Tuesday, April 27, 2021

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops, hindi ako naniniwala na dapat maging batayan ang husay at ganda ng mga librong binabasa ng isang aplikante. 


May issue ng accessibility. Sino ba ang may access sa mahuhusay at magagandang libro? At gawin nating mas basic: sino ang may access sa mga libro? Pag ito ang pinairal, marami ang maliligwak. 


Para sa akin, kombinasyon ang dapat gawing batayan: 


1. ang kakayahan ng manunulat na makapagpasok ng something new sa kanyang panulat, at


2. background


Number 1 ay  dahil sa tingin ko, dapat may bago siyang maihahain sa kapwa niya fellows. Ito ang isa sa mga ambag niya. Posibleng innovation sa wika, teknik at estilo sa pagsulat, paksa, impormasyon, proseso ng pagsulat, at iba pa.


Number 2 ay dahil sa tingin ko, kapag magkakaiba ang background ng mga fellow, mas marami silang matututuhan sa isa't isa. Posibleng magkakaiba sila ng edad, relihiyon, trabaho o okupasyon, gender (yes, huwag puro lalaki), civil status (single, may asawa, hiwalay, separada, balo, complicated, etc.), rehiyon, wika, kakayahan sa buhay. Dito mamumulat ang fellows na ang mga akda ay nagmumula sa ganito ka-diverse na uri ng tao. Na siya ring magiging mambabasa ng kanilang akda.


Noong maging fellow ako sa UP Writers Workshop, ang unang workshop na nasalihan ko, tula ang aking ipinasa. Ang mga tula ko ay nakabatay sa kanta at tulang bayan gaya ng Doon po sa Amin at Inday, Inday sa Balitaw. 


Ilang araw bago umakyat ng Baguio kung saan gaganapin ang workshop, nakasalubong ko sa departamento ng Filipino sa UP si Sir Vim (na guro ko) at si Sir Rio. Iyon ang unang pagkakataon na nakilala ko siya. Hindi pa siya national artist noon. Ipinakilala ako ni Sir Vim. Tanong ni Sir Rio sa akin, ikaw pala ang sumulat ng mga tulang iyon! Sino ang binabasa mo? Natameme ako. Sino? Sino raw? Aba, malay ko. E, sino nga ba ang sumulat ng mga kanta at tulang-bayan na aking binabasa noon sa mga children's book sa Educ Library? Sino nga ba ang sumulat ng mga akdang ginawa kong batayan ng aking mga tula? Tanong uli ni Sir Rio nang hindi ako makaimik, binabasa mo ba si Teo Antonio? Si ano, si ano? May dalawa pa siyang binanggit, kaso di ko na maalala ang pangalan. Sir, hindi po. Hindi rin po. Iyon lamang ang mga nasabi ko. Napangiti si Sir, pero kitang-kitang nadismaya siya sa mga sagot ko. Nakadama ako ng pagkapahiya. 


That was 19 years ago.


Napaisip tuloy ako kung sino nga ba ang mga binabasa ko mula nang ako ay bata pa. Gosh, wala akong matandaan kundi si Xerex. Ito ang aking reading history: novena, mga Penthouse ng tatay ko (nakatago sa ilalim ng damitan kundi ba naman tanga, e di naabot ng mga bata?), Abante tabloid, Xerex (!), mga foreign pocketbook ng tatay ko, textbooks, Lakbay-Diwa sa Tempo, mga tula sa yearbook ng pinsan kong Chinese, Sweet Valley Twins, Nancy Drew, tiglilimang piso na nobeleta, Tagalog romance pocketbooks (Tagalog pa ang tawag diyan noon), Funny komiks, Hiwaga komiks at iba pang Tagalog komiks. Sa kolehiyo, puro required readings na kami. Mas lalo akong walang natandaan, ganon yata ano, kapag required?


Ngayon, ngayong matanda na ako at beterana na ng mga palihan, napagtanto ko na hindi kakulangan ng isang workshop fellow o ng isang writer kung hindi siya nakakabasa ng mahuhusay na manunulat o libro. Ganon talaga. 


Marami nga kasing dahilan: accessibility sa mga libro, availability ng mga libro, panahon para makapagsaliksik o maghanap ng mahuhusay, limitadong exposure sa tahanan man o eskuwela (would you believe, never kong na-encounter si Nick Joaquin sa kurso ko? Wala akong teacher na itinuro si NJ at ang kanyang  mga akda.), at iba pa.


At sa pagiging manunulat, totoong importante ang pagbabasa. Ng mahuhusay na manunulat at akda. Maraming matututuhan diyan. Estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap. 


Pero marami ding matututuhan sa tunay na buhay. 


Ang pagsusulat ay hindi lang tungkol sa estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap.


Tungkol din ito sa pagbabahagi ng mga natututuhan sa buhay. Therefore, tungkol din ito sa kakayahan ng tao na makatas ang kabuluhan mula sa bawat niyang danas, at ang maibahagi ito gamit lamang ang mga titik. 


Kaya importante sa akin ang background. Dahil kapag diversity ang goal sa pagpili ng writing fellows, mas even o mas patas ang playing field. Pantay-pantay lang sila, dahil magkakaiba sila. Magkakaiba sila ng karanasan. Pagalingan na lamang maglahad nito.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...