Narito ang mga naranasan ko bilang copyright consultant sa TechFactors. Palagay ko, maraming mapupulot ang mga manunulat dito, gayundin ang mga heirs o tagapagmana ng manunulat. Kung ikaw ay isa sa mga tinukoy ko, magbasa at alamin ang mga dapat gawin!
Konting backgrounder muna. Ang TechFactors ay isang kumpanya na gumagawa ng mga training at educational materials na nakaangkla sa teknolohiya. Di nagtagal, pinagpasyahan nilang mag-print ng textbook para sa English subject dahil ang feedback daw ng mga eskuwelahang kliyente nila, hindi sapat na link lang ang ibinibigay ng guro kapag may pinag-aaralang pampanitikang akda sa klase. Kailangan ng printed copy ng mga akdang tampok sa kanilang training at educational materials at doon isinilang ang ideyang pagbubuo at pagpi-print ng textbook sa Ingles. Kinomisyon ako ng TechFactors para i-check kung under ba ng copyright ang mga akdang nais nilang isama at i-reprint sa textbook, at para hanapin at hingan ng permisyo ang mga author (at ang heirs ng mga ito kung sila ay pumanaw na) sa pagpapa-reprint ng mga akda.
Paunawa: Ang pangalan na unang mababanggit sa bawat talata ay ang pangalan ng awtor.
F. Sionil Jose-yes, the national artist! ehem!
madali ko siyang na-locate dahil matagal ko nang alam ang contact details ng kanyang publishing house at book store, ang Solidaridad. Ang nakipag-usap sa akin doon via email, phone calls at text messaging ay ang assistant ni Manong Frankie, si Sir Cesar. Tinanong niya (pinatatanong daw ni Manong Frankie) kung anong bersiyon ng excerpt ng nobela niya ang ire-reprint. Sinabi ko ito. Saka lang ako binigyan ng go signal. Hiningian ako ng printed copy ng Letter of Request at ipinadala ko ito via courier. Ang signed consent form ay pina-pick up naman sa akin after a few weeks. Bagaman ibinigay na sa akin ni Sir Cesar ang bank details ni Manong Frankie, hindi ko idineposito ang tseke para dito. Nagpasya akong ideliver ito nang personal sa Solidaridad. At tiniyempo ko talagang naroon si Manong Frankie... para makapagparetrato ako kasama siya, hahaha!
Take note, writers!
Magandang may Sir Cesar si Manong Frankie. Ito na ang nag-aasikaso ng maliliit na bagay tulad ng pagsagot ng telepono, pag-eemail at pagte-text sa tulad kong humihingi ng kanyang permit to reprint. Maganda ring tinatanong natin sa interested na publisher o entity kung ano ang bersiyon ng akda natin ang ire-reprint dahil minsan, sa paulit-ulit na pagkaka-reprint sa iba't ibang publikasyon, posibleng ibang-iba na ang isang akda kumpara sa orihinal nitong bersiyon.
Glenn Vincent Atanacio- may nakakakilala ba sa kanya? I'm sure, wala. (Joke lang, Glenn!)
I mean, ito ang point ko rito, sa mga nag-iinarte diyan na writer na pa-humble na pa-cute na pa-ewan na laging nag-iisip at nagsasabi na, "hindi ako interesado d'yan sa copyright-copyright na 'yan, di naman ako sikat kaya walang magkakainteres na mag-publish ng gawa ko." o, eto, tanong ko uli, may nakakakilala ba kay Glenn Vincent Atanacio? malamang 'yong mga kamag-anak lang niya at loved ones! si Glenn ay isang makatang nagtapos sa UST. nagtatrabaho siya ngayon sa gobyerno. Isang tula na naisulat niya noong college days niya ang napili ng TechFactors para isama sa textbook nito. nang matanggap ko mula sa TechFactors ang listahan ng mga akda at awtor, tuwang-tuwa ako nang makita ang pangalan ni Glenn. Bakit? Kaibigan ko si Glenn, isang dekada na. Ang liit ng mundo, ano? Kaya isa siya sa mga unang nakatanggap ng tseke dahil isa siya sa pinakamabilis kong nakontak. Isang text lang, haha! Sabi pa sa akin ni Glenn, ba't 'yang tula na 'yan ang napili nila? College pa ako noong isinulat ko 'yan, e. Nakakahiya. Sabi ko, ang arte mo. Maganda naman ang gawa mo, a. Pang...high school, haha! Anyway, ang bangko ng TechFactors ay Metrobank na malapit sa bahay namin. Sabi ni Glenn, iabot ko na lang daw sa kanya ang tseke. Kaya isang umaga ay nagkita kami sa Metrobank Sikatuna. Kaso, doon kami nagkaproblema. Kasi ang nasa ID ni Glenn ay Glenn Vincent Atanacio, ang nakalagay sa tseke ay Glenn Atanacio lang. Walang Vincent. Binalikan ko ang mga dokumento ni Glenn sa akin para malaman kung bakit nagkaganon. Ang inilagay pala niya sa signed consent form bilang byline ay Glenn Atanacio lang kaya ang inilagay ng TechFactors sa tseke niya ay ganon nga, walang Vincent. Kinailangan pang tumawag ng Metrobank Sikatuna sa TechFactors para i-confirm na ang tseke na may pangalang Glenn Atanacio ay para talaga kay Glenn Vincent Atanacio.
Take note, writers!
Minsan, iba ang byline natin sa tunay nating pangalan. Kapag hiningi na ng interested publisher o entity ang pangalan natin para sa payment (tseke man o hindi), ibigay natin ang pangalan na nasa ating official at valid na mga ID para mas madali nating makukuha ang payment na para sa atin.
Dean Francis Alfar- madali kong nakontak si Sir Dean dahil magkakilala kami.
Madalas kaming nagkakasama sa mga talk at literary events nitong 2014. Dalawa ang akda niyang ire-reprint ng TechFactors. ang isa doon ay hindi raw kanya ang copyright. Sa publisher na raw. Tinanong ko siya kung iyon ba ang nakasaad sa kontrata niya with that publisher. Sabi niya, hindi ko maalala sa ngayon at hindi ko pa mahanap ang kopya ko ng kontrata. Tinanong ko siya, Sir, gusto po ba ninyong ako na lang ang mag-inquire sa publisher kung kanila ang copyright ng story ninyo o hindi? he gave me his go signal kaya nag-email ako sa publisher. i personally know the publisher (maliit lang ang book publishing industry sa ating bansa, halos magkakakilala at magkakaibigan ang mga tao rito). tinanong ko kung ang copyright ba ng story na ito ay sa kanya/sa company niya? (ang story ni sir dean ay inilathala ni publisher bilang isang kuwentong pambata.) isang araw ay bigla akong nakatanggap ng tawag mula kay publisher. (nagulat talaga ako kasi bihira naman kaming mag-usap sa cellphone at inaasahan kong sa email din siya sasagot sa aking tanong). sabi niya, sa author pa rin daw ang copyright ng story na iyon. ang kanila lang daw ay iyong buong book. pero kung teksto ang pinag-uusapan, sa author pa rin daw iyon. yey! binalikan ko si sir dean with this good news.
Take note, writers!
importanteng alam nyo ang status ng copyright ng inyong mga akda. kung hindi nyo kayang makabisa ang mga ito, siguruhing madali nyong mahahanap ang inyong mga kontrata. mas maganda siguro ay i-scan o picture-an ang inyong mga kontrata at i-email ang mga ito sa sarili para anytime na kailangan n'yong makita kung ano ang nakasaad dito, mare-retrieve n'yo agad ang inyong dokumento.
Merlie Alunan- madali ko ring nakontak si Mam.
Nakalimutan ko na kung bakit pero mayroon akong email address niya sa aking electronic directory. Mabilis naman siyang nag-reply at nagbigay ng consent sa akin kahit siya ay nakatira sa malayo, sa Tacloban to be exact. Nagkaproblema ako rito dahil sa pangalan sa tseke para sa kanya. kilala siya sa literary circle bilang Merlie Alunan. Sa signed consent form ay iyon din ang inilagay niya. Kaya iyon din ang nakalagay sa tseke para sa kanya. Nang sinubukan nang ideposito ito, ayaw tanggapin ng bangko (PS Bank sa Kamias). Ang account name niya ay Merlie Wenceslao. Gamit na niya ang apelyido ng kanyang asawa. Ilang beses na bumalik si EJ sa PS Bank Kamias at sa huli, pinaiwan ko ang tseke sa teller doon. Tapos, itinext ako ng teller. Sabi niya ay nakikipag-coordinate na raw ang PS Bank Kamias sa PS Bank Tacloban para masiguro na ang client nitong si Merlie Wenceslao ay siya ring si Merlie Alunan na nasa tsekeng iniwan ni EJ sa kanila. Ano ang sagot ng PS Bank Tacloban? Nasa Maynila raw si Merlie Wenceslao at sumagot daw ito na ito na lang ang mag-aasikaso sa tseke sa PS Bank Kamias. Ay, na-high blood ako. Bakit papupuntahin pa doon si Mam Merlie kung sumagot naman ang PS Bank TAcloban hinggil sa identity ng Merlie Wenceslao na kliyente nila? Paano kung ibang Merlie Alunan pala ang magpunta sa PS Bank Kamias? Posible ito dahil hindi naman kilala ng PS Bank Kamias si Mam Merlie. Hindi ko na alam ang nangyari sa bangko. Basta nang mag-text akong muli sa teller, nalaman kong nai-deposit na ang tseke para kay Mam Merlie. Ibinigay naman sa akin ang deposit slip na siyang isinoli ko sa TechFactors. Nang magkita kami ni Mam Merlie sa launch ng kanyang aklat with UP Press, nagpakilala ako uli at tinanong ko sa kanya ang PS Bank experience niya. Ang sabi lang niya, ay ang tagal na noon. People from PS Bank know me well, mga naging estudyante ko kasi sila!
Take note, writers!
Minsan, magkaiba ang apelyidong ginagamit natin sa mga ID natin kumpara sa apelyido natin sa ating byline. Para sa mga payment at legal transactions, siguruhing ang pangalan at apelyidong nasa official at valid id natin ang ating ibibigay. Attention, married women writers, linawin sa interested publisher o entity kung aling apelyido ang gamit mo sa byline at alin ang gamit mo sa bangko.
E. Arsenio Manuel, Sr. -nahirapan akong hanapin si Sir dahil bukod sa pumanaw na siya, wala sa mga anak ang sumunod sa kanyang yapak bilang manunulat o mananaliksik.
Google ang una kong binalingan at nakita ko sa isang link na ginawaran siya ng isang award ng NCCA a few years ago. Kaya kinontak ko ang NCCA. Agad namang nag-reply ang isang Bb. April Pabon sa email. kaya lang, hindi na siya nag-reply agad pagkatapos ng initial email namin sa isa't isa. Medyo malayo ang agwat ng palitan namin ng email kaya nagpasya na akong tawagan si Bb. Pabon. Doon ko lang nalaman na wala pala sa opisina niya ang impormasyong hinahanap ko. Sabi niya, wala raw silang contact details ng awardee nila. Kako, di ba may registration sheet kayo o guest book? Baka may nakatala doon para sa araw ng inyong awarding. Hahanapin daw niya. ie-email daw niya ako. E, antagal ng email niya, ilang linggo na ang nakalipas! So tinawagan ko siya uli, hindi raw niya mahanap. Mag-eemail na lang daw siya uli. Sabi ko, puwede kayang ako na ang maghanap sa files niya. Sabi niya, hindi puwede. TApos idinagdag niya na wala raw sa kanila ang files. Kasi ibinababa raw sa archives ang papeles tungkol sa awards. Sabi ko, puwede bang ako na lang ang mag-research sa archives nila? Kasi parang walang oras si Bb. Pabon na hanapin ang contact details ni Sir EAM o ang mga family member nito. Sabi niya, hindi rin dawpuwede iyon. Tumawag na lang daw ako sa archives. Iyon nga ang ginawa ko. Kaso ang sabi sa akin sa archives, nasa practice daw ng rondalla ang taong naka-assign sa kailangan ko (wala pang 5pm iyon!) Tawag na lang daw ako uli kinabukasan. Pagtawag ko uli, ang sabi sa akin, wala raw sa kanila ang information. Na sa office daw ni Bb. Pabon. Ang ginawa ko, bumalik ako kay Bb. Pabon at humingi ako sa kanya ng contact details ng head ng kanilang opisina para makapagpadala ako ng pormal na liham sa aking paghahanap. Ibinigay naman ito ni Bb. Pabon. Pero that same afternoon, nakatanggap ako ng text mula sa kanya, ang nakita lang daw nila sa files nila ay ang address ni Sir EAM. Bingo!
So pinuntahan ko ang address. Sa may UP Village lang kasi, napakalapit sa amin. Isang malaki at lumang bahay ang tumambad sa akin. Nagtao po ako. Ang lumabas ay isang patpating teenager na lalaki, siyempre hindi ko muna sinabi ang tungkol sa pagbibigay ng 5k. sabi ko lang, may gustong gumamit n akda ni Sir EAM, sino ang puwedeng makausap, may tinawag siya sa loob ng bahay. isang chubby na babaeng teenager naman ang lumabas. sabi nila sa akin, iyong papa raw nila ang nag-aasikaso ng mga ganito dati. Kaso pumanaw na raw ang tatay nila. It turned out, mga apo na pala ni Sir EAM itong kausap kong mga teenager! muntik ko na silang mahalikan! nagtanong uli ako tungkol sa mga auntie at uncle nila, wala raw ang mga ito, karamihan nasa us. sabi ng lalaking teenager, iyon daw nag-aalaga sa kanila ang kausapin ko. hiningi ko ang celnumber ng nag-aalaga sa kanila. iniwan ko ang formal letter ng publisher at isang calling card ko.
kako, adventure ito.
tinext ko ang contact person ng mga apo ni Sir EAM. Lea ang pangalan nito. Kaso hindi sumasagot sa text ko. Isang araw, nagpasya akong bumalik sa EAM house sa UP Village. Doon ko nakilala si Lea. Siya ay isang babaeng nasa 30 something. Doon siya nakatira at siya ang nag-aasikaso sa mga apo ni EAM. Nagtagal ako that afternoon kasi gusto kong malaman kung kanino ba ako dapat magpunta para sa permiso ng tagapagmana ni EAM. Buti na lang, madaldal si Lea. Ito ang mga nalaman ko: pumanaw na ang wife ni Sir EAM. (So mga anak na ang tagapagmana.) Lima ang anak ni Sir EAM. Ang isa ay iyong tatay ng mga teenager, ito nga raw ang nag-aasikaso noon ng pagbibigay ng permit-permit. Pumanaw na raw ito. Ang tatlo ay nasa US pero ang isang babae raw, si Mam C, ay nandito sa Pilipinas, nagbabakasyon. ang suwerte ko raw. kay mam c daw ibinigay ni lea ang sulat ko. bakit, kako? iyon daw ang sabi sa kanya ng panganay na anak ni sir eam. sabi ko, iyong isa pong anak ni sir eam, saan nakatira? sa mandaluyong daw. Pero kaaway daw ng lahat ang kapatid na nasa mandaluyong. sabi ko, o sige po, pahingi na lang ng contact details ni mam c. ayaw ibigay sa akin ni lea. sila na lang daw ang bahala, sila na raw magpa-follow up. ite text na lang daw nya ako kapag napirmahan na at nasa kanya na ang permit to reprint. doon daw sa bahay na iyon ako bumalik. ok po kako. that same afternoon, nalaman ko na si lea pala ay gf ng panganay na anak ni sir eam. nasa us ito at nasa 80+ years old na raw (si lea na rin ang nagsabi).
shocked ako, haha, e bakit ito ang kausap ko sa isip-isip ko. anyway, she was very helpful (na hindi at the same time), hahaha pero siya lang ang paraan para makakonek ako sa mga manuel. sabi niya sa akin, sasabihin daw niya kay panganay na nagpunta nga ako doon sa bahay nila. sabi ko, puwede po bang i-email niya ako para dito sa request namin? nag-iwan ako ng calling card. bago ako umalis, hiningi ko uli ang contact details ng nasa mandaluyong. napilitan siyang ibigay ito sa akin.
sinubukan kong kontakin ang nasa mandaluyong that week pero wala itong reply sa akin. Si lea, laging nagre-reply tuwing magpa-follow up ako sa kanya. wala pa raw sa kanila ang permit to reprint. busy daw kasi sa pagsa-shopping si mam c. hinintay ko rin ang email ni panganay, walang dumating ni isa. matiyaga akong nag-follow up hanggang sa isang araw, nag-text sa akin si lea. ready na for pick up ang permit. pagdating ko sa bahay ng mga manuel, nandoon si lea at agad na iniabot sa akin ang permit. nakapirma si mam c. pero ibang pangalan ang ipinalalagay nito sa check. sabi ko, sino po itong tao na ito? pinsan daw iyon ni mam c. i suppose pinsan ito ng mga manuel. sabi ni lea, ideliver ko na lang sa kanya ang check pag nariyan na. umoo ako. pero sa permit, may nakasaad din na address. sa isa pang bahagi ng QC. sa isip-isip ko, okey na rin ito. ang mahalaga, may permit na ako. personal ko na lang na ide-deliver ang check sa address na nakalagay sa permit (at hindi kay lea na nasa up village) para na rin masiguro ko na itong tao ngang ito (ang pangalan na nakalagay sa check) ang itinalaga ng mga manuel para tumanggap ng pera mula sa publisher. aalamin ko kung kaano-ano niya ang mga manuel.
nagpaalam ako kay lea at lumarga na. after a few months, nang mai-release na ang check, hinanap ko ang address na nakasaad sa permit. dala-dala ko ang check, paikot-ikot kami sakay ng isang tricycle na doon mismo bumibiyahe sa lugar na iyon. weird daw ang address na iyon, sabi ng mga napagtatanungan namin. wala raw ganon na address sa lugar na iyon. sabi ko, baka nagkamali ng lagay si mam c ng number ng bahay o street. kasi taga-us siya. posibleng hindi niya kabisado ang address niya dito sa pilipinas (mukhang higit sa isa ang properties ng mga manuel sa pilipinas). ang ginawa ko, tinext ko si lea. sabi ko, ipina-LBC ang check pero bumalik sa LBC ang check dahil mali ang address. Puwede ko bang mahingi ang tamang address mula sa iyo. hindi nag-reply si lea that day. hapon kami dumating sa lugar, madilim na noong umuwi kami.
that night, tinext ko uli si lea. walang reply. tinext ko uli kinabukasan, wala pa ring reply. Ilang beses ko pa itong tinext nang mga sumunod na araw, wala pa ring reply. Wala ring dumating na email sa akin mula kay panganay. hindi na ako nakabalik uli sa up village dahil nanganak na ako't lahat. kaya as of now, misteryo itong mga tagapagmana ni sir eam.
Take note, writers!
Mamamatay tayo, tanggapin natin iyan. Walang nakakaligtas sa kamatayan. Since ang copyright ay buong buhay natin plus 50 years, kailangan nating paghandaan ang panahon na tegi na tayo pero may gusto pa ring gumamit ng akda natin. Sa ngayon, di pa masyadong respetado ang copyright pero growing trend naman sa lahat ng bansa sa mundo ang pagkamulat ng mga tao sa paggalang sa karapatan ng mga may akda, kaya posibleng 50 years after our death, mas marami na ang nagko-comply sa batas, sa copyright, so mas marami na ang hihingi ng mga permit (dahil malamang mas mahigpit na ang pagpapatupad ng penalty at kulong-kulong sa mga hindi susunod sa batas) natin at ng mga mahal natin sa buhay.
sa kaso ni sir eam, wala siyang dokumento na nagsasabi kung sino sa kanyang mga anak (dahil pumanaw na ang kanyang asawa) ang dapat na lapitan para sa ganitong usapin. iwasan natin na isang lea pa ang makakatransaksiyon ng mga interested party in the future. kung sakali man na isang lea nga ang pinahihintulutan natin o ng tagapagmana natin na makipagtransaksiyon sa interested party, mas mainam na may dokumentong nagsasabi nito at pirmado natin ang dokumentong ito.
importante rin na madaling mahanap ang mga tagapagmana ng iyong copyright. laging i-update ang publisher sa iyong contact details. mag-upload ng cv (na may contact details at address mo) sa internet. kung kasapi ng mga organisasyon, siguruhing updated ang contact details mo sa kanilang database. (sa karanasan ko, pag may organisasyon ang manunulat, mas madali siyang makontak!) i-train din hangga't maaga ang magiging tagapagmana ng copyright mo para siya na ang bahalang mag-update ng contact details niya sa publisher mo, sa organization mo, etc. etc. maganda rin na kahit nasa ibang field o larangan ang tagapagmana mo ng copyright, konektado pa rin siya sa publishing industry at sa mga kamanunulat mo (o sa mga anak ng mga kamanunulat mo) para madali siyang mahanap pag may interesado sa iyong akda, again, sa panahong tegi ka na.
to be continued...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
1 comment:
very informative itong essay ninyo about copyright. :-)
Post a Comment