Tuesday, June 7, 2011

first day high

dahil wala akong kapera-pera ngayong Hunyo, inabot ako ng first day ng klase bago makapag-shopping at makapaghanda para sa school year na ito.

kinailangan ko pang utangin sa 'yo ang perang pambili ng mga bagong uniporme at gamit sa eskuwela ni EJ.

sabay tayong nag-LRT papunta sa Recto. pero dahil kukunin mo pa sa bahay ninyo ang perang ipahihiram sa akin, nauna ka nang bumaba ilang estasyon bago ang destinasyon ko. pinaghintay mo muna ako sa Isetann.

tumingin-tingin na lang ako ng mga uniporme doon. baka pala hindi na natin kailangang dumayo pa sa Divisoria. mura din kasi ang bilihin sa isetann.

pero lagpas P100 pala ang isang polo. may kamahalan. tumingin din ako ng ukay-ukay na pantalon. (may ukay-ukay na pala sa loob ng mall.) pero bukod sa mahal, mahigit ding P100 ang isang pantalon, ay puro pambabae lang ang naroon.

tumingin din ako ng mga notebook sa may expression. wala pang P20 ang mga aljur-covered notebook. nasa P25-30 naman ang mga notebook na me makikinis at makakapal na pahina. cattleya. sterling. at iba pa.

naisip kong marami naman nito sa pupuntahan natin. mas mura pa. doon na lang kako.

text mo ay nagmemeryenda ka pa kasabay ng mga kapatid at magulang. kaya inabot ng dalawang oras ang paghihintay ko sa 'yo.

at nang sa wakas ay dumating ka, mag-aalas sais na no'n, dali tayong nagpunta sa divi.

pagbaba pa lang ng dyip sa may tutuban, nakatiyempo agad tayo ng P80 na polo. maayos naman, may konting dumi lang ang ibang part. apat ang binili natin. at ngingiti-ngiti tayo kasi huling apat na polo na lang 'yon na medium ang size.

naglakad tayo nang mahaba at matagal para makahanap ng medyas, boxer shorts (dahil ayaw na ni EJ ng brief, nasisikipan siguro), cartolina, pentel pen, manila paper, glue at mga notebook. pasikot-sikot sa mga eskinita, namimili, sa mga stall sa labas at mga stall sa mall, sa bangketa, sa naglalakad na ale at sa gilid ng paradahan ng dyip.

sa kadulu-duluhan, gusto ko pa sanang maglakad kahit wala na tayong bibilhin. gusto kong hanapin ang natitirang impresyon ng karaniwang divisoria sa mga kalye ng divisoria.

'yong binibisita ko sa mga ganitong pagkakataon para lang makatipid. gusto kong maabutan iyon kasi na-late tayo ng dating. papasarado na ang lahat. e, gusto ko pang makadiskubre ng maliliit na stall at tindahan sa J. Luna o sa Tabora.

feeling ko, naiisahan ko ang mga mall lalo na ang SM kapag sa mga ganitong tindahan ako nakakabili ng kailangan ko. Di hamak na mas mura kasi sa mga ito.

gusto ko pa sanang maglibot. kasi sa divisoria, hindi ako mahirap. hindi ako nagtitipid. wais. at matiyaga. at nagsusulit lang ng perang inutang.

pero nagpapaalam ka na. kailangan mong umalis kasi gusto mong abutan nang gising ang ate mong may birthday.

kaya sumakay na tayo ng dyip. ako pauwi sa anak ko. ikaw pauwi sa inyo.

at dito nagtatapos ang first day high.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...