Final Draft
Comics script para sa Story #1
Manunulat: Beverly Siy ng Kamias, QC
Topic: Mga Epekto ng Climate Change sa Agriculture
Working Title: Isang Tag-init sa Buhay ni Ani Rosa
Setting: Contemporary times, rural, bakasyon sa eskuwela
Mga Pangunahing Tauhan:
1. Ani Rosa, 14 years old, Grade 8, batang magbubukid
2. Basil, 15 years old, Grade 9, dating batang magbubukid, naaadik sa pool
3. Danao, 16 years old, 4th year high school student, dating batang magbubukid, naaadik sa girlfriend
4. Krissy, 16 years old, 4th year high school student, girlfriend ni Danao
5. Resie/Nanay at Bert/Tatay, 40s, magbubukid
6. Aldo, 40s, ninong ni Ani Rosa, lider sa training para sa magbubukid
7. Babaeng speaker na taga- Voss Personal Collection, 30s, pustoryosa, nagpapakamoderno
8. Mister Pigapiga, 40s, trader, tagabayan
9. Mga magbubukid na kapitbahay nina Ani Rosa
FRAME 1: Sa opisina ni Mr. Pigapiga, nakatayo si Ani Rosa sa likod ni Nanay. Si Nanay ay nakaupo sa silya na nasa harap ng mesa ni Mr. Pigapiga. Ipakitang makintab, malinis at magara ang opisina. Ipakita ang aircon. Sina Ani at ang kanyang nanay ay payak lamang ang suot na damit, nakatsinelas lamang na karaniwan, may dalang payong.
Marami ang katulad nina Ani sa loob ng opisina. Nakaupo sila at walang bakanteng upuan. Ang iba’y nakaupo na sa sahig. Pawang magbubukid ang mga ito, maghuhulog din ng pambayad-utang kay Mr. Pigapiga.
Lakihan ang frame na ito. Ito ang establishing shot.
MR. PIGAPIGA: Misis, ibabawas ko itong hulog n’yong P1,000 ngayon. Pero P31,500 pa po ang balanse n’yo, ha? Ito ang resibo.
NANAY: Salamat, Mr. Pigapiga. Pagbalik namin, maghuhulog uli kami sa inyo.
FRAME 2: Sakay ng isang karag-karag na tricycle, nagpahatid na sa baryo sina Ani Rosa at ang kanyang nanay. Mapapag-usapan nila ang pagbabayad ng utang kay Mr. Pigapiga. Tirik na tirik ang araw at pawis na pawis ang mag-ina.
CAPTION: Sa daan pauwi, nabagabag si Ani Rosa sa isinagot ng kanyang ina.
ANI ROSA: ‘Nay, parang di nababawasan ang utang natin. Nasa mahigit trenta mil pa rin po? Baka mali na ng kuwenta ‘yang Mr. Pigapiga na ‘yan.
NANAY: Ani, ‘wag mong isipin ‘yan. Ang importante, nakakapaghulog tayo. Ibig sabihin, makakautang pa tayo sakaling mababa ang kita natin at nabansot na naman ang ani ng palayan.
FRAME 3: Sa loob ng bahay nina Ani Rosa. Simple lang ang bahay, gawa na sa hollow blocks ngunit wala pang palitada. May sako pa ng semento sa sulok. Ang kagamitan nina Ani Rosa ay puro gawa sa kawayan (halimbawa ay ang dulang), wala ni isang kurtina sa bintana. Obvious ang sobrang init sa labas.
Nadatnan nilang nag-iisa sa dulang si Tatay. Kumakain ito nang nakakamay at nakataas ang isang binti sa upuan. Butil-butil din ang pawis nito. Sa ibabaw ng mesa ay lalagyan ng diesel.
CAPTION: Pagdating sa bahay…
NANAY: O, Bert, may natira pa sa akin, P200. Nahan sina Basil?
BERT/TATAY: Ay di inindiyan na naman ako. Ang mga hindot, ayaw mautusang bumili ng diesel para sa pump. Lalong natuyot ang palayan mula umaga’t maghapon.
FRAME 4: Naglalakad sa pilapil si Ani Rosa. Papunta siya sa eskuwelahan para sunduin ang kanyang mga pasaway na kuya. Tirik pa rin ang araw. Laging may pawis si Ani Rosa.
CAPTION: Pagkarinig sa hinaing ng tatay, nanggigil si Ani Rosa sa kanyang mga kuya.
ANI ROSA (thought bubble lamang ito): Alam na nga nilang ilang linggo nang hirap sa tubig ang buong bayan, pasaway pa sa pagpapaandar ng water pump? Ano ba ‘yan?
FRAME 5: Sa gitna ng kabukiran, patuloy na naglalakad si Ani Rosa. Napatingala sa langit si Ani Rosa. Iniharang niya ang braso sa mga mata.
CAPTION: Nang maalala ni Ani Rosa ang sitwasyon ng panahon at kabukiran, pumasok sa isip niya ang kasabihang sala sa init, sala sa lamig.
ANI ROSA (thought bubble): Itong langit na ‘to, kung makatodo ng init, tinitigang ang lupa’t binabansot ang mga pananim. Kung makaulan naman, sabunot ang bagyo, lunod sa baha ang buong baryo.
FRAME 6: Same scene pero may drowing sa loob ng thought bubble ni Ani Rosa. Lahat ng pananim ay may sakit na tungro, isang sintomas nito ay matinding paninilaw ng mga dahon ng palay.
CAPTION: Naalala ni Ani Rosa ang pamiminsala ng sakit na tungro sa mga bukirin sa kanilang bayan.
ANI ROSA: May kinalaman kaya ang matinding tagtuyot o ang matinding pagbagyo sa tungro? Sala sa init, sala sa lamig?
FRAME 7: Pagdating ni Ani Rosa sa area na malapit sa eskuwelahan (sarado ang eskuwelahan), pumunta siya sa isang pondahan na katatagpuan ng make-shift na pool (bilyaran), isang sari-sari store na may dalawang bench na gawa sa trunk ng puno at isang puno sa gilid. Tumpok ang kabataan doon, babae’t lalaki, pulos nakapambahay pa ang mga babae. Ang mga lalaki, nakasando na lang, ang iba’y nakahubad sa init. Nakasabit sa balikat ang kanilang mga kamiseta.
Ang Kuya Basil niya ay may hawak na tako. Nakaabang ito ng tira sa pool.
CAPTION: Pagdating sa pondahang malapit sa saradong eskuwela, namataan agad niya ang isa sa hinahanap.
FRAME 8: Galit na galit si Ani Rosa. I-exagerate ang mata, ilong at bibig. Mapapatingin kay Ani Rosa ang lahat ng kabataan sa pondahan na iyon.
CAPTION: Pagkasinghal ay agad na tumalikod si Ani Rosa. Parang namataan niya ang isa pang hinahanap.
ANI ROSA: Kuya Basil! Nagbababad ka na naman diyan! Samantalang tuyot na ang mga palay! Wala na tayong kakainin bukas, tunggok ka!
FRAME 9: Sa likod ng puno sa gilid ng pondahan, naroon ang isa pa niyang kuya, si Danao. Yakap-yakap si Krissy, ang girlfriend nito. Si Krissy ay nagbabasa ng makulay na catalogue ng Voss. Naroon ang mga larawan ng make up, panty, bra at accessories for sale.
ANI ROSA (off frame): At ikaw naman, Kuya Danao, alagang-alaga sa jowa, samantalang ‘yong alaga mong traktora, inabandona mo nang bigla-bigla!
FRAME 10: Naglalakad pauwi ang tatlong magkapatid. Nasa gitna si Ani Rosa. Si Ani ngayon ang sinisinghalan ng dalawa. Sobra ang galit nila kay Ani. Talsikan ang laway nila habang nakatameme ang bunso, bilog na bilog ang mga mata. Tirik pa rin ang araw.
CAPTION: Sa daan pauwi, gumanti ng singhal ang mga kuya sa kanilang bunso.
KUYA BASIL: Ba’t hindi na lang ikaw ang bumili ng diesel para sa pump? Kaya mo namang buhatin ‘yon, a.
KUYA DANAO: Di ba, lagi namang nililinis ni Tatay ang traktora? Ba’t kailangan mo pa akong istorbohin, ha?
FRAME 11: Sa loob ng bahay, sa harap ng dulang, naghaharap-harap ang tatlo. Malungkot ang kulay ng buong eksena.
CAPTION: Pagdating sa bahay, mahinahong ipinaliwanag ni Ani Rosa ang di nababawasang utang na trenta mil sa trader na si Mr. Pigapiga.
KUYA BASIL (mukhang nahimasmasan): Ganon ba? O siya. Ibibigay ko ke Nanay bukas ‘yong ipon kong P420. Galing sa mga panalo ko sa pool. Lalaro na lang uli ako para tuloy ang kita.
KUYA DANAO: Ako rin, me naipon akong P750 diyan. Nagbebenta ako ng tsinelas na Voss sa mga kaklase ko’t titser ngayong bakasyon. Isa ‘yan sa negosyo ni Krissy.
FRAME 12: Sa kuwarto nina Nanay at Tatay, malungkot na nagkatinginan lamang ang dalawa. Close up ng mga mata nina Nanay at Tatay.
CAPTION: Sa kuwarto, di malaman ng kanilang magulang kung matutuwa o malulungkot sa napakinggan. Tuwa dahil masikap pala sa pera ang mga binatilyo. Lungkot dahil walang interes ang mga ito na magpatulo ng pawis sa bukid. Walang susunod sa kanilang mga yapak…
FRAME 13: Pagkaraan ng ilang araw, sa pondahan, may kausap si Krissy. May hawak na glossy na catalogue ng Voss si Krissy. Katabi nito si Kuya Danao. Samantala, nakatalikod sa frame ang hubog ng isang dalagita. Si Ani Rosa ito. Pero huwag munang i-reveal sa mambabasa.
KRISSY: Sunod sa uso ang mga ‘to kaya medaling ibenta. Tamo, endorsed pa nina Kim Chun at Enchong Three.
KUYA DANAO: Sa bawat produktong mabenta mo, 25% ng presyo ang sa iyo.
FRAME 14: Same scene. Iri-reveal na si Ani Rosa ang kausap nina Krissy at Danao sa pondahan. Nakatitig si Ani Rosa sa malayo habang nakabuklat sa mga palad niya ang Voss catalogue.
KUYA DANAO (off-frame): Ani Rosa, maniwala ka. Ito ang solusyon sa problema natin sa pera. Hindi ang pagbababad sa bukid.
FRAME 15: Umaga, sa may likod ng bahay, sinisipat ni Ani Rosa isa-isa ang mga lalagyan ng pesticide para sa pananim. Mapapansin niyang halos wala nang laman ang mga ito.
CAPTION: Kinaumagahan, habang inihahanda ni Ani ang mga dadalhin ng kanyang tatay, natuklasan niyang ubos na ang pesticide na binili kailan lang.
ANI ROSA (alalang-alala): Sa init siguro ay humahaba ang buhay ng mga peste. Kung ganon, parami nang parami ang pesticide na kailangan namin. Pamahal pa naman nang pamahal ito.
FRAME 16: Napasandal sa likod-bahay si Ani Rosa, buhat-buhat niya ang lalagyan ng pesticide. Kunot-noo siya. Nasa harap niya ito. Pero tagos ang tingin ni Ani Rosa papunta sa lunting bukirin at maaliwalas na araw.
CAPTION: Agad na nagpasya si Ani Rosa. Luluwas siya sa bayan, at pupunta sa Voss Personal Collection para um-attend ng orientation seminar. Gagaya na siya kay Krissy.
ANI ROSA: Kailangan ko talagang kumita sa mas mabilis na paraan. Magugutom kami’t puro gastos dito sa bukid. Maya’t maya, pesticide. Maya’t maya, diesel. Ano, uutang na naman kami kay Mr. Pigapiga? Ganon nang ganon?
FRAME 17: Sa loob ng busy office/selling area ng Voss Personal Collection, mukhang nakikinig sa orientation seminar si Ani Rosa pero ang totoo, iba ang nasa isip niya. Seryoso ang kanyang maamong mukha.
May babae sa harap ni Ani Rosa at ng iba pang nakikinig. Ito ang speaker. Mukhang mga magbubukid din ang nakikinig sa kanyang kabataang babae. Makapal ang make up nilang lahat, maliban kay Ani Rosa.
CAPTION: Buong biyahe paluwas ng bayan hanggang sa orientation seminar, ang naiisip ni Ani Rosa ay paano ang iba pang magbubukid sa kanilang lugar, grabe din kaya silang makapag-pesticide? Over-over din ba sa budget ang gastusin nila?
BABAENG SPEAKER (puwedeng kalahati lang niya ang ipakita rito sa frame na ito): Ngayong summer, pantayin ang paglalagay ng sunblock lotion sa braso. Sige kayo, pag di pantay ‘yan, mukha kayong patse-patse.
FRAME 18: Kasunod na araw pero same venue sa bayan. Same speaker pero iba na ang damit nito at make up. Naroon din ang mga nakikinig sa kanya na kabataang babae. Napakalakas ng ulan sa labas ng Voss.
CAPTION: Nang sumunod na araw, hindi pa rin maka-concentrate si Ani Rosa sa seminar at training sa Voss. Dahil naman ito sa napakalakas na ulan.
BABAENG SPEAKER (puwedeng kalahati lang niya ang ipakita rito sa frame na ito): Pag tag-ulan, waterproof mascara ang dapat ibenta!
ANI ROSA (malaki ang mga mata, alalang-alala) (thought balloon): Naku, kainit buong linggo, tapos biglang babagyo? Baka bahain na naman kami tulad ng nangyari dati! Mabubulok ang palayan. Bakit mahirap ispelingin ang panahon? Ay, ano ba? Wala na akong naunawaan sa seminar na ito! Sayang.
FRAME 19: Close up ng payak na paa ng nanay ni Ani Rosa.
(eto ang sitwasyon: Pagdaan pa ng ilang araw, sa kanilang bahay ay kinausap ni Ani Rosa ang kanyang nanay. Wala na kasi siyang pamasahe para lumuwas sa bayan at um-attend ng seminar at training sa Voss.)
CAPTION: Tatlong araw pa ang training ni Ani Rosa bago siya makapagbenta ng mga produktong pampaganda. Pero kapos na siya sa pamasahe. Kapos din ang kanyang ina at hindi niya mahanap ang kanyang mga kuya.
NANAY (off frame): Samahan mo ako. Diyan lang sa may tumana. Akong pinapupunta ng tatay mo sa PPB* training. Ang alam ko, pupunta rin ang ninong mong si Aldo. Magmano ka, baka sakali bigyan ka ng pera!
*Participatory Plant Breeding
FRAME 20: Pagdating ng mag-ina sa tumana, sa gitna ng araw, (hawak pa ni Ani Rosa ang catalogue ng Voss), isandosenang magbubukid ang nagkukumpulan sa gitna. Ang iba’y may dalang lapis at papel. Nakikinig sila sa isang kapwa nila magbubukid, si Aldo, ang ninong ni Ani Rosa. Si Aldo ay may hawak na binhi sa kanan at notebook sa kaliwa. Ballpen na nakaipit sa tenga. Medyo top view ang frame na ito.
CAPTION: Pagdating sa tumana, hindi makalapit at hindi makahirit agad si Nanay sa ninong ni Ani Rosa. Dahil ito mismo ang nagsasalita sa harap ng lahat.
ALDO: Tama, tayo naman ang maglinang ng sarili nating binhi. Para di na tayo bili lang nang bili sa iba, di ba? Mas magastos kasi ‘yon, e. Tulungan po tayong lahat dito, gabay ang bawat isa sa pag-aaral kung alin ang uubrang binhi sa lupa natin at ‘yong magbibigay ng mas masaganang ani. Ke sobra-sobrang init. O sobra-sobra ang ulan. Tulad ng nararanasan natin dito sa kasalukuyan.
FRAME 21: Medium shot ni Aldo, ang binhing hawak niya, ang notebook niya at ballpen. Nakaumang ang ballpen sa notebook.
CAPTION: Tuluyan nang lumapit ang mag-ina sa umpukan ng magbubukid.
ALDO: Bago po tayo magsimula, paalala lang. Tiyagain lang ho natin ang pagpunta rito at pag-attend ng training o kaya seminar. Mapapagyaman natin ang ating mga pitak kapagdaka. Para ito sa atin at sa mga anak at apo natin. O, sagot. Tuwing anong oras po tayo magkikita rito?
FRAME 22: Medium shot ni Ani Rosa. Nakatingin siya sa Voss catalogue.
ANI ROSA (nakasimangot) (thought balloon): Ano bang pumasok sa utak ko’t pati pagbebenta ng kolorete ay gusto kong karerin? Ginto ba ang hanap ko? Aba, napagastos pa nga ‘ko, e, samantalang heto at mas malapit sa puso ng pamilya ko ang tunay na ginto. Ay, tunggak ka, Ani!
FRAME 23: Face off sina Ani Rosa at ang nanay niya (side-view shot). Magkahawak-kamay sila.
ANI ROSA (makikita sa mukha ang pagmamalaki sa sarili): ‘Nay, ‘wag na natin istorbohin si Ninong. Di ko na kailangan ng pamasahe. Hindi na kasi ako luluwas ng bayan.
NANAY (tuwang-tuwa): Dito ka na lang? Sasamahan mo ako?
ANI ROSA: Opo! Pero teka, ‘Nay. Diyan ka lang. May itatapon lang ako.
FRAME 24: Close up shot ng nakabukas na Voss catalogue, nasa loob na ito ng isang basurahan.
CAPTION: At nagpasya si Ani Rosa.
ANI ROSA (out of frame) (thought balloon): Kung magpapatuloy ang kahibangan namin sa ibang bagay, tuluyan kaming malalayo kay Nanay at kay Tatay. Sa sandali namang yumao sila, sino pa nga ba ang magmamahal sa sarili naming lupa at bukirin kundi kaming mga anak din? Hmm… Pero sana, makumbinsi ko sina Kuya Basil at Kuya Danao na bumalik sa bukid. Kung gusto talaga nila ng sideline, puwede pa rin naman ‘yong mga ginagawa nila: Bukid + pool + tinda ng sapin sa paa!
FRAME 25: Bukang-liwayway. Sa bukirin ng mag-asawa. May tumitilaok na tandang. Landscape view ng bukid at pilapil. May dalawang lalaki at isang babae ang nakapila at naglalakad papunta sa pinakasentro at puso ng bukid.
CAPTION: Paglipas ng ilang araw, may mga pintig na nagbabalik. Maliksing bumabagtas ang mga ito sa pilapil. Hindi tuloy magkandaugaga ang mga tandang sa pagbati ng “Magandang umaga!”
Wakas.
Note to artist: Puwedeng mag-experiment sa size at shape ng bawat frame.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment