Saturday, July 4, 2015

Para Saan Nga Ba ang Package?


ni Bebang Siy para sa Kapikulpi, kolum sa Perlas ng Silangan Balita

Kapapanganak ko lang noong 18 Hunyo 2015. Sa ospital, habang ako ay nasa recovery room, ang asawa kong si Poy ay nasa sarili naming kuwarto doon. Dinalhan daw siya ng nurse ng isang package courtesy of the hospital. Kinabukasan ko na nakita ang package. Natawa ako sa laman nito. Toilet paper na may tatak ng ospital, toothbrush na pang-travel, isang sachet ng Colgate, measuring cup, tsinelas (na gawa yata sa papel, sobrang nipis, e!), shower cup (na gawa rin yata sa papel), kutsara’t tinidor, dalawang maternity pad (iyong parang panyo na inilalatag sa kama) at isang pack ng Modess maternity pad. Masaya si Poy nang matanggap niya ito. Ako naman, nainis. Sabi ko, nagdala tayo ng toilet paper, toothbrush, toothpaste, tsinelas, at maternity pad. Aanhin natin ang karamihan sa mga bagay na nasa package na ito? Dagdag gastusin lang ang mga ‘yan! Kasi siguradong naka-charge iyan sa atin.

Pinatanong ko sa nurse kung puwedeng isoli na lang ang package. Ang sagot nito ay hindi puwede. Lahat ng pasyenteng nanganganak doon ay nakakatanggap daw ng ganong package. In short, required ang lahat ng manganganak doon na kunin ang package. Whether we like it or not. Aray ko, pakiramdam ko noon ay may bubukang tahi any minute. Ang sunod kong tanong, puwede bang isoli na lang namin ang mga bagay sa package na ito na mayroon na kami. Halimbawa nga ay ang tsinelas at toothbrush at toothpaste. Ang sagot nito ay hindi puwede. Kasi package iyon. Hindi puwedeng isa-isang bilhin o isa-isang isoli sa ospital.

Isang napakapangit na practice ngayon ng mga kumpanya ang package-package. Marami itong katawagan. Bundle, Value Meal, Tipid Meal, Tipid Pack, All-in-One, at iba pa. Pinagsasama-sama ng mga kumpanya ang ilang mga bagay pagkatapos ay ibebenta nila ang mga ito sa consumer bilang isang buo. At paniniwalain nila ang consumer na mas makakatipid ito kung isang package na lang ang bibilhin. Pero ang totoo, hindi. Kasi may mga kasama sa package na iyon na hindi naman talaga importante o hindi talaga kailangan ng consumer. Ang totoong nakikinabang sa package-package ay ang kompanya. Dahil may patong siya sa presyo ng BAWAT item sa kanyang imbentong package.

Isang magandang halimbawa nito ay ang mga value meal sa fast food restaurants. Kadalasan, ang isang meal ay binubuo ng hanggang tatlong item. Kanin, ulam at inumin (na kadalasan ay soft drink o iced tea o juice). Ang presyo ng kanin at ulam ay malapit na sa presyo ng value meal na kanin, ulam at inumin. Kaya ang consumer, nag-aakalang mas makakatipid siya kung ang bibilhin niya ay ang value meal na lang. Pero ang totoo, napapagastos pa siya. Kasi magdadagdag pa rin siya ng pera para sa inumin. At ang presyuhan ng inumin sa fastfood restaurants ay iba sa presyuhan ng inumin sa sarisari store. Walang sampung pisong inumin sa fastfood restaurants! At isa pa, hindi naman talaga kailangang bumili ng inumin ang isang consumer. Dagdag sugar lang ito sa katawan! Mabubusog pa rin siya kahit na tubig lang ang kasalo ng kanyang kanin at ulam.

So, tandaan natin, mahal kong mambabasa, na suriing mabuti ang mga package-package na naeengkuwentro natin. Sa una’y masisilaw kang talaga sa “tipid strategies for you” ng kompanya. Sa una’y aalukin ka ng marami (package nga!) para sa isang ispesipikong presyo, pero pag kinuwenta mo na ang lahat, pineperahan ka lang pala gamit ang mga bagay na wala namang kakuwenta-kuwenta.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...