Wednesday, June 12, 2013

Tulaan sa Facebook 2013

Ngayong taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ibinabalik ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang proyektong “Tulaan sa Facebook”.

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa paligsahang ito, itatampok ng mga lahok sa patimpalak ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.

Bukas ang patimpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Bago maglahok ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” at puntahan ang Facebook Group: “Tulaan sa Facebook 2013″.

Narito ang tuntunin:

1. Bukas ang timpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Hindi maaaring lumahok ang mga tagapangasiwa ng proyektong “Tulaan sa Facebook,” lahat ng kasapi (full at probationary) at buong pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at mga dati nang nagwagi sa timpalak na “Tulaan sa Facebook.”

2. Kailangang orihinal, nasa wikang Filipino, at nasa anyong diyona ang mga lahok. Ang mga tulang ilalahok ay dapat pumapaksa sa buhay at kabayanihan ni Andres Bonifacio.

3. Bago magpadala ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo”. (https://www.facebook.com/PalihangLIRA)

4. Puntahan din ang Facebook Group na “Tulaan sa Facebook 2013” at maging miyembro nito. Ipaskil sa Facebook Group ang lahok. (https://www.facebook.com/groups/tulaan/)

5. Ipapaskil ang limang pinakamahuhusay na tula para sa isang buwan sa Facebook Page ng LIRA tuwing ika-15 ng susunod na buwan. (Ang mga lahok para sa huling dalawang linggo ng Hunyo ay isasama sa pagpipilian para sa buwan ng Hulyo.)

6. Ang mga tulang maipapaskil sa Facebook Page ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak. Pipili ang mga hurado ng tatlong magwawagi. Abangan sa mga susunod na buwan ang anunsiyo ng mga premyong makakamit.

7. Mananatiling pag-aari ng may-akda ang mga tulang magwawagi, subalit may karapatan ang LIRA na ilathala ang mga ito.

8. Ipaaalam sa mananalo ang resulta ng timpalak bago ihayag ang mga magwawagi sa publiko. Ang resulta ng timpalak ay iaanunsiyo sa Araw ni Bonifacio, Nobyembre 30, 2013.

Para sa iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa tulaansafb@gmail.com. Ang tagapangasiwa ng proyektong ito ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto sina Noel
Clemente at Conrad Nuyles.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto AƱonuevo, Rebecca AƱonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...