Tuesday, December 23, 2008

STS Zambales

Noong 21 Disyembre, ginanap ang huling STS project. STa. Cruz, Zambales ang aming destinasyon.

at pakshet. nagpapasalamat talaga ako. tapos na ang proyekto.

nagpapasalamat ako

1. natapos siya nang taong ito. katulad ng inaasahan at talaga namang ninanais ko. ayokong sumampa ang 2009 na may inaalala pang iiimplement na natirang sesyon.
2. dahil matagumpay ang proyekto. me konting kapalpakan pero over all ay mahusay pa rin at na-implement nang maayos.
3. wala na akong additional na makakaaway sa sesyon o sa proyekto dahil tapos na nga ang sessions.
4. dahil hindi na mababawasan ang savings ko (para kay ej) pang-abono sa implementasyon ng proyekto.
5. hindi na ako mapapagastos para sa pama-pamasahe namin ni ej papunta sa malalayong lugar.

itong sa STS zambales, maraming kakatwang nangyari.

na-late kami ng alis sa maynila. dapat 330am ay paalis na kami sa Jollibee philcoa. pero dahil sa atrasado ang aming speaker at may na-late pang isang member, mag-aalas-singko na nang makalarga kami. wala akong tulog niyan. nakalimutan ko na kung bakit.

pero masaya naman ang aming biyahe. kuwentuhan nang kuwentuhan at biruan nang biruan.

at natutuwa ako kahit na hindi kami masyadong close sa isa't isa ay nagkasundo-sundo kaming lahat. heto ang mga nakasama sa zambales:

1. ynna
2. phillip
3. rye
4. mark
5. levi
6. tina
7. marly (kapatid ni tina)
8. beng
9. ej
10. sir mike
11. mam jeanette
12. kuya jun (ang nagmamaneho)

tanong: paano kami nagkasya sa isang van na karaniwan ang size?
sagot: magic

sa sctex, nagmistula akong tour guide. 6:00 am ay naroon kami, binabagtas ang daan papuntang sbma. ang ganda-ganda ng langit kapag nagbubukangliwayway. wala talagang tatalo sa ganda ng bayan ko.

sa umpisa ay parang mga higanteng anino lang ang mga bundok. pero habang nagliliwanag ay unti-unti nang nakikilala ang mga gubat na yumayakap sa katawan ng bundok.

hindi naman talaga ako maalam sa mga pangalan ng bundok. kaya sabi ko na lang, to your right is the mount arayat. to your left is the small arayat. next to small arayat is the medium arayat. at kapag mountain range, long and winding arayat.

buti na lang at mabababaw ang kaligayahan ng mga kasama ko. mapagpatol sa aking mga joke hahahaha

tapos ang natatandaan ko pa nung tumawa ang kagigising na si ej na katabi ko lang naman, sabi ko sa lahat, turn to your right.( isang mapunong lupain.) now welcome to where's wally. find him. tik tak tik tak tik tak. time's up!

tawa nang tawa ang anak ko.

sabi ng mga kasama ko, ano nga ba ang aking nakain? mali sila. ano nga ba ang hindi ko naiturok sa sarili ko? hahaha

sa loob ng subic freeport, huminto kami sa dive shop. nadatnan naming nag-aalmusal si Jowa. hubad-baro kaya nagmamadali kong tinakpan ang kanyang exposed na mga utong at pagkalalim-lalim na pusod. ang walanghiya, igigisa pa ako sa kahihiyan.

nagsi-wiwi-an na ang aking mga kasama. at dinampot ko naman ang pinaghirapan ni Jowa na registration form ng STS Zambales. iniwan ko na rin ang banig at kumot na gagamitin ng mga matutulog sa dive shop that night.

tapos lumarga na kami papunta sa sta. cruz, zambales.

ang inaakala kong maikling biyahe na lamang ay tumagal pa nang 2.5 hours! pero tulog na tulog na ako noon kaya di ko namalayan na matagal talaga ang biyahe. nagising ako at medyo nainip sa candelaria na. dumaan pa kami sa iba at sa mismong sta. cruz. nako, napakahahaba ng mga bayan dito. ay sus. at walang katapusang puno, halaman, taniman ang makikita.

bigla ko tuloy naalala ang krisis sa bigas noon. kung i-eexpose sa madlang pipol ang mga bayang ito, magtataka talaga sila at magtatanong ng SAAN NAPUPUNTA ANG INAANING BIGAS NG PILIPINAS?

May nadaanan din kaming mga poste na plastado ng mukha ni Bayani Fernando. aha! walang duda. nangangampanya si kuya! anak ka ng tokwa. baket? sakop mo pa ba ang zambales bilang MMDA chairperson? style,ha?

Meron din kaming nadaanang pasaway na mga bata. nagtataguan-pung yata sa haywey. isang beses, gumewang ang van namin sa pag-iwas sa kanila.

Sa wakas, narating namin ang venue: ang North Central Elementary School. Sinalubong kami ni Kuya Ken. Si Kuya Ken din ang same guy na tumulong sa Hilakbot Group noon nang magdaos ng literary arts fest sa nabanggit na bayan.

Sabi ni Kuya Ken, wala pa raw si Mayor Marty. Abiso rin ni Jowa, na kaibigan ni Mayor, ay nasa Maynila pa ito at pauwi na rin sa Sta. Cruz nang araw na iyon. Naiwan ko tuloy sa mesa ni Kuya Ken ang pouch ko na may lamang pera at cellphone at ang registration forms. Na-excite kasi ako nang sabihin niyang may naghihintay na almusal para sa amin sa bahay ni Mayor.

Hinatak ko ang buong grupo doon. 9am na kasi at mukhang inip na ang mga guro sa amin. 8am pa lang yata ay naroon na sila. Bagama't mas konti sila sa aming inaasahan (98 ang unang tala), 77 na kaluluwa pa rin ang naghihintay sa amin.

Nag-almusal kami ng hotdog at scrambled egg at kanin at kape.

May napansin akong kalungkutan sa bahay na iyon. Parang dumilim ang aura. Parang may nawala. Hindi na katulad nang una akong makatapak doon. Tuwang tuwa ako noon kasi very old, cozy at warm ang dating. Medyo creepy dahil sa mga retratong luma, na patay na tiyak ang mga tampok na tao. Pero okay pa rin ang dating.

Noong linggo, iyon nga, may kakaiba sa bahay na iyon.

Sumalubong sa akin ang isang matandang babae. Ito si Ate na nagpakain at nag-alaga sa Hilakbot Team noon. May isa pang mas batang ate ang lumabas mula sa kusina. Ito rin, natatandaan ko, ang isa sa mga niregaluhan ko ng aklat bago bumalik ang Hilakbot sa Maynila nang huling araw ng literary arts fest. Mga katiwala sila ng bahay.

Kamusta? Kamusta?

Mukhang hindi nila ako natatandaan. Pinakilala ko ang sarili ko't mga bago kong kasama. Tapos pagkaraan ng ilang minuto, sa loob ng kusina, sabi niya, iyan na ba, inginuso niya si EJ, 'yung kasama mong bata noon? Sabi ko, opo!

Nangiti na ako. ayan, naalala na ni ate.

Bigla ko ring naalala ang naiwan kong mga gamit sa venue. Patay ako pag nawala iyon. Nandun ang lahat ng pera ko, ID, ATM at iba pa. Kaya nauna na kaming bumalik sa venue nina Sir Mike at Mam Jeanette para umpisahan ang programa. Naiwan ang ibang ninanamnam pa ang almusal.

Sa venue, ngumiti sa akin ang mga gamit ko. Steady lang sila. Sa mesa ni Kuya Ken.

Nakaraos ang buong umaga nang walang aberya. Napakabibo ng mga delegado.

Mga 10:15 ng umaga, dumating sa venue ang fellows at members na naiwan sa bahay ni Mayor Marty pagka-almusal. Nagkuhanan sila ng mga retrato sa venue. Kinausap ko si Kuya Ken kung maaaring dalhin ang grupo sa Sagrada Familia Cave. Oo raw, pwede raw. agad kong sinabi ito sa grupo kaya tuwang-tuwa naman sila. Ilang saglit pa, lumarga na sila papunta sa kuweba.

Nawala sa isip kong magpabaon ng flashlight!

Ala-una na nang magpatanghalian si Sir Mike. Sa venue kumain ang mga delegado dahil dinalhan sila ng mga taga-munisipyo ng pagkain. Sponsor din ng pagkain si Mayor Marty. Kaming tatlo naman, Mam Jeanette, Sir Mike at ako e bumalik sa bahay ni Mayor. Wala pa ang grupong nanguweba. Nag-aalala na ako. Kasama pa naman nila si EJ. Nagtext ako kina Phillip, Rye at Tina. Walang reply. Naku, baka namatanda ang mga iyon. Baka iniligaw ng mga engkanto. Baka hinila ng mga duwende. Inay.

Bumalik agad kami sa venue para ipagpatuloy ang panayam. dumating si Kuya Paul, isa ito sa mga nag-entertain sa Hilakbot Team noon. Single pa rin ito. Akala nga namin e liligawan si Jing hahahaha Sabi ko, Kuya Paul, naaalala mo pa ba si Jing? Oo naman, anya. Naku, kako, nag-asawa na po. hahaha e bakit naman kasi hindi n'yo finallow-up? tumawa lang si Kuya Paul.

Kamusta po, tanong ko.

Heto, sagot ni Kuya Paul sa malungkot na tono. Ilang Pasko na kaming walang Christmas Party. Ayaw magpa-party ni Mayor, e.

Nagrereklamo yata si Kuya Paul.

Mula nang mamatayan ng anak si Mayor.

Napamulagat ako doon. Naibalita ito noon sa akin ni Jowa. Pero nalimutan ko. Nalimutan kong namatayan nga pala ng anak si Mayor. Isang batambatang doktora ang kanyang anak. Dadalawa ang anak ni Mayor. At ang isa ay nasa Maynila. Bihirang umuwi.

Namatay sa taba 'yon, ani Kuya Paul. Noong binuksan ang dibdib, nakitang nababalutan ng taba ang puso niya.

Tatango-tango lang ako.

Magkasingtaba sila ni Mayor. Nagsasalita si Kuya Ken na parang nagbabalita tungkol sa isang bagay na malayo sa kanya. Isang batas tungkol sa pagpapaanak ng mga unggoy, parang ganon. Walang emosyon.

Sa isip ko ay parang me suminding bumbilya. 'Yon siguro ang dahilan kung bakit malungkot ang aura ng bahay ngayon. All along, akala ko, e, dahil sa bagyong tumama sa Sta. Cruz, Zambales noong summer. Yes, summer.

Bigla akong nagka-awkward feeling. Anong sasabihin ko? Bigla akong nagwish na sana magpaalam na si Kuya Paul dahil me gagawin pa siya somewhere.

Inisip ko na lang ang mga gawain at kasamahan ko. In an hour, mag-uumpisa na ang pagsusulat ng tula. Tapos nun, palihan. Patay. Kailangan na namin ni Sir Mike ng makakatulong.

Buti, tahimik din si Kuya Paul. Tinext ko uli si Rye. Finally, sabi ni Rye, pabalik na sila. Tinantiya ko ang oras. Nang nagsusulat na ng tula ang mga delegado, pinuntahan ko sila sa bahay ni Mayor.

Sa labas ng school, noon ko napagmasdan ang plasa. Parang biglang nanlimahid sa paningin ko. Parang me lambong. Pati ang kainan ng palabok sa tapat ng bahay ni Mayor, madilim. Sa harap, mukhang ok siya. Madilim pero ok. Sa gilid, makikitang wasak ang dingding ng 2nd floor nito. Noon ko lang napansin, malungkot ang bayan Dahil sa bagyo at kamatayan.

Tahimik ang bahay ni Mayor mula sa labas. Parang walang taong dumating. Pag-akyat ko, natagpuan ko ang iba sa kanila sa hapag. Patapos nang kumain. Ang iba, tapos nang kumain. Walang nakangiti. Me nadisgrasya kaya?

Tinanong ko ang mga kumakain pa. Kamusta? Kamusta?

Okey lang.

Huwat? Ganon lang ang sagot? Ang inaasahan ko kasi, super excited na "Bebang, ang ganda! Grabeeeeeeeeee!"

Anong okey lang?

Bebang, hindi mo man lang sinabi sa amin na aakyat kami ng bundok!

Ayun. Oo nga pala.

Nalimutan kong me konting hiking doon. Di ko rin nasabi sa kanila. Pero kaya di ko na rin siguro inabala ang sarili kong sabihan sila ay dahil kakaunti lang naman yun, pagkakatanda ko. Kayang kaya na nila.

Pero hindi. Yun ang reklamo nila, mahabang pag-akyat ng bundok. At ang init. oo nga naman. Tanghaling tapat yon!

Bigla kong naisip, bakit parang andali-dali lang naman nun nang umakyat kami, ng hilakbot team? At hindi rin kami nainitan.

Ang konteksto. Buong konteksto, inilahad ng aking alaala.

Nang akyatin ng Hilakbot Team ang daan papunta sa Sagrada Familia Cave noon ay Agosto. At kagagaling lang namin that summer sa Sagada. Pinipigilan kami ng mga magiging guide namin sa Sagrada Familia dahil madulas daw doon sa pag-akyat at malayo raw ang lalakbayin. Pero makulit ang Hilakbot Team. Ayaw paawat. Sagot namin, kaya po namin 'yan.

Makaraan ang ilang sandali ay nakarating kami sa kuweba nang walang aberya. Nalusutan din namin ang mga kuweba nang mabilis at maginhawa.

Pinagtawanan pa namin ang mga alalahanin ng guides namin. Kasi sobrang dali talaga ng hike kumpara sa pinagdaanan namin sa Mt. Ampacao ng Sagada. at lalo naman ang Sagrada Familia Cave kumpara sa Sumaguing Cave. Tsiken ba.

'Yun ang di ko naisaalang-alang. Una, hindi Hilakbot Team ang aking mga kasama ngayon. Ikalawa, hindi naman galing sa pamumundok ang grupong ito, dive nga ang kanilang idinayo. Ikatlo, tanghaling tapat at bagama't hindi summer ay hindi naman Agostong maulan tulad noong hilakbot team ang umakyat.

Palpakinensis ka talaga, Bebang.

Hinarap ko ang pinaka-malamang na magiging kaaway ko sa trip na iyon: si EJ.

Kamusta, baby? tanong ko.

Okey lang, laglag-balikat niyang sagot. Ni hindi tumingin sa akin. Naghahanap ng maiinom na tubig ang mga mata niya.

Bago pa ako masermunan ng iba, iniba ko na ang paksa.

Tara na! Palihan na!

So hindi na kami makakapagfreshen up? tanong ni Beng habang pinapagpag ang milyon-milyong talahib na kumapit sa kanyang pantalon.

A, okey sige, hintayin ko kayo.

Ilang minuto pa ay sakay na kaming lahat ng van pabalik sa venue.

At pagtapak na pagtapak sa venue ay nag-umpisa na ang katayan este workshop ng mga akda ng delegado.

Pumuwesto ang iba sa amin sa gilid, umupo sa mga nakasandal na upuan. Ang iba sa likod, malapit sa pinag-uuusog na upuan at mesang hindi nagamit. Ang iba, nakihalubilo na sa mga delegado.

Pagkatapos ng mga trenta minutos na palihan, dumating si Mayor Marty. Pinapirma ko siya sa mga sertipiko at nagdesisyon kaming magpicture taking muna kasama ang lahat. natigil nang saglit ang palihan para roon at pagkatapos ay palihan nang muli.

Umuwi na agad si Mayor sa kanyang bahay.

Pero bago iyon, tinanong niya kung ano ang gusto namin para sa hapunan. Magluluto raw siya para sa amin. Biglang pumarada sa isip ko ang banye-banyerang sugpo at alimango noon na inihandog niya sa Hilakbot Team. Diyos ko, nag-rrrrrrr talaga ang sikmura ko.

Siyempre, sabi ko lang, bahala na po kayo pero meron po kaming vegetarian. Nag-usap sila ni Beng. Kasi ito palang si Mayor, maraming nalalaman tungkol sa vegetarians. Anong klaseng vegetarian ka? ganyang mga tanong ang ipinukol niya kay Beng.

Tumagal pa nang isang oras ang palihan. Base sa mga na-check-an kong mga akda, minamadali na ng mga delegado ang pagsusulat nila. Kasi 5:00 na iyon. At medyo marami pang exercise para sa kanila ang inihanda ni Sir Mike.

Nakakalungkot talaga, kasi 'yung iba ay hindi na nahintay ang pagtatapos ng STS. Masyado raw malayo ang kanilang uuwian. May oras ang transportasyon sa malalayong barangay.

Pagkatapos ng palihan, nagbigay na kami ng sertipiko. Per school na lang ang ginawa namin. Medyo palpak nga itong part na ito kasi hindi namin malaman noong umpisa kung saan pupuwesto para may tamang flow ng pagbibigay ng sertipiko. At pagkuha ng output at feedback form sa kanila.

Pagkatanggap ng sertipiko ay umalis na ang ibang delegado. So 'yung huling mga nakatanggap halos wala nang pumalakpak sa kanila. Wala na ring energy masyado ang LIRA pips.

Sa ganitong paraan natapos ang huling sesyon ng STS. So medyo nalulungkot ako. Siyempre sana nagtapos ito sa mas masayang paraan.

Pero narinig yata ng Diyos ang puso ko. Pagbalik namin sa bahay ni Mayor, kuwentuhan na naman at biruang umaatikabo. Inilabas ko na rin ang aking Christmas gift para sa lahat. Ang walang kamatayang santa hat. Binigyan ko rin sina Mayor at ang mga kasama niya sa bahay. Ang kanyang asawa nga pala ay nasa kabilang bahay na nasa loob ng compound kung saan kami naroon.

Nagpicture-taking uli kami. Puro LIRA pips. Kasama si Mayor na naghihiwa ng cauli flower. Formal. Wacky.

At feeling ko, nagpasalamat ang lahat nang tawagin kami sa hapag. Ipinagluto kami ni Mayor ng masaganang masaganang hapunan. Yes, may sugpo. May isda. Sori nalimutan ko na ang pangalan. May salad. May adobong baboy. ahahay! Ang mantika. at marami pang iba. Nagdasal kami bago kumain. Si Tina ang naglead at ipinagpasalamat din niya ang kaarawan ng kanyang kapatid. Dahil na rin siguro sa matamis na panalanging iyon, lalong tumamis ang aming hapunan.

Hindi matapos-tapos ang pasasalamat namin kay Mayor nang nagpapaalam na kami. Masaya rin siya, ramdam ko, sa pagbisita naming iyon. Napaka-sincere ng kanyang ngiti. At ng mga mata. Malungkot pero may bahid ng ligaya dahil sa amin. Kalaunan, sasabihin sa akin ni Jowa, grateful din talaga si Mayor sa pagbisita namin at ng iba pa niyang bisita dahil kahit paano ay nalilimutan nito ang nangyari sa anak. Paano nga ba papasayahin ang ganitong tao sa Pasko?

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...