Wednesday, July 30, 2014

writer's block !



mahigit isang linggo na akong nagle-labor para sa storyline ng latest project na tinanggap ko: comics script tungkol sa pag-adapt ng mga magbubukid sa climate change.

maraming oras na ang ginugol ko sa pagbabasa tungkol dito. meron na rin naman akong naiisip na flow ng story. meron na ring tauhan. ang problema ko ay ang detalye. paano ilalagay ang detalye ng pag-adapt ng tauhang magbubukid sa climate change sa mismong flow ng kuwento?

ang hirap. sobra. kung ano-ano na ang ginawa ko (basa-basa, pahinga-pahinga, usap-usap, internet at iba pa) at ilang daang oras na ang nasayang ko sa katutunganga, wala pa rin.

sana matapos ko na ito ngayong araw na ito para maisumite at mapaaprubahan kina mam normin at sir macki. kasi mula sa approved storyline, gagawa pa ako ng comics script. mas madugo iyon!

lalabas muna ako ngayong umaga. kailangan kong asikasuhin ang venue para sa nalalapit na meet and greet ng book club namin, ang Pinoy Reads Pinoy Books, kasama si Mam Lualhati Bautista. pagkabalik ko, tutunganga uli ako para matapos na ang storyline na ito.

sana may masagap akong ideas sa paglabas ko ng bahay!

copyright ng larawan: beverly w. siy







Pambatang Aklat sa Pilipinas at Korea

ni Beverly Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita sa Imus, Cavite

Nakipag-meeting ako noong 25 Hulyo 2014 sa mga organizer ng isang literary contest para sa pagsulat ng akdang pambata. Koreano ang isa sa mga organizer, si Mr. Kang. Marami akong natutuhan tungkol sa pambatang aklat mula sa bansang Korea dahil sa kanya.

Habang binibigyan kami (ako at ang isa pang judge na guro sa kolehiyo) ng orientation hinggil sa contest, ipinakita sa amin ni Mr. Kang ang winning entry sa kanilang contest noong isang taon. Ang winning writer daw ay mula sa Hong Kong pero sa wikang Ingles isinulat ang piyesang nanalo. Nang manalo nga ito ay dinala ng organizers ang akda sa Korea, isinalin ito sa wikang Korean at inilimbag sa Korea bilang isang pambatang aklat.

Iyon ang ibinigay sa amin ni Mr. Kang, isang hard bound na pambatang aklat sa wikang Korean. Sobrang impressed ako sa laki, sa papel at sa yari ng aklat. Pero hindi masyado sa illustrations. Para sa akin, maganda nga pero medyo malungkot ang kulay. Parang hindi papatok sa batang Filipino. Habang iniisip ko ito, nagsalita si Mr. Kang.

Sabi niya, 11,000 Korean won daw ang halaga ng aklat na iyon. Katumbas ng P500 sa atin. Sabi namin, masyado namang mahal ang pambatang aklat sa Korea. Sabi niya, mura pa nga raw iyon kasi ang organizer ng contest ay publisher din, kaya nakatipid pa sila sa pagpapaimprenta.

Sabi ko, dito po sa Pilipinas, ang isang pambatang aklat ay P75-100 lamang. Mabuti na lamang at may sample na dala ang mga organizer na Filipino, isang Adarna book at isang OMF Literature na book. Ipinakita namin ito kay Mr. Kang. Siyempre pa, malayong-malayo ito sa itsura ng pambatang aklat na inimprenta sa Korea. Ang sa atin ay manipis, walang spine. Naka-stapler lang ang mga pahina. Ang papel ay medyo glossy, makintab. At napakarami at napakakulay ng illustrations!

Sabi ni Sir Kang, mahalaga raw sa kanila na may spine ang isang aklat. (Ang spine ay ang gilid ng isang aklat na siyang nakalitaw kapag nakahilera na sa book shelf ang mga aklat.) Kasi, sa Korea daw, halos lahat ng bahay ay may book shelf at mas madaling malaman ng mga bata kung ano ang kukunin nilang aklat sa pamamagitan ng spine nito. Sabi rin niya, hindi puwedeng glossy o makintab ang pahina ng pambatang aklat. Kasi hindi raw makakatagal sa pagtingin dito ang isang bata kung tatalbog dito ang liwanag ng ilaw papunta sa mga mata nito. Pati rin ang illustrations, hindi raw inirerekomendang masyado itong makulay at maraming nakalagay para hindi mairita ang mga mata ng batang titingin.

Dagdag pa niya, talagang mahal daw ang pambatang aklat sa Korea kasi kinakarir daw ang child care doon. Ang isang Korean couple daw ay isa hanggang dalawa lamang ang anak kaya talagang willing silang bilhan ito ng pinakamagagandang bagay sa mundo. At willing silang ibigay dito ang lahat ng puwede nitong ikatalino, katulad na lamang ng mga aklat, kahit gaano pa kamahal ang aklat.

Pero kadalasan, totoo lamang daw ito kapag para sa bata. Ang mga aklat daw na para sa college students ay di hamak na mas mura at mababa ang kalidad ng imprenta. Kasi malaki na raw ang college student. Hindi na kailangang bigyan ng utmost care. Ang fiction book daw sa Korea ay nasa P400. Murang-mura lang daw.

Siyempre, nalungkot ako sa mga nalaman kong ito. May kinalaman pala sa populasyon at family dynamics ng isang bansa ang produksiyon at merkado ng aklat. Ang akala ko, kaya bihira ang hard bound na aklat dito sa atin ay dahil wala tayong snow o winter. Hindi masisira ng snow o winter ang soft bound na mga aklat kaya hindi na natin kailangan pang mag-produce ng hardbound versions ng mga aklat. Pero mukhang walang kinalaman sa panahon ang itsura ng ating aklat. Nasa economics pala. Sadya lang talagang hindi natin kayang bumili ng mamahaling aklat para sa ating kabataan. Para sa atin, kadalasan ay hanggang P100 lang para sa isang pambatang aklat. At okey lang kahit hindi ito hardbound, kahit na alam naman nating ipapasa-pasa ang isang aklat papunta sa do-re-ming magkakapatid sa isang pamilya, at malaki ang tsansa na sira na ang aklat pagkalampas pa lang sa panganay.

Regarding sa content, sabi ni Sir Kang, it is possible that Filipino and Korean books for children are equal when it comes to content. Aba’y oo, sa isip-isip ko. Ang kahirapan namin ang dahilan kung bakit kami creative kaya magkasingyaman lang tayo pagdating sa imahinasyon!

Pag-uwi ko kinagabihan, nabanggit ko ang lahat ng ito sa aking asawang si Ronald, na isang manunulat din at cultural worker. Isa lang ang kanyang nasabi hinggil dito. Pinaalala niya sa akin ang horror vacui, o ang estilo ng mga Pinoy pagdating sa espasyo: hangga’t maaari, walang bakante, drawing at color galore! Oo nga. Baka kaya kaunti at medyo tame ang kulay at illustrations ng mga pambatang aklat sa Korea ay dahil ganon ang taste ng mga bata sa kanila, at hindi necessarily dahil ayaw nilang mairita ang mga mata ng batang Koreano. At kaya naman makulay at napakarami ng illustrations ng pambatang aklat sa atin ay dahil ganon ang taste ng batang Pinoy, at hindi dahil wala tayong paki kung mairita ang mga mata ng ating kabataan. At least, may isang distinct na estilo ang ating pambatang aklat pagdating sa itsura nito.

Anyway, yayaman din tayo. Malapit na ring dumami ang hardbound na mga pambatang aklat na gawa dito sa atin. Basta’t patuloy lang ang paglikha ng mga manunulat at ilustrador para sa ating kabataan. Patuloy lang na magbabasa ang ating kabataan. Para lumaki silang matalino at nagmamalasakit sa ating bayan.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

Saturday, July 26, 2014

SMC 2014 Proceedings: Raissa Robles

Day 2

Raissa Robles- Investigative Reporting

-minsan, you just have two hours to churn out articles
-maganda pa yun. kasi sa BBC, sa international level, tine text na lang ng writers/reporters ang news sa headquarters nila as the president speaks. sina summarize na nila agad ito then for public consumption na.

-journalists have to do forensic accounting!
-best team up= gil cabacungan at nancy carvajal ng PDI
-kasi si gil (trained by Miss Raissa in another newspaper), economics ang background sa UST
-si nancy naman, girl friday ni letty magsanoc, police ang beat
-before may 2013 election, nagtawag ng press ang nbi dahil may nahuli silang gay man na may alam sa malampaya fund
-pero yung mga journalist daw na dumating ay pinagtatawagan ng mga politiko at sinabihan na wag daw ilalabas dahil nga malapit na ang election
-ayun. walang nareport sa diyaryo.
-tanging PDI lang ang naglabas niyon sa diyaryo nila kaya mula noon, lahat ng bagong news mula sa nbi about ben hur luy case, sa PDI agad lumalabas.

-christmas gifts, ok lang tanggapin kung talagang token lang, hindi mahal, iyong tipong hindi ka magkakautang na loob sa taong nagbigay.

-2 weeks ginawa ang research para sa article na ito
http://raissarobles.com/2013/08/15/janet-napoles-alleged-giant-jln-corporation-paid-less-taxes-than-a-public-school-teacher/

-inuna niyang i-check ang website na ito:http://www.jlncorporation.com/Official_Homepage.html
-sa mission/vision (http://www.jlncorporation.com/Mission_Vision.html), kaduda-duda na para ito maging trading company na siyang kine claim ng mga lawyer ni napoles
-sa SEC, you can do a reverse search about anyone basta may corporation o company.
-puwede mo nga itong gawin kahit nasaan ka sa mundo. bibili ka lang ng pinmailer sa SEC. at ma-aaccess mo na ang database ng sec
-some govt offices are very cooperative sa diclosure
-kaya maganda rin na may background ka sa accounting. kasi nasa financial reports minsan ang istorya. kapag di mo masyadong naiintindihan ang datos sa ganong dokumento, mami-miss mo ang mga anomalya!

-how do you decide what is a fact and a propaganda (or a lie?)- una, yung source, credible dapat
-how do you judge an evidence? i-check sa iba pang ebidensiya! ibig sabihin, kailangang mag-collect ng maraming ebidensiya tsaka ikumpara sa isa't isa for consistency
-halimbawa, ang jowa mo ay natsitsismis na nagloloko. i-check ang Fb account niya, instagram, twitter, tumblr at iba pang online presence. kung may inconsistencies sa whereabouts niya sa lahat ng iyan, magduda ka.

-google investigative journalism tools, marami iyan. makakatulong talaga
-be aware of the apps that can counter check anything that you have

-si revilla before he was arrested, pino post sa website ang mga taong mahirap na natutulungan niya, scholarships etc. para ipakita kung saan napupunta ang pdaf niya. pero nang maaresto siya, nawala na ang laman ng website. at kahit ang traces ng dati niyang website, wala na rin!
-bongrevilla.com
-sa ganitong kaso, makakatulong ang wayback machine / http://archive.org/web/
-magaling ang IT team kasi naalis ang lahat ng images ng websites niya
-lahat ng lumalabas sa internet, naia-archive ng technology nito. kahit may magbura niyan deliberately, may traces pa rin na maiiwan.

-how do you judge evidence? evidences that come from established sources, ok na, paniwalaan mo.

-pag masyado ng maraming data ang nakuha mo, let your brain process all of these.
-pag nakuha nyo ang data, always cite the source.
-its ok to cite the source. ang job mo naman ay tagni tagniin ang data sa iba't ibang source to make it coherent. hindi lang basta paglalahad ng data.
-art and science ang investigative reporting.
-kasi science is in data gathering
-art is how you put it all together, how you write the article. kailangan, nauunawaan ng intended audience mo.

-make sure ikaw ang kausap ng source, or yung lawyer ng source or gumawa ka ng paraan para makuha mo ang kabilang panig, para di ka makasuhan ng libel

-sa pagdesign ng investigative article, maglista ka ng lahat ng tanong na gusto mong masagot ng iyong article.

-kunwari frat ang topic mo, check mo ang FB account ni servando.
-noong una, sobrang dami ng condolences. tapos nung pumasok na ang pulis at imbestigador, biglang nawala ang mga pagbati ng condolences! magtataka ka di ba? that's where you can start.
-puwede mo ring tingnan ang photo niya, group photo iyong kay servando. puro lalaki sila doon. mga taga-frat kaya sila? you can start from there! sino ang mga malapit sa kanya as it appears in FB?

-yung unang isasagot mo sa kung sino mang magtanong ng "ano bang nangyari?" most probably yan na ang general statement patungkol sa nangyari. minsan, you have to trust your instints.

-kung hindi mo ma-entice ang reader sa first two paragraphs, talo ka na.
-ako re write ako nang rewrite ng 1st 2-4 paragraphs. just to make them pointed talaga.

-investigative juournalists usually have specialty. ang kay mam raissa ay politics. konting galaw lang diyan, alam na niya ang nangyayari

-"may alam ako sa 1935 constitution, sa constitutional convention, so nagsulat ako about it. akala ko walang magbabasa, kasi very legalistic. tapos 12 pages pa!"

-entertainment field, wag mamaliitin, this is a legitimate field. lalo na for investigative reporting.

-you also have to put an end to your reporting. "this is what i found out at this period of time." para alam ng iyong reader.

-downside is nobody funds investigative reports.
-"ako ang nagfa-fund sa mga sarili kong investigative reporting."

-"natatakot din ako. pero lahat naman tayo mamamatay. mas natakot ako noong marcos time. kasi anytime talaga, i-pick up ka. pero ngayon, hindi na. medyo rin, noong arroyo administration. sa ngayon, nag-iingat din naman ako. for example, mayroon akong naisulat tungkol kay Juan ponce enrile, hindi ko pa mailabas e. also, may kulang pa ako na isang data"

-newspaper columnists write what they please. wala silang pakialam sa editor.

-"kahit salungat ang sinasabi ng iba, binabasa ko pa rin ito dahil kailangan ko ring malaman ang kabilang panig. its another viewpoint, e. maganda na makita mo rin iyon."

-"a lot of reporters are on tweeter. you can ask them there. yung iba, siguro sasagot. pero i-try nyo pa rin"

-many reporters live on psychological rewards. so puwede ninyo silang sabihan sa tweeter kung nagustuhan ninyo ang isinulat nila.

she's very soft spoken! parang napakabait na nanay! nakakatuwa! at ang galing magpaliwanag!


Friday, July 25, 2014

SMC 2014 Proceedings: Howie Severino

Day 1

Howie Severino: Online: Connecting Generations to Accelerate Change

-kayong kabataan ang most empowered generation sa kasaysayan ng mundo
-bakit? dahil may kapangyarihan kayo na i-communicate nang direkta sa isa o marami ang inyong naiisip at saloobin
-sa twitter, maaaring 100 lang ang followers mo. pero what if nire-tweet ka ni bruno mars na may 18 million followers!?
-twitter is a platform
-ang TV as a media ay isang magandang halimbawa ng consumption ng impormasyon, entertainment at mga copyrighted products
-pero nagkakaroon na ng great shift from TV. papunta na lahat sa internet

-internet empowers you to create
share
collaborate
mobilize
-kaya wag lang consume nang consume. gawin ang apat na bagay na ito.

-napakaimportante ng online presence ninyo kaya dapat ingatan ninyo ito. kapag may nag-a-apply sa akin, ang una kong ginagawa, i google his/her name. kung pangit ang mababasa ko, magdududa na ako sa applicant.
-minsan, hindi na natin iniisip ang impact ng ating mga kine-create at sine-share, click lang tayo nang click. kaya sa GMA 7 ngayon, meron kaming campaign tungkol dito. ang tawag namin dito: think before you click.
-with your power and free time, ano ang gagawin mo?
-ops, wag kalimutan, sabi nga ng uncle ni spiderman, great power comes great responsibility.

-kung mapapansin ninyo, sa social media, ang madalas na naise-share ay iyong good news.
-kaya dapat, ito ang ating gawin: magkaroon ng produktibong pagbabahaginan ng impormasyon.
-wag na ring alalahanin ang ownership ng media ngayon dahil nagkakaroon na ng dispersal ng power sa media. at iyon ay dahil sa internet. hindi na ang mga major networks na lang ngayon ang may hawak sa media.

napaka-inspiring ng talk ni sir howie. sayang at napakakonti ng oras sa Q and A, dalawang tanong lamang ang na-entertain.

Friday, July 18, 2014

Comics Script tungkol sa Mga Epekto ng Climate Change sa Agriculture: Isang Tag-init sa Buhay ni Ani Rosa

Final Draft
Comics script para sa Story #1
Manunulat: Beverly Siy ng Kamias, QC

Topic: Mga Epekto ng Climate Change sa Agriculture

Working Title: Isang Tag-init sa Buhay ni Ani Rosa

Setting: Contemporary times, rural, bakasyon sa eskuwela

Mga Pangunahing Tauhan:

1. Ani Rosa, 14 years old, Grade 8, batang magbubukid
2. Basil, 15 years old, Grade 9, dating batang magbubukid, naaadik sa pool
3. Danao, 16 years old, 4th year high school student, dating batang magbubukid, naaadik sa girlfriend
4. Krissy, 16 years old, 4th year high school student, girlfriend ni Danao
5. Resie/Nanay at Bert/Tatay, 40s, magbubukid
6. Aldo, 40s, ninong ni Ani Rosa, lider sa training para sa magbubukid
7. Babaeng speaker na taga- Voss Personal Collection, 30s, pustoryosa, nagpapakamoderno
8. Mister Pigapiga, 40s, trader, tagabayan
9. Mga magbubukid na kapitbahay nina Ani Rosa


FRAME 1: Sa opisina ni Mr. Pigapiga, nakatayo si Ani Rosa sa likod ni Nanay. Si Nanay ay nakaupo sa silya na nasa harap ng mesa ni Mr. Pigapiga. Ipakitang makintab, malinis at magara ang opisina. Ipakita ang aircon. Sina Ani at ang kanyang nanay ay payak lamang ang suot na damit, nakatsinelas lamang na karaniwan, may dalang payong.

Marami ang katulad nina Ani sa loob ng opisina. Nakaupo sila at walang bakanteng upuan. Ang iba’y nakaupo na sa sahig. Pawang magbubukid ang mga ito, maghuhulog din ng pambayad-utang kay Mr. Pigapiga.

Lakihan ang frame na ito. Ito ang establishing shot.

MR. PIGAPIGA: Misis, ibabawas ko itong hulog n’yong P1,000 ngayon. Pero P31,500 pa po ang balanse n’yo, ha? Ito ang resibo.

NANAY: Salamat, Mr. Pigapiga. Pagbalik namin, maghuhulog uli kami sa inyo.


FRAME 2: Sakay ng isang karag-karag na tricycle, nagpahatid na sa baryo sina Ani Rosa at ang kanyang nanay. Mapapag-usapan nila ang pagbabayad ng utang kay Mr. Pigapiga. Tirik na tirik ang araw at pawis na pawis ang mag-ina.

CAPTION: Sa daan pauwi, nabagabag si Ani Rosa sa isinagot ng kanyang ina.

ANI ROSA: ‘Nay, parang di nababawasan ang utang natin. Nasa mahigit trenta mil pa rin po? Baka mali na ng kuwenta ‘yang Mr. Pigapiga na ‘yan.

NANAY: Ani, ‘wag mong isipin ‘yan. Ang importante, nakakapaghulog tayo. Ibig sabihin, makakautang pa tayo sakaling mababa ang kita natin at nabansot na naman ang ani ng palayan.


FRAME 3: Sa loob ng bahay nina Ani Rosa. Simple lang ang bahay, gawa na sa hollow blocks ngunit wala pang palitada. May sako pa ng semento sa sulok. Ang kagamitan nina Ani Rosa ay puro gawa sa kawayan (halimbawa ay ang dulang), wala ni isang kurtina sa bintana. Obvious ang sobrang init sa labas.

Nadatnan nilang nag-iisa sa dulang si Tatay. Kumakain ito nang nakakamay at nakataas ang isang binti sa upuan. Butil-butil din ang pawis nito. Sa ibabaw ng mesa ay lalagyan ng diesel.

CAPTION: Pagdating sa bahay…

NANAY: O, Bert, may natira pa sa akin, P200. Nahan sina Basil?

BERT/TATAY: Ay di inindiyan na naman ako. Ang mga hindot, ayaw mautusang bumili ng diesel para sa pump. Lalong natuyot ang palayan mula umaga’t maghapon.


FRAME 4: Naglalakad sa pilapil si Ani Rosa. Papunta siya sa eskuwelahan para sunduin ang kanyang mga pasaway na kuya. Tirik pa rin ang araw. Laging may pawis si Ani Rosa.

CAPTION: Pagkarinig sa hinaing ng tatay, nanggigil si Ani Rosa sa kanyang mga kuya.

ANI ROSA (thought bubble lamang ito): Alam na nga nilang ilang linggo nang hirap sa tubig ang buong bayan, pasaway pa sa pagpapaandar ng water pump? Ano ba ‘yan?


FRAME 5: Sa gitna ng kabukiran, patuloy na naglalakad si Ani Rosa. Napatingala sa langit si Ani Rosa. Iniharang niya ang braso sa mga mata.

CAPTION: Nang maalala ni Ani Rosa ang sitwasyon ng panahon at kabukiran, pumasok sa isip niya ang kasabihang sala sa init, sala sa lamig.

ANI ROSA (thought bubble): Itong langit na ‘to, kung makatodo ng init, tinitigang ang lupa’t binabansot ang mga pananim. Kung makaulan naman, sabunot ang bagyo, lunod sa baha ang buong baryo.


FRAME 6: Same scene pero may drowing sa loob ng thought bubble ni Ani Rosa. Lahat ng pananim ay may sakit na tungro, isang sintomas nito ay matinding paninilaw ng mga dahon ng palay.

CAPTION: Naalala ni Ani Rosa ang pamiminsala ng sakit na tungro sa mga bukirin sa kanilang bayan.

ANI ROSA: May kinalaman kaya ang matinding tagtuyot o ang matinding pagbagyo sa tungro? Sala sa init, sala sa lamig?


FRAME 7: Pagdating ni Ani Rosa sa area na malapit sa eskuwelahan (sarado ang eskuwelahan), pumunta siya sa isang pondahan na katatagpuan ng make-shift na pool (bilyaran), isang sari-sari store na may dalawang bench na gawa sa trunk ng puno at isang puno sa gilid. Tumpok ang kabataan doon, babae’t lalaki, pulos nakapambahay pa ang mga babae. Ang mga lalaki, nakasando na lang, ang iba’y nakahubad sa init. Nakasabit sa balikat ang kanilang mga kamiseta.

Ang Kuya Basil niya ay may hawak na tako. Nakaabang ito ng tira sa pool.

CAPTION: Pagdating sa pondahang malapit sa saradong eskuwela, namataan agad niya ang isa sa hinahanap.


FRAME 8: Galit na galit si Ani Rosa. I-exagerate ang mata, ilong at bibig. Mapapatingin kay Ani Rosa ang lahat ng kabataan sa pondahan na iyon.

CAPTION: Pagkasinghal ay agad na tumalikod si Ani Rosa. Parang namataan niya ang isa pang hinahanap.

ANI ROSA: Kuya Basil! Nagbababad ka na naman diyan! Samantalang tuyot na ang mga palay! Wala na tayong kakainin bukas, tunggok ka!


FRAME 9: Sa likod ng puno sa gilid ng pondahan, naroon ang isa pa niyang kuya, si Danao. Yakap-yakap si Krissy, ang girlfriend nito. Si Krissy ay nagbabasa ng makulay na catalogue ng Voss. Naroon ang mga larawan ng make up, panty, bra at accessories for sale.

ANI ROSA (off frame): At ikaw naman, Kuya Danao, alagang-alaga sa jowa, samantalang ‘yong alaga mong traktora, inabandona mo nang bigla-bigla!


FRAME 10: Naglalakad pauwi ang tatlong magkapatid. Nasa gitna si Ani Rosa. Si Ani ngayon ang sinisinghalan ng dalawa. Sobra ang galit nila kay Ani. Talsikan ang laway nila habang nakatameme ang bunso, bilog na bilog ang mga mata. Tirik pa rin ang araw.

CAPTION: Sa daan pauwi, gumanti ng singhal ang mga kuya sa kanilang bunso.

KUYA BASIL: Ba’t hindi na lang ikaw ang bumili ng diesel para sa pump? Kaya mo namang buhatin ‘yon, a.

KUYA DANAO: Di ba, lagi namang nililinis ni Tatay ang traktora? Ba’t kailangan mo pa akong istorbohin, ha?



FRAME 11: Sa loob ng bahay, sa harap ng dulang, naghaharap-harap ang tatlo. Malungkot ang kulay ng buong eksena.

CAPTION: Pagdating sa bahay, mahinahong ipinaliwanag ni Ani Rosa ang di nababawasang utang na trenta mil sa trader na si Mr. Pigapiga.

KUYA BASIL (mukhang nahimasmasan): Ganon ba? O siya. Ibibigay ko ke Nanay bukas ‘yong ipon kong P420. Galing sa mga panalo ko sa pool. Lalaro na lang uli ako para tuloy ang kita.

KUYA DANAO: Ako rin, me naipon akong P750 diyan. Nagbebenta ako ng tsinelas na Voss sa mga kaklase ko’t titser ngayong bakasyon. Isa ‘yan sa negosyo ni Krissy.


FRAME 12: Sa kuwarto nina Nanay at Tatay, malungkot na nagkatinginan lamang ang dalawa. Close up ng mga mata nina Nanay at Tatay.

CAPTION: Sa kuwarto, di malaman ng kanilang magulang kung matutuwa o malulungkot sa napakinggan. Tuwa dahil masikap pala sa pera ang mga binatilyo. Lungkot dahil walang interes ang mga ito na magpatulo ng pawis sa bukid. Walang susunod sa kanilang mga yapak…


FRAME 13: Pagkaraan ng ilang araw, sa pondahan, may kausap si Krissy. May hawak na glossy na catalogue ng Voss si Krissy. Katabi nito si Kuya Danao. Samantala, nakatalikod sa frame ang hubog ng isang dalagita. Si Ani Rosa ito. Pero huwag munang i-reveal sa mambabasa.

KRISSY: Sunod sa uso ang mga ‘to kaya medaling ibenta. Tamo, endorsed pa nina Kim Chun at Enchong Three.

KUYA DANAO: Sa bawat produktong mabenta mo, 25% ng presyo ang sa iyo.


FRAME 14: Same scene. Iri-reveal na si Ani Rosa ang kausap nina Krissy at Danao sa pondahan. Nakatitig si Ani Rosa sa malayo habang nakabuklat sa mga palad niya ang Voss catalogue.

KUYA DANAO (off-frame): Ani Rosa, maniwala ka. Ito ang solusyon sa problema natin sa pera. Hindi ang pagbababad sa bukid.


FRAME 15: Umaga, sa may likod ng bahay, sinisipat ni Ani Rosa isa-isa ang mga lalagyan ng pesticide para sa pananim. Mapapansin niyang halos wala nang laman ang mga ito.

CAPTION: Kinaumagahan, habang inihahanda ni Ani ang mga dadalhin ng kanyang tatay, natuklasan niyang ubos na ang pesticide na binili kailan lang.

ANI ROSA (alalang-alala): Sa init siguro ay humahaba ang buhay ng mga peste. Kung ganon, parami nang parami ang pesticide na kailangan namin. Pamahal pa naman nang pamahal ito.


FRAME 16: Napasandal sa likod-bahay si Ani Rosa, buhat-buhat niya ang lalagyan ng pesticide. Kunot-noo siya. Nasa harap niya ito. Pero tagos ang tingin ni Ani Rosa papunta sa lunting bukirin at maaliwalas na araw.

CAPTION: Agad na nagpasya si Ani Rosa. Luluwas siya sa bayan, at pupunta sa Voss Personal Collection para um-attend ng orientation seminar. Gagaya na siya kay Krissy.

ANI ROSA: Kailangan ko talagang kumita sa mas mabilis na paraan. Magugutom kami’t puro gastos dito sa bukid. Maya’t maya, pesticide. Maya’t maya, diesel. Ano, uutang na naman kami kay Mr. Pigapiga? Ganon nang ganon?


FRAME 17: Sa loob ng busy office/selling area ng Voss Personal Collection, mukhang nakikinig sa orientation seminar si Ani Rosa pero ang totoo, iba ang nasa isip niya. Seryoso ang kanyang maamong mukha.

May babae sa harap ni Ani Rosa at ng iba pang nakikinig. Ito ang speaker. Mukhang mga magbubukid din ang nakikinig sa kanyang kabataang babae. Makapal ang make up nilang lahat, maliban kay Ani Rosa.

CAPTION: Buong biyahe paluwas ng bayan hanggang sa orientation seminar, ang naiisip ni Ani Rosa ay paano ang iba pang magbubukid sa kanilang lugar, grabe din kaya silang makapag-pesticide? Over-over din ba sa budget ang gastusin nila?

BABAENG SPEAKER (puwedeng kalahati lang niya ang ipakita rito sa frame na ito): Ngayong summer, pantayin ang paglalagay ng sunblock lotion sa braso. Sige kayo, pag di pantay ‘yan, mukha kayong patse-patse.


FRAME 18: Kasunod na araw pero same venue sa bayan. Same speaker pero iba na ang damit nito at make up. Naroon din ang mga nakikinig sa kanya na kabataang babae. Napakalakas ng ulan sa labas ng Voss.

CAPTION: Nang sumunod na araw, hindi pa rin maka-concentrate si Ani Rosa sa seminar at training sa Voss. Dahil naman ito sa napakalakas na ulan.

BABAENG SPEAKER (puwedeng kalahati lang niya ang ipakita rito sa frame na ito): Pag tag-ulan, waterproof mascara ang dapat ibenta!

ANI ROSA (malaki ang mga mata, alalang-alala) (thought balloon): Naku, kainit buong linggo, tapos biglang babagyo? Baka bahain na naman kami tulad ng nangyari dati! Mabubulok ang palayan. Bakit mahirap ispelingin ang panahon? Ay, ano ba? Wala na akong naunawaan sa seminar na ito! Sayang.


FRAME 19: Close up ng payak na paa ng nanay ni Ani Rosa.

(eto ang sitwasyon: Pagdaan pa ng ilang araw, sa kanilang bahay ay kinausap ni Ani Rosa ang kanyang nanay. Wala na kasi siyang pamasahe para lumuwas sa bayan at um-attend ng seminar at training sa Voss.)

CAPTION: Tatlong araw pa ang training ni Ani Rosa bago siya makapagbenta ng mga produktong pampaganda. Pero kapos na siya sa pamasahe. Kapos din ang kanyang ina at hindi niya mahanap ang kanyang mga kuya.

NANAY (off frame): Samahan mo ako. Diyan lang sa may tumana. Akong pinapupunta ng tatay mo sa PPB* training. Ang alam ko, pupunta rin ang ninong mong si Aldo. Magmano ka, baka sakali bigyan ka ng pera!

*Participatory Plant Breeding


FRAME 20: Pagdating ng mag-ina sa tumana, sa gitna ng araw, (hawak pa ni Ani Rosa ang catalogue ng Voss), isandosenang magbubukid ang nagkukumpulan sa gitna. Ang iba’y may dalang lapis at papel. Nakikinig sila sa isang kapwa nila magbubukid, si Aldo, ang ninong ni Ani Rosa. Si Aldo ay may hawak na binhi sa kanan at notebook sa kaliwa. Ballpen na nakaipit sa tenga. Medyo top view ang frame na ito.


CAPTION: Pagdating sa tumana, hindi makalapit at hindi makahirit agad si Nanay sa ninong ni Ani Rosa. Dahil ito mismo ang nagsasalita sa harap ng lahat.


ALDO: Tama, tayo naman ang maglinang ng sarili nating binhi. Para di na tayo bili lang nang bili sa iba, di ba? Mas magastos kasi ‘yon, e. Tulungan po tayong lahat dito, gabay ang bawat isa sa pag-aaral kung alin ang uubrang binhi sa lupa natin at ‘yong magbibigay ng mas masaganang ani. Ke sobra-sobrang init. O sobra-sobra ang ulan. Tulad ng nararanasan natin dito sa kasalukuyan.


FRAME 21: Medium shot ni Aldo, ang binhing hawak niya, ang notebook niya at ballpen. Nakaumang ang ballpen sa notebook.

CAPTION: Tuluyan nang lumapit ang mag-ina sa umpukan ng magbubukid.

ALDO: Bago po tayo magsimula, paalala lang. Tiyagain lang ho natin ang pagpunta rito at pag-attend ng training o kaya seminar. Mapapagyaman natin ang ating mga pitak kapagdaka. Para ito sa atin at sa mga anak at apo natin. O, sagot. Tuwing anong oras po tayo magkikita rito?


FRAME 22: Medium shot ni Ani Rosa. Nakatingin siya sa Voss catalogue.

ANI ROSA (nakasimangot) (thought balloon): Ano bang pumasok sa utak ko’t pati pagbebenta ng kolorete ay gusto kong karerin? Ginto ba ang hanap ko? Aba, napagastos pa nga ‘ko, e, samantalang heto at mas malapit sa puso ng pamilya ko ang tunay na ginto. Ay, tunggak ka, Ani!


FRAME 23: Face off sina Ani Rosa at ang nanay niya (side-view shot). Magkahawak-kamay sila.

ANI ROSA (makikita sa mukha ang pagmamalaki sa sarili): ‘Nay, ‘wag na natin istorbohin si Ninong. Di ko na kailangan ng pamasahe. Hindi na kasi ako luluwas ng bayan.

NANAY (tuwang-tuwa): Dito ka na lang? Sasamahan mo ako?

ANI ROSA: Opo! Pero teka, ‘Nay. Diyan ka lang. May itatapon lang ako.


FRAME 24: Close up shot ng nakabukas na Voss catalogue, nasa loob na ito ng isang basurahan.

CAPTION: At nagpasya si Ani Rosa.

ANI ROSA (out of frame) (thought balloon): Kung magpapatuloy ang kahibangan namin sa ibang bagay, tuluyan kaming malalayo kay Nanay at kay Tatay. Sa sandali namang yumao sila, sino pa nga ba ang magmamahal sa sarili naming lupa at bukirin kundi kaming mga anak din? Hmm… Pero sana, makumbinsi ko sina Kuya Basil at Kuya Danao na bumalik sa bukid. Kung gusto talaga nila ng sideline, puwede pa rin naman ‘yong mga ginagawa nila: Bukid + pool + tinda ng sapin sa paa!


FRAME 25: Bukang-liwayway. Sa bukirin ng mag-asawa. May tumitilaok na tandang. Landscape view ng bukid at pilapil. May dalawang lalaki at isang babae ang nakapila at naglalakad papunta sa pinakasentro at puso ng bukid.


CAPTION: Paglipas ng ilang araw, may mga pintig na nagbabalik. Maliksing bumabagtas ang mga ito sa pilapil. Hindi tuloy magkandaugaga ang mga tandang sa pagbati ng “Magandang umaga!”

Wakas.


Note to artist: Puwedeng mag-experiment sa size at shape ng bawat frame.

Monday, July 14, 2014

Ay, Peke Project Proposal

PROJECT BRIEF

PANGALAN NG PROYEKTO: Ay, Peke!

KONSEPTO AT RATIONALE: Ang akdang Ay, Peke! ay isang aklat na pambata tungkol sa panganib na dulot ng counterfeit na mga produkto partikular na ang pekeng gamot. Sina Una at Kali ay magkaibigang langgam na nakatira sa isang botika at sila ang makakatuklas na mayroong nakapasok na pekeng gamot sa kanilang lugar. Sila ang mag-iisip at gagawa ng paraan para hindi makarating sa publiko ang pekeng gamot. Ito ay binubuo ng 28 pahina with full color illustrations ni Othoniel Neri, isang visual artist mula sa Antipolo City. Ang teksto naman sa wikang Filipino ay kinatha ni Beverly Siy, isang manunulat mula sa Quezon City. Ang salin sa wikang Ingles ay kay Ronald Verzo, isang tagapagsalin mula rin sa Quezon City.

Iminumungkahing tagapaglathala nito ay ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR).

Ang paglalathala at pagpapamudmod ng pambatang aklat na Ay, Peke! ay maaaring makatulong na maipaunawa sa mga batang Filipino ang halaga ng paggalang sa intellectual property at sa panganib na dulot ng counterfeit na mga produkto. Sa kasalukuyan, dahop ang bansang Pilipinas sa mga materyales para sa kabataan hinggil sa mga nasabing usapin.

Maaari ding makatulong ang proyekto sa pagtupad ng unang function ng NCIPR na: to intensify public information and education campaign on the importance of IPR to national development and global competitiveness, batay sa sa Executive Order No. 736, s. 2008.

MGA KALAKASAN NG PROYEKTO:

1. Ang Ay, Peke! ang magiging unang pambatang aklat na gawa sa Pilipinas at tuwirang tumatalakay sa mga violation sa intellectual property rights at counterfeit na produkto. Maaaring ilathala ito sa tradisyonal na paraan (printed copy) o sa modernong paraan (ebook format).

2. Ang Ay, Peke! ay gumagamit ng genre na fantasy (dahil sa mga bidang langgam na mahilig magbasa ng mga kahon) kaya hindi nakakainip para sa target market, ang mga bata.

3. Ang Ay, Peke! ay nasusulat sa dalawang wika, Filipino at Ingles at nasa wikang magaan at kayang intindihin ng karaniwang mambabasang bata.

4. Ang Ay, Peke! ay maaaring magamit bilang isang tool para maiparating ng IPOPHL at NCIPR ang konsepto ng intellectual property rights at counterfeit na produkto sa kabataan.

5. Ang aklat ay madaling dalhin at ipamudmod, may pass on readership (ito ay ang aktong pagbabasa ng iba pang tao bukod sa talagang may ari ng aklat o babasahin), at higit sa lahat, maaaring ilagak sa mga aklatan sa matagal na panahon.


ANG TARGET MARKET NG PROYEKTO:

1. Ang kabataang Filipino sa buong Pilipinas sa pangkalahatan;

2. Ang mga estudyante sa elementarya at sekondarya mula sa mga paaralan na mayroong Innovation and Technology Support Office, at;

3. Ang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig (dahil bilingual naman ang teksto).

ANG MGA CREATOR NG PAMBATANG AKLAT:

Ang creators ng Ay, Peke! ay aktibong mga kasapi ng Filipinas Copyright Licensing Society o FILCOLS.

1. Ang may akda ng tekstong sina Beverly Siy at Ronald Verzo ay mga IP rights at copyright advocate mula pa noong 2010. Sila ay matagal nang nag-aaral ng IP laws partikular na ng copyright. Madalas na nagbibigay ng talk at seminar si Beverly Siy hinggil sa copyright at creative writing para sa kabataan at baguhang manunulat. Siya rin ay masugid na tagapagtaguyod ng World Book and Copyright Day Celebrations sa Pilipinas.

2. Si Othoniel Neri naman ay madalas na dumalo sa mga seminar hinggil sa IP at copyright para sa mga visual artist.

IBA PANG DETALYE:

1. Ang pambatang aklat ay maaaring ipamudmod nang libre. Puwede rin naman itong ibenta at maging income-generating project ng IPOPHL at NCIPR para sa iba pang gawaing may kinalaman sa IP rights.

2. Hinihiling ng mga creator ng proyekto na sila ay mabigyan ng P5.00 royalty sa bawat kopyang ilalathala (para sa printed copy) o ida-download ng publiko (para sa ebook format).

3. Ang sumatutal ng halagang ibibigay sa creators ay P15.00 para sa bawat kopya na ilalathala o mada-download. Ito ay magsisilbing royalty ng creators. Wala nang ibang babayaran ang NCIPR o ang IPOPHL sa creators bukod sa nabanggit na royalty.

4. Puwedeng maglathala o magpa-download ng kahit ilang kopya ng Ay, Peke! ang NCIPR at IPOPHL basta’t ito ay alam ng mga creator.

5. Ang copyright ng teksto at art works ay mananatiling sa mga creator ng Ay, Peke!

6. Maaaring mag-develop ang creators sa patnubay ng IPOPHL at NCIPR ng iba pang pambatang aklat hinggil sa iba pang usapin sa ilalim ng intellectual property.

7. Maaaring mag-develop ang creators sa patnubay ng IPOPHL at NCIPR ng iba pang pambatang aklat gamit mga ang pangunahing tauhan ng Ay, Peke! na sina Una at Kali hinggil sa iba pang usapin sa ilalim ng intellectual property.


Noong 2013 ko pa ito naisulat at napagawan ng sample illustrations kay Othoniel. Hay, ngayon ko lang nagawa ang proposal. another back log done. Bless this proposal, dear god. amen!


rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...