Wednesday, April 28, 2021

Dagli Tayong Magsulat!

 

Dagli Tayong Magsulat!

ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa ating lahat. Salamat sa pagkakataon na makapagbahagi rito. Salamat kina Mam Menchi Fabro Gadon na siyang nakipag-coordinate, email, at chat mula umpisa hanggang sa makarating po ako rito. Salamat din kay Sir Sherwin Perlas at sa Romblon State University. At kay Dr. Wennielyn Fajilan sa imbitasyon na ako ay maging tagapanayam.

Ang aking talk ay tungkol sa pagsulat ng dagli. Batayang depinisyon lamang po ang aking maibibigay ngayon. Para naman sa pagsusulat natin, isang imbentong anyo ng dagli ang ating gagawin: ang COVIDagli. Magbibigay ako ng halimbawa na aking mga naisulat na at doon natin tatalakayin ang ilang elementong taglay ng dagli gaya ng tauhan, setting, dialogue at iba pa.

Sa araw na ito, tayo rin ay susulat ng dagli tungkol sa ating sitwasyon ngayon at isasalang natin sa workshop ang ilan sa mga akda.

Umpisahan na po natin.

Ano ang dagli? Meron bang gustong sumagot?

Ang kinuha kong depinisyon ay batay sa post ng National Commission for Culture and the Arts noong April 13, 2021. Mainit-init pa. So, I guess, ito ang latest. At ang sumulat nito ay si Virgilio S. Almario, National Artist for Literature. Bahagi ito ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2021 na may temang 500 Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino. Binabalikan ng NCCA ang iba't ibang porma ng panitikang siyang nagiging paraan ng makasining na pagsasalaysay sa ating kuwento at kasaysayan, mga panitikang nagsisilbi ring Sagisag Kultura ng ating bayan.

Ang dagli ay mga kuwentong mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin  noong panahon ng Americano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunang pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingaw sa Tagalog dahil nagpapahayag lamang ng pagsinta.

Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Español. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pag-kakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile.

Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Español. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Americano. May mga dagli na isinulat sa Español at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento. (VSA)

(Source: daglî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dagli/)

Ayon din sa makata at manunulat na si Alejandro G. Abadilla (AGA), ang mga daglî ay didaktiko o “nangangaral” o nagsesermon.

Sa Ingles, ito ay sketch, flash fiction, short short story, sudden fiction, micro fiction.

Sa Pilipinas, ang ilan sa mga kontemporanyong manunulat ay tinawag itong:

1.       kuwentong paspasan, at;

2.       kislap, na inimbentong katawagan ng makatang si Dr. Michael Coroza mula sa pinaikling kuwento sa isang iglap.

Maraming Pilipino ang mga nagsulat ng dagli. Narito ang ilang may-akda at libro, ayon sa saliksik ni Dr. Vim Nadera:

a.       Fast Food Fiction Short Short Stories To Go, 2003

b.      Roland Tolentino, Sakit sa Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis, 2005

c.       Alwin Aguirre, Semi-kalbo at iba pang kwento, 2005

d.      Eros Atalia,  Manwal ng mga Napapagal Kopi Teybol Dedbol Buk, 2006

e.      Biyaheng FX Round Trips to Pinoy Life, 2006

f.        Roland Tolentino at Aristotle J. Atienza,  Ang Dagling Tagalog 1903-1936, 2007

g.       Vicente Garcia Groyon III, Mga Kuwentong Paspasan, 2007

h.      Abdon Balde Jr., 100 Kislap, 2011

i.         Eros Atalia, Wag Lang Di Makaraos: 100 Dagli (Mga kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay), 2011

j.        Jack Alvarez, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga, 2012

k.       Eros Atalia, Taguan-Pung: Manwal ng Pagpapatiwakal, 2014

 

Ngayong araw na ito, ang ituturo ko at tatalakayin nating halimbawa ay isang imbentong anyo ng dagli. Ito ay ang COVIDagli, inimbento ni Dr. Vim Nadera, Jr. at ginawang patimpalak sa pagsulat noong Abril 2020 sa umpisa ng COVID crisis. Ito ay mayroong 19 lamang na salita.

Sumali ako sa inorganisang patimpalak ng Foundation AWIT at Rappler. I was able to submit 39 entries at isa rito ang nagwagi! Narito ang COVDagli ng isa pang nagwagi, si Glen Arenas, isang estudyante sa Taguig.

‘Tol, nagkatay ako ng baboy.

Pahingi naman nang kaunti. Pang-ulam lang.

Kung puwede nga lang. Kay misis itong alkansiya.

Sa larangan ng panitikan, puwede tayong mag-imbento ng mga anyo, gaya ng COVIDagli. Ganito ang ating isusulat at isasalang sa palihan. Binubuo lamang ito ng 19 na salita.

Magpunta na tayo sa mga halimbawang aking kinatha para talakayin ang elemento, tono at iba pa.

Elemento: Tauhan

Aruy!

 

Ate!

 

Aguy!

 

Anyare?

 

Nalaglag ako!

 

Unang araw pa naman ng klase.

 

May signal. Pero sa bubong lang kasi.

 

Sa COVIDagli na ito ay ang mga tauhan ay posibleng mag-ate, at ang ate ay estudyante na nais sumali sa mga online activity sa eskuwela sa unang araw ng klase. Posibleng tagaprobinsiya ang mga tauhan dahil sa hina ng signal.

Elemento: Tauhan

"Batchmate, 'musta na? Ngayong lockdown, WFH ka?"

"Work from home ako noon pa. Linis, luto, laba, para sa pamilya."

Ang akdang ito ang tanging entry ko na nanalo sa patimpalak na COVIDagli. Ang tauhan dito ay magka-batchmate sa eskuwela at ang isa sa kanila ay sa bahay at siyang nag-aasikaso ng domestikong mga gawain ng kanilang pamilya. Posibleng ito ay isang housewife at nanay, na laging nagtatrabaho sa bahay para sa sariling pamilya, pero wala namang natatanggap na sahod o income. This COVIDagli also  comments about the reality of unpaid domestic labor that is usually shouldered by the housewife/mother.

Elemento: Tauhan

"Till death do us part."

Sabay silang pumikit.

At bumulusok ang kinakapitan nilang kamay diretso sa tambak na hugasin.

Ang tauhan ng dagli ay maaaring hindi tao. Sa example ko na ito, ang tinutukoy kong tauhan ay mag-asawang virus na nakatuntong sa isang kamay at ang kamay ay papunta na sa lababo upang maghugas ng plato.

Elemento: Setting

Sa gate, bumaba ng van ang mga doktor.

"Ambilis naman."

"Napakaganda!"

"Maaliwalas!"

"Pa-log in po," sabi ni San Pedro.

Sa dagli na ito, ang setting ay ang gate ni San Pedro sa langit. Ni-reveal ko lamang sa dulo ang tunay na setting upang ang unang maisip ng reader, pagkabasa sa unang linya, ay field trip lamang ito ng mga doktor sa isang lugar na maganda. Pero ang totoo, sila pala ay mga pumanaw na at ina-admit na sa langit. Tungkol ito sa sabay-sabay at sunod-sunod na kamatayan ng mga doktor at iba pang frontliner sa ospital. Dahil sa COVID virus.

Elemento: Dialogue

“Sa rapid test?”

 

“Negatib.”

 

“Swab test?”

 

“Pasitib. Ba’t po magkaiba ang resulta?”

 

Walang maisagot ang doktor sa bagong pasyente.

 

Sa dagli ay puwedeng gumamit ng dialogue upang magpadaloy ng kuwento. Sa halimbawa ay makikita ang dialogue ng doktor at ng bagong pasyente sa mga COVID test result na di nagtutugma.

Elemento: Banghay

Nawawala ang ilang doktor at siyentipiko.

Dahil ang natunton nilang puno't dulo ay hindi palengke kundi isa ring laboratoryo.

Gaya rin ng maikling kuwento at nobela, kailangang may banghay ang dagli. Sa halimbawa, dalawang pangungusap lamang ito pero naikuwento ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari:

a.       Nagtatrabaho ang ilang doktor at siyentipiko

b.      At natunton nila ang puno’t dulo ng sakit na kanilang iniimbestigahan

c.       Nagulat sila dahil hindi pala totoong sa palengke ito nagmula (may reference sa balitang sa mga ibinebentang paniki sa palengke ng Wuhan, China)

d.      Ito pala ay nagmula sa laboratoryo, na ibig sabihin ay man-made.

e.      At biglang nawala ang mga doktor at siyentipiko nang matuklasan nila ito.

Elemento- Conflict

"Ayin, lumabas ka't bumili ng suka."

"'La, bawal na raw ang bata."

"Punyeta! Pa'no na? Bawal din ang matanda!"

Importante ang conflict. Madalas, kapag walang conflict, wala ring kuwenta ang isang kuwento. Sa halimbawa, makikita na ang conflict ay human versus law. Nangangamba dahil hindi makalabas upang makabili ng mga batayang pangangailagan si Ayin at ang kanyang lolang senior citizen, bigla kasing nagkaroon ng batas na: Bawal lumabas, bawal lumabas!

Bukod sa elemento, magbabahagi pa ako ng ilang sangkap at teknik.

Anyo- Listahan

Sa modules, ito ang ginawa ni Teacher 1:

 

Sulat-sulat.

 

Edit-edit.

 

Proofread-proofread.

 

Submit-submit.

 

Pagka-print, si Master Teacher ang nasa credit.

 

Puwedeng gumamit ng iba’t ibang anyo para ilahad ang dagli. Sa halimbawa kong ito, gumamit ako ng listahan. Nilista ko ang mga hakbang na pinagdadaanan ng isang module habang ito ay ginagawa.

Anyo-advertisement

Wanted: Bakuna Kontra-COVID

Pabuya: 10 M sa makakaimbento.

Para sa mga karagdagang detalye, tumawag na agad sa PNP Hotline.

Sa halimbawang ito ay ginamit ko naman ang anyo ng advertisement para ilahad ang pabuya ng gobyerno sa sinumang makakatuklas ng bakuna kontra sa COVID.

Tono-Nagpapatawa

"Nag-ikot-ikot ako sa buong Pilipinas bago ako nanganak. Kaya baby Luzviminda po, Dok."

 

"Kayo naman, Misis."

 

"Baby Checkpoint po."

 

Hindi naman kailangang seryoso lagi ang tono ng dagli. Puwede ring magpatawa. Sa halimbawa ay ginawa kong biro ang limitasyon sa paglalakbay ng mga mamamayan dahil sa mga checkpoint at lockdowns. Noon ay malaya tayong nakakarating sa Luzon, Visayas at Mindanao (Luzviminda). Ngayon ay hanggang checkpoint na lamang tayo.

Tono-Balintuna

Salamat sa mamisong sitsirya.

 

Pinakamurang ulam, walang sinabi ang karinderya.

 

Bawat araw, isa.

 

Iwas-utang hangga't may barya sa bulsa.

 

Isa sa pinakamahirap ipaliwanag ang tonong balintuna. Sa halimbawa ko, makikita na nagpapasalamat pa ang persona sa mamisong sitsirya dahil hindi lamang ito sitsirya kundi ulam na rin! Ito ay ikinumpara pa niya sa mga pagkain sa karinderya (na kung tutuusin ay murang-mura na rin) at nagmamalaki pa siya na parang may premyong taglay dahil pinakamura (sa lahat ng ulam) ang kanyang pagkain. Ang tono ay masaya at nagpapasalamat, ngunit kalunos-lunos at sagad sa kagipitan ang sitwasyon ng persona. Ito ay isang balintuna.

Tayutay- Personipikasyon

"Mag-iisang linggo."

"Ikaw naman?"

"Dalawa. Nakapasok na kapanabayan ko. Nasinghot."

Panatag silang naglibot sa face mask ng isang basurero.

Sa dagli, maaaring gumamit ng tayutay na kadalasang ginagamit lamang sa tula. Sa halimbawa, nag-aasal-tao ang mga virus na nasa face mask ng isang basurero. Nagkukumustahan sila, nagkukuwentuhan at namamasyal, parang karaniwang tao lamang. Ito ay personipikasyon.

Alam ng bayan

Panay ang selfie ng janitor sa piling ng malalaking paruparo.

Siya ay natigilan, at payukong lumabas ng doctors' lounge.

 

Dahil masyadong maikli ang dagli, kailangan ding gamitin bilang puhunan ang kaalamang-bayan at ang mga bagay na karaniwan nang batid ng taumbayan. Halimbawa niyan ay ang mga pamahiin. Sa halimbawa, ginamit ko ang paruparo upang maging simbolo ng kaluluwa ng mga namayapang doktor na bumisita at nakipag-selfie sa janitor.

Alam ng bayan

 

Nag-umpisang biro ang lahat.

 

Kaya mabaliw-baliw sila sa laboratoryo nang mawala ang sipon ng dagang nilulong nila sa methamphetamine.

 

Hindi lang pamahiin ang alam ng bayan. Isa pang halimbawa ng alam ng bayan ay ang current events. Dito sa huli nating dagli, itinatanghal ko ang methamphetamine (scientific name ng shabu) bilang gamot sa COVID. Alam ng lahat na ang kasalukuyang pamahalaan ay napakatindi sa drug war. Galit at gigil sa droga. Kinikiliti ko ang imahinasyon ng mambabasa by asking ‘what if shabu ang gamot sa COVID? Ano ang gagawin ng presidente?’

Dito po nagtatapos ang aking mga halimbawa. Natalakay po natin ang sumusunod:

a. Kahulugan at maikling kasaysayan

b. mga manunulat at libro ng dagli sa Pilipinas

c. COVIDagli

d. Mga halimbawa at elemento

e. Anyo, Tono, Teknik at iba pa

 

Kayo po ay aatasan nang magsulat ng sariling COVIDagli at isasalang natin ang mga ito sa palihan.

Maraming salamat.

Kung may tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com. Puntahan ang aking 12 year-old blog, ang www.babe-ang.blogspot.com for some writing tips.

 

 

 

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...