Dulang Pangradyo ni Beverly W. Siy
MGA TAUHAN:
GRACE POE, toddler, bata, adult
SAYONG MILITAR, babae, 40s
TESSIE VALENCIA, babae, 40s
SUSAN ROCES, babae
FERNANDO POE, JR., lalaki
NEIL LLAMANZARES, lalaki, 20s-30s
GRACE POE (voice over):
Ako si Grace Poe, isang Pilipino. Ako ay ipinanganak dito sa ating bansa. Dito rin ako lumaki at pinag-aral ng aking mga magulang. Sa kasalukuyan, masigasig po akong naglilingkod sa ating bayan.
Wala pong duda. Sa puso, sa isip, ako po ay Pilipino.
At ito ang aking kuwento.
SCENE I
GRACE POE (Voice over, music na may pagkamisteryoso ang himig):
Madaling araw, a-tres ng Setyembre, 1968, isang babae ang pumasok sa Katedral ng Jaro sa Iloilo. Siya si Sayong Militar.
MADALING-ARAW. TAHIMIK NA TAHIMIK SA LOOB NG SIMBAHAN.
SAYONG MILITAR (pabulong):
Panginoon, iisa lang naman ang ipinagpaparito ko sa simbahan tuwing umaga. Iisa ang hiling ko at ng aking asawa: bantayan po Ninyo ang mga anak namin. Nawa’y hindi sila magkasakit, lalo na ngayong tag-ulan. Mapapaliban po kasi sa eskuwela kung dadapuan sila ng anumang karamdaman. Salamat po, Panginoon. Ito ang aking dalangin, amen.
(lalakas nang kaunti ang boses)
Makabalik na nga. Mag-aalmusal pa ang mga anak ni Mam.
FOOT STEPS KASABAY NG UHA NG BATA. PAPALAKAS ANG UHA NG BATA
(pabulong)
Aba, ano’ yon? Uha nga ba? Aba, ano i… ay, ay, bakit may kumot dito sa benditahan?
MALAKAS NA UHA NG BATA.
(pahisterikal)
Dugo? May dugo ang kumot! Diyos ko, Diyos ko! Isang sanggol!
KALEMBANG NG CHURCH BELLS. MODERATE NA INGAY NG MGA TAONG PAPASOK NG SIMBAHAN.
SCENE II
GRACE POE (voice over, malamyos/malungkot na musika):
Inalagaan ako ni Nanang Sayong hanggang sa ako ay magdalawang taong gulang. Pero nang maglaon, hindi na kinaya ni Nanang Sayong at ng kanyang asawa ang magpalaki at magpaaral ng isa pang bata dahil lima na ang kanilang anak. Kaya’t nagdesisyon sila.
SAYONG (hindi matigil ang pagnguyngoy, patigil-tigil dahil sa sobrang paghikbi):
Tessie, salamat! Kayhirap ng buhay namin, alam mo ‘yan. Kaya inihahabilin ko na sa iyo ang batang ito.
TESSIE (naiiyak din):
Oo, Sayong. Salamat sa pagtitiwala mo sa akin. Aalagaan ko nang maigi itong si Mary Grace.
GRACE POE (boses ng 2 year old na bata, umiiyak din, pasingit-singit siya sa mga salita ni Sayong):
Nanang! Nanang Sayong!
SAYONG (hindi matigil ang pagnguyngoy, patigil-tigil dahil sa sobrang paghikbi):
Tessie, mangako ka! (iiyak nang malakas) Alagaan mong mabuti si Grace! Biyaya at kaloob ng langit iyang si Grace. (iiyak nang malakas) ‘Wag ka nang umiyak, anak. Mabait naman ang Tita Tessie mo.
SCENE III
GRACE POE (voice over, pagpapatuloy ng musika sa Scene II):
Kinupkop ako ni Tessie Valencia, ang isa sa mga amo ni Nanang Sayong. Nang panahon na iyon, mahilig sa artista at showbiz si Tita Tessie. Siya pa nga ang presidente ng fans club ni Susan Roces noon. Ito ang dahilan kung paano ko nakilala ang babaeng nag-ampon sa akin at tuluyang nagpalaki. Katuwang niya ang lalaking itinuturing kong ama, walang iba kundi si Fernando Poe, Jr.
MODERATE NA INGAY SA ISANG CHILDREN’S PARTY.
MGA BATA (nagpapalakpakan, umpisa ng kanta):
Happy birthday, Mary Grace!
GRACE POE (8-9 years old):
Mamya na! Teka lang… wala pa ang tatay ko!
ISANG BATA:
Kantahan na, para makain na natin ang cake mo!
GRACE POE (8-9 years old):
E, saglit na lang. Teka, parating na iyon. Teka…
MGA BATA (nagpapalakpakan)
Happy birthday, Mary Grace! Happy birthday, Mary Grace. Happy birthday, happy birthday, happy birthday, Mary Grace! Yehey!
SUSAN ROCES:
Bago mo hipan ang kandila, anong wish mo, anak?
GRACE POE (7-8 years old, nagmamaktol):
E, sana, Mommy Susan, tapos na ang shooting ni Daddy Ronnie. Para kasama
natin siya ngayon. Siya ang mag-i-slice nitong cake.
FPJ (masayang-masaya, malakas ang boses):
A… sino ba ang absent?
GRACE POE (gulat na gulat, napakasaya):
Dad! Yey! Huy, kanta kayo uli, narito na ang Daddy Ronnie ko!
MGA BATA (mas masigla, nagpapalakpakan uli, to fade)
Happy birthday, Mary Grace!
SCENE IV
GRACE POE (voice over, may pagka-upbeat na ang musika):
Ang pagmamahal ng aking mga magulang, ang kabutihan at malasakit nila sa akin, ito ang nagpanday sa aking pagkatao. Itinuro nila sa akin ang kababaang-loob at ang pagiging tapat. Sabi ng aking tatay, mangarap ka, Grace, at magpursigi, sapagkat ganyan ang pagkatao ng Pilipino.
MODERATE INGAY SA GRADUATION CEREMONY NG BOSTON COLLEGE. MAY TUMUTUGTOG NA POMP AND CIRCUMSTANCE (OR ANY GRADUATION SONG NA INSTRUMENTAL) SA MALAYO. (SINCE AMERICA ITO, AMERICAN ACCENT ANG INGAY NG MGA TAO.)
EMCEE (American accent):
Mary Grace Poe!
SUSAN ROCES (pumapalakpak at tuwang-tuwa):
Ronnie, napakahusay talaga nitong anak natin. Aba, hindi biro ang makatapos dito sa Boston College. Political Science pa! Ito pala ang ibubunga ng kanyang pagiging kapitan ng debating team noong high school sa Assumption, at ng mga pagpupuyat niya sa UP Manila. Naalala mo? Rebyu nang rebyu sa mga exam niya tungkol sa development studies ‘yang batang iyan. Hindi maawat!
FPJ (tuwang-tuwa):
Oo, Susan. Ganyan talaga pag ang isang Pilipino ay may galing at may puso, kailanma’y hindi sumusuko.
SCENE V
GRACE POE (voice over, mellow/instrumental love song):
Di nagtagal, kumatok sa puso ko ang isang dalisay na pag-ibig. Ikinasal kami ni Neil Llamanzares sa Santuario de San Jose sa Greenhills noong 1991, at nagdesisyong magtrabaho sa ibang bansa para itaguyod ang bago naming pamilya. Tulad ng marami sa pamilyang Pilipino, dinaanan namin ang lahat ng pagsubok, dahil ang pagkayod at pagpapalaki ng mga anak, sabay naming hinarap.
NEIL LLAMANZARES (over phone, stressed na stressed):
Naku, Grace, nagka-emergency meeting kami. Si Hanna lang ang madadaanan ko sa day care mam’ya. Nasundo mo na ba si Brian sa school?
INGAY NG TRAPIKO: MAY BUMUBUSINA, TAKBO NG MAKINA, AT IBA PA.
GRACE POE (kausap si Neil sa phone, tuloy-tuloy siya sa pagsasalita):
Oo, Neil, magkasama na kami. Pero babalik ako ng office. May tinatapos kasi akong report. Naghanda na ako ng ekstrang upuan doon sa table ko para makagawa na ng mga assignment si Brian.
(Biglang sisigla ang boses.)
By the way, manok ang piprituhin ko mam’ya. Hapunan natin. Bumili ka ng pipino bago kayo umuwi ni Hanna para makapagpipino salad din tayo.
NEIL (over phone):
Ay, oo, walang problema! Ingat kayo, I love you. See you later.
SCENE VI
GRACE POE: (voice over, medyo masigla ang boses)
Pamilya ang dahilan ng aming pangingibang-bansa, pamilya rin ang dahilan ng permanente naming pag-uwi. Halalan ng 2004, tumakbo bilang pangulo ang aking tatay. Tumulong kaming lahat sa kampanya. Napakasaya namin nang panahong iyon, dahil magkakasama kami ulit. Pero may iba pa palang hatid ang tadhana.
(malungkot na malungkot)
Natalo sa halalan ang aking tatay at pagsapit ng Disyembre, siya ay pumanaw.
INSERT ACTUAL NA REPORT SA RADYO TUNGKOL SA DAMI NG NAKIRAMAY KAY FPJ. 15-20 SECONDS, OK NA.
SCENE VII
GRACE POE: (voice over, determinado ang boses)
Nagdesisyon kaming mag-asawa na higit kaming kailangan ng aking ina, higit kaming kailangan sa Pilipinas. Kaya nanatili kami rito mula noon. Paglipas ng ilang taon, in-appoint ako bilang tagapangulo ng MTRCB. Sa gabay ko, nadagdagan ang suporta ng gobyerno sa mga indie film, nagkaisa ang iba’t ibang government agency para lalong maprotektahan ang interes ng mga bata, at nagkaroon ng bagong sistema sa klasipikasyon ng mga pelikula at palabas sa sine.
INSERT SOUND BYTE NG MTRCB NA MAY LINYANG “SGP” STRIKTONG PATNUBAY AT GABAY.
SCENE VIII
GRACE POE: (voice over, determinado ang boses)
Lalong umigting ang paniniwala kong kailangan natin ng gobyernong may puso. Kaya tumakbo ako bilang senador noong 2013. At naging makasaysayan ang resulta!
INSERT ACTUAL NA REPORT SA RADYO TUNGKOL SA PAGKAPANALO NI GRACE POE BILANG SENADOR. PRIORITY ANG REPORT SA RADYO NA NAGSASABING SIYA ANG KANDIDATO SA PAGKASENADOR NA NAKAKUHA NG PINAKAMARAMING BOTO SA BUONG KASAYSAYAN NG PILIPINAS. 20 SECONDS, OK NA.
GRACE POE: (voice over)
At ngayon po, bilang Senator Grace Poe, nagpapasalamat ako sa bawat Pilipinong sumuporta sa mga isyu na tinalakay ko at ginawan ng batas sa Senado. Ilan dito ay ang…
INSERT WANGWANG NG PULIS.
Dangerous Drugs Act. Dahil punong-puno na ang salop. Mas madali nang mahuli at maipakulong ang big time na mga pusher ng bawal na droga sa ating bansa! Dapat na talagang kalusin ang salop!
Peoples’ Freedom of Information Act. Para mas madaling mabuking ang mga buwaya sa gobyerno.
Salamat sa paniniwala ninyo sa akin. Lahat-lahat po ay (bagalan ang pagsasalita rito) animnapu’t walong batas at isandaan tatlumpung resolusyon (balik sa normal na pagbigkas) ang naipasa ko sa Senado. Itinaguyod nito ang mga isyung pangkatarungan, kalusugan ng mga bata, pagiging competitive ng ating mga industriya, proteksiyon ng likas na yaman ng Pilipinas, at higit sa lahat… (mariin na mariin, sobrang galit) pagdurog sa mga opisyal ng gobyerno na napakaitim ng mga budhi at magnanakaw.
Maraming salamat sa paniniwala ninyo.
INSERT INSPIRING SONG. PALABAN ANG DATING. NANGHAHAMON.
Pero hindi pa tapos ang laban.
PAIGTINGIN ANG INSPIRING SONG.
Para ganap tayong magkaroon ng gobyernong may puso!
BALIK SA MELLOW NA BAHAGI NG INSPIRING SONG.
Muli, ako si Grace Poe, ipinanganak dito sa ating bansa, lumaki at pinag-aral dito ng aking mga magulang. Masigasig pong naglilingkod sa ating bayan.
(ang pagbigkas ay mariin at proud ang dating)
Dahil sa gobyernong may puso, walang maiiwan!
END THE INSPIRING SONG IN A VERY EXPLOSIVE WAY.
Copyright ng teksto: Beverly Siy- beverlysiy@gmail.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment