Tuesday, June 7, 2011

kaibigan pa naman kita

aksidente ko pang nalaman na uuwi ka na pala rito. nagdamdam na ako noon. noon, nang malaman kong uuwi ka at ako e walang kaalam-alam tungkol dito. pero wala kang narinig mula sa akin.

tapos nang finally ay parang open na sa lahat ang pag-uwi mo, saka lang ako casually na nagtanong sa 'yo kung kailan. mapaghandaan ko man lang ang petsang para sa pagliliwaliw natin.

sinagot mo ba ako?

hindi.

okey.

huwag nang sabihin sa akin ang petsa ng dating mo o kahit ng buwan ng pagdating. walang problema. baka nga naman talagang wala ka pang plano na kahit ano.

tapos ngayong andito ka, bigla-bigla kang magte-text na gusto mong makipagkita?

aba, umiinog din ang mundo ko, kaibigan.

may mga kailangan din akong gawin bukod sa paghihintay sa pagbisita ng mga kaibigang naglalayag. may mga kailangan din akong tapusin. may mga kailangan akong daluhan. kung gusto mo, magpaiskedyul ka sa akin para tayo magkasama. ikaw ngayon ang isisingit ko sa mga gawain ko.

maghintay ka kung kailan ako may oras para sa 'yo.

'yan naman ang hirap sa inyong mga naglalayag. lagi na lang kailangang paghandaan ng mga naiwan ang pagbisita ninyo o ang pag-uwi. bakit? itinaboy ba namin kayo? iiwan ninyo kami pero gusto ninyo, pagbalik ninyo ay nakaharap kami't naghihintay na parang mga tutang pupusag-pusag ang buntot at nagsasabaw ang dila sa laway?

pasensiya na, kaibigan. alam mo naman di ba? na hindi naman tumitigil ang mundo dahil lang sa paglalayag mo't pag-alis. alam mo rin naman na may mga nagbabago.

lugar.
panahon.
tao.

ayaw mo man o gusto.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...