Saturday, July 20, 2013
Paliit nang paliit!
ni Beverly W. Siy para sa KAPIKULPI o Kapiraso ng Kulturang Pinoy, isang kolum sa Perlas ng Silangan, lingguhang pahayagan sa Cavite
Kamakailan ay naibalita sa akin ng aking publisher, ang Anvil Publishing, na may bumabang memo sa kanila mula sa National Book Store (NBS). Ang Anvil ang publishing arm ng NBS. Thirty percent na lamang daw ng total space ng bawat NBS branch ang maaaring gamitin para sa pagbebenta ng libro. Hindi ko na itinanong sa aking publisher kung bakit. Ngunit ang hinala ko, isa sa mga dahilan ay ang pagbaba ng benta ng mga libro sa NBS. Malaki ang posibilidad na ibang produkto ang kumikita sa bawat branch ng NBS kaya kailangang dagdagan ang espasyo para sa mga produktong iyon at bawasan ang para sa iba pang produkto na maliit ang ipinapasok na kita, produktong tulad ng mga libro.
Ano ang implikasyon nito sa mga tagapaglathala ng aklat at sa mga awtor?
Matindi ang implikasyon nito sa maraming tagapaglathala ng aklat at mga awtor sa Pilipinas. Ang NBS ang pinakamalaking tindahan ng aklat at sila ang pinakamalaking outlet at source ng mga aklat sa Pilipinas. Kung liliit ang espasyo nito para sa mga aklat, ibig sabihin ay iilang aklat na lamang ang puwedeng mai-display sa loob ng NBS.
At kung ganon ay mas titindi ang kompetensiya ng bawat libro. Mag-aagawan na kasi sa shelf space ang bawat libro. Dapat ay mabenta ang libro sa loob ng isang buwan, kung hindi ay tatanggalin na ito sa shelf at isosoli na ito sa pinagmulang publisher. Kumbaga, kung hindi ka nabebenta, alis ka na. Papalitan ka ng iba pang puwedeng ibenta. Mas maiksi na ang pasensiya ng NBS sa slow moving products tulad ng libro.
Okey lang ‘yon ngunit kung ganito ang batayan para mapanatili ang libro sa mga shelf ng pinakamalaking book store chain sa Pilipinas, paano na ang naggagandahang libro na sasadyang kaunti ang buyer? Matatanggal na sila sa shelves. Mapapalitan na sila ng mga librong popular at maraming buyer. Alam naman natin, kahit saang kultura, na ang popular na mga aklat ay hindi laging maganda at hindi laging angkop para sa isang lipunan. Maaaring sikat lang ito at maaaring sa kasamaang palad ay wala nang ibang katangian.
Maaari ding maiwan sa shelves ang mumurahing uri ng mga aklat dahil ang mga ito ang madaling mabili dahil sa kanilang presyo. Ito ‘yon mga aklat na manipis, maliit at simple ang pagkakayari. Kung maraming pahina ang isang aklat, hard bound ito o di kaya ay magandang-maganda ang pagkakayari, tiyak na mahal ito. At kung mahal ay mas kakaunti ang buyer. At kung kaunti ang buyer, maaaring mataganggal sa shelf space sa tindahan ng aklat.
Sa isang banda, good news naman ito sa maliliit na bookstore at iba pang uri ng book seller. Hahanapin sila ng mga publisher para mabagsakan ng mga aklat na pambenta. Dahil maliliit pa naman ang mga bookstore at bookseller na ito, wala pa siguro ang magtatangkang maglunsad ng anumang uri ng monopolyo. Maaaring mas mababa ang hingiin nilang komisyon o diskuwento mula sa publisher para sa bawat aklat na kanilang ibebenta, mas mababa kaysa sa kasalukuyang komisyon o diskuwento na hinihingi ng NBS na 40-60% ng suggested retail price ng bawat aklat.
Mapipilitan din ang mga publisher na mag-isip ng dagdag na paraan para maibenta o makapag-retail nang tuwiran ang kanilang mga aklat sa publiko. Sa America, ang kanilang music industry ay nakipag-partner sa ilang establishment na hindi naman talaga tindahan ng music CD. Halimbawa, maaaring makabili ng mga CD ng Beatles at ni Paul McCartney sa mga branch ng Starbucks.
Ang patuloy na pagkaunti ng tindahan ng libro o pagliit ng espasyo para sa mga libro sa iba’t ibang tindahan sa Pilipinas ay isang nakakalungkot na indikasyon ng pagbaba ng benta ng mga libro dito sa atin. Kung magtutuloy-tuloy ang pangyayaring ito, maaaring dumating ang panahon na wala na talagang mabebentang libro sa Pilipinas dahil wala nang interesadong bumili nito.
Nakakita na ba tayo ng bansang hindi mahilig sa libro pero umasenso? Hindi pa, wala niyan, non-existent ang ganyang uri ng bansa.
Kaya ngayon pa lang, mahalagang magawaan na ng paraan ang suliraning ito. Dapat magsama-sama ang lahat ng tao, institusyon, ahensiya, organisasyon na may kinalaman sa publishing industry para mag-brainstorm ng dagdag na paraan para makapagbenta ng aklat sa publiko.
Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment