Saturday, June 22, 2013
scrabble tayo!
noong summer, isinama ko si iding sa scrabble tournament. naganap ito sa food court ng alimall, cubao, quezon city at buong araw na idinaos ito doon. iilan lamang ang manlalaro, wala pa yatang bente, pero napaka-memorable nito para sa amin ni iding dahil ito ang first time naming makapunta sa isang scrabble tournament.
lumaban si iding mula 10am hanggang mga 430pm. ganyan pala kalupit ang mga tournament ng scrabble. siyempre pa, gulat na gulat ang pamangkin ko kaya di mabilang ang pagkakataon na tinutulugan niya ang kanyang mga kalaban. lalo na kung matagal tumira ang kalaban.
masayang nag-umpisa ang tournament. hinati sa dalawang grupo ang lahat ng contestant. merong collegiate level at merong open. sa open napunta ang pamangkin ko dahil hindi siya college student. si iding ay incoming grade 8 pa lang.
ang mga nakalaban ni iding sa open ay isang 8 years old na bata, isang 12 years old na bata, at mga apat na matanda. as in mga 50-70 years old na yata. oo, magkakahalo-halo ang bata at matanda sa open group.
nasa tabi ako ng mesa kung saan lumalaban si iding ng scrabble. papalit-palit ng mesa ang lahat ng manlalaro sa bawat round dahil papalit-palit din ang kanilang mga kalaban. isa sa mga di ko malilimutang kalaban ni iding ay isang matandang lalaking itatago natin sa pangalang Broniluigi.
sa unang tira niya, simple lang ang sagot niya. something like nail. four letter word na walang plus-plus o bonus-bonus. tapos tumira na si iding. pagkatapos ay siya uli, si broniluigi. ang itinira niya ay isang salitang may pitong letra. umabot yata sa halos isandaan ang kanyang iskor. hindi na-gets ni iding kung bakit sobrang laki ng iskor ni broniluigi. paulit-ulit niyang binilang ang itinira ni broniluigi. until inexplain ni broniluigi na plus 50 points pala kapag naitira ang lahat ng letra ng isang player.
nanlumo si iding. ipinatong niya ang baba niya sa mesa at wala sa sariling tumitig sa sarili niyang mga letra.
sa buong laro nila, napansin ko na parang nagmamadali sa pagbibilang ng iskor si broniluigi. dalawang ulit siyang nagkamali ng bilang, kulang ang points na ibinigay niya sa kanyang sarili. at komo sigurista kami ni iding, binibilang din namin ang iskor niya. kaya nalalaman namin na kulang nga ang ibinigay niyang points sa sarili niya.
pag sinasabi ko na, kulang po ang bilang ninyo sa sarili ninyo, ang isinasagot niya ay "ay, oo nga, salamat, ha? salamat sa pagiging honest mo."
pero mukhang beteranong player na itong si broniluigi kaya hindi bumenta sa akin ang pamali-mali niya ng bilang sa sariling iskor. me kutob akong sinasadya niya iyon para malaman kung marunong nga kaming bumilang ng iskor o puntos. lagi niyang minamadali ang pagbibilang kaya hindi namin siya nasasabayan. ang nangyayari, nagdedeklara na siya ng puntos bago pa kami makatapos sa pagbilang ng puntos. pero hindi kami nagpapa-intimidate ni iding. tinatapos namin ang pagbibilang kahit pa nakatunganga doon sa amin si broniluigi sa bagal naming mag-one-plus-one.
e ano kung mabagal nga kami?
kung hindi namin ginawa iyon ay baka
1. maisip niyang wala kaming pakialam sa mga iskor. dahil anlaki na ng agwat ni iding kay broniluigi, imposible na talagang mahabol, tipong 100 versus 400 points labanan, para saan pa ang iskor di ba? pero kasama sa rule ng laro ang pagtatala ng tamang iskor kaya ginawa talaga namin iyon ni iding.
2. maisip niyang hindi nga kami marunong mag-point system kaya kung ano lang ang banggitin niya ay tatanggapin na namin nang buo at maluwalhati. at siyang isusulat at maitatala sa scoresheet.
3. maisip niyang kayang-kaya niya ang maliit at batang player tulad ni iding at ang may pagka-stage mother pero aanga-angang tita nitong tulad ni beb.
may mga instance din na antagal ng kamay niya sa pouch kung saan dinudukot ang tiles ng letra. nalaman namin nang araw na iyon na bawal magtagal ang kamay sa loob ng pouch. dapat daw, dukot lang nang dukot. hindi dapat nagbababad ang kamay sa pouch dahil wala namang dahilan para magtagal doon ang kamay ng kahit na sinong manlalaro. pero itong si broniluigi, may ilang ulit siyang pagdukot kung saan parang pinipintahan niya ang letra ng bawat tile. pero siyempre hindi namin masasabi iyon, kutob lang, dahil hindi naman transparent ang pouch.
dahil sa tagal ng kamay niya sa pouch, di ko maiwasang mapatitig sa bawat kilos ng kanyang kamay. napansin ko tuloy ang ilang ulit na pagsasara nang mahigpit ng kanyang hinliliit at palasingsingan. sobrang higpit na parang me nakaipit doon na something na siyempre bawal mahulog kundi ay mabubuko siyang nag-iipit ng tiles o letra.
anyway, me kutob talaga ako na magulang si broniluigi.
naramdaman din siguro ito ni iding kaya hindi na nag-e-effort si iding na makatira ng salitang may mataas na puntos. wala nga naman siyang maitira kasi puro vowel ang napupunta sa kanya. ang nailalapag niya ay puro it, on, to at iba pa.
finally natapos ang kanilang game. three to four times ang lamang ni broniluigi, hindi na kami nagulat! hahahaa
lulugo lugong nagtanghalian ang pamangkin ko. nakasabay namin ang isang writer na nakilala ko sa isang org ng mga writer. matagal na pala siyang player ng scrabble. at suki rin ng mga tournament. kinumusta ko ang impression niya kay broniluigi.
tadan!
sabi niya, ay iyon ba? madaya iyon e. madaya talaga, saka madalas nagpapatalo yan sa umpisa para mapunta siya sa mahihinang kalaban at nang makaungos siya nang husto sa mahihinang kalaban, para mapataas niya ang overall niyang points sa isang buong tournament. kung sa magaling kasi siya natatapat, hindi siya makapuntos nang mataas.
nge. sabi na, beterano ang broniluigi na ito!
nagkibit-balikat si iding. buti at pareho kami ng naisip.
"me ganyan talaga. ingat-ingat na lang tayo," sabi pa ni writer/scrabble player.
sa isip ko'y naalibadbaran ako. ano ba naman ang lalaking iyon? si broniluigi?! nang makakita ng taong mas maliit at mas mahina sa kanya, ang mindset niya ay pagsamantalahan ito? agad-agad? pagsamantalahan agad-agad? ni hindi binreak in.
well, me ganyan talaga. ingat-ingat na lang tayo sa kanila. sila na kung tawagin ay kabigero. ang bawat sandali ng kanilang buhay ay idinidisenyo nila sa paraan na makakapangabig sila sa pinakamaximum na paraan.
oh well.
out of 7 games, 3 ang naipanalo ni iding. not bad for a first tournament, di ba?
naka top man lang ba si broniluigi?
HINDI. BWAHAHAHAHA. yan ang napapala ng may maiitim na budhi.
itim. itim na itim.
kasing itim ng bagong t-shirt na binili namin para kay iding bilang premyo niya sa tatlong wins.
kamiseta na maaari ding tingnan bilang simbolo ng tahimik na pagpoprotesta sa mga tulad ni broniluigi.
Ang copyright ng larawan ay kay Bebang Siy.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment