Thursday, November 5, 2009

karma

adik sa baraha ang nanay ko. nine years old pa lang ako, nagla-lucky nine na siya. kalaban niya nang piso-piso ang sarili niyang nanay na malabo man ang mata, e mala-agila naman ang talisik pagdating sa mga numero sa baraha. nang mamatay ang nanay niya , bale lola ko, ang mga pamangkin ang kanyang kinalaban. pero pusoy dos naman. at nang magsipag-abroad-an ang mga pamangkin niya, saka lang niya nakita ang kabangyaman na itinatago ng aming pamayanan: ang kapitbahay.

ang kapitbahay bilang mga kapanalig sa simbahang amoy-barya at baraha.

dito siya nagkandaubos-ubos. kahit pa-tres-singko pesos lang ang taya kung magdamagan naman ang laban, umuuwi siyang luhaan. ito rin ang panahon na ako na ang kumakayod para sa pamilya. at siyempre pa, di ko maiwasang isipin na ang perang ibinibigay ko sa kanya para sa pagmimintina ng pangangailangan sa bahay namin ay napupunta sa wala. actually hindi naman sa wala, napupunta lang naman kay Jonald na lasenggo o di kaya sa midwife na iniwan ng asawa (dahil din sa baraha), kay Mercy na ibinenta ang bunso dahil ikapitong anak na niya ito at wala namang maiabot sa kanya ang asawa niyang magsa-sidecar kundi pabente-bente kada labindalawang oras, kay Balot na nagluluto ng burger araw-araw para sa suweldong isandaang piso, ganito na nga kaliit, itataya pa, kay Glo na tindera ng tsamporado at sopas sa umaga at kay ganito, ganyan, ganon. sa kanila napupunta dahil sila ang mga kalaban ng nanay ko sa tong-itan.

ginawa ko na ang lahat matigil lang siyang magbaraha. madali lang namang aralin kaya inaral ko ang tong-its. tinuruan ko rin ang mga kapatid ko. naglatag kami ng banig sa sala, isinet ang baraha. inilayo ang electric fan saka namin hinila ang nanay ko. kami na lang ang kalaban mo, singhal namin.

pero madaling nagsawa sa mga novice itong nanay ko. ilang araw lang na pangongolekta niya ng panalo niya sa amin ay nagpaalam na siyang makikipagtsismisan kay Ka Deliang katabing bahay. naniwala naman kami. aba, nagsara na ang lahat ng tindahan sa compound namin ay wala pa siya. nagsara na ang estasyon ng telebisyon ay wala pa siya. wala.

handa na kaming magpa-blotter na may ganitong ulat: nawawala po ang nanay naming walang kadipe-diperensiya sa isip, walang kapansanan, makulit lang. pero bago namin ginawa iyan ay dumaan kami sa tong-itan. ayun ang nanay ko, anlutong-lutong magbalasa. siya pala ang bumabangka.

sinubukan ko na ring awayin ang nanay ko. sinagot-sagot ko siya. sinumbatan. sinigawan ko na rin ang mga kapatid ko. baka sakaling sa gan'tong paraan, ma-realize ng nanay ko na buong pamilya ang apektado sa ginagawa niyang pagsusugal.

dahil likas na malambot ang mga heart of queens maski ang nanay kong queen of hearts (sa paningin ng mga ka-tong-its niya), tinamaan naman agad siya ng aking bagong estratehiya. ipinagluto niya kami ng arroz caldo. ipinaglaba niya kami kahit walang maruming damit nang araw na iyon. ipinamalengke kami at ipinamili pa ng bagong kurtina. umaliwalas ang aming tahanan.

ngunit sa kasawiampalad, pagkatapos lamang ng ilang araw, balik siya sa dating gawi. at ang malupit pa rito, mas hirap na kaming pauwiin siya o maski lang ang patayuin sa puwesto kapag naumpisahan na niya ang magpinta ng baraha. hmp.

sinubukan na rin naming magkakapatid ang silent treatment. pag kumakain, walang nagsasalita, walang nagkukuwento. pag nanonood ng TV at bigla siyang dumating, biglang may isa sa amin ang hahagilap ng remote at papatayin ang telebisyon kahit pa nakaawang na ang luha ni Rosalinda habang kausap si Fernando Jose. parang wala lang siya kapag nariyan siya. at kapag dumarating siya mula sa kung saan, tumatahimik ang buong kabahayan.

pero lahat ng iyan, wa epek. halos araw-araw pa rin siyang nakikipagsiyetehan sa kanyang mga ka-tong-its.

lagi niyang katwiran sa amin, ito na nga lang ang libangan ko, e.

nakaraos naman ako sa kolehiyo. gayundin ang dalawa ko pang kapatid. ang bunso namin ay nagte-thesis ngayon.

kaya nang kumikita na ako at patuloy pa ring nag-aabot sa kanya, hindi ko na siya pinakikialaman. magtatalo lang kami alam ko e hindi ko rin naman talaga siya mababago. tulad ko, unti-unting tinanggap ito ng buong pamilya at idinadaan na lang namin lahat sa biro. halimbawa ay noong nagpapabili siya ng salamin sa mata for the first time, umarte kaming magkakapatid na kunwa'y nagkukumahog sa pagbili ng salamin dahil baka hindi niya "mapinta" nang husto ang nuwebe sa sais at ang otso sa tres. tiyak na ikatalo niya ito nang milyon-milyon.

ganon lang. pero di namin sukat akalain na karma ang huli naming alas.

nang nakaraang birthday niya, nagrekwes siya ng handaan. Ang isang kapatid kong nakatira na sa Mindoro ay umuwi sa bahay ng nanay ko. Ang isang nagbo-board sa Maynila ay humimpil din sa amin. At ako na nagpupugad sa Kamias, Quezon City ay agad na naghanap ng maireregalo at maiuuwi para sa kanya.

ang nanay ko, namalengke nang todo. siya na rin ang nagluto. tatlo kaming assistant niyang tagahiwa ng hotdog, tagatuhog ng ibabarbekyu, tagatimpla ng orang juice at tagaayos ng mga kawad ng hiniram na videoke. pagdapit ng hapon, nagdatingan ang mga batang kalaro ng mga pamangkin ko. nagdatingan din ang mga kamag-anak namin.

istima nang istima ang nanay ko sa mga bisita. pero kahit busy siya, may something sa kanya. Parang hindi siya masaya. at alam naming magkakapatid iyon. ang ginawa namin, nagpa-games kami. stop dance. newspaper dance. pasahan ng bola. pahabaan ng hininga. mother goes to hell este market pala.

humahalakhak ang nanay ko sa mga nakakatawang eksena. pero may something pa rin. hindi ganap ang kanyang saya.

isa sa mga kapatid ko ang biglang nagtanong:

ma, 'asan nga pala ang mga kaibigan mo? mauubos na ang handa niyan kapag di pa sila dumating.

Nakatinghas tulad ng bigote ng king of spade ang nguso ng nanay ko habang sumasagot.

nasa tong-itan, saan pa? e, ayaw magsipagtayo, ansarap daw ng laban.

nagngitian kaming magkakapatid.

karma nga naman.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...