Thursday, June 13, 2013
SURPRESA PARTEEEE PART 1
Ang hirap palang mag-organize ng surprise party para sa isang taong kasama mo sa bahay!
Noong May 31 ay ang 34th birthday ni Poy. Ang naisip ko lang, dalhin siya sa Corregidor kasama sina ej at iding. Mag-oovernight kami doon at maggo-ghost hunting sa gabi. Kaya lang, me kamahalan ang tour na ito, aapat kaming makikinabang. Isa pa, nagkaroon ng wushu activity si ej noong may 30 kaya di siya makakasama kung sakaling mag-overnight nga sa Corregidor.
So nag-isip na lang ako ng ibang activity for poy’s birthday. Wala talaga akong masaliksik sa utak. Bigla-bigla, nag-fb status siya na huling birthday na raw niya iyon as a bachelor. So pakiramdam ko, ang special nun para sa kanya!
Kaya nagdesisyon akong bigyan na lang siya ng surprise birthday party.
Since biyernes ang may 31, dapat after office hours ang party. Ang kaso, baka sa sobrang trapik (suweldo!), baka di magdatingan ang mga taong iimbitahan ko! kaya naisip kong gawin na lang itong Sunday para makarating ang marami. So kahit wala pang venue, nag-text na ako sa family niya na may surprise party for poy nang june 2, 2-6pm. Hehe sinadya ko talaga yan para hindi lunch at hindi rin dinner. Mas tipid! At kinonsider ko rin yung traffic. Kasi yan ang Sunday before the first day of school. So malamang, lahat ng nasa bakasyon at probinsiya, pabalik na ng maynila para makapasok kinabukasan sa kani-kanilang eskuwela. kaya dapat hindi masyadong late matapos ang party, maipit man sa trapik di pa rin masyadong gagabihin yung bisita namin. Tinext ko na ang kapamilya’t kaibigan ni poy.
Sabi ni rianne, yung ate ni poy, magpapa-dinner daw sila sa bahay nila sa sta.mesa sa mismong araw ng birthday ni poy para daw hindi halatang me surprise birthday party kami sa parating na Linggo. Sabi ko, sige, para din me magawa kami sa May 31. Kasi nga, malamang ay nasa bahay lang kami nang araw na iyon. Sabi rin ni rianne, sila na raw ang bahala sa cake sa surprise birthday party. Yeba, tipid sa part ko. so nag ok ako agad.
Naghanap ako ng possible venues sa internet. Siyempre yung mga site na pinuntahan ko noong naghahanap kami ng venue para sa kasal, nabisita ko uli. Karamihan sa mga venue na ito ay pangmalakihan. So hindi kaya ng budget. Isip uli. Hanap. Ginagawa ko ang lahat ng ito kapag malayo ako kay poy. kasi di niya puwedeng masilip ang mga sine-search ko.
Eto ang mga una kong naisip na venue:
1. Tramway –P 200+ lang per head, buffet pa. tapos mga P900-P1000 lang ang rent ng private room. Kaya lang either umaga/tanghali or late afternoon/gabi ang party. Hindi puwedeng 2-6pm. Meron itong branch sa may shaw, malapit sa parents niya, meron din sa banawe, kami lang ang malapit dito pero ito ang cheapest, meron din along roxas boulevard, tabi ng traders hotel, vito cruz. Nakakain na ako rito, ok naman ang food. Actually, ang mas habol mo dito, e yung pagpapaka-oink-oink. Kasi susulitin mo yung binayad mo kaya one to sawa talaga si tiyan.
2. Aquasphere-malate area. 8k ito. rent lang. pero 12 hours na. at may swimming pool pa. hahanap na lang ako ng murang caterer kung sakali. kaya lang, hindi naman mahilig magswimming itong si poy. bano nga sa tubig. So parang out of character kung dito siya magbertdey.
3. Cara mia/amici- mga 350/head, food and drinks and venue na. either sa tomas morato o sa may ayala triangle sa Makati. Mukhang masaya dito, masarap pa ang food at desert. Saka mahilig si poy sa ice cream. Tamang-tama.
4. Conspiracy-mura dito siyempre. Parang pay as you order lang. me sounds pa. kaya lang anlayo sa mga kamag-anak ni poy. at medyo pang young crowd ito, di bagay sa parents niya, though nakapunta na ang mama niya rito at nakapakinig kay bayang barrios, nag-enjoy ang lola!
5. El buono pizza- tomas morato. Sabi sa sulit ad nila, 10k inclusive na lahat, décor, food and drinks good for 50pax at venue. Maganda yung venue, parang maaliwalas naman batay sa photo at malaki, hindi magsisiksikan sa loob. Ayos sana ito. kahit medyo malayo sa parents ni poy. kaso pag punta ko, sarado. Sabi ng guard sa katapat na bar, mag-iisang linggo na itong sarado.
6. Orchid garden hotel- sa may vito cruz, wala akong idea kung magkano rito. Pero ang alam ko mura lang. kasi nag-event na kami rito sa filcols. Maganda yung function room sa itaas kasi parang medyo luma yung feel pero modern ang amenities.
7. Ice berg-jupiter st. Makati- wala yatang package package dito. Mura ang food siguro papatak ng P250/head. Makati kasi malapit kila poy (nang konti) at dahil walang tao rito pag Sunday. Hehehe. Madali ang parking para sa pamilya ni poy at para sa mga bisitang me sasakyan.
8. Any resto sa may vito cruz, taft. Kasi siguradong walang tao rito pag Sunday! Weekdays, puno ito, im sure.
9. Manila yacht club-batay sa nabasa ko sa internet, puwede raw ditong mag-rent ng function room para sa kasal. Alam kong mahal dito at sosyal pero mano bang i-try ang pag-i-inquire.
Hindi ko kinonsider ang mga venue sa mall. Kasi siguradong matao doon pag Sunday. At hindi ko gusto ang feel, parang masyadong commercialized ang party
sa ganoong lugar.
So ayun. Kelangan ko na ng venue. Isang gabi, nag-away kami ni poy. di ko na maalala ang dahilan. Sabi niya, labas daw muna siya. sabay labas. Literal. Lumabas talaga. walang lingon-likod. Aba. Nainis ako. So nagbihis ako at lumabas din ako.
Dun ako sumubok na maghanap ng venue. Sabado ito ng gabi. May 25.
Nag-morato ako. Bumaba ako ng dulo ng kamuning. Tapos nilakad ko ang buong morato hanggang sa may scout circle. Antamlay-tamlay ng morato. Sabado pa naman. Pero ok lang yun. Kasi hindi naman Saturday night ang party namin! Dun ko nakita ang amici. Sayang at sarado na. pero nakapag-inquire na ako doon dati. Ayun nga ang rate mga P350/head. Nadaanan ko rin ang el buono. Dun ko rin nalaman na sarado na nga ito. marami pa akong nadaanan na bar. Naisip ko rin ang chef’s bistro. Kaya lang, medyo mahal dun ang food. Siguro nasa P350/head din. Di pa outstanding ang lasa sa lagay na yan. though meron silang venue na tamang-tama dun sa party na nasa isip ko.
After an hour, wala, wala talaga akong nakitang appropriate na lugar.
Naglakad ako pabalik ng Kamuning. At nag-ikot-ikot ako sa area na yun. Naisip ko sa 77 café kaya? Dun nagbirthday ang pinsan ni poy, si michelle. Maganda yung place na yun. Old house. Kaso pagpasok ko, wah, ang init. At medyo nadidiliman ako. Baka kako, maganda lang ito kapag medyo dim ang light. At nung nagpa-party si michelle doon, nag-inquire na rin ako. 15k daw, isasara nila ang isang bahagi ng place for a party for a certain number of hours. Inuman galore ang 15k na yun. Kasi mas sikat yun bilang inuman.
Naisip ko rin ang taumbayan. Kaya lang parang naliliitan ako sa lugar na yun. At parang walang x factor para sa masho-shonders tulad ng parents ni poy. well, siyempre, kelangan ko magpa-impress sa kanila! First time ko silang iimbitahin sa isang party!
Hindi ako nakahanap ng venue that night. Pag uwi ko, andun na si poy. text pala siya nang text. Alalang-alala. Ayan, ang arte kasi. Lalayas-layas ka, ha? Sa isip-isip ko. may paa rin kaya ako, nalimutan mo? oo, mabantot pero marunong din itong tumakas, lumayas tulad ng paa mo, ‘no? siyempre sa isip ko lang yan lahat. Kasi pagkakita ko sa kanya, natumba na ako sa higaan at nakatulog!
Pagsapit ng Monday, May 27, nagpunta ako ng UP para i-follow up ang appeal ko para sa MA ko. negative ang lahat ng resulta. Hindi ako aabot para sa may 30 na meeting ng csapg. Ibig sabihin, hindi ako makakasabay sa regular na enrolment dahil kelangan pang hintayin ang june 24 csapg. Pagdating ng hapon, lumuwas ako. Nag-MRT ako. Text nang text si poy, asan na raw ako. Sabi ko up pa at may hinihintay na prof. pagbaba ng MRT EDSA Taft, nagdyip ako hanggang sa roxas boulevard. Mula doon, naglakad ako hanggang makarating ako ng vito cruz. May parts na madilim at nakakatakot like yung malapit sa dating dfa at japan embassy. Pero ok na rin. Nakaraos naman ako, uneventful ang aking paglalakbay doon. Noon ko lang din nakita ang midas hotel and casino. Ang liwa liwanag! Ito yata yung dating Hyatt. Sayang. Parang mas maganda yung hyatt. Simple lang. saka tahimik.
Anyway, heto yung mga nadaanan kong kinonsider as venue
1. Bachelor’s mansion-parang mas night club ito. gusto ko man at na-curious man ako, feeling ko di mag-e-enjoy dito ang parents ni poy.
2. Singing cooks and waiters restaurant- malapit ito sa buendia. 7,700 ang pinakamurang package nila. Per table yan. at 10-12 pax per table. Sa isip-isip ko, ang mahal. Kasi kung makadalawang table kami, 15k agad? Pero ang maganda rito, me kasama na raw performance iyon at me function room sila na puwede nilang isara kahit gano pa kami kakonti.
3. Tramway- di na ako pumasok since alam ko na ang itsura ng mga room nila.
4. Coffee.com-ito yung coffee shop sa mismong traders hotel. Hindi ko na rin ito pinasok kasi parang odd yung shape ng coffee shop. Parang maliit siya para sa isang party. At hindi ko siguro mabubusog ang mga bisita doon.
From traders, dumiretso ako ng orchid garden. Sabi ng waiter sa kanilang resto pagkaraang Hainan ako ng isang baso ng napakalamig na tubig (aaaahhhh! Sarap!), nakaalis na raw ang sales nila. Binigyan na lang niya ako ng brochure (wala nga lang rates) at humingi raw ako ng calling card sa receptionist. Umalis ako pagkatapos kong masimot ang baso. By this time, pagod na ako at talagang nawawalan na ako ng pag-asang makahanap ng venue sa area na yon.
Gusto ko sana sa roxas blvd pa rin kasi marami ang magmumula sa cavite. Madaming friends doon si poy.
Naglakad ako papuntang harison, nadaanan ko ang teresita’s, ito yung resto na nirekomenda ni Claire. Ok naman siya at malinis. Haluhalo at palabok ang ilan sa ino-offer nila. Kaso di ko type parang sobrang simple ng restawran. Naglakad pa ako at pagdating sa may harison plaza, chineck ko ang mga resto sa gilid nito. para namang hindi pamparty ang mga set up. So lumabas agad ako at nagsimulang maglakad papunta sa la salle. Pero naalala ko yung manila yacht club, sa may roxas boulevard yun. So naglakad ako pabalik, mamya kako, sakay na lang ako ng dyip pa-taft.
Pagdating ko sa MYC, pinag-log book pa ako at itinawag pa sa loob ang pag-i-inquire ko. dehins pala puwede yung bastang walk in. pagpasok ko, yung main resto nila ay open air. Naka extend sa may dagat. Tapos lahat ng furniture, kahoy. Sa kanan ay ang bar. Don din ang station yata ng mga food server.
Sa tabi ng main resto, isa pang mas maliit na kainan, napapaligiran ng mga salamin. Me aircon.
Sa kaliwa naman ay mga lumang gamit na pandagat nakatundos sa sahig. At isang walkway. Walang customer except dalawang lalaking medyo may edad. (bakit
parang andaming bromance nang gabing ito?)
Sinalubong ako ni mr. tony astupina, siya ang resto superviser. medyo maliit siya, (matangkad pa ako), singit at medyo walang kilay. Nakabarong. Mam, ano po yon? Tanong niya.
Naghahanap po ako ng venue para sa isang party. Nakita ko po sa internet, puwede raw po dito sa inyo. Kasal. Pero maliit na party lang po ang sa amin.
Itinuro niya ang tapat ng walkway na gawa rin sa kahoy, parang boardwalk, ganun.
Iyan po, dalawang rooms, 8k consumable.
Aba, ang mura ! sa isip-isip ko. mura kumpara sa ibang nakita ko at na-check sa internet.
Puwede ko po makita, request ko ke sir tony.
Function rooms pala ang katapat nun. Salamin ang pinakadingding. Pumasok kami sa rooms: amihan at habagat rooms. Kasya siguro ang mga 40 katao at maluwag pa. kahoy ang sahig (mapagpansin ako sa kahoy ano? Paborito kong element pala ito), katapat ng sliding salamin ay dalawang malaking painting ng mga yamang dagat. Napapagitnaan ito ng maliliit na aircon. Sa kaliwa, nakakuwadrong photos ng mga yate. May isang table sa tabi. Sa pinakadulo sa kanan, folding na divider na kahoy. Bahagya itong nakabukas, nasa loob ang mga nagkapatong-patong na mesa at upuan.
Tiningnan ko ang kanilang menu. Aba hindi naman kamahalan. Pina-book ko na agad ang place. June 2, 3-7pm. Bakit? Ito kasi ang pinakamura! Sa manila yacht club! Imagine? (namimilog ang mata.)
8k consumable, 4 hours use of amihan and habagat rooms, free. Puwedeng magdala ng radyo, component o laptop para sa tugtog, free.
Saan ka pa?
Pero since hindi ako member doon, kelangan daw munang ipaalam ni sir tony sa manager nila ang party namin. Balik daw ako sa huwebes.
Yayks. Hindi puwede. Sunday na ang party. Kung tanggihan nila ako, saan pa ako makakahanap ng venue sa huwebes?
Sinabi koi to kay Sir Tony.
Sorry, kailangan kasi talaga me go signal ng manager.
Hindi ako nagsalita. Hindi rin ako umalis. Tumingin lang ako sa tubig na inihain sa akin (mukha na talaga akong uhaw at tigang, hinahainan akong lagi ng tubig!)
Balik ka na lang sa huwebes.
Sabi ko, sir, hindi po ba talaga puwede ang walk in?
Hindi talaga.
Sir, sa linggo na po kasi. Saka po willing po akong magbayad today. (wala akong pera pero me dala akong credit card, pag kumagat siya, yun na! malalaman niyang yabang-yabangan lang ako, purdoydoy naman pala)
Tumingin siya sa akin nang mas matagal. Siguro kinausap siya ng patak-patak na pawis ko sa noo at nakastanding ovation kong mga tutsang.
Sige na nga, tawagan ko na ang manager namin.
Tinawagan niya ito sa harap ko.
Anong sagot ng manger? Aprub!
Yey! Tuloy-tuloy na ang pag-book ko! wa na akong paki kung maa-appreciate ba ang lugar, kung malayo ba sa parents ni poy, kung me organic unity ba si poy at ang venue. Ang mura! Yun lang ang dahilan. Ang mura! So nag-text agad ako sa family at friends ni poy, para makita ni sir tony na walang bawian hahaha! ibinigay niya uli sa akin ang menu, ilista ko na raw ang mga gusto kong orderin. Humingi rin ako ng calcu at wala akong balak na sumobra sa 8k. 8k impunto!
That time, text na nang text si poy. asan na raw ako, gabi na. sabi ko, nagkita kami ni grace bengco (sori grace!) sa up at nagpasama ito sa sm north. Bumibili ako ng regalo kako. Wait lang. tapos tinawagan ko si ej, nasa mei cheng si ej sabi ko, kung puwede ba naming palabasin na manonood kami ng sine para pwede akong umuwi nang late. Oo raw. Pinapunta ko si ej sa MYC. Habang hinihintay ko siya, sinulat ko na ang menu namin para sa linggo.
Si ej tumawag, nagkamali siya ng sakay ng lrt. Tapos si poy text na nang text. Binigyan ko ng instructions ang bata. Nagreply naman ako ke poy. sabi ko, nagtext si ej nagyayaya magsine. Magkita raw kami sa gateway. Dun na ako didiretso from sm north ha? Mga 9pm na ito. so habang nasa biyahe si ej pa vito cruz, nagre-request naman ako kay sir tony ng:
1. Blue table cover
2. Tables and chairs good for 20 pax. Sabi ni sir tony, gawin na raw niyang 24 pax.
3. Ipasok ang mga lamp na nasa main resto (kung puwede lang naman) at gawing centrepiece.
4. Extra table para sa cake at candy buffet
5. Pagsama-samahin na ang food sa isang mahabang table at gawing parang buffet table ito. bahala na ang mga guests na kumuha ng food nila.
Kinuha ni Sir Tony ang list ko at nag-thank you na ako. Though ang nasa likod ng utak ko, pano kung me isang member na biglang magpa-party sa linggo? Di etsa puwera na ang reservation ko? ano assurance ko na reserved talaga yun para sa ‘min?
Pano kaya ‘to?
Eniwey, basta nag-thank you lang muna ako kay sir tony.
Kinausap ko rin ang guard patungkol sa parking dahil may sasakyan ang parents ni poy. malupit daw ang Sunday, sabi ng kuyang guard, hataw ang sasakyan sa parking lot pero maglalaan naman daw siya ng hanggang dalawang sasakyan para sa amin. Si kuya, pinakaba pa ako. Ngani-ngani kong apakan ang makintab niyang sapatos!
9:30 na wala pa si ej. 10pm ang sara ng MYC.
Nagbasa ako ng bulletin board.
Open pala ang amihan at habagat rooms, 4k each consumable. Pero for members only. Isa talagang hulog ng diyos itong si sir tony! At ang kanyang manager!
Me ibinebentang speedboat, isang 600k, isang 900k. e gabi na, feeling ko tulog na ang nagbebenta, bukas na lang ako mag-i-inquire. Chos!
Me dress code sa MYC, bawal sando, bawal rubber slippers. Aba oo nga naman. Kahit na papunta ka sa nakapark mong yate, umayos ka, dahil dadaan ka sa isang napakaganda at marangal na restawran!
Kabi-kabila ang contest ng pabilisan para sa mga yate.
9:45 na wala pa si ej! tinawagan ko siya at nakow, lumampas pala. Nasa CCP siya. ke oror! Madilim dun. Baka kung mapano yon. So na-hysterical ako. Sabi niya,wait lang, wait lang, tumatakbo na ako pabalik ng roxas!
Para makalma, nagbasa ako ng mga magasin tungkol sa yate, pangingisda at dagat, sa may reception area, sa area ni kuyang guard. Pero hndi ako nakalma kahit kasingblue ng mata ni superman ang mga dagat sa picture, ampapangit kasi ng cover, aysus. Sino ba lay out artist ng mga to? Tinetext pa ‘ko ni poy. kairita. sabi ko wala pa sa gateway si ej, anuba?
Wah kawawang birthday celebrant!
Saktong 10:00 p.m. dumating si ej. pumasok agad kami after mag-log in ni ej. tapos ipinakita ko sa kanya ang party venue. In-explain ko ang set up. Sabi ko, kayo ni iding ang mauuna kung sakali. kaya kayo na ang mag-ayos nito, ha? Dito ang cake, dagdagan nyo ng dekorasyon ang mga mesa, dito nyo isasabit ang banderitas, at iba pa at iba pa and more.
Pagkalabas namin ng MYC, malumanay na akong kausap.
Pano yan, ang alam ni poy, manonood tayo.
Kuwentuhan mo na lang ako ng napanood mong sine, Ma. Ako na bahala magkuwento kay Poy.
Gatsby? Naku pag nagkuwentuhan kayo nun, mabubuko ka. Saka nagda-doubt na yun kasi napaka-unusual ng lakad natin na to.
Isip kami nang isip. Di pa kami makaalis sa may labasan ng MYC.
Alam ko na, manonood tayo.
San? Me bukas pang sine? 10:30 na?
Oo, sa Newport. Sa may Paranaque.
Naglakad kami hanggang sa harison. At sumakay ng dyip pa-baclaran. Doon kami nagtahi ng banig-banig pang mga kasinungalingan.
Sabihin na lang natin, di natin naabutan ang sine sa gateway.
Oo, tama. Pero pinilit mo pa rin ako manood ng sine kaya dinala kita sa Newport.
Oo, tama.
Biglang nagtext si poy. sine na kayo?
Di ako nagreply. Siyempre, by this time, dapat nanonood na kami, di ba? Isang venial sin pa naman ang mag-text sa loob ng sinehan. Bukod sa maingay ang keypad, iritasyon sa mata ang ilaw ng cellphone screen. Matuto kang maghintay, bertdey boy.
(to be continued...)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
july 13 na.. sana may part2 na.. hehe..
Hahaha! sori po! will write soon. magandang araw yojeednis21 !salamat sa pagpunta sa aking blog!
Post a Comment