Saturday, February 20, 2016

CNF 101

para sa mga kalahok sa Tuklas-Pahina Book Project ng PRPB Book Club sa suporta ng Buqo
ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa inyo. Ang unang bersiyon ng akdang ito ay binigkas ko noong 28 Nobyembre 2014, sa aking talk tungkol sa CNF na inorganisa ng OMF Books at idinaos sa Pinatubo Street, Boni Avenue, Mandaluyong City.

Ano nga ba ang CNF o Creative Non-Fiction?

Ayon kay Nick Joaquin, ito ay ang anyo ng akda na nasa pagitan ng journalism at literature.

Ito ay pagsusulat tungkol sa mga tunay na event gamit ang mga kasangkapan at elemento ng fiction.

Ayon kay Dr. Cristina Pantoja-Hidalgo (o Mam Jing), may iba’t ibang pangalan at itsura ang CNF: literary journalism, personal journalism, new journalism, informal essay, personal essay, memoirs, autobiography, family history, reportage, magazine feature articles, travel essays, reviews, at biographies.

Bago pa dumating ang mga Hapon, may tinatawag na tayong essays. Nakasulat sa Ingles ang itinala ni Mam Jing Hidalgo sa sanaysay niyang Breaking Barriers: The Essay and the Non-Fiction Narrative. Karamihan sa mga essay na ito ay inilathala sa mga diyaryo at magasin. Ang unang aklat ng sanaysay sa Ingles (na isa lamang ang awtor) na gawa ng Filipino ay may pamagat na The Call of the Heights. Isinulat ito ni Alfredo Gonzales noong 1937. Sa Filipino naman, uso na noon ang dagli. Ang dagli ay maikling akda na maaring maging fiction o essay. Ito ay namayani noong panahon ng Amerikano.

Sa ngayon, ang mga inirerekomendang babasahin ni Mam Jing para sa genre na ito ay ang mga libro nina National Artist for Literature Nick Joaquin, Pete Lacaba, Sheila Coronel, Jose “Butch” Dalisay, Randy David, Conrado de Quiros, Kerima Polotan, at Jessica Zafra. Idinadagdag ko rito ang mga CNF nina Marra Lanot-Lacaba at RJ Ledesma.

Sa Filipino, inirerekomenda ko ang mga aklat ng sanaysay ni National Artist for Literature Rio Alma (yes, meron at marami!), Genoveva Edroza-Matute, Rene Villanueva, Lamberto Antonio , Fanny Garcia, Sol Juvida (investigative journalism), Rosario Torres-Yu, Ferdinand Pisigan Jarin, at Bob Ong.

Maikli ang listahang ito kaya inaanyayahan ko kayong magdagdag ng mga paborito ninyong manunulat ng CNF mula sa ating bansa, sa kahit na anong wika.

Ngayon, tutuon tayo sa personal essays at memoirs.

Mag-umpisa tayo sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na: bakit nga ba tayo magsusulat ng CNF?

1. Para sa atin

Ang pagsusulat tungkol sa ating sarili, sa pamilya natin, at sa mga bagay na importante sa atin ay nakakatulong na maproseso ang damdamin natin tungkol sa mga ito. Nakakatulong din ito na maunawaan pa nating lalo ang ating mga sarili. Palagay ko, mahina tayo diyan ngayon, sa introspection. Sa sobrang dami ng nangyayari sa atin, araw-araw, minu-minuto, minsan, hindi na natin napoproseso ang mga bagay-bagay. Minsan, nagmamadali tayong makausad, mag-move on, magpunta sa next level. Nakakalimutan natin na ang buhay ay isang proseso. Kailangan talagang may daanan na step by step. Kailangang inaaral natin at sinusuring maigi ang bawat hakbang, sinisiyasat, binubutingting para siguradong walang naiiwan sa dinadaanan o di kaya, para siguradong wala tayong nabibitbit na damdaming mabigat.

So, para sa atin talaga ito. Ang pagsusulat tungkol sa sarili. We wish to know more about our strengths, our weaknesses. We want to discover more about ourselves. Gusto nating malaman, ano ang dapat bitbitin, ano ang dapat pakawalan? Ano-ano ang paraan para tayo ay maging malaya o manatiling malaya?

Naikuwento sa akin ng asawa kong si Ronald Verzo ang ibinahagi ni Gang Badoy sa session ng Literature as Advocacy sa Philippine International Literary Festival 2014 na ginanap sa Bayanihan Center, Pasig City. Sabi raw ni Gang Badoy, natuklasan niya na noong nagsagawa sila ng volunteer work sa Bilibid, marami sa mga nakakulong doon, akala ay kapag nakapagbalik-loob na sa Diyos, okey na sila. Pero iba raw ang nagagawa ng panitikan o ang pagsusulat ng mga tao sa “loob”. Natututo silang iproseso ang mga bagay. Nagiging short at easy escape ang pagbabalik-loob. Ang hindi nila alam, dapat silang dumaan sa proseso. Dapat maging praktikal ang pagbabalik-loob na ito, dapat maunawaan nila na may prosesong pinagdadanan. Sa ganoong paraan ay mabubuo o magbabalik ang tiwala nila para makalikha ng tunay na pagbabago sa sarili at sa paligid.

Kahit hindi tayo preso, puwede tayong makinabang sa pagsusulat tungkol sa ating mga sarili. Dahil ang sinumang dumadaan sa proseso, tumatatag ang paniniwala sa sarili.

2. Para sa iba

Sa pamamagitan ng experiences mo, naunawaan din ng iba ang kanilang sarili. Natutulungan mo silang maproseso ang sarili nilang damdamin. Damdamin na maaaring noon pa ay nasa dibdib na nila o di kaya ay kasalukuyang nararamdaman. Sumasabay sila sa tauhan ng aklat na kanilang binabasa. Kaya sa pagbabahagi at sa pagsusulat, iwasan nating mag-preach. Kasi sumasabay sa atin ang mambabasa, hindi sumusunod.

Para sa kapwa ang gagawin nating pagsusulat. Ayon sa editor ng isang aklat ng kontemporanyong sanaysay na si Donald Hall, “we read to become more human.” (p. xvi, On Reading Essays)

Kung pareho kayo ng pinagdaanan ng mambabasa o may similarity ang inyong nakaraan at nakita niyang nakaalpas ka doon at pinagtatawanan mo na lang ito ngayon, chances are, mai-inspire ang mambabasa na harapin din ang challenge na kanyang nararanasan. Masasalok niya ang moral lesson na: kung kaya mo, kaya niya rin.

Marami sa mambabasa ng It’s A Mens World (o IAMWorld) at It’s Raining Mens ang nagpapadala sa akin ng email, PM at text para magkuwento ng mga pinagdaanan nila, particularly iyong tungkol sa sexual abuse na naranasan nila noon, at sa mga kirot na pinagdaanan nila sa failed relationships. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang silang napapakuwento sa akin. Pero palagay ko, pagkabasa nila ng aking mga libro, nakakaramdam sila ng emotional release at nagiging ganap ito kapag naikukuwento nila sa akin ang mismong napagdaanan nila. Catharsis ang tawag dito sa Ingles. Emotional cleansing.

3. Legacy

Kung nais mong maalala ka ng susunod na henerasyon, mag-iwan ka ng isang piraso ng iyong sarili. Pinakamaganda at mas lasting na paraan ay ang pagsusulat at paglalathala ng akda. Siguradong makikilala ng susunod na henerasyon ng mga mambabasa ang lessons na maaaring makuha sa buhay mo o karanasan.

4. Livelihood

“Often, one literary form dominates an era,” sabi pa rin ni Donald Hall. Lipas na nga siguro ang sa tula, ang sa kuwento, ang sa nobela. Ito na ang panahon ng creative non-fiction. Ayon pa kay Mam Jing Hidalgo sa isang panayam ng Varsitarian ng UST, “It is the most popular form right now.”

Iyon nga lang, sa mundo ng panitikan, hindi pa rin CNF ang tawag dito. As of 2015 ng Carlos Palanca Memorial Awards, ang pinaka-prestihiyosong parangal para sa mga manunulat na Filipino, sanaysay at essay pa rin ang tawag sa kanilang kategorya o anyo na maituturing na CNF.
Ngunit sa National Book Awards naman, as of 2015, kinikilala ng National Book Development Board at Manila Critics Circle ang CNF at pinararangalan nila ang pinakamahuhusay na aklat na may ganitong anyo. Mayroon silang award para sa Best Book in Non-Fiction in Filipino and in English.

Mabentang-mabenta rin ang mga CNF books, lalo na ang mga self-help na aklat. Halimbawa nito ay ang mga aklat ni Bo Sanchez, at ang kay Noreen Capili o Noringai. Ang mga aklat ni Noringai na Parang Kayo Pero Hindi at Buti pa ang Roma, May Bagong Papa ay kumita na ng P600,000 sa royalties pa lang. Mula 2011 ay mahigit 40,000 copies na ng mga aklat na ito ang nabenta.

Ayon sa NBDB National Readership Survey noong 2012, ang bilang ng Filipino adult readers na nagbabasa ay 88% o 49.2 milyon. Halos kalahati ng ating populasyon! Iyon nga lang, pababa nang pababa ang bilang ng adult readers sa Pilipinas kung ikukumpara ang bilang sa mga naunang national survey. Ang isang paraan para pigilin ang pagbaba ng bilang na iyan ay ang magdagdag pa ng mas maraming babasahin para sa lahat. At trabaho nating mga manunulat iyon, ang magsulat pa nang magsulat, at magsulat nang mas mahusay.

Bakit? Ang dami na rin kasi ng activities na puwedeng gawin ng isang tao ngayon, kaya competitive na rin dapat ang books.
Sabi pa ni Donald Hall, “Nowadays, We read for information and pleasure together. We read to understand, to investigate, to provide background for decision, to find confirmation, to find contradiction.”

Dapat bukod sa informative ang aklat ay pleasurable din ito. Meaning, bukod sa pleasurable ito, dapat ay informative din ito. Enjoyable and
functional. ‘Yan ang binibili ngayon.

Sa dami ng readers, anuman ang ma-produce ninyo sa Tuklas-Pahina Book Project ay may mambabasa, may kalalagyan. Sa Pilipinas pa nga lang, e.

Ngayon, dumako na tayo sa Top 5 Tips sa Pagsusulat ng CNF.

5. Be brave.

Sabi nga ni James Alexander Thom, “stories with happy endings can teach and inspire just as well as those ending ‘happily ever after.’ And usually, they work better, because they’re more true to life.”(Mula sa The Art and Craft of Writing Historical Fiction.)
Huwag mahiya sa mga naging maling desisyon. Huwag mahiya sa mga naging kapalpakan. Ang pagkatuto mula sa mga ito ang maibabahagi mo na hindi maibabahagi ng iba.

Para naman sa mga walang sad story o kapalpakan sa buhay, be brave din. Be brave to write anything that is significant to you. Bear in mind that you have something to write about, maging sino ka man.

Ayon kay Melissa Hart na Amerikanong manunulat ng Gringa, isang nakakatuwang memoir, hindi lang mga sikat o kaya mga kriminal ang may karapatang sumulat tungkol sa sarili. Sabi rin ni Ricky Lee, hindi kailangang may painful tayong karanasan para makapagsulat tungkol sa sarili. ‘Yong iba nga raw, nagagahasa pa pero hindi nakakasulat ng tungkol dito. Maraming dahilan kung bakit hindi ito naisusulat. Ang isa sa mga requirement para maisulat ang anumang nangyari sa atin ay ang maging observant tayo sa ating mga dinadanas.

Tayong mga karaniwang tao, may karapatan ding magbahagi ng experiences natin sa iba. Sabi pa ni Melissa Hart, ang kailangan lang nating gawin ay pumili ng mahahalagang pangyayari sa ating buhay, tapos bigyan ng karampatang respeto ang mga karanasang ito. Kasi kung wala ang mga event na ‘yan, hindi ganito ang pagkatao natin ngayon.

4. Be yourself.

Sabi ni Williman Zinsser sa On Style na matatagpuan sa On Writing Well Second Edition, An Informal Guide to Writing Nonfiction, “Be yourself. If you try to garnish your prose, you lose whatever it is that makes you unique. The readers will notice it.” Gusto raw ng mambabasa, genuine, totoo ang kausap niya, kaya relax lang, and have confidence.

Kung wacky ka sa totoong buhay, gamitin mo rin iyon bilang estilo mo. Kung seryoso ka, seryoso rin. Kung adventurous ka, gawin mo ring adventurous ang estilo ng pagsulat mo.

Sa wika naman, pansinin ninyo ang pinakakamahal nating mga manunulat, ang pinakagusto nating mga aklat, di ba, ang gamit nila, mga simpleng salita lang? Hindi nagpapa-impress with words, kundi sa pamamagitan ng kabuuan ng kanilang akda. Ang impact sa atin ng kanilang akda, iyon ang nakaka-impress, hindi ba? Kaya ‘wag gagamit ng mga salita na hindi mo naman usually ginagamit sa totoong buhay. Once or twice, puwede, sige, gumamit ka. Pero ‘wag na itong ulitin pa sa iisang akda.

Kung nahihirapan ka naman na isulat ang gusto mong isulat, para bang wala kang maipanumbas na salita sa mga gusto mong sabihin, isipin mo, nagkukuwento ka lang sa isang kaibigan. Iyong mismong wika na gagamitin mo sa pakikipag-usap sa kaibigan, iyon ang gamitin mo sa iyong akda.
At kung walang panumbas na salita sa gusto mong sabihin, mag-imbento ka.

May mga bagay at damdamin na wala talagang katumbas na salita. Huwag tayong mahihimpil dahil lang kulang ang nakalista sa mga diksiyonaryo. Puwedeng-puwede tayong mag-imbento!

3. Gumamit ng ibang form o device mula sa ibang form

Puwede itong makatulong upang maging mas malikhain at ma-break ang monotony ng isang full narrative.

Sa isang kabanata ng Erick Slumbook Paglalakbay Kasama ang Anak kong Autistic ni Fanny Garcia, nagtanghal ang awtor ng palitan ng liham. Doktor ang kanyang kausap sa liham. Mayroon ding diary entries sa loob ng libro. Ang buong libro nga pala ay parang slumbook. Nahahati ito sa mga bahaging makikita rin sa slumbook tulad ng: Describe Yourself, Ambition, Unforgettable experiences, Define Love.
Huwag makulong sa isa. Find the form that will best express your thoughts. Sa IAMWorld at It’s Raining Mens, halo-halong genre ang ginamit ko. May tula, radio drama, maikling kuwento, email, at iba pa.

Invent another genre kung kaya mo.

2. Laging alalahanin ang dalawang persona.

Ang ikaw noon, at ang ikaw ngayon. Dapat malinaw kung sino ang nagsasalita kapag ipinapasok mo na ito sa naratibo.

1. Basa pa more.

“We also read in order to learn how to write,” sabi ni Donald Hall. Sabi rin niya, para makapag-aral ng architecture, dapat laging titingin sa architecture na ginawa na. Sa mga building, simbahan, at iba pa. Para makapag-aral ng basketball, dapat manood ng game, ng pag-dribble, at iba pa.

Ganon din tayo bilang mga manunulat. Mahalagang magbasa ng mga nauna sa atin. Mahalagang magbasa ng kasabayan natin, mahalagang magbasa ng mula sa ibang gender, propesyon, kultura, relihiyon, wika, bansa, uniberso. Sa ganitong paraan, mas dumarami ang natututuhan nating teknik. Mula sa mga teknik na iyan, uusbong ang sarili nating kombinasyon ng teknik sa pagsulat ng CNF.

Maraming salamat sa inyong pagbabasa sa maikling kasaysayan ng CNF sa ating bansa at sa ilang pangkalahatang tip sa pagsusulat nito. Nawa ay makatulong ito sa inyong pagkatha.

-Binibining Bebang

SANGGUNIAN

Mula sa aklat

Garcia, Fanny A. Erick Slumbook, Paglalakbay Kasama ang Anak kong Autistic Binagong Edisyon. Anvil Publishing, Pasig City, 2004.

Hall, Donald, Editor. The Contemporary Essay. St. Martin’s Press, Inc. 1984, USA

Thom, James Alexander. The Art and Craft of Writing Historical Fiction. Writer’s Digest Books, 2010, USA.

Zinsser, William. On Writing Well Second Edition, An Informal Guide to Writing Nonfiction. Harper & Row Publishers, Inc., 1980, USA.


Mula sa Internet

Bordado, A.R.D.S. The Case for Creative Non-fiction, The Varsitarian, Vol. LXXX, No. 2 • July 31, 2008, Posted on 08/03/2008. Link: http://www.varsitarian.net/literary/the_case_for_creative_non_fiction

Hart, Melissa, isang panayam ng isang kapwa manunulat. Noong 2012, natagpuan ko rito ang panayam. Link: http://www.writingshow.com/podcasts/Melissa_Hart.mp3

Hidalgo, Cristina Pantoja, Essay: breaking barriers: The essay and the non-fiction narrative. Natagpuan ko ang notes tungkol dito sa blog ni Bb. Melona Grace Macarias ng UP Mindanao. Link:http://melonagrace.weebly.com/index.html.

Website ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Link: http://www.palancaawards.com.ph/

Website ng National Book Development Board. Link: http://nbdb.gov.ph/images/Downloads/The_NBDB_Readership_Survey_2012.pdf

Mula sa di pa nalalathalang akda

Hidalgo, Cristina Pantoja, To Remember to Remember Writing the Literary Memoir, binigkas noong 2 Agosto 2013 sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, UP Diliman, Quezon City. (Dinaluhan ko ito.)

Siy, Beverly W., Sanaysaya, binigkas noong 15 Pebrero 2012 sa Sanaysaya Workshop on Writing Humorous Essays and Memoirs na naganap sa Filipinas Heritage Library, Ayala Triangle, Ayala, Makati.

No comments:

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...