Mahilig akong mamulot ng itinapon na.
Dito sa San Rafael, andami ko nang na-rescue na gamit:
Shelf- natagpuan ko ito sa labas ng isang nire-renovate na bahay. Pangit siya, brown, may bahaging lungayngay at ang likod ay halos mabaklas na. Hiningi ko ito sa construction worker na kakilala ko dahil sidecar driver talaga siya sa tunay na buhay, at suki ako. Katabi ng shelf ay isang sofa set (isang 3-seater at dalawang 1-seater). Pinamimigay din iyon. Gusto ko rin hingin kaya lang ay wala namang mapaglalagyan sa amin.
Pininturahan ni papa p. ng puti ang shelf. Pininturahan niya ng lila ang gilid. Tinanggal din namin ang bahaging nakalungayngay. Ang likod ay hindi na namin ginalaw. Kako, isandal na lang sa pader o dingding. It worked. Siya ngayon ang children's book corner nina Dagat at Ayin.
Drawer- nakita ko rin ito sa tapat ng isang bahay. Katabi ng mga basura. Siguro ay naghihintay na lang ito ng dadaan na basurero. Puti. Kinabukasan, nang nandoon pa ito pag daan ko ay kinuha ko na. Tapos ginoogle ko kung ano ang puwedeng gawin dito. Puwede rin pala itong gawing shelf. So, hinugasan ko ito, pinatuyo at ipinatong sa shelf ng children's book corner.
Mas maliit na shelf- mahaba at mababa, gawa sa kahoy, walang likod. Nakita ko ito sa tapat ng isang garahe sa kabilang kalsada. Ka-parallel namin. Tabi ng garahe ay tindahan na madalas kong bilhan last year dahil sila lang ang laging bukas during that time. Isang matandang lalaki ang nagwawalis. Tinanong ko kung itatapon na ba iyon. Oo at bakit daw. Sabi ko ay hingiin ko na lang po. Oo raw. Sabi ko, sa inyo po ba ito? Sabi niya, hindi, pero itinapon na iyan ng kapitbahay, at kagawad ako rito. Hahaha, di ko alam kung bakit sinabi pa niya na kagawad siya, pero baka nagpapakita sa akin ng authority over the kalye and the basura on that kalye. Tumawag ako ng side car at iniuwi na ang mas maliit na shelf.
Pinunasan ko ito at after some months ay nagpasyang dikitan ng mga papel gamit ang glue. Para magmukhang malinis. Pagkaraan uli nang ilang buwan, dinikitan ito ni papa p ng wall paper. Ang ganda na niya. Ginawa namin siyang patungan ng halaman sa may balkon.
Water tank na bahagi ng toilet bowl- nakita ko ito sa gilid ng isang bahay, pero sa ibang subdivision, nasa tabi ng gomang basurahan. May kasama rin itong lababo. Buong buo ang dalawa. Kumatok ako sa bahay at nagtanong kung itatapon na iyon. Oo raw, sabi ng isang binatang nakahubad pa nang humarap sa akin. Kita utong, my gas. Thank you, ha,sabi ko. You made my day, kako pa. Hahalikan kita, este babalikan kita, kuha lang ako ng sidecar. Naiwan siyang natulala. Siguro sa isip-isip niya, may babaeng interesado sa basura namin? Nagtawag ako ng side car, at naiuwi ko ang binata, este, ang water tank at lababo. Nilinis ko ang mga ito sa garahe ng kapitbahay namin. Ang lababo at water tank ay dinala ko sa likod ng bahay at tinaniman ng halaman. Ang takip ay dinala ko sa balkon at pinatungan din ng maliliit na halaman.
Mesa-nakita ko ito sa gilid ng bahay na sira-sira. Walang nakatira doon at madalas tambakan ng basura. Pangit ang ibabaw ng mesa, pero maganda pa ang frame, lalo na ang mga paa nito. Nagtawag uli ako ng sidecar at iniuwi ang mesa. Pinatungan namin ng luma at mumurahin na shower curtain ang mesa, para kahit mabasa ay ok lang. Inilagay ko ito sa gitna ng garden ng kapitbahay. It did not work. Masyado itong malaki at dominating, kulay puti kasi ang shower curtain. Matagal itong natambak sa may entrada ng main door ng kapitbahay (hindi ito ang ginagamit ng kapitbahay, sa backdoor siya lagi, mas maliit kasi, madaling buksan at isara). Walang mapaglagyan sa mesa.
Isang araw ay binalutan ni papa p ang ibabaw nito ng magandang wall paper. Kahit laminated wood na marupok at pangit na ay biglang gumanda. Ipinasok ko ito sa room ni EJ, na siyang working space ko ngayon, at pinagpatungan ng kung ano-anong magaan: unan, papel, pambura, make up kit na walang make up, sirang laptop, etc. Gusto ko sanang gawing upuan ang mesa na ito. Kasi puwede siyang upuan, sa lapad niya at haba. Mayroon kaming retasong mga kahoy para dito. Kaya nang dumating ang suki naming karpintero, isa nga ito sa ipina-line up ko. Kako ay gawing matibay ang ibabaw, para magamit nang tuluyan. Ngayon ay isa na siyang matibay na mesa, at puwedeng maging upuan someday.
Basag na mga paso- 1. Isang malaki, nahanap ko sa Kenmore, kabilang subdivision. Nasa tapat din ito ng garahe ng isang bahay, open to all ang garahe. Walang bakod. 2. Katabi ng paso ay isang vase na mga 1.5 feet at isang mug na basag din ang tenga. Hiningi ko ang mga ito, at ibinigay ng lalaking mukhang kagigising lang nang umagang napadpad ako doon. Sori nemen, pero 9 am na iyon. Ang ginawa ko sa 1 ay taniman ng petunia. Ipinuwesto ko ito sa likod at ang basag na bahagi ng paso ay iniharap ko sa pader. Ang ginawa ko sa number 2 ay itinaob ko, at tinusok sa lupa ang basag na bahagi, at pinatungan ng dish garden ang base nito. 3. Ang isang paso na ni-rescue ko ay hati sa dalawa. Natagpuan ko ito sa tapat ng aming katabing bahay. Itinaob ko at itinusok din sa lupa ang bahaging basag, at ang puwet na flat ay pinatungan ko rin ng dish garden. Nakapuwesto ito ngayon sa harapan ng aming katabing bahay. At ang ibabaw na kalahati ng paso number 3, lusot-lusotan ito, butas sa ibabaw, butas din ang ilalim, ay ginamit ko sa papausbong naming aratilis. Ipinasok ko sa mga butas ang usbong ng aratilis. Nasa loob ito ng bakuran ng kapitbahay namin, malapit sa gripo.
Dekorasyon, hugis-pinto, kahoy at one foot ang laki at lapad- ito ang aking latest find. Nasa ibabaw ito ng basurang nakalagay sa isang malaking karton. Nasaan ang karton? Kahanay ng bahay na pinagmulan ng mababa na shelf. Hapon iyon na naghahanap kami ng hopia. Unang daan at pagkakita ko doon ay kinuha ko na. Feeling ko, nagde-declutter ang may-ari ng bahay. Gandang-ganda ako kasi exotic ang dating, parang galing sa India. Sayang naman at bakit kaya itinapon? Pinalinis ko ito kay papa p. Then after a few days ay ipinatong ko ito sa isang hollow block sa may hardin ni Ayin. Noong Easter Sunday, naglagay ako ng itlog sa loob nito. At noon namin natuklasan, nang buksan ni Dagat ang dalawang pinto, nahulog ang isa! Ayun pala, kaya itinapon na. Sira ang isang pinto. Anyway, ibinalik lang namin ang pinto at perfect na uli for the garden. Hindi halatang sira kung hindi ito kakalikutin.
Ngayon, may nakita na naman akong mesa, sa may daan papuntang phase 2 ng San Rafael. May nakita rin akong dalawang gulong, kaldero, water tank, at 2- seater na sofa. Lahat iyan, marumi at sira. Pero, sayang na sayang, kung di mabibigyan ng ikalawang buhay.
No comments:
Post a Comment