Monday, June 7, 2021

Ester Chavez Obituary

 

Ester Chavez

1928- 2021

Reyna ng Dulang Pangradyo at Beteranang Aktres sa Telebisyon at Pelikulang Filipino

Naging tanyag bilang Aling Chayong ng dulang pangradyo na pinamagatang “Ilaw ng Tahanan,” si Ester Chavez ay nagsimula sa kanyang career sa showbiz nang siya ay 17 taong gulang pa lamang.

Ilang henerasyon ng mga tagapakinig ang inaliw ng kanyang tinig sa pamamagitan ng programa at mga dulang pangradyo ni Tiya Dely Magpayo. Isa na rito ay ang “Tangi Kong Pag-ibig.” Bukod sa voice talent, nanilbihan din siya sa radyo bilang isang producer.

Bumida si Ester sa mga pelikula at dulang pangtelebisyon mula 1976 hanggang 2004. Ilan sa mga ito ay ang “Anna Liza” kasama si Julie Vega,"Tang-Tarang-Tang," Home Along da Riles,”"Kaya Kong Abutin Ang Langit," "Kung Mahawi Man Ang Ulap (1984), “Paano Kung Wala Ka Na?” (1987),  "Maging Sino Ka Man" (1991) at "Ooops, teka lang... Diskarte ko 'to! (2001).  Naging patnubay din ni Ester ang direktor na si Lino Brocka, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula, sa “Orapronobis” noong dekada 80.

Lagi siyang gumaganap bilang martir na babae, ulirang ina, at lola. Kaya’t ipinakita niyang maaari din siyang gumanap bilang mapaglimi na hukom sa “Pangako Ng Kahapon" (1994) ni Joel Lamangan. Ayon kay Direk Joel, “She was a very professional actress. Pagdating sa set, naka make-up na, ayos na, alam na ang mga linya." Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit naging bahagi siya ng 56 na pelikula!

Hanggang sa edad na 87, bago dumanas ng stroke ay lingguhan pa ring naglilingkod  si Ester bilang talent ng DZRH radio station. Ligaya para sa kanya ang patuloy na magbigay-aliw sa mga tagapakinig. Ayon sa kanyang manugang na si Esther “Boots” Chavez, “She was an actor through and through, and prepared for it well with her make-up and well maintained hair. Posteryosa siya! We were telling her, ‘baka ‘yong pang-taxi mo with an assistant, mas malaki pa sa talent fee mo. But she still worked. That is her passion!... She was a true professional and looked forward to each call with enthusiasm. No matter how small the part, she gave it her 100 percent.”

Bagama’t nakaabot sa tugatog ng kasikatan, nanatiling mapagkumbaba si Ester, ang babaeng maituturing na isa sa mga haligi ng Philippine radio drama. Lagi pa rin daw itong nagugulat kapag siya ay nakikilala ng publiko, at ikinatutuwa niya kapag siya ay tinatawag na Mommy Ester.

Si Ester ay ikinasal kay Col. William Chavez (Sumalangit Nawa). Ang mag-asawa ay namuhay nang simple at tapat. Biniyayaan sila ng tatlong anak, sampung apo, at apat na apo sa tuhod. Noong Mayo 31, 2021 ay lumamlam ang kanilang tahanan nang pumanaw ang ilaw nitong si Mommy Ester sa edad na 93.


ni Beverly Wico Siy

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...