Friday, June 10, 2011

Astrocamp 2011: Isang Gabing Puno ng Bituin






Astrocamp 2011: Isang Gabing Puno ng Bituin
ni Bebang Siy

Hindi na planeta ang Pluto. Alam mo ba kung bakit?

Puwede mong makita ang Venus at Mars nang walang telescope. Alam mo ba kung kailan at paano?

Sasabihin ko sa’ yo basta’t basahin mo hanggang dulo ang article na ‘to.

Noong 21 May 2011, nag-overnight kami ng pamilya ko sa SM Mall of Asia Complex, Pasay City. Bawal talagang mag-overnight doon pero dahil participants kami ng Astrocamp 2011, hindi kami sinita ng mga guwardiya. Pahila-hilata pa nga kami sa SM By the Bay nang hatinggabi.

Inorganisa ng Nido Fortified Science Discovery Center, Astrocamp Observatory Services at SM Mall of Asia ang Astrocamp 2011. Ilang estudyante, guro, pamilya, mga kapwa manunulat at naglilingkod sa media ang nakasama namin buong gabi at magdamag. Alas-nuwebe nag-umpisa ang programa.

Dumating din ang boss kong si Alvin Buenaventura, ang Executive Director ng Filipinas Copyright Licensing Society. At dahil maaga kami nang ilang minuto, namasyal at nagparetrato muna kami sa harap ng matangkad na spaceship. Klik!

Nag-operate din kami ng mga robot na kamukha ng remote controlled na mga laruang kotse.

...nagbasa ng tidbits information tungkol sa coral reef ng Pilipinas.

...naglaro sa harap ng isang pader kasama ang aming mga anino. May anino doon ng tigre. Hahabulin nito ang mga anino namin kung hindi kami titigil sa paggalaw.

Naka-engkuwentro din namin ang isang makinang kasinlapad ng mesang pang-apat. May apat na tubo doon na nagbibigay ng iba’t ibang amoy. Amoy ng bibig, pawisang kilikili at paa at utot. Ek! Kadiri talaga. Pero doon ako pinaka-nag-enjoy. Kasi tawa ako nang tawa habang hinuhulaan ko kung saang bahagi ng katawan galing ang amoy mula sa iba't ibang tubo. Andami ko tuloy nalanghap! Siyempre pag tatawa ka, bukas ilong, bibig, ngalangala. Gulp. Gulp. Gulp.

Pagkatapos naming mamasyal, pumasok na kami sa Planetarium para manood ng audio-visual presentation. Tungkol 'yon sa pagsisimula ng ating uniberso. Anong sinabi ng latest 3D na pelikula? Wala. Daig. Sa AVP na ito, pakiramdam ko, nasa tapat lang ng mukha ko ang buong kalangitan, with the stars and the moon and all the pimples of the universe. Nakakamangha. Pabilog ang screen at sakop nito ang buong dome. Naihihiga nang kaunti ang soft –covered na upuan. Komportable talaga.

Kapag umaandar ang camera paimbulog sa pusod ng kalangitan, para na rin akong lumilipad. Pinigilan ko na lang ang sarili kong pumalakpak at sumigaw ng weeeeeeeeeeeee. Kasi may hawak akong libreng meryenda: inumin at elongated na patatas. Baka matapon. Masasayang naman, di ba?

Nagbigay si Armando Lee ng maikling lecture tungkol sa mga equipment na ginagamit sa star gazing. Si G. Lee ay isang doktor. Siya rin ang kauna-unahang Pinoy na may masteral degree sa astronomy. Reflector, refractor at compound daw ang tawag sa mga telescope. Ang ipinagkaiba nila sa isa’t isa ay ang laki, haba at siyempre, ang presyo. Pinakamahal daw ang compound telescope. Nasa P 250,000-300,000 ang isa. In short, kailangan naming mag-ingat kapag ginagamit namin ang mga ito at kapag malapit kami rito. Baka nga naman bigla namin itong matabig o di kaya ay biglang maitulak. Patay. Langit. Lupa. Impiyerno.

Moving on, ipinakilala rin ni Dr. Lee ang kanilang organisasyon (meron palang ganito), ang Astrocamp Observatory Services at ang mga kasama niyang mahilig din sa astronomy. Sila ang nag-assist sa amin buong gabi.

Dahil tadtad ng ulap ang langit, kailangan naming maghintay na umaliwalas ito bago kami lumabas ng mall. kaya nag-stay pa kami sa Planetarium. Nag-lecture ang expert na si Bernie Esporlas.

Andami kong natutuhan. Ang langit daw ay nahahati sa dalawa. May isang mahaaaaaaaaaabang guhit sa gitna. Kaya nagkaroon ng kaliwang pisngi at kanang pisngi ang langit. Ang tawag sa linya ay meridiem. Kapag nasa kaliwa ng meridiem ang araw, ito ay ante-meridiem. In short, a.m. at kapag nakatawid na sa gitna ang araw, ito ay post-meridiem na. Yes, p.m. Nakasalalay pala sa linyang ito ang pagkakahati ng one full day natin.

At sabi pa ni Bernie, isang telescope ang naimbento kamakailan lang. Napaka-powerful nito. Sa pamamagitan nito, nakita ng mga astronomer ang mga heavenly body na malapit sa Pluto. Initially, tinawag nilang planet ang mga bagay na natagpuan malapit sa Pluto. Ito ang naging usapan ng mga astronomer at expert noon:

“Planet.”

“Bakit planet?”

“Kasi mas malaki ito sa Pluto.”

May mga umalma, “Kahit na anong mukhang planeta na mas malaki sa Pluto ay karapat-dapat nang tawaging planeta?”

“Ay, hindi,” sagot ng iba.

"Therefore, hindi dapat size ang maging batayan para tawaging planeta ang isang heavenly body na mukhang planeta."

Ayun, naisalang tuloy ang identity ng Pluto. Baka nga hindi naman ito talaga dapat tawaging planeta at all, sabi ng iba. Pagkatapos ng marami at mahahabang debate ng mga eksperto, na-demote na nga ito. Isa na itong dwarf planet.

Ipinakita rin ni Bernie kung paano nalalaman ng astronomers na ang bituin na ‘to ay hindi ang bituin na ‘yon. At ito ang pangalan nito at ‘yon ang pangalan niyon. Pagpindot niya sa LCD projector, lumabas ang linya, mga guhit at kahon against the kalangitan.

Aba, mapa!

Tulad ng kahit na anong lugar na pinag-aaralan, maging ang langit ay may mapa rin. Kaya pala nalalaman ng astronomers kung aling stars ang nasa north, east, west at south. At natatandaan nila ang mga ito. Binibigyan pa ng pangalan ang bawat isa. At kapag may mga bituin na konektado sa isa’t isa, may pangalan din ang koneksiyong ito. Parang komunidad o organisasyon ng stars. Ang tawag dito ay constellation.

Bago mag-alas-dose ay lumabas kami ng mall para daw makasilip na kami sa telescope. Excited kaming lahat siyempre. Pumila kami agad. At pagsilip ko sa telescope, compound telescope ito, mind you, the most expensive one, nakakita ako ng ...hold your breath… sign. Sign ng Padi’s Point. ‘Yong bar. Tugs…tugs…tugs…

Tine-testing pa lang pala namin ang mga telescope. Maulap pa rin kasi. Kahit daw itutok sa langit, wala kaming makikita. Sa mga bar na lang itinutok ang mga telescope.

Tugs…tugs…tugs…

Nagmeryenda na lang muna kami at bumalik sa Planetarium para makinig ng ilan pang detalye hinggil sa uniberso. Gabing-gabi na pero hindi talaga nagpatalo sa antok ang mga participant. Nakakatuwa rin ang host kasi lagi siyang nagtatanong. Parang on the spot na quiz. At ang makakasagot ay may premyo: tickets sa isang espesyal na palabas sa MOA, Krispy Kreme na gift checks at marami pang iba.

“Ano ang pangalan ng star na ito na bahagi ng constellation ng Orion? Pamagat din ito ng pelikula noong 1980’s starring Michael Keaton, Wynona Ryder at iba pa.”

Binuklat ko agad ang kopya ko ng Jewels of the Night, isang guide para sa mga beginner na tulad ko (ipinamigay ito sa lahat ng participant). Hinanap ko ang mga star ng Orion at nakita ko ang isa, weird ang pangalan niya: Betelgeuse. Naalala ko tuloy ang weird ding pelikula na may pamagat na weird: Beetlejuice. Na napanood ko noong bata at weird pa ako. 1980’s ‘yon. At ang mga bida ay sina…

Kaya napatakbo na ako sa stage para sumagot ng BETELGEUSE.

Nanalo ako ng Storyland gift checks. Dahil sa tuwa, nanlaki ang mga mata ko, ga-buwan. Weird.

Ganon lang lumipas ang gabi: tawanan, quiz at excitement pero kutitap nang kutitap ang mga impormasyon. Isang batang lalaki ang nagningning dahil halos lahat ng tanong ay nasasagot niya. Siya si Patrick, future astronomist.

Di nagtagal ay pinalabas na kami ng mall. Sa SM By the Bay na daw namin hihintayin ang pag-aliwalas ng langit. Nanood muna kami doon ng audio-visual presentation ng mga retrato na kinunan mula pa noong 9:00 p.m. Post-meridiem.

Maya-maya pa ay pinasilip na sa amin (through telescope) ang buwan. Ang lapit-lapit. Parang isang braso lang ang layo. Kasinlaki siya ng plato at marami siyang butas. Pero ang ganda niya dahil sa liwanag. Ganon pala ang effect ng liwanag. Kinunan namin ng retrato ang buwan sa pamamagitan ng telescope. Souvenir. Sabi ko pa, smile, Moon!

Mula noon ay nagpatalon-talon kami sa mga telescope na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng SM By the Bay. Iba’t ibang bituin at planeta pa ang nakita namin nang mas malinaw. Ang ibang bituin pala ay may kulay: pink, green, blue. At ang nakakatawa rito, nandiyan lang pala ang mga ‘yan. Madalas ay hindi na natin sila napapansin kasi masyadong maliwanag sa kinatatayuan natin. Ang stars pala ay katulad din ng mga solusyon sa problema. Minsan, nariyan na pala, directly above you, hindi lang natin napapansin kasi nabubulag tayo ng nasa paligid natin.

Tuwang-tuwa rin akong makahawak ng meteorite. Sa tabi ng sound system, nandoon si Dr. Lee at ang meteorites exhibit. Nasa special na kahon na ilang bahagi ng meteorite. Itim na itim, parang puwit ng kaldero. May pangalan pa ang mga ito, hindi ko na lang maalala ngayon. (Sayang. Dapat talaga, mag-small notebook na ako.)

Sabi ni Dr. Lee, mag-wish daw kami kasi baka magkakatotoo. Sabagay, bahagi ito noon ng bulalakaw. Di ba, nagwi-wish tayo kapag may falling star? Falling star= bulalakaw= meteorite. Kaya magkahawak-kamay kaming nag-wish ni Ronald habang bitbit ang kapiraso ng meteorite.

Hanggang alas-singko y medya ng umaga ang Astrocamp 2011. Walang bumitiw. Walang umuwi. Lahat kami, sabik na sabik pang tuklasin ang kayamanan sa langit. Nagkaroon din ng ilang kaibigan si EJ, ang anak ko. Tumulong din ang ibang participant sa pamimigay ng libreng meryenda (meron uli!) at pagga-guide kung pa’nong makarating sa kubeta. Bigla-bigla, parang planetang Mars ay sumulpot ang isang kumikinang na community doon. Community namin, ang mga bagong adik sa Milky Way, constellations, big at small dipper, ice crystals, supernova at marami pang iba.

Ngayon, tuwing titingala ako sa gabi, naaalala ko ang Astrocamp 2011. Anong panama rito ng Famas Awards Night na laging inilalarawan bilang star-studded?

Walang-wala.

P.S.

Paano nga pala makikita ang Venus at Mars nang walang telescope? Madali lang. Contact Astrocamp Observatory Services sa 854-2864 o sa 0917-7922053 o sa
medlee1us@yahoo.com. Sasagutin ka nila agad.

Ang mga larawan ay ipinost dito nang may permiso mula kay Bb. Helen Naddeo ng Nido Fortified Science Discovery Center at kay Dr. Armando Lee ng AOS.


Ang akdang ito ay maaaring kopyahin at i-post sa ibang website. Maaari ding ilathala sa kahit na anong paraan at kahit saan. Kailangan lamang ay magpaalam sa awtor at i-retain ang pangalan ng awtor bilang sumulat ng akda. Walang sisingilin ang awtor. Promise. Email na. beverlysiy@gmail.com

3 comments:

cafémobility said...

i could imagine how hard could it be to blog chronicles in life in Filipino, afterall, our dear wika lacks vocabulary, especially scientific ones.

and yes, you're right. we, people from the local and international astronomical community, have now classified Pluto to be under a special case. in order to do that, we have set criteria in defining what a Planet is. for most part, it has to be that it rotates in its star system under a clear path. Pluto does not. it in fact revolves around a Kuiper Belt.

that definition though is a bit trivial. a dwarf planet and a regular planet is the same as differentiating a pebble and a stone.

Betelgeuse is also one exciting part especially for the star imagers. It is because couple of years now, it is predicted to explode into a supernova. a day will come that one celestial body and astronomical phenomenon will outshine the Moon for a two-week time. how exciting can that be.

babe ang said...

wow, salamat, cafemobility, sa mga impormasyon na ibinahagi mo. nakakatuwa kasi marami na naman akong natutuhan.

subukan mo ring mag-blog sa filipino. hindi sagka ang kakulangan sa scientific terms para maipaliwanag ang bagay-bagay. kaya ng wika natin 'yan. mabibilib ka kung susubukan mo.


-bebang siy

_Lord_Aragorn_ said...

Natagpuan ko ang iyong blog sa paghahanap ng telescope dahil balak kong bumili. Maganda pala talaga ang event ng Astrocamp sana may kasunod ito or yearly ito gaganapin. We'll inquire more about sa Astrocamp para maisama ko mga anak ko.
Salamat ulit sa blog mo!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...