May natanggap akong transcription project. Ang ininterbyu ay si Dr. Steven Patrick Fernandez ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. Isa siya sa mga aktibong tagapagtaguyod ng sining at kultura sa bahaging iyon ng Pilipinas. Siya ay isang musician, theater artist at director, writer at cultural organizer.
Isa sa mga sinabi niya sa interbyu ay parang ganito: tumutulong ang kultura sa pagkamakabayan ng bawat tao. Binanggit niya ang kultura ng Russia at ang kultura ng Tibet. Ang mga kultura nito ay nakakatulong sa pagkamakabayan ng mga tao roon.
Naisip kong bigla ang sa atin. Ano ba ang kulturang Filipino? Nakakatulong ba ito sa pagiging makabayan natin? Teka, back to basics muna. Ano nga ba ang kultura?
Ang kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng isang grupo ng tao. Paraan ng pamumuhay meaning lahat ng bagay na may kinalaman sa kung paano nabubuhay ang isang tao. Ang kultura ay pagkain at inumin, ugali, gawi, paniniwala, arkitektura, damit at iba pang isinusuot, komunikasyon, binabasa, pinapanood, pinakikinggan, pangalan, etc. etc. Mahaba ang listahan!
Kung ito ang kultura, ano ang sagot sa tanong na ano ang kulturang Filipino?
Ano ang kinakain ng mga Filipino? Sinigang, dinuguan, kanin, milk tea, toyo at suka, bagnet, burger, bulalo, pakbet, spaghetti, pizza, taho at iba pa. Pinoy na Pinoy (maliban sa milk tea, burger, spaghetti at pizza). Check!
Ano ang ugali, gawi at paniniwala ng mga Filipino? Masiyahin, magalang sa matanda, mahilig sa tsismis, mabagal, mahilig magpatorya-torya, friendly, mapagmahal sa pamilya, malinis sa bahay, baboy sa labas ng bahay, walang disiplina, maparaan, madiskarte, matiyaga, masipag, mapagpatawad (kaya marami ang nare-reelect na mga politikong nahatulan na nga ng pagkakasala noon!) at iba pa. Kung puwedeng gawin bukas, bukas na lang gagawin. Sa umpisa lang masigasig, pag nagsawa na, mawawalan na nang gana sa ginagawa. Nakita na ngang mali ang isang bagay, gagayahin pa. Pag sinita, ang idadahilan ay ginagawa rin naman ng iba ang ginagawa niya. Laging late! Naghahanda ng higit sa kaya dahil nahihiya sa sasabihin ng ibang tao kapag may nakapansin na kulang ang inihanda. Gagawin ang lahat para sa pamilya ultimo ang pagsasakripisyo ng sariling kapakanan. At marami pang iba. Pinoy na Pinoy. Check!
Kumusta ang arkitektura? Sa Makati, very modern, parang wala ka sa Pilipinas, para kang nasa Singapore. Sa mga subdivision at village, moderno na rin ang mga bahay. Ang mga pangalan ng modelo ng bahay ay hango pa sa kanluran: Matteo, Chelsea, Chloe. Puro sementado, kongkreto ang mga ito. Ipinagmamalaki pa ng mga realty developer kung ang subdivision, village at bahay nila ay hango sa Italy o kung saang bansa ang estilo. Itinatayo ilang daang metro mula sa monumento ni Rizal sa Luneta ay ang Torre de Manila ng DMCI, isang modern style condominium. Sa lahat ng sulok ng bansa, ang mga lumang bahay at building ay isa-isa nang dine-demolish at pinapalitan ng mga building o commercial establishments. Ang mga nabubulok na ngunit umportanteng mga bahay at lugar ay bibihira nang pagtangkaan na maisalba at maipreserba puwera na lang kung ma-sensationalize ito ng media. Pinoy na Pinoy. Check!
Ano nga ba ang paborito nating suotin? Kamiseta, shorts, sando, pantalon, blouse, maong, palda, bestida at iba pa. Kumusta ang tatak? Bench, Penshoppe, H & M, Marks and Spencer, Esprit, Bayo, Nike, Adidas, Converse, Lee, Arrow at marami pang iba. Alin diyan ang Pinoy na Pinoy?
Sa komunikasyon, ano ang wika natin sa araw-araw? Filipino, Ingles, Taglish, mga lokal na wika. Kapag gusto natin magmukhang matalino, anong wika ang ginagamit natin? Ano ang ginagamit na wika ng mga major na pahayagan sa ating bansa? Ano ang wikang ginagamit ng ating pangulo sa kanyang opisyal na komunikasyon sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan? Ano ang wikang ginagamit ng mga trapo sa pangangampanya? Pinoy na Pinoy ba?
Ano ang paboritong babasahin ng karaniwang Filipino? Romance novels sa Filipino, love stories sa Wattpad, mga aklat ni Bob Ong, Philippine Star, Inquirer, Bandera, Abante Tonight, Harry Potter, 50 Shades of Grey, anumang nakasulat sa Facebook at iba pa. Pinoy na Pinoy pa ba?
Ano ang pinapanood natin? TV Patrol, 24 Oras, It's Showtime, Eat Bulaga, mga pelikula ni Vic Sotto at Ai-ai delas Alas, KrisTV, Pangako Sa 'Yo, TV show ng aleng maliit na si Ryzza, Please Be Careful with My Heart, My Husband's Lover, mga anime, mga koreanovela, She's Dating a Gangster, Diary ng Panget, Hunger Games, Jurassic World, at iba pa. Pinoy na Pinoy (maliban sa huling dalawang pelikula). Check!
Ano ang pinakikinggan natin? Si Papa Jack! Sina Chris Tsuper at Nicole Hyala! Mga kanta nina Maja Salvador at Sarah Geronimo. Korean pop bands. Psy ng South Korea. Music sa MYX at MTV. Taylor Swift, Chris Brown, Beyonce. Ayayay, Pinoy na Pinoy pa rin ba? Check but no check.
Aaaat ano nga ba ang mga pangalan natin? Beverly, Kenji, John, Paul, Sophie, Sean, Elijah, Kimberly, Nicole, Colin, Samantha, Keith at iba pa. Aminado naman tayo, talagang hindi tayo Pinoy na Pinoy pagdating dito. Iilan lang ang naglalakas-loob na magpangalan sa kanilang mga anak ng mga pangalan at salitang katutubo sa atin. No check.
Kung ang mga binanggit ko ay siya ngang bumubuo sa kulturang Filipino, nakakatulong ba ito sa pagiging makabayan natin? Ano sa tingin ninyo?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment