Friday, December 16, 2011

Bonus

Dahil may Christmas, may bonus!

Ano ang plano ng karaniwang Pinoy sa Christmas bonus niya?

1. gagastusin para sa noche buena
2. ipambibili ng mga regalo para sa kamag-anak
3. ipapadala sa probinsiya
4. ipapadala sa pamilya sa Pinas
5. ipambibili ng bagong damit, sapatos, bag at kung ano-ano pa
6. ipambibili ng bagong appliances
7. ipambabayad ng utang
8. ipanglalakwatsa
9. iipunin

Sa lahat ng posibleng sagot, sa top 9 ako magsesentro.

Kailangang may ipon ang karaniwang Pinoy kahit paano. Hindi porke't malaki ang bonus ay ilalaan na lang natin ito sa iba't ibang bagay. At hihiling sa Diyos na sana nga ay hindi na maubos ang mga bonus. Nasasaid ang bonus. Nasasaid ang suweldo. Nasasaid ang 13th month pay. Nasasaid ang bigay na pera ng mga tito, tita, ninong, ninang. Kaya bago pa man maubos 'yan, bago pa man masaid, magtabi na.

Oo. Ganon talaga. Kaltasin na ang pang-ipon. Bago ka magplano kung ano pa ang puwedeng gawin sa bonus.

Pagkasayad na pagkasayad ng pera sa palad mo, itago mo na ang 20% nito. Kung sampung libo 'yan, itago na ang dalawang libo. Bahala ka na sa natitirang walong libo. Kung gusto mo ipang-shopping galore, gora! Kung gusto mong ipautang, gora!

Ang importante, may nakatabi na.

At dahil nakatabi na, hindi na siya gagalawin. Hindi iyan ilalagay sa bulsa. Hindi iyan ilalagay sa mga "emergency" pocket. Tabi means hindi masasagi, hindi magagalaw, hindi magagamit.

Marami ang nagtataka kung bakit mahirap ang Pinoy. Ito ang isa sa mga dahilan: hindi tayo palaipon. Kahit noon pa, panahon pa ng ating mga ninuno. Kasi naman, napakayaman ng ating bansa. Kahit anong gawin mo, laging may makakain. Maghagis ka lang ng mga buto-buto diyan, pagdaan ng ilang araw, halaman na. Dahon-dahon na. Puwede nang ilaga at iulam. Kaya ang ginagawa natin, hindi tayo nag-iimbak nang bongga. All year round and pagkain natin, e. Hindi katulad ng mga kapatid nating ipinanganak sa mga bansang may snow, required silang magbanat ng buto as soon as possible at mag-ipon kasi may winter sila. At kapag winter, nangangamatay ang maraming halaman. Kung wala kang naipon na pagkain noong hindi pa winter, masuwerte ka. Haluhalo ang kakainin mo araw-gabi, maghapon-magdamag.

Kaya dapat i-reverse natin 'yan, 'yang ugaling hindi palaipon. 'Yong generation natin, dapat matutong mag-ipon. Hindi naman talaga sa pagkakaroon ng malaking sahod nagkakapera ang mga tao. Kasi aanhin mo ang malaking sahod kung malaki rin ang gastos mo? Meron ka ngang fountain ng pera, pero napapalibutan naman ito ng mga drain, mas malaki pa ang butas kaysa doon sa butas ng fountain. Wala rin, di ba?

Kaya, mga kababayan kong Pinoy, tayo nang mag-ipon. Paunti-unti, painot-inot, lalaki din ang ipon natin. At kapag malaki na 'yan, mas makapangyarihan na 'yan. Mas marami na 'yang magagawa. Puwede na nating utusan, huy, ikaw naman ang kumayod para sa akin. Sabi nga ng maraming pera teacher, make the money work for you.

Wala pa ang bonus ko. Tulad ng karaniwang Pinoy, sabik na sabik na rin ako dito. Parang nanay lang na matagal mong di nakita. O kaya bespren na matagal mong di nakainuman.

Pagdating ni bonus, hahalikan ko ito nang wagas tapos ilalagak ko sa pedestal ang 20% niya. Magkikita kami kapag lumago na siya kapiling ng iba pang 20% ng mga kita ko in the future.

Pag ginawa ito ng lahat ng Pinoy, magkakaroon ng sapat na pera ang bawat isa para makapag-invest. Ke stocks pa 'yan o bagong negosyo, basta investment, gora!

Merry Christmas Bonus sa lahat!

Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...