Umaga
Nag-almusal kami nina ka pilo, rye, ako at jowa ng:
1. pinritong galunggong na may sawsawang toyong lumalangoy sa kamatis
2. salad na gawa sa tsinaptsap na kamatis, carrot at pipino na ang dressing, ceasar salad
3. tinapay na ang palaman ay lily's peanut butter
in random order 'yan.
si rye ang may pinakamaraming nakain sa lahat. kasi hindi marunong tumanggi hahaha lahat ng ialok, e nginunguya in 10 seconds.
nagkuwentuhan kami habang nag-aalmusal.
ikinuwento ni jowa ang panahon na mais at piggery pa ang business niya. sabi niya ang ginagawa ng mga retailer na magkakarne sa kanilang tindang baboy ay ganito: kapag namatay daw ang baboy, malamang na ifi-freeze ang karne. tapos ito raw ang gagawing tocino, tapa at iba pa. kasi kapag ibebenta pa raw ito sa palengke, malamang na mahuli ang mga magbebenta. kasi halatang-halata sa itsura ng karne na double dead ang baboy. me linya ng mga dugo ang laman.
tapos humirit din si ka pilo na cancerous ang peanut butter. sa proseso daw ng paggawa nito, may hindi tama. nalimutan ko na kung ano. pero sabi niya, ginigiling ang mga mani.
ganyan kasarap mag-almusal kasama ang mga mokong na ito.
pagkatapos, lumarga na kami. ibinaba namin si ka pilo sa edsa kasi uuwi na siya sa batangas. itong si rye ay maglalamyerda raw muna sa recto kaya sumabay siya sa amin hanggang uste.
bago ako bumaba ng sasakyan ay nagpaabiso ako kay jowa na bumili ng pansit at keyk para sa mga co-faculty ko. noong una, parang ayaw kong magpakain pa roon. kasi gastos lang. si jowa, gusto. pero nagbago rin ang isip ko kasi naisip kong kung last december ko na doon dapat naman talagang magpakain ako sa aking kaarawan. kaya naman sabi ko kay jowa, pipik-apin ko na lang ang oorderin niyang pagkain pagdating ng tanghali. sa goldilocks namin binalak bumili. oo raw.
nagpaalam na ako kina jowa at rye.
sa unang class ko, sobrang energetic ako. though alam kong walang nakakaalam na birthday ko that day, sinuot ko yung dilaw na blusang ibinigay ng kapatid ko. sa sobrang tingkad nito, imposibleng hindi ako mapansin. at kahit sambakol ang mukha ay magmumukha kang masaya sa blusang ito.
kaya iyon ang isinuot ko sa aking kaarawan.
but no, walang pumansin. umaasa ako hanggang sa huling minuto ng first class ko na may magtatanong ng: mam, bertdey mo ngayon? parang ansaya-saya mo, e.
so bigo ako sa unang class.
lipad at dapo sa 2nd class. habang ako ay may ina-anunsiyo, biglang nagvibrate ang aking cellphone na nakasukbit sa leeg.
ang aking bespren! tumatawag mula sa kabilang panig ng mundo!
kaya sabi ko, "excuse me, class, tumatawag ang bespren ko. hulaan ninyo kung bakit." tapos lumabas ako.
mga 1 minute kaming nag-usap ni bespren. 1 minute ako sa labas ng classroom. pagbalik ko, wala pa ring nagtatanong o bumabati. natapos naman nang masaya ang klase ko. as usual.
TANGHALI
kaya pagring na pagring ng bell, diretso na ako sa faculty room. nang makasalubong ko si mam cora, nagpasama ako sa kanya para kunin sa chowking (as what jowa texted) ang tatlong bilao ng pansit kanton.
pagdating namin dun, nalungkot ako.
kasi wala raw silang bilao. inilagay sa siyam na styro ang pansit. sabi ko, sana sinabihan ninyo yung bumibili na wala kayong bilao. sabi ng nasa counter, sinabihan naman daw niya.
ano pa nga ba ang magagawa ko? kahit mukhang nalugi kami sa ginawa ng chowking ay pinilit ko pa ring maging masaya. hindi chowking ang magpapalungkot sa akin. hindi ang kanilang pansit sa bilao na wala naman sa bilao.
pagbalik sa faculty room, dali-dali kaming naghugas ng mga plato at tinidor. itinaob namin sa ilang plato ang lamang pansit ng styro tapos hinati ko sa dalawa ang mga styro para hindi na kailangang magplato ang mga kakain sa aking handa.
at nagsalo kami sa malangis na pansit ng chowking. pampahaba nga naman ng buhay. burp.
marami ang bumati sa akin kaya ang saya-saya ng aking lunch time.
binigyan pa ako ni mam raquepo, ang idol ko sa pakikisama at pakikitungo sa kapwa, ng isang wallet na makulay at may P50 sa loob. tapos kiniss niya ako sa pisngi. isa siya sa ipinagpasalamat ko kay god nang araw na iyon.
binati rin ako ni ms patricia ng ballet manila. nag-usap kami tungkol sa kapalpakang nangyari sa ticketing services para sa mga estudyante ko para sa kanilang production. pinakahuli kasi kaming nagbigay ng listahan kaya marami sa mga estudyante ko ang hindi nakapanood ng kanilang palabas.
anyway, sabi niya,heto pa po ang mga ticket. 50 pa. gusto ko raw bang ialok sa mga estudyante ko.
ang problema, may klase ang mga estudyante ko sa oras at araw ng palabas nila at dahil may libreng karnabal ang tiket na iyon, hindi ko na kinuha. ayokong mag-absent ang mga estudyante ko para lamang sa isang bonus work sa Filipino.
ok naman daw kay Mam patricia. tapos binigyan niya ako ng 2 compli ticket. may pampanood na kami ni ej.
HAPON
tapos sa 2-3 pm class ko naman, pagpasok na pagpasok ko ay kinantahan na ako ng happy birthday. sa wakas hahaha. thank you. thank you sa 1EPM!
nag-umpisa ang class sa panalangin at sinegundahan ng quiz. individual. dati kasi laging group. anakngtokwa ako magbertdey ano?
pagkatapos ng mga klase ko ay dumiretso na ako sa sasakyan ni jowa na naghihintay sa dapitan super wide super highway parking lot. may plano kaming maglamyerda kasama si ej.
tinawagan na namin si ej para sabihing dadaanan namin siya sa bahay.
430pm nasa SM Marikina kaming apat. kasama si ate.
ang ganda-ganda. napakamodern ng dating ng sm na ito. airport yata ang kinopya. puwedeng manalamin sa mga tile. kakintab! parang nakakailang tapakan. at siyempre, nagbobonggahan, nagbabanggaan ang mga mamahaling cologne, relo, tsokolate, damit. umaapaw ang mga laptop, camera at iba pa.
parang wala ka sa third world.
bumili kami ng sandalyas ko at isang pares ng gomang tsinelas. ibinili din namin si ate ng gomang tsinelas. na hindi magkamukha. uso pala yon. ibinili na rin namin si ej ng isang pares ng sapatos na pamasok sa school. naiwan kasi niya sa las pinas ang itim niyang sapatos na bagama't napakakomportable raw sa kanyang paa ay medyo ngumanganga na.
saka kami naggroserya. doon naubos ang aming oras at enerhiyang pang-hanggang next week pa sana. dahil sa laki ng groserya, at walang sistema ang pagpili at pagbili namin, paikot-ikot kami sa airconditioned na football field. yes ganon kalaki.
tapos nagdinner na kami. sa xavierville. sa ababu.
isa itong persian restaurant. no, hindi naman talaga restaurant. mas disente lang ng isang paligo sa turo-turo. pero kahit ganyan ang set up ay talaga namang sikat at dinadayo pa sa sarap ng kanilang pagkain. dati itong nasa up village. pinuntahan nga namin ni rita ito noon kaya lang under renovation pala. kaya dehins namin natikman ang pagkaing highly recommended ni rayts.
natuklasan ni jowa ito noong isinama siya ni emil. nag-aalala nga siya noong nasa sm kami. baka raw di ko magustuhan kasi simple lang yung lugar. sabi ko kung masarap naman doon e di doon na kesa naman sa sm na naman. minsan, nakakasawa din yung pagkain sa mall. so kumain nga kami sa....ABABU!
shawarma rice ang inorder ko. kay ej at kay jowa beef rice yata at kay ate chicken rice.
andami-daming dumating na pagkain sa mesa. at ang daming kamatis. ako ang tagaubos ng kamatis kasi si jowa at ej, hindi type ang inihaw na kamatis. bottomless din ang iced tea. good luck sa lalamunan talaga.
masarap ang kanilang shawarma rice. marami pa ang serving. pangbirthday ang serving hahaha
pagkatapos ng isa na namang malangis na hapunan, umuwi na kami.
pagdating sa bahay, nag-ayos kami ng mga pinamili at tinuruan ko agad si ej ng assignment niya sa math. tungkol sa congruent lines. ang arte-arte talaga ng mga term sa math. ang ibig lang namang sabihin e magkasinghabang linya. inis na inis naman si ej kasi pinaghintay ko siya sa kalagitnaan ng isang number ng kanyang assignment. paano, bigla ba namang tumawag sina eris at ron? kuwentuhang umaatikabo ito. sinasaid ko sa tuwa ang huling minuto ng aking ika-29 kaarawan.
kaya naman, hatinggabi na akong umakyat ng kuwarto.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment