Friday, April 15, 2016

Vinzons

Papuntang laguna ngayon sina EJ. Manonood sila ng libreng stage play na hango sa buhay ni Wenceslao Vinzons. Wala akong alam sa taong ito kundi ang apelyido niyang wala palang apostrophe sa pagitan ng N at S. (Buong buhay ko kasi na sumasakay ako ng dyip sa tapat ng Vinzons hall sa up diliman, akala ko’y Vinzon’s Hall ang spelling nito.)

Nag-post sa Facebook ang pamosong playwright na si Layeta Bucoy tungkol sa stage play na ito na sa UP Los Banos gaganapin. At nag-comment ako na kaibigan ni ej ang mga apo ni Vinzons. Sina james, jack at jopet. Sina james at jack ay ka-batch ni ej sa ramon magsaysay cubao high school, magkakasama rin sila nang apat na taon sa wushu club doon. Tapos hanggang ngayon ay magkakasama pa rin sila sa mei cheng gym kung saan nagwu-wushu si ej thrice a week. Si jopet, ang bunso, ay laging kabuntot ng dalawang kuya kapag may lakad sila, kaya naging ka-close din ito ni ej.

Kako kay Miss Layeta, baka gusto nilang imbitahan ang mga bata na manood ng stage play para naman makilala pa nila ang kanilang lolo. Humingi pa ako ng compli tickets. Biglang nag-reply si Miss Layeta. Libre daw ang stage play, at oo, puwedeng-puwede raw na manood ang mga batang vinzons. Nagpalitan kami ng PM. Nagtanong ako kung paanong makarating sa venue mulang Cubao at sinagot naman ito ni Miss Layeta. Pati pamasahe, tinanong ko na, kasi gusto kong ipasama si ej para din makapasyal ito sa labas ng maynila kasama ang mga kaibigan. Maya-maya pa, sabi ni Miss layeta, kung makakapunta ang mga batang vinzons, iti-treat sila ng dinner at baka raw mabigyan pa sila ng pamasahe pauwi. Winner!

Mababait ang mga batang vinzons. Kuwento ni ej kagabi, ang pangalan ng tatay ng mga batang ito ay wenceslao vinzons III. Pero hindi raw ito anak ni wenceslao vinzons, kundi pamangkin lamang. So ang mga kaibigan ni ej ay apo sa pamangkin ng dakilang wenceslao vinzons. Anyway, na-meet ko na si the third nang minsang magpunta ako kina james para ihatid si ej. Nakatira ang kanilang pamilya noon sa isang prime lot sa may alabama st., new manila. Malaki ang bungalow nila, pero lumang luma na ito. Madilim sa loob, kahit araw at nakasindi ang ilaw. Medyo nangingitim na ang mga pader. Giray na ang mga sofa, makutim ang tiles. Isa pang nakapagpadilim sa buong sala ay ang mga bookshelf sa dingding na punong-puno ng mga librong kulay kape. Mga hard bound na law books daw iyon ng dakilang wenceslao, sabi sa akin ni wenceslao III nang minsan ngang mapadpad ako doon. May kakilala raw ba ako na bumibili ng ganoong libro, meron din daw siyang lumang medical books na gusto na niyang ibenta. Tulungan ko raw siya. Kako, magtatanong-tanong po ako. Una kong naisip, ang UP para sa law books ng dakilang wenceslao. Para naman sa medical books ay ang mga antique stores sa cubao x.

Sa kasamaang-palad ay wala akong hakbang na nagawa para matulungan siyang makakonekta sa up. Bihira na ako noon sa up. Bitter lang ang peg. Sa cubao x naman, nagtanong ako sa isang antique store na nagbebenta rin ng mga libro. Ang sabi, kadalasan daw, siya ang nagpupunta sa bahay ng gustong magbenta ng lumang gamit at libro. Siya ang mag-a-assess kung ano ang mga puwede pang bilhin. Tineyk nowt ko lang ito pero nawala naman sa isip ko na i-relay kay ej o kina james at jack para sabihin sa kanilang tatay.

Dating doktor si wenceslao III at medyo may edad na ito. Ang nanay ng mga batang vinzons ay parang mas bata pa sa akin (turning 37 na ako ngayon). Napakabait ng babaeng ito (sori at hindi ko alam ang pangalan niya, aalamin ko pagdating ni ej), halata naman sa ugali ng mga batang vinzons. Malumanay at magalang silang makipag-usap at hindi magaspang ang pakitungo sa bata at matatanda. Lagi kong nakakasama ang nanay ng mga vinzons kapag may wushu performance sina ej sa kung saan-saang panig ng metro manila. lagi itong nakangiti sa akin at kitang-kita ko kung paano niyang inaasikaso ang tatlo niyang boys (bitbit niya si jopet lagi) kahit medyo malalaki na ang mga ito (parang si ej, bakulaw na!).


Isang araw, ibinalita sa akin ni ej na namatay na ang nanay nina james. Gulat na gulat ako, parang wala naman itong sakit. Medyo chubby siya, maputi at rosy pa ang cheeks, paanong magkakasakit? Inatake daw ito ng hika kalagitnaan ng gabi, ayaw namang magpadala sa ospital kahit na ilang kanto lang ang layo nila sa St. Luke’s. Takot daw kasi ito sa gastos.

Hikahos ang pamilya nila nang panahong iyon. Naalala ko pang minsan daw ay naglalakad lang ang magkapatid na james at jack mula bahay hanggang ramon makapasok lang sa klase. At medyo dumalas din ang pagpapalibre ni james kay ej pagdating sa pagkain. (Pag may wushu performances sila, pag binibilhan ko ng inumin o pagkain si ej, ibinibili ko na rin ang mga kaibigan niya, kasama na doon sina james at jack. Alam kong kakarampot lang ang kikitain nila sa wushu performances, hindi sapat para man lang makabili ng disenteng meryenda. Talagang love lang ng mga bata ang sports na ito.)

Na-meet ko uli si wenceslao III noong burol para sa kanyang asawa. Nang magpaabot kami ni poy ng condolences sa kanya, ang sagot niya sa amin, ayaw kasi niyang magpapayat. Buti ikaw, na-maintain mo ang katawan mo. Ramdam kong lumaki nang konti ang pupil ng mga mata ko. At siyempre, wala naman akong naisagot doon. Pero pag-uwi namin, napagkuwentuhan namin ito ni poy. Sabi niya, loko ‘yon, tipikal na lalaki, katawan ng babae ang iniisip.

Ahahay!

Pagka-graduate nina james at jack sa high school, inengganyo ko silang mag-enrol sa pinapasukan kong school, sa PCC. Nag-exam naman sila doon, noong ang campus namin ay nasa divisoria area pa. isinama sila ni ej (nag-exam din si ej doon at inalok ng 100% full scholarship, pero PUP pa rin ang pinili niya). kasabay din nilang nag-exam ang iba pa nilang kaibigan: si eunice at si abi (ang tanging kaibigan ng anak ko na tumuloy sa PCC at incoming 2nd year IT student na this june). Sabi ko kina james, malapit lang ang bagong college campus namin sa kanilang bahay. Isang maikling sakay lang, sa may Quezon Avenue lang, meaning hindi magastos sa pamasahe. At posible silang makakuha ng scholarship kaya hindi kailangan ng limpak na salapi para maka-enrol. At ang importante kako, aalalayan kayo ng admin sa bawat sem. Ang konti kasi ng estudyante doon, 100 lang ang population ng buong college. Kaya talagang namo-monitor ang progress ng bawat estudyante.

Pero nang time na iyon, unti-unti na ring bumubuti ang kalagayan ng pamilya. Ito palang si wenceslao III ay may mas matatandang anak (sa ibang babae) at isa sa mga ito ay sundalo sa US. Ito ang sumuporta kina james at jack para makapag-enrol sa kolehiyo. Nag-IT sa Mapua Makati si James, samantalang Engineering naman ang kinuha ni Jack sa Mapua Manila. Recently ay nabalitaan naming lumipat na sila ng bahay. Nagrerenta na sila ng apartment sa 12th street, new manila. naibenta na pala ang bungalow nila at lote sa alabama. Tiyak akong milyon-milyon iyon dahil ang ganda talaga ng lokasyon. Commercial na ang area doon, sila na lang yata ang residential at that time.

Sabi ni ej, 20k a month daw ang renta sa bagong apartment. Ang dami na raw gadgets ng mga batang vinzons. May kasambahay na rin ang mga ito. Lagi na rin daw nanlilibre ng pagkain ang mga ito lalo na kung may okasyon tulad ng birthday. Na siyang ikinatatampo ni ej dahil nitong huling bday ni jack ay hindi siya inimbitahan, samantalang kumpleto daw ang buong squad nila (siya lang ang wala, awts). Lilipat na rin sa FEU sina james at jack kasi… nitong huling sem ay PE at CWTS lang ang subject na naipasa nila sa Mapua, maryosep!

Sabi ko kay ej, sabihan sina james na sa pcc na lang mag-enrol dahil posibleng maulit sa feu ang nangyari sa kanila sa mapua. Kasi parehong malaking university ang dalawa. Sa dami ng estudyante, bahala na sila sa kani-kanilang buhay. Sabi ko rin, mas maganda kung ang pera ng pamilya ay iinvest na lang sa real estate para pagdating ng panahon, hindi sila mangungupahan. Sabi ko, bumili sila ng condo o kaya ng maraming townhouse o apartment at paupahan nila ang mga ito. Para may steady income sila. Sa ngayon kasi, parang palabas ang lahat ng pera ng pamilya.

Nakakatuwang malaman na mas maayos ang kalagayan ng mga batang vinzons ngayon. Sayang at di ito naabutan ng kanilang nanay. Ang dalangin ko na lang, mas maging wais sana si wenceslao III para sa kanyang mga anak. Dala-dala nila ang pangalan ng dakilang wenceslao. Ang saklap naman kung in the future ay nasa marawal na kalagayan ang mga batang ito, ang mga batang vinzons.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...