Wednesday, April 28, 2021

Dagli Tayong Magsulat!

 

Dagli Tayong Magsulat!

ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa ating lahat. Salamat sa pagkakataon na makapagbahagi rito. Salamat kina Mam Menchi Fabro Gadon na siyang nakipag-coordinate, email, at chat mula umpisa hanggang sa makarating po ako rito. Salamat din kay Sir Sherwin Perlas at sa Romblon State University. At kay Dr. Wennielyn Fajilan sa imbitasyon na ako ay maging tagapanayam.

Ang aking talk ay tungkol sa pagsulat ng dagli. Batayang depinisyon lamang po ang aking maibibigay ngayon. Para naman sa pagsusulat natin, isang imbentong anyo ng dagli ang ating gagawin: ang COVIDagli. Magbibigay ako ng halimbawa na aking mga naisulat na at doon natin tatalakayin ang ilang elementong taglay ng dagli gaya ng tauhan, setting, dialogue at iba pa.

Sa araw na ito, tayo rin ay susulat ng dagli tungkol sa ating sitwasyon ngayon at isasalang natin sa workshop ang ilan sa mga akda.

Umpisahan na po natin.

Ano ang dagli? Meron bang gustong sumagot?

Ang kinuha kong depinisyon ay batay sa post ng National Commission for Culture and the Arts noong April 13, 2021. Mainit-init pa. So, I guess, ito ang latest. At ang sumulat nito ay si Virgilio S. Almario, National Artist for Literature. Bahagi ito ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2021 na may temang 500 Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino. Binabalikan ng NCCA ang iba't ibang porma ng panitikang siyang nagiging paraan ng makasining na pagsasalaysay sa ating kuwento at kasaysayan, mga panitikang nagsisilbi ring Sagisag Kultura ng ating bayan.

Ang dagli ay mga kuwentong mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin  noong panahon ng Americano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunang pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingaw sa Tagalog dahil nagpapahayag lamang ng pagsinta.

Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Español. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pag-kakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile.

Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Español. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Americano. May mga dagli na isinulat sa Español at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento. (VSA)

(Source: daglî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dagli/)

Ayon din sa makata at manunulat na si Alejandro G. Abadilla (AGA), ang mga daglî ay didaktiko o “nangangaral” o nagsesermon.

Sa Ingles, ito ay sketch, flash fiction, short short story, sudden fiction, micro fiction.

Sa Pilipinas, ang ilan sa mga kontemporanyong manunulat ay tinawag itong:

1.       kuwentong paspasan, at;

2.       kislap, na inimbentong katawagan ng makatang si Dr. Michael Coroza mula sa pinaikling kuwento sa isang iglap.

Maraming Pilipino ang mga nagsulat ng dagli. Narito ang ilang may-akda at libro, ayon sa saliksik ni Dr. Vim Nadera:

a.       Fast Food Fiction Short Short Stories To Go, 2003

b.      Roland Tolentino, Sakit sa Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis, 2005

c.       Alwin Aguirre, Semi-kalbo at iba pang kwento, 2005

d.      Eros Atalia,  Manwal ng mga Napapagal Kopi Teybol Dedbol Buk, 2006

e.      Biyaheng FX Round Trips to Pinoy Life, 2006

f.        Roland Tolentino at Aristotle J. Atienza,  Ang Dagling Tagalog 1903-1936, 2007

g.       Vicente Garcia Groyon III, Mga Kuwentong Paspasan, 2007

h.      Abdon Balde Jr., 100 Kislap, 2011

i.         Eros Atalia, Wag Lang Di Makaraos: 100 Dagli (Mga kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay), 2011

j.        Jack Alvarez, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga, 2012

k.       Eros Atalia, Taguan-Pung: Manwal ng Pagpapatiwakal, 2014

 

Ngayong araw na ito, ang ituturo ko at tatalakayin nating halimbawa ay isang imbentong anyo ng dagli. Ito ay ang COVIDagli, inimbento ni Dr. Vim Nadera, Jr. at ginawang patimpalak sa pagsulat noong Abril 2020 sa umpisa ng COVID crisis. Ito ay mayroong 19 lamang na salita.

Sumali ako sa inorganisang patimpalak ng Foundation AWIT at Rappler. I was able to submit 39 entries at isa rito ang nagwagi! Narito ang COVDagli ng isa pang nagwagi, si Glen Arenas, isang estudyante sa Taguig.

‘Tol, nagkatay ako ng baboy.

Pahingi naman nang kaunti. Pang-ulam lang.

Kung puwede nga lang. Kay misis itong alkansiya.

Sa larangan ng panitikan, puwede tayong mag-imbento ng mga anyo, gaya ng COVIDagli. Ganito ang ating isusulat at isasalang sa palihan. Binubuo lamang ito ng 19 na salita.

Magpunta na tayo sa mga halimbawang aking kinatha para talakayin ang elemento, tono at iba pa.

Elemento: Tauhan

Aruy!

 

Ate!

 

Aguy!

 

Anyare?

 

Nalaglag ako!

 

Unang araw pa naman ng klase.

 

May signal. Pero sa bubong lang kasi.

 

Sa COVIDagli na ito ay ang mga tauhan ay posibleng mag-ate, at ang ate ay estudyante na nais sumali sa mga online activity sa eskuwela sa unang araw ng klase. Posibleng tagaprobinsiya ang mga tauhan dahil sa hina ng signal.

Elemento: Tauhan

"Batchmate, 'musta na? Ngayong lockdown, WFH ka?"

"Work from home ako noon pa. Linis, luto, laba, para sa pamilya."

Ang akdang ito ang tanging entry ko na nanalo sa patimpalak na COVIDagli. Ang tauhan dito ay magka-batchmate sa eskuwela at ang isa sa kanila ay sa bahay at siyang nag-aasikaso ng domestikong mga gawain ng kanilang pamilya. Posibleng ito ay isang housewife at nanay, na laging nagtatrabaho sa bahay para sa sariling pamilya, pero wala namang natatanggap na sahod o income. This COVIDagli also  comments about the reality of unpaid domestic labor that is usually shouldered by the housewife/mother.

Elemento: Tauhan

"Till death do us part."

Sabay silang pumikit.

At bumulusok ang kinakapitan nilang kamay diretso sa tambak na hugasin.

Ang tauhan ng dagli ay maaaring hindi tao. Sa example ko na ito, ang tinutukoy kong tauhan ay mag-asawang virus na nakatuntong sa isang kamay at ang kamay ay papunta na sa lababo upang maghugas ng plato.

Elemento: Setting

Sa gate, bumaba ng van ang mga doktor.

"Ambilis naman."

"Napakaganda!"

"Maaliwalas!"

"Pa-log in po," sabi ni San Pedro.

Sa dagli na ito, ang setting ay ang gate ni San Pedro sa langit. Ni-reveal ko lamang sa dulo ang tunay na setting upang ang unang maisip ng reader, pagkabasa sa unang linya, ay field trip lamang ito ng mga doktor sa isang lugar na maganda. Pero ang totoo, sila pala ay mga pumanaw na at ina-admit na sa langit. Tungkol ito sa sabay-sabay at sunod-sunod na kamatayan ng mga doktor at iba pang frontliner sa ospital. Dahil sa COVID virus.

Elemento: Dialogue

“Sa rapid test?”

 

“Negatib.”

 

“Swab test?”

 

“Pasitib. Ba’t po magkaiba ang resulta?”

 

Walang maisagot ang doktor sa bagong pasyente.

 

Sa dagli ay puwedeng gumamit ng dialogue upang magpadaloy ng kuwento. Sa halimbawa ay makikita ang dialogue ng doktor at ng bagong pasyente sa mga COVID test result na di nagtutugma.

Elemento: Banghay

Nawawala ang ilang doktor at siyentipiko.

Dahil ang natunton nilang puno't dulo ay hindi palengke kundi isa ring laboratoryo.

Gaya rin ng maikling kuwento at nobela, kailangang may banghay ang dagli. Sa halimbawa, dalawang pangungusap lamang ito pero naikuwento ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari:

a.       Nagtatrabaho ang ilang doktor at siyentipiko

b.      At natunton nila ang puno’t dulo ng sakit na kanilang iniimbestigahan

c.       Nagulat sila dahil hindi pala totoong sa palengke ito nagmula (may reference sa balitang sa mga ibinebentang paniki sa palengke ng Wuhan, China)

d.      Ito pala ay nagmula sa laboratoryo, na ibig sabihin ay man-made.

e.      At biglang nawala ang mga doktor at siyentipiko nang matuklasan nila ito.

Elemento- Conflict

"Ayin, lumabas ka't bumili ng suka."

"'La, bawal na raw ang bata."

"Punyeta! Pa'no na? Bawal din ang matanda!"

Importante ang conflict. Madalas, kapag walang conflict, wala ring kuwenta ang isang kuwento. Sa halimbawa, makikita na ang conflict ay human versus law. Nangangamba dahil hindi makalabas upang makabili ng mga batayang pangangailagan si Ayin at ang kanyang lolang senior citizen, bigla kasing nagkaroon ng batas na: Bawal lumabas, bawal lumabas!

Bukod sa elemento, magbabahagi pa ako ng ilang sangkap at teknik.

Anyo- Listahan

Sa modules, ito ang ginawa ni Teacher 1:

 

Sulat-sulat.

 

Edit-edit.

 

Proofread-proofread.

 

Submit-submit.

 

Pagka-print, si Master Teacher ang nasa credit.

 

Puwedeng gumamit ng iba’t ibang anyo para ilahad ang dagli. Sa halimbawa kong ito, gumamit ako ng listahan. Nilista ko ang mga hakbang na pinagdadaanan ng isang module habang ito ay ginagawa.

Anyo-advertisement

Wanted: Bakuna Kontra-COVID

Pabuya: 10 M sa makakaimbento.

Para sa mga karagdagang detalye, tumawag na agad sa PNP Hotline.

Sa halimbawang ito ay ginamit ko naman ang anyo ng advertisement para ilahad ang pabuya ng gobyerno sa sinumang makakatuklas ng bakuna kontra sa COVID.

Tono-Nagpapatawa

"Nag-ikot-ikot ako sa buong Pilipinas bago ako nanganak. Kaya baby Luzviminda po, Dok."

 

"Kayo naman, Misis."

 

"Baby Checkpoint po."

 

Hindi naman kailangang seryoso lagi ang tono ng dagli. Puwede ring magpatawa. Sa halimbawa ay ginawa kong biro ang limitasyon sa paglalakbay ng mga mamamayan dahil sa mga checkpoint at lockdowns. Noon ay malaya tayong nakakarating sa Luzon, Visayas at Mindanao (Luzviminda). Ngayon ay hanggang checkpoint na lamang tayo.

Tono-Balintuna

Salamat sa mamisong sitsirya.

 

Pinakamurang ulam, walang sinabi ang karinderya.

 

Bawat araw, isa.

 

Iwas-utang hangga't may barya sa bulsa.

 

Isa sa pinakamahirap ipaliwanag ang tonong balintuna. Sa halimbawa ko, makikita na nagpapasalamat pa ang persona sa mamisong sitsirya dahil hindi lamang ito sitsirya kundi ulam na rin! Ito ay ikinumpara pa niya sa mga pagkain sa karinderya (na kung tutuusin ay murang-mura na rin) at nagmamalaki pa siya na parang may premyong taglay dahil pinakamura (sa lahat ng ulam) ang kanyang pagkain. Ang tono ay masaya at nagpapasalamat, ngunit kalunos-lunos at sagad sa kagipitan ang sitwasyon ng persona. Ito ay isang balintuna.

Tayutay- Personipikasyon

"Mag-iisang linggo."

"Ikaw naman?"

"Dalawa. Nakapasok na kapanabayan ko. Nasinghot."

Panatag silang naglibot sa face mask ng isang basurero.

Sa dagli, maaaring gumamit ng tayutay na kadalasang ginagamit lamang sa tula. Sa halimbawa, nag-aasal-tao ang mga virus na nasa face mask ng isang basurero. Nagkukumustahan sila, nagkukuwentuhan at namamasyal, parang karaniwang tao lamang. Ito ay personipikasyon.

Alam ng bayan

Panay ang selfie ng janitor sa piling ng malalaking paruparo.

Siya ay natigilan, at payukong lumabas ng doctors' lounge.

 

Dahil masyadong maikli ang dagli, kailangan ding gamitin bilang puhunan ang kaalamang-bayan at ang mga bagay na karaniwan nang batid ng taumbayan. Halimbawa niyan ay ang mga pamahiin. Sa halimbawa, ginamit ko ang paruparo upang maging simbolo ng kaluluwa ng mga namayapang doktor na bumisita at nakipag-selfie sa janitor.

Alam ng bayan

 

Nag-umpisang biro ang lahat.

 

Kaya mabaliw-baliw sila sa laboratoryo nang mawala ang sipon ng dagang nilulong nila sa methamphetamine.

 

Hindi lang pamahiin ang alam ng bayan. Isa pang halimbawa ng alam ng bayan ay ang current events. Dito sa huli nating dagli, itinatanghal ko ang methamphetamine (scientific name ng shabu) bilang gamot sa COVID. Alam ng lahat na ang kasalukuyang pamahalaan ay napakatindi sa drug war. Galit at gigil sa droga. Kinikiliti ko ang imahinasyon ng mambabasa by asking ‘what if shabu ang gamot sa COVID? Ano ang gagawin ng presidente?’

Dito po nagtatapos ang aking mga halimbawa. Natalakay po natin ang sumusunod:

a. Kahulugan at maikling kasaysayan

b. mga manunulat at libro ng dagli sa Pilipinas

c. COVIDagli

d. Mga halimbawa at elemento

e. Anyo, Tono, Teknik at iba pa

 

Kayo po ay aatasan nang magsulat ng sariling COVIDagli at isasalang natin ang mga ito sa palihan.

Maraming salamat.

Kung may tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com. Puntahan ang aking 12 year-old blog, ang www.babe-ang.blogspot.com for some writing tips.

 

 

 

Ang dapat na itinuturo sa reading at writing classes

 Para sa akin, ang dapat ituro sa reading at writing classes ay hindi lamang who's who ng panitik o what's what ng mundo ng malikhaing pagsulat. 


Dapat ang main na itinuturo ay kung paanong kumatas ng kabuluhan. At kung paanong magtapon ng basura. In short, skill. Skill ang main lesson. 


Hindi natin kontrolado ang binabasa at pinapanood ng estudyante. 


Pero kung tuturuan natin siya kung paanong salain ang mga bagay na kapaki-pakinabang para sa kanyang sitwasyon at itapon ang pinagsalaan ng katas, anuman ang iharap sa kanyang babasahin o viewing material, matalino niyang dadanasin ito. 


This way, makakampante tayo. Na yumayabong ang utak at puso ng ating estudyante mababad man siya sa karaniwan at pangmasang materyal.

Tuesday, April 27, 2021

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops, hindi ako naniniwala na dapat maging batayan ang husay at ganda ng mga librong binabasa ng isang aplikante. 


May issue ng accessibility. Sino ba ang may access sa mahuhusay at magagandang libro? At gawin nating mas basic: sino ang may access sa mga libro? Pag ito ang pinairal, marami ang maliligwak. 


Para sa akin, kombinasyon ang dapat gawing batayan: 


1. ang kakayahan ng manunulat na makapagpasok ng something new sa kanyang panulat, at


2. background


Number 1 ay  dahil sa tingin ko, dapat may bago siyang maihahain sa kapwa niya fellows. Ito ang isa sa mga ambag niya. Posibleng innovation sa wika, teknik at estilo sa pagsulat, paksa, impormasyon, proseso ng pagsulat, at iba pa.


Number 2 ay dahil sa tingin ko, kapag magkakaiba ang background ng mga fellow, mas marami silang matututuhan sa isa't isa. Posibleng magkakaiba sila ng edad, relihiyon, trabaho o okupasyon, gender (yes, huwag puro lalaki), civil status (single, may asawa, hiwalay, separada, balo, complicated, etc.), rehiyon, wika, kakayahan sa buhay. Dito mamumulat ang fellows na ang mga akda ay nagmumula sa ganito ka-diverse na uri ng tao. Na siya ring magiging mambabasa ng kanilang akda.


Noong maging fellow ako sa UP Writers Workshop, ang unang workshop na nasalihan ko, tula ang aking ipinasa. Ang mga tula ko ay nakabatay sa kanta at tulang bayan gaya ng Doon po sa Amin at Inday, Inday sa Balitaw. 


Ilang araw bago umakyat ng Baguio kung saan gaganapin ang workshop, nakasalubong ko sa departamento ng Filipino sa UP si Sir Vim (na guro ko) at si Sir Rio. Iyon ang unang pagkakataon na nakilala ko siya. Hindi pa siya national artist noon. Ipinakilala ako ni Sir Vim. Tanong ni Sir Rio sa akin, ikaw pala ang sumulat ng mga tulang iyon! Sino ang binabasa mo? Natameme ako. Sino? Sino raw? Aba, malay ko. E, sino nga ba ang sumulat ng mga kanta at tulang-bayan na aking binabasa noon sa mga children's book sa Educ Library? Sino nga ba ang sumulat ng mga akdang ginawa kong batayan ng aking mga tula? Tanong uli ni Sir Rio nang hindi ako makaimik, binabasa mo ba si Teo Antonio? Si ano, si ano? May dalawa pa siyang binanggit, kaso di ko na maalala ang pangalan. Sir, hindi po. Hindi rin po. Iyon lamang ang mga nasabi ko. Napangiti si Sir, pero kitang-kitang nadismaya siya sa mga sagot ko. Nakadama ako ng pagkapahiya. 


That was 19 years ago.


Napaisip tuloy ako kung sino nga ba ang mga binabasa ko mula nang ako ay bata pa. Gosh, wala akong matandaan kundi si Xerex. Ito ang aking reading history: novena, mga Penthouse ng tatay ko (nakatago sa ilalim ng damitan kundi ba naman tanga, e di naabot ng mga bata?), Abante tabloid, Xerex (!), mga foreign pocketbook ng tatay ko, textbooks, Lakbay-Diwa sa Tempo, mga tula sa yearbook ng pinsan kong Chinese, Sweet Valley Twins, Nancy Drew, tiglilimang piso na nobeleta, Tagalog romance pocketbooks (Tagalog pa ang tawag diyan noon), Funny komiks, Hiwaga komiks at iba pang Tagalog komiks. Sa kolehiyo, puro required readings na kami. Mas lalo akong walang natandaan, ganon yata ano, kapag required?


Ngayon, ngayong matanda na ako at beterana na ng mga palihan, napagtanto ko na hindi kakulangan ng isang workshop fellow o ng isang writer kung hindi siya nakakabasa ng mahuhusay na manunulat o libro. Ganon talaga. 


Marami nga kasing dahilan: accessibility sa mga libro, availability ng mga libro, panahon para makapagsaliksik o maghanap ng mahuhusay, limitadong exposure sa tahanan man o eskuwela (would you believe, never kong na-encounter si Nick Joaquin sa kurso ko? Wala akong teacher na itinuro si NJ at ang kanyang  mga akda.), at iba pa.


At sa pagiging manunulat, totoong importante ang pagbabasa. Ng mahuhusay na manunulat at akda. Maraming matututuhan diyan. Estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap. 


Pero marami ding matututuhan sa tunay na buhay. 


Ang pagsusulat ay hindi lang tungkol sa estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap.


Tungkol din ito sa pagbabahagi ng mga natututuhan sa buhay. Therefore, tungkol din ito sa kakayahan ng tao na makatas ang kabuluhan mula sa bawat niyang danas, at ang maibahagi ito gamit lamang ang mga titik. 


Kaya importante sa akin ang background. Dahil kapag diversity ang goal sa pagpili ng writing fellows, mas even o mas patas ang playing field. Pantay-pantay lang sila, dahil magkakaiba sila. Magkakaiba sila ng karanasan. Pagalingan na lamang maglahad nito.

Sigh-long

Nami-miss ko ang bahay sa Kamias.

Mas madaling puntahan ng mga kaibigan.
Ang dami ring pinatuloy ng bahay na iyon.
Ang ka-batch ko sa unang UP Writers Workshop na nasalihan ko, si Amibel. Ngayon ay lawyer na si Amibel.
Si Vivian na assistant ni Amibel, ngayon ay nasa Norte si Vivian, happily married na.
Si
Wasi
na kaklase ko sa ilang writing subject noong college, ngayon writer na sa GMA 7.
Ang mga taga-LIRA. Minsan pa kaming nakapag-workshop doon. At bisita namin si Sir Rio.
Batch ko sa LIRA, si Ronald at ang jowa niyang high school bff ko na si Eris, sina Wasi, Dai, Beng, Tabby at Nikka.
Ang mga nagli-LIRA noon na sina Rem, taga- Batangas, Rey na taga-Lolomboy, Dagupan, at Ka Pilo na taga-Alitagtag. Sa girls ay sina Alev na taga-Infanta, Pangasinan, at si Guia na taga-Laguna.
Ang officers na sina Tata, En, Mao, Pam, nang gawin namin ang By Laws ng LIRA overnight.
Minsang din na nagdiwang doon ng kaarawan ang LIRA na si James sa pangunguna ng batchmates at kaibigan niyang sina Ina, Phillip, Debbie at iba pa.
Ang Hilakboters na sina Wennie, Rita, Haidee, Mar at Jing. Nakalikha kami ng limang libro kaka-workshop sa bahay na iyon. Overnight-an. Latagan lang ng banig, laban na. Nagmu-movie marathon pa kami, saka cook off, iyong pagalingan magluto. Siyempre, tagakain lang ako, hahaha.
Tuwing birthday ni Ej, sa bahay kami nagse-celebrate. Kahit bumabagyo, tuloy. Naalala ko pa nang mag-brownout habang kumakain ang mga bisita. Minsan, kasama ang nanay ko, mga kapatid at pamangkin. Minsan, kasama ang mga kaklase ni Ej. Dinadayo kami ng mga kaibigan ko, tulad nina Claire Agbayani kasama ang anak niyang si Gide at Claire Madarang.
Dumadalaw din doon sina Adam, Chingbee, Ken at Anna, noong baby pa sina Dagat at Ayin.
Nang mga nakaraang taon ay ang mga taga-PRPB naman. Sina Kuya Doni, Jayson Vega at Jayson Fajardo, Ronie, Clare, Ella, mag-asawang Azee at Juan, Ingrid, Po, Berto, Jhive,
Ma Erika
at marami pang iba. PRPB members ang nagbalot ng puting papel sa mga libro na ginawa naming mga table centerpiece para sa wedding namin ni Poy. Sa bahay namin lahat ito ginawa. Para kaming pabrika. I think more than 500 books ang binalot nang maghapon at magdamag na iyon. Sa dami ay kinailangan naming magrenta ng hiwalay na sasakyan para lamang madala ang books sa venue ng reception. Mabuti at katuwang namin ang PRPB sa pagbabalot. Kung hindi, walang dekorasyon ang aming mga mesa noong kasal. Nakapag-birthday din sa bahay ang isang PRPB member, si Biena. Sa Kamias din kami nagki-Christmas party at nagbu-book discussion, kapag wala kaming makuhang venue at malapit na ang book event. Nakasama namin sa aming bahay sina Noringai, Lourd (na taga kabilang kanto lang kasi), Mam Felice, at Carlo Vergara.
Naka-meeting ko roon ang writers na sina Orly, Nash, Phillip, Arvin. Madalas kong niyayaya na lang ang ka-meeting ko sa bahay kaysa magresto o coffee shop. Para mas tipid. Saka one to sawa ang oras.
Nakapag-hold din ng meetings sa bahay na ito ang Freelance Writers Guild of the Philippines at ang Gantala Press.
Nag-iimbita rin ako ng students na gustong mag-interbyu. Dalawa rito ang MA students na sina
Palmera Alvarez-Isles
at
Mayluck Malaga
ng PUP. Naalala ko, nagpangakuan pa kami ni Mayluck na iti-treat ang isa't isa ng baldeng spaghetti pag natapos ang MA. Nagpi-PhD na ngayon si Mayluck hahaha! Ako, di na nakausad. Hay.
Minsan na ring nag-meet doon ang mga kaklase ko noong high school.
Kayrami ko pang di nabanggit. Wala, matanda na ako't maraming nalilimutan.
Sana, naaalala nilang lahat ang bahay. Gaya ng pag-alaala ko rito ngayon: may sigh-long. Pinaghalong saya at lungkot.

Thursday, April 22, 2021

Pagiging Nanay at Empleyado sa panahon ng krisis

Questions by Hazel Crizaldo, isang writer mother na kapitbahay ko dito sa Habay 1, Bacoor, Cavite. 

Siya ay nagma-masters at part ng paper niya ang pag-iinterbyu ng mga nanay at ang kanilang work from home or management ng business set up.

 These are my answers to her questions:

1.     1.  What is your daily plan for managing your business/work and for taking care of your child/ren?

Iba-iba. Walang daily plan, at all. Very flexible siya. Kung may meeting ako sa trabaho, I attend. Ang trabaho ko ay iba-iba rin ang oras. Kapag coordination at pakikipag-usap sa mga tagaopisina, I make sure na daylight until around 7 or 8pm ang aking messages and calls. Pero kung writing, reading and editing which are the bulk of my work, kahit anong oras ito sa araw o gabi o madaling-araw, basta maihabol sa deadline ang output ko, tinatrabaho ko. Ang pag-aalaga ko sa mga anak ay ganito rin ka-erratic. Mas nakakapag-alaga ako o nakakapaglaro with kids kapag tapos na ang event or publication namin. Pero usually before and during the event and preparation for the publication, sobrang wala akong oras sa mga bata.

2. What are your strategies for multitasking for your home business/work and for taking care of your child/ren?

Ang strategies ko sa office ay nagde-delegate ako. I act fast, I determine kung kaninong staff dapat ibigay ang isang task, para magawa ito agad. We have a group chat where they can easily be messaged.  Sa bahay, ang husband ko ang siyang pinaka-caregiver ng dalawa naming pre-school na anak. Ang isa sa mga ito ay autistic na bata, si Dagat, 5 years old. Husband sits with Dagat in all his therapy sessions. Wala kasi akong tiyaga rito. Hahalili lang ako kapag may sakit si husband o kaya hindi talaga kaya ng iskedyul niya. A bit of info about husband: he does the major and bulk of work for our small independent press. And the work comes in erratic manner din. Kumbaga, depende rin sa deadline ang buhos ng trabaho.

Ang strategy naming mag-asawa ay vocal kami sa isa’t isa kung gaano ka-erratic ang iskedyul ng trabaho namin. Kumbaga, ine-expect na namin ang minsan, walang trabaho, minsan, dagsa ang trabaho. Kaya wala nang gulatan, walang sumbatan, walang away, natatapos ang kailangang gawin.

Masuwerte rin kami, mayroon kaming mga katuwang sa bahay.

1.       Mayroon kaming ateng kasambahay na stay out, si Ate Mary Ann. All around siya at tagabantay ng kids kapag nagkakasabay kami ni husband ng buhos ng trabaho at meetings. She works from 9am to 7pm, Mondays to Saturdays. She receives P6,500 per month, with 13th month pay and Christmas bonus every end of the year.

 

2.       May isa pa kaming katuwang, ang aking sister in law na si Rianne. Dentista siya, kaya per appointment ang dating ng kanyang trabaho, at kadalasan ay weekends ito. Kaya siya rin ay dagdag na mata sa pagbabantay sa mga bata.

 

3.       Invisible din naming katuwang ang biyenan kong si Muma. Si Muma ang nagbibigay ng pera naming pang-grocery. Malaking tipid ito. Dahil kadalasang sapat lang ang sahod ko sa bills namin,  therapies ni Dagat at pasahod kay Ate, paano kaya kung wala kaming libreng groceries? At ang bahay na tinitirhan namin ay kay Muma. Wala kaming gastos sa renta.

Napakalaking bagay ng support system na ito sa akin bilang isang nanay na nagtatrabaho. Madalas na nakakatulong ito para makapag-focus ako sa aking mga kailangang gawin at tapusin. Pagdating naman sa pera, malaking tulong ang support system dahil malaya akong nakakapili ng uri ng trabaho na gusto ko at kaya ng aking konsensiya. Kung financially ay dahop na dahop kami, baka kailanganin kong iwan ang aking passion (ang panitikan, ang sining at ang kultura) para maghanap ng trabahong mas malaki ang kita.

Strategy ba ito? I think it is. But not solely mine. It is a family strategy. Para makagampan kami ng maraming role (empleyado, nanay, asawa, may-ari ng maliit na negosyo, tao na may advocacy),suportahan, tulong-tulong kami.

4.       What are your remedies when the daily schedule is not followed in business/work or when the child/ren is/are not cooperating?

Unpredictable ang aming daily schedule. Sa pagkain, may mga araw na nade-delay ang tanghalian at hapunan ng mga bata. Lalo na kapag wala si Ate Mary Ann! Kasi di talaga ako nakakapagluto. Init-init lang ng kanin at ulam. Pero, ok lang iyon. Maliit na bagay ito sa amin. Minsan din, umaga nakakaligo ang mga bata, minsan, hapon na. Ok lang din. Ibig sabihin, ang remedyo namin dito ay flexibility sa bawat araw.

Pero mayroon ding exceptions.

Ang non-negotiable ay therapy sessions ni  Dagat. Nagagalit talaga ang husband ko kapag hindi cooperative si Dagat o kaya ay magulo ang bunso namin na si Ayin, at di maka-concentrate si Dagat dahil dito. Mahal kasi ang therapy, P500 to P800 per hour, kaya sinusulit talaga ni husband ang bawat minuto kapag nag-umpisa na ang session. Ang remedyo namin dito, kung may nakaiskedyul akong trabaho, iniiwan ko muna. Ine-entertain ko si Ayin. Ilalabas ko siya ng bahay, magdidilig kami ng halaman. Maglalakad-lakad kami. Si Ayin din, madalas naman na kapag may therapy si Dagat, nauunawaan niyang kailangan niyang lumayo muna sa kuya.

But I seldom miss meetings at work. Kaya kapag nagsabay ang therapy sessions at work meetings ko, ang remedyo namin: Ate Mary Ann and Rianne take over.

Isa pang remedyo namin ay advanced thinking: kapag may malaki akong event tulad ng book launch or online literary event, hindi nag-iiskedyul ng therapy sessions ni Dagat ang aking husband on the same day. Dahil pati si husband, minsan, ay hinihingian ko ng tulong for emergency cases.

4. What are your tips in handling business at home/work and rearing children at the same time?

a. demand cooperation from your husband, family members and the rest of your household. Pati sa mga anak! Hindi puwedeng nanay lang ang gagawa ng lahat. Hindi puwedeng nanay lang ang magsasakripisyo. Ang pagme-maintain ng tahanan ay teamwork. Bawat isa, pati anak, kahit gaano pa kaliit iyan, may ambag dapat.

b. tanggapin ang tulong at suporta ng iba. Dati ay nahihiya ako kay Rianne. Ngayon, hindi na. Dahil bonding moments din nilang magtita ang pagbabantay niya sa aming mga anak. Dati rin ay nahihiya ako kay Muma dahil pamilyado na kami, pero tumatanggap pa rin kami ng financial support mula sa kanya. Pero naisip ko, hindi naman kami nagbibisyo. Hindi namin winawaldas ang perang natatanggap namin mula sa kanya o sa aming mga trabaho. Ang anumang natitipid namin na pera ay iniipon namin, at mayroon din kaming investments, gaya ng insurance at stock market shares. Iniisip ko na lang na, gusto ring makatulong ni Muma hindi lamang sa pag-survive namin sa araw-araw kundi pati na rin sa paghahanda para sa kinabukasan ng aming pamilya.

c. mag-develop ng strategies na angkop sa sariling pamilya. Magkakaiba ang pamilya kaya posibleng mag-fail ang strategies ng iba kapag inilapat mo ito sa iyong pamilya. Ang importante, open ka sa idea na may failures. Kung hindi gumana, e di mag-isip ng bago at subukan agad ito. Try and try lang. Ang dami rin naming naging experiment noon. Halimbawa ay mag-asawa kaming freelancer. Pareho kaming walang regular na sahod. Nabigo kami dahil kahit anong sipag namin sa pagtanggap ng mga raket ay di humihigit sa P20,000 sa isang buwan ang aming combined na income. Ang renta namin noon sa aming apartment ay… P9,500 per month! Sinubukan din namin ang walang kasambahay para makatipid. Laging mainit ang ulo ni husband sa dami ng kailangang gawin sa bahay, at sa sobrang pagod sa mga bata. Napag-initan ko rin ang aking panganay na anak, na kaga-graduate lamang noon sa college. Sa galit ko sa hindi niya pagkilos sa bahay ay pinalayas ko siya. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso sa pagtuklas kung ano ang strategies na aangkop sa aming pamilya. It was a bumpy ride, ano?

d. ngumiti at magtawa. Ang automatic kong reaction sa malungkot at ridiculous na mga pangyayari ay ngumiti o magtawa. Hindi ko alam kung bakit. Laki ako sa hirap. Nakatulong siguro ito para magkaroon ako ng mind set na… wala nang lalala pa sa aking nakaraan. Kaya anumang problema itong kaharap ko ngayon, malalampasan ko ito. Kaya ko ito.

So, ang huli kong tip ay anumang hirap ang naranasan, nararanasan o mararanasan mo bilang nanay, just smile and laugh. Kaya mo iyan.

Monday, April 12, 2021

Rescue Me!

 Mahilig akong mamulot ng itinapon na.

Dito sa San Rafael, andami ko nang na-rescue na gamit:
Shelf- natagpuan ko ito sa labas ng isang nire-renovate na bahay. Pangit siya, brown, may bahaging lungayngay at ang likod ay halos mabaklas na. Hiningi ko ito sa construction worker na kakilala ko dahil sidecar driver talaga siya sa tunay na buhay, at suki ako. Katabi ng shelf ay isang sofa set (isang 3-seater at dalawang 1-seater). Pinamimigay din iyon. Gusto ko rin hingin kaya lang ay wala namang mapaglalagyan sa amin.
Pininturahan ni papa p. ng puti ang shelf. Pininturahan niya ng lila ang gilid. Tinanggal din namin ang bahaging nakalungayngay. Ang likod ay hindi na namin ginalaw. Kako, isandal na lang sa pader o dingding. It worked. Siya ngayon ang children's book corner nina Dagat at Ayin.
Drawer- nakita ko rin ito sa tapat ng isang bahay. Katabi ng mga basura. Siguro ay naghihintay na lang ito ng dadaan na basurero. Puti. Kinabukasan, nang nandoon pa ito pag daan ko ay kinuha ko na. Tapos ginoogle ko kung ano ang puwedeng gawin dito. Puwede rin pala itong gawing shelf. So, hinugasan ko ito, pinatuyo at ipinatong sa shelf ng children's book corner.
Mas maliit na shelf- mahaba at mababa, gawa sa kahoy, walang likod. Nakita ko ito sa tapat ng isang garahe sa kabilang kalsada. Ka-parallel namin. Tabi ng garahe ay tindahan na madalas kong bilhan last year dahil sila lang ang laging bukas during that time. Isang matandang lalaki ang nagwawalis. Tinanong ko kung itatapon na ba iyon. Oo at bakit daw. Sabi ko ay hingiin ko na lang po. Oo raw. Sabi ko, sa inyo po ba ito? Sabi niya, hindi, pero itinapon na iyan ng kapitbahay, at kagawad ako rito. Hahaha, di ko alam kung bakit sinabi pa niya na kagawad siya, pero baka nagpapakita sa akin ng authority over the kalye and the basura on that kalye. Tumawag ako ng side car at iniuwi na ang mas maliit na shelf.
Pinunasan ko ito at after some months ay nagpasyang dikitan ng mga papel gamit ang glue. Para magmukhang malinis. Pagkaraan uli nang ilang buwan, dinikitan ito ni papa p ng wall paper. Ang ganda na niya. Ginawa namin siyang patungan ng halaman sa may balkon.
Water tank na bahagi ng toilet bowl- nakita ko ito sa gilid ng isang bahay, pero sa ibang subdivision, nasa tabi ng gomang basurahan. May kasama rin itong lababo. Buong buo ang dalawa. Kumatok ako sa bahay at nagtanong kung itatapon na iyon. Oo raw, sabi ng isang binatang nakahubad pa nang humarap sa akin. Kita utong, my gas. Thank you, ha,sabi ko. You made my day, kako pa. Hahalikan kita, este babalikan kita, kuha lang ako ng sidecar. Naiwan siyang natulala. Siguro sa isip-isip niya, may babaeng interesado sa basura namin? Nagtawag ako ng side car, at naiuwi ko ang binata, este, ang water tank at lababo. Nilinis ko ang mga ito sa garahe ng kapitbahay namin. Ang lababo at water tank ay dinala ko sa likod ng bahay at tinaniman ng halaman. Ang takip ay dinala ko sa balkon at pinatungan din ng maliliit na halaman.
Mesa-nakita ko ito sa gilid ng bahay na sira-sira. Walang nakatira doon at madalas tambakan ng basura. Pangit ang ibabaw ng mesa, pero maganda pa ang frame, lalo na ang mga paa nito. Nagtawag uli ako ng sidecar at iniuwi ang mesa. Pinatungan namin ng luma at mumurahin na shower curtain ang mesa, para kahit mabasa ay ok lang. Inilagay ko ito sa gitna ng garden ng kapitbahay. It did not work. Masyado itong malaki at dominating, kulay puti kasi ang shower curtain. Matagal itong natambak sa may entrada ng main door ng kapitbahay (hindi ito ang ginagamit ng kapitbahay, sa backdoor siya lagi, mas maliit kasi, madaling buksan at isara). Walang mapaglagyan sa mesa.
Isang araw ay binalutan ni papa p ang ibabaw nito ng magandang wall paper. Kahit laminated wood na marupok at pangit na ay biglang gumanda. Ipinasok ko ito sa room ni EJ, na siyang working space ko ngayon, at pinagpatungan ng kung ano-anong magaan: unan, papel, pambura, make up kit na walang make up, sirang laptop, etc. Gusto ko sanang gawing upuan ang mesa na ito. Kasi puwede siyang upuan, sa lapad niya at haba. Mayroon kaming retasong mga kahoy para dito. Kaya nang dumating ang suki naming karpintero, isa nga ito sa ipina-line up ko. Kako ay gawing matibay ang ibabaw, para magamit nang tuluyan. Ngayon ay isa na siyang matibay na mesa, at puwedeng maging upuan someday.
Basag na mga paso- 1. Isang malaki, nahanap ko sa Kenmore, kabilang subdivision. Nasa tapat din ito ng garahe ng isang bahay, open to all ang garahe. Walang bakod. 2. Katabi ng paso ay isang vase na mga 1.5 feet at isang mug na basag din ang tenga. Hiningi ko ang mga ito, at ibinigay ng lalaking mukhang kagigising lang nang umagang napadpad ako doon. Sori nemen, pero 9 am na iyon. Ang ginawa ko sa 1 ay taniman ng petunia. Ipinuwesto ko ito sa likod at ang basag na bahagi ng paso ay iniharap ko sa pader. Ang ginawa ko sa number 2 ay itinaob ko, at tinusok sa lupa ang basag na bahagi, at pinatungan ng dish garden ang base nito. 3. Ang isang paso na ni-rescue ko ay hati sa dalawa. Natagpuan ko ito sa tapat ng aming katabing bahay. Itinaob ko at itinusok din sa lupa ang bahaging basag, at ang puwet na flat ay pinatungan ko rin ng dish garden. Nakapuwesto ito ngayon sa harapan ng aming katabing bahay. At ang ibabaw na kalahati ng paso number 3, lusot-lusotan ito, butas sa ibabaw, butas din ang ilalim, ay ginamit ko sa papausbong naming aratilis. Ipinasok ko sa mga butas ang usbong ng aratilis. Nasa loob ito ng bakuran ng kapitbahay namin, malapit sa gripo.
Dekorasyon, hugis-pinto, kahoy at one foot ang laki at lapad- ito ang aking latest find. Nasa ibabaw ito ng basurang nakalagay sa isang malaking karton. Nasaan ang karton? Kahanay ng bahay na pinagmulan ng mababa na shelf. Hapon iyon na naghahanap kami ng hopia. Unang daan at pagkakita ko doon ay kinuha ko na. Feeling ko, nagde-declutter ang may-ari ng bahay. Gandang-ganda ako kasi exotic ang dating, parang galing sa India. Sayang naman at bakit kaya itinapon? Pinalinis ko ito kay papa p. Then after a few days ay ipinatong ko ito sa isang hollow block sa may hardin ni Ayin. Noong Easter Sunday, naglagay ako ng itlog sa loob nito. At noon namin natuklasan, nang buksan ni Dagat ang dalawang pinto, nahulog ang isa! Ayun pala, kaya itinapon na. Sira ang isang pinto. Anyway, ibinalik lang namin ang pinto at perfect na uli for the garden. Hindi halatang sira kung hindi ito kakalikutin.
Ngayon, may nakita na naman akong mesa, sa may daan papuntang phase 2 ng San Rafael. May nakita rin akong dalawang gulong, kaldero, water tank, at 2- seater na sofa. Lahat iyan, marumi at sira. Pero, sayang na sayang, kung di mabibigyan ng ikalawang buhay.

Saturday, April 10, 2021

Mam Bambi

 52nd batch kami ng UP National Writers Workshop.

Unang kita ko pa lang sa picture na ito ay natawa na ako. Kinunan ito noong "graduation," huling gabi ng dalawang linggong palihan na ginanap sa Baguio. Mag-organize daw kami (workshop fellows) ng presentation para sa lahat.
Wala naman talaga kaming presentation. Nag-host lang kami ng special awards night para sa mga panelist at organizer. Puro kalokohan. Halimbawa: Kuya Eddie award, na napunta kay Sir Butch Dalisay dahil sa napakaganda nitong boses, malalim, malamig, kalmado. Mesmerized kami sa tuwing magbibigay siya ng komento sa mga akda namin. Ang premyo niya ay malaking bote ng liquid bubbles na hugis mikropono.
Sa picture na ito, ang may hawak ng banner namin ay ang manunulat ng prosa na si Ms. Bambi Harper.
Alta si Mam, kilay pa lang, naghuhumiyaw na ng "i can buy you, your friends, and the entire Camp John Hay" statement.
E, kaming mga slapsoil, siyempre, nahihiya kaming bigyan siya ng kahit na anong role sa napaka-slapstick, Vice Ganda level naming program. Pero gustong sumali ni Mam Bambi sa presentation. Sabi namin, ok sige po. Surprise po kayo. Sa pagtatapos ng programa, bigla siyang susulpot sa gitna ng stage hawak-hawak ang aming banner.
Okay, sabi ni Mam Bambi.
Nangyari naman ang lahat, ayon sa plano. Tawanan buong gabi, dahil sa mga award-award na ginagawad namin sa aming mga idolo.
So, ending na. Eto, pasok, lakad si Mam Bambi. Nagulat ang audience, aba, sumama sa kalokohan ang mahal naming Mam Bambi Harper. Pagsasanib-puwersa ng alta at masa. Ganern.
Pang-Miss Universe ang kanyang walk, taas-noo, taas -kamay, dahil ilaladlad niya mula sa ibabaw ng kanyang ulo ang napakahaba naming banner. Gawa iyon sa pinagdugtong-dugtong na bond paper.
Pagdating sa gitna, all eyes on her, iniladlad ni Mam Bambi sa audience ang banner ng aming batch, B-52.
Pero baliktad ang banner!
Una ang 2, dulo ang B.
Takang-taka pa siya, nang sumabog kami sa katatawa.
May be an image of 20 people, including Emmanuel Quintos Velasco, Gabriela Lee, Wennie Fajilan, Joey Baquiran, Beverly Wico Siy, Charlson Ong, Ralph Semino Galán and Awit Nadera, people standing and people sitting

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...