ni Beverly Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita sa Imus, Cavite
Nakipag-meeting ako noong 25 Hulyo 2014 sa mga organizer ng isang literary contest para sa pagsulat ng akdang pambata. Koreano ang isa sa mga organizer, si Mr. Kang. Marami akong natutuhan tungkol sa pambatang aklat mula sa bansang Korea dahil sa kanya.
Habang binibigyan kami (ako at ang isa pang judge na guro sa kolehiyo) ng orientation hinggil sa contest, ipinakita sa amin ni Mr. Kang ang winning entry sa kanilang contest noong isang taon. Ang winning writer daw ay mula sa Hong Kong pero sa wikang Ingles isinulat ang piyesang nanalo. Nang manalo nga ito ay dinala ng organizers ang akda sa Korea, isinalin ito sa wikang Korean at inilimbag sa Korea bilang isang pambatang aklat.
Iyon ang ibinigay sa amin ni Mr. Kang, isang hard bound na pambatang aklat sa wikang Korean. Sobrang impressed ako sa laki, sa papel at sa yari ng aklat. Pero hindi masyado sa illustrations. Para sa akin, maganda nga pero medyo malungkot ang kulay. Parang hindi papatok sa batang Filipino. Habang iniisip ko ito, nagsalita si Mr. Kang.
Sabi niya, 11,000 Korean won daw ang halaga ng aklat na iyon. Katumbas ng P500 sa atin. Sabi namin, masyado namang mahal ang pambatang aklat sa Korea. Sabi niya, mura pa nga raw iyon kasi ang organizer ng contest ay publisher din, kaya nakatipid pa sila sa pagpapaimprenta.
Sabi ko, dito po sa Pilipinas, ang isang pambatang aklat ay P75-100 lamang. Mabuti na lamang at may sample na dala ang mga organizer na Filipino, isang Adarna book at isang OMF Literature na book. Ipinakita namin ito kay Mr. Kang. Siyempre pa, malayong-malayo ito sa itsura ng pambatang aklat na inimprenta sa Korea. Ang sa atin ay manipis, walang spine. Naka-stapler lang ang mga pahina. Ang papel ay medyo glossy, makintab. At napakarami at napakakulay ng illustrations!
Sabi ni Sir Kang, mahalaga raw sa kanila na may spine ang isang aklat. (Ang spine ay ang gilid ng isang aklat na siyang nakalitaw kapag nakahilera na sa book shelf ang mga aklat.) Kasi, sa Korea daw, halos lahat ng bahay ay may book shelf at mas madaling malaman ng mga bata kung ano ang kukunin nilang aklat sa pamamagitan ng spine nito. Sabi rin niya, hindi puwedeng glossy o makintab ang pahina ng pambatang aklat. Kasi hindi raw makakatagal sa pagtingin dito ang isang bata kung tatalbog dito ang liwanag ng ilaw papunta sa mga mata nito. Pati rin ang illustrations, hindi raw inirerekomendang masyado itong makulay at maraming nakalagay para hindi mairita ang mga mata ng batang titingin.
Dagdag pa niya, talagang mahal daw ang pambatang aklat sa Korea kasi kinakarir daw ang child care doon. Ang isang Korean couple daw ay isa hanggang dalawa lamang ang anak kaya talagang willing silang bilhan ito ng pinakamagagandang bagay sa mundo. At willing silang ibigay dito ang lahat ng puwede nitong ikatalino, katulad na lamang ng mga aklat, kahit gaano pa kamahal ang aklat.
Pero kadalasan, totoo lamang daw ito kapag para sa bata. Ang mga aklat daw na para sa college students ay di hamak na mas mura at mababa ang kalidad ng imprenta. Kasi malaki na raw ang college student. Hindi na kailangang bigyan ng utmost care. Ang fiction book daw sa Korea ay nasa P400. Murang-mura lang daw.
Siyempre, nalungkot ako sa mga nalaman kong ito. May kinalaman pala sa populasyon at family dynamics ng isang bansa ang produksiyon at merkado ng aklat. Ang akala ko, kaya bihira ang hard bound na aklat dito sa atin ay dahil wala tayong snow o winter. Hindi masisira ng snow o winter ang soft bound na mga aklat kaya hindi na natin kailangan pang mag-produce ng hardbound versions ng mga aklat. Pero mukhang walang kinalaman sa panahon ang itsura ng ating aklat. Nasa economics pala. Sadya lang talagang hindi natin kayang bumili ng mamahaling aklat para sa ating kabataan. Para sa atin, kadalasan ay hanggang P100 lang para sa isang pambatang aklat. At okey lang kahit hindi ito hardbound, kahit na alam naman nating ipapasa-pasa ang isang aklat papunta sa do-re-ming magkakapatid sa isang pamilya, at malaki ang tsansa na sira na ang aklat pagkalampas pa lang sa panganay.
Regarding sa content, sabi ni Sir Kang, it is possible that Filipino and Korean books for children are equal when it comes to content. Aba’y oo, sa isip-isip ko. Ang kahirapan namin ang dahilan kung bakit kami creative kaya magkasingyaman lang tayo pagdating sa imahinasyon!
Pag-uwi ko kinagabihan, nabanggit ko ang lahat ng ito sa aking asawang si Ronald, na isang manunulat din at cultural worker. Isa lang ang kanyang nasabi hinggil dito. Pinaalala niya sa akin ang horror vacui, o ang estilo ng mga Pinoy pagdating sa espasyo: hangga’t maaari, walang bakante, drawing at color galore! Oo nga. Baka kaya kaunti at medyo tame ang kulay at illustrations ng mga pambatang aklat sa Korea ay dahil ganon ang taste ng mga bata sa kanila, at hindi necessarily dahil ayaw nilang mairita ang mga mata ng batang Koreano. At kaya naman makulay at napakarami ng illustrations ng pambatang aklat sa atin ay dahil ganon ang taste ng batang Pinoy, at hindi dahil wala tayong paki kung mairita ang mga mata ng ating kabataan. At least, may isang distinct na estilo ang ating pambatang aklat pagdating sa itsura nito.
Anyway, yayaman din tayo. Malapit na ring dumami ang hardbound na mga pambatang aklat na gawa dito sa atin. Basta’t patuloy lang ang paglikha ng mga manunulat at ilustrador para sa ating kabataan. Patuloy lang na magbabasa ang ating kabataan. Para lumaki silang matalino at nagmamalasakit sa ating bayan.
Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment