Tuesday, May 14, 2013

Eleksiyon 2013

nakaboto ako kahapon. katulad nung 2010, mabilis din akong natapos sa pagboto.

walang pila, walang aberya, tuloy-tuloy lang ang nangyari sa akin. mga 330pm na ako nagpunta sa lugar ng botohan. actually, gusto ko nga sana, 4pm pa. katulad nga nung ginawa ko noong huling eleksiyon pero dahil me sasabayan ako sa paglabas ng bahay namin, napilitan tuloy akong magpunta nang mas maaga. dali-dali akong nagsuklay, nagheadband, nag-face powder, naghikaw at nagpabango, niyakag ko na si aileen palabas ng tarangkahan namin.

sa anonas pa lang, papunta ng quirino elementary school, kaliwa't kanan, hile-hilera na ang mga tent ng iba't ibang kandidato. daming tao sa bawat tent. at ang dami ring kalat sa gutter! habang papalapit ako sa gate ng school, parami nang parami ang basurang nakasudsod sa mga gutter.

finally, sa loob ng school, sa may multi purpose na patag na area (na ngayon ay parang gym at may cover na, noong time ni ej, walang cover pero maraming halaman dito at ilang bench, siyempre, wala na ang mga ito ngayon. natabunan na nga ng "gym") makikita ang grupo-grupo ng mga mesa na may computer. maraming tao sa mga grupo-grupo na iyon at marami ang kabataan. bago ako lumapit sa isang grupo, tiningnan ko ang mga nakapaskil na papel at maliliit na tarpaulin.

dun nakasulat at nakadrowing (may mapa ng mismong "gym") kung saan dapat pumunta ang bawat botante ng bawat barangay. nakita ko ang sa east kamias, ayun sa gitna. so naglakad na ako papunta doon. paroo't parito ang mga tao sa loob ng school. karamihan ay mga nanay ang naglalakad. mga naka-blouse na maluwag at short na kupas. nakatsinelas at iwinawasiwas nang mahinhin ang kanilang mga payong. yung iba, me kasamang bata. meron ding mga lalaki, iba't iba ang edad pero karamihan, nakapambahay lang din.

paglapit ko sa grupo namin, isang teenager na babae ang mabilis na nagbaba ng nginangasab na manok.

ano pong pangalan tanong niya habang ipinapatong ang manok sa isang kahon na lalagyan ng take out na pagkain.

volunteer kaya ito? buti pa siya at narito, kabata-bata, napapakinabangan na ng bayan!

itinaas niya ang mga daliri niyang may mantika at umakmang magta type sa kanyang keyboard habang hinihintay ang reply ko.

s-i-y, kako.

sanay na ako na nag-i-spell out kapag tinatanong ang pangalan ko sa ganitong uri ng pagkakataon. hindi ako sumasagot ng siy o ng beverly. ang lagi kong sagot, s-i-y. weird kasi ang speling ng apelyido ko at aminado akong mas sikat sa angkan namin ang mga sy ng sm. kaya malamang pag sinabi kong siy ang apelyido ko, ang ita-type ng ale o ng mama ay sy. 100% akong sure diyan.

anyway, mabilis na itinayp ni miss oily digits ang apelyido ko.

a... sa 3921-a po kayo. doon po sa likod ng building na ito, sabi niya. wala pang 30 seconds yan.

thank you, kako. thank you!

at naglakad na ako papunta sa sinabi niya. ilang hakbang pa lang ako nang makita ko ang kapitbahay naming si mr. joaquin. tatay siya ng kagawad namin na si denis joaquin. kahit apat na kembot lang ang layo ng bahay nila sa bahay namin, bihira kong batiin ang matandang ito kasi wala naman kaming masyadong mapag-usapan sa kahit saglit na panahon. kahit kapag nagkakasalubong kami sa daan, minsan ngumingiti ako minsan tumutungo na lang ako, kasi wala nga talaga akong masabi o mabati man lang sa kanya. speechless ang peg.

pero dahil halos magkatapat na kami sa gitna ng daanan (na karami-raming nagkalat na basura!) papunta sa aking botohan place, bumati na ako.

helo po.

o, meron ka nang congressman? tanong niya.

wala pa po, e, sagot ko. though alam ko na kung sino ang ilalagay ko sa balota.

kay mat defensor ka na lang. lahat kami dito ke mat defensor. tapos luminga-linga siya. ha, 'ne?

tumango ako. sige ho, sabi ko.

ha, 'ne?

opo, kako uli sabay smile close up quality smile. tipong makaalis lang sa harap niya. sige ho, sabi ko pa.

humakbang na ako palayo sa kanya. pagtapak ko, isang inumin sa plastik ng yelo na nakabilot sa dulo ang naapakan ko. sumabog ang inumin at isang babaeng naka-pekpek shorts sa harap ko ang nasarguhan ng likido.

a! sigaw niya.

a! sigaw ko.

sori po! kako pa makaraan ang one second na pagkagitla.

inangat ko ang binti ko, nge, nabasa rin ako!

mabilis na lumapit ang babae sa akin. inay, isasampal ata sa akin ang likido sa legs niya! ayan na! ambilis niyang maglakad parang naka-rollerblades lang.

tumungo na ako. ayan na!

pero lumampas lang siya. tuloy-tuloy sa gripong malapit sa kinauupuan ni Mr. joaquin.

a, maghuhugas lang pala.

sinundan ko siya, sori po uli, miss, kako.

ngumiti lang siya. binuksan niya ang gripo na kinasasampayan ng mga gamit na plastik ng yelo. bumagsak ang tubig sa mga walang laman na big 250 at clover chips. basura na naman. punong-puno ng basura ang lugar na ito! sumahod ng tubig si miss long legged legs. punas-punas niya ang mga binti niya.

hay. kailan ba tayo matututo? lagi na lamang bang madumi ang mga eleksiyon? napailing ako at tahimik na naghintay sa tubig na lilinis sa akin.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...