hi, what's up? musta ka? kaya pa ba? sana kaya pa. napakapamilyar ng damdamin na ito. pabalik-balik lang pala talaga. di mo matatakasan. akala ko dati, nauubos ito. akala ko dati, napapalitan ng saya kapag ok kang uri ng tao, kapag nagkaanak ka, kapag may achievements ka, kapag nakapag-asawa ka at maayos naman iyong tao na napangasawa mo, kapag nagagawa mo ang mga bagay na gusto mo, nakakain mo ang mga pagkain na di mo naman nakakain at nabibili noon.
akala ko.
andami kong akala. sobra yata akong naive sa buhay.
realizations ko lately:
1. kahit pala kumakayod ka nang todo at nag-umpisa kang kumayod noong bata ka pa, kahit pala megatipid ka ever since, kahit nag-iipon ka sa pinakakaya mong halaga, posibleng mahirap ka pa rin in the end. guminhawa lang nang konti ang buhay mo, pero physically and emotionally and mentally, exhausting pa rin ang bawat araw mo ngayong magkukuwarenta ka na.
2. kahit pala nakapagpa-college graduate ka na ng anak, posibleng iwan ka nito at wala siyang pakialam kung paano ka mabubuhay araw-araw.
ano kaya ang feeling ng nanay ko noong bumukod ako at kinuha ang anak ko na pinalaki niya nang ilang buwan at mga dalawang taon? ano ba tawag dito, karma? kaloka.
3. napaka-wasteful ng uri ng pamumuhay natin. wala tayong pakialam sa basura na kaya nating i-generate araw-araw. bili tayo nang bili. wala tayong pakialam sa mga itinatapon natin habang kayraming nagugutom. tipong you can't save them all from hunger. so, just lead a wasteful life. wag na silang masyadong isipin at made-depress ka lang.
may isang post-event akong nadaluhan kung saan itinapon ng waiter ang sobrang pagkain dahil wala nang kakain at pagod na sila, silang mga waiter, maghapon silang nagsilbi, at dahil walang lalagyan, walang mapagbigyan at gusto na nilang magligpit, itinapon na lang niya ang sobrang pagkain.
sa opis namin, laging may sobrang ulam, wala nang gustong umubos ng mga ito, so, tapon na lang.
4. kung mahirap ka, hahabulin ka ng kahirapan. noong linggo at lunes, naglakad-lakad kami nina dagat at ayin sa mga kalsada ng perpetual. dala namin ang isang lalagyan na may gulong. naghanap at namulot kami ng mga plastic bottle sa mga bangketa, sa mga damuhan, sa gilid-gilid ng mga gate, sa mga parke. nakapuno kami, mga dalawang ulit. dinadala namin ang mga ito sa kapitbahay namin na nagbebenta ng mga plastic bottle at iba pang bagay sa junk shop, binibigay namin ang mga bote sa kanya. marami akong reason for doing this.
a. para makapaglakad sina dagat at ayin, physical activity, dahil di ko ma-afford ngayon ang bakasyon, iyon na lang ang pasyal namin at bonding.
b. para makapaghanap ng mga barya sa kalsada (si ayin ang nakakita ng isang bentesingko, aba, mana sa akin)
c. para makabawas sa basura ng kalsada.
after naming gawin ang mga ito, parang bigla akong naawa sa sarili ko.
mga 10 years ago, naranasan naming mamulot ng mga plastic bottle sa sementeryo noong kasagsagan ng todos los santos. hindi kami nagpunta doon to do that. nagpunta kami para dumalaw sa tatay namin. pero sa sobrang dami ng plastic bottles sa kalsada at sa mga basurahan, niyaya kami ni tisay na magpulot at iuwi ang mga ito para ibenta. halos nakatatlong sako kami. galing din ang sako sa sementeryo. pero pagdating namin sa gate, hinarang kami ng sekyu. iwan daw namin ang mga sako namin na punong-puno ng plastic bottles. nagalit ako. sabi ko, kami ang naghirap dito tapos kayo lang makikinabang? kami ang nagpulot, ang iba rito pinulot pa namin sa mga basurahan. tapos ibibigay lang namin ito sa inyo? kung nakakotse kami ay di n'yo kami mapipigilan, di ba?
napakatagal namin sa gate. napakahaba ng argumento kalaban ang mga guard. naalala ko pa na sinikatan na kami ng araw doon, samantalang madilim pa nang kami ay sumapit sa gate. ang ending ay kami ang nanaig. nadala namin at naiuwi ang mga sako ng plastic bottles. at naibenta naman ito ng nanay ko. sa kanya siyempre ang kita, magkano lang naman siguro iyon. pero sa loob ng dyip pauwi, napaisip ako, susmaryosep. napakadahop naman namin para magpulot kami at makipagtalo para sa mga bote na ito. nakadama ako ng self-pity.
di na namin inulit ito, kahit kada todos los santos naming nakikita na namumuwalan ang manila memorial park sa mga plastic bottle.
at eto ako, nagpupulot uli ng bote, kasama pa ang mga anak. pinagtitinginan kami ng ilang tao, mga di ko kakilala pero definitely, nakatira malapit sa amin at malamang na makikita ko pa sila uli in the future. napapa-self pity ako uli, pero mahinay na mahinay lang. naka-concentrate ako sa pagpupuno ng lalagyan namin. tapos doon ko na-realize, pag mahirap ka talaga, iyong ways ng mahirap, nakakasanayan mo. ganon talaga, nagpupulot ka noon, magpupulot ka pa rin hanggang ngayon. wala kang kawala.
5. pagod na pagod na ako, pero hindi ako puwedeng magpahinga. napakaraming kailangang gawin at tapusin. napakarami kong pangarap. pero wag ka, hindi naman nababago ang buhay ko, kahit na may mga naa-achieve na ako sa mga pangarap ko noon. personally, feeling ko, di ako umusad. nag-aasikaso pa rin ako ng mga bata. pag nag-aayos ako ng kalat ng mga bata, pag naghahatid ako paeskuwela, pag nagpapaligo ako ng mga bata, pag nagkukusot ako ng mapanghing mga lampin, naiisip ko iyong panahon na ginawa ko na't pinagdusahan ang mga ito noong maliit si ej. so, ano ito? part 2? starting all over again? bakit ginagawa ko na naman ito sa sarili ko? masarap ba? hindi. pagod na ako. pagod na pagod na ako. bakit ba nag-anak na naman ako? dalawa pa! autistic pa iyong isa. ano ba namang buhay ito?
ang buhay pala ay isang cycle ng paghihirap, ng exhaustion. walang katapusang kapaguran. hindi ko na nakikita ang essence na mabuhay pa sa mundong ito. ganon at ganon din ang nararanasan ko. puro hirap. lalo na at pisikal na hirap. akala ko pa naman, after years ng pagtitiis, pagtatrabaho, pag-iipon, pagtitipid, uunlad ako, kahit paano. waley! wit! walang rainbow pagkatapos ng rain.
i feel so dead inside. bigla akong nawalan ng ganang mabuhay. araw-araw, since may, ambigat ng dibdib kong pumasok sa trabaho.
may kaugnayan din siguro ito nang malaman namin ang sitwasyon ni dagat. back to zero ka na nga, gatong pa iyang autism na iyan. ang gastos pa. minsan ka na lang magkaroon ng sahod na malaki-laki, uubusin ka naman sa gastos. ano iyan, universe, nagjo-joke ka ba?
6. may mga puwersa sa lipunan na di natin kayang impluwensiyahan. ang mayaman, habambuhay na magkukuripot sa mahirap. dahil ano ang point ng limpak-limpak na salapi kung wala ka namang alipin? kaya ang goal ng mayaman, magkamal pa ng dagdag na yaman para makabili siya ng mahirap, para gawin itong alipin. paikot-ikot lang ang salapi sa mayayaman. mahirap ka, balakajan, yan ang slogan ng mayayaman. umahon ka sa sarili mong lusak ang peg. kaya, paisa-isa ang pag-ahon ng mahirap sa pusali ng kahirapan. imposible talaga ang maramihang pag-ahon. the rich and the elite will not allow it. they'd rather kill the poor kaysa umunlad ito nang bulto.
7. nasa point ako ng buhay ko kung saan nakikita kong tinitibag at binubura sa aking alaala ang lugar na aking kinagisnan. isa sa mga nakita kong tinibag at nawala ay ang building sa likod ng bahay namin sa ermita. nakita ko pang nakabalot ito sa itim na net dahil malapit nang ma-demolish at nang sunod kong bisita, bakante na ito. as in malinis na malinis at may bakuran na lamang. wala na ang building. subconsciously siguro, isa ito sa mga dahilan kung bakit bigla akong napasulat ng mga akda sa it's a mens world. this year, nabalitaan naming magkakaklase na titibagin na ang elementary school namin sa malate dahil ibinenta ng church (ang may ari ng school) ang lupain ng aming eskuwelahan sa mga villar. gagawin na itong condo.
at itong harison plaza, isasara na at titibagin na rin. binili na siya ng sm.
ang sakit sa dibdib ng mga ganitong pangyayari. parang bahagi ng pagkatao mo ang binubura at wala kang magawa. parang may nagtutungkab ng isang bahagi ng utak mo at di mo siya masaway dahil may mga tao na hawak ka sa kamay at paa at hinahayaang may mag-opera ng utak mo nang labag sa iyong kalooban.
siguro subconsciously, kaya tinanggap ko ang trabaho dito sa ccp ay dahil ayokong mawala ang koneksiyon ko sa maynila. particularly sa manila bay. andito ako at ang tatay ko. ang kapatid kong si colay. noong maayos pa si colay. ang mga kaibigan kong sina sharon, sally, rowena, malou, michael, jelo. andito ang batang ako, ang batang punong-puno ng pag-asa, napakadalisay ng tingin sa mundo, punong-puno ng energy, tangan ang napakaraming oras para gawin ang gusto niyang gawin, para pangarapin ang gusto niyang pangarapin.
naalala ko noong sabihin ko sa tatay ko na gusto kong maging fashion designer dahil ang ganda kong magdrowing at maggupit ng damit na papel para sa mga paper doll ko. tumango lang siya, sabay sabing good. akala ko, madali, e. ngayon, ang madali na lang sa akin, sumuko.
sasabihin ng mga kakilala kong relihiyoso, di ka naman bibigyan ng diyos ng bagay na di mo kaya.
well, ayokong testingin ako. dahil paulit-ulit na akong na-testing, okey? nakaya ko na noon. paulit-ulit kong kinaya. ano, bakit paulit-ulit din ang testing? de puta. natutuhan ko na ang mga bagay na kailangang matutuhan. kaya please, god, wag mo na akong pahirapan, okey?
so... fucked up lang talaga ang universe?
di pala totoo na kung anong tinanim siyang aanihin. di rin totoo na may katapusan ang mga paghihirap. di rin totoo na pag may tiyaga, may nilaga. di rin totoo ang logic na may resulta ang bawat action. posibleng wala. posibleng iyong result ay stagnant.
ginagawa ko na ang lahat para maibsan ang lungkot ko stemming from all the things that i am slowly realizing. i spend time with my kids. i spend time with myself. i talk to my friends. i pm them. i tell them what i feel. i laugh with my officemates. nilulunod ko sarili ko sa trabaho. i do good things to make myself feel better. nagpagupit pa nga ako.
pero wala. andito pa rin ang putanginang feelings na ito.
lately, naalala ko ang kapatid kong si colay. ano na, nag-pm a few weeks ago kay ancha, wala raw siyang makain at maloloka na raw yata siya sa gutom. aba, panic kaming lahat. ano yon, paano namin siya matutulungan? nag-pm ako sa mga anak niya, lahat, di makaresponde. si ej, walang reply. baka walang pakialam. sa akin nga, walang pakialam, ke colay pa, ano? nag-pm ako kay mami. tapos naisip ko, ba't nagkakaganon pa rin kapatid ko? di pa siya sawa sa ginagawa niya sa sarili niya? isang punta lang niya sa nanay namin, e makakakain siya. makakaligo siya. bakit ayaw niya? bakit ganon pa rin siya? pinaparusahan ba niya ako? di ko siya kaya. oo na, i failed as an ate, ano gagawin ko? habambuhay ko na siyang pasan, ganon? habambuhay ko nang pagsisisihan na wala akong ginawa o wala akong magawa noong panahong kailangan niya ng pamilya? ambata ko pa rin noon, e. nawindang din ako noon, e. tumatakas din ako sa realidad noon, e. bakit di ba niya maintindihan iyon? ang hirap-hirap umahon. ang kaya ko lang, e sarili ko. pagbalik ko naman, pinasan ko na buong pamilya. ba't di na siya nagpasakop? di ko kaya ang monthly payment sa rehab. di ko kayang paaralin siya sa private. is she still taking all that against me? sinubukan ko namang bumawi sa mga anak niya, a. kaso, wala, ayaw ding pasakop ng mga ito. ano na, kasalanan ko pa rin ba? susukuan ko talaga agad ang mga iyan. ba't ako magtitiyagang magkupkop ng ayaw naman sa akin? andami ko pang palalakihin, o. dalawa. ang isa, autistic pa. andami ko ring pinoproblema. ba't dumadagdag pa siya? ba't di niya iahon sarili niya? wala na siyang aasahan, tanggapin na niya, hindi maaasahan ang ate niya.
wish ko, sa kanya, sa akin, sana maging masaya na lang kaming lahat. sana maramdaman naman namin na umuusad kami sa buhay. na kahit paano, umuunlad kami. kahit man lang kaunti.
maybe i'm just really tired. and i really need help. para sa mga bagay na baka di ko lang naiintindihan pa.
baka ganito lang talaga ang buhay, ano, talagang mahirap intindihin. o mahirap intindihin. o mahirap.
Wednesday, July 10, 2019
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
1 comment:
Ang galing niyo Bebang. Parang may kausap lang ako na kaibigan.
Post a Comment