Wednesday, July 22, 2015

Bagong Proyekto!

Biography ito. Ng isang malaking tao. Grabe. Di pa rin ako makapaniwalang napili ako para dito.

Hiling ko lang, sana'y magawa ko ito nang maayos at maganda. Pangalan ko pa rin ang nakataya rito kahit na magiging anino lang ito ng higanteng pangalan sa pabalat ng aklat.

Thank you, God. Thank you talaga sa pakikinig sa mga bulong ng puso ng karaniwang aleng tulad ko.

Saturday, July 18, 2015

Filipino Authors and Their Heirs

Narito ang mga naranasan ko bilang copyright consultant sa TechFactors. Palagay ko, maraming mapupulot ang mga manunulat dito, gayundin ang mga heirs o tagapagmana ng manunulat. Kung ikaw ay isa sa mga tinukoy ko, magbasa at alamin ang mga dapat gawin!

Konting backgrounder muna. Ang TechFactors ay isang kumpanya na gumagawa ng mga training at educational materials na nakaangkla sa teknolohiya. Di nagtagal, pinagpasyahan nilang mag-print ng textbook para sa English subject dahil ang feedback daw ng mga eskuwelahang kliyente nila, hindi sapat na link lang ang ibinibigay ng guro kapag may pinag-aaralang pampanitikang akda sa klase. Kailangan ng printed copy ng mga akdang tampok sa kanilang training at educational materials at doon isinilang ang ideyang pagbubuo at pagpi-print ng textbook sa Ingles. Kinomisyon ako ng TechFactors para i-check kung under ba ng copyright ang mga akdang nais nilang isama at i-reprint sa textbook, at para hanapin at hingan ng permisyo ang mga author (at ang heirs ng mga ito kung sila ay pumanaw na) sa pagpapa-reprint ng mga akda.

Paunawa: Ang pangalan na unang mababanggit sa bawat talata ay ang pangalan ng awtor.

F. Sionil Jose-yes, the national artist! ehem!

madali ko siyang na-locate dahil matagal ko nang alam ang contact details ng kanyang publishing house at book store, ang Solidaridad. Ang nakipag-usap sa akin doon via email, phone calls at text messaging ay ang assistant ni Manong Frankie, si Sir Cesar. Tinanong niya (pinatatanong daw ni Manong Frankie) kung anong bersiyon ng excerpt ng nobela niya ang ire-reprint. Sinabi ko ito. Saka lang ako binigyan ng go signal. Hiningian ako ng printed copy ng Letter of Request at ipinadala ko ito via courier. Ang signed consent form ay pina-pick up naman sa akin after a few weeks. Bagaman ibinigay na sa akin ni Sir Cesar ang bank details ni Manong Frankie, hindi ko idineposito ang tseke para dito. Nagpasya akong ideliver ito nang personal sa Solidaridad. At tiniyempo ko talagang naroon si Manong Frankie... para makapagparetrato ako kasama siya, hahaha!

Take note, writers!
Magandang may Sir Cesar si Manong Frankie. Ito na ang nag-aasikaso ng maliliit na bagay tulad ng pagsagot ng telepono, pag-eemail at pagte-text sa tulad kong humihingi ng kanyang permit to reprint. Maganda ring tinatanong natin sa interested na publisher o entity kung ano ang bersiyon ng akda natin ang ire-reprint dahil minsan, sa paulit-ulit na pagkaka-reprint sa iba't ibang publikasyon, posibleng ibang-iba na ang isang akda kumpara sa orihinal nitong bersiyon.

Glenn Vincent Atanacio- may nakakakilala ba sa kanya? I'm sure, wala. (Joke lang, Glenn!)

I mean, ito ang point ko rito, sa mga nag-iinarte diyan na writer na pa-humble na pa-cute na pa-ewan na laging nag-iisip at nagsasabi na, "hindi ako interesado d'yan sa copyright-copyright na 'yan, di naman ako sikat kaya walang magkakainteres na mag-publish ng gawa ko." o, eto, tanong ko uli, may nakakakilala ba kay Glenn Vincent Atanacio? malamang 'yong mga kamag-anak lang niya at loved ones! si Glenn ay isang makatang nagtapos sa UST. nagtatrabaho siya ngayon sa gobyerno. Isang tula na naisulat niya noong college days niya ang napili ng TechFactors para isama sa textbook nito. nang matanggap ko mula sa TechFactors ang listahan ng mga akda at awtor, tuwang-tuwa ako nang makita ang pangalan ni Glenn. Bakit? Kaibigan ko si Glenn, isang dekada na. Ang liit ng mundo, ano? Kaya isa siya sa mga unang nakatanggap ng tseke dahil isa siya sa pinakamabilis kong nakontak. Isang text lang, haha! Sabi pa sa akin ni Glenn, ba't 'yang tula na 'yan ang napili nila? College pa ako noong isinulat ko 'yan, e. Nakakahiya. Sabi ko, ang arte mo. Maganda naman ang gawa mo, a. Pang...high school, haha! Anyway, ang bangko ng TechFactors ay Metrobank na malapit sa bahay namin. Sabi ni Glenn, iabot ko na lang daw sa kanya ang tseke. Kaya isang umaga ay nagkita kami sa Metrobank Sikatuna. Kaso, doon kami nagkaproblema. Kasi ang nasa ID ni Glenn ay Glenn Vincent Atanacio, ang nakalagay sa tseke ay Glenn Atanacio lang. Walang Vincent. Binalikan ko ang mga dokumento ni Glenn sa akin para malaman kung bakit nagkaganon. Ang inilagay pala niya sa signed consent form bilang byline ay Glenn Atanacio lang kaya ang inilagay ng TechFactors sa tseke niya ay ganon nga, walang Vincent. Kinailangan pang tumawag ng Metrobank Sikatuna sa TechFactors para i-confirm na ang tseke na may pangalang Glenn Atanacio ay para talaga kay Glenn Vincent Atanacio.

Take note, writers!
Minsan, iba ang byline natin sa tunay nating pangalan. Kapag hiningi na ng interested publisher o entity ang pangalan natin para sa payment (tseke man o hindi), ibigay natin ang pangalan na nasa ating official at valid na mga ID para mas madali nating makukuha ang payment na para sa atin.

Dean Francis Alfar- madali kong nakontak si Sir Dean dahil magkakilala kami.

Madalas kaming nagkakasama sa mga talk at literary events nitong 2014. Dalawa ang akda niyang ire-reprint ng TechFactors. ang isa doon ay hindi raw kanya ang copyright. Sa publisher na raw. Tinanong ko siya kung iyon ba ang nakasaad sa kontrata niya with that publisher. Sabi niya, hindi ko maalala sa ngayon at hindi ko pa mahanap ang kopya ko ng kontrata. Tinanong ko siya, Sir, gusto po ba ninyong ako na lang ang mag-inquire sa publisher kung kanila ang copyright ng story ninyo o hindi? he gave me his go signal kaya nag-email ako sa publisher. i personally know the publisher (maliit lang ang book publishing industry sa ating bansa, halos magkakakilala at magkakaibigan ang mga tao rito). tinanong ko kung ang copyright ba ng story na ito ay sa kanya/sa company niya? (ang story ni sir dean ay inilathala ni publisher bilang isang kuwentong pambata.) isang araw ay bigla akong nakatanggap ng tawag mula kay publisher. (nagulat talaga ako kasi bihira naman kaming mag-usap sa cellphone at inaasahan kong sa email din siya sasagot sa aking tanong). sabi niya, sa author pa rin daw ang copyright ng story na iyon. ang kanila lang daw ay iyong buong book. pero kung teksto ang pinag-uusapan, sa author pa rin daw iyon. yey! binalikan ko si sir dean with this good news.

Take note, writers!
importanteng alam nyo ang status ng copyright ng inyong mga akda. kung hindi nyo kayang makabisa ang mga ito, siguruhing madali nyong mahahanap ang inyong mga kontrata. mas maganda siguro ay i-scan o picture-an ang inyong mga kontrata at i-email ang mga ito sa sarili para anytime na kailangan n'yong makita kung ano ang nakasaad dito, mare-retrieve n'yo agad ang inyong dokumento.

Merlie Alunan-
madali ko ring nakontak si Mam.

Nakalimutan ko na kung bakit pero mayroon akong email address niya sa aking electronic directory. Mabilis naman siyang nag-reply at nagbigay ng consent sa akin kahit siya ay nakatira sa malayo, sa Tacloban to be exact. Nagkaproblema ako rito dahil sa pangalan sa tseke para sa kanya. kilala siya sa literary circle bilang Merlie Alunan. Sa signed consent form ay iyon din ang inilagay niya. Kaya iyon din ang nakalagay sa tseke para sa kanya. Nang sinubukan nang ideposito ito, ayaw tanggapin ng bangko (PS Bank sa Kamias). Ang account name niya ay Merlie Wenceslao. Gamit na niya ang apelyido ng kanyang asawa. Ilang beses na bumalik si EJ sa PS Bank Kamias at sa huli, pinaiwan ko ang tseke sa teller doon. Tapos, itinext ako ng teller. Sabi niya ay nakikipag-coordinate na raw ang PS Bank Kamias sa PS Bank Tacloban para masiguro na ang client nitong si Merlie Wenceslao ay siya ring si Merlie Alunan na nasa tsekeng iniwan ni EJ sa kanila. Ano ang sagot ng PS Bank Tacloban? Nasa Maynila raw si Merlie Wenceslao at sumagot daw ito na ito na lang ang mag-aasikaso sa tseke sa PS Bank Kamias. Ay, na-high blood ako. Bakit papupuntahin pa doon si Mam Merlie kung sumagot naman ang PS Bank TAcloban hinggil sa identity ng Merlie Wenceslao na kliyente nila? Paano kung ibang Merlie Alunan pala ang magpunta sa PS Bank Kamias? Posible ito dahil hindi naman kilala ng PS Bank Kamias si Mam Merlie. Hindi ko na alam ang nangyari sa bangko. Basta nang mag-text akong muli sa teller, nalaman kong nai-deposit na ang tseke para kay Mam Merlie. Ibinigay naman sa akin ang deposit slip na siyang isinoli ko sa TechFactors. Nang magkita kami ni Mam Merlie sa launch ng kanyang aklat with UP Press, nagpakilala ako uli at tinanong ko sa kanya ang PS Bank experience niya. Ang sabi lang niya, ay ang tagal na noon. People from PS Bank know me well, mga naging estudyante ko kasi sila!

Take note, writers!
Minsan, magkaiba ang apelyidong ginagamit natin sa mga ID natin kumpara sa apelyido natin sa ating byline. Para sa mga payment at legal transactions, siguruhing ang pangalan at apelyidong nasa official at valid id natin ang ating ibibigay. Attention, married women writers, linawin sa interested publisher o entity kung aling apelyido ang gamit mo sa byline at alin ang gamit mo sa bangko.

E. Arsenio Manuel, Sr. -nahirapan akong hanapin si Sir dahil bukod sa pumanaw na siya, wala sa mga anak ang sumunod sa kanyang yapak bilang manunulat o mananaliksik.

Google ang una kong binalingan at nakita ko sa isang link na ginawaran siya ng isang award ng NCCA a few years ago. Kaya kinontak ko ang NCCA. Agad namang nag-reply ang isang Bb. April Pabon sa email. kaya lang, hindi na siya nag-reply agad pagkatapos ng initial email namin sa isa't isa. Medyo malayo ang agwat ng palitan namin ng email kaya nagpasya na akong tawagan si Bb. Pabon. Doon ko lang nalaman na wala pala sa opisina niya ang impormasyong hinahanap ko. Sabi niya, wala raw silang contact details ng awardee nila. Kako, di ba may registration sheet kayo o guest book? Baka may nakatala doon para sa araw ng inyong awarding. Hahanapin daw niya. ie-email daw niya ako. E, antagal ng email niya, ilang linggo na ang nakalipas! So tinawagan ko siya uli, hindi raw niya mahanap. Mag-eemail na lang daw siya uli. Sabi ko, puwede kayang ako na ang maghanap sa files niya. Sabi niya, hindi puwede. TApos idinagdag niya na wala raw sa kanila ang files. Kasi ibinababa raw sa archives ang papeles tungkol sa awards. Sabi ko, puwede bang ako na lang ang mag-research sa archives nila? Kasi parang walang oras si Bb. Pabon na hanapin ang contact details ni Sir EAM o ang mga family member nito. Sabi niya, hindi rin dawpuwede iyon. Tumawag na lang daw ako sa archives. Iyon nga ang ginawa ko. Kaso ang sabi sa akin sa archives, nasa practice daw ng rondalla ang taong naka-assign sa kailangan ko (wala pang 5pm iyon!) Tawag na lang daw ako uli kinabukasan. Pagtawag ko uli, ang sabi sa akin, wala raw sa kanila ang information. Na sa office daw ni Bb. Pabon. Ang ginawa ko, bumalik ako kay Bb. Pabon at humingi ako sa kanya ng contact details ng head ng kanilang opisina para makapagpadala ako ng pormal na liham sa aking paghahanap. Ibinigay naman ito ni Bb. Pabon. Pero that same afternoon, nakatanggap ako ng text mula sa kanya, ang nakita lang daw nila sa files nila ay ang address ni Sir EAM. Bingo!

So pinuntahan ko ang address. Sa may UP Village lang kasi, napakalapit sa amin. Isang malaki at lumang bahay ang tumambad sa akin. Nagtao po ako. Ang lumabas ay isang patpating teenager na lalaki, siyempre hindi ko muna sinabi ang tungkol sa pagbibigay ng 5k. sabi ko lang, may gustong gumamit n akda ni Sir EAM, sino ang puwedeng makausap, may tinawag siya sa loob ng bahay. isang chubby na babaeng teenager naman ang lumabas. sabi nila sa akin, iyong papa raw nila ang nag-aasikaso ng mga ganito dati. Kaso pumanaw na raw ang tatay nila. It turned out, mga apo na pala ni Sir EAM itong kausap kong mga teenager! muntik ko na silang mahalikan! nagtanong uli ako tungkol sa mga auntie at uncle nila, wala raw ang mga ito, karamihan nasa us. sabi ng lalaking teenager, iyon daw nag-aalaga sa kanila ang kausapin ko. hiningi ko ang celnumber ng nag-aalaga sa kanila. iniwan ko ang formal letter ng publisher at isang calling card ko.

kako, adventure ito.

tinext ko ang contact person ng mga apo ni Sir EAM. Lea ang pangalan nito. Kaso hindi sumasagot sa text ko. Isang araw, nagpasya akong bumalik sa EAM house sa UP Village. Doon ko nakilala si Lea. Siya ay isang babaeng nasa 30 something. Doon siya nakatira at siya ang nag-aasikaso sa mga apo ni EAM. Nagtagal ako that afternoon kasi gusto kong malaman kung kanino ba ako dapat magpunta para sa permiso ng tagapagmana ni EAM. Buti na lang, madaldal si Lea. Ito ang mga nalaman ko: pumanaw na ang wife ni Sir EAM. (So mga anak na ang tagapagmana.) Lima ang anak ni Sir EAM. Ang isa ay iyong tatay ng mga teenager, ito nga raw ang nag-aasikaso noon ng pagbibigay ng permit-permit. Pumanaw na raw ito. Ang tatlo ay nasa US pero ang isang babae raw, si Mam C, ay nandito sa Pilipinas, nagbabakasyon. ang suwerte ko raw. kay mam c daw ibinigay ni lea ang sulat ko. bakit, kako? iyon daw ang sabi sa kanya ng panganay na anak ni sir eam. sabi ko, iyong isa pong anak ni sir eam, saan nakatira? sa mandaluyong daw. Pero kaaway daw ng lahat ang kapatid na nasa mandaluyong. sabi ko, o sige po, pahingi na lang ng contact details ni mam c. ayaw ibigay sa akin ni lea. sila na lang daw ang bahala, sila na raw magpa-follow up. ite text na lang daw nya ako kapag napirmahan na at nasa kanya na ang permit to reprint. doon daw sa bahay na iyon ako bumalik. ok po kako. that same afternoon, nalaman ko na si lea pala ay gf ng panganay na anak ni sir eam. nasa us ito at nasa 80+ years old na raw (si lea na rin ang nagsabi).

shocked ako, haha, e bakit ito ang kausap ko sa isip-isip ko. anyway, she was very helpful (na hindi at the same time), hahaha pero siya lang ang paraan para makakonek ako sa mga manuel. sabi niya sa akin, sasabihin daw niya kay panganay na nagpunta nga ako doon sa bahay nila. sabi ko, puwede po bang i-email niya ako para dito sa request namin? nag-iwan ako ng calling card. bago ako umalis, hiningi ko uli ang contact details ng nasa mandaluyong. napilitan siyang ibigay ito sa akin.

sinubukan kong kontakin ang nasa mandaluyong that week pero wala itong reply sa akin. Si lea, laging nagre-reply tuwing magpa-follow up ako sa kanya. wala pa raw sa kanila ang permit to reprint. busy daw kasi sa pagsa-shopping si mam c. hinintay ko rin ang email ni panganay, walang dumating ni isa. matiyaga akong nag-follow up hanggang sa isang araw, nag-text sa akin si lea. ready na for pick up ang permit. pagdating ko sa bahay ng mga manuel, nandoon si lea at agad na iniabot sa akin ang permit. nakapirma si mam c. pero ibang pangalan ang ipinalalagay nito sa check. sabi ko, sino po itong tao na ito? pinsan daw iyon ni mam c. i suppose pinsan ito ng mga manuel. sabi ni lea, ideliver ko na lang sa kanya ang check pag nariyan na. umoo ako. pero sa permit, may nakasaad din na address. sa isa pang bahagi ng QC. sa isip-isip ko, okey na rin ito. ang mahalaga, may permit na ako. personal ko na lang na ide-deliver ang check sa address na nakalagay sa permit (at hindi kay lea na nasa up village) para na rin masiguro ko na itong tao ngang ito (ang pangalan na nakalagay sa check) ang itinalaga ng mga manuel para tumanggap ng pera mula sa publisher. aalamin ko kung kaano-ano niya ang mga manuel.

nagpaalam ako kay lea at lumarga na. after a few months, nang mai-release na ang check, hinanap ko ang address na nakasaad sa permit. dala-dala ko ang check, paikot-ikot kami sakay ng isang tricycle na doon mismo bumibiyahe sa lugar na iyon. weird daw ang address na iyon, sabi ng mga napagtatanungan namin. wala raw ganon na address sa lugar na iyon. sabi ko, baka nagkamali ng lagay si mam c ng number ng bahay o street. kasi taga-us siya. posibleng hindi niya kabisado ang address niya dito sa pilipinas (mukhang higit sa isa ang properties ng mga manuel sa pilipinas). ang ginawa ko, tinext ko si lea. sabi ko, ipina-LBC ang check pero bumalik sa LBC ang check dahil mali ang address. Puwede ko bang mahingi ang tamang address mula sa iyo. hindi nag-reply si lea that day. hapon kami dumating sa lugar, madilim na noong umuwi kami.

that night, tinext ko uli si lea. walang reply. tinext ko uli kinabukasan, wala pa ring reply. Ilang beses ko pa itong tinext nang mga sumunod na araw, wala pa ring reply. Wala ring dumating na email sa akin mula kay panganay. hindi na ako nakabalik uli sa up village dahil nanganak na ako't lahat. kaya as of now, misteryo itong mga tagapagmana ni sir eam.

Take note, writers!
Mamamatay tayo, tanggapin natin iyan. Walang nakakaligtas sa kamatayan. Since ang copyright ay buong buhay natin plus 50 years, kailangan nating paghandaan ang panahon na tegi na tayo pero may gusto pa ring gumamit ng akda natin. Sa ngayon, di pa masyadong respetado ang copyright pero growing trend naman sa lahat ng bansa sa mundo ang pagkamulat ng mga tao sa paggalang sa karapatan ng mga may akda, kaya posibleng 50 years after our death, mas marami na ang nagko-comply sa batas, sa copyright, so mas marami na ang hihingi ng mga permit (dahil malamang mas mahigpit na ang pagpapatupad ng penalty at kulong-kulong sa mga hindi susunod sa batas) natin at ng mga mahal natin sa buhay.

sa kaso ni sir eam, wala siyang dokumento na nagsasabi kung sino sa kanyang mga anak (dahil pumanaw na ang kanyang asawa) ang dapat na lapitan para sa ganitong usapin. iwasan natin na isang lea pa ang makakatransaksiyon ng mga interested party in the future. kung sakali man na isang lea nga ang pinahihintulutan natin o ng tagapagmana natin na makipagtransaksiyon sa interested party, mas mainam na may dokumentong nagsasabi nito at pirmado natin ang dokumentong ito.

importante rin na madaling mahanap ang mga tagapagmana ng iyong copyright. laging i-update ang publisher sa iyong contact details. mag-upload ng cv (na may contact details at address mo) sa internet. kung kasapi ng mga organisasyon, siguruhing updated ang contact details mo sa kanilang database. (sa karanasan ko, pag may organisasyon ang manunulat, mas madali siyang makontak!) i-train din hangga't maaga ang magiging tagapagmana ng copyright mo para siya na ang bahalang mag-update ng contact details niya sa publisher mo, sa organization mo, etc. etc. maganda rin na kahit nasa ibang field o larangan ang tagapagmana mo ng copyright, konektado pa rin siya sa publishing industry at sa mga kamanunulat mo (o sa mga anak ng mga kamanunulat mo) para madali siyang mahanap pag may interesado sa iyong akda, again, sa panahong tegi ka na.

to be continued
...











Ultimo Dispenser ng Paper Towel

ni Beverly W. Siy para sa kolum na KAPIKULPI sa lingguhang pahayagang Perlas ng Silangan Balita ng Imus, Cavite

Inimbitahan ang asawa kong si Ronald bilang tagapagsalita sa isang serye ng seminar tungkol sa paggawa ng pelikula. Ang nag-imbita ay si Bumbo, isa sa malalapit niyang kaibigan. Nagtatrabaho si Bumbo bilang editor sa isang business process outsourcing company o BPO sa may Mckinley Hills, Taguig City. Noong nagsisimula pa lang ang 2015, sa kanilang opisina ay nagtatag si Bumbo ng isang club para sa mga mahilig sa pelikula. Isa sa mga proyekto niya bilang pangulo ng club ay film fest na katatampukan ng pelikulang sila mismong mga miyembro ng club ang gagawa. Dalawang beses akong isinama ako ni Ronald sa opisina ng BPO nina Bumbo nang dumating na paksang scriptwriting sa pa-seminar ng club. Pero hindi scriptwriting o seminar o pelikula ang paksa ng sanaysay kong ito. Iba. Tiyak na magugulat ka.

Unang punta ko pa lang, manghang-mangha na ako sa ganda ng opisina nina Bumbo. Ilang floors sa isang magarang building ang okupado ng opisina. Kalaunan, malalaman kong matatagpuan din sa isa pang building sa area na iyon (sa McKinley Hills) ang ilang floors pa ng opisina nina Bumbo. Sa palapag kung saan kami madalas na dinadala ni Bumbo ay may guwardiyang nakaantabay sa entrada ng opisina nila, katapat ng entrada ang mga elevator ng mismong building. De swipe ng high-tech na ID ang lahat ng entrada sa opisina. Sa madaling salita, sobrang higpit ng security! Bakit kaya? Sobrang selan ba talaga ng mga pinoproseso sa opisinang ito?

Ang work area ng mga tagaroon ay napakalawak, parang buong furniture section ng SM Department Store. Maliwanag ito at malinis, at nahahati sa mga cubicle ang majority ng espasyo. Airconditioned, siyempre. Ang pantry ay malaki rin, tantiya ko, higit pa sa 150 sq.m. ito. Airconditioned din, parang food court sa mga mall ang dating, maraming mesa, at ang cute ng mga upuan. Cool din ang mga kulay na matatagpuan sa pantry: puti at berde. May vendo machine sa isang gilid, kahanay nito ang supplies para sa gustong magkape. Sa dulo, may mga lababo. Mga, kasi hindi lang isa. May water dispenser at refrigerator din. Nakakatuwa talaga. Lalo’t ang linis-linis. Kung doon ako nagtatrabaho, malamang maya’t maya ako sa pantry!

Pero pinaka-namangha talaga ako sa kubeta nila. Maliit lang ito, mga tatlo o apat na cubicle. Pero mabango, malinis at kumpleto sa supplies. May liquid soap at tissue paper. E, ba’t ako namangha samantalang parang ordinaryong CR lang naman pala ito? Paano, pati ang dispenser ng paper towel nila, high-tech! Automated ito. Oo, ordinaryo ang matik-matik na mga bagay sa CR. May automatic na gripo, may automated na liquid soap dispenser. Pero, sa buong buhay ko, noon at doon lang ako nakakita ng automated na dispenser ng paper towel. Big deal talaga sa akin ‘to. First time, e.

Anyway, ano ang trabaho ng mga tagaroon? Iba-iba. Karamihan ay trabaho na utak ang pinagagana. Tipong financial analysis, ganyan. Si Bumbo, nag-e-edit ng mga dokumento tungkol sa iba’t ibang legal cases sa U.S. Ginagawa niya ito para mas madaling mahanap at maintindihan ng mga abogado roon ang mga legal document na kailangan nila sa kanilang espesyalisasyon. Sabi ni Bumbo, marami raw siyang natututuhan sa trabaho niya. Malaki rin ang suweldo niya, nasa 40-50k. Ang laki, di ba? Hayahay ang buhay. Maganda raw talaga ang ganito, ang BPO. Lalo na sa bansang tulad ng Pilipinas. Nagkakatrabaho ang mga Pinoy. Pero nawawalan ng trabaho ang mga taga-U.S. (kasi nga, ina-outsource na lang sa bansang mas mura ang bayad sa empleyado ang mga trabahong para sana sa sarili nilang mga mamamayan). Ibig sabihin, hindi rin talaga nakakatulong sa ekonomiya nila ang konsepto ng BPO. Kaya ang totoong nakikinabang dito ay ang BPO company. There’s no way to go but up, ‘yan ang direksiyon ng kanilang kita. Nakakatipid sila sa mga Pilipino. (Hindi tayo kasingmahal ng mga Amerikano.) Ang natitipid ng BPO company ay napupunta sa mismong BPO company.
Sa kasamaang-palad, ang trabahong naibibigay ng BPO sa Pilipinas ay hindi nakakatulong sa pagpapaunlad ng Pilipinas in qualitative terms. Sabi ni Bumbo, sa bawat pag-e-edit niya ng dokumento, ang umuunlad ay ang legal system ng U.S. Ang humuhusay ay mga Amerikanong abogado. Kung ganon, paano ito makakatulong sa nation building natin?

Kung suweldo ang pag-uusapan, aba’y malaking bagay nga naman ang 40-50k. Nagagastos ng BPO employee ang perang ito dito sa Pilipinas, kumikita ang gobyerno sa BPO employee sa pamamagitan ng buwis. Puwede na. Kaya lang, kung parami nang parami ang ganitong empleyado, okey lang ba sa gobyerno na ang ambag ng kanyang mamamayan sa bayan ay pera lang, buwis lang? Okey lang ba na ang utak ng mamamayan niya ay ibang bansa ang nakikinabang?

Kung sino man ang nakaisip ng konseptong iyan, bow ako, ang galing, e. Ang galing mang-engganyo. Kung hindi susuriing maigi ay aakalain mong biyaya talaga ng langit ang trabaho’t perang maibibigay nito. Ang taas ng suweldo, ang gara ng opisina, pangmatalino ang trabaho. Pang-first world ang lahat. Ultimo dispenser ng paper towel.

Araw-araw, tuwing pumapasok ang BPO employee sa kanyang trabaho, para siyang nata-transport sa ibang bansa. Sa loob ng opisina, tanging mga katrabaho lang niya ang magpapaalala na nasa Pilipinas siya. Kapwa Pinoy, e. Pero ang mismong gawain ay mula sa ibang bansa, problema ng ibang bansa ang iisipan niya ng solusyon, ang amenities ng opisina ay pang-international. Pero pag tapos na ang gawain, pag nasolusyunan na ang problema ng iba, paglabas ng opisina, paglabas ng McKinley Hills, back to reality na uli. Nariyan ang masikip na dyip, ang mga holdaper, ang basura, ang mga pulubi, nariyan ang mala-impiyernong init, nariyan ang mala-impiyernong init sa MRT at LRT, nariyan ang mala-impiyernong trapik. Nariyan. Muli. Ang. Impiyerno.

Kaya sa isang banda, ang BPO companies ay isang uri ng pantasya. Anong masama sa pantasya? Wala. Natural lang ito para ma-entertain, para maka-survive sa napakalupit na realidad. Pero kung ang isang tao, pantasya nang pantasya, wala nang ginawa kundi isipin ang isang pantasya, may nalulutas bang problema? Wala. Posibleng malimutan ng taong ito ang totoong problema sa kapapantasya niya! Posible rin na hindi niya alam na pagpapantasya na pala ang ginagawa niya, akala niya, bahagi ng realidad ang paborito niyang pantasya. Kaya wala siyang gagawin para mabago ang kanyang sitwasyon. Hahayaan lang niya ang pantasya hanggang sa tumanda siya at mamatay. Posible ring maipamana niya ang sitwasyon at pantasyang ito sa kanyang mga anak at apo.

Posible. Pero iyan ay kung nariyan pa ang pantasya. Kasi ang pantasyang BPO ay walang ibang hanap kundi ang mas mataas na kita. Pag nakahanap siya ng mas murang mga empleyado kaysa sa mga Pilipino, siguradong magliligpit na ito ng mga props niya at mabilis na lilipad, magsisisirko sa ere’t maglalatag ng dolyar sa bago nitong pugad.

Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

Monday, July 6, 2015

Isa sa mga papel ng kultura

May natanggap akong transcription project. Ang ininterbyu ay si Dr. Steven Patrick Fernandez ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. Isa siya sa mga aktibong tagapagtaguyod ng sining at kultura sa bahaging iyon ng Pilipinas. Siya ay isang musician, theater artist at director, writer at cultural organizer.

Isa sa mga sinabi niya sa interbyu ay parang ganito: tumutulong ang kultura sa pagkamakabayan ng bawat tao. Binanggit niya ang kultura ng Russia at ang kultura ng Tibet. Ang mga kultura nito ay nakakatulong sa pagkamakabayan ng mga tao roon.

Naisip kong bigla ang sa atin. Ano ba ang kulturang Filipino? Nakakatulong ba ito sa pagiging makabayan natin? Teka, back to basics muna. Ano nga ba ang kultura?

Ang kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng isang grupo ng tao. Paraan ng pamumuhay meaning lahat ng bagay na may kinalaman sa kung paano nabubuhay ang isang tao. Ang kultura ay pagkain at inumin, ugali, gawi, paniniwala, arkitektura, damit at iba pang isinusuot, komunikasyon, binabasa, pinapanood, pinakikinggan, pangalan, etc. etc. Mahaba ang listahan!

Kung ito ang kultura, ano ang sagot sa tanong na ano ang kulturang Filipino?

Ano ang kinakain ng mga Filipino? Sinigang, dinuguan, kanin, milk tea, toyo at suka, bagnet, burger, bulalo, pakbet, spaghetti, pizza, taho at iba pa. Pinoy na Pinoy (maliban sa milk tea, burger, spaghetti at pizza). Check!

Ano ang ugali, gawi at paniniwala ng mga Filipino? Masiyahin, magalang sa matanda, mahilig sa tsismis, mabagal, mahilig magpatorya-torya, friendly, mapagmahal sa pamilya, malinis sa bahay, baboy sa labas ng bahay, walang disiplina, maparaan, madiskarte, matiyaga, masipag, mapagpatawad (kaya marami ang nare-reelect na mga politikong nahatulan na nga ng pagkakasala noon!) at iba pa. Kung puwedeng gawin bukas, bukas na lang gagawin. Sa umpisa lang masigasig, pag nagsawa na, mawawalan na nang gana sa ginagawa. Nakita na ngang mali ang isang bagay, gagayahin pa. Pag sinita, ang idadahilan ay ginagawa rin naman ng iba ang ginagawa niya. Laging late! Naghahanda ng higit sa kaya dahil nahihiya sa sasabihin ng ibang tao kapag may nakapansin na kulang ang inihanda. Gagawin ang lahat para sa pamilya ultimo ang pagsasakripisyo ng sariling kapakanan. At marami pang iba. Pinoy na Pinoy. Check!

Kumusta ang arkitektura? Sa Makati, very modern, parang wala ka sa Pilipinas, para kang nasa Singapore. Sa mga subdivision at village, moderno na rin ang mga bahay. Ang mga pangalan ng modelo ng bahay ay hango pa sa kanluran: Matteo, Chelsea, Chloe. Puro sementado, kongkreto ang mga ito. Ipinagmamalaki pa ng mga realty developer kung ang subdivision, village at bahay nila ay hango sa Italy o kung saang bansa ang estilo. Itinatayo ilang daang metro mula sa monumento ni Rizal sa Luneta ay ang Torre de Manila ng DMCI, isang modern style condominium. Sa lahat ng sulok ng bansa, ang mga lumang bahay at building ay isa-isa nang dine-demolish at pinapalitan ng mga building o commercial establishments. Ang mga nabubulok na ngunit umportanteng mga bahay at lugar ay bibihira nang pagtangkaan na maisalba at maipreserba puwera na lang kung ma-sensationalize ito ng media. Pinoy na Pinoy. Check!

Ano nga ba ang paborito nating suotin? Kamiseta, shorts, sando, pantalon, blouse, maong, palda, bestida at iba pa. Kumusta ang tatak? Bench, Penshoppe, H & M, Marks and Spencer, Esprit, Bayo, Nike, Adidas, Converse, Lee, Arrow at marami pang iba. Alin diyan ang Pinoy na Pinoy?

Sa komunikasyon, ano ang wika natin sa araw-araw? Filipino, Ingles, Taglish, mga lokal na wika. Kapag gusto natin magmukhang matalino, anong wika ang ginagamit natin? Ano ang ginagamit na wika ng mga major na pahayagan sa ating bansa? Ano ang wikang ginagamit ng ating pangulo sa kanyang opisyal na komunikasyon sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan? Ano ang wikang ginagamit ng mga trapo sa pangangampanya? Pinoy na Pinoy ba?

Ano ang paboritong babasahin ng karaniwang Filipino? Romance novels sa Filipino, love stories sa Wattpad, mga aklat ni Bob Ong, Philippine Star, Inquirer, Bandera, Abante Tonight, Harry Potter, 50 Shades of Grey, anumang nakasulat sa Facebook at iba pa. Pinoy na Pinoy pa ba?

Ano ang pinapanood natin? TV Patrol, 24 Oras, It's Showtime, Eat Bulaga, mga pelikula ni Vic Sotto at Ai-ai delas Alas, KrisTV, Pangako Sa 'Yo, TV show ng aleng maliit na si Ryzza, Please Be Careful with My Heart, My Husband's Lover, mga anime, mga koreanovela, She's Dating a Gangster, Diary ng Panget, Hunger Games, Jurassic World, at iba pa. Pinoy na Pinoy (maliban sa huling dalawang pelikula). Check!

Ano ang pinakikinggan natin? Si Papa Jack! Sina Chris Tsuper at Nicole Hyala! Mga kanta nina Maja Salvador at Sarah Geronimo. Korean pop bands. Psy ng South Korea. Music sa MYX at MTV. Taylor Swift, Chris Brown, Beyonce. Ayayay, Pinoy na Pinoy pa rin ba? Check but no check.

Aaaat ano nga ba ang mga pangalan natin? Beverly, Kenji, John, Paul, Sophie, Sean, Elijah, Kimberly, Nicole, Colin, Samantha, Keith at iba pa. Aminado naman tayo, talagang hindi tayo Pinoy na Pinoy pagdating dito. Iilan lang ang naglalakas-loob na magpangalan sa kanilang mga anak ng mga pangalan at salitang katutubo sa atin. No check.

Kung ang mga binanggit ko ay siya ngang bumubuo sa kulturang Filipino, nakakatulong ba ito sa pagiging makabayan natin? Ano sa tingin ninyo?









Saturday, July 4, 2015

Para Saan Nga Ba ang Package?


ni Bebang Siy para sa Kapikulpi, kolum sa Perlas ng Silangan Balita

Kapapanganak ko lang noong 18 Hunyo 2015. Sa ospital, habang ako ay nasa recovery room, ang asawa kong si Poy ay nasa sarili naming kuwarto doon. Dinalhan daw siya ng nurse ng isang package courtesy of the hospital. Kinabukasan ko na nakita ang package. Natawa ako sa laman nito. Toilet paper na may tatak ng ospital, toothbrush na pang-travel, isang sachet ng Colgate, measuring cup, tsinelas (na gawa yata sa papel, sobrang nipis, e!), shower cup (na gawa rin yata sa papel), kutsara’t tinidor, dalawang maternity pad (iyong parang panyo na inilalatag sa kama) at isang pack ng Modess maternity pad. Masaya si Poy nang matanggap niya ito. Ako naman, nainis. Sabi ko, nagdala tayo ng toilet paper, toothbrush, toothpaste, tsinelas, at maternity pad. Aanhin natin ang karamihan sa mga bagay na nasa package na ito? Dagdag gastusin lang ang mga ‘yan! Kasi siguradong naka-charge iyan sa atin.

Pinatanong ko sa nurse kung puwedeng isoli na lang ang package. Ang sagot nito ay hindi puwede. Lahat ng pasyenteng nanganganak doon ay nakakatanggap daw ng ganong package. In short, required ang lahat ng manganganak doon na kunin ang package. Whether we like it or not. Aray ko, pakiramdam ko noon ay may bubukang tahi any minute. Ang sunod kong tanong, puwede bang isoli na lang namin ang mga bagay sa package na ito na mayroon na kami. Halimbawa nga ay ang tsinelas at toothbrush at toothpaste. Ang sagot nito ay hindi puwede. Kasi package iyon. Hindi puwedeng isa-isang bilhin o isa-isang isoli sa ospital.

Isang napakapangit na practice ngayon ng mga kumpanya ang package-package. Marami itong katawagan. Bundle, Value Meal, Tipid Meal, Tipid Pack, All-in-One, at iba pa. Pinagsasama-sama ng mga kumpanya ang ilang mga bagay pagkatapos ay ibebenta nila ang mga ito sa consumer bilang isang buo. At paniniwalain nila ang consumer na mas makakatipid ito kung isang package na lang ang bibilhin. Pero ang totoo, hindi. Kasi may mga kasama sa package na iyon na hindi naman talaga importante o hindi talaga kailangan ng consumer. Ang totoong nakikinabang sa package-package ay ang kompanya. Dahil may patong siya sa presyo ng BAWAT item sa kanyang imbentong package.

Isang magandang halimbawa nito ay ang mga value meal sa fast food restaurants. Kadalasan, ang isang meal ay binubuo ng hanggang tatlong item. Kanin, ulam at inumin (na kadalasan ay soft drink o iced tea o juice). Ang presyo ng kanin at ulam ay malapit na sa presyo ng value meal na kanin, ulam at inumin. Kaya ang consumer, nag-aakalang mas makakatipid siya kung ang bibilhin niya ay ang value meal na lang. Pero ang totoo, napapagastos pa siya. Kasi magdadagdag pa rin siya ng pera para sa inumin. At ang presyuhan ng inumin sa fastfood restaurants ay iba sa presyuhan ng inumin sa sarisari store. Walang sampung pisong inumin sa fastfood restaurants! At isa pa, hindi naman talaga kailangang bumili ng inumin ang isang consumer. Dagdag sugar lang ito sa katawan! Mabubusog pa rin siya kahit na tubig lang ang kasalo ng kanyang kanin at ulam.

So, tandaan natin, mahal kong mambabasa, na suriing mabuti ang mga package-package na naeengkuwentro natin. Sa una’y masisilaw kang talaga sa “tipid strategies for you” ng kompanya. Sa una’y aalukin ka ng marami (package nga!) para sa isang ispesipikong presyo, pero pag kinuwenta mo na ang lahat, pineperahan ka lang pala gamit ang mga bagay na wala namang kakuwenta-kuwenta.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Back to Regular Programming


Ito ang una kong sulatin pagkatapos manganak. Na-inspire akong magsulat ngayon dahil sa binabasa kong libro, Operating Instructions ni Anne Lamott. Journal ito ni Anne tungkol sa unang taon sa mundo ng kanyang baby na si Sam. Si Anne ay isang Amerikanong manunulat, isa rin siyang solo parent. Ilang araw ko nang binabasa ang kanyang libro pero ngayon lang ako na-compel na magsulat. Sumapit kasi ako sa bahagi na tungkol sa nobela niya na malapit nang lumabas sa bookstores. May nobela siya na lalabas ilang araw pagkatapos niyang manganak!
Wow. Ang sarap ng ganong pakiramdam.

Kaya na-inspire akong magsulat. Ilang araw na akong nakasentro sa baby kong si Dagat.

Pagkagising sa umaga, titingnan ko ang langit para i-check kung may araw o wala. Kailangan kasing ibilad sa araw si Dagat para sa kanyang Vitamin D (sunshine!). Kung gising na si Dagat, ihahabilin ko siya kay Poy. Bababa na ako para mag-ayos sa kusina (maghugas ng mga pinagkainan ng nagdaang gabi) at maghanda ng pampaligo ng baby. Paaarawan ni Poy si Dagat. Mag-iinit ako ng tubig, magtitimpla ng gatas (sakaling umiyak si Dagat ay may maisasalpak!), maglalatag ako ng rubber mat sa sofa, maglalatag din ng mga damit at gamit na susuotin ni Dagat pagkaligo, tapos magpapaligo, bibihisan si Dagat, makikipagkulitan kay Dagat kasi quiet time niya iyon, magpapadede (either formula or breastfeed), magpapatulog ng baby, kung ayaw matulog ng baby, ibibigay ko siya kay Poy (na katatapos lang maghugas at magsteam ng feeding bottle at tsupon), sila naman ang magkukulitan, mag-uusap at magdidighayan. Ako, usually, maglalaba ng mga damit at gamit ni Dagat. Pag tulog na si Dagat, makakapagluto na si Poy ng tanghalian. Paglingon ko, past 2:00 na pala. Saka kami kakain. Maghuhugas ako ng mga pinagkainan. Tapos, magigising na si Dagat. Kakargahin ko siya, kukuwentuhan ko siya ng kung ano-ano. Kakantahan ko siya ng mga broken nursery rhymes sa Filipino. Broken kasi hindi ko na maalala ang lyrics, juskolord! For example:

Sampung mga daliri,
Kamay at paa,
Dalawang tenga,
Dalawang mata,
Ilong na maganda,
Maliliit na ngipin,
Masarap ikain!

Hindi ko na alam ang kasunod!

Tapos uumpisahan ko ang iba pang nursery rhyme tulad nito:
Maliliit na gagamba
Umakyat sa sanga

Hindi ko na rin alam ang kasunod!

Nakakalungkot, alam ko. Pagkatapos kong i-post ito, malamang maggo-Google ako, haha. Si Poy kasi, ilang araw nang nagpapatugtog gamit ang Youtube ng mga nursery rhyme mula sa US at UK. Ang galing nga, kasi animated at may subtitle pa ang iba. Sabi ko, meron bang ganyan para sa Filipino nursery rhymes? Parang wala, ano? Kako, gawa tayo. Patugtugin natin ng gitara si Mae! Ang ganda siguro niyon. At sigurado akong makakatulong din tayo sa iba pang naghahanap ng materyales na ganito para sa kani-kanilang baby.

Pagkatapos ng kuwentuhan at kantahan, itse-check ko ang diaper ni Dagat. Kung okey pa, hindi ko pa siya papalitan. Kung mabigat na sa wiwi at ebs, palit na. Bulak na basa sa tubig ang ginagamit naming pamunas ng singit-singit at puwit. Pupulbusan siya at susuotan ng bagong diaper at shorts o pajama. Tapos padededehin siya uli at patutulugin. Paglingon ko, six na ng gabi. Pagbabantayin ko ng baby si Poy habang nagsasaing siya at nag-iisip ng lulutuin para sa hapunan. Ako? Maliligo! Aba, siyempre, kailangan namang asikasuhin ang sariling hygiene, hehe. Kuskos to death ako kasi madalas, naiihian ako ni Dagat.

Pagkatapos, magbe-breast pump ako habang nakikipagkuwentuhan kay Poy (na nagluluto). Sa dining table ko ito ginagawa. Ipinapatong ko ang makina sa mesa, tapos nakaupo ako sa harap nito at magpapagatas gamit ang dalawa nitong pump. Asar na asar ako pag ginagawa ko ito. (Twice ko pa lang ginagawa, awa ng Diyos.) Pakiramdam ko kasi, hindi ako tao kundi isang baka. Ansabe ng gatasan sa New Zealand?

After 20 minutes, magwawalis at mag-aayos ako nang kaunti sa munti naming sala at sa munti kong workstation. Tapos, kakain na, iiwan na namin ang pinagkainan sa lababo. Bantay na uli ako kay Dagat. Makakapagbasa-basa na ako nang kaunti kung tulog pa siya. Kung gising na, kuwentuhan at kantahan na naman, hele-hele, padede. Maghahanda na kami para umakyat sa itaas, sa kuwarto namin ni Poy. Ihahabilin ko muna siya kay Poy or EJ (na usually ay nakauwi na galing sa eskuwela). Maglalabas ako ng long sleeves, pajama, diaper at bonnet ni Dagat. Maghahanda rin ako ng extrang dede, bulak (panlinis ng singit at puwit sakaling kailangang palitan ang kanyang diaper sa madaling araw), tubig sa maliit na lalagyan, pulbo at kung ano-ano pa. Paglingon ko, surprise, mag-aalas-diyes na!

Ilang araw nang ganyan ang maghapon at magdamag ko, naming mag-asawa. Nagbabago lang ang routine na iyan kapag may dumadalaw sa amin. Pero ganon din, baby pa rin ang sentro ng mga pagbabago sa routine. Wala talaga akong kawala.

Isang libro lang pala, na nakasentro din sa sanggol (ang sanggol na anak ng awtor), ang tuluyang makakapagpabago ng aking routine. Ang Operating Instructions ni Anne Lamott. Naisauli nito sa isang sulok ng aking utak ang kagustuhang magsulat. Magsulat ng kahit ano. Ngayong araw na ito. Ngayong minuto na ito.

Kaya heto ako, baby ang sentro, pero pilit kong kinakalikot ang utak at pinipihit ang sariling bibig. Sabik na kasi akong sambitin ang “back to regular programming!”

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...