Tuesday, October 1, 2013

Pinoy Film sa Oscar's

Masaya akong nakapasok ang pelikulang Transit sa Oscar's ng U.S. Talaga namang maganda ito. Nakakadurog ng puso.

Pero hindi ko maiwasang isipin na baka pinabibigat ng politika ang pagkakapiling ito sa entry ng Pilipinas sa kanilang award giving body para sa kategoryang Best Foreign Film.

Ang Transit ay tungkol sa nakakalungkot na kalagayan ng mga batang Filipino na ipinanganak sa Israel. May batas ang Israel hinggil sa mga batang katulad nila at ang karamihan ay tungkol sa pagpapa-deport sa mga bata pabalik ng Pilipinas. Komo hindi makaalis ang mga magulang nilang Filipino sa Israel dahil sa hangaring makakayod at kumita nang maayos, pilit nilang itatago ang mga bata sa iba't ibang lugar at sa iba't ibang paraan.

Nakakaawa ang mga bata. Doon sila sa Israel ipinanganak at ang iba'y doon na lumaki at nag-aral. Ang iba rin ay wikang Hebrew na ang inang wika. Ibang-iba na ang nakalakhan nilang kultura. Ngunit sa kasamaang palad, hindi sila itinuturing ng pamahalaan bilang mga taga-Israel. Sila ay mga Filipino pa rin sa paningin ng gobyerno roon. Kahit pa tahanan na ang tingin ng mga bata sa bansang Israel.

Wala namang malinaw na kontrabida rito. Biktima ng mga pangyayari ang mga bata. Hindi rin puwedeng sabihin na ang mali rito ay ang mga magulang na Filipino dahil natural lamang sa kanila na gustuhing makasama ang kanilang mga anak sa bansang kanilang pinaglilingkuran. Natural lamang na gusto nila ng mas maalwan na buhay sa hinaharap para sa mga batang ito.

At hindi rin puwedeng sabihin na kontrabida ang pamahalaang Israel. Karapatan nila ang protektahan ang kanilang bansa sa mga dayuhan, at sa pagdagsa ng mga ito. Karapatan nilang tumanggi sa mga overstaying na bisita. Karapatan nilang tumanggi kapag umaabuso na ang mga dayuhang empleyado sa kanilang lupain. Para saan at pati ang mga anak ng dayuhang manggagawa na ito ay kailangan nilang kupkupin? Wala bang sariling bayan ang mga batang Filipino? Bakit nga naman hindi sila doon umuwi, magsiaral at magsilaki?

Ang ganitong sentimyento ng pamahalaang Israel sa mga manggagawa nitong Filipino at sa kanilang mga supling ang posibleng dahilan kung bakit ito napili para sa Oscar's.

Hindi ako maalam sa ugnayang US-Israel. Pero pansin ko na ibang tumirada ang US sa mga kaaway nilang bansa. Idinadaan sa kultura ang pagtuligsa. Kaya hindi mapapansin, hindi talaga mahahalata. Suwabeng-suwabe ang da moves, ika nga.

Sa pelikulang World War Z na tungkol sa mga zombie, saan nagmula ang zombie virus? Sa Korea. Anong bansa ang umano'y malaon nang nakapaghanda sa pagsalakay ng mga zombie kaya safe zone area? Ang Israel. Ipinakita sa pelikula ang katatagan ng Israel sa pamamagitan ng pagpapakita ng massive nitong mga pader. At walang paraan para makapasok ang kahit isang zombie.

Pero dahil sa nalikhang malakas na ingay sa loob ng Israel, nagpatong-patong, nagtuntung-tuntungan ang mga zombie hanggang sa makalampas ang ilan sa kanila sa pader ng Israel. Pagkapasok nila sa Israel, nagsimula na silang mangagat ng mga tao at agad na dumami ang zombie sa loob.

Malinaw ang mga mensahe rito. Kinikilala ng US ang katatagan ng bansang Israel. Ngunit, hindi ibig sabihin noon ay hindi na ito maaaring mapabagsak. May weakness ito, na magmumula rin sa loob. Posible itong mapasok, ma-penetrate, ma-infect at ma-zombify.

Sigurado akong hindi lamang ang Transit at ang World War Z ang mga akdang sining sa anyo ng pelikula ang tumalakay sa ugnayang US-Israel. Tiyak na marami pa! Kasi ganyan ang tamang pag-brainwash sa mga tao. Idaan lahat sa sining. Idaan sa pelikula, idaan sa drama.

Pagkatapos, puwede tayong magtanong-tanong: sa ngayon, sino o anong bansa ba ang masama? Ang mahina?

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...