kanyang mukha at nasisinagan ito ng buwan, nababasag ang mukha niya sa maliliit at libo-libong piraso dahil sa mga butas ng screen. Nagpabalik-balik ng tingin ang kanyang malaki at bilog na bilog na mga mata sa kanyang notebook at sa akin. “Andami naman diyang nakakaranas ng divorce pero hindi nagpapakamatay,” sabi ko.

“Alam ko,” sabi niya, may sigla sa kanyang boses. “Iyan din ang sinabi ko kay Juanita Alvarez. Tapos sabi niya . . .” Tiningnan ni Margo ang kabilang pahina. “Sabi niya, may bumabagabag daw kay Mr. Joyner. Tinanong ko siya kung anong ibig sabihin niyon, sabi niya sa akin, basta, ipagdasal na lang daw namin si Mr. Joyner at dalhin ko na raw iyong asukal sa nanay ko, tapos sabi ko sa kanya, e, okey na po, sa inyo na po ang asukal, tapos umalis na ako.”

Hindi ako umimik. Gusto ko, magsalita lang siya nang magsalita—kasi iyong maliit na boses na iyon na punong-puno ng sigla dahil sa dami ng natutuklasan, dahil doon, pakiramdam ko, may nangyayaring importante sa akin, pati na sa sarili kong buhay.

“Parang alam ko ang dahilan kung bakit nangyari sa kanya iyon,” sambit ni Margo.

“Bakit nga ba?”

“Baka nalagot na ang lahat ng hibla ng lakas sa kanyang loob,” sagot nito.

Habang nag-iisip ako ng isasagot doon, tinanggal ko sa pagkaka-lock ang screen sa pagitan namin. Dahan-dahan kong binaklas ang screen para maibaba ito sa sahig. Hindi na niya ako binigyan ng pagkakataong makasagot pa. Inilapit niya ang mukha niya sa akin, tapos bumulong siya, “Isara mo ‘tong bintana.” Sunod naman ako. Pagkasara ko ng bintana, akala ko, aalis na siya. Pero hindi siya kumilos. Nakatayo lang siya habang nakatitig sa akin. Kinawayan ko siya at nginitian pero nakatanga pa rin siya. Napako ang paningin niya sa bandang likuran ko, parang may nakikita siyang nakakatakot na kung ano, ang putla-putla ng mukha niya. Kinabahan ako nang todo. Gusto ko mang alamin kung ano ang nakikita niya sa likuran ko, hindi na rin ako lumingon. Kasi wala naman talagang makikita sa likod ko—kundi iyong lalaki na pinag-uusapan namin kanina. Iyong patay.

Tumigil ako sa pagkaway. Magkatapat ang ulo namin habang tinititigan namin ang isa’t isa sa magkabilang panig ng bintana. Hindi ko na maalala kung paanong natapos ang gabing iyon—kung bumalik ba ako sa kama ko o umuwi na siya sa kanila. Basta, sa sarili kong alaala, wala siyang ending. Nandoon lang kami, nakatayo, pinagmamasdan ang isa’t isa, walang humpay, habambuhay.

Mahilig talaga sa mahiwagang bagay itong si Margo. At sa lahat ng nangyari pagkatapos ng araw na iyon, lagi kong naiisip na baka sa sobrang pagkahumaling niya sa mga hiwaga at misteryo, hindi niya namalayang siya mismo ay naging isa na sa mga ito.


No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...