ni Beverly W. Siy para sa kolum na KAPIKULPI sa lingguhang pahayagang Perlas ng Silangan Balita ng Imus, Cavite
Inimbitahan ang asawa kong si Ronald bilang tagapagsalita sa isang serye ng seminar tungkol sa paggawa ng pelikula. Ang nag-imbita ay si Bumbo, isa sa malalapit niyang kaibigan. Nagtatrabaho si Bumbo bilang editor sa isang business process outsourcing company o BPO sa may Mckinley Hills, Taguig City. Noong nagsisimula pa lang ang 2015, sa kanilang opisina ay nagtatag si Bumbo ng isang club para sa mga mahilig sa pelikula. Isa sa mga proyekto niya bilang pangulo ng club ay film fest na katatampukan ng pelikulang sila mismong mga miyembro ng club ang gagawa. Dalawang beses akong isinama ako ni Ronald sa opisina ng BPO nina Bumbo nang dumating na paksang scriptwriting sa pa-seminar ng club. Pero hindi scriptwriting o seminar o pelikula ang paksa ng sanaysay kong ito. Iba. Tiyak na magugulat ka.
Unang punta ko pa lang, manghang-mangha na ako sa ganda ng opisina nina Bumbo. Ilang floors sa isang magarang building ang okupado ng opisina. Kalaunan, malalaman kong matatagpuan din sa isa pang building sa area na iyon (sa McKinley Hills) ang ilang floors pa ng opisina nina Bumbo. Sa palapag kung saan kami madalas na dinadala ni Bumbo ay may guwardiyang nakaantabay sa entrada ng opisina nila, katapat ng entrada ang mga elevator ng mismong building. De swipe ng high-tech na ID ang lahat ng entrada sa opisina. Sa madaling salita, sobrang higpit ng security! Bakit kaya? Sobrang selan ba talaga ng mga pinoproseso sa opisinang ito?
Ang work area ng mga tagaroon ay napakalawak, parang buong furniture section ng SM Department Store. Maliwanag ito at malinis, at nahahati sa mga cubicle ang majority ng espasyo. Airconditioned, siyempre. Ang pantry ay malaki rin, tantiya ko, higit pa sa 150 sq.m. ito. Airconditioned din, parang food court sa mga mall ang dating, maraming mesa, at ang cute ng mga upuan. Cool din ang mga kulay na matatagpuan sa pantry: puti at berde. May vendo machine sa isang gilid, kahanay nito ang supplies para sa gustong magkape. Sa dulo, may mga lababo. Mga, kasi hindi lang isa. May water dispenser at refrigerator din. Nakakatuwa talaga. Lalo’t ang linis-linis. Kung doon ako nagtatrabaho, malamang maya’t maya ako sa pantry!
Pero pinaka-namangha talaga ako sa kubeta nila. Maliit lang ito, mga tatlo o apat na cubicle. Pero mabango, malinis at kumpleto sa supplies. May liquid soap at tissue paper. E, ba’t ako namangha samantalang parang ordinaryong CR lang naman pala ito? Paano, pati ang dispenser ng paper towel nila, high-tech! Automated ito. Oo, ordinaryo ang matik-matik na mga bagay sa CR. May automatic na gripo, may automated na liquid soap dispenser. Pero, sa buong buhay ko, noon at doon lang ako nakakita ng automated na dispenser ng paper towel. Big deal talaga sa akin ‘to. First time, e.
Anyway, ano ang trabaho ng mga tagaroon? Iba-iba. Karamihan ay trabaho na utak ang pinagagana. Tipong financial analysis, ganyan. Si Bumbo, nag-e-edit ng mga dokumento tungkol sa iba’t ibang legal cases sa U.S. Ginagawa niya ito para mas madaling mahanap at maintindihan ng mga abogado roon ang mga legal document na kailangan nila sa kanilang espesyalisasyon. Sabi ni Bumbo, marami raw siyang natututuhan sa trabaho niya. Malaki rin ang suweldo niya, nasa 40-50k. Ang laki, di ba? Hayahay ang buhay. Maganda raw talaga ang ganito, ang BPO. Lalo na sa bansang tulad ng Pilipinas. Nagkakatrabaho ang mga Pinoy. Pero nawawalan ng trabaho ang mga taga-U.S. (kasi nga, ina-outsource na lang sa bansang mas mura ang bayad sa empleyado ang mga trabahong para sana sa sarili nilang mga mamamayan). Ibig sabihin, hindi rin talaga nakakatulong sa ekonomiya nila ang konsepto ng BPO. Kaya ang totoong nakikinabang dito ay ang BPO company. There’s no way to go but up, ‘yan ang direksiyon ng kanilang kita. Nakakatipid sila sa mga Pilipino. (Hindi tayo kasingmahal ng mga Amerikano.) Ang natitipid ng BPO company ay napupunta sa mismong BPO company.
Sa kasamaang-palad, ang trabahong naibibigay ng BPO sa Pilipinas ay hindi nakakatulong sa pagpapaunlad ng Pilipinas in qualitative terms. Sabi ni Bumbo, sa bawat pag-e-edit niya ng dokumento, ang umuunlad ay ang legal system ng U.S. Ang humuhusay ay mga Amerikanong abogado. Kung ganon, paano ito makakatulong sa nation building natin?
Kung suweldo ang pag-uusapan, aba’y malaking bagay nga naman ang 40-50k. Nagagastos ng BPO employee ang perang ito dito sa Pilipinas, kumikita ang gobyerno sa BPO employee sa pamamagitan ng buwis. Puwede na. Kaya lang, kung parami nang parami ang ganitong empleyado, okey lang ba sa gobyerno na ang ambag ng kanyang mamamayan sa bayan ay pera lang, buwis lang? Okey lang ba na ang utak ng mamamayan niya ay ibang bansa ang nakikinabang?
Kung sino man ang nakaisip ng konseptong iyan, bow ako, ang galing, e. Ang galing mang-engganyo. Kung hindi susuriing maigi ay aakalain mong biyaya talaga ng langit ang trabaho’t perang maibibigay nito. Ang taas ng suweldo, ang gara ng opisina, pangmatalino ang trabaho. Pang-first world ang lahat. Ultimo dispenser ng paper towel.
Araw-araw, tuwing pumapasok ang BPO employee sa kanyang trabaho, para siyang nata-transport sa ibang bansa. Sa loob ng opisina, tanging mga katrabaho lang niya ang magpapaalala na nasa Pilipinas siya. Kapwa Pinoy, e. Pero ang mismong gawain ay mula sa ibang bansa, problema ng ibang bansa ang iisipan niya ng solusyon, ang amenities ng opisina ay pang-international. Pero pag tapos na ang gawain, pag nasolusyunan na ang problema ng iba, paglabas ng opisina, paglabas ng McKinley Hills, back to reality na uli. Nariyan ang masikip na dyip, ang mga holdaper, ang basura, ang mga pulubi, nariyan ang mala-impiyernong init, nariyan ang mala-impiyernong init sa MRT at LRT, nariyan ang mala-impiyernong trapik. Nariyan. Muli. Ang. Impiyerno.
Kaya sa isang banda, ang BPO companies ay isang uri ng pantasya. Anong masama sa pantasya? Wala. Natural lang ito para ma-entertain, para maka-survive sa napakalupit na realidad. Pero kung ang isang tao, pantasya nang pantasya, wala nang ginawa kundi isipin ang isang pantasya, may nalulutas bang problema? Wala. Posibleng malimutan ng taong ito ang totoong problema sa kapapantasya niya! Posible rin na hindi niya alam na pagpapantasya na pala ang ginagawa niya, akala niya, bahagi ng realidad ang paborito niyang pantasya. Kaya wala siyang gagawin para mabago ang kanyang sitwasyon. Hahayaan lang niya ang pantasya hanggang sa tumanda siya at mamatay. Posible ring maipamana niya ang sitwasyon at pantasyang ito sa kanyang mga anak at apo.
Posible. Pero iyan ay kung nariyan pa ang pantasya. Kasi ang pantasyang BPO ay walang ibang hanap kundi ang mas mataas na kita. Pag nakahanap siya ng mas murang mga empleyado kaysa sa mga Pilipino, siguradong magliligpit na ito ng mga props niya at mabilis na lilipad, magsisisirko sa ere’t maglalatag ng dolyar sa bago nitong pugad.
Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment