Monday, May 6, 2013

Ang Imahen ng Middle Class sa Nobelang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon

ni Beverly W. Siy

Ang Imahen ng Middle Class sa Nobelang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon

Ang papel na ito ay pagsusuri sa imahen ng middle class na siyang pinagmulang uri ng mga pangunahing tauhan sa nobelang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon na isinulat ni Efren R. Abueg (ERA). Ang nobela ay inilathala ng DLSU Press, Inc. noong 1998 bilang pagpupugay sa manunulat para sa pagdiriwang ng sentenaryo ng kasarinlan ng Pilipinas.

Pinili ko ang obrang ito dahil ako’y nagtatangkang magsulat ng nobela sa kasalukuyan at tulad sa nabanggit na nobela, babae rin ang aking bida. Bukod dito, naniniwala akong makakatulong sa aking pagkatha ang pagbabasa, pagsusuri at pananaliksik tungkol sa nobela. Pinili ko ang akda ni ERA sapagkat nais kong makapag-ambag sa mga pag-aaral sa kanyang mahahabang akda. Mahigit isandaan na ang nalathala niyang nobela! Dapat ay masigasig ang pag-aaral tungkol sa mga akda niyang ito ngunit sa kasamaang-palad ay kakaunti lamang ang nagsusuri nito. Hindi dahil hindi siya tanyag bilang nobelista kundi mas marami ang nag-aaral sa kanyang maiikling kuwento dahil ito nama’y well-anthologized sa mga teksbuk. Pinili ko rin ang partikular na nobelang ito dahil isa ito sa mga nobela ni ERA na pinakamalapit sa aking panahon.

Introduksiyon

Tungkol sa awtor

Ipinanganak si Efren R. Abueg noong 4 Marso 1937 sa Tanza, Cavite. Lumaki siya sa masagana at malusog na rural Cavite. Payak ang kanilang pamumuhay at paaral lamang siya ng kaniyang mga tiya pagtuntong niya ng high school. Sa Maynila siya nag-aral, sa Arellano Public High School. Doon siya unang nagsulat, para sa pahayagan ng paaralan. Pero sinasabayan na niya ito ng marubdob na pagbasa, hanggang sa magbinata ay mambabasa siya ng Liwayway (Baquiran 133-136).

Pagkatapos ng sekondarya at nagbalik siya sa Cavite upang mag-aral ng dalawang taon na kursong Associate in Arts. Lumuwas siyang muli pagka-graduate, pumasok sa Manuel L. Quezon University sa Quiapo tuwing gabi at sabay nagtrabaho sa araw. Sa unibersidad, nakilala niya ang karamihan sa mga dakilang manunulat na makakasama niya sa bantog na antolohiya ng maiikling kuwento, ang Agos sa Disyerto: Rogelio Sicat, Rogelio Ordonez, Eduardo Bautista Reyes (na kalaunan ay mapapalitan ni Dominador Mirasol) at Edgardo M. Reyes (Baquiran 136-137).

Naging produktibo ang kanilang barkadahan. Maraming beses na nagpapayabangan sila sa pagkatha ng akda, pagsali sa mga patimpalak gaya ng Palanca, paglalabas ng mga akda sa Liwayway, Bulaklak at iba pang publikasyon. Ngunit dumating ang panahong nabagot na sila sa formula ng mga kuwento sa bestseller na mga lingguhang magasin. Panay na ang sulat nila noon tungkol sa realidad at maseselang usapin sa lipunan, bagay na malayo sa pintig ng mga tinatalakay sa pang-Liwayway na akda, na pawang pag-ibig, sentimental na mga bagay. Nang tuluyan na nilang kalabanin ang matatandang manunulat at ang paraan ng pagsulat ng mga ito, na-ban sila sa Liwayway! Lumipat silang lahat sa Bulaklak at nag-publish ng nobelang dugtungan, Ang Limang Suwail. Ang perang nakuha sa nobela ang siyang ginastos nilang pang-imprenta ng Agos sa Disyerto (Baquiran 139-140).

Hindi lamang sa pagsulat naging aktibo si ERA. Naging mahusay din siyang organisador ng mga manunulat at naging bahagi ng Kapisanan ng Diwa at Panitik (KADIPAN), writers’ sector ng Movement for Advancement of Nationalism (MAN), Kilusang Pilipino (KIPIL), Katipunan ng mga Manunulat sa Pilipinas (KAMPI), Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA) at iba pa. Naging aktibo siya sa pagsusulat kahit noong panahon ng batas-militar. Ginamit niya ang mga popular na magasin para mailabas ang mga nobela niya ukol sa aktibismo, halimbawa nito ay ang nalathala sa Bulaklak na “Sugat sa Kanilang Dibdib (Baquiran 145).”

Kuwento pa ni ERA, sa personal na panayam sa kanya ng mananaliksik, noon pa man ay alam na niyang tau-tauhan lang ng US ang pamahalaan ng Pilipinas. Anya sa panayam sa Likhaan, “Kasi, ang pamahalaan, lumilitaw na parang kalaban pa.” Kaya sa sariling paraan ay tumulong si ERA sa pagsalungat sa administrasyong Marcos. Hindi niya iniwan ang pagtuturo sa MLQU kahit na mainit na noon ang turing sa kanya ng administrasyon ng unibersidad dahil siya ay binansagang aktibista. Patuloy siyang nagturo doon, sa mga estudyanteng aktibista rin. Dinadalhan din niya (kasama ang misis niyang si Mam Lita Abueg) ng pagkain ang mga estudyanteng aktibista sa Philippine College of Commerce (PUP na ngayon).

Sa paglalathala sa Liwayway, noong umpisa ay niro-romanticize niya ang aktibismo para malathala pa rin ang kanyang nobela pero di naglaon, natanto niyang kailangan nang iwan ang pagsusulat ng revolutionary romanticism. Anya, “kailangan na ang hayagang pagkilos ng mga tauhan sa kuwento (Baquiran 151).” Pero natutunugan siya ng mga editor ng Liwayway!

Inulit ni ERA ang kaisipang ito sa pagsusulat nang siya ay magbigay ng isang panayam tungkol sa nobela noong 1970. Anya, “ang bagong kabataang manunulat, sa halip na magkaroon ng hinog na oryentasyong pulitikal, ay nagkaroon lamang ng ilusyon ng romantisismo ng reporma, na sa palagay nila ay magagawa sa pamamagitan ng nobelang kung lumalampas sa pagbubunyag ng mga “bulok na bahagi” ng lipunan ay hindi naman nagmumungkahi ng pagbabago, naglalarawan lamang.”

Ito marahil ang isa sa mga sagot ni ERA sa problema niya sa mga patnugot ng Liwayway at sa pagbalikwas sa sinasabi niyang puro na lamang pagsisiwalat ng kabulukan. Isinulat niya ang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon noong kabi-kabila na ang military coup sa administrasyong Aquino. Nalathala ang nobela pagkalipas ng maraming taon.

Tungkol sa aklat

Ang Isang Babae sa Panahon ng Pagbangon ay nobelang inilathala ng De La Salle University Press, Inc. noong 1998 bilang bahagi ng kanilang Centennial Literary Series. Si Marjorie Evasco ang nagsilbing patnugot ng buong serye at siyang sumulat ng Paunang Salita na matatagpuan sa unang bahagi ng aklat. Pawang mga akda ng mga residenteng manunulat ng DLSU ang inilathala para sa seryeng ito. Nagpupugay ang paunang salita sa mga manunulat sapagkat ang mga ito raw ang “patuloy at tapat na tumatanod sa bukana at pasilyo ng ating makasaysaysang kasalukuyan.”

Ang nobela ay nasa wikang Filipino at nahahati ito sa labing-isang kabanata. Bagaman maikli, hitik naman ito sa mga eksenang may mahigpit na kaugnayan sa kasaysayan. Bukod dito, malaki rin ang papel na ginampanan ng kababaihan sa akda.

Linear ang pagkakalahad ng kuwento at gumamit ng maraming flashback ang may akda para isiwalat ang buhay ng bidang tauhan. Sa aantok-antok na mambabasa, hindi niya masusundan ang kuwento ni Bernice sa dami ng pagpapabalik-balik sa nakaraan.

Ang mga pangunahing tauhan

Si Bernice Marasigan ang bida sa nobela. Siya ay isang Filipina na nagtatrabaho bilang manager sa isang promotion agency. Mukha siyang modelo sa tindig at ganda. Sa Pilipinas siya ipinanganak at dito rin nag-high school, pagkaraan ay nagtapos siya ng theatre arts sa isang unibersidad sa New York. Umuwi ulit siya sa Pilipinas upang dito maghanapbuhay. Ulila na siya sa ama na isang eskultor at ang ina naman niya’y isang real estate agent sa U.S.

Dati ay masalapi si Bernice ngunit dahil ilang ulit siyang niloko at pinagsamantalahan nina Mac, Ronnie at Judy, nangupahan na lamang siya sa isang townhouse kasama ang kasambahay na si Denang. Mula umpisa ng nobela, plano na niya ang maghiganti sa tatlo.

Si Judy Paez ang nagpapatakbo ng promotion agency ni John Tomskin. Nang panahon ni Marcos, isa siyang organizer ng mga bold show para sa malalaking negosyante. Nagsumikap siya at ngayon nga ay fashion show na ang kanyang inoorganisa. Ngunit kalauna’y matutuklasan na hindi pala niya iniwan ang pangangalakal sa kababaihan. Siya ay lihim na karelasyon ni Mac.

Si Macario Dacanay, Jr. o Mac ay isang aktibista at manggagantso at the same time. Naging nobya niya si Bernice ngunit hinuthutan lang niya ito ng pera. Mahal siya ni Bernice dahil siya ang nagpakilala kay Bernice ng buhay-aktibista. Nakulong si Mac sa bandang huli ng nobela pero tinulungan pa rin siya ni Bernice na makalaya.

Si Ronnie naman ay abogado ni Bernice. Siya ang nag-asikaso ng mga papeles ni Bernice nang ibenta nito ang tanging ari-arian na mayroon ang pamilya, ang ancestral house ng ama nito. Siya rin ang nag-asikaso ng pag-i-invest ni Bernice sa stock exchange. Pinagkatiwalaan siya nang husto ni Bernice pagdating sa pananalapi at naging magnobyo pa sila. Sa pagtatapos ng kuwento, sinikap ni Ronnie na magbagong-buhay. Siya ay naging isa sa mga presidential assistant ng pamahalaang Aquino.

Si John Tomskin ay ang Amerikanong negosyante at may ari ng promotion agency nina Bernice at Judy. May asawa na siya ngunit muntik nang magkaroon ng romantikong nakaraan kay Bernice. Ang nakaraan namang ito ay ginawang puhunan ni Bernice para mapagkatiwalaan siya ni John sa pagpapatupad ng kanyang balakin laban kay Judy gamit ang promotion agency nila.

Buod ng Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon

Si Bernice ay may kaya, matalino at magandang babaeng produkto ng broken home. Nagkahiwalay ang kanyang magulang noong siya ay high school dahil nambabae ang tatay niyang eskultor, nanlalaki naman ang nanay niya na minsang nangarap na magkanegosyo sa Pilipinas. Nang pumunta ng US ang nanay niya, sumunod siya doon upang mag-aral ng Marketing, pero pagkaraan ay lumipat din siya sa theatre arts. Inuugat niya ang hilig sa sining sa kanyang amang eskultor. Sa U.S., natuklasan niyang ka-live in na pala ng kanyang nanay si Uncle Mars, ang lalaking pinagseselosan noon ng kanyang tatay.

Sa sobrang inis niya, naglakwatsa siya kasama ang ilang kaklase sa unibersidad. Sa isang disco, nakilala niya si John Tomskin, isang napakayaman na negosyante at kapitalista. Nagkita silang muli sa unibersidad nang pumunta si John dito. Donor kasi si John ng isang professorial chair at mga kasangkapan sa Chemistry Laboratory ng unibersidad. Mula noon, naging malapit sila sa isa’t isa. Ngunit hindi ito natuloy sa relasyon dahil binabagabag ng ilang family problem noon si John.

Pagka-graduate ni Bernice ay agad siyang umuwi sa Pilipinas. Isang araw pagkaraan, inatake sa puso ang ama ni Bernice at pumanaw ito. Nagpasya si Bernice na ibenta na lamang iyon at bumili ng townhouse na angkop ang laki sa kanya dahil masyadong malaki ang ancestral house para sa sarili lamang. Ayaw naman niyang bumalik ng U.S. dahil di niya gusto si Uncle Mars para sa kanyang ina.

Noon niya nakilala si Ronnie na tumayong abogado niya para sa pagbenta ng ari-arian at pagbili ng bagong townhouse. Naging smooth ang pagbenta at pagbili sa mga ari kaya lalong humanga si Bernice. Mula noon ay lagi na silang nagkikita nang si Bernice ang gumagawa ng paraan. Naging magnobyo ang dalawa.

Tinulungan siya ni Ronnie na maghanap ng trabaho. Inirekomenda siya kay Judy, isang organizer ng mga fashion show at kliyente ng law office na pinaglilingkuran nito. Noong umpisa ay modelo siya ni Judy ngunit di nagtagal, siya na ang tagapagsanay ng mga recruit na modelo. Nang panahon na ito ay ipinagkatiwala rin ni Bernice ang natitira niyang pera sa bangko kay Ronnie. Inilagak ni Ronnie ang pera ni Bernice sa money market, sa kamay ng isang Gerry Dee, na pamoso sa pagpapalago ng pera sa Manila Stock Exchange.

Masaya si Bernice sa piling ni Ronnie ngunit binabagabag siya ng paraan ng pamamalakad ni Judy sa sa agency. May nakita siyang mga iregularidad sa “fashion show” ng mga recruit nilang modelo tulad nina Debbie at Susie. Bigla na lang “huhugutin” ni Judy ang dalawa dahil mayroon daw ibang show ang mga ito na hindi wholesome. Nagbebenta rin ng mga damit si Judy samantalang dapat ay sa modelo na ang mga damit na ito. Isang gabi, sa townhouse ay biglang umuwi si Ronnie na lasing at muntik nang makapanggahasa kundi lang nanlaban si Bernice. Bago makatulog si Ronnie, isiniwalat nitong pabagsak na ang ekonomiya ng Pilipinas at nagtatakbuhan na palabas ng bansa ang mga investor. Kasama raw doon si Gerry Dee, tangay ang kalahating milyon ni Bernice.

Gimbal si Bernice at nagkahiwalay ang dalawa mula noon. Saka nakilala ni Bernice si Mac. Ipinagtanggol siya nito sa mga lalaking gustong magmolestiya sa kanya isang gabing mag-isa siyang naglalakad sa kalsada. Sa townhouse, pinatuloy niya si Mac na nagpakilalang aktibista at mula noon ay naging malapit sila sa isa’t isa. Nagkarelasyon sila. Isinasama siya nito sa mga rally, ito ang nagpaliwanag sa kanya ng tunay na nangyayari sa bansa nang patapos na ang rehimen ni Marcos. Dumalas ang pagtatago ni Mac at kay Bernice siya humihingi ng panggastos. Isang gabi, biglang dumating si Mac para magpaalam kay Bernice ngunit nagpumilit si Bernice na sumama rito. Dinala siya ni Mac sa isang giray-giray na bahay sa Guadalupe at nakipag-inuman sila sa mga aktibistang kaibigan ni Mac. Nalasing siya at nakatulog. Nagkamalay siya nang hinuhubaran na siya ni Mac at nagtalik sila kahit langong-lango siya sa alak at antok.

Pagkaraan, bumalik na sa townhouse si Bernice at si Mac ay tuluyang nagtago sa piling ng mga NPA sa Davao. Isang araw, may dumating na liham kay Judy para sa kanya. Galing iyon kay Mac at kailangan daw magbigay ni Bernice ng P300,000 kung hindi ay ikakalat daw ng mga aktibista niyang kaibigan, sina Hector at Pol, ang mga retrato nila habang nagtatalik. Deep penetrating agent daw pala sina Hector at Pol at ngayon ay bina-blackmail nga ang magnobyo.

Ibinenta ni Bernice ang townhouse niya para lang maibigay ang P300,000. Si Judy ang namahala sa pagbebenta nito. Lumipat sa mas maliit na townhouse si Bernice kasama pa rin ang kasambahay niyang si Deling, pamangkin ng dati nilang kasambahay. Noon natuklasan ni Bernice ang panloloko nina Ronnie, Judy at Mac sa kanya. Isang araw, lumapit sa kanya si Tonton, isa pa sa mga aktibistang kaibigan ni Mac at isa sa pinagbibintangan ni Mac na nag-frame up sa kanila sa photo scandal. Ibinulgar nito na lahat pala ay pinlano nina Ronnie, Mac at Judy. Sina Ronnie at Mac ay magpinsang-buo, si Judy ay girlfriend ni Mac. Mula sa investment ni Bernice kay Gerry Dee (hindi pala ininvest ni Ronnie ang pera ni Bernice!) hanggang sa kung paanong nagkakilala sina Mac at Bernice hanggang sa pagkuha ng mga larawan nila habang nagtatalik, lahat ay planado para mahuthutan si Bernice ng pera.

Kaya nagdesisyon si Bernice na maghiganti. Hindi alam ni Judy na may nakaraan sina John at Bernice pero isinet up pa rin siya ni Judy sa Amerikano. Inatasan siyang “aliwin” si John hangga’t nasa Maynila ito at hangga’t di pa napipirmahan ang approval para sa isang malaking fashion show sa Riyadh. Sumang-ayon si Bernice pero nag-propose din siya kay John Tomskin na gawin siyang partner sa promotion agency para mapag-aralang mabuti ang lahat ng transaksiyon ni Judy. Pumayag naman si John. Si Bernice ang naging mata at tainga ni John sa negosyo nito sa Pilipinas. Kinuhanan din ni Bernice ng testamento ang mga “nawawalang” modelo na sina Debbie at Susie. Nang mahuli si Mac ng mga puwersa ng pamahalaan ay gumawa si Bernice ng paraan para makalaya ito. Inupahan niya si Mac para maging mata at tainga sa mga ilegal na hakbang ni Judy.

Si Ronnie naman ay biglang sumulpot at nag-alok ng bagong bahay at tahimik na buhay kay Bernice. Ngunit tumanggi si Bernice, humingi lang siya ng tulong kay Ronnie dahil si Ronnie ang kinuhang abogado ni Judy para sa promotion agency. Hawak nito ang ilang dokumento hinggil sa mga fashion show. Ibinibigay nito ang mga dokumento kay Bernice dahil mahal pa nito ang dalaga. Ngunit walang ibang nasa isip ang dalaga kundi ang makapaghiganti sa tatlo.

Nagaganap ang lahat ng ito nang ang background ay ang mga pangyayaring patungo sa People Power Revolution. Nang manalo si Cory bilang pangulo, naging presidential assistant si Ronnie. Sina Judy at Mac ay paalis na ng bansa nang masakote ng Immigration Office. Nagsampa na pala ng kaso si Bernice sa dalawa. Lumabas sina Debbie at Susie para tumestigo laban kay Judy. Si Ronnie naman ay biglang hinuli ng mga pulis dahil lumabas ang mga detalye ng pang-eestapa niya kay Bernice at ang pagiging kasabwat niya sa mapanlinlang na management ng promotion agency.

Sa korte sila nagkaharap-harap: Mac, Judy, Bernice at mga modelo. Ngunit pagkatapos ng hearing ay nakapagpiyansa pa rin sina Mac at Judy. Nang sumunod na paghaharap-harap nila sa korte, kinompronta ni Mac si Bernice. Nagalit siya sa “pagtraydor” sa kanya ni Bernice. Naging tapat naman daw siya kay Bernice at isinumbat pa ang pagsisiwalat ng lahat ng alam niya sa mga kalokohan ni Judy. Hindi alam ni Mac na nasa likod pala niya si Judy. Nagalit ito at bigla na lamang nagbunot ng baril at inasinta ang bibig ni Mac. Sabog ang bibig ni Mac, agad itong namatay.

Naibalita sa buong mundo ang nangyari sa korte. Kinontak ni John si Bernice at nagsabi ito na: ang mga abogado na lang nila ang bahala sa lahat ng nangyari, at ikakasal na siya sa isang Australyana. Noon nagbago ang isip ni Bernice, pinuputol na niya ang partnership niya kay John para sa promotion agency nila. Nagpaalam na siya kay John.

Hinanap ni Bernice si Ronnie at natuklasan niyang nag-iisa ito sa bahay na dati’y inalok sa kanya para sa kanilang tahimik na kinabukasan. Nag-usap sila at natuklasan niyang wala na pala siyang damdamin para sa unang lalaking pinag-alayan niya ng pag-ibig.

Mula sa bahay na iyon, walang katiyakan kung saan patungo si Bernice. Ngunit isa ang sigurado, hindi na siya babalik sa landas patungo sa kasukalan.

Pagsusuri

Sa unang basa, aakalaing inspirational na nobela ito tungkol sa isang babaeng niloko nang paulit-ulit ngunit nagtagumpay sa katapusan. Aakalain ding may bahid ng erotika ang nobela dahil sa inihahaing maiinit na eksena ng pakikipagtalik ng bida sa tatlong lalaking minahal niya.

Lahat ito ay akala lamang.

Dahil kung susuriing mabuti ang nobela, lilitaw na ito ay isang matalas na pagpuna sa uring middle class sa lipunang Filipino sa pagtatapos ng rehimeng Marcos at pag-uumpisa ng administrasyong Aquino. Tinatangka rin ng nobela na ipaliwanag ang pinagmumulan ng uring middle class at kung bakit nila ginagawa (at di ginagawa) ang kanilang ginagawa (at di ginagawa).

Ang middle class

Narito ang mga katangian ng middle class na mahihinuha mula sa iba’t ibang tauhan ng nobela:

1. Nasa puso ang America

Laging America ang hantungan ng mga Pilipino lalo na ang mga middle class.

Bakit nga ba?

Ayon sa History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo, ilang ulit na sinubukan ng middle class nang panahon ng Espanyol na tumulong sa reporma at rebolusyon sa pamamagitan ng pag-aambag ng pera sa mga organisasyon at pahayagan tulad ng La Liga Filipina, La Propaganda, La Solidaridad, Cuerpo de Compromisarios at iba pa. Ngunit laging hindi nagtatagal ang mga organisasyon dahil sa iba’t ibang problema. Sabi nga ni Agoncillo, “most of the members of the middle class were conservative and lacked the courage and the vigorous hope to continue an unequal struggle” (Agoncillo 147-148).

Bale, pagod na sila.

Wala naman daw kasing nangyayaring pagbabago. At kailangan nilang proteksiyunan ang kanilang ari-arian at mga posisyon. Nasa ganitong mindset ang middle class ng Pilipinas nang biglang dumating ang mga Amerikano, pilit na sinakop at ginyera ang mga Filipino. Lumaban nang husto ang mga Filipino ngunit dahil sa maraming salik, natalo ang mga ito. Ang pinakamadaling napaluhod sa kolonyalismong nananaig ay ang mga elite o ang may kaya. Dahil, ayon kay Agoncillo, sa takot ng mga elitista sa sumisingasing na demand ng maralita na ipamahaging muli ang mga pang-ekonomiyang benepisyo at yaman noong panahong nagpapalit ng pamahalaan, mabilis na silang nagdesisyon na makipag-cooperate na lamang sa mga Amerikano. Bakit? Aba, may mga ari-arian, interes at posisyon silang kailangang pangalagaan! At ang mga Amerikano naman daw, talagang tinarget ang mga elite, pati na ang middle class, at nakipagkaibigan din sila sa mga ito dahil alam nilang mas mabilis silang dadami, kailangan ng elite at ng middle class ang proteksiyong maibibigay ng Amerikano (Agoncillo 300).

In fact, sa mga mananakop na Amerikano, nakikita nilang mas maaliwalas ang kanilang kinabukasan kung ikukumpara sa piling ng mga Espanyol. Wala nang tiwala ang middle class sa masa. Basag-ulo na lang ang tingin nila sa mga ito (Agoncillo 300-301).

Nang pumasok ang administrasyon ni Harrison (1913-1920), nagkaroon ng batas na pabor sa middle class na may ari-arian. Para makapasok sa burukrasya o di kaya ay mahalal sa puwesto, isa sa mga kuwalipikasyon, dapat ay property owner ka (Agoncillo 309). Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang middle class na magkapuwesto at maging makapangyarihan. Salamat kay Harrison, salamat, America.

Isa pa, nakinabang ang middle class at mayayaman na may ari ng mga lupain sa mga batas na ibinaba ng US sa Pilipinas tulad ng Free Trade ng 1909 at Underwood-Simmons Tariff Act ng 1913. Naging merkado ng kanilang mga agricultural export ang buong America. Mainam sana ito hindi lang para sa mayayaman at middle class kundi para sa buong bansa. Ang problema, mas maraming ipinapasok na produkto ang US sa Pilipinas nang walang buwis-buwis. Mas malaki ang kinikita nila sa atin kaysa ang tayo sa kanila (Agoncillo 310-311). At sa ganitong set up, ang mga may ari lang ng lupain ang nakikinabang. Hindi naman ang buong bansa.

Mula rin nang 1903-1914, ang magagaling na estudyante ay ipinadala sa US bilang mga pensiyonado para mag-aral (Agoncillo 372). Kaya hindi nakakapagtakang hanggang ngayon, US ang target destination ng mga gustong mag-aral sa abroad tulad ni Bernice at ng kanyang pamilya.

Maaaring ilan lang ito sa mga dahilan kung bakit mahal ng middle class tulad ni Bernice ang America. Naging kanlungan nila ang naturang bansa.

Nang magkaproblema sa sariling pamilya ang nanay ni Bernice, agad na tumakas ito at nagpunta ng California para pumisan na lamang sa kapatid na lalaki. Di nagtagal, doon na ito nanirahan kasama ang boyfriend nitong si Uncle Mars. Naging stable ang kanyang real estate business doon at di na ninais pang bumalik ng Pilipinas kahit nang mamatay ang asawa na ama ni Bernice. Tuluyan nang inabandona ng nanay ni Bernice ang Pilipinas at ang asawa.

Dramatics o theater arts ang hilig ni Bernice. Magaganda ang drama school at theatre school sa London, bakit hindi London ang pinili niya, tutal ay sabi naman ng magulang ni Bernice ay sa abroad pagkokolehiyuhin ang anak? Ibig sabihin ay kahit saang bansa, kaya nilang pag-aralin ang dalaga. Ngunit sa US pa rin nag-aral si Bernice. Sa New York to be exact. New York ang pangarap na mapuntahan ni Bernice.

Nang nasa New York siya at nakasalamuha ang Amerikanong si John Tomskin, pinangarap naman niyang magustuhan siya nito at asawahin. Walang ibang romantikong kuwento sa panahon ng kanyang paglalagi sa US. Ang Amerikanong si John lang ang tanging lalaking pinursige niya roon. Gumawa siya ng paraan para magkita silang muli. Nang ikalawang date nila, gustong-gusto na niya si John na maging boyfriend kahit alam niyang may asawa na ito. Laking panghihinayang nga niya nang walang seksuwal na nangyari sa kanila sa America.

Parang Pilipinas-US ang relasyon ng middle class sa bansang America. Lagi na lang nakalingon sa US ang Pilipinas. Pinaasa na nga siya at lahat, pahabol-habol pa rin sa U.S. Halimbawa, ang pagpirma natin sa Bell Trade Relations Act pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Bell Act ay isang batas na inihain ng US sa Pilipinas kung saan nakahatag ang patakaran para sa isang pang-ekonomiyang ugnayan ng dalawang bansa sa unang 28 taon ng bagong republika. Ibig sabihin, dapat sana ay nakawala na tayo niyan sa US, pero hindi pa rin pala nila ibibigay ang kasarinlan na gusto natin bagkus ay itinali pa rin nila ang galaw ng ekonomiya ng Pilipinas sa US. Ay, pumayag naman tayo! Ang batas na ito ay isang pang-ekonomiyang paniniguro na magiging merkado o tagatangkilik ang Pilipinas ng mga produkto ng US. Bili lang nang bili. Sure buyer, kumbaga. Samantala, may quota naman ang pagpapasok ng produkto ng Pilipinas sa kanilang bansa. Ibig sabihin, kahit gusto nating kumita nang malaki mula sa ating mga produktong ibebenta sa kanila, hindi puwede (Diokno 15).

Kinompirma at nilagom nga ito ni Prop. Randy David, isang dalubguro sa pag-aaral ng lipunang Filipino, may “natatanging” relasyon ang Pilipinas sa US.

May problema ba doon?

Wala naman ngunit ang walang humpay daw nating pagtangkilik sa relasyong ito ay parang sumpa sa pang-ekonomiya at pampolitika nating buhay (David, Understanding 100).

Sa kasamaang palad, hindi pa nalilirip ng mga middle class na tulad ni Bernice na negosyo lang ang habol ni John sa kanya. Sa nobela, alam ni John ang atraksiyon na naramdaman ni Bernice sa kanya noong sila ay nasa New York pa. Hindi niya agad sinunggaban ang dalaga doon pero “nakipaglandian” pa rin siya kay Bernice. At nang malaman ni John na nagtatrabaho si Bernice sa kanyang promotion agency, agad niya itong ginawang industrial partner para mabantayan nang maigi ang sariling negosyo. Alam niyang may kalokohang ginagawa si Judy kaya kailangan niya ng tututok dito. Si Bernice ang ginamit niya.

Puwedeng ihambing ang mga desisyon at galaw na ito ni John Tomskin sa pakikitungo ng US sa Pilipinas.

Katulad ni Bernice sa nobela, nang magising siya sa katotohanan na hindi naman siya gusto, wala talagang interes sa kanya si John at ginagamit lang siya nito para sa pagbabantay ng sariling interes, halos huli na ang lahat, wala na siyang masyadong self-esteem sa dami ng kanyang pinagdaanan. Obserbasyon pa ni Randy David sa ugnayang Pilipinas-US, “by the time we realized that being a client state of America had made us into a weak nation, it was quite late (David, Understanding 100). ”

Masasalamin din ang mga obserbasyon ni Efren R. Abueg sa relasyong US-Pinas sa ilang akda niya tulad ng maikling kuwentong nagkamit ng Unang Gantimpala sa Gawad Palanca noong 1967, Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel, kung saan ang bidang si Felipe ay lubos na nagtiwala sa amain niyang si Tiyo Samuel para sa lahat ng kanyang ari-arian at lupain mula nang mamatay ang sariling magulang. Siya kasi ay masyado pang bata noon para mag-asikaso ng mga ito. Kaya nakinabang si Tiyo Samuel at yumaman pa dahil dito. Ngunit nang malaki na si Felipe, hindi na angkop sa kanyang pangangailangan at kaisipan ang mga bagay na gustong mangyari ni Tiyo Samuel. Inilalayo pa siyang pilit sa pinakamamahal niyang si Ligaya. Doon na sila nag-away at isang araw, di niya namalayan, sa isang iglap, napatay niya si Tiyo Samuel.

Ayon kay Loline Antillon, isa sa mga sumuri ng maiikling katha ni ERA, may-ari si Felipe (na maaaring kumakatawan sa mga Filipino), dayuhan si Tiyo Samuel (na maaaring kumakatawan sa US). Ang may-ari ay napilitan pang pumatay upang maangkin ang sariling buhay at kayamanan (Antillon 143-144).

Ang ganitong kaisipan marahil ang patuloy na nagtulak kay ERA upang sumulat muli ng mga akda tulad ng Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon na sumusuri at nagpapakita ng paatras na mga hakbang na dulot ng patuloy na matalik na relasyon ng US at Pilipinas.

2. Pretentious, hindi sanay sa hirap, runner

Isang halimbawa ng pagiging pretentious ng middle class mula sa nobelang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon ay ang nabanggit na suliranin sa pera ng pamilya ni Claire, ang malapit na kaibigan ni Bernice noong siya ay third year high school. Buhay-mayaman ang pamilya ni Claire. Nakatira ito sa White Plains, isang lugar sa Quezon City kung saan kaliwa’t kanan ang nakatindig na mga mansiyon ng mayayaman ng kalakhang Maynila. May limang modelong kotse sa garahe nina Claire pero natuklasan ni Claire na hindi pala kanila ang lahat ng yaman na iyon kundi sa lola niya. Nang pagpartehan ang lahat ay walang natira sa kanila. Napilitan tuloy kumayod nang totoo ang ama ni Claire na dati ay pinagkatiwalaang humawak ng kabuhayan ng kanilang lola.

Isa pang halimbawa ng pagiging pretentious ay nang ibenta ni Bernice ang sariling townhouse para may maibigay siyang P300,000 sa namba-blackmail sa kanila ni Mac, pinilit pa rin niyang manirahan sa isang townhouse. Kahit alam niyang mahihirapan na siyang makabayad sa upa, nag-townhouse pa rin siya dahil para sa kanya ay nakakatanggal ng dignidad ang pag-upa sa apartment (mas mura ang renta sa apartment). Nang panahon na iyon, ang townhouse ang siyang bahay ng mga middle class. Katumbas ito ng condominium ngayon.

Hindi rin pinakakawalan ni Bernice si Deling, ang kanyang kasambahay, kahit na paubos na nang paubos ang kanyang pera at alam niyang di maglalaon ay hindi na niya kayang magpasuweldo ng kasambahay. Marahil ay takot siyang gumawa ng mahihirap na gawaing-bahay. Hindi naman siya sanay dahil hindi siya pinalaking nagtatrabaho sa loob ng bahay.

Marahil kaya ganito si Bernice ay dahil sa ugali rin ng kanyang nanay. Natakot ang nanay ni Bernice na tuluyan silang maghirap sa piling ng asawang eskultor kaya sinikap nitong magkaroon ng sariling negosyo. Ngunit nang hadlangan ito ng asawa dahil sa selos sa corporate partner nitong si Uncle Mars, agad itong nakipaghiwalay at lumipad patungong US para doon magpatuloy sa pagnenegosyo.

Ang ganitong ugali ng mga may kaya ay maaaring ugatin sa ilang mayamang pamilyang Filipino noong panahon ng Kastila. Magsisilikas sila sa Europa sa oras na makaramdam sila ng panganib o pangangailangan na makipaglaban para sa sarili nilang kapakanan (Agoncillo 129). Natatakot siguro silang makaranas ng hirap sa bansang Pilipinas kaya walang kaabog-abog na magsisilipad pag nakaamoy ng panganib. Gumagawa sila ng paraan na magmukhang wala silang problema, iyon pala ay tumatakas lang sila sa problema.

May isa ring anecdote sa Zambales noong nagsisimula pa lamang ang pamahalaan ni Aguinaldo kung saan nabanggit na iniwanan ng mayayaman ang kanilang mga bahay para pumunta sa mas ligtas na lugar. Sinamantala ito ng magkapatid na Pansacula at ipinamahagi ang mga bahay at lupa sa mahihirap (Guerrero 260). Makikita rito na lumilikas na naman ang mayayaman at umiiwas lang sa gulo, hindi hinaharap ang problema at hindi tumutulong na malutas ang problema.

3. Matalino pero dahop ang kaalaman sa nangyayari sa paligid at madalas, walang pakialam sa iba

Marahil, kaya madaling maloko at naloko nang paulit-ulit itong si Bernice ay dahil wala siyang alam at pakialam sa nangyayari sa kanyang paligid. Nabalitaan na lamang niya kay Ronnie na bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas, mabilis na pinatatagas ng mga negosyante ang kani-kanilang puhunan sa bansa at lumarga na ang mga crony ni Marcos. Nagsipag-abroad! Isa na rito si Dewey Dee na nag-iwan ng humigit-kumulang 100 milyong dolyares na utang sa iba’t ibang financial institution ng pamahalaan (Magno 179). Sa nobela, siya si Gerry Dee. At ito ang ginamit ni Ronnie na excuse para maumit ang P500,000 na investment sana ni Bernice sa money market. Nang panahon na ito ay inlab na inlab siya kay Ronnie kaya ni hindi siya nag-imbestigang maigi kung ipinuhunan nga ba ng abogado ang kanyang pera sa stock exchange.

Minsan naman ay harapang kinutya ni Mac si Bernice. Sinabihan siyang “you are not reading afternoon papers again! Talagang wala kang pakialam sa mundo!” Nangyari ito noong ipinaghahanda niya ng makakain si Mac sa kanyang townhouse at isiniwalat ni Mac na baka sa susunod na mga araw, hindi na makakakain nang maayos ang milyon-milyong Pilipino. Ibig sabihin ay hindi updated si Bernice sa krisis na nararanasan ng bansa.

Sa kasagsagan ng military coup nina Enrile, General Ver at Marcos, nasa loob siya ng kanyang kuwarto at nanonood ng TV.

“Nang gabing iyon, nabuksan niya ang telebisyon. Magagalaw ang mga eksena sa picture
tube. Nakita niya si Marcos, kaharap ang isang grupo ng mga sundalo na waring mga maamong
kordero. May sinasabi si Marcos tungkol sa isang military coup na hindi niya maintindihan.
Narinig niya ang pangalang Gen. Ver, ngunit hindi naman niya kilala ang mukhang iyon.
Lumipat siya sa ibang tsanel.

Si Enrile naman ang bumungad sa kanya. May nakasaklay na baril sa isang balikat nito.
Nagpapaliwanag ito tungkol sa paghiwalay nito kay Marcos. Alam niyang puno ito ng
Ministry of National Defense at nang gabing iyon, nasa loob ito ng isang gusali sa Kampo
Aguinaldo, pinoprotektahan ng mga kapanalig na sundalo at opisyal ng Armed Forces of the
Philippines.

Naglipat-lipat siya sa iba’t ibang tsanel, ngunit sumisingit ang eksena sa Malacanang. Ngayo’y
nakikita niyang nagagalit ang kaharap ni Marcos na si Gen. Ver. Ipinakikita ang gulilat na
reaksiyon ng mga naroroon. Isinara niya ang telebisyon. Nakinig na lamang siya sa stereo.
Inantok siya at isinara din iyon. Natulog na siya. ”

Nagkakagulo na ay kampante at waring bagot na bagot pa si Bernice. Nandoon siya, sa kaligtasan sa loob ng kanyang komportableng kuwarto. Parang hangin lang na dumadaan sa kanyang mukha ang imahen at balita tungkol sa sariling bansa.

Ninuno talaga ni Bernice ang uring middle class noong panahon ng Kastila, mga ayaw makialam. Karamihan nga sa kanila, sarili lamang ang nasa isip.

Saan nga ba sila nagmula at bakit sila ganito ngayon?

Ayon sa History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo, isinilang ang uring ito dahil sa pag-usad ng ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng mga Kastila. Nagkaroon ng economic power ang ilang pamilyang Filipino-Spanish at Spanish-Filipino. Ang kalahati ay mayaman sa ari-arian at ang kalahati ay mga intelektuwal (Agoncillo 129-130).

Si Bernice at ang kanyang pamilya ay hybrid nito. Matatandaang mayroon silang ancestral house na naipagbili nang mahal at sila rin ay matataas ang mga pinag-aralan.

Nang panahon ng Kastila, ang mga supling ng pamilya ng middle class ang namuno sa kani-kanilang komunidad maging sa larangan ng pananalapi at edukasyon. Unti-unti nilang pinasok ang mga tanggapan at burukrasya para maging mas impluwensiyal at madagdagan ang seguridad sa kanilang posisyon. Ngunit dahil hindi naman sila purong Kastila, minamata sila ng mga tunay na Kastila. Samantala, ang kapwa nila Pilipino na 100% katutubo ay wala namang tiwala sa kanila. Out of place ang mga middle class pero hindi sila nagpatinag. Pinili nila ang “lesser evil,” at iyon ay ang 100% katutubo. Dito nag-umpisa ang kanilang kooperasyon (Agoncillo 130).

Ayon pa kay Agoncillo, ang middle class ang makulit na nag-request na gawing probinsiya ng Espanya ang Pilipinas. Nauumay na kasi sila sa pang-aabuso ng mga Kastilang opisyal at taong simbahan. Naisip nila na kapag naging probinsiya na ng Espanya ang Pilipinas, magiging Kastila na rin ang lahat ng Pilipino. Samakatuwid, hindi na sila aabusuhin ng mga opisyal at taga-simbahan, hindi na sila sisingilin ng pagkatataas na buwis at higit sa lahat, magkakaroon sila ng boses sa Spanish Cortes. Ito ang hinihiling ng middle class. Samakatuwid, repormista sila, hindi rebolusyonaryo. Ayaw nila ng rebolusyon dahil manganganib ang kanilang ari-arian. Ayaw nila ng rebolusyon dahil matalino sila at natanto nilang kulang ang armas nila at ng masa. Imposible silang manalo sa ganoong sitwasyon (Agoncillo 130-131).

Noon pa man, ang middle class ay nakasentro na sa pagbibigay-proteksiyon sa kanilang ari-arian at posisyon.

Ngunit may isang maliit na grupo ng middle class na sumikat nang lubos nang panahong iyon. Ito ay sina Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, Jose Rizal, Antonio Luna, Mariano Ponce, at iba pa. Lahat sila ay nagsipagluwas sa Espanya para mag-aral at naging bahagi ng komunidad ng mga Filipino sa Espanya at naging aktibo sa pag-oorganisa ng kanilang mga sarili para maging epektibong tinig ng Pilipinas. Sila ang nagsulong ng asimilasyon ng Pilipinas (Agoncillo 130-131).

Kaunti lamang sila ngunit naging tanyag sila dahil sa dami ng hakbang na kanilang ginawa. Akala tuloy ng marami, lahat ng middle class ay katulad nilang mag-isip.

Marahil ay hindi descendant ng mga propagandista si Bernice Marasigan. Dahil tulad ng mas nakararaming middle class nang panahon ng Espanyol, kontento at masaya na siya sa loob ng kanyang townhouse, kahit nagkakarambola na ang sambayanan sa mga nagaganap sa politika at sa bansa. Si Bernice, ang inaasikaso lang ay ang pagkakaroon ng lovelife. Nakikipagmabutihan siya kay Mac nang nagaganap ang pagpapataob sa administrasyong Marcos at iniluluklok sa pagkapangulo si Aquino.

Matalino naman si Bernice. Sa exclusive school pa siya nagsekondarya at sa ibang bansa nagtapos ng kolehiyo. Madali rin siyang matuto. Intelektuwal! Nang ipaliwanag ni Mac kung paanong lumitaw dahil sa pagkakapatay kay Senador Benigno Aquino ang mga lihim ngunit pagkabibigat na problema ng bansa gaya ng pagkalugi ng mga industriya na nag-e-export sa ibang bansa at pagkalugi ng mga proyektong inutang lamang ang puhunan sa ibang bansa, agad namang nakapagdugtong si Bernice ng bunga ng mga suliraning nabanggit.

Sayang at hindi niya ginagamit ang talinong ito para talagang makapag-ambag sa progreso ng bayan.

Kapansin-pansin ang eksena kung saan ang kasambahay pang si Deling ang nagbalita sa kanya na may rebolusyon na sa EDSA. Sarado ang pinto ni Bernice at kinakatok pa siya ni Deling.

Napabalikwas siya. narinig niya ang tinig ni Deling. “Ate… ate, rebolusyon na!”

Nagbalabal siya ng robe. Binuksan ang pinto. Hangos na pumasok si Deling sa kuwarto
at histerikal na napabulalas hinggil sa milyon-milyong tao sa EDSA.

Napakahusay na paglalarawan sa stand ng middle class sa mga usapin ng kanyang bansa. Kailangan pa silang pukawin ng masa (kinakatawan ni Deling) sa pagkakatulog at kailangan pang mag-effort ang masa para buksan ng middle class ang kanilang pinto, pandama at buhay sa nangyayari sa kapaligiran. Pansinin din na histerikal si Deling. Ibig sabihin ay transparent ang kanyang malasakit sa mga nangyayari. Ikumpara ito sa aantok-antok na pakiramdam ni Bernice habang nakakasagap ng balita tungkol kina Enrile at General Ver noong gabi bago magkarebolusyon sa EDSA.

“Maaga akong natulog kagabi, Ate. Maaga rin akong nagising. Narinig ko sa radyo
ang kaguluhan sa EDSA. Kagabi pa pala nagdeklara si Enrile ng paghiwalay kay Marcos.
Sinamahan siya ni Fidel Ramos na galing naman sa Crame. Nag-umpisang dumami ang
mga tao sa paligid ng dalawang kampo, karamihan ay dala ni Butch Aquino, ‘yong
kapatid ni Ninoy. Tumugon naman si Cardinal Sin sa panawagan ni Butch Aquino…
protektahan daw ang mga tao sa loob ng Crame at Aguinaldo. Aatekihin daw ng mga
tangke o kaya bobombahin ng mga eroplano. Kung maraming tao roon… hindi
makakasalakay ang puwersa ni Marcos.”

Detalyadong-detalyado ang pagkakakuwento ni Deling. Isa itong magandang paglalarawan na hindi lahat ng masa ay walang iniisip kundi ang malamnan ang tiyan nang makaligtas sa gutom. Marami ang gaya ni Deling na nag-iisip patungkol sa kaligiran at nauunawaan ang mga usapin ng bayan kahit politikal ang kalikasan ng mga ito. Isa rin itong patunay na minsan, ang masa pa ang gumagabay sa middle class na wala ngang alam.

Maaaring nais ipahiwatig ni Efren R. Abueg na mahalagang magtiwala sa masa ang middle class. Alam nito ang nangyayari, hindi paris nila na madalas ay clueless.

Isa pang magandang halimbawa ng pagpapakita ng karunungan ni Deling ay nang bigyan niya ng babala si Bernice hinggil sa relasyon kay Ronnie.

“Hindi ko ito dapat sabihin sa ‘yo, Ate. Naaalangan ako, Ate, kapag dito natutulog
si Attorney. Di pa naman kayo mag-asawa.”

Natawa siya. alam niyang pagmamalasakit ang oryentasyong ibinigay dito ni Aling
Gelay. Isang konserbatibong pananaw sa buhay.

“Mabait siya, Deling… pakakasalan niya ako, sigurado ‘ko.”

“Mabuti, Ate. Kasi… ‘yong napapanood ko sa TV na kapareho ng sitwasyon mo,
laging agrabyado ang babae!”

“Relax ka lang…”

Hindi gusto ni Deling si Ronnie, napansin ni Bernice. Bahagya itong makipag-usap sa
lalaki. Parang walang tiwala.

Ipinakikita rito na nagmamalasakit si Deling kay Bernice. Ang masa ay ganoon din. Ayaw naman nilang napapahamak ang middle class.

Makikita rin dito na bunga ng matinding malasakit na iyon, at sa tulong ng available na mga balita at pangkulturang produkto halimbawa ay ang mga napapanood sa telebisyon, nakakabuo ng mga persepsiyon patungkol sa mga bagay-bagay at personalidad ang masang tulad ni Deling. May sarili siyang pamamaraan sa pagsukat ng tao, bagay, pangyayari at iba pa.

Sinusuportahan ito ng resulta ng pananaliksik ng Hasik (Harnessing Self-reliant Initiatives and Knowledge), isang NGO na pinangungunahan ng asawa ni Prop. Randy David, si Karina David. Noong 1997, nagsagawa ng survey ang Hasik sa maralitang tagalungsod ng Quezon City. At karamihan daw sa maralitang tagalungsod ay nag-aaral, 75% ng kanilang mga anak na nasa gulang para mag-aral ay nagsisipasok sa eskuwelahan at mas gusto ng mga taong ito na manood ng balita at programang pantelebisyon na ukol sa usaping pampubliko at pambansa kaysa mga telenobela at variety show (David, Surveying 91).

Kongklusyon

Iisa ang pulso ng ilan sa mga akdang tulad ng nobelang Isang Babae sa Panahon ng Pagbangon ni Efren R. Abueg, masidhi ang pagbatikos sa patuloy na pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa mga Amerikano at sa mga hakbang na nagiging paborable sa Amerikano para maging mas madali ang pananamantala ng mga ito sa atin.

Sabi nga ni Mac, ang aktibistang naging nobyo ni Bernice, “kailanman, kahit mula pa 1946, hindi na tayo naging tutuong malaya!”
At marahil ay hindi nasasalamin ng nakasulat nating kasaysayan ang bagay na ito. Kasi paulit-ulit nating nagagawa ang ating pagkakamali.
Sang-ayon ako sa manunulat ng historical fiction na si James Alexander Thom nang sabihin niyang “Most historical accounts were written by fallible scholars, using incomplete or biased resource materials; written through the scholars own conscious or unconscious predilections; published by textbook or printing companies that have a stake in maintaining a certain set of beliefs; subtly influenced by entities of government and society – national administrations, state education departments, local school boards, etc. –that also wish to maintain certain set of beliefs. To be blunt about it, much of the history of many countries and states is based in delusion, propaganda, misinformation and omission (Thom 12).
Ang bulto ng ating kasaysayan ay palihim na nagsisilbi sa mapanamantalang uri kaya ang mga manunulat na tulad ni ERA ay gumawa ng malikhaing paraan upang maisiwalat ang mga sosyo-politikal na relasyon sa likod ng pagkakasadlak natin sa ating kalagayan ngayon. Isinilang niya ang Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon.

Nais niyang makatulong na mamulat ang lahat lalo na ang middle class sa papel hinggil sa ginagampanan at posisyon na kinatatayuan nila sa lipunang Filipino. Pinaniniwalaan ni ERA na malaki ang magagawa ng mga ito para sa ikaaangat ng mga nasa mababang antas ng lipunan. Maaaring ituring ang nobela bilang isang manual. Narito ang kanilang mga pinagdadaanan, pati ang kanilang mga dumi sa mukha, ayaw man nilang tingnan ang mga dungis na ito nang harap-harapan. Sinasalamin din ng nobela ang kanilang mga pinahahalagahan. Narito ang kanilang mga pangarap. Ang pinakaimportante sa lahat, tangan ng nobelang ito ang ilang mungkahi (malinaw ang step by step procedure!) kung paanong mapapaganda ang kalagayan ng Pilipinas sa pakikipagtulungan ng uring middle class.

Noon at kahit sa mga pinakahuling pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, makikitang malaki ang papel ng middle class. Sila kasi ang puwersang makakapag-organisa at makakapagpagalaw sa masa. Ayon sa pag-aaral ni Pia Bennagen Raquedan, “the masses, in most instances, do not organize on their own, so social movements play an important role not only in getting the people together behind a common cause but also in sustaining a sense of ‘activism’ among those whose support they harness (Raquedan 55).”

Kaya nagtagumpay ang People Power Revolution noong 1986 ay dahil sa aktibong partisipasyon ng middle class. Ayon pa sa ulat ni Raquedan na pinamagatang If Things are So Bad, Why Aren’t People Out in the Streets, eleven percent ng Class ABC na respondent sa isang survey hinggil sa antas ng partisipasyon sa EDSA Revolution ang nakilahok dito kumpara sa 2% ng Class E at 4% ng Class D (Raquedan 52).

Isa pang survey ang isinagawa noong Marso 2001, dalawang buwan pagkatapos mailuklok si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa puwesto. Ang mga respondent mula sa Class ABC ay 100% na nakilahok sa EDSA II (ang rali sa likod ng pagpapatalsik kay Pangulong Joseph Estrada). Samantala, 47% lamang ang mula sa Class D at 23% naman ang sa Class E (Raquedan 52).

Marami talaga ang magagawa ng middle class.

Hindi nangangako ang nobela ng maalwang Pilipinas para sa middle class kung ito ay tuluyan nang makikisangkot sa nangyayari sa paligid. Sang-ayon sa sinabi ng kolumnistang si Norman Solomon noong 1976, “turning a blind eye to ugly aspects of the past can be a bad habit that carries over into the present (Thom 15).” Tulad ni Bernice Marasigan sa pagwawakas ng nobela, ang middle class, kung panghahawakan, tatanggapin at isasapuso ang lahat ng pinagdaanan nito, madilim man, marangya, maganda o masagwa, unti-unti siyang matututo, unti-unti ay malalaman niya kung saan dapat itapak ang mga susunod na hakbang at kung sino ang mga dapat pagkatiwalaan, ang dapat mahalin, ang dapat tulungan, hindi lang para sa sarili kundi lalong lalo na, para sa buong bayan.

Sanggunian

Aklat

Abueg, Efren R. Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon. Manila: De La Salle University Press, Inc., 1998.

Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People. Manila: G.P. Press, 1990.

Antillon, Loline M. “Kabalintunaan: Pangunahing Paksa ng Buhay at Sining sa mga Piling Kuwento ni Efren R. Abueg.” Panunuring Pampanitikan: Mga Nagwagi sa Gawad Surian sa Sanaysay. Maynila: Surian ng Wikang Pambansa, 1984, 137-151.

Baquiran, Romulo P. Jr. “Sa Mga Paraiso ng mga Katha ni Efren R. Abueg.” Likhaan IV The Journal of Contemporary Philippine Literature, Quezon City: UP Press at UP ICW, 2010, 139-174.

David, Randolf S. “Understanding Poverty.” Nation, Self and Citizenship An Invitation to Philippine Sociology. Pasig City: Anvil Publishing, 2002, 99-101.
______________ “Surveying Squatters.” Nation, Self and Citizenship An Invitation to Philippine Sociology. Pasig City: Anvil Publishing, 2002, 90-92.

Diokno, Ma. Serena I. Up From the Ashes Volume VIII Kasaysayan The Story of the Filipino People. Manila: Asia Publishing Company Limited, 1998.

Gamboa-Alcantara, Ruby V. Ed. et al. “Romantisismo, Estilong Pilipino Itinatak sa Nobelang Tagalog.” Nobela: Mga Buod at Pagsusuri. Quezon City: Rex Book Store, 1989, 8-22.

Guerrero, Milagros C. at Schumacher, John N. S.J. Reform and Revolution Volume VI Kasaysayan The Story of the Filipino People. Manila: Asia Publishing Company Limited, 1998.

Lumbera, Bienvenido L. at Lumbera, Cynthia N. “Literature under the Republic (1946-1985).” Philippine Literature A History and Anthology English Edition. Pasig City: Anvil Publishing, 2005, 180-202.

Magno, Alexander R. A Nation Reborn Volume IX Kasaysayan The Story of the Filipino People. Manila: Asia Publishing Company Limited, 1998.

Raquedan, Pia Bennagen. “Politics and the Poor If Things are So Bad, Why Aren’t People Out in the Streets?” Understanding Poverty The poor talk about what it means to be poor. Ed. Paulynn P. Sicam. Makati: Institute for People Power and Development of the Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, 2007, 49-60.

Thom, James Alexander. “History: A Distillation of Rumor.” The Art and Craft of Writing Historical Fiction. Ohio: Writer’s Digest Books, 2010, 12-20.


Panayam

Personal na panayam kay Dr. Efren R. Abueg na naganap noong 4 Mayo 2013 sa CAL AVR, ikaapat na palapag, Main Building, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sta. Mesa, Maynila.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...