Ulat ukol sa aklat na F_l_p_no ng mga F_l_p_no
Ang F_l_p_no ng mga F_l_p_no ay isinulat ni Virgilio S. Almario. Si Almario ay Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (2003). Isa rin siyang Pambansang Alagad ng Wika, teknikal na manunulat, tagasalin at editor, malikhaing manunulat ng tula, kuwentong pambata at sanaysay, kritiko at manunulat ng kasaysayang pampanitikan, guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, KAL, UP Diliman. Kilala rin siyang organisador at manggagawang pangkultura. Ilan sa kanyang pinamunuang maitatag ang Filipinas Institute of Translation, Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at ang Wika ng Kultura at Agham o Wika, Inc.
Ang aklat na F_l_p_no ng mga F_l_p_no ay binubuo ng 94 sanaysay ukol sa wika. Ito ay ang koleksiyon ng mga kolum ni Almario sa mga publikasyong Mr.& Ms., The Independent, Philippine Daily Epress, The Observer at Diyaryo Filipino . Ang aklat ay unang inilathala ng Anvil Publishing House noong 1993. Muli itong inilathala ngayong 2009 bilang bagong edisyon.
Ang aklat ay naglalaman ng mga orihinal at halaw na mga pagsusuri. Ang mga pagsusuring ito ay resulta ng:
a. busisiang pangwika sa Diyaryo Filipino kung saan naging editor si Almario
b. pakikipagtalakayan sa kapwa guro at manunulat
c. at pakikinig sa dila ng taumbayan
Tampok din sa aklat ang mga mungkahi ng mga mambabasa ng mga kolum ni Almario at ilang pananaliksik sa mga lumang dokumento ukol sa wika tulad ng Vocabulario de la Lengua Tagala at Balarila ng Wikang Pilipino ni Lope K. Santos.
Nahahati ang aklat sa apat na bahagi: Ang Hirap sa Ating mga Edukado, Sa Daigdig ng Hiraman, Bulaklak ng Katutubong Dila at Sa Likod ng Pakitang Tao.
Ang pangwakas ng aklatay isang ulat na pinamagatang: Ulat Hinggil sa mga Forum sa Ispeling (isang serye ng forum ukol sa pagsusuri ng patnubay sa ispeling 2005-2006 ng Lupon sa Wika at Salin ng NCCA). Isinama ni Almario sa aklat na ito ang mga sanaysay at pahayag na pumasa at bumagsak sa forum.
Binuo ang aklat na ito upang magbigay ng mga panukalang tuntunin para sa pormal na pagsasalita at pagsulat sa Filipino. Ayon pa kay Almario, kilos-pagong ang Komisyon sa Wikang Filipino sa pagpapalabas ng isang aklat hinggil sa paksang kanyang tinatalakay. Hangad din ng may-akda na magkaroon ng batayang patnubay ang mga Filipino tungo sa estandardisasyon ng pambansang wika. At dahil tanging ang Diyaryo Filipino lamang ang may sariling stylebook, minabuti na ng may-akda na maibahagi sa publiko ang laman ng stylebook. Hangad din ni Almario na makapagbahagi ng kanyang pangkalahatang pagtanaw sa mga pangwikang usapin.
Narito ang ilan sa nilalaman ng aklat:
Ang sumusunod ay mula sa unang bahagi: Ang Hirap sa Ating mga Edukado:
A. Patayin ang mga siyokoy.
Marami raw sa edukadong Pinoy ang di nag-aaral nang husto sa Filipino at kasaysayan ng mga salita. Kaya hindi nila alam na ang ginagamit nilang salita ay siyokoy na pala, ibig sabihin, iyong alanganing hiram sa Espanyol, alanganing hiram sa Ingles.
Ilan sa mga halimbawang ibinigay ay:
ASPEKTO at hindi aspeto
OBHEKTIBO at hindi obhetibo
PAYSANO at hindi pesante
KONTEMPORANYO at hindi kontemporaryo
IMAHEN at hindi imahe
B. Hindi pagtuturong gamit ang Filipino (o kahit Ingles) ang dahilan kung bakit mahina sa Ingles ang estudyanteng Pinoy.
Laging isinisisi sa wikang Filipino ang pagbaba ng kasanayang pangkomunikasyon ng mga estudyanteng Filipino sa wikang Ingles. Ngunit ayon kay Almario, may mas malaking problema sa likod ng pangyayaring ito. Ang problema sa edukasyon ay hindi pandila kundi pambulsa!
Isang balita noong Setyembre 2009 mula sa Philippine Daily Inquirer (sa pamamagitan ng Inquirer.net) ang makakapagpatunay. Ayon sa balita, ang panukalang badyet ng Department of Education ay nagsasabing maglalaan ang pamahalaan ng P6.00 kada araw para sa bawat estudyante sa pampublikong paaralan sa 2010.
Sa pondong ito, inaasahan ng pamahalaan na huhusay sa Ingles ang mga estudyante. Samantalang maging sa wikang Filipino, na inang wika ng karamihan sa Filipino, ito yata ay hindi uubra.
C. Filipinas ang dapat na itawag sa Pilipinas.
Ang katwiran ni Almario ay 300 taon din na Filipinas ang tawag sa Pilipinas. Ang ngalang ito rin ay ginamit ni Marcelo H. Del Pilar na pantukoy sa kanyang bansa sa tuwing magsusulat ukol dito. Ani pa ni Almario, dapat lamang na Filipinas ang tawag sa lugar dahil Filipino tawag sa wika at ngalan ng tao.
Kapag tinanggap ang panukalang ito ni Almario, ano na ang itatawag sa UP?
D. Ang Filipino ay pagdaragdag.
May mga salitang mas angkop na gamitin sa tamang pagkakataon at hindi dapat nakukulong sa mga salitang pinakamadaling gamitin o intindihin.
Ang sakit ng mga edukador, manunulat at tagapaglathala, ang mga pahayag at wika ay laging pinagagaan at pinadadali kahit na iyong wika at pahayag na nasa mga batayang aklat. Walang masama rito kaya lamang, ang tanong ni Almario ay paanong lalawak ang bokabularyo ng Filipino kung lagi na lang pangkomiks ang nakakasalamuha niyang wika?
Halimbawa ay guro ba o titser ang dapat gamitin? Ang sagot ay depende kung saan gagamitin ang salita. Hindi raw dapat ibaon sa limot ang salitang guro dahil may silbi ito na hindi nagagawa ng salitang titser.
Kaya naman, ang Filipino ay hindi pagbabaon sa limot ng mga salita bagkus ay pagtanggap at pagdaragdag ng mga salitang hatid ng modernisasyon at iba pang kultura.
E. Sa bigkas, sulat at basa ay pinakamakapangyarihan ang sulat.
Ang nakasulat na salita ay mas pormal, mas komplikado ang sistema at mas matatag ang estruktura. Sa madaling sabi, hindi ito basta-basta nababago. Hindi tulad ng bigkas at basa.
Ibig sabihin, maging mas maingat sa pagsusulat. Kailangan talagang magkaroon ng estandardisadong paraan ng pagsusulat sa Filipino na susundin ng lahat.
F. Sabi ng balarila, kung anong bigkas, siyang baybay. Kung anong basa, siyang sulat. Ang problema ay may nangyayari sa pagitan ng bigkas at sulat, gayundin sa pagitan ng sulat at basa.
Ang ibinigay na halimbawa ay pagbigkas ng salitang babae. May iba na ang basa dito ay babai. At ang iba naman ay kapag ipinasulat sa kanila ang narinig na bigkas, babayi ang isusulat kahit na binigkas naman itong babae.
Ang problema, kaninong dila ngayon ang susundin?
Ang sagot ay kailangan ng tuntunin para sa kasalukuyan. Hindi na laging umuubra ang kung anong bigkas, siyang baybay na bagama’t napakahalaga ay masyadong problematiko kung susundin sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ng bagong sistema ng pagsulat ayon sa bagong bigkas.
G. Ang Filipino ay ispesipiko.
Alin ang mas angkop na salin ng lust sa Filipino: libog o pagnanasa?
Mas ispesipiko sa seksuwal na usapin ang libog kaysa pagnanasa. Isa itong halimbawa upang sabihin na sa wikang Filipino, may mga antas pa rin ang salita. Pinakamagandang manaliksik nang husto upang makahanap ng wastong katumbas ng mga termino mula sa ibang wika.
Narinig ko na ang ganitong mungkahi sa isang palihan ng LIRA. Napakayaman ng bokabularyong Filipino pagdating sa pandama. Halimbawa ay ang salitang touch. Kailangang alamin ang ispesipikong ipinakakahulugan nito dahil sa dami ng salitang maaaring gamitin para rito: hawak, pisil, haplos, himas, dampi at marami pang iba.
H. Ang Filipino ay maingat.
Ang kawalan ng ingat sa paggamit ng isang salita o maging sa pagbabaybay ay maaaring magbigay ng maling kahulugan at magdulot ng maling pag-unawa sa bahagi ng mambabasa.
MAAARI at hindi maari
PAGPUPUGAY at hindi pagpugay
Ang simpleng pagkukulang sa titik o pantig ay maaari ding magdulot ng pagkalito at pagkakamali. Higit na maingat ang Pinoy kapag ibang wika ang gamit niya sa pakikipagtalastasan. Ngunit pagdating sa sariling wika, bara-bara lang siya. Panahon na upang baguhin ang ganitong pag-iisip. Kung sa sariling wika ay hindi ka maingat, paano pa kaya ang sa iba? Kung sa sariling wika ay mamali-mali ka, hindi ba’t iyon ang mas katawa-tawa?
Ito naman ay mula sa ikalawang bahagi: Sa Daigdig ng Hiraman
A. Ang kakayahan ng Filipinong tumanggap ng mga bagong salita ay patunay sa kapasidad nitong umunlad.
B. Mapanuri ang nanghihiram.
Hindi basta-basta nanghihiram ang isang wika. Mayroon ding tinatawag na malikhaing panghihiram kung saan ay may nalilikhang mga bagong salita mula sa ibang wika.
Halimbawa nito ay ang salitang kritisismo. Sa Espanyol, ito ay critica. Sa Ingles, criticism. Ngunit ang salitang kritika ay anumang uri ng panunuri. Nang gamitin ito ng mga manunulat na Pilipino para sa panunuri o pangwikang larang, pinuna agad ito ni Alejandro G. Abadilla at ng mga kaliga niya. Lumikha pa sila ng katawagang “kritikastro” sa mga gumagawa ng kritika. Hinugot nila ito sa pangalan ni Fidel Castro ng Cuba. Di naglaon ay naimbento ang kritisismo para sa panunuring pampanitikan.
C. Kung mula sa Espanyol ang salita, gamitin ang “e.” Kung sa Ingles, i.
Kadalasan ay nalilito ang Filipino kung alin ang tama: espesyal o ispesyal? Iskuwela o eskuwela? Ang sagot ay kung mula sa Espanyol ang salita, gamitin ang “e.” Kung sa Ingles, i.
Halimbawa:
ESPADA hindi ispada
ESTASYON hindi istasyon
Sa pangkalahatan, mas pormal ang nag-uumpisa sa “e”.
D. Ang hiniram na salita, minsa’y nagbabago ang kahulugan.
Ang salitang lechon ay mula sa Espanyol. Ang kahulugan nito ay biik. Ngunit ito ay nagkaroon ng bagong kahulugan nang hiramin ng wikang Filipino. Ito ay naging baboy na tinuhog sa kawayan at inihaw.
Kaya redundant na maituturing ang terminong lechon de leche. Dahil ang leche na hiniram din sa Espanyol ay nangangahulugang pasusuhing baboy o sa mas madaling salita, biik.
Ang salitang lechon sa Pilipinas, kalaunan, ay naging ihaw. Kaya nagkaroon ng lechong baka o manok.
Gayundin naman ang nangyari sa salitang salvage. Sa lipunang Pilipino, ang salitang ito ay nangangahulugang pagpatay sa napakarahas na paraan. Taliwas ito sa orihinal na kahulugan ng salita na pagsasagip o pagsasalba.
E. May tatlong estilo ng pagbaybay sa mga salitang hiram na may kambal patinig: I+(A,E,O) at U + (A,E,I) tulad ng piano kolehiyo, kuwento at iba pa.
1. Baybayin ito nang naaayon sa orihinal.
Halimbawa:
piano probinsia kolehiyo kuento
biskuit ekonomia
Ang problema sa ganitong estilo ay walang dulas sa pagbigkas.
2. Baybayin sa pamamagitan ng pagkaltas sa una sa kambal-patinig at gawin itong titik Y o W.
Halimbawa:
pyano probinsya kolehyo kwento
biskwit ekonomya
Ang problema sa ganitong estilo ay panlingguwistika at pedagohiko lalo na sa mga salitang tulad ng kolehiyo na nagiging kolehyo dahil mahinang katinig ang titik h. Kailangan ng dagdag na pagsisikap para mapatunog ito kapag walang kasamang patinig.
Pansinin: huwag, hwag, wag
kolehiyo, kolehyo, koleyo
3. Baybayin sa pamamagitan ng pagbigkas sa pagitan ng kambal-patinig at isingit ang titik Y o W.
Halimbawa:
piyano probinsiya kolehiyo kuwento
biskuwit ekonomiya
Ang estilong ito ang siyang dapat palaganapin ayon kay Almario. Ito rin ang ginagamit ng mga manunulat.
Ngunit aminado ang may akda na tunay na maselan ang kasong kambal-patinig. Hindi maaaring isa lamang at pangkalahatang tuntunin ang gagamitin dito tulad ng tuntunin ng ikalawang estilo. Maaari itong magdulot ng maraming problema. Kailangan pa anya ng mas komprehensibong paliwanag at mga tuntunin.
F. Biswal ang problema, hindi wika.
Nasanay nang bumasa sa Ingles ang mga Pilipino kaya kapag binaybay sa Filipino ang ilang mga salita ay nagugulat tayo nang husto. At asiwang asiwa sa resulta. Masakit sa mata, oo, ngunit ganon talaga sa umpisa.
Tunghayan ang halimbawa:
mayor judge exclusive
meyor jads exclusiv
Kapag sinasambit ang mga salita sa unang hanay, walang karekla-reklamo ang ating pandinig. Ngunit kapag ito ay isinulat na, mas tanggap ng ating mga mata ang orihinal na mga bersiyon nito, ibig sabihin ay iyong mga salitang Ingles kaysa sa isinulat ayon sa bigkas o dinig.
G. Sa pagbaybay ng mga salitang hiram, narito ang ilang tuntunin at paliwanag:
1. Kung may SK at ST, isama na ang SK at ST.
DESK at hindi des
KONTEST at hindi kontes
Gayundin ang mga salitang may X o XT. Hindi nakapasa ang panukala ukol sa XT sa forum dahil hindi pinahintulutan ang X bilang pamalit sa KS.
Kaya:
textbuk at teksbuk
text (orihinal na baybay sa Ingles), teksto (Espanyol)
2. Ipirme ang O at U sa mga salitang hiram sa Espanyol.
OPISINA at hindi upisina
TRADISYONAL at hindi tradisyunal
Ngunit may espesyal na kaso:
Ito ang ilan sa mga salitang matagal nang U kahit O sa orihinal:
Filipino Espanyol
Sundalo soldado
Sibuyas cebollas
3. Maaaring maging U ang O kaugnay ng pagbabago ng N sa M kapag sumusunod sa B(V) o P(F).
Filipino Espanyol
kumbento convento
kumpisal confesar
kumbensiyon convencion
4. Mananatili ang O kung M ang orihinal.
Filipino Espanyol
kompanya compania
kompleto completo
sombrero sombrero
5. O imbes na U kung N ang talagang katabi sa orihinal na salita.
Filipino Espanyol
monumento monumento
kontrobersiya controversia
kontrata contrata
konsumo consumo
6. Igalang ang baybay ng salitang ugat kapag nag-uulit nito.
babaing-babae o babaeng-babae
barong-barong
6.a. Ngunit palitan ng I o U kapag nilagyan ito ng panlapi.
busugin (busog+in)
7. Iginagalang ang OO, EE at UO kahit lapian ang salitang ugat na may ganitong kombinasyon ng titik.
kalooban panleeg saloobin kasuotan
tuosin pagtuonan
8. Maaaring ipanatili ang G o GG at NG basta maging konsistent sa pagbaybay nito.
G at GG
binggo o bingo
lengguwahe o lengwahe
NG
kongreso
Ingles
9. Para sa pagpapahayag ng marami, hindi likas sa ating wika ang S at ES kaya ginagamit ito nang walang pakundangan. Ang salitang mga ang ginagamit natin para ipahayag ang marami.
Kaya naman MGA BOOK O BOOKS at hindi MGA BOOKS.
10.Ngunit may mga salitang hiram na hindi na maibalik sa isahan.
TSINELAS at hindi tsinela
Gayundin sa mga sumusunod:
oras patatas sapatos perlas
ora patata sapato perla
10.a. May mga salitang mahirap sa anyong singgular.
datos
peras
puntos
sopas
Kapag tinanggal ang S sa datos, maaaring mag-iba na ang kahulugan nito. Gayundin sa mga salitang peras, puntos at sopas.
10.b. Ang paggamit ng S at ES ay maaari ring ituring na eksaherasyon.
gastos kapalmuks
Sa salitang gastos, maaaring naimbento ito upang ilarawan ang sobra-sobrang paglalabas ng pera kaya kinailangan pang dagdagan ng S.
F. Masaklap ang epekto ng Inglesismo.
Ayon kay Almario, talamak ang panghihiram ng mga Filipino hindi lamang ng salita kundi ng mga parirala, idyoma at pahayag. Madalas tuloy ay tuwirang pagsasalin ang nagaganap. Ang resulta ay malabong pahayag at hindi eksakto sa nais ipakahulugan.
Narito ang ilang halimbawa:
1. “Pagitan ng” bilang katumbas ng between
MALI:
Sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Serbia at Bosnia.
TAMA:
Sumiklab ang digmaan ng Serbia at Bosnia.
2.”Bawat” bilang katumbas ng per at every
MALI:
Tataas ang presyo ng produktong petrolyo P0.50 bawat litro.
TAMA:
Tataas ang presyo ng produktong petrolyo P0.50 kada litro.
3. “Na kung saan” bilang katumbas ng where
MALI:
Pumunta sila sa kapilya na kung saan nakaburol ang bangkay.
TAMA:
Pumunta sila kung saan nakaburol ang bangkay.
4. “Katamtaman” bilang katumbas ng fair
Ang katamtaman ay gitna ng magkasalungat halimbawa: katamtaman ang hindi masikip, hindi maluwag. Katamtaman ang hindi maputi, hindi maitim. Ngunit hindi ito nararapat gamitin upang ilarawan ang ilang bagay.
MALI:
Katamtaman ang panahon.
Sa kasong ito, suriin: ano ang katamtaman? Ang init ba o ang lamig? Ang sinag ba ng araw o ang ambon?
Dahil masyadong malawak ang salitang katamtaman para ipanlarawan sa panahon, gumamit na lamang ng ibang salitang may kinalaman sa panahon mismo. Higit itong ispesipiko at malinaw na makapagdudulot ng impormasyon.
TAMA:
Maaliwalas, maalinsangan, mahalumigmig, maginaw
5. Kung hindi sigurado sa gagamiting salita, sumangguni sa mapagkakatiwalaang diksiyonaryo.
Umaayon ako kay Almario. Hindi talaga dapat basta-basta na lamang nagbibitiw ng salita lalo at ikaw ay nagsusulat. At dapat din lahat ng tahanan ay mayroong mapagkakatiwalaang diksiyonaryo. Sa wikang Filipino at hindi lamang sa Ingles.
Ito naman ang ilan sa nilalaman ng ikatlong bahagi: Bulaklak ng Katutubong Dila
A. Trabahong tamad ang hiram nang hiram. Kaya dapat balikan ang lumang haraya.
Balikan ang mga salita noong unang panahon o ang mga salita sa iba pang wika sa Pilipinas. Mayroon naman tayong pantapat sa maraming konsepto at ideya ng ibang kultura. Ang kailangan lamang ay manaliksik. Lagi ko itong sinasabi sa aking mga mag-aaral. Galugarin muna at kabisahin ang sariling tahanan bago tumingin, dumungaw sa bintana at manghiram sa kapitbahay. Ang paggamit ng mga salita mula sa nakalipas at sa iba pang wika sa Pilipinas ay isang paraan upang lalong yumaman ang wikang Filipino, upang patuloy itong mag-evolve at mabuhay sa panahon ng globalisasyon.
Ilang halimbawa:
tubal –wikang Batangas para sa maruming damit o labahin (na galling sa wikang Espanyol)
taguling- wikang Bataan para sa kanal (na galing sa wikang Espanyol)
gahum-wikang Cebu para sa hegemony
B. Maraming salita ang may impluwensiya ng Mexico.
Ayon sa website ng embahada ng Mexico sa bansa, malaki ang pagkakatulad ng kulturang Mexico sa Pilipinas dahil sa mga pangkasaysayang kawing sa isa’t isa na nag-umpisa mahigit apat na raang taon na ang nagdaan. Ang dalawang bansa ay parehong sinakop ng Espanyol, ang Mexico/Aztec Empire noong 1521 samantalang 1521 din nang unang tumuntong si Ferdinand Magellan sa Pilipinas.
Noong 1565, tuluyan nang idineklara ng gobernador-heneral na si Miguel Lopez de Legazpi na kolonya ng Espanya ang Pilipinas. Taong 1571 naman nang ideklara niyang kapital ng Pilipinas ang Maynila. Dahil sa layo ng kolonya sa Espanya, itinalaga ng pamahalaang Espanyol ang pangangasiwa at pamamahala ng Maynila sa Virreinato de la Nueva España, na siyang ngalan ng Mexico noong panahon ng pananakop. Dahil dito, marami sa mga gobernador ng Pilipinas ang katutubo ng Mexico at ang karamihan sa kasapi ng hukbong sandatahan nito ay ni-recruit pa mula sa Nueva España.
Ito ay nagbunga ng paghahalo ng mga taga-Mexico at Pilipinas, hindi lamang sa lahi kundi sa kultura.
Isang salitang mula pala sa Mexico ay ang kubeta na ang orihinal na ibig sabihin ay timba. Dati ay ito pala ang ginagamit sa pagdumi. Ibinigay ding halimbawa ni Almario ang abokado na nagmula sa Mexico bilang ajuacatl. Sa wikang Mexico, ang kahulugan nito ay bayag na siyang hugis nga naman ng abokado.
C. Pahalagahan maging ang wikang lalawiganin.
Ayon kay Almario, marami sa mga talinghagang bukambibig ang hindi na alam ngayon o hindi na nauunawaan ng tanga-lungsod. Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ng batang sa lungsod lumaki at isang araw ay nagbakasyon sa kanilang lalawigan. Nang nag-uusap na ang kanyang mga kamag-anak, takang taka siya sa ilang narinig. Halimbawa ay ang pagbubukas ng dibdib. Literal ang unawa niya rito kaya nagulilat siya. Na ang ibig lang naman palang sabihin ay magsabi ng damdamin o naiisip.
Bilang guro ay napatunayan ko na rin ito. Minsan ay nasambit ko ang salitang balimbing sa klase. Alam ng mga estudyante ang konotasyon ng salita ngunit hindi pa nila alam o nararanasan ang denotasyon nito. Isa o dalawa lamang sa bawat klase ang nakakita o nakatikim na ng prutas na balimbing. Mahalaga para sa akin na makita at malasahan ng mga taga-lungsod ngayon ang balimbing upang mas maunawaan nila kung bakit tinatawag na balimbing ang taong maraming kinakampihan. Ang sabi ng iba, ito raw ay dahil sa hugis. Maraming side ang balimbing. Ngunit sabi naman ng iba, ito raw ay dahil sa lasa. Alanganing matamis na mapakla na maasim ang balimbing. Di matutukoy kung ano talaga ang lasa nito.
Ayon pa kay Almario, marami sa mga salitang gamit natin ngayon ay mula sa kalinangang agrikultural na matatagpuan sa lalawigan. Ibig lamang sabihin, dito rin isinilang ang karamihan sa ating ginagamit ngayon at mahalagang malaman ang pinagmulang konteksto nito.
Halimbawa:
kalinangan (linang) o kultura (culture), pitak (section)
D. Maging bukas sa pagbabalik ng mga dati nang salita at maaaring lapatan ang mga ito ng bagong kahulugan.
dagitab (kislap-liwanag)
gusali (malaking bahay)
E. Pahalagahan ang titik i.
Huwag tanggalin ang i sa mga pandiwa dahil maaaring magbago ang kahulugan ng pandiwa dahil sa isang titik na ito.
Ang pangungusap na “Isinulat ko ito.” ay nagbibigay-diin sa sitwasyon ng pagkakasulat. Samantalang ang pangungusap na “Sinulat ko ito.” ay nagbibigay-diin naman sa kung sino ang nagsulat.
Ang pangungusap na ”Binili ko siya.” ay nagpapahayag na ang siya ang binili ng personang si ko. Samantalang sa pangungusap na “Ibinili ko siya.” ay may binili ang personang si ko para sa personang si siya.
F. Hindi dapat ipinagpapalit ang nang/ng.
Maging ako ay inis na inis sa mga manunulat sa tabloid dahil sa walang ingat nilang paggamit sa dalawang salitang ito. At para sa kaalaman ng lahat, narito ang tuntunin.
Ang mga gamit ng NANG:
1. Bilang kapalit ng salitang noong,
Panahon ng Hapon nang matigil ang paglilinang sa wikang pambansa.
2. Bilang kapalit ng mga salitang upang at para,
Bigyang-panahong manaliksik ang mga guro nang lalo silang maging bihasa sa larangang ito.
3. Pinagsamang na at ng o ang
Grabe nang pangungurakot ni GMA.
4. Nagsasabi ng paraan o sukat
Hanggang ngayon ay kumikilos nang palihim ang mga galamay ni First Gentleman upang hindi siya makasuhan.
5. Pang-angkop ng inuulit na salita
Mayaman naman ang Pilipinas. Tingnan ninyo, nakakakurakot nang nakakakurakot ang mga opisyal ng gobyerno.
At para sa ng, madali lang: kapag hindi pasok sa limang tuntunin na nabanggit, NG ang dapat gamitin.
G. Gamitin nang tama ang gitling.
Gumamit ng gitling kung:
1. may inuulit na salitang ugat.
magandang-maganda
kalat-kalat
2. ang salitang ugat ay higit sa dalawang pantig at kailangang ulitin ito.
sagi-sagisag komi-komisyon
3. gumagamit ng salitang onomatopeiko
brat-tat-tat blag-gag-blog-gog
Ilan lamang iyan sa mga binigyang-diin ni Almario sa aklat pagdating sa gramatika, bantas, baybay at iba pa.
Narito naman ang laman ng ikaapat na bahagi: Sa Likod ng Pakitang Tao.
Ito ang pinakapaborito kong bahagi ng aklat. Dito ay muling pinatutunayan ni Almario na tulay ang wika upang matuklasan ang kultura at paraan ng pag-iisip ng isang lipunan.
A. Ang salitang arte ay hindi na sining ang kahulugan sa lipunang Filipino.
Kaya may salitang maarte. Ito raw ang tingin ng katutubo sa 2nd class na sining ng mga mananakop. Iba ang sining para sa katutubo. May pamantayan sila kaya naman hindi sining ang tawag nila sa sining ng mananakop.
Hindi alagad ng sining ang artista. Kaya ito ang ipinantatawag sa mga taong nasa showbiz. Higit pang pinipili ng mga alagad ng sining ang salitang artist kung nais nilang tukuyin ang kanilang sarili nang may paggalang.
Kaya tinatawag na pambansang alagad ng sining at hindi artistang bayan ang kontrobersiyal bagama’t prestihiyoso pa ring gawad mula sa pamahalaan.
B. Dapat ay mabura na ang pagiging isip-komite.
Nakakatuwang maging ito ay napansin ni Almario. Tunay nga naman na napaka-isip-komite ng mga Pilipino. Hinahati-hati ang lahat sa mas maliliit na grupo ngunit wala rin namang natatapos ang bawat grupo.
Sa pamahalaan daw ay may nakatalagang komite para sa lahat ng usapin:
Komite na maninigurong maayos ang relasyon ng mga komite
Komite na titingin sa trabaho ng komite
Komite na titingin sa trabaho ng komite na titingin sa trabaho ng komite
Mahusay at may komite para sa lahat ngunit ito rin ang dahilan kung bakit wala o kakaunti ang naa-accomplish.
C. Ang mga palikurang-bayan ay salamin ng uri ng paglilingkod sa bayan na ginagawa ng gobyerno.
Wala raw sa wikang Filipino ang hygiene at sanitation. Kalinisan lang ang mayroon pero hindi ito sapat bilang katumbas ng nabanggit na mga salita. Ngunit may naging development naman daw. Mula sa palikuran, naging CR. Ibig sabihin, naging moderno maging ang salita ngunit sa kasawiampalad, ganon pa rin ang hitsura at estado. Walang flush, madumi, sira ang gripo at maantot.
Gayon din ang serbisyo-publiko ngayon. May mga impraestruktura at materyales pero wala itong kalidad o di kaya hindi minimintina ng pamahalaan.
Ayon kay Prop. Vim Nadera, ang mga Pilipino ay hindi naman talaga dugyot. May konsepto tayo ng personal hygiene. Patunay nga nito ay ang salitang himasa na paglilinis ng sariling ari. Ngunit pagdating daw sa pampublikong kalinisan, medyo sablay ang lipunang Filipino.
Marahil ay mas sanay tayo sa pangangasiwa sa maliliit na grupo. Ang sarili ay kayang linisin. Ang sariling bahay ay kayang panatilihing malinis. Ngunit pagdating sa mas malawakang sakop halimbawa nga ay pampublikong lugar, tayo ay nabibigo.
D. May sariling wika ang korupsiyon at ito, katulad ng iba pang wika, ay nag-e-evolve din.
Relevance
Lagay
Aginaldo
Suhol
Padulas
Tong
Envelopmental journalism mula sa developmental journalism
Pambihis (korupsiyon ng behest loan)
Ang mga salitang ito ay ilan lamang sa ginagamit ng diyarista at manunulat ng tabloid upang tukuyin ang perang hinihingi nila o di kaya ay ibinibigay sa kanila ng mga taong malaki ang tsansang hihingi rin naman ng kapalit.
E. May mga butil ng kulturang itinanim ang mga Amerikano. At ang kulturang ito ay parang damo, mabilis na lumaganap. Ngayon ay kay hirap-hirap nang bunutin o tagpasin.
Halimbawa:
Kabaret na may baylarina (mananayaw)
Hostes, belyas, dancer, receptionist, attendant, GRO, masahista
Bar, sauna bath, karaoke bar, night club
F. Ang salitang Pasko ay mula sa Pascua.
Ito ay panahon ng pagdiriwang ng lahing Israel matapos na makaligtas ang mga sanggol nang parusahan ang buong Egypt. Nagpinta daw kasi sila ng dugo ng tupa sa kanilang mga pinto kaya hindi sila pinasok ng Angel of Death. Ito ay ang Passover. At sa wikang Hebrew, ito ay Pesach. At ito rin ang pinagmulan ng Pascua o Pascual (Espanyol) na ang ibig sabihin ay Christmas o Easter.
G. Bakit nga ba mahal ang gamit na salita sa Mahal na Araw? Bakit hindi banal?
Isa ito sa mga napansin ni Almario: pagkalaho sa bokubolaryo ng kabataan ng salitang Kuwaresma o Lent sa Ingles. Iba na raw kasi ang paraan ng pagdiriwang nito ngayon. Ang Kuwaresma ay nagbabadya ng bakasyon at “escape” mula sa realidad. Mas kilala ang panahong ito bilang Holy Week.
Holy Week=Semana Santa=Mahal na araw
Ngunit bakita nga ba tinawag na Mahal na Araw ang mahal na araw?
Ang ibig sabihin kasi noon ng mahal ay tangi o espesyal. Kaya tinatawag na Mahal na Pasion imbes na Banal na Pasion ang akda ni Gaspar Aquino de Belen.
Araw ang salitang ginamit dahil walang katutubong paraan ng paggrupo ng pitong maghapon at magdamag. Naisalin at nakasanayan na ang araw bago tumimo sa isip ng katutubo ang linggo mula naman sa domingo ng Espanyol.
H. Ang hibas o euphemism ay tatak ng pagiging sibilisado.
Kung mayaman ka at maliit, ang tawag sa iyo: petite. Kung mahirap kang tao, pandak, bansot at iba pa. Kung mayaman ka at mataba, ang tawag sa iyo: chubby. Kung mahirap ka, tabatsoy.
Heto pa ang iba:
concerned=pakialamero
woman of the world= puta
Ang hibas ay isang operasyong pangwika. May kategorya sa ating bokabularyo na umaangkop sa gumagamit at pinaggagamitang klase ng tao. May paraan ang ating mga ninuno para hindi lumitaw na bastos o mataray o makasakit ng damdamin.
Ipinapakita ng wikang pahibas kung marunong gumamit ng angkop na wika ang nagsasalita at kung ano ang tingin niya sa kausap o pinag-uusapan.
I. Mag-ingat sa pagbibigay ng pangalan ng kalye.
Maging ito ay napapansin ni Almario. Ito ang ilan sa kanyang mungkahi.
1. Kung ipapangalan sa mga don at donya tulad ng sumusunod:
Donya Agueda Asimilasyon St., Don Segundo Magbagumbuhay Subd., Donya Maria Asuncion de viuda de Alkoholiko Perez Ave.
Sana ay kakilala ng mga taong nakatira sa nasabing kalye ang may-ari ng pangalan ng mga kalye.
3. Magkaroon ng malinaw na batayan at batas sa pagpapangalan ng lugar sa isang bayani o dating pangulo o mahahalagang tao sa Pilipinas.
Mas bayani ba si Roxas kaysa kina Mabini at MH Del Pilar kaya bulebard ang kay Roxas?
Rizal ang ipapangalan sa isang eskinita?
Maiging pag-usapan na ito dahil ang kukulit ng mga politiko. Hindi lang pangalan nila ang ginagamit bilang ngalan ng mga kalsada kundi maging ang sa mga kamag-anak at nanay nila.
3.Maging makabayan sa pagpili ng pangalan ng kalye.
Imbes na Harvard Street o di kaya ay New York St. ang ipangalan sa kalye, mag-isip na lamang ng salita o ngalang may bahid ng kulturang Filipino. Para naman maging ang mga lugar ay may kinalaman sa atin at hindi na sa dayuhan (na naman.) Mungkahi rin ni Almario na gawing ayos-alpabetiko ang mga kalye halimbawa sa isang subdibisyon. Makakatulong ito sa mga bagong napapadpad sa isang subdibisyon. Mas madali nilang mahahanap ang kanilang pupuntahan dahil sa pagkakasunod-sunod ng pangalan ng kalye. Mungkahi rin niyang lagyan ng organisasyon ang pagpapangalan sa kalye. Halimbawa ay mga katangian ng babae sa kanan, katangian naman ng lalaki sa kaliwa.
J. SM at hindi CCP ang sentrong pangkultura ng Pilipinas.
Para kay Almario, ang mall ay isang lungsod ng komersiyo, narito nang lahat.
Anya, ang palengke bilang pasyalan ay isa ring bagong monumento ng kulturang kapitalista sa naghihikahos nating bansa. Pansilaw nito ang teknolohiya, etiketa at aircon, para tuksuhin kang bumili ng kahit aspile bago umalis. Hindi naman matapobre ang mga mall dahil may para rin naman sa mahihirap. Nariyan ang baratilyo, discount, bargain sale, premyo sa raffles at palaro, value meals, vendo machine at pekeng items sa mall.
Ang mga ito raw ang bumubuo ng sining ng komersiyo sa loob ng isang gusali: tugtugin, banderitas, poster, palamuti at ilaw-dagitab, pagbihis sa manikin, ayos ng displey, pagtutugma ng pasilyo’t hilera ng tindahan, pagtutudling ng halaman (kahit peke) sa mga sulok at pook-pahingahan, paggamit ng neon at bilbord.
Samakatuwid, ang pagtitinda ay nagiging kulay, ilaw, nota at aliwan.Ineengkanto ka ng mga ito na bumili. Bine-brainwash ka na ang pagbili ay isang dalisay na libangan.
Paraiso ang SM kung iisipin ang polusyon, trabaho, krimen, trapik at iba pa sa labas ng mall. Ngunit ano ang suliranin dito? Ilusyon at pangarap lang ang lahat. Dahil paglabas mo, babalik ka lang sa tunay na mundo.
K. Panlabas at materyal na progreso ang pagkakaroon ng teknolohiya sa Pilipinas ngunit wala itong epekto sa isip at pagsulong sa uri ng buhay ng tao. Isa pa, naging daan lamang ang teknolohiya para sa mga bagay o imbensiyong hindi natin kailangan.
Dapat ang koryente/teknolohiya ay hindi lang nakapagrereporma ng kalikasan kundi pati ng ating kamulatan at kalagayan.
Narito naman ang ilang tala ukol sa Ulat Hinggil sa mga Forum sa Ispeling:
Ang nilalaman nito ay resulta ng tatlong serye ng forum na ginanap noong Agosto 05, Marso 06 at Abril 06. Dinaluhan ito ng NCLT, NCCA, kinatawan ng mga samahang pangwika, kagawaran sa Filipino, sentro sa pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino, mga guro, manunulat, editor at masugid na alagad ng wika.
A. Baybayin sa wikang Filipino ang mga bagong hiram na salita maliban sa ganitong mga kaso:
Nestle, Head and Shoulders, Sean Elijah Siy, Ip Man (pangngalang pantangi)
Billings ovulation method, gigabyte, cognitive dissonance, firewall,titanium (teknikal na salita)
Feng shui, noh, kimchi, jammpong, mardi gras, moulin rouge (may natatanging kahulugang pangkultura)
Chewing gum, jaywalking, chef, fastener
(malayo ang anyo sa orihinal kaya mahirap makilala)
Joke, daddy, file, jai alai, mall, whisky, jogging, save (Kilala na sa orihinal at banyagang anyo.)
Sa pagbaybay ng mga salitang hiram na naglalaman ng alinman sa 11 tunog patinig sa Ingles, piliin ang pinakamalapit sa tunog at anyo ng palabaybayang Filipino. Drayb, layt, geyt, istandardiseysiyon
B. Narito ang tamang baybay para sa pandiwang may salitang hiram:
mag-delete, nag-hot oil, i-salvage
dumelit, hinatoyl, sinalveyds, inimeyl
Ang ulat na ito ay hindi na kompleto rito. Naghanda ng talasalitaan ng tamang baybay sa mga hiram na salita ang tagapag-ulat. Nakahiwalay itong ibinigay sa mga kamag-aral at guro ng MP 230.
Ito ay inihanda ni Bb. Babe Ang para sa klaseng MP 230, unang semestre, 2009-2010, DFPP, KAL, UP Diliman, QC.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment