“Labhan mo. Tubig lang. Wag kang gagamit ng sabon.
Kusot-kusot lang. Tapos ipunas mo sa mukha mo ‘yang panty.
Tapos sabihin mo, sana maging singkinis ng perlas ang mukha ko.
Ulit-ulitin mo. Habang ipinupunas mo sa mukha mo ang panty.”
- IT’S A MENS WORLD ni Bebang Siy
Isang gabi, buwan ng Enero, noong una akong datnan. Grade 4 pa lang ako nun. Sinabihan ako ng kasambahay namin na ipunas ko sa mukha ko ‘yung panty ko. Ganun daw talaga. Para nga raw maging makinis ang balat ko. Ipinunas ko nga sa mukha ko ‘yung panty. Pero may pero.
Nilagyan ko muna ng Safeguard at saka ko kinusot at binanlawan ng tubig 'yung panty ko. (Kaya pala walang epekto.)
“Dalaga ka na, Van!” sabi pa ni Ate Emily. Kumuha siya ng napkin sa tindahan namin. Those Days. ‘Yon ang unang-una kong napkin. Those days nga naman. Apir kung alam mo ang brand na 'yun!
Bigla akong kinabahan sa pagdadalaga. Parang ayoko yata.
At noong sumunod na araw sa eskuwelahan, naglaro sa isip ko kung sinu-sino sa mga kaklase ko ang “nadatnan” na rin. Grade 6 na ako nung tila mga kabuteng nagsulputan ang pimples ko. Unti-unti ko na ring naiintindihan na ganoon talaga kapag "nagdadalaga." Kaso, kahit na masaya nga ‘yung tatangkad ka (oo, tumangkad naman ako hindi lang halata) at magsusuot ka na ng bra (ang init kasi ng sando), pakiramdam ko noon, unfair pa rin kasi buwan-buwan dumarating 'yung "dalaw." E 'yung sa mga lalaki, one time-big time lang!
Anak ng tumitiling kamote at dinidismenoriyang kawali.
Ang dami ko pang naalala tungkol sa kabataan ko dahil sa libro ni Bebang Siy na “It’s a Mens World.” Extra-special pa ang kopya ko ng libro dahil ibinigay 'yon sa akin ng kapatid kong si Neil. Binasa ko agad, bago ako matulog. Alas-dos ng madaling araw na ako natapos. Para akong ewan, tawa ako nang tawa habang nagbabasa.
Nagnakaw din kasi ako nung 5 years old ako sa Pamilihang Bayan ng Project 4 sa Quezon City. Siyempre, ibinalik ng Mommy ko ‘yung kinuha kong indian mango. Nagulat na lang siya dahil kinagatan ko na pala!
Naiyak din ako habang binabasa ‘yung “Ang Aking Uncle Boy” lalo na ang kuwentong pambata tungkol sa mga seaman. Paborito ko rin ‘yung “BFF x2.” Halos lahat naman kasi tayo, may itinuring na best friend.
May kung ilang beses na namuo-tumulo-umurong ang mga luha ko dahil sa mga kuwento niya. Parang nakikipag-usap ka lang sa isang kaibigan, isang kaibigang masaya kasama, ‘yung maraming maipapasa sa ‘yo na aral sa buhay at kalokohan. Isang kaibigang hindi nauubusan ng kuwento!
Sigurado ako na kapag nabasa mo ang libro, hahanga ka rin sa tapang ni Bebang sa pagbabahagi ng kaniyang buhay, ng kaniyang sarili. Mayroong mga sandaling matitigilan ka. Grabe pala ‘yung pinagdaanan niya.
At mapapaisip ka rin. Mapapansin mong malayo na rin pala ang nilakbay mo. Na kahit pala tahimik ka lang sa mga pinagdaanan mo, may ibang tao na makakaintindi sa 'yo kasi pinagdaanan din pala nila 'yon.
Tunay ngang madugo ang buhay. Minsan, nakakatawa na nakakaiyak na ‘yung sakit. Pero marami rin namang dahilan para magpatuloy at maging masaya, diba? Ang totoo, ikaw ang gagawa ng sarili mong happy ending.
Tama si Bebang Siy. It’s a mens world talaga.
(Nakilala ko sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo o LIRA si Bebang Siy. Minsan, naitanong ko sa kanya kung ano nga ba ang dapat na isulat ng isang manunulat. Heto ang kaniyang naging sagot: ang dapat isulat ng isang manunulat ay yung nagpapasaya sa kanya, nagpapalungkot, bumabagabag at tumatakot. Maraming salamat, Ms. Bebang. Aabangan namin ang susunod mo pang mga libro! :) - vins)
Ang rebyu na ito ay ipinost dito nang may pahintulot ni Bb. Vins Miranda. Puntahan ang tawambuhay.blogspot.com para lalo siyang makilala.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment