Thursday, April 14, 2016

Tahanan

Noong isang linggo, naisip kong umuwi sa bahay namin sa Las Pinas. Para makauwi doon sa loob lamang ng isa't kalahating oras mula sa Quezon City, kailangang bumiyahe ako nang past 11:00 p.m. Dahil pag mas maaga pa doon ang alis ko sa Quezon City, aabot nang tatlo o tatlo't kalahating oras ang travel time.

Kaya, gano'n nga ang nangyari. Umuwi ako, kasama ko si EJ. Umalis kami ng mga 11:30 ng gabi sa bahay namin sa Kamias.

Habang nasa biyahe, tinanong ako ni EJ kung alam ba ng nanay kong si Tisay na pauwi kami doon. Napaisip ako, oo nga naman, ala-una ng madaling araw ang dating namin, baka magulat na lang 'yon! Pero hindi ko maalala kung nag-text ako kay Tisay. Wala sa isip ko ang magsabi sa kanya na uuwi ako. Bakit ko naman gagawin 'yon? Pag ba uuwi ka, kailangan mo pang ipaalam ang iyong pagdating samantalang bahay mo naman iyon?

Tapos naisip ko, gano'n nga ang tahanan, hindi ba? Uuwi ka at tatanggapin ka nito nang walang alinlangan, tatanggapin ka nang nakadipa, bukas-palad, bukas-puso, bukas ang lahat. Kasi ... bahay mo iyon, tahanan mo iyon, doon ka umuuwi. Hindi nito kinukuwestiyon kung bakit doon ang uwi mo o bakit doon mo piniling umuwi. Alam nitong kahit gaano ka katagal sa labas, doon ka pa rin ihahatid ng iyong mga paa pag pagal ka na.

Naisip ko rin na sa malakihang konteksto, ganito ang Pilipinas sa mga Overseas Filipino Workers. Hindi nila kailangan ng visa pauwi ng Pinas. Basta't may pamasahe at passport ay makakauwi sila. Anytime. Kahit iyong matatagal na sa ibang bansa. Kahit pa nga iyong mga nagtakwil na ng kanilang citizenship. Hindi nila kailangang magsabi ng, "huy, Pilipinas, uuwi kami diyan, puwede ba? Okey lang ba? O istorbo lang kami?"

Kasi kahit anong mangyari, ang mga tahanan ay laging nakaabang sa pag-uwi ng mga anak nito.

Kaysarap ng pakiramdam na may uuwian ka, kahit ano pa ang mangyari sa araw mo, sa linggo mo, sa buwan, sa taon.

Sana lang pahalagahan ito ng lahat ng Filipino.

Pagdating namin sa bahay, tulog na si Tisay. Sa sala. Pero gumising siya at agad na nakipagkuwentuhan sa amin. Tinanong niya kung ano ang nangyari sa kasambahay kong si Alma (na pinaalis namin a few days ago dahil adik sa day off), sinabi niya rin na nasa tabi ng upuan ko ang bagong damit para sa akin, kasi, napapalitan na raw niya iyong una niyang in-order para sa akin (na hindi ko nagustuhan ang tela kaya isinoli daw niya sa taga-Boardwalk para makapili ng iba at mapalitan ito). Nagkuwento rin si Tisay tungkol sa pag-uwi ng isa ko pang kapatid na magmumula naman sa Mindoro. Tinanong ko kung umuuwi doon ang kapatid kong si Colay, na tagakabilang compound lang, mga ten-minute walk mula sa amin. Ang sagot ng nanay ko, "bihira. At kung umuwi, saglit na saglit lang. Pero tingnan mo, subukan mo, ipagluluto ko kayo bukas," sabi ni Tisay, "tapos i-text mo siya na dito kumain."

Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, tinext ko nga si Colay. Idinagdag ko rin na may uwi akong tatlong pocketbook para sa kanya.

Kinabukasan, bago mananghali, 'andoon na nga si Colay. May dalang tupperware na walang laman.

Sabi ko, "dito ka na kumain, tara."

Pero ang sagot niya, mag-uuwi na lang daw siya ng ulam.



1 comment:

sarah said...

ang lungkot naman ng #feels nito. hi, bebang!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...