Friday, June 25, 2021

Aurea S. Erfelo, kilala rin bilang Madam Auring Obituary

 Aurea S. Erfelo, kilala rin bilang Madam Auring 

11 Marso 1940 – 30 Oktubre 2020

Sikat na Manghuhula, Aktres sa Pelikula, Mabuting Ilaw ng Tahanan

 

 

Isinilang bilang Aurea Sabalboro, si Madam Auring ay anak nina Luciana Damian at ng barberong si Jaime Erfelo. Ang kanilang pamilya ay mahirap lamang. Ngunit, hindi iyon naging hadlang upang siya ay mangarap na sumikat at magkaroon ng mas maalwan na buhay balang araw.

 

Nag-umpisa siya sa showbiz industry sa pamamagitan ng kaliwa’t kanan na pagbisita sa mga set ng pelikula sa pag-asang mabibigyan siya ng kahit maliliit lamang na papel. Siya rin ay naging isang dancer at ginamit niya ang pangalan na Aurea Aura bilang screen name. Ang kaniyang pamosong piyesa bilang dancer ay pinamagatang ‘Fascination.’

 

Nang magkaroon ng sariling pamilya, nagdesisyon siyang magbukas ng beauty parlor, at mag-alok din ng serbisyong panghuhula upang makaagapay sa gastusin.

 

Sumikat siya sa buong bansa nang mahulaan niyang mananalo ang pambato ng Spain na si Amparo Muñoz sa Miss Universe noong 1974. Nahulaan din niya ang pagkapanalo ng pamosong boksingero na si Muhammad Ali sa "Thrilla in Manila" boxing event na ginanap sa Pilipinas noong 1975. Sinasabing si Muhammad Ali ang nagbinyag sa manghuhula bilang Madam Auring.

 

Mula noon ay umalwan na ang kaniyang buhay, sapagkat dinayo na siya at kinilala bilang Madam Auring. Maging ang malalaking tao sa politika at showbiz ay nagpapahula na rin sa kaniya.

 

Nagbalik-showbiz si Madam Auring hindi na bilang extra kundi bilang aktres. Kadalasan, ang ibinibigay sa kaniyang role ay bilang manghuhula rin. Ilan sa mga pelikulang pinagtampukan niya ay ang Family Tree ni Direk Mike Relon Makiling (1987), I Will Survive ni Direk Joel Lamangan (2004), Bikini Open, isang ‘mockumentary’ ni Direk  Jeffrey Jeturian (2005), at Manay po 2: Overload (2008), muli ni Direk Joel Lamangan.

 

Sa edad na 80 ay pumanaw noong Oktubre 30, 2020 ang unang manghuhula na naging icon sa pop culture ng Pilipinas.

 

Hindi maikakailang nananatiling sikat si Madam Auring dahil sa mga kontrobersiya, gaya ng sariling buhay-pag-ibig, at pakikipag-argumento sa mga kapuwa niya celebrity. Ngunit sa likod ng mga balitang ito, kakaunti lamang ang nakakaalam kung ano siya bilang isang ilaw ng tahanan. Ayon sa manunulat na si Mario Dumaual, “In the long time I covered her, I remember her as a protective mother to her family. Even in the twilight of her life, she continued to manage her boutique and still read cards on the side in her shop along Congressional Road, Quezon City. Several times, away from the noise of showbiz, she told us that her reason for working and living is family, which she successfully shielded from the prying eyes of the public. One of her most memorable anecdotes was how she never forgot to tuck her kids in bed and pray at their bedside for their well-being.”

 

Makukumpirma ito ng publiko sa pahayag ng apo ni Madam Auring na si Daryl Simon Pecson sa social media nang pumanaw ang paboritong manghuhula ng bayan,

 

"Grabe ang pinag daanan mo during your senior years pero you still worked hard for your family (us), I feel sad and happy: sad kasi i will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula. Happy ako, kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently… You shall always be in our hearts. Love you."


ni Beverly Wico Siy

Monday, June 7, 2021

Ester Chavez Obituary

 

Ester Chavez

1928- 2021

Reyna ng Dulang Pangradyo at Beteranang Aktres sa Telebisyon at Pelikulang Filipino

Naging tanyag bilang Aling Chayong ng dulang pangradyo na pinamagatang “Ilaw ng Tahanan,” si Ester Chavez ay nagsimula sa kanyang career sa showbiz nang siya ay 17 taong gulang pa lamang.

Ilang henerasyon ng mga tagapakinig ang inaliw ng kanyang tinig sa pamamagitan ng programa at mga dulang pangradyo ni Tiya Dely Magpayo. Isa na rito ay ang “Tangi Kong Pag-ibig.” Bukod sa voice talent, nanilbihan din siya sa radyo bilang isang producer.

Bumida si Ester sa mga pelikula at dulang pangtelebisyon mula 1976 hanggang 2004. Ilan sa mga ito ay ang “Anna Liza” kasama si Julie Vega,"Tang-Tarang-Tang," Home Along da Riles,”"Kaya Kong Abutin Ang Langit," "Kung Mahawi Man Ang Ulap (1984), “Paano Kung Wala Ka Na?” (1987),  "Maging Sino Ka Man" (1991) at "Ooops, teka lang... Diskarte ko 'to! (2001).  Naging patnubay din ni Ester ang direktor na si Lino Brocka, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula, sa “Orapronobis” noong dekada 80.

Lagi siyang gumaganap bilang martir na babae, ulirang ina, at lola. Kaya’t ipinakita niyang maaari din siyang gumanap bilang mapaglimi na hukom sa “Pangako Ng Kahapon" (1994) ni Joel Lamangan. Ayon kay Direk Joel, “She was a very professional actress. Pagdating sa set, naka make-up na, ayos na, alam na ang mga linya." Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit naging bahagi siya ng 56 na pelikula!

Hanggang sa edad na 87, bago dumanas ng stroke ay lingguhan pa ring naglilingkod  si Ester bilang talent ng DZRH radio station. Ligaya para sa kanya ang patuloy na magbigay-aliw sa mga tagapakinig. Ayon sa kanyang manugang na si Esther “Boots” Chavez, “She was an actor through and through, and prepared for it well with her make-up and well maintained hair. Posteryosa siya! We were telling her, ‘baka ‘yong pang-taxi mo with an assistant, mas malaki pa sa talent fee mo. But she still worked. That is her passion!... She was a true professional and looked forward to each call with enthusiasm. No matter how small the part, she gave it her 100 percent.”

Bagama’t nakaabot sa tugatog ng kasikatan, nanatiling mapagkumbaba si Ester, ang babaeng maituturing na isa sa mga haligi ng Philippine radio drama. Lagi pa rin daw itong nagugulat kapag siya ay nakikilala ng publiko, at ikinatutuwa niya kapag siya ay tinatawag na Mommy Ester.

Si Ester ay ikinasal kay Col. William Chavez (Sumalangit Nawa). Ang mag-asawa ay namuhay nang simple at tapat. Biniyayaan sila ng tatlong anak, sampung apo, at apat na apo sa tuhod. Noong Mayo 31, 2021 ay lumamlam ang kanilang tahanan nang pumanaw ang ilaw nitong si Mommy Ester sa edad na 93.


ni Beverly Wico Siy

Tuesday, May 25, 2021

Nakakasama ng Loob (Tula)

 Bihira na akong tumula. Ang huli ay noong Pasko, dahil sa Pinoy Reads Pinoy Books Book Club at kay Badong Biglaen. Pamaskong joke ang tula na iyon.

Kaya noong Sabado, kinilig ako nang makasulat uli ako ng tula sa pamamagitan ng Palihang LILA, kasama ko roon sina Crystal Tala Tanigue, May M. Dolis Ka Adelma Salvador, Tresia Traquena, Lauren Chua, Ivie Urdas, Cheska Lauengco, Kaye Oyek, Agatha Buensalida, Jil, Nikki Mae Recto, Eloisa Francia at mga ka-batch ko sa LIRA na sina Dai Canlas at Tabs Tabora.

Salamat, mga ate, tita at co-nanays!
Ang prompt ay... natatae moments, hahaha! Pakulo ni Tresia!


Nakakasama ng Loob
ni Beverly W. Siy
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Tinitibi ka na,
pero hindi naman makairi.
At baka biglang bumuka
ang tahi.
Ay, di tatahiin na naman,
panibagong tusok-hila-tusok-hila
ng karayom
sa laman?
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Muli,
solong katawan kang dadanas
ng hirap.
Muli,
hihilab ang iyong tiyan.
Puwersahang ibubuka ang balakang.
Close-open-close-open
ang mata, puke, puwitan.
Nakakasama ng loob
ang maglabas ng sama ng loob
pagkatapos na pagkatapos
magsilang ng sanggol.
Babalewalain ng iba ang iyong luha.
At pagtatawanan pa ang iyong ngawa.
Dahil ang iyong iluluwal
ay walang namang kakuwenta-kuwenta,
e.

Wednesday, April 28, 2021

Dagli Tayong Magsulat!

 

Dagli Tayong Magsulat!

ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa ating lahat. Salamat sa pagkakataon na makapagbahagi rito. Salamat kina Mam Menchi Fabro Gadon na siyang nakipag-coordinate, email, at chat mula umpisa hanggang sa makarating po ako rito. Salamat din kay Sir Sherwin Perlas at sa Romblon State University. At kay Dr. Wennielyn Fajilan sa imbitasyon na ako ay maging tagapanayam.

Ang aking talk ay tungkol sa pagsulat ng dagli. Batayang depinisyon lamang po ang aking maibibigay ngayon. Para naman sa pagsusulat natin, isang imbentong anyo ng dagli ang ating gagawin: ang COVIDagli. Magbibigay ako ng halimbawa na aking mga naisulat na at doon natin tatalakayin ang ilang elementong taglay ng dagli gaya ng tauhan, setting, dialogue at iba pa.

Sa araw na ito, tayo rin ay susulat ng dagli tungkol sa ating sitwasyon ngayon at isasalang natin sa workshop ang ilan sa mga akda.

Umpisahan na po natin.

Ano ang dagli? Meron bang gustong sumagot?

Ang kinuha kong depinisyon ay batay sa post ng National Commission for Culture and the Arts noong April 13, 2021. Mainit-init pa. So, I guess, ito ang latest. At ang sumulat nito ay si Virgilio S. Almario, National Artist for Literature. Bahagi ito ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2021 na may temang 500 Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino. Binabalikan ng NCCA ang iba't ibang porma ng panitikang siyang nagiging paraan ng makasining na pagsasalaysay sa ating kuwento at kasaysayan, mga panitikang nagsisilbi ring Sagisag Kultura ng ating bayan.

Ang dagli ay mga kuwentong mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin  noong panahon ng Americano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunang pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingaw sa Tagalog dahil nagpapahayag lamang ng pagsinta.

Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Español. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pag-kakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile.

Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Español. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Americano. May mga dagli na isinulat sa Español at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento. (VSA)

(Source: daglî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dagli/)

Ayon din sa makata at manunulat na si Alejandro G. Abadilla (AGA), ang mga daglî ay didaktiko o “nangangaral” o nagsesermon.

Sa Ingles, ito ay sketch, flash fiction, short short story, sudden fiction, micro fiction.

Sa Pilipinas, ang ilan sa mga kontemporanyong manunulat ay tinawag itong:

1.       kuwentong paspasan, at;

2.       kislap, na inimbentong katawagan ng makatang si Dr. Michael Coroza mula sa pinaikling kuwento sa isang iglap.

Maraming Pilipino ang mga nagsulat ng dagli. Narito ang ilang may-akda at libro, ayon sa saliksik ni Dr. Vim Nadera:

a.       Fast Food Fiction Short Short Stories To Go, 2003

b.      Roland Tolentino, Sakit sa Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis, 2005

c.       Alwin Aguirre, Semi-kalbo at iba pang kwento, 2005

d.      Eros Atalia,  Manwal ng mga Napapagal Kopi Teybol Dedbol Buk, 2006

e.      Biyaheng FX Round Trips to Pinoy Life, 2006

f.        Roland Tolentino at Aristotle J. Atienza,  Ang Dagling Tagalog 1903-1936, 2007

g.       Vicente Garcia Groyon III, Mga Kuwentong Paspasan, 2007

h.      Abdon Balde Jr., 100 Kislap, 2011

i.         Eros Atalia, Wag Lang Di Makaraos: 100 Dagli (Mga kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay), 2011

j.        Jack Alvarez, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga, 2012

k.       Eros Atalia, Taguan-Pung: Manwal ng Pagpapatiwakal, 2014

 

Ngayong araw na ito, ang ituturo ko at tatalakayin nating halimbawa ay isang imbentong anyo ng dagli. Ito ay ang COVIDagli, inimbento ni Dr. Vim Nadera, Jr. at ginawang patimpalak sa pagsulat noong Abril 2020 sa umpisa ng COVID crisis. Ito ay mayroong 19 lamang na salita.

Sumali ako sa inorganisang patimpalak ng Foundation AWIT at Rappler. I was able to submit 39 entries at isa rito ang nagwagi! Narito ang COVDagli ng isa pang nagwagi, si Glen Arenas, isang estudyante sa Taguig.

‘Tol, nagkatay ako ng baboy.

Pahingi naman nang kaunti. Pang-ulam lang.

Kung puwede nga lang. Kay misis itong alkansiya.

Sa larangan ng panitikan, puwede tayong mag-imbento ng mga anyo, gaya ng COVIDagli. Ganito ang ating isusulat at isasalang sa palihan. Binubuo lamang ito ng 19 na salita.

Magpunta na tayo sa mga halimbawang aking kinatha para talakayin ang elemento, tono at iba pa.

Elemento: Tauhan

Aruy!

 

Ate!

 

Aguy!

 

Anyare?

 

Nalaglag ako!

 

Unang araw pa naman ng klase.

 

May signal. Pero sa bubong lang kasi.

 

Sa COVIDagli na ito ay ang mga tauhan ay posibleng mag-ate, at ang ate ay estudyante na nais sumali sa mga online activity sa eskuwela sa unang araw ng klase. Posibleng tagaprobinsiya ang mga tauhan dahil sa hina ng signal.

Elemento: Tauhan

"Batchmate, 'musta na? Ngayong lockdown, WFH ka?"

"Work from home ako noon pa. Linis, luto, laba, para sa pamilya."

Ang akdang ito ang tanging entry ko na nanalo sa patimpalak na COVIDagli. Ang tauhan dito ay magka-batchmate sa eskuwela at ang isa sa kanila ay sa bahay at siyang nag-aasikaso ng domestikong mga gawain ng kanilang pamilya. Posibleng ito ay isang housewife at nanay, na laging nagtatrabaho sa bahay para sa sariling pamilya, pero wala namang natatanggap na sahod o income. This COVIDagli also  comments about the reality of unpaid domestic labor that is usually shouldered by the housewife/mother.

Elemento: Tauhan

"Till death do us part."

Sabay silang pumikit.

At bumulusok ang kinakapitan nilang kamay diretso sa tambak na hugasin.

Ang tauhan ng dagli ay maaaring hindi tao. Sa example ko na ito, ang tinutukoy kong tauhan ay mag-asawang virus na nakatuntong sa isang kamay at ang kamay ay papunta na sa lababo upang maghugas ng plato.

Elemento: Setting

Sa gate, bumaba ng van ang mga doktor.

"Ambilis naman."

"Napakaganda!"

"Maaliwalas!"

"Pa-log in po," sabi ni San Pedro.

Sa dagli na ito, ang setting ay ang gate ni San Pedro sa langit. Ni-reveal ko lamang sa dulo ang tunay na setting upang ang unang maisip ng reader, pagkabasa sa unang linya, ay field trip lamang ito ng mga doktor sa isang lugar na maganda. Pero ang totoo, sila pala ay mga pumanaw na at ina-admit na sa langit. Tungkol ito sa sabay-sabay at sunod-sunod na kamatayan ng mga doktor at iba pang frontliner sa ospital. Dahil sa COVID virus.

Elemento: Dialogue

“Sa rapid test?”

 

“Negatib.”

 

“Swab test?”

 

“Pasitib. Ba’t po magkaiba ang resulta?”

 

Walang maisagot ang doktor sa bagong pasyente.

 

Sa dagli ay puwedeng gumamit ng dialogue upang magpadaloy ng kuwento. Sa halimbawa ay makikita ang dialogue ng doktor at ng bagong pasyente sa mga COVID test result na di nagtutugma.

Elemento: Banghay

Nawawala ang ilang doktor at siyentipiko.

Dahil ang natunton nilang puno't dulo ay hindi palengke kundi isa ring laboratoryo.

Gaya rin ng maikling kuwento at nobela, kailangang may banghay ang dagli. Sa halimbawa, dalawang pangungusap lamang ito pero naikuwento ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari:

a.       Nagtatrabaho ang ilang doktor at siyentipiko

b.      At natunton nila ang puno’t dulo ng sakit na kanilang iniimbestigahan

c.       Nagulat sila dahil hindi pala totoong sa palengke ito nagmula (may reference sa balitang sa mga ibinebentang paniki sa palengke ng Wuhan, China)

d.      Ito pala ay nagmula sa laboratoryo, na ibig sabihin ay man-made.

e.      At biglang nawala ang mga doktor at siyentipiko nang matuklasan nila ito.

Elemento- Conflict

"Ayin, lumabas ka't bumili ng suka."

"'La, bawal na raw ang bata."

"Punyeta! Pa'no na? Bawal din ang matanda!"

Importante ang conflict. Madalas, kapag walang conflict, wala ring kuwenta ang isang kuwento. Sa halimbawa, makikita na ang conflict ay human versus law. Nangangamba dahil hindi makalabas upang makabili ng mga batayang pangangailagan si Ayin at ang kanyang lolang senior citizen, bigla kasing nagkaroon ng batas na: Bawal lumabas, bawal lumabas!

Bukod sa elemento, magbabahagi pa ako ng ilang sangkap at teknik.

Anyo- Listahan

Sa modules, ito ang ginawa ni Teacher 1:

 

Sulat-sulat.

 

Edit-edit.

 

Proofread-proofread.

 

Submit-submit.

 

Pagka-print, si Master Teacher ang nasa credit.

 

Puwedeng gumamit ng iba’t ibang anyo para ilahad ang dagli. Sa halimbawa kong ito, gumamit ako ng listahan. Nilista ko ang mga hakbang na pinagdadaanan ng isang module habang ito ay ginagawa.

Anyo-advertisement

Wanted: Bakuna Kontra-COVID

Pabuya: 10 M sa makakaimbento.

Para sa mga karagdagang detalye, tumawag na agad sa PNP Hotline.

Sa halimbawang ito ay ginamit ko naman ang anyo ng advertisement para ilahad ang pabuya ng gobyerno sa sinumang makakatuklas ng bakuna kontra sa COVID.

Tono-Nagpapatawa

"Nag-ikot-ikot ako sa buong Pilipinas bago ako nanganak. Kaya baby Luzviminda po, Dok."

 

"Kayo naman, Misis."

 

"Baby Checkpoint po."

 

Hindi naman kailangang seryoso lagi ang tono ng dagli. Puwede ring magpatawa. Sa halimbawa ay ginawa kong biro ang limitasyon sa paglalakbay ng mga mamamayan dahil sa mga checkpoint at lockdowns. Noon ay malaya tayong nakakarating sa Luzon, Visayas at Mindanao (Luzviminda). Ngayon ay hanggang checkpoint na lamang tayo.

Tono-Balintuna

Salamat sa mamisong sitsirya.

 

Pinakamurang ulam, walang sinabi ang karinderya.

 

Bawat araw, isa.

 

Iwas-utang hangga't may barya sa bulsa.

 

Isa sa pinakamahirap ipaliwanag ang tonong balintuna. Sa halimbawa ko, makikita na nagpapasalamat pa ang persona sa mamisong sitsirya dahil hindi lamang ito sitsirya kundi ulam na rin! Ito ay ikinumpara pa niya sa mga pagkain sa karinderya (na kung tutuusin ay murang-mura na rin) at nagmamalaki pa siya na parang may premyong taglay dahil pinakamura (sa lahat ng ulam) ang kanyang pagkain. Ang tono ay masaya at nagpapasalamat, ngunit kalunos-lunos at sagad sa kagipitan ang sitwasyon ng persona. Ito ay isang balintuna.

Tayutay- Personipikasyon

"Mag-iisang linggo."

"Ikaw naman?"

"Dalawa. Nakapasok na kapanabayan ko. Nasinghot."

Panatag silang naglibot sa face mask ng isang basurero.

Sa dagli, maaaring gumamit ng tayutay na kadalasang ginagamit lamang sa tula. Sa halimbawa, nag-aasal-tao ang mga virus na nasa face mask ng isang basurero. Nagkukumustahan sila, nagkukuwentuhan at namamasyal, parang karaniwang tao lamang. Ito ay personipikasyon.

Alam ng bayan

Panay ang selfie ng janitor sa piling ng malalaking paruparo.

Siya ay natigilan, at payukong lumabas ng doctors' lounge.

 

Dahil masyadong maikli ang dagli, kailangan ding gamitin bilang puhunan ang kaalamang-bayan at ang mga bagay na karaniwan nang batid ng taumbayan. Halimbawa niyan ay ang mga pamahiin. Sa halimbawa, ginamit ko ang paruparo upang maging simbolo ng kaluluwa ng mga namayapang doktor na bumisita at nakipag-selfie sa janitor.

Alam ng bayan

 

Nag-umpisang biro ang lahat.

 

Kaya mabaliw-baliw sila sa laboratoryo nang mawala ang sipon ng dagang nilulong nila sa methamphetamine.

 

Hindi lang pamahiin ang alam ng bayan. Isa pang halimbawa ng alam ng bayan ay ang current events. Dito sa huli nating dagli, itinatanghal ko ang methamphetamine (scientific name ng shabu) bilang gamot sa COVID. Alam ng lahat na ang kasalukuyang pamahalaan ay napakatindi sa drug war. Galit at gigil sa droga. Kinikiliti ko ang imahinasyon ng mambabasa by asking ‘what if shabu ang gamot sa COVID? Ano ang gagawin ng presidente?’

Dito po nagtatapos ang aking mga halimbawa. Natalakay po natin ang sumusunod:

a. Kahulugan at maikling kasaysayan

b. mga manunulat at libro ng dagli sa Pilipinas

c. COVIDagli

d. Mga halimbawa at elemento

e. Anyo, Tono, Teknik at iba pa

 

Kayo po ay aatasan nang magsulat ng sariling COVIDagli at isasalang natin ang mga ito sa palihan.

Maraming salamat.

Kung may tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com. Puntahan ang aking 12 year-old blog, ang www.babe-ang.blogspot.com for some writing tips.

 

 

 

Ang dapat na itinuturo sa reading at writing classes

 Para sa akin, ang dapat ituro sa reading at writing classes ay hindi lamang who's who ng panitik o what's what ng mundo ng malikhaing pagsulat. 


Dapat ang main na itinuturo ay kung paanong kumatas ng kabuluhan. At kung paanong magtapon ng basura. In short, skill. Skill ang main lesson. 


Hindi natin kontrolado ang binabasa at pinapanood ng estudyante. 


Pero kung tuturuan natin siya kung paanong salain ang mga bagay na kapaki-pakinabang para sa kanyang sitwasyon at itapon ang pinagsalaan ng katas, anuman ang iharap sa kanyang babasahin o viewing material, matalino niyang dadanasin ito. 


This way, makakampante tayo. Na yumayabong ang utak at puso ng ating estudyante mababad man siya sa karaniwan at pangmasang materyal.

Tuesday, April 27, 2021

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops

Sa pag-select ng fellows para sa writing workshops, hindi ako naniniwala na dapat maging batayan ang husay at ganda ng mga librong binabasa ng isang aplikante. 


May issue ng accessibility. Sino ba ang may access sa mahuhusay at magagandang libro? At gawin nating mas basic: sino ang may access sa mga libro? Pag ito ang pinairal, marami ang maliligwak. 


Para sa akin, kombinasyon ang dapat gawing batayan: 


1. ang kakayahan ng manunulat na makapagpasok ng something new sa kanyang panulat, at


2. background


Number 1 ay  dahil sa tingin ko, dapat may bago siyang maihahain sa kapwa niya fellows. Ito ang isa sa mga ambag niya. Posibleng innovation sa wika, teknik at estilo sa pagsulat, paksa, impormasyon, proseso ng pagsulat, at iba pa.


Number 2 ay dahil sa tingin ko, kapag magkakaiba ang background ng mga fellow, mas marami silang matututuhan sa isa't isa. Posibleng magkakaiba sila ng edad, relihiyon, trabaho o okupasyon, gender (yes, huwag puro lalaki), civil status (single, may asawa, hiwalay, separada, balo, complicated, etc.), rehiyon, wika, kakayahan sa buhay. Dito mamumulat ang fellows na ang mga akda ay nagmumula sa ganito ka-diverse na uri ng tao. Na siya ring magiging mambabasa ng kanilang akda.


Noong maging fellow ako sa UP Writers Workshop, ang unang workshop na nasalihan ko, tula ang aking ipinasa. Ang mga tula ko ay nakabatay sa kanta at tulang bayan gaya ng Doon po sa Amin at Inday, Inday sa Balitaw. 


Ilang araw bago umakyat ng Baguio kung saan gaganapin ang workshop, nakasalubong ko sa departamento ng Filipino sa UP si Sir Vim (na guro ko) at si Sir Rio. Iyon ang unang pagkakataon na nakilala ko siya. Hindi pa siya national artist noon. Ipinakilala ako ni Sir Vim. Tanong ni Sir Rio sa akin, ikaw pala ang sumulat ng mga tulang iyon! Sino ang binabasa mo? Natameme ako. Sino? Sino raw? Aba, malay ko. E, sino nga ba ang sumulat ng mga kanta at tulang-bayan na aking binabasa noon sa mga children's book sa Educ Library? Sino nga ba ang sumulat ng mga akdang ginawa kong batayan ng aking mga tula? Tanong uli ni Sir Rio nang hindi ako makaimik, binabasa mo ba si Teo Antonio? Si ano, si ano? May dalawa pa siyang binanggit, kaso di ko na maalala ang pangalan. Sir, hindi po. Hindi rin po. Iyon lamang ang mga nasabi ko. Napangiti si Sir, pero kitang-kitang nadismaya siya sa mga sagot ko. Nakadama ako ng pagkapahiya. 


That was 19 years ago.


Napaisip tuloy ako kung sino nga ba ang mga binabasa ko mula nang ako ay bata pa. Gosh, wala akong matandaan kundi si Xerex. Ito ang aking reading history: novena, mga Penthouse ng tatay ko (nakatago sa ilalim ng damitan kundi ba naman tanga, e di naabot ng mga bata?), Abante tabloid, Xerex (!), mga foreign pocketbook ng tatay ko, textbooks, Lakbay-Diwa sa Tempo, mga tula sa yearbook ng pinsan kong Chinese, Sweet Valley Twins, Nancy Drew, tiglilimang piso na nobeleta, Tagalog romance pocketbooks (Tagalog pa ang tawag diyan noon), Funny komiks, Hiwaga komiks at iba pang Tagalog komiks. Sa kolehiyo, puro required readings na kami. Mas lalo akong walang natandaan, ganon yata ano, kapag required?


Ngayon, ngayong matanda na ako at beterana na ng mga palihan, napagtanto ko na hindi kakulangan ng isang workshop fellow o ng isang writer kung hindi siya nakakabasa ng mahuhusay na manunulat o libro. Ganon talaga. 


Marami nga kasing dahilan: accessibility sa mga libro, availability ng mga libro, panahon para makapagsaliksik o maghanap ng mahuhusay, limitadong exposure sa tahanan man o eskuwela (would you believe, never kong na-encounter si Nick Joaquin sa kurso ko? Wala akong teacher na itinuro si NJ at ang kanyang  mga akda.), at iba pa.


At sa pagiging manunulat, totoong importante ang pagbabasa. Ng mahuhusay na manunulat at akda. Maraming matututuhan diyan. Estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap. 


Pero marami ding matututuhan sa tunay na buhay. 


Ang pagsusulat ay hindi lang tungkol sa estilo, pag-handle sa wika, kapangyarihan ng salita, sopistikasyon o bango ng mga pangungusap.


Tungkol din ito sa pagbabahagi ng mga natututuhan sa buhay. Therefore, tungkol din ito sa kakayahan ng tao na makatas ang kabuluhan mula sa bawat niyang danas, at ang maibahagi ito gamit lamang ang mga titik. 


Kaya importante sa akin ang background. Dahil kapag diversity ang goal sa pagpili ng writing fellows, mas even o mas patas ang playing field. Pantay-pantay lang sila, dahil magkakaiba sila. Magkakaiba sila ng karanasan. Pagalingan na lamang maglahad nito.

Sigh-long

Nami-miss ko ang bahay sa Kamias.

Mas madaling puntahan ng mga kaibigan.
Ang dami ring pinatuloy ng bahay na iyon.
Ang ka-batch ko sa unang UP Writers Workshop na nasalihan ko, si Amibel. Ngayon ay lawyer na si Amibel.
Si Vivian na assistant ni Amibel, ngayon ay nasa Norte si Vivian, happily married na.
Si
Wasi
na kaklase ko sa ilang writing subject noong college, ngayon writer na sa GMA 7.
Ang mga taga-LIRA. Minsan pa kaming nakapag-workshop doon. At bisita namin si Sir Rio.
Batch ko sa LIRA, si Ronald at ang jowa niyang high school bff ko na si Eris, sina Wasi, Dai, Beng, Tabby at Nikka.
Ang mga nagli-LIRA noon na sina Rem, taga- Batangas, Rey na taga-Lolomboy, Dagupan, at Ka Pilo na taga-Alitagtag. Sa girls ay sina Alev na taga-Infanta, Pangasinan, at si Guia na taga-Laguna.
Ang officers na sina Tata, En, Mao, Pam, nang gawin namin ang By Laws ng LIRA overnight.
Minsang din na nagdiwang doon ng kaarawan ang LIRA na si James sa pangunguna ng batchmates at kaibigan niyang sina Ina, Phillip, Debbie at iba pa.
Ang Hilakboters na sina Wennie, Rita, Haidee, Mar at Jing. Nakalikha kami ng limang libro kaka-workshop sa bahay na iyon. Overnight-an. Latagan lang ng banig, laban na. Nagmu-movie marathon pa kami, saka cook off, iyong pagalingan magluto. Siyempre, tagakain lang ako, hahaha.
Tuwing birthday ni Ej, sa bahay kami nagse-celebrate. Kahit bumabagyo, tuloy. Naalala ko pa nang mag-brownout habang kumakain ang mga bisita. Minsan, kasama ang nanay ko, mga kapatid at pamangkin. Minsan, kasama ang mga kaklase ni Ej. Dinadayo kami ng mga kaibigan ko, tulad nina Claire Agbayani kasama ang anak niyang si Gide at Claire Madarang.
Dumadalaw din doon sina Adam, Chingbee, Ken at Anna, noong baby pa sina Dagat at Ayin.
Nang mga nakaraang taon ay ang mga taga-PRPB naman. Sina Kuya Doni, Jayson Vega at Jayson Fajardo, Ronie, Clare, Ella, mag-asawang Azee at Juan, Ingrid, Po, Berto, Jhive,
Ma Erika
at marami pang iba. PRPB members ang nagbalot ng puting papel sa mga libro na ginawa naming mga table centerpiece para sa wedding namin ni Poy. Sa bahay namin lahat ito ginawa. Para kaming pabrika. I think more than 500 books ang binalot nang maghapon at magdamag na iyon. Sa dami ay kinailangan naming magrenta ng hiwalay na sasakyan para lamang madala ang books sa venue ng reception. Mabuti at katuwang namin ang PRPB sa pagbabalot. Kung hindi, walang dekorasyon ang aming mga mesa noong kasal. Nakapag-birthday din sa bahay ang isang PRPB member, si Biena. Sa Kamias din kami nagki-Christmas party at nagbu-book discussion, kapag wala kaming makuhang venue at malapit na ang book event. Nakasama namin sa aming bahay sina Noringai, Lourd (na taga kabilang kanto lang kasi), Mam Felice, at Carlo Vergara.
Naka-meeting ko roon ang writers na sina Orly, Nash, Phillip, Arvin. Madalas kong niyayaya na lang ang ka-meeting ko sa bahay kaysa magresto o coffee shop. Para mas tipid. Saka one to sawa ang oras.
Nakapag-hold din ng meetings sa bahay na ito ang Freelance Writers Guild of the Philippines at ang Gantala Press.
Nag-iimbita rin ako ng students na gustong mag-interbyu. Dalawa rito ang MA students na sina
Palmera Alvarez-Isles
at
Mayluck Malaga
ng PUP. Naalala ko, nagpangakuan pa kami ni Mayluck na iti-treat ang isa't isa ng baldeng spaghetti pag natapos ang MA. Nagpi-PhD na ngayon si Mayluck hahaha! Ako, di na nakausad. Hay.
Minsan na ring nag-meet doon ang mga kaklase ko noong high school.
Kayrami ko pang di nabanggit. Wala, matanda na ako't maraming nalilimutan.
Sana, naaalala nilang lahat ang bahay. Gaya ng pag-alaala ko rito ngayon: may sigh-long. Pinaghalong saya at lungkot.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...